Sermon 1: Binabalak ng Panginoong Jesus sa Kamatayan ng Kanyang Kaibigan
Juan 11:1-4
Panimula:
May isang matanda sa isang iglesia na nagkasakit ng malubha. Dinala sa hospital ang matanda, at na-confine ng ilang buwan. Habang nasa hospital, nag-request ang matanda, na ibili siya ng cellphone upang may mapaglibangan. Natuto itong mag-tiktok. Nag-record din siya ng mga karanasan niya sa hospital, lalo tuwing nag-iisa.
Bago pumanaw, mayroon siyang huling habilin. "Anak, sa aking burol...panoorin ninyo ang aking mga recorded video sa aking cellphone." At pumanaw ang matanda.
Sa burol, ipinalabas ang video ng matanda. Sa screen, lumabas ang kanyang masayang mukha, at bungad niya, "HELLO! SALAMAT PO SA LAHAT NG DUMALO SA AKING BUROL! SANA PO KASAMA KAYO HANGGANG SA AKING LIBING!"
Ganun pala ang balak ng lola para sa kanyang libing. Habilin pa niya, "Bawal ang malungkot. At magsuot kayo lahat ng makulay na damit. Bawal din ang KJ."
Ano ang plano mo para sa sarili mong burol at libing?
Napaka-hirap yatang magplano para sa sariling burol o libing. Lalong hindi maaring iplano ang burol at libing ng isang mahal sa buhay. Hindi pwedeng sabihin sa asawa, "Sweetheart, ang plano ko sa libing mo..." Baka sampalin ka ng asawa mo!
Ang Plano ni Jesus Para sa Kamatayan ni Lazaro.
1. Una, nagkasakit si Lazaro, kaya pinatawag ang Panginoong Jesus. Ngunit hindi bumisita si Jesus sa malubhang kalagayan ng kaibigan niyang si Lazaro.
Malinaw na alam ng Panginoon ang kalagayan ng kanyang kaibigan. Maysakit si Lazaro. "Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito." wika ng Panginoon.
6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro.
2. Pangalawa ipina-alam sa Panginoon ang kalagayan ng kanyang kaibigan, namatay si Lazaro at inilibing.
Ayon sa talatang 11-13,
11“Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”
Sadyang may pagkakataon na ang isang mahal natin sa buhay ay ating idinadalangin, ngunit hindi sila gumagaling. Ayaw natin silang pumanaw, ngunit kahit anong gawin nating manalangin, may pumapanaw sa ating mga inilalapit sa Diyos. Bakit ito nangyayari? Ano ang plano ng Panginoon sa kamatayan ni Lazaro?
Nais ko po kayong anyayahan na makinig sa tagpong ito, dahil kayo ay malungkot. Nandito kami na inyong mga kapatid sa pananampalataya upang samahan kayo sa pananalangin. Mula pa noong magkasakit si ________________, ay kasama na ninyo kaming lumalapit sa Diyos. Nakatitiyak po ako na hindi nakalimutan ng Panginoon ang kanyang kaibigan. Hindi niya tinalikuran si Lazaro noong ito ay may sakit pa. At lalong hindi tinalikuran ng Panginoon ang kanyang kaibigan, noong ito ay pumanaw na. Ganito po ang sabi ng Biblia sa Psalm 116:15;
“Precious in the sight of the Lord is the death of his saints.”
1. Sa pagkakataon pong ito, nais kong sabihin sa inyo na mahal ng Panginoon ang yumaong si _______________. Ang kanyang pangalan ay nakasulat sa palad ng Panginoon. Hindi maaring kalimutan ng Diyos ang kanyang kaibigan. Kung maging buhok natin ay bilang ng Diyos? Kung ang mga ibon sa himpapawid ay bilang ng Diyos? Paano pa kaya ang mga kaibigan ng Diyos na kilala niya sa pangalan at buhay. “Precious in the sight of the Lord is the death of his friends.”
2. Kaya dumating ang Panginoong Jesus. During the death of his friend, he offered his presence.
Maramdaman nawa ninyo, tulad ni maria at Martha, na mahal ng Panginoon ang yumao. At maramdaman din naa ninyo, na mahal po kayo ng Panginoon. Kayo na nagluluksa. At hindi lamang kami ang kasama ninyo ngayon sa inyong kalungkutan, narito rin po ang inyong mga kamag-anakan, mga kaibigan at kapatid sa iglesia. Ngunit higit sa aming presensya, kasama natin ngayon ang Panginoon. Madama nawa ninyo ang pagyakap ng Diyos sa kabila ng inyong kalungkutan.
3. When Jesus came, he offered Martha and Mary words of assurance.
Para sa akin, mukhang may hugot si Martha sa pasalubong niya sa Panginoong Jesus. Sabi niya, "Panginoon, kung dumating ka lamang kaagad, hindi sana namatay ang kapatid ko." Hindi po ba ito salita ng panunumbat? Bakit hindi ka kaagad dumating? Ang dami mong pinagaling, bakit hinayaan mo ang kaibigan mo?
Ngunit sa halip na pagsabihan si Martha, sabi ng Panginoon, "Martha, muling mabubuhay ang iyong kapatid." At gayundin po ang dapat nating tandaan, tungkol sa yumaong _________________. Siya ay muling mabubuhay. Dahil sabi ng Panginoon, "Ang sinumang mananalig sa akin, bagamat mamamatay ay muling mabubuhay."
May pinagkaiba ang mga kaibigan ng Panginoon.
Ang sinumang mananalig sa Panginoon ay may buhay na walang hanggan (1 Juan 5:13).
Kaya may balak ang Panginoon para kay Lazaro.
4. Noon din, nagtuloy ang Panginoon sa libingan ng kanyang kaibigan. Pinabukas ng Panginoon ang libingan at tinawag ang yumao. "Lazaro, lumabas ka!" at lumbas si Lazaro, hindi isang patay. Kundi isang nabuhay na muli.
Tayo ay manalangin.
Sa kamatayan ng aming kapatid, nagpapailalim kami at nagpapasakop sa iyong kapangyarihan. Ikaw ang Diyos na nagkakaloob ng buhay. Kayo rin ang Diyos na kukuha nito. Ngunit nangako ka Panginoon na may buhay sa kabila ng kamatayan. Salamat po sa kasiguruhan na may buhay na walang hanggan para sa sinumang mananalig sa iyo.
Salamat sa buhay ng yumao. Pagpalain mo at lingapin ang kanyang mga naiwan. Bigyan mo po sila ng lakas at tagumpay upang magpatuloy sa buhay, kasama ka sa kanilang paglalakbay. Amen.
____________________________________
Sermon 2: Kamatayan ng Isang Nagmamahal sa Diyos
Gawa 7:59-60
May isang kabataang dalaga ang pumanaw. Nagkaroon ng gabi-gabing pananambahan sa tahanan ng yumao, ayon sa pakiusap ng nanay ng dalaga. Sa huling gabi bago ilibing ang yumao, nagkaloob ng 200k pesos ang nanay para sa pagawain ng iglesia. Malaking halaga ito, kaya nabigla ang pastor.
"Nanay" wika ng pastor, "napaka-laking halaga po ng inyong kaloob sa Diyos! Di yata't, higit ninyo itong kailangan, dahil nag-iisa na kayo sa buhay mula ngayon na wala na ang inyong nag-iisang anak?"
Sagot ng nanay, "Pastor, ang halagang iyan po ay inihahanda ko para sa kasal ng aking anak. Kapag mag-aasawa na siya, ito ay balak kong i regalo sa kanila. Eh, ni hindi siya nagkaroon ng kasintahan man lang. Pero, alam po ninyo, ang Diyos ang kanyang pinakamamahal sa buong buhay niya. Mula noong bata siya hanggang ngayong kabataan niya...ginugol niya ang kanyang buhay at lakas, sa paglilingkod sa Diyos. Alam ko pong mahal na mahal ng aking anak ang Panginoon."
"Kaya sa kanyang pagkamatay, pakiramdam ko...para lang siyang ikinasal sa Diyos. Kaya ibinibigay ko po sa Diyos ng buong puso ang aking anak, at ang regalo kong naipon, para sa mapapangasawa ng aking anak. "
A. Isang Nagmamahal sa Panginoon.
Si Stephen ay isang tapat na lingkod ng Panginoon. kabilang siya sa pitong piniling diakono o lingkod sa iglesia ayon sa Gawa 6:5,
Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo.Pansinin po ninyo ang katangian ni Stephen.
1. Lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos.
2. Puspos ng Espiritu Santo.
Dagdag pa rito, 3. Ayon sa talatang 8,
Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla.Pumanaw si Stephen sa paraang hindi kanais-nais.
Nasabi ni pastor sa sarili, "Pumanaw ang matanda na nananalangin."
"Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito."
May pakiusap po ako, lao sa pamilya ng yumao. Kung may nagawa po siyang pagkukulang sa inyo na kanyang pamilya, pwede po bang patawarin ninyo ang yumao. At kung nakagawa kayo ng pagkukulang sa kanya, maari po bang ihingi ninyo ng kapatawaran sa Diyos ang inyong naging pagkukulang?
Sa kamatayan ni Stephen, siya ay nagpatawad. Pumanaw siyang walang sama ng loob. Pumanaw siyang may kapayapaan. Walang galit, walang hinanakit.
Hindi po exempted sa kamatayan ang mga taong malapit sa Diyos.
Maari rin makaranas ang sinuman ng kamatayang tulad ni St. Stephen. May isang mabuting pastor, habang ito ay nasa seminary pa, pauwi siya noon, naglalakad sa isang kalye sa Manila. Bigla siyang sinaksak ng isang hindi kilalang lalaki. Pumanaw siyang at walang katarungang naigawad.
But a man of God like Stephen, he died forgiving, praying, even preaching. Trusting God that his death will not be in vain. So is the death of any person who loves the Lord.
_______________________
Sermon 3: Masayang Pagpapaalam 1
2 Timothy 4:6-8, 16-18
Kadalasan ang pamamaalam ay malungkot. Ang paglisan ng isang tao ay nagdudulot ng
dalamhati sa marami. Ngunit tayong mga Kristiano
ay may kakaibang pananaw sa kamatayan, kahit na ito ay itinuturing na
permanenteng pamamaalam ng isang mahal sa buhay. Ayon kay Apostol Pablo, “Para sa akin ang
mabuhay ay kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang.” (Filipos 1:21).
I. Ano ang Kamatayan Para kay Pablo?
Ang kamatayan para kay Pablo sa ating
aralin ay may dalawang paglalarawan: pagpanaw at inihahandog na.
A. Sabi ni Apostol Pablo, “Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw
niya sa buhay na ito.” Sa talatang ito,
ang salitang pagpanaw ay figurative speech na katumbas ng departure sa
English. Ito ay naglalarawan ng ilang
bagay;
a. pamamaalam ng isang
maglalayag sa dagat
b. babagbagin na ang tolda, para
maitayo na ang permanenteng tahanan
c. pagpapalaya ng isang bihag.
d. palayain ang isang nakataling baka
B. Ang kamatayan din ay katumbas ng
inihahandog na, naglalarawan sa alak
na ibinubuhos sa handog na susunuging
hayop sa altar (Bilang 28:7). Dito, ang
buhay ni Pablo ay isang naihandog sa altar ng Diyos. Kaya ang kamatayan para sa kanya ay hindi
wakas ng buhay kundi isang pag-aalay sa Diyos.
Ang kamatayan ay tiyak, para sa lahat. Walang hindi makakatikim ng karanasang
ito. Ngunit may kakaiba sa pahayag ni
Pablo dahil sa kanyang kasiguruhan na, “Makakamtan ko na ang koronang nakalaan
sa mga matuwid.” (v.6). Mayroon siyang
kasiguruhan ng kaligtasan.
Ang
mga ito ay ating aaralin. Ang
kasiguruhan ng kaligtasan ay katibayan na
ng ating pananampalataya ay nakasalig sa katotohanan at ito ay tunay na
maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan.
Hindi ito isang “bakasakaling” paniniwala. Ang sinumang sumasampalataya sa Panginoong
Jesus ay may buhay na walang hanggan ayon sa pangako ng Salita ng Diyos.
II. May binanggit na dahilan si Pablo sa kanyang kasiguruhan ng
kaligtasan.
A. Una, sabi niya, “Pinagbuti ko ang aking
pakikipaglaban. (v. 7)”. Ang buhay
Kristiano ay araw-araw na labanan ng buhay.
Tayo ay nasa panig ng Diyos laban sa kasamaan, kawalan ng katarungan at
pang-aabuso. Kalaban natin ang mga
kasamaan na namamayani sa mundong ito (Efeso 6:12). Bilang Kristiano, kakampi
natin ang mga mahihirap, mabubuti, balo at iba pang mahal sa Diyos.
B. Pangalawa, natapos ni Pablo ang kanyang
takbuhin.
Gamit dito ni Pablo ang larawan ng isang
mananakbo na tumatapos ng kanyang takbuhin (marathon). Hindi usapin dito kung nauna siya o
nahuli. Ang mahalaga, natapos niya ang
takbuhin, at ito ang dignidad ng kanyang buhay.
Hindi niya tinakasan ang kanyang tungkulin sa buhay dahil hanggang sa
huling sandali ng kanyang buhay, patuloy siyang naglilingkod sa Diyos.
C. Pangatlo, nanatili siyang tapat sa pananampalataya.
Ang tinutukoy na “pananampalataya” dito ay
hindi pangkalahatang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Marami kasi ang maling akala, na basta raw
naniniwala na sila sa Diyos, may pananampalataya na sila. Ito ay mali, dahil kahit si Satanas ay
naniniwala na may Diyos (Santiago 2:19).
Ang sinasabing pananampalataya ni Pablo ay
tungkol sa paninindigan sa;
a.
tamang doktrina, dahil hindi naman pare-pareho lang ang mga relihiyon. Hindi tamang relihiyon ang kahit anong
sekta. Kailangang sigurado ang bawat isa
na tama ang mga doktrina ng kanyang kinaaanibang sekta.
b.
tamang ministeryo, ang bawat isa ay may gawaing pinapagawa ng Diyos bilang
misyon natin sa buhay. Wala tayong
karapatan gamitin ang ating buhay sa anumang nais nating paggamit.
4. Panghuli, may kasiguruhan ng kaligtasan
si Pablo dahil sa kanyang pananalig sa Diyos.
Sabi niya, “Ang Panginoon ang magliligtas
sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa
kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.” (2Tim.4:18).
Ang kaligtasang sinasabi ni Pablo ay
pananampalatayang may gawa. Sinabi niya
na ang Diyos ang magliligtas sa kanya bagamat ginawa ng apostol ang kanyang
tungkulin. Hindi siya nagtitiwala lamang
sa kanyang sariling kabutihan. At ito
ang nagbigay sa kanya ang kasiguruhan ng kaligtasan sa kanyang pamamaalam.
Ang paninindigan ito ng apostol ay mababasa
rin sa Gawa 20:24, “Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawa ko
lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng
Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa
kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.”
Walang ibang inisip si Pablo kundi ang
mabuhay para maglingkod sa Panginoong
Jesus. At kung mamamatay na siya ,
paghahandog pa rin ang kahulugan ng kanyang paglisan sa mundo.
Panalo Tayo!
Ang buhay Kristiano ay buhay na walang
talo. Kamatayan man o buhay, iisa lang
ang ating patutunguhan - buhay na walang hanggan kasama ang Diyos. Para sa atin, walang masamang epekto ang
kamatayan - dahil kay Cristo maging ang kamatayan ay nagiging pakinabang.
_____________________________
SERMON 4: Matagumpay na Pamamaalam (2)
2 Timoteo 4:6-8
Ang kamatayan ay isang karaniwang karanasan ng tao. Bagamat ito ay karaniwan, hindi pa rin ito maituturing na kanais-nais na usapan tungkol sa buhay. Ang pag-usapan ang kamatayan ay isang taboo o isang pangit na usapin para sa iba. Sa ibang kultura, bawal ang pag-usapan ang tungkol sa posibleng kamatayan ng isang buhay pa. Bawal ang sabihing, “Kung sakaling mamatay ka na...”. At kung sakali ngang namatay ang taong sinasabihan, ang nagsabi ng “Kung sakaling mamamatay ka na..” ay papatawan ng parusang kamatayan.
Hindi rin karaniwan ang makarinig tayo ng
isang buhay pa na nagkukwento tungkol sa kanyang sariling kamatayan. Ngunit sa ating pagbubulay ngayon, isang tao,
si Apostol Pablo ay nagsasalita tungkol sa kanyang parating na kamatayan.
Sa kabilang banda, ang mag-isip tungkol sa
sariling kamatayan ay isang mabuting bagay.
Ayon sa Ecc. 7:2, “It is
better to go to a house of mourning than
to go to a house of feasting, for death is the destiny of every man; the living
should take this to heart.”
Kahit si Stephen Covey ay nagsasabi na
upang maging matagumpay daw ang isang tao, kailangan tayong mag-isip tungkol sa
konklusyon ng ating ginagawa o kung ano ang kahihinatnan ng ating buhay. Sabi
niya, “Start with the end in mind.”
Sa aking palagay, alam ni Apostol Pablo ang
konsepto na sinasabi ni Stephen Covey.
Dahil habang buhay pa si San Pablo, alam na niya na siya ay magkakamit
ng korona ng buhay sa langit. Siya ay may katiyakan tungkol sa kanyang
kaligtasan. Alam niya na matagumpay ang lundo ng kanyang buhay dito sa lupa.
Tunay na napakaganda, kung tayo po mismo
ngayon ay magbubulay sa ating sariling kamatayan, habang nakikiramay tayo
sa mga namatayan at pag-isipan din ang
ating sarili sa ating pagharap sa Diyos kapag tayo ay pumanaw na.
Paano mo ba nakikita ang sarili mong
pagpanaw?
Matagumpay ang pananaw ni Pablo sa kanyang
sariling pagpanaw dahil sa tatlong dahilan;
1. Una, dahil alam niyang pinagbuti niya
ang kanyang pakikipaglaban sa buhay. Ang buhay ay puno ng pakikipaglaban. Maraming hamon sa buhay na dapat nating
harapin, at kung hindi, matatalo tayo sa labanan.
Subukan mong bilangin ang pinagdadaanang
pagsubok ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Pagmasdan mo ang mga pinagdadaanang pagsubok
ng mga kabataan sa ating panahon. Mga
ama at ina na naghahanapbuhay sa ibang bansa habang ang kanilang mga anak ay
nandito sa Pilipinas at wala ang kanilang mga magulang sa kanilang tabi. Pinagmasdan mo na ba ang mga bata sa
lansangan na nagtitinda upang buhayin ang kanyang maysakit na ina at pakainin
ang kanyang mga kapatid na maliliit?
Matapos silang iwan ng kanilang ama, siya ngayon ang tumatayong taty ng
tahanan sa edad na sampu? Tingnan mo ang mga taong nagsisimba, at makikita mo
ang sari-saring tao na humaharap sa mga matitinding sagupaan ng buhay. At iniisip ng marami, “Magtatagumpay kaya ako
sa laban na ito?”
St. Paul fought a good fight. Alam niya na hindi siya sumuko. Nagtagumpay siya, hindi naman sa sarili niyang lakas. Wika niya, “I can do all things through Christ who gives me strength.”(Filipos 4:13).
Maraming pagsubok sa buhay ang pinagdaanan
ni Pablo. Iniwan siya ng kanyang mga
kaibigan. Nakulong siya at pinarusahan
ng walang kasalanan. Sa kabila ng lahat
ng ito, lumaban siya ng puspusan at nagtagumpay.
2. Pangalawa, sinasabi niya na tinapos niya
ang labanan. May mga namamatay na masaya at may namamatay na malungkot. May mga malungkot dahil alam nilang mamamatay
na sila at marami pa ang hindi nila natatapos na tungkulin sa buhay. Malapit na silang mawalan ng buhay pero hindi
pa sila tapos sa kanilang mga dapat tapusin.
Paul never had such regrets in life. May tatlong uri ng bagay na nagiging sanhi ng
mga “regrets” sa buhay. Promises na
kept, unrepented sins, and callings from God not heeded.
Mga pangako na hindi natupad, mga kasalanan na hindi napagsisihan habang
may panahon pa, at mga tawag o nais ipagawa ng Diyos sa atin na hindi natin
ginawa. Tinapos ni Pablo ang mga bagay na dapat niyang tapusin sa buhay kaya
matagumpay siyang pumanaw.
3. Pangatlo, he kept the faith. Hindi siya tumalikod sa kanyang
pananampalataya sa Diyos.
Noong maging Kristiano si Pacquiao,
tinanong siya ng isang TV host sa United States, “When you became a Christian,
you gave up cock fighting, drinking and your other vices. Then you lose a fight against to Bradley, on
a fight everybody knows you won. Then
you lose your fight against Marquez. Are you not going to go back to your
old way of life?” Malinaw na sinabi ni Manny, “No. Never..”
Maraming sinasabing dahilan ang iba kung
bakit iniwan nila ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Pero para kay Pablo, anuman ang mangyari, sa
mabuhay o mamatay siya ay sa Panginoon.
Hindi na tayo magtataka kung bakit may
katiyakan siya sa kanyang pagtanggap ng korona.
Lumaban siya ng puspusan, tinapos niya ang dapat tapusin at nanatili siya
sa pananampalataya sa Panginoon.
___________________________________
SERMON 5: To Die is Gain
Filipos 1:21
Bawat segundo ay may tatlong tao na pumapanaw sa mundo. Kaya gamit ang siyensya, pinipilit ng tao na pigilan ang kamatayan.
So far, we are successful in prolonging life, but unsuccessful in erasing death.
Nandiyan ang mga gamot at mga aparatong medikal na kahit papaano, ay nagpapahaba ng buhay. Pero, tanggapin man natin o hindi. Hindi pa po tayo nagtagumpay ang tao sa pagpigil sa pagdating ng kamatayan.
Para sa marami ang kamatayan ay nakakatakot
na katotohanan. Sa iba, ito ay
pagkalugi. Ito ay nagreresulta sa
pagkawala ng mahal sa buhay, o ng
kaibigan. Ang kamatayan o karaniwang tinatanggap ng marami bilang
isang trahedya. Ito ay masakit na karanasan sa buhay, dahil sa pagkawala ng buhay
ng isang tao.
Pero sa ating binasang talata mula sa
Biblia, ang kamatayan ayon kay Apostol Pablo ay isang pakinabang at hindi isang
pagkalugi. Marahil ito ay isang palaisipan sa atin, ngunit nais ko kayong
anyayahang magbulay sa Salita ng Diyos.
At samahan nawa tayo ng Espiritung Banal upang mabusog ang ating mga
kaluluwa.
Paano nagiging pakinabang ang kamatayan?
1. Una, pakinabang ang kamatayan para sa
mga tunay na sumampalataya na sa ating Panginoong Jesus. Nangako ang Panginoong Jesus ng ganito, “Sinumang
sasampalataya sa akin, bagamat mamatay, siya ay muling mabubuhay at hindi na
mamamatay kailanman.” Here is a promise that will never miss. Pangako ito na
hindi mapapako.
Dahil dito, ang kamatayan, ay nagsisilbing
tulay lamang sa ating pag-uwi sa ating tunay na tahanan sa langit.
2. Pangalawa, ang kamatayan ay
pansamanatalang pagtulog sa balikat ng Diyos. Sa 1 Cor. 15:51, ang kamatayan ay
sinasabing pagtulog lamang. Sa marami, ito ay nakakatakot na pagtulog.
Sa isang malayong lugar, may isang ama na
nagyaya sa kanyang anak upang samahan siya sa pagpunta sa bayan. Sa kanilang paglalakad, dadaan sila sa isang
sira-sirang tulay na kahoy. Takot ang
bata sa paglipat sa tulay, kaya hinawakan ng ama ang kamay ng bata upang hindi
ito matakot. Kaya nakatawid nga sila sa
tulay ng umagang iyon.
Sa daan pauwi, ginabi ang mag-ama. Lalong natakot ang bata dahil alam niya na
sila ay tatawid sa tulay sa gitna ng madilim na gabi. Alam ng ama ang
nararamdaman ng bata. Kay amalayo pa,
kinarga na ng ama ang bata at pinatulog niya ito sa kanyang balikat. Nakatulog ang bata habang inililipat siya ng
ama sa tulay. At ng siya ay magising -
nasa bahay na sila ng kanyang ama.
Ang kamatayan ay pagtulog sa bisig ng
Diyos, paggising isang pumanaw na anak ng Diyos, malalaman na lamang niya na
siya ay nasa tahanan na ng Ama doon sa langit.
3. Pangatlo, ang kamatayan ay maituturing
na pag-uwi sa ating permanenteng tahanan.
Sabi ng panginoon sa Juan 15:19, “Hindi kayo sa mundong ito.” Hindi nga ito ang ating sadyang tirahan, tayo
ay nilikha ng Diyos para siya ay ating makapiling. At
ang kamatayan ang tulay patungo roon.
Sabi ni Pablo, “For me, to live is Christ
and to die is gain.” Para sa kanya, ang
kamatayan ay pagtanggap ng gantimpla mula sa Diyos. Nabuhay si Pablo para sa Panginoon. Walang nasayang na bahagi ang kanyang buhay
mula ng makilala niya ang Panginoong Jesus.
May kwento ako, tungkol sa nakilala kong isang maysakit. Malubha na ang kanyang karamdaman noong siya ay aking ipinanalangin bago siya pumanaw. Halos hindi na siya makatayo sa panghihina. Umiiyak ang kanyang mga anak sa sobrang lungkot. Biglang nagsalita itong maysakit ng ganito sa aming pagkabigla, “Umiiyak ba kayo dahil inggit kayo sa akin?”
Akala ng mga anak niya, siya ay
naghihingalo. At inulit niya ang
kanyang sinabi, “Inggit ba kayo dahil
una kong makikita ang Panginoon kaysa inyo. Huwag kayong mag-alala. Uuwi na ako sa aking
Ama.” Napangiti kaming lahat. Uuwi na nga siya sa kanyang permanenteng
tahanan. Pagkatapos naming manalangin,
pumikit siya ay nalagutan ng hininga. Umuwi na siya sa kanyang Ama sa langit.
Ang ating panananampalataya sa Diyos ay
nag-aanyaya sa atin upang tignan natin sa kakaibang pananaw ang kamatayan.
Ang kamatayan ay hindi dapat katakutan
dahil ito ay pansamantalang pagtulog upang tayo ay magising sa isang buhay
kasama ang Diyos sa langit.
Ito ay pamamahinga natin sa mga pasanin sa
mundo, upang lumipat tayo doon sa isang lugar na wala ng sakit, wala ng
pighati, at wala ng kasamaang mararanasan pa.
Isang kapatid sa iglesia ang ayaw makiramay
sa mga namatayan. Takot siyang lumapit
sa patay. Kaya minsan tinanong siya ng
kanyang pastor kung bakit takot siya sa patay.
Sabi niya, “Takot po akong mamatay pastor. Hindi ko po kasi alam kung saan patutungo ang
aking kaluluwa kung sakaling ako ay papanaw.”
Ipinakilala ng pastor ang Tagapagligtas sa
nasabing lalaki. Mula noon, naalis ang
kanyang takot sa kamatayan.
__________________________
SERMON 6: Ang Halaga ng Buhay sa Mata ng Diyos
Awit 116:15
"Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat."
Sa English, “Precious in the sight of the
Lord, is the death of his saints.”
Mayroon na ngayong 7 billion population ang
mundo at dumarami pa ang mga tao sa sanlibutan.
Ngunit sinabi ng Panginoon, "Bilang ko
ang inyong buhok." Kung interesado ang Diyos sa ating buhok mas interesado
siya sa bilang ng mga nabubuhay sa lupa. Kaya nga sinabi rin niya, "Gawin
ninyong alagad ko ang lahat ng tao sa daigdig."
Dahil ang hininga nga bawat tao ay buhay sa
hininga ng Diyos. Noong ginagawa pa ng Diyos ang tao mula sa putik, hiningahan
niya ito upang magkaroon ng buhay. Dala-dala ng bawat tao ang hininga ng
Diyos. Mga, kapatid, napakahalaga mo sa
Panginoon. Ikaw at ako ay bahagi ng kanyang buhay.
Mapalad tayo na nakakilala sa Panginoon.
Dahil narinig natin ang kanyang Salita, sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo
ay naligtas. Nabilang tayo sa mga
pinawalang sala - at tayo ay pinababanal ng Panginoon. By God's mercy, from
being sinners we were turned into saints.
Pagbalik natin sa ating binasa sa
Kasulatan, ito ang paalala sa atin ng Diyos mula sa kanyang Salita.
1. 1. Even saints will experience death.
Lahat ay makakaranas ng
kamatayan. At hindi exempted sa kamatayan ang mga mabubuting tao na pinabanal
ng Diyos.
a. And being a saint means, when a person
is able to have the best in life with God.
Maaring hindi siya yumaman, o sumikat, pero nasa kanya ang pinakamabuti-
nasa kanya ang Diyos at ang kaligtasan ng buhay. Alam po ninyo, higit sa
anumang maibibigay ng mundo, ay kayang ibigay ng Diyos. Ang mundo, maari ka
niyang bigyan ng gamit, o gadget, o kayamanan, pero hindi ka niya kayang bigyan
ng buhay na walang hanggan. Ngunit ang mga pinabanal ng Diyos, they will
receive the best in life, for they have in their hearts the Creator, God
himself.
So be a saint. Take Jesus as your
Saviour. Tandaan mo kapatid, mayroon
kang kaluluwang dapat maligtas. Seek for your God and receive your salvation
from Jesus who died for your sake.
b. To be a saint, we must offer ourselves
as living sacrifices for God.
Para mapabilang sa mga banal, kailangan tayong mabuhay at kung kinakailangan ay mamatay para sa Diyos.
2. Secondly, even though saints will experience death, the Saints will also be resurrected to eternity. Ito na ngayon yung pinagkaiba ng taong pinabanal at ang taong walang Diyos. Ang buhay ng taong makadiyos ay mahalaga sa Panginoon. At gayun din, sabi ng Biblia, ang kanyang kamatayan ng isang banal ay lubhang mahalaga sa Diyos. Precious in the sight of the Lord is the death of his saints.
Kung kaya, huwag nating iisipin na hindi
alam ng Diyos ang kamatayan ng isang tao. Bagamat napakarami na ng mga tao sa
mundo, tinitignan ng Diyos ang bawat isa sa atin.
Kasama ang ating yumaong kapatid. Mahal
siya ng Diyos.
Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang
naging buhay.
_______________________________
SERMON 7: Pakinabang sa Kamatayan
Filipos 1:21
Si Fanny Crosby, ang sumulat sa mga awiting Blessed Assurance Jesus is Mine ay bulag sa buong buhay niya. Bagamat bulag, pinagkalooban siya ng galing sa paglikha ng mga awiting espiritual. Ito ang kanyang naging kabuhayan at pang araw-araw na gawain - ang purihin ang Diyos sa pamamagitan ng mga liriko na kanyang sinusulat.
Dahil bulag siya, minsan siyang tinanong: "Hindi ba siya nagtampo sa Diyos dahil siya ay bulag?"
Ang sagot ni Fanny, "Nagpapasalamat
ako sa Diyos na ako ay bulag. Dahil pagdating ko sa langit ang pinaka- unang
mukha na makikita ko ay ang mukha ng Diyos!"
Biglang tingin, ang kamatayan ay kawalan.
Yakap mo ang isang mahal sa buhay, at bigla...darating ang kamatayan at... wala na ang mahal mo a buhay.
Kausap mo lamang siya kahapon...ngayon...siyay nakalagak na sa kabaong. Wala na ang iyong kaibigan.
Ganyan ang kamatayan, kinukuha nito ang ating mga mahal sa buhay. Ang ating kasiyahan ay biglang mawawala. Para tayong kandilang naagnas sa harap ng kamatayan.
Ang kamatayan ay kawalan, pagkalugi, pagkawala ng isang mahal sa buhay.
ngunit...
Para sa isang tunay na Kristiano, ang
kamatayan ay pakinabang.
1. Una, dahil ito ay pag-uwi sa ating
permanenteng tahanan sa piling ng Diyos.
Tayo ay hindi mananatili sa mundo. Ito ay
pansamantalang tahanan lamang. Ang ating permanenteng tahanan ay ang
kalangitan. Kung kaya, ang kamatayan
para atin ay pakinabang.
2. Ang kamatayan para sa ating mga naligtas
ay pakinabang dahil ito ay pagpasok natin sa buhay na walang hanggan. Mapalad
na tayo kung ang ating edad sa mundo ay isang daang taon. Ngunit gaano man
kahaba ang buhay ng isang tao, siya ay mamamatay din. Sa langit, ang buhay ay walang hanggan kasama
ang Diyos.
3. Ang kamatayan ay pakinabang dahil
makakapiling na natin ang Diyos at makikita natin siya ng mukhaan. Nakakapiling
natin ang Diyos dito sa lupa sa pamamagitan ng pananalig. Hindi natin siya nakikita ngayon. Ngunit makikita natin siya doon sa langit.
Tunay na wala ng gaganda pa sa mukha ng
Diyos na ating mamamalas sa ating pagdating sa langit.
Isang matanda ang nagsisimba sa isang
iglesia. Napapansin ng marami na kapag umaawit ng papuri sa Panginoon, si Mang
Berting ay malakas umawit - ngunit siya ay sintudo! Wala sa tono ang kanyang boses.
Kaya kinausap ng mga ibang kaanib ang
pastor para pagbawalan si Mang Berting sa sobrang lakas nitong umawit. At gayun
nga ang balak ng pastor, kaya bumisita siya kay Mang Berting.
"Mang Berting, napansin ko po na kapag
umaawit ng mga himno, napakalakas ninyong umawit." - pasakalye ng pastor.
Sagot ni Mang Berting,
"Alam po ninyo pastor, itong
barong-barong kong ito, sabi po ng Biblia, ay papalitan ng Diyos ng mansyon sa
langit. Itong suot kong ito na butas-butas, ito po ay papalitan ng Diyos ng
telang ginto! At itong sumbrero kong luma na, ito ay papalitan ng koronang
ginto ng Diyos doon sa langit....kaya pastor, sino naman ang hindi mapapasigaw
sa tuwa!!!!????
Hindi nakasagot ang pastor. Nagpatuloy sa malakas na pagpupuri si Mang
Berting.
Kahit si John Wesley ay nagsabi, "Huwag ninyong ikahiya na lakasan ang inyong boses tuwing kayo ay umaawit ng himno para sa Panginoon."
_________________________
SERMON 8: Paalala sa Bawat Tao
Genesis 2:7
Isang mabuting kwento na may aral ang tungkol kay Alexander the
Great sa kamatayan.
Sinasabi na bago pumanaw ang dakilang conqueror, mayroon siyang
habilin.
Una, kapag siya ay ililibing, siguraduing nakalawit ang kanyang mga
kamay para makita ang kanyang mga palad.
Pangalawa, ang mga magdadala sa kanya sa libingan ay mga
manggagamot.
Nang tanungin kung bakit, ganito ang kanyang paliwanag.
Una, nais niyang nakalawit ang kanyang mga
palad upang ipaalala sa lahat na bagamat siya ay napakayaman, wala ng dadalhin
na anuman sa kanyang kamatayan.
Pangalawa, mga doctor ang magdadala sa
kanya sa hukay upang ipaalala sa lahat na walang sinumang matalinong doctor ang
makakapigil sa kamatayan ng sinumang tao.
Madalas tayong makalimot. Kaya nga sinulat
ang Biblia upang ipaalala sa atin ng Diyos ang kanyang presensya at ang kanyang
pagmamahal sa atin. Ipinapaalala rin ng Biblia ang ating mga sangkap sa ating
katawan at ang ating espiritu, upang lalo natin makita ang pagpapahalaga ng
Diyos sa atin.
Ang Genesis 2:7 ay paalala sa ating
pinanggalingan - na siyang ating kahihinatnan...ang lupa.
· 1. Una, galing sa alabok, tayo ay
babalik sa alabok.
· 2. Pangalawa, ang ating hininga ay
mula sa Diyos, at ito ay babalik sa Diyos.
· 3. Pangatlo, may simula ang buhay
at ito ay may hangganan.
Aralin natin ito isa-isa. Pagpalain nawa tayo ng Diyos sa pakikinig ng
kanyang salita.
1. Una mga kapatid, kapag inalala natin ang
kamatayan, ipinapaalala sa atin ang ating mababang kalagayan. Alalahanin natin na tayo ay mula sa lupa kaya
babalik tayo sa lupa. Ang ginamit ng Diyos sa paggawa ng katawan ng tao ay
putik. Kaya tandaan natin, sa ilalim ng
hukay -lahat ay pantay-pantay. Tulad ng
sabi ng isang kasabihan;
Six feet under the ground, all are equal.
Hindi nararapat ang mang-agrabiyado ng
kapwa tao dahil kapantay po natin ang isa't isa. Matalimo man o mayaman, hindi
po tayo nakakahigit sa ating kapwa kung mahirap man sila o kulang sa
pinag-aralan, dahil pagdating sa kamatayan - lahat tayo ay maaagnas. Lahat tayo ay matutunaw. Lahat sa kamatayan
ay babalik sa alabok.
2. Pangalawa, ipinapaalala ng karanasan ng kamatayan sa atin na ang ating hininga ay hininga ng
Diyos. Ang buhay natin ay hiram sa Diyos.
Ito naman ang karangalan ng tao. Buhat sa Diyos ang ating buhay.
Kanina, nasabi natin na ang ating katawang
mula sa lupa ay nagpapalala sa atin sa ating mababang pinagmulan, ito namang
pangalawa ay nagsasabi na may sangkap tayo na banal, at mula sa Diyos.
Dala natin ang hininga ng Diyos. Ayon sa Biblia, "Hiningahan ng Diyos ang
tao, at ito ay nagkabuhay."
Dala natin ang hininga ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay.
Nasa bawat tao ang wangis ng Diyos. Nasa bawat tao ang hininga ng Panginoon.
Huwag na tayong magtataka kung bakit
napakahalaga ng bawat tao sa Diyos. Tayo
ay bahagi ng buhay ng Panginoon.
At dahil hininga ng Diyos ang isa sa atin,
mabuti ngang ingatan natin at pakamahalin ang ating buhay. Panatilihin natin itong malinis at
banal. Dahil ibabalik mo yan sa may-ari.
3. Panghuli, ang kamatayan ay nagpapa-alala
sa atin na may hangganan ang buhay.
Dahil dito, ituring nating isang maigsing pagkakataon ang buhay dahil
pansamantala lamang ito.
Ngayong wala na akong magulang, lalo kong
naunawaan ang halaga ng mga maikling sandali na nakakasama natin ang ating
mahal sa buhay. Kay ahabang kasama mo
sila, samantalahin mo yung opportunity na
mapaglilingkuran natin sila.
Isang araw, makikit amo na lamang na wala na pala sila.
Mahalin natin ang ating mga kapatid.
Paglingkuran natin ang ating mga magulang habang
nandiyan pa sila.
Maigsi lang ang buhay. Huwag natin itong sasayangin.
Pinapakilala ng kamatayan ng tao na hindi
natin hawak ang ating buhay. Gamitin natin ito para sa kaluwalhatian ng Diyos.
____________________________
SERMON 9. Ang Ating Dalawang Tahanan
2 Corinthians 5:6-17
Ang bahaging ito ng mga sulat ni San Pablo
ay naglalaman ng mga kaisipan ng apostol tungkol sa kamatayan at buhay ng isang
mananampalataya. Ito ay ang kanyang mga pagbubulay sa pag-asang dala ng
pananalig kay Cristo, at ang ibubunga nito sa buhay dito sa lupa, habang
naghihintay tayo sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos.
Isang Buhay na May Dalawang Tahanan
Ang tunay na Kristiano ay may dalawang
tahanan; panlupa (ang ating katawan) at may hinihintay tayong ipagkakaloob pang
isa pang tahanan na panlangit. Sa kasalukuyan, tayo ngayon ay nasa (tahanan o)
katawang panlupa. at kung paghahambingin ang dalawa;
1. ang pananatiling buhay sa katawang
panlupa ay katulad ng sabi ng apostol sa Cor. 13:12, “Sa kasalukuyan, tila
malabong larawan ang nakikita natin sa salamin...” Bahagya lamang ang nalalaman
ko ngayon.”
Sa ngayon, dumadaan pa tayo sa mga
pagsubok, kapighatian, sakit at mga kahirapan. Hindi pa natin nakikita ng
literal ang ating inaasam na buhay sa langit, kailangan tayong “mamuhay sa
pananalig at hindi sa mga bagay na nakikita (v.7).
2. Ang inaasahan naman nating buhay o
tahanan sa kalangitan ay sa piling ng Panginoon (v.8) paglisan natin sa buhay
dito sa lupa.
Sa paglalarawan ng apostol sa Cor. 13:12,
“... ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. ...
darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala
niya sa akin.”
Sa ating pangalawang tahanan, doon magiging
maliwanag ang lahat, kapag kapiling na natin ang Diyos.
Hindi dalawa ang buhay natin, sa halip
dapat nating unawain na tayo ay may isang buhay na may dalawang yugto. Ang
buhay natin sa lupa ay unang yugto, samantalang ang buhay natin sa langit ay
ang pangalawa.
Ang buhay natin ay material at espiritual
na kalagayan na nakaugnay kay Cristo. Hindi lamang sa mga material na bagay na
nakikita sa lupa o maging sa ganda ng buhay dito sa mundo nakadepende ang ating
buhay, mayroon pa doon sa langit. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng
ating kaugnayan kay Cristo.
Ang kahulugan ng ating buhay Kristiano ay
nakadepende sa kalidad nito ayon sa kaugnayan natin sa Diyos. Sabi nga ni San
Pablo, “Kaya naman, ang pinakananais natin ay maging kalugud-lugod sa kanya,
maging nasa katawang-lupa tayo o maging nasa piling na niya (v.9).”
Ang Kalidad ng Ating Buhay Kay Cristo
Ang buhay Kristiano ay may sukatan, dahil
ito ay dadaan sa paghuhukom ng Diyos (v.10). Upang pumasa, kailangan nito ang
sumusunod na kalidad.
1. dapat itong maging kalugod-lugod sa
Panginoon (v.9)
2. buhay ito na may takot sa Diyos (v.11)
3. buhay ito na gumagawa para sa
ikaliligtas ng iba (v.11)
Kristianong Pananaw sa Kamatayan
Dahil sa pag-asa na mayroon pang isa pang
katawang panlangit na naghihintay sa atin, ang kamatayan ngayon ay “isang
pakinabang” (Filipos 1:21). Sa halip na maging literal na katapusan ng buhay,
ang kamatayan ng isang tunay na Kristiano ay nagiging lagusan, tungo sa buhay
kapiling ng Panginoon doon sa kalangitan.
Hindi ito nangangahulugan na mas mababang
uri ang buhay dito sa lupa. Para sa apostol, dito ngayon sa tahanan natin lupa,
tayo ay kay Cristo na, dahil,
“Namatay siya (ang Panginoong Jesus) para
sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili,
kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.” -2 Cor.
5:15.
Kalidad ng Buhay Maka-diyos
Ang kalidad ng buhay Kristiano ay hindi
nakukuha sa pagmamadali na makaalis sa kasalukuyang buhay para agad makamit ang
buhay sa langit. Ang kailangan natin ay ang makamit ang kalidad ng bagong buhay
na kasama ang Panginoon Jesus dito pa lamang sa lupa.
Habang naririto tayo sa kasalukuyang
tahanan, gumawa tayo ng ayon sa ating pananampalataya, maglingkod tayo na puno
ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, habang matiyaga nating inaasahan ang isa pang
tahanan doon sa langit.
Ngayon pa, isuot na natin ang bagong
pagkatao na kalarawan ng Panginoon, dahil, “Kung nakipag-isa na kay Cristo ang
isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa
halip, ito'y napalitan na ng bago.”- 2Cor.5:17
“Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong
sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman. Sapat na ang
panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga
Hentil: kahalayan, masasamang nasa ng laman, paglalasing, walang tigil na
pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.”
wika ni apostol Pedro (1Pedro 4:2-3.)
Bilang mga Kristiano na nabubuhay sa lupa
at umaasa ng buhay sa kalangitan, kailangan na nating iwan ang dati nating
pagkatao na hindi maka-diyos. Kailangang makita sa atin na hindi lamang tayo
panlupa, tayo rin ay panlangit.
__________________________________
SERMON 10. CHECK YOUR FAITH
Juan 11:17-27
Magandang araw po sa inyo.
May mahalaga po akong tanong sa inyo,
Bago po ba kayo pumunta rito, nag-check po ba kayo ng presyon?
Nagpa-BP po ba kayo? Kayo ba ay nag-check ng cholesterol at sugar?
Napansin ko po kasi, ang lamay na ito ay parang pista. Bakit po ang daming pagkain? Di ko po tuloy mawari kung tayo ba ay nakikiramay o nakiki-kain? Pero ang sadya po namin talaga rito ay makiramay sa pagpanaw ni Kapatid na _____________. At ito ay taos puso naming ipinapahayag ngayon sa pamilyang ______________.
Tayo po ay sumandaling manalangin.
Pamlitan mo po ng kapayapaan ang o Diyos ang damdamin ng lungkot at
pighati. Kayo po ang Diyos na Lumikha ng
buhay, kayo rin ang Diyos ng muling pagkabuhay.
Salamat po sa kasiguruhang ito na kaloob mo sa sinumang mananalig kay Cristo.
Amen.
May isang bagay na dapat nating i-check kapag tayo po ay pumupunta sa lamay o libing: CHECK YOUR FAITH. Ito po ang ating pagbubulay sa araw na ito.
Sabi sa Mangangaral 7:2, “Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.”
Going to funerals will lead us to contemplate about our own death. “Kapag ako kaya ang namatay, mayroon kayang makikipaglamay. Para siguradong marami ang makikipag-lamay, maganda siguro, dagdagan ang ihahandang pagkain.”
Pero ang mas mahalagang tanong, “Kung ako kaya ay papanaw, papapasukin kaya ako ng Diyos sa kanyang kaharian?” Pastor pa naman ako, paano kung sasabihin ng Diyos, “Hindi kita kilala, umalis ka dito!”
Kung ako kaya ang pumanaw, saan kaya ang punta ng aking kaluluwa?
Check your faith kapatid. Is it a genuine faith? Because only genuine faith saves. Ayon sa Panginoong Jesus, “Anyone who believes in me, though he will die, yet he shall live. And he will not die anymore.”
a. False faith, mga kapatid ay pananalig sa sarili. Self-righteous people are deceived in believing on their own goodness. Sinsabi nila, “Maliligtas ako kasi hindi ako katulad ni ______________. Marami akong ginawang Mabuti. Siguradong maliligtas ako dahil ako ay may maraming binigay sa Diyos.”
b. b. True faith however, is directed
to Jesus alone. Dahil si Jesus lamang
ang namatay, upang tayo ay iligtas mula sa kasalanan. At ang kanyang kamatayan ay patunay ng grace
o biyaya ng Diyos, at kung tayo ay tutugon na may pananalig…tayo
maliligtas. Iyan po ang tunay na pananalig.
Kaya, check your faith. Tunay ba yan kapatid? Hindi ba yan, kunwari lang. Because faith can be faked. Minsan nang nakakita ng fake faith si Jesus, kaya sabi niya, “ Kayong mga paimbabaw! Puti kayo sa labas, ngunit bulok naman sa loob.”
ANG PANANALIG NI MARTHA
Ang pagtatagpo nina Martha at ng Panginoong Jesus ay hamon kay Martha upang tignan niya ang sarili pananalig. Dahil sa pagsalubong niya kay Jesus, may hugot agad si Martha,
“Panginoon, kung dumating ka lang kaagad, hindi sana namatay ang aking kapatid!”
Ang mga salitang ito ay may halong panunumbat. “Late ka kasi! Bakit
hindi ka agad dumating? Ba’t ganyan ka?”
Mapapansin sa pananalitang ito na ang pagkilala ni Martha kay Jesus ay bilang mangagamot lamang. Ibig sabihin, mababaw ang pananalig ni Martha. But do not judge her, instead, let me remind you to CHECK YOUR FAITH! Kasi po, baka ganyan din tayo.
We pray for people with sicknesses. Ahh, Lord, heal him, in Jesus Name! But what if they die, instead of being healed?
Are we going to question God about it? Lord naman? Bakit hindi mo siya pinagaling? Pinagaling ang marami, Lord, bakit ang kuya ko, pinabayaan mong mamatay?
BELIEVING IN THE POWER OF GOD
Bakit ng aba kailangan pang magkasakit at mamatay si Lazaro? Balikan po natin ang ating pagbasa sa Biblia, sa Juan 11: 4, “Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
Ayon sa Panginoong Jesus, dahil sa pagkakasakit at kamatayan ni Lazaro, God will be glorified.
Sa tingin ng hindi sumasampalataya, maaring sasabihin niya, “Alam
mo, iyang namatay nay an, sampung beses yan na ipinag-pray ng pastor nila, pero
hindi siya gumaling. Siguro, hindi
totoong sa Diyos ang pastor na iyan. Fake healer siguro yan.”
Sa dating ng pananalita ni Martha, parang sinasabi niya, “Lord, you came late. Ayun tuloy namatay ang kapatid ko.”
THEN JESUS SPOKE this famous line.
“Martha, Martha, ang sinumang mananalig sa akin, kahit mamamatay, ay muling mabubuhay.” Check your faith Martha, I am not only a healer, I can also raise the dead. Pagkatapos, sabi ni Lord, “Naniniwala ka ba?” Ahh Martha, Martha, check your faith.
b. Sumagot si Martha, “Opo Panginoon,
alam kong sa huling araw, ay muling bubuhayin si Brother Lazarus, kasama
ng mga patay.” Ibig sabihin, naniniwala si Martha, na muling bubuhayin ni Jesus
ang mga patay, kaya lang sa future pa.
Sa second coming pa, BUT… NOT NOW!
c.
Then Jesus went to the tomb of
Lazarus. Jesus called his friend. And
Lazarus was raised to life right then and there!
Palagay ko, when Martha, saw that Jesus raising his brother back to life, she realized Jesus was not just a healer, but he is the Lord of Life, when she checked her faith, siguro biglang na upgrade ang pananalig niya kay Jesus! Dalangin ko, na lumalim din ang iyong pananalig ngayon. Dahil ang pumanaw sa harapan natin ay muling bubuhayin ni Cristo. At sana’y magkaroon ka rin ng pananalig, na ikaw din ay muling bubuhayin tulad ni Lazaro. Kaya, CHECK YOUR FAITH kapatid. Amen!
Sabi sa Awit 16:10, “Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.”
__________________________
SERMON 11: Ang Panahon ng Pagsilang at Kamatayan
Mangangaral 3:1-2
1Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.
2Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; ang panahon ng
pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang yumao pala ay ipinanganak noong ________________ at pumanaw siya sa taong ____________. Siya ay _____________taong gulang.
Salamat na lamang at hindi nagtagpo ang kanyang kapanganakan at kamatayan sa iisang araw. Kung hindi zero (0) ang kanyang buhay. May nangyayaring ganito, may ipinanganganak na bata at sa araw ding iyon sila ay namamatay.
At dahil nabuhay siya ng ____taon, ibig sabihin , nakasama ninyo siya ng matagal. Siya ay regalo ng Diyos sa inyo. Kaya kung sa ating lahat na nagbibilang pa ng birthday, regalo ng Diyos ang ating mga buhay. Pasalamatan natin at paglingkuran ang Diyos, dahil may buhay pa tayo. Ngunit kung hindi ka na magdiriwang ng birthday, tulad ng yumaong kapatid natin, dahil nakarating na siya sa dulo, ahh - next year, first death anniversary na ang ating aalalahanin sa kanya.
May panahon ng kapanganakan, at may panahon ng kamatayan. Sa pagitan ng kapanganakan at kamatayan ay ang tinatawag nating BUHAY. Kung baga sa pisi, ang simula ay ang kapanganakan, at ang dulo ay ang kamatayan. Ang haba ng pisi ay ang ating buhay.
Kung isa itong lalagyan, ang ibabaw ay maaring simbolo ng kapanganakan, at ang ilalim ay ang kamatayan. At ang katawan ng lalagyang ito ay ang sumisimbolo sa ating buhay. Ang nilalaman ng ating buhay ay ang kaloob natin sa Diyos sa ating kamatayan.
Kaya, huwag nating handugan ang Diyos ng isang hungkag na buhay. O isang buhay na walang laman.
Minsan, binigyan po ako ng sobre pagkatapos kong mag preach sa isang pagtitipon. Excited ako na kunin ang laman ng sobre para ipagkarga ko ng diesel. Paubos na kasi ang aking fuel. Pagbukas ko sa sobre, parang nakalimutang lagyan ng laman.
a. Kapag dumating na ang buhay sa dulo nito, tayo ay ihahandog na sa Diyos. Ito ang maka-Kristianong pananaw sa lundo ng buhay. Ang kamatayan ay sandali ng paghahandog ng buhay sa Diyos. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo, “Ako ay ihahandog na.” wika niya kay Timoteo tungkol sa kanyang kamatayan.
Dahil ang buhay Kristiano ay hindi hungkag na buhay. Ang ating buhay ay may laman at may kahulugan. Nariyan ang pananampalataya, at ang ating mabubuting gawa. At gayun din ang ating pagpupuri at pagsamba, at paglilingkod sa Panginoon. Maging ang mga maliliit na bagay na ginawa natin para sa Diyos ay hindi mawawalan ng kabuluhan. At ang saysay nito o nilalaman ng ating buhay ay mabangong handog sa Diyos.
b. Habang tayo ay nabubuhay pa, panatilihin nating malinis ang ating mga buhay dahil iyan ay ihahandog natin sa Diyos. Kailangan ang malinis na buhay upang maging katanggap-tanggap tayo sa Diyos.
Ayon sa Biblia, "Without holiness, no one can see God."(Heb. 12:14).
Ayon pa sa Kawikaan 10:1,
At gayundin ang kasalanan na maaring sumira ng magandang buhay.
Kaya kung may magandang bagay na atin pang magagawa, ito ay ang pagpapalinis ng ating mga buhay sa dugo ni Cristo. Naisin natin ang pagpapatawad ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, tanggapin natin ang ganap na pagpapatawad ng Diyos, ang bagong buhay sa Diyos na siyang magbibigay sa atin ng tunay na kaligtasan.
At habang tayo ay nasa diwa ng panalangin at pagsamba, nawa makita ng Diyos ang buhay ng bawat isa sa atin, na may mabuting laman ang ating mga puso, isipan at buhay, na nagbibigay lugod sa Diyos.
Maghangad tayo ng buhay na karapat-dapat na ihandog sa Diyos.
___________________________________
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento