Miyerkules, Oktubre 2, 2019

October 2019 Lectionary Sermons

October 2019 Sermons
_____________________ 

POWER OF FAITH

October 6, 2019 17th Sunday after Pentecost (Green)
Lam 1:1-6; Psalm 137 (UMH 852); World Communion Sunday 2 Tim 1:1-14; Lk 17:5-10

Minsang tinanong si Jacob Peterson, isang kilalang speaker at lecturer, tungkol sa paniniwala sa Diyos. Wika niya, "If you believe in God, how does that affect you? How does that affect how you act? Does your belief in God make you a good person?"

Sa unang Linggong ito ng Octobre, kasama ng lahat ng Kristiano sa buong mundo, ipinag-diriwang natin ang World Communion Sunday.  Ipinapahayag natin ang ating pananampalatayang Kristiano sa buong mundo. Ipinapahayag natin kung ano ang kahulugan ng pananampalatayang Kristiano.

Tulad ng mga Judio, ang ganitong paniniwala ay nagsasabi na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang paniniwala sa isip, kundi pa naman, ito ay nagbubungang gawang kabutihan. Sa Linggong ito, tatalakayin natin ang sermon ang tungkol sa Pananampalataya ng mga Alipin ng Diyos.

Dahil bilang mga tagasunod ni Cristo, ang ating pananampalataya ay dapat nagbubunga ng mabuting gawa.  At ito ay dapat makita sa ating malasakit sa kapwa, tulad ng Kwento ng Mayaman at si Lazaro. Tulad ng pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin.  Ito ang tinutukoy na pananampalataya ng ating Panginoong Jesus.  Ito ang pananampalatayang nakikita sa gawa.  Dahil ang pananampalatayang walang gawa ay patay.

1. Ang Pananaw ng Pananampalataya

Ang Pananampalataya ay Nagbibigay ng Positibong Pananaw sa Panahon ng Paghihirap
(Panaghoy 1:1-6, Awit 137)

Mababasa sa Panaghoy 1:1-6 ang kwento ng paghihirap na naranasan ng bayan ng Judah dahil sila ay kinubkob ng mga kaaway.  Sila ay pinagpapatay, ang iba ay ginawang alipin at winasak ang templo at iba pang mahalagang gusali.

Sa isang banda, maaring makita ang ganitong karanasan bilang pagkatalo, at wakas ng kasaysayan.  Ngunit sa paningin ng isang sumasampalataya sa Diyos,

a.) maaring ang ganitong karanasan ay tignan bilang pagtutuwid ng Diyos sa isang pagkakamali sa halip na ituring itong pagpaparusa sa isang kasalanan.  Sa kawalan ng pananampalataya, maaring sisihin ng isang tao, at parusahan ang sarili sa paniniwalang dapat siyang parusahan.  Ngunit ang Diyos ay nagtutuwid at nagbibigay ng isa pang pagkakataon sa bawat pagkakamali.

b.) maaring tinuturuan ng Diyos ang sumasampalataya upang magbago ng pasya at magbalik loob sa Panginoon.  Sa pananampalataya, nakikilala natin ang Diyos bilang gabay ng ating buhay at kasaysayan.  Maging sa ating pagkakamali, inaakay tayo ng Diyos tungo sa ating ikabubuti.

Sa Awit 137, inilalarawan ang pagkawasak ng templo at ang pangingibang bayan ng mga Judio dahil sa pagka-alipin.  Ang templo, ang pag-awit ng papuri sa Diyos, ang dating magandang buhay sa Israel ay naging ala-ala na lamang.   Ngunit sa pananaw ng isang sumsampalataya, ang ganitong karanasan ay bahagi lamang ng pagkilos ng Diyos tungo sa ikagaganda ng bukas.

Kapag nakakaranas ka kapatid ng mga pagsubok at mabibigat na karanasan, manatili ka nawang umaasa sa kabutihan ng Diyos.  Sa halip na sisihin ang sarili, o ang ibang tao, sumampalataya ka nawa na ang Diyos ay mabuti at tapat, upang patawarin ka, at tulungan ka na makarating sa mabuting bukas na kaloob ng Diyos para sa iyo.

2.)  Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya

Nais ko pong lumipat tayo sa ating pagbasa sa Lucas 17:5-10.

Dito, mababasa natin ang pakiusap ng mga alagad - "Dagdagan mo po ang aming pananalig."


Huwag sana nating kalilimutan na ang "pananalig" sa Biblia ay kakayahan upang gumawa ng mabuting pasya at gawa.  Sa nakaraang kwento, ang  mayaman ay hindi nagpasya upang tulungan ang pulubing si Lazaro.  Nagturo din si Jesus ng pagpapatawad ng pitumpung maikapitong (70 x7) beses.  Dahil ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay pagkilos para sa ikabubuti ayon sa kalooban ng Diyos. 

Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.” 

Ang sikomoro ay malaking puno.  Ngunit higit na makapangyarihan na ang maliit na pananampalataya. Ang pananampalataya kung gayun,

        - kung ito ay tunay!
        - kung ito ay buhay!
          ito ay makapangyarihan!

Kung ito ay pananampalatayang may gawa.  Kung ito ay pananampalatayang hindi sa isip lamang, kundi nakikita sa gawa - ito ay magiging makapangyarihan.  Kaya nitong alisin ang mga hadlang. Kaya nitong baguhin ang takbo ng ating buhay.

3.) Halimbawa ng Tunay na Pananampalataya

Sa susunod na bahagi, nagsalita ang Panginoon tungkol sa kwento ng isang alipin.

Sa biglang tingin, ang kwentong ito ay parang hindi kadugtong kwento tungkol sa pananalig.
Ngunit ito ay isang halimbawa ng tunay at buhay na pananalig sa Diyos.

Dahil ang tunay na nananalig sa Panginoon ay nagpapa-alipin sa Diyos!
Siya ay pag-aari ng kanyang Panginoon.  Wala siyang karapatan para sa sarili!
Hindi siya  naghahanap ng sariling kaligayahan!
Ang tanging kaligayahan niya ay ang maglingkod sa kanyang Panginoon!

Siya ay nagtrabaho sa bukid.
Umuwi siyang pagod, ngunit kailangan siyang maghanda ng pagkain para sa kanyang amo.
Maaring habang kumain ang kanyang amo, siya mananatiling naglilingkod.
Pagkatapos kumain ng kanyang amo, lilinisin niya ang pinagkainan ng kanyang amo.
Kung may matitirang pagkain, siya ay kakain.

Pagmasdan ninyo ang sabi ng Panginoong Jesus sa susunod na talata, "10 Ganoon din naman kayo; 

kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’” 


Ang mga tinutukoy na "kayo" ay mga alagad na sumasampalataya. 


Ang pagpapa-alipin bilang lingkod ng Diyos ay ating pagpili.  Hindi tayo pinilit na gawin ito. Sa tunay na Kristiano, ang paglilingkod sa Diyos ng walang kapalit ay ang siyang tunay na nagbibigay ng kaligayahan at kahulugan sa buhay. Ito ang tunay na kapahayagan ng pananampalataya. 


Kumusta mga kapatid ang ating pananampalataya? 

Ito ba ay nagbubunga ng mabuting gawa? ang pagsunod sa Diyos? 
Binabago ba ng ating pananampalataya ang ating kalagayan bilang mga alipin ng Diyos?

Nais ko po kayong anyayahan na maglingkod tayo sa Diyos...

        kahit walang bayad...
                     walang parangal....
                             maaring walang pagkilala sa ating mabuting gawa...
                                para lamang sa Diyos....para sa kanyang kapurihan lamang.

Nais ko pong tapusin ang ating mensahe sa pamamagitan ng isang quotation mula kay John Wesley. 


“Do all the good you can,

By all the means you can,
In all the ways you can,
In all the places you can,
At all the times you can,
To all the people you can,
As long as ever you can.”

Ito ang tunay na pananampalataya mga kapatid. 

1.)   Nagbibigay ito ng mabuting pananaw sa buhay. 

2.)  Ito ay may kapangyarihang bumago ng ating buhay. 
3.)  at panghuli, ito ay nagbubunga ng tapat na pagsunod sa Diyos.  Dahil ang tunay na pananampalataya ay nagbubunga ng mabuting gawa.  At magiging mabuti lamang ang ating mga gawa kapag marunong tayong sumunod sa Diyos bilang mga alipin ng ating Panginoong Jesus. 

Mayroon po ba tayong pananampalataya? 

Ipakita po natin ito.  
Isabuhay natin ito. 
At mararanasan natin ang kakaibang kapangyarihan ng ating pananalig. Amen. 



_____________________________   



(FAITH AND HOPE) HOPE FOR THE FAITHFUL



October 13, 2019 18th Sunday after Pentecost (Green)

Jeremiah 29:1, 4-7; Psalm 66:1-12 (UMH 790); 2 Timothy 2:8-15; Luke 17:11-19

May mga bagay na nagaganap sa ating buhay na hindi madaling tanggapin.  Ngunit kung makikita natin ang layunin ng Diyos kung bakit ito nangyayari sa atin, maaring magbunga ito ng mas malaking pag-asa.

Gagamitin natin ang apat na pagbasa sa Biblia ngayong umaga.

Sa Jeremiah 29:4-7, sinulatan ng Propeta ang mga lider at mamayan ng Israel, na tanggapin ng mga Israelita ang pagsakop sa kanila.  Na sikapin nilang mamuhay ng matiwasay sa Babylonia.

Sa Awit 66:1-12, mababasa ang awit ng pagpupuri sa gitna ng mga pagsubok.

Sa 2 Timothy 2:8-15, mababasa rin na si Timoteo, (ang batang pastor) ay pinayuhan ng kanyang mentor na si San Pablo.  Sinasabi ni Pablo na magdaranas ng pagsubok si Timoteo sa kanyang paglilingkod, at kailangan itong magpatuloy sa kabila ng mabigat na pagdadaanan nito.

Sa Lucas 17:11-19, mababasa natin ang kwento  ng Sampung ketongin, na nagdurusa dahil sa kanilang karamdamn.  Ngunit ang kanilang karamdaman, ay naging daan upang nakatagpo nila ang Panginoong Jesus.

Handa na po kayong makinig?
Sa umagang ito, naniniwala po ako na kahit ano pa ang ating kalagayan sa buhay,
maaring may problema ang iba sa inyo...
maaring nagpunta kayo dito, dahil amay mahalaga kayong idadalangin sa Diyos,
naniniwala po ako na tutulungan kayo ng Diyos.

1. May Pag-asa ang Taong May Pananampalataya

Ganito ang sulat ni Jeremias sa mga Israelita.


“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad.
Sinasabi ng sulat na,   
Magpayapa kayo.  Mamuhay kayo ng panatag....  Huwag kayong maghihimagsik sa mga sumakop sa inyo...
a.) Gamit ang Pananampalataya, nagkakaroon tayo ng lakas na tanggapin ng maluwag sa ating puso ang ang mga katotohanang nagaganap sa buhay (kahit pa ang mga ito ay masasakit o mahirap).  

May mga bagay na sadyang mahirap tanggapin.  May mga nagkakasakit ng malubha (bagama't ini-ingatan ang sarili habang naglilingkod sa Diyos).   May mga nakakaranas ng sakuna o aksidente, ng biglang kamatayan ng mahal sa buhay.  May nasusunugan ng bahay, o nananakawan.  May mga business ng biglang bumabagsak. 

Sa ganitong panahon, sumulat si Jeremias upang maging matatag ang mga Israelita habang sila ay namumuhay bilang nasasakupan ng Babilonia. Hindi madali ang mamuhay sa ibayong dagat.  Tulad ng ibang Pilipino sa abroad, ang hanap-buhay, pakikitungo sa  hindi kalahi, at pagtatagumpay sa trabaho ay hindi madali. 


At ito ay isang mahirap a katotohanan sa ating buhay sa kasalukuyan bilang isang bansa. Ngunit ito ang katotohanan na dapat nating tanggapin. 


Salamat na lamang at mayroon tayong pananampalataya sa Diyos na nag-iingat sa ating mga kababayang malayo sa ating bansang tinubuan.  May patotoo ang marami sa Middle East kung paano sila nanatiling matatag habang  malayo sa pamilya.  Ang pagsamba at mga Bible Studies.  Ang  mga prayer meetings sa kanilang mga tinutulugang quarters.  Naranasan nila ang Diyos na kumikilos, nagpapalakas sa kanila habang nasa ibayong dagat. 


2.)  Laging  Pag-pupuri sa Diyos ang  mga Sumasampalataya


Ito naman ang nilalaman ng Awit 66:1-12.  Ang pag-asa ay hindi nawawala sa taong maka-diyos.  Alam nila na hindi sila pababayaan ng Panginoon. 


Noong panahon ni Hitler, may mga Judiong dinakip at kinulong. Marami sa kanila ang namamatay araw-araw.  Kasamang nakulong ang Kristianong si Dr. Victor Frankl.  Napansin ng doktor na sa gitna ng malagim na karanasan ng mga bilanggo, nakakaya nilang umawit, magsaya at magdiwang.  Napatunayan niya na kahit nakakulong  ang mga taong ito, hindi nakabilanggo ang kanilang  mga damdamin at puso.  Dahil  nagagawa nilang maging malaya sa kanilang kulungan.


Habang nasa malayong lugar, ang mga Isrealita ay patuloy sa pagpupuri at pasalalamat sa Diyos.  


"Sumigaw sa galak! Ang lahat ng nilalang! Purihin ang Diyos na may kagalakan!" 


Ito ay awitin ng mga bilanggong Israelita sa bansang sumakop sa kanila.  Sila ay namuhay bilang mga tinuring na second class citizens sa bayan ng Babilonia. Gayunman, hindi ito naging hadlang sa kanilang pagpupuri sa Diyos. 


Sa sulat ni Jeremiah, hinihikayat sila na magsikap, magpamilya at magtagumpay sa ibang bansa.  


Ito ang pag-asang dala ng pananampalataya.  Maari tayong magtagumpay saan man tayo naroroon. 


3.)  Laging  Pag-asang Dala ang Diyos sa mga Sumasampalataya


Panghuli sa ating pagbasa sa Ebanghelyo, matutunghayan natin ang Sampung Ketongin.  Kawawa ang kanilang kalagayan.  Tulad ng mga Judio sa Babylonia, ang mga ketongin ay tinuring ding  mga Second Class citizens sa New Testament.  Pinaniniwalaan na kaya sila nagkasakit ay dahil sa kanilang kasalanan.  Sila ay hindi pinapayagang maki-halubilo sa publiko. Kailangan silang magtakip ng mukha.  Sila ay tinuturing na nakakadiri at lubhang makasalanan.


Sa ganitong realidad ng karamdaman, natagpuan ng mga ketongin si Jesus.  Lumapit sila sa Panginoon at humingi ng tulong. 


May kwento tungkol kay St. Francis of Asisi kung paano niya naranasan ang presensya at pagtawag ng Panginoon.  Sa simula ng kanyang ministeryo, naranasan ni Francis ang makatagpo ang isang ketongin.  Iniwasan siya ng ketongin, ngunit nagpumilit lumapit si Francis.   Niyakap ni Francis ang ketongin.  Dahil dito, naramdaman ng ketongin ang tunay na pagmamahal at pagtanggap.    


Lingid sa damdamin ng ketongin, may naramdaman din si Francis. 


Naramdaman ni Francis na nagawa niyang sumunod kay Jesus na tumatanggap sa mga taong tinatalikuran ng sambayanan.  Nagawa niyang tanggapin at mahalin ang mga taong uhaw sa pagmamahal ng Diyos.  Nagawa niya, na sa halip na mandiri at matakot - nagawa niyang sumunod sa mga yapak ni Jesus. 


May mga tao na naghahanap ng tunay na pag-asa mula sa mukha ng Diyos.  Ngunit tayong mga alagad ang mukha ng Diyos sa sanlibutang ito.  Maari makita ng mga tao ang Diyos kung siya ay nasa atin. 


May tunay na pag-asa sa pananampalataya sa Diyos.  Lumapit ang mga ketongin kay Jesus at hindi sila nabigo. Sila ay pinapunta ng Panginoon sa pari upang lalong mapatunayan ang kanilang paggaling.  Kaya pumunta ang mga Judiong ketongin sa templo ng mga Judio. 


Ngunit ang isa ay Samaritano.  Hindi siya maaring tanggapin sa templo ng mga Judio kahit siya ay magaling na. Kaya siya ay bumalik kay Jesus upang magpasalamat.  Lalong natuwa ang Panginoon sa kanyang ginawa.  Dahil sa kanyang ginawang pagpapasalamat, hindi naging hadlang ang kanyang pagiging Samaritano upang makalapit siyang muli kay Jesus.    


Anuman ang iyong kalagayan sa buhay, huwag ka sanang mawalan ng pag-asa. 


1.)  May Pag-asa ang Taong May Pananampalataya

2.)  Laging  Pag-pupuri sa Diyos ang  mga Sumasampalataya
3.)  May Pag-asang Dala ang Diyos sa mga Sumasampalataya

Hinihintay tayo ng mga tao na dalhin natin ang pag-asang ito sa kanila.   


FAITH AND GOD'S JUSTICE 

October 20, 2019 19th Sunday after Pentecost (Green)

Jeremiah 31:27-34; Psalm 119:97-104 or Psalm 19 (UMH 750); 
2 Timothy 3:14-4:5; Luke 18:1-8 Laity Sunday





__________________________________   

FAITH AND (TRUE) RIGHTEOUSNESS

October 27, 2019 20th Sunday after Pentecost (Green)
Joel 2:23-32; Ps 65 (UMH 789); 2 Tim 4:6-8, 16-18; Lk 18:9-14 October 31: Reformation Day



Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...