Biyernes, Mayo 15, 2015

New Life in Christ

Ang Ating Bagong Pagkatao
1 Peter 1:17–23

Ang ating bagong pagkatao ay isang bagong puso, bagong pag-uugali, at pag-ayaw sa kasalanan.  Ito ay buhay na may bagong direksyon.  Dati, ito ay naghahanap ng sariling kapakanan.  Ngayon, ang ating buhay ay nagpapasakop sa kalooban ng Diyos.  

Ang isang tunay na Kristiano ay nakadarama ng pagbabago sa sariling buhay.  Mayroon siyang kauhawan sa Diyos, sa kanyang Salita, sa pananalangin at pagsamba. Ang nais niya ngayon ay ang masunod ang kalooban ng Diyos. 

Ang paliwanag ng apostol Pedro ay kung saan naguugat ang ganitong pagbabago na nakikita sa mga Kristiano.

1. Una ito ay naguugat sa ating bagong kaugnayan sa Diyos bilang ating Ama (v.17).  At dahil siya ang ating Ama, namumuhay tayo na may malalim na takot at paggalang sa kanya (reverence).  Ito ay kung paano natin seryosong sinusunod ang bawat kalooban ng Diyos pagdating sa mga ginagawa natin sa ating buhay. At habang patuloy tayo sa pagsunod, ang ating pagkatao ay nahuhubog ayon sa ninanais ng Diyos para sa atin. 

2. Pangalawa, dahil tinubos tayo sa dugo ni Cristo (v.19).  Ang katubusang ito ay higit pa sa lahat ng kayamanan ng buong daigdig.  Ang ginamit na salita dito (lutrooo sa Greek) ay tumutukoy sa bayad upang palayain ang isang alipin o ang bihag sa digmaan.  Tayo naman, ay mga dating bihag ng "walang saysay na pamumuhay" (worthless manner of life), na namana pa natin mula sa ating mga ninuno.  At ngayon, tayo ay pinalaya na ng Panginoon. Sa ganitong paraan nagkaroon ng saysay ang ating buhay.  

Sa dati nating buhay, ang kaligayahang nadarama noon ay pawang pansamantala.  Masaya ka ng ilang sandali at pagkatapos ay babalik ka rin sa lungkot. Ang ibang damdamin sa buhay makasalanan ay mga pagkukunwaring kaligayahan.  Mga ngiti sa labi ng isang nagdurugong puso. 

Ang isang tinubos ay masaya dahil totoo siyang malaya mula sa kasalanan.

3. Pangatlong pinaguugatan ng ating pagbabagong buhay ay ang ating pagsampalataya sa Diyos (v. 21). Hindi maaring paghiwalayin ang pananampalaya sa Diyos sa pagbabagong buhay.  At kung walang pagbabagong buhay, ito ay nangangahulugan ng kawalan ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Ang pananalig sa Diyos ay pagtitiwala sa ginagawa ng Diyos para sa atin. 

4. Pang-apat, ay ang pagsunod natin sa katotohanan (v. 22).  Dahil dito, nasasabi natin na nilinis na tayo ng Diyos.  Nagiging pagkukusa na ngayon ang ating pagtalima sa kalooban ng Diyos.  Ang pagsunod sa Diyos ay hindi lamang pagbabago sa panlabas na anyo.  Ito ay naguugat sa pagbabago ng kalooban ng tao, upang ibigin ang Diyos ng buong puso.  Ang pagsunod sa Diyos ay hindi pasanin kahit gaano ito kahirap.  Sa halip ito ay nagbibigay ng kagalakan sa mga Kristiano.   

May mahalagang doktrina na nakapaloob sa ating aralin. 

Ang pagtubos (redemption) at pagbabagong buhay (transformation) ay gawa ng Diyos sa ating buhay (God's work in us).  Ngunit ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos ay katibayan ng pagkilos ng Diyos sa ating buhay (God's work through us).   Ang pagiging masunurin sa Diyos ay resulta ng sinasabi ni Apostol Pablo na "si Cristo na ang nabubuhay sa akin".  Ang kanyang mabubuting gawa ay parangal sa Panginoon at hindi niya itinuturing na sariling karangalan. 

Ang saligan natin sa katotohanan ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Ito ay itinuturing nating mga nakasulat na kalooban ng Diyos.  

Ayon sa talatang 23, "Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buhay at di nagbabagong salita ng Diyos."  

Ang Bungang Inaasahan Mula sa Pagbabago

Ang inaasahang bunga ayon sa talatang 22, ay kapag "naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan."

Ang pagbabago sa buhay ng isang Kristiano ay hindi lamang isang personal na pagbabago.  Lalo itong mapapatunayan kung ito ay magbubunga ng maayos na kaugnayan sa loob ng iglesia.  Ang pag-ibig sa kapatiran ay ang inaasahang bunga ng tunay na pagbabago dahil ito ang layunin ng Diyos para sa atin.  

Sabi ng Panginoong Jesus, "Malalaman ng  mga tao na kayo ay alagad ko, kung nagmamahalan kayo."

Mga Tanong sa Talakayan

1. Ano ang mga halimbawa ng mga "walang saysay na pamumuhay" na dating nagagawa natin at namana pa mula sa ating mga ninuno, na ngayon ay inalis na ng Panginoon?

2. Paano malalaman ng isang tao na siya ay binago na nga ng kanyang pananampalataya sa Diyos?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...