Sabado, Agosto 20, 2016

Lectionary Sunday School : Hebreo 12:18-29, August 21, 2016

From Fear to Faith
Hebreo 12:18-29

Pagkatapos ng pambungad na panalangin, tanungin ang mga kasama sa pag-aaral: “Ano ang iyong dahilan kung bakit kayo nagsisimba?”  Maaring pakinggan ang sagot ng dalawa o tatlo katao.

Takot sa Diyos

May mga tao na nagsisimba  dulot ng takot sa Diyos na hindi nila kilala.  Ito ay tinatawag na “fear of the Unknown” sa English.  Marami ang takot sa kamatayan, ang iba ay maaring takot sa impierno - ito  ay dahil sa kawalan nila wastong kaalaman kung sino ang tunay na Diyos.  

Sa kabilang banda, may takot sa Diyos na may kahalong pagmamahal at malalim na respeto sa Panginoon.  Ito ay tinatawag na “reverence” sa English.  Ito  ay ginagawa ng mga sumasamba na may malalim na pananampalataya sa Panginoon.

Ang Karanasan ng Mga Israelita sa Bundok Sinai

Ang karanasan ng mga Israelita sa Bundok Sinai ay puno ng takot.  Dahil dito, ang kanilang pakikitungo sa Diyos ay may pag-aatubili at pagdududa.  Takot ang mga tao sa boses lamang ng Diyos.  Maging si Moises sa talatang 21 ay nagpahayag ng matinding takot.  Pinaniniwalaan ng mga Israelita na kahit hayop ay dapat mamamatay kapag lumapit ito sa presensya ng Diyos sa Bundok ng Sinai. Kaya nabuo sa isipan ng mga Judio sa Sinai, na mapanganib ang lumapit sa Diyos.  Hindi sila malapit sa Diyos dahil sa takot.

Ang Karanasan  ng mga Israelita sa Bundok Zion

Sa Bundok ng Zion itinatag ang templo ng Diyos. Ito ay ang sentro ng pananampalatayang Judio.  Ang pagsamba sa Bundok Zion ay may malaking pagkakaiba sa karanasan sa Bundok Sinai.  Ito ay bunga ng pananalig. Ang pagsamba sa Zion ay ang siyang katulad ng pagsambang Kristiano.

1. isang makalangit na Jerusalem, v. 22
2. kasama ang mga angel sa pananambahan
3. samahan ito ng mga panganay at mga nakasulat ang mga pangalan sa aklat ng buhay,
4. kasama nila ang Diyos.
5. ang mga nananambahan ay pinababanal
6. ang mga nananambahan ay nawisikan na ng dugo ng Panginoong Jesus.

Mga Tunay na Sumasamba

Ang tunay na Kristianong pagsamba kung gayon ay isang pagkakataon (opportunity)  upang maging kabahagi sa ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan at sa hinaharap.  Bilang mga tunay na sumasamba sa Diyos, tayo ay ituturing na

1. panganay - ito ay karangaln na buhat sa Diyos.
2. Ang ating pangalan ay nasusulat sa langit - ito ay kasiguruhan ng  pag-asa ng kaligtasan doon sa kalangitan.
3. Ngayong pinagpala na tayo sa ating buhay bilang mga tunay na anak ng Diyos - inaasahan ngayon sa atin ang pagbabagong buhay.  Dahil ang pagiging tunay na Kristiano ay may kaakibat na pagbabagong buhay na kaloob din ng Diyos.  At ito ay hindi karaniwang pagbabago kundi, pagpapabanal ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Jesus.

Dalawang Tungkulin sa Pagsamba

At dahil ang pagsamba ay isang malaking pagkakataon na hindi dapat pinalalampas ng bawat Kristiano,  may dalawang tungkulin tayo ngayon bilang mga tunay na Kristiano;

1. makinig sa nagsasalita - ang Panginoong Jesus ay patuloy na nangungusap at nagsusugo ng mga tagapagsalita na dapat pakinggan, (v. 25).  Tandaan na ang pakikinig sa Salita ng Diyos ay hindi “entertainment”  o hindi ito sa para sa ating kasiyahan - ito ay pinakikinggan upang sundin. Ito ay naglalaman din ng mga babala, upang tayo ay maligtas.  Ang pagtanggi sa Salitang ipinapahayag ay pagtanggi sa Diyos mismo.

2. pakikibahagi sa Kaharian ng Diyos na hindi nasisira - at ang tunay na Kristiano ay nakikibahagi na sa Kahariang ito, bagamat naririto pa tayo sa lupa.  Sa kaisipan ng isang mali ang iniisip, sinasabi nila na, “Nandito pa tayo sa lupa, samantalahin natin ang kasalanan.”  Ngunit para sa mga binago at iniligtas ng Diyos, ang kaharian ng Diyos ay dumating na at nagsisimula ng maghari ang Diyos sa mundo at nakikita na ito sa buhay ng mga mananampalataya.

At dahil kabahagi na tayo ng kahariang ito, ang ating tugon ngayon ay isang wagas na pagsamba na may takot (reverence) at paghanga (awe) sa kabutihan at kabanalan ng Diyos.

Tanong:
1. Ano ang malaking pinagkaiba ng pagsamba bunga ng takot lamang (karanasan sa Bundok Sinai), kumpara sa pagsamba na may pananalig (karanasan sa Bundok Zion)?

2. Paano natin patutunayan sa ating buhay na dumating na pala ang Kaharian ng Diyos sa kasalukuyan at nakikibahagi na tayo sa paglawak nito?











    

UMMLesson 5: Magpakatatag Ka at Magpakakalalaki! 1 Hari 2:1-4

Lesson 5: Magpakatatag Ka  at Magpakakalalaki!
1 Hari 2:1-4

Kung halimbawang malapit ka nang mamatay (halimbawa lang po), ano ang huling habilin mo sa mga anak mong lalaki?

Ang Payo ni Haring David Kay Solomon

Si Solomon ang papalit na hari kay David.  Siya ang magpapatuloy sa kanyang mga nasimulan.  Marami pang tungkulin ang dapat gawin, at marami pang gawain ang dapat tapusin.   Lalo na ang pagpapatayo sa templo ng Jerusalem.  Hindi kakayanin ng isang lampa at mahinanang loob ang tungkuling kanyang haharapin. Kaya ang kanyang last word sa anak, “Magpakatatag ka at magpakalalaki.”

Ang Halimbawa Ni David Bilang Tunay na Lalaki.

1. Kagitingan - ito ay bunga ng pagtitiwala ni David sa Diyos (1 Sam. 17:37).  Si David ay bayani ng Israel mula pa sa kanyang pagkabata mula ng matalo niya si Goliath.  Ngunit sa lahat ng kanyang tagumpay, sinasabi ng Biblia na siya ay sumasangguni sa Diyos sa anumang kanyang ginagawa (1 Sa. 23:2-3).  Ang kanyang tagumpay ay hindi bunga ng kanyang sariling galing kundi ng kanyang pananalig sa Diyos.

2. Katapatan sa Kaibigan -  Si David ay naging matalik na kaibigan ni Jonathan, ang anak ni Saul.  Matatandaan na si Saul ay inggit kay David, at nais niyang ipapatay ito.  Ganunman, si David ay nanatiling mabuting kaibigan kay Jonathan.  Nang mamatay si Jonathan, ang katapatang ito sa kanyang yumaong kaibigan ay nanatili sa buhay ni David.  Inaruga niya si Mephiboshet, ang anak ni Jonathan.

Ang pagkakaroon ng tapat na kaibigan ay isang kayamanan.   Sinasabi ng iba na mahirap daw makakita ng tapat na kaibigan sa ating panahon.  Bilang mga tunay na kalalakihan ng Diyos, maari nating ipakita ang ating pagiging tunay na lalaki sa pamamagitan ng ating katapatan sa ating mga kaibigan.

3.  Matatag sa Mga Pagsubok (2 Sam. 15:30-31)
Ang paghihimagsik ni Absalom, ang maituturing na pinakamabigat na pagsubok na dumating sa buhay ni David.  Si Absalom ay sariling anak ni David.  Nais ni Absalom na mapasakanya ang trono kahit buhay pa ang kanyang ama.  Ngunit hindi galit ang naramdaman ni David sa kataksilan ng anak, kundi matinding lungkot.  Sa kabila ng pagsubok na iyon, nanatiling tapat si David sa Diyos.

4.  Pagpapakumbaba at Pagsisi (2 Sam. 12:13)
Ang pinakamalubahang kasalanan ni David ay ang kanyang pangangalunya at pagpapapatay kay Urias, ang asawa ng kanyang kalaguyong si Bathsheba.   Sa kasalanang ito na hindi maaring itago sa harapan ng Diyos, nagpakumbaba at tinanggap ni David ang kanyang pagkakamali.  Pinarusahan siya ng Diyos.  Nag-away-away ang kanyang mga anak.  Naging magulo ang kanyang buong pamilya. Ngunit nang siya ay nagsisi at tinalikuran ang nagawa niyang kasalanan,  ang sambahayan ni David ay inayos ng Diyos.
Ang pagsisi at pagtalikod sa kasalanan ay tanda ng katapangan at pagka-makadiyos.  Sa pamamagitan ng buhay ng kanyang sariling ama, nakita ni Solomon ang mga aral ng buhay ni David.  Ang buhay ng bawat magulang ay ang pinakamahalagang aral para sarili niyang anak.  Ang bawat ama ay modelong pinagmamasdan at tinutularan ng anak.

Integridad ng isang Ama

Ang integridad ay ang pinakamahalagang katangian ng isang magulang. Hindi po tayo maaring maging perfecto, ngunit kailangan tayong magpakatotoo.  Pakikinggan tayo ay susundin ng ating mga anak kung makikita nila ang katangiang ito sa atin.  Nasisira ang integridad ng isang ama kapag ang kanyang sinasabi ay hindi tugma sa kanyang ginagawa. 

UMMLesson 4. Nehemiah: Lalaking May Pangitain Nehemiah 1:1-9

Lesson 4. Nehemiah: Lalaking May Pangitain
Nehemiah 1:1-9

Sabi sa Aklat ng Kawikaan 28:18, "Without a vision, people will perish." Ang vision o pangitain ay larawan ng bukas na ipinapakita ng Diyos sa kanyang mga lingkod tungkol sa hinaharap ng kanilang nasasakupan.

Si Nehemiah: Lalaking May Pangarap

Ang ating pagbubulay ay tungkol sa isang lalaking may nais makamit sa buhay, siya ay may pangitain o pangarap na nais niyang makamit. Mayroon siyang nakitang hinaharap sa kabila ng pagkawasak ng Jerusalem. Siya ay nagtitiwala sa Diyos, at mapanalangin. Bilang isang leader, mahal niya ang kanyang bayan ng higit sa kanyang sarili. Tunghayan natin ang kanyang kwento.

Ang Suliranin ng Jerusalem

Ang Jerusalem, kung saan nakatayo ang Templo ay wasak ng panahon na iyon. Pagkatapos ng digmaan ang bayan ay naiwang walang muog. Ito ang balitang dala ni Hanani na nagdulot ng matinding lungkot kay Nahemiah. Ano ngayon ang kanyang gagawin? May magagawa ba siya habang siya ay nasa malayong bayan? Ano ba ang nais ng Diyos para sa Jerusalem?

Mga Paraan ni Nahemiah Upang Makatugon sa Suliranin

Pagkarinig sa suliranin, lungkot ang unang naramdaman ni Nehemiah. Marahil dahil malayo sa sariling bayan, alam niya na hindi siya maaring tumugon agad sa pangangailangan. Subalit siya ay isang "visionary leader", kaya niyang tumingin ng higit sa nakikita lamang ng mata. Kaya niyang ilarawan ang hinaharap. Paano niya ginawa ito?

1. Lumapit siya sa Diyos upang manalangin.
Alang-alang sa pag-ibig sa sariling bayan, nag-ayuno si Nehemiah ng apat na buwan para idalangin ang Jerusalem. Sa Diyos siya unang lumapit, sa halip na gumawa agad ng sariling hakbang. Ang tunay na vision ay mula sa Diyos, t ito ang ipinagkaloob kay Nehemiah.

2. Lumapit siya sa mga taong maaaring makatulong sa kanya.
Habang nag-aayuno, napansin ng hari ang lungkot sa mukha ni Nehemiah. Dahil sa pagtatanong ng hari, nakakita ng pagkakataon si Nehemiah upang idulog sa hari ang kanyang suliranin. At tinulungan naman siya ng hari. Sa bahaging ito ng kwento, makikita natin kung gaano kalaki ang tiwala at malasakit ng hari kay Nehemiah. Marahil si Nehemiah ay pinagkakatiwalaan ng hari, dahil sa kanyang katapatan at kabutihan.

May pagkakataon na kakailanganin ng isang lalaki ang tulong ng iba. Paminsan-minsan, kailangan ding aminin natin na may kahinaan tayo, at maari tayong patulong sa iba. Maaring sa mga kaibigan, kamag-anak o "network connections".

Nakikita natin ang katangiang ito kay Nehemiah. Humingi siya ng tulong sa hari. At dahil lalaking mapagkakatiwalaan, agad siyang tinugon ng hari dahil sa kanilang integridad. Ang integridad o tiwala ng ibang tao ay mabuting "asset" para sa isang lalaki upang siya ay pagkatiwalaan at tulungan. Maaring siya ay matulungin din. Ang taong matulungin at madaling tulungan.

3. Hinimok niya ang mga mamayan ng Jerusalem upang mag-kaisa.
Ang vision ni Nehemiah na itatayo muli ang muog ng Jerusalem ay hamon upang magkaroon ng panibagong pag-asa ang kanilang bayan. Ang pag-asang dala ni Nehemiah: na maaring itayo muli ang muog ng Jerusalem, ay ibinahagi niya sa mga mamayan ng bayan. At naunawaan naman ang Jerusalem sa kanyang pangitain.

Maganda na ang kalagayan ni Nehemiah sa palasyo ng hari, ngunit bakit ginusto pa niya ang umuwi sa Jerusalem?

Masasabi nating hindi makasarili si Nehemiah. Pinili niya ang kapakanan ng Jerusalem bago ang kanyang sarili. Mas mahalaga para sa kanya ang sumunod sa utos ng Diyos kaysa manatili sa marangyang kalagayan sa palasyo ng hari.

Ang Tagumpay ni Nehemiah

Hindi naging madali para kay Nehemiah ang pagtatayo ng muog. Naroon sina Sanbalat na nananakot at naninira sa mga taga Jerusalem. Palaging gumagawa ng paraan si Sanbalat upang panghinaan ng loob ang mga tauhan ni Nehemiah.

Sa kabila ng lahat ng ito, nagtagumpay pa rin si Nehemiah at ang buong bayan ng Jerusalem, dahil,

1. Sa Diyos sila nagtiwala ng lubos (Nehemiah 2.20).
Pinatutunayan ng Biblia na ang mga taong marunong magtiwala sa Diyos ay nagtatagumpay. Ito ang nakamit ni Nehemiah, Ayon sa Nehemiah 6:16, at "Naniwala silang natapos nila ang gawain sa tulong ng Diyos."

2. Sa direksyon ng pangitain ni Nehemiah sila nagkaisa (Nehemiah 2:18).
"Masigla kami at patuloy sa pag-aayos ng muog!" ito ang masayang ulat ni Nehemiah sa kanilang pagkilos. Sila ay parang namamangka at sumasagwan sa iisang direksyon. Mabilis silang kumikilos at masaya dahil sa nakikita nilang tagumpay.

Pagbubulay

Ang mga kalalakihan ay tinawag ng Diyos upang maging leader. Leader tayo ng ating pamilya, o sa iglesia at sa lipunan. Ngunit upang maging mabuting leader, kailangan tayong magkaroon ng pangitain o vision upang sa gabay ng Diyos makita nating malinaw ang direksyong nais ng Diyos na dapat nating tahakin.

Ang bawat ama ay dapat na magbahagi ng vision sa kanyang sariling sambahayan. Mahalagang magkaroon ng pampamilyang pangarap ang isang ama, upang akayin niya ang pamilya sa tungo sa isang matagumpay na buhay. Sa kabila ng mga problema at mabibigat na pasanin, ang bawat ama na may pangitain ay maaring maging inspirasyon ng kanyang mga anak tungo sa tagumpay.

Ang bawat lalaki na nasa "leadership position" ay dapat kakitaan ng malinaw na vision o pangitain. Maraming leader ang itinitindig ng Panginoon sa mga kalalakihan. Ngunit marami rin ang hindi nagtatagumpay dahil sa kawalan ng vision, direksyon, strategies, at depinidong patutunguhan (clear goals) ang mga programang kanilang dala.

Si Nehemiah ay kinakitaan ng paggabay ng Diyos (God's guidance), malinaw na kabatiran sa layunin at pangitain (clear vision and goals), tamang pamamaraan kung paano makakamit ang mga layunin (effective strategies).

At sa tulong ng Diyos, siya ay naging matagumpay.

Mga Tanong sa Talakayan

1. Gaano kahalaga ang pagtitiwala sa Diyos para sa isang "machong" Kristiano pagdating sa mga pagsubok sa loob ng tahanan?

2. Okey lang bang aminin ng isang lalaki na may mga bagay na hindi niya kayang mag-isa at humingi ng tulong sa iba?

3. Kung ikaw ay leader ng inyong iglesia, ano ang mga bagay na dapat baguhin o ipagawa sa gusali ng simbahan? Paano ang maaring maging plano ng mga kalalakihan o UMM upang maisakatuparan ito?

4. Paano mo ibinabahagi ang iyong mga pangarap sa iyong mga anak upang lalo silang magsumikap para magtagumpay?

5. Anong katangian ng pagiging tunay na lalaki ng Diyos ang nakita natin kay Nehemiah sa ating pagbubulay?

UMMLesson 3: Samson: Ang Lalaking Malakas Ngunit Mahina Judges 13:1-5

Lesson 3: Samson: Ang Lalaking Malakas Ngunit Mahina
Judges 13:1-5

Tinatalo ba ng iyong kalakasan ang iyong kahinaan? O Baka natatalo ng iyong kahinaan ang iyong kalakasan? Si Samson, na dating malakas ay natalo dahil sa kanyang sariling kahinaan.

Mayroong ilang magigiting na lalaki ang bumagsak sa matinding pagsubok: Si Jim , isang pastor, si Bill, dating pangulo ng isang bansa at si Mike, dating world champion sa boxing. Ano ang ikinabagsak ng tatlong ito? Babae ba kamo?

May Plano ng Diyos Para sa mga Tunay na Lalaki

May dahilan ang Diyos kung bakit tayo ay ginawa niyang lalaki. Hindi tayo ang pumipili sa ating magiging kasarian. HIndi sakop ng ating "freewill" ang pagpili para sa ating kasarian, Diyos ang may takda nito. At may plano ang Diyos para sa bawat kalalakihan. Mula pa sa pagkabata, ipinaliwanag na ng Diyos ang plano niya sa buhay ni Samson, dahil siya isang Nazareno;

1. nakatalaga siya sa Diyos
2. mamuhay siya na may kalinisan
3. hindi siya gugupitin bilang isang Nazareno (Basahin ang Book of Num         bers 6), kapag natupad na ang kanyang mga tungkulin, gugupitin lamang     ang kanyang buhok ng isang pari, upang ialay ang buhok para sa Diyos!
4. Ililigtas niya ang Israel mula sa mga kaaway.

Ito ang mga tuntunin ng Diyos para sa mga Nazareno. Sila ay nakatalaga sa Diyos upang gumanap ng espesyal na tungkulin . Bilang mga lalaki ng Diyos, hindi ba’t tayo rin ay pinili upang italaga ang sarili sa Diyos? Upang mamuhay na may kalinisan, gamitin lamang ang atin katawan bilang templo ng Banal na Espiritu at gumawa ayon sa layunin ng Panginoon sa ating buhay?


Si Samson: Ang Malakas

Ang pagkatalaga ni Samson sa Diyos ay nagbunga ng kakaibang kalakasan. Dagdag pa rito ang kakisigan at talino na kaiinggitan ng ibang kalalakihan. Sa murang edad, naging lider na ang binatang si Samson.  Pero, paano ginamit si Samson ang kanyang kalakasan?

Ginamit ni Samson ang kanyang kalakasan sa maling paraan. Sa halip na ipaglingkod niya ito sa Diyos, pinili niyang gamitin ito sa pansariling kapakanan. Ang pakahulugan niya sa pagiging tunay na lalaki ay hindi ayon sa panukala ng Diyos, kundi ng mundo.

Sino ang Tunay na Lalaki?

Ayon kay Samson (Worldy Standards) o ayan sa Pamantayan ng Diyos?

1. magaling sa babae (Judgers 14:1; 16:4)    o  tapat sa pamilya / asawa?
2. magaling sa sugal at bisyo (Judges 14:10-14)   o malinis na buhay?
3. lapastangan sa magulang (Judges 14:3) o  may paggalang sa magulang?
4. paggawa ng bawal ng palihim (14:8-9)  o may katapatan?
5. kayabangan / overconfidence humility  o may tiwala sa Diyos?

Ganyan si Samson, pasaway sa magulang, mayabang, at gumagawa ng palihim na pagsalansang sa mga utos ng Diyos. Halimbawa rito ang paghawak niya sa patay na leon, ang pagkain niya ng pulot sa bungo nito, na isang pagsalansang sa patakaran ng pagiging nakatalaga sa Diyos o Nazareno.

Resulta sa Buhay ni Samson

1. magulong pamilya
Nanatiling hindi kakasundo ni Samson ang sariling ama. Ang asawa niya ay hiniwalay sa kanya. Ang asawa niya at biyenan ay kapwa sinunog ng mga Palestino.

2. Bumagsak siya sa kamay ng kaaway
Ito ang pinakamasaklap! Mula ng iwanan siya ng Diyos, ang kanyang pagyayabang, at pagmamataas ay nagbunga ng matinding pagbagsak!

Si Samson, Ang Mahina

Ang inisip na kalakasan ni Samson ay naging kahinaan. Madali siyang nabitag ni Delilah dahil din sa kanyang kayabangan at sobrang tiwala sa sarili, sa halip na magtiwala sa Diyos.

Nang mahuli ng kaaway, higit sa kalahati ng kanyang buhay ay nagugol lamang sa bilangguan. Siya ay binulag ng mga kaaway at ang wakas ng kanyang buhay ay isang trahedya.

Ang Una at Huling Panalangin ni Samson

Sa isang pagdiriwang, naisipang paglaruan si Samson ng mga kaaway. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, nanalangin si Samson. Ito ang una at huling paghingi ni Samson ng saklolo sa Diyos. Humingi siya ng muling kalakasan at tinugon siya ng Diyos. Muling tinaglay ang lakas na kailangan, winasak ni Samson ang pinatitipunan ng mga kaaway at kasama siyang nasawi.

Pagbubulay:

Malinaw ang plano ng Diyos para sa ating mga Kristianong kalalakihan o UMM. Ang ating buhay, lakas at talino ay ibinigay sa atin upang gamitin natin sa kabutihan at hindi sa pagsasamantala. Tayo ay mga tagapagtanggol ng mga kababahian at mga bata. Pinili tayo upang maging leader ng tahanan, simbahan at pamayanan.

Huwag nating pababayaan na mahila tayo ng ating mga kahinaan, ang kalakasan natin ay nasa Diyos. Ang buhay ni Samson ay humantong lamang sa kasawian, walang pagtatagumpay at walang kasiyahan. Wika nga, "Nauna ang sarap, humantong sa hirap". Inuna niya ang kalayawan at pagsuway sa Diyos, at nagwakas ang kanyang buhay sa kawalan.

Mga Dagdag na Tanong sa Pagbubulay:

1. Sa paanong paraan mo nais magwakas ang kwento ng iyong buhay?

2. Ano ang panukat ng mundo sa pagiging tunay na lalaki at ikumpara ang mga ito sa mga panukat ng Diyos. Ano ang pinagkaiba ng dalawa?

3. Ano ang ibig sabihin ng nakatalaga sa Diyos bilang isang lalaki?
     Ano ang halaga nito sa pagiging Kristiano?

4. Sa iyong palagay, bakit binigyan pa ng pangalawang pagkakataon si Samson ng Diyos sa kabila kanyang pagkakasala?

5. Basahin ang Isaias 1:18; 1 Juan 1:9 at kilalanin ang Diyos.
     Ano ang katangian ng Panginoon na makikita sa mga talatang ito?

UMMLesson 2: Abraham, Lalaking May Pananampalataya Genesis 17:1-11

Lesson 2: Abraham, Lalaking May Pananampalataya
Genesis 17:1-11

Ang kwento ni Abraham ay kasaysayan ng isang ama ng pananampalataya. Gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng Israel, Islam at Kristianismo ang buhay niya dahil sa pakikitagtipan niya sa Diyos at pagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon.

Ang Pagsunod ni Abram Kay Tare na Kanyang Ama

Ang kasaysayan ng pananampalataya ni Abram ay nagsimula sa kwento ng kanyang amang si Tare na naglakbay mula sa Ur, Caldea patungong Canaan (Ge. 11:31).  Subali’t hindi nakarating ng Canaan si Tare, dahil tumigil ito sa paglalakbay at nanirahan na lamang sa Haran, kung saan siya namatay.

Ang impluensya ng ama sa sariling anak ay isang malaking usapin sa paghubog ng pananampalataya. Sinunod ni Abram ang yapak ng kanyang ama.

Tanong upang magbulay: “Kung ikaw ay isang ama, sinusunod ka ba ng inyong mga anak sa inyong pananampalataya? Nakikita ba nila ng malinaw ang inyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos?

Hindi Tinapos ni Tare ang Paglalakbay

Ayon sa Gen. 11:31-32, tumigil si Tare sa paglalakbay at tumira na lamang ito sa Haran. Hindi natupad ni Tare ang utos ng Diyos. Kaya marahil, hindi siya napabilang sa mga dakilang ama ng pananampalataya! Hindi siya naging tapat sa Diyos. Nang mamatay si Tare, muling nangusap ang Diyos kay Abram.  Mapapansin na si Abram ay hindi katulad ng kanyang ama, nanatili siyang nakikipag-usap sa Diyos, at naglilingkod. Matatag ang kaugnayan niya sa Panginoon.

Bilang isang ama, kumusta ang kaugnayan mo sa Diyos?

Ang Pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham

Bago nakipagtipan ang Diyos kay Abraham, mababasa ang ilang hinihiling ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa kanya. Mababasa ito sa Gen. 17: 1-2,

1. Hiniling ng Diyos ang tapat na pagsunod ni Abram
2. Hiniling ng Diyos na manatiling walang dungis sa sarili si Abraham

Ang mga ito ay katangiang hinahanap ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa kanya.   Ayon sa 1Pedro 1:15, “Dapat kayong magpakabanal, sapagkat akong inyong Diyos ay banal.”
Nakipagtipan ang Diyos Kay Abram

May dalawang bahagi ang Tipan ng Diyos kay Abram, Una, ang kanyang pagkatuli, pangalawa, ang pagbabago ng kanyang pangaln, pangatlo, ang pagkakaroon niya ng anak.

1. Circumcision: Entering Sacred Manhood

Ang Circumcision o pagtutuli ang tanda ng tipan ng Diyos sa Israel. Pero bakit kaya sa maselang bahagi pa ng katawan ng lalaki ang ginamit na marka ng pakikipagtipan?  May dalawang paliwanag ang Biblia;

a. Mababasa sa Gen. 1:28, na instrumento tayo ng patuloy na paglikha ng Diyos, lalo sa pagpaparami. Ang reproductive organ ay banal na bahagi ng ating pagkalalaki. Para sa mga sinaunang tao, ito ay banal at hindi ginagamit sa kalaswaan. Ito ay itinuturing na pinaka-sagradong bahagi ng katawan ng isang lalaki dahil instrumento ito ng Diyos sa pagpaparami ng buhay.

b. Ang bahaging ito ng lalaki ay tanda ng kanyang karangalan. (See Genesis 24:9). Ang paggawa ng pangako noong unang panahon ay hindi sa pamamagitan ng pagtaas ng kanang kamay kundi sa paglalagay ng kamay sa “gitna ng hita” ng kausap na kapwa lalaki.  Ibig sabihin maghahawakan kayo ng bayag at ari, bilang tanda ng katapatan.

Ang pagtutuli noong unang panahon ay simbulo o ritual ng pagiging bahagi ng bayan g Diyos. Sa ibang primitive cultures, ito ay ginaganap bilang sacred ritual ng pagpasok ng isang lalaki sa buhay maygulang (adulthood). Sa Lumang Tipan, ito ay simbulo ng pagpapailalim sa Diyos at pangako para sa malinis na pamumuhay (Gen. 17:1-2).

Bakit nasisira ang ating pakikipagtipan sa Diyos tuwing inaabuso natin ang ating pagkalalaki sa maling kaparaanan?

2. Ang Pagtawag ng Diyos Kay Abram sa Bagong Pangalan

Ang pagbabagong pangalan ni Abram ay tanda ng pagbabago sa kahulugan, at layunin ng kanyang buhay. Mula ng magpasakop siya sa Diyos, sa pamamagitan ng tipan, nagbago ang pananaw niya sa sarili. Heto ang kahulugan ng pangalan niya:
Abram – exalted father
Abraham – father of multitude
Ang bago niyang pangalan ay tanda ng bago niyang direksyon sa buhay, ang maging ama ng isang lahing nakatalaga sa Diyos sa halip na “exalted father” o ama na nagtataas lamang ng sarili.

Pagbulayan: Ano ang pangarap mo bilang isangama / lalaki? Maging mayaman, maging dakila o tanyag? Nangangarap ka bang magkaroon ng mataas na posisyon upang tingalain ka ng iba?
Tandaan: Sa gitna ng ating mga pangarap na maging dakila, tinawag din tayo ng Diyos upang maging mabuting ama para sa ating mga anak. Ito ang pinakadakilang tungkulin na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.

3. Ang Pagtanggap ni Abraham sa Kanyang Anak Bilang Pangako ng Diyos

Nangako ang Panginoon na pagkakalooban niya ng anak si Abraham upang panggalingan ng isang lahing sumasamba at naglilingkod sa Diyos. Kinalinga niya ang kanyang anak bilang “child of promise”. Ito marahil ang dahilan kung bakit (parang) sumobra ang pagmamahal si Abraham kay Isaac.

Subalit ang anak na kaloob ng Diyos ay biyayang may kalakip na pangako. Ang bawat bata ay katibayan ng katapatan ng Diyos. Sa paniniwalang Judio, ang mga anak nila ang magpapatuloy sa buhay ng magulang, at sila rin ang seguridad na magpapatuloy ang kanilang pananampalataya. Katulad ni Abraham, dapat nating arugain ang ating mga anak at gabayan lalo sa kanilang pananampalataya sa Diyos.

Ang Ating Pakikipagtipan sa Diyos

Sa ating aralin, nakita natin ang katapatan ng Diyos sa isang lalaki, si Abraham.  Nakita natin kung paano siya pinagpala ng Diyos. Nais mo bang maging isang ama ng pananampalataya?

Sa pagtatapos ng ating pag-aaral, maari mong tanggapin ang tipan ng Diyos, at maging katulad ni Abraham na isang ama ng pananampalataya. Gawin ang mga sumusunod na may katapatan:

1. Tanggapin mo ang alok ng Diyos na kapatawaran para sa iyong kaligtasan. Pagsisihan ang mga kasalanan at manampalataya kay Jesus bilang iyong Tagapagligtas. Kung ang pagtutuli ay tanda ng paglilinis ng isang pumasok sa Lumang Tipan, ang mga sugat ni Jesus ay mga marka ng paglilinis ng Diyos para ating mga kasalanan.

2. Tanggapin mo ang bagong buhay na kaloob ng Diyos. Bumitaw sa mga bagay na alam mong kinamumuhian ng Diyos. Kabilang dito ang alak, sigarilyo, sugal, at kalaswaan o immoralidad. Bagong pangalan ang ibinigay ng Diyos kay Abraham, ganun din “ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa ng bagong nilalang.”

3. Kung may nagawa kang pagkukulang sa iyong pamilya. Kung nagkulang ka sa paggabay sa iyong sariling anak sa pagtuturo sa pananampalataya, ito ang tamang pagkakataon upang ituwid ang sarili.

4. Magtiwala sa mga pangako ng Diyos. Nangako siya na pagpapalain niya ang iyong sambahayan. Nais ka niyang bigyan ng buhay na may kapayapaan dito sa lupa at buhay na walang hanggan sa kalangitan. Sumaiyo ang katuparan ng mga pangako ng Diyos.

Pagbubulay:

1. Ano ang paraan upang igalang ka at sundin ng iyong mga anak?

2. Maraming mga magulang ang nagsisimba subalit hindi mahikayat ang kanilang mga anak sa kapilya. Ano ang ating dapat gawin bilang mga ama, upang mahubog natin ang ating mga anak sa pananampalatayang Kristiano bilang United Methodists?

3. Gaano kahalaga ang pangunguna ng ama sa pananampalataya ng kanyang pamilya? Kung mismong ama ang nagunguna sa pamilya niya sa pananalangin o pagpunta sa kapilya, ano ang magiging epekto nito?

4. Tama bang pilitin natin ang ating mga anak sa ating pananampalataya? (Note: Matapos pakinggan ang kuro-kuro ng mga kasama, ipaliwanag na ang Metodismo ay tunay na Kristianismo. Nagtuturo tio ng ganap na kaligtasan at pagbabagong buhay. Makabubuti na palakihin antin at hubugin sa pananampalataya ang mga bata sa ating iglesia para sa kanilang pakinabang. )

5. Kailan natin nasasabi na kumikilos na nga ang Diyos sa ating pamilya?


UMMLesson 1: Si Jose: Lalaking May Integridad Genesis 39:7-20

Lesson 1: Si Jose: Lalaking May Integridad
Genesis 39:7-20

Mayroong isang tatay na “idol” ng kanyang anak, dahil sa talino nito, galing at nakikita ng bata na mahal ng kanyang ama ang kanilang pamilya. Minsan, may tsismis na narinig ang binatilyo na mayroong ibang babae ang kanyang tatay. Hindi siya agad naniwala dahil tiwala siya sa kanyang tatay, ang kanyang "idol". Subali’t dumating ang pagkakataon na siya mismo ang nakasaksi sa katotohanan! Hindi makapaniwala ang binatilyo na magagawa ng tatay niya ang magtaksil sa napakabuti niyang ina. Nagpliwanag ang ama, “Anak, hindi ko gusto ang nangyayaring ito. Wala akong kasalanan anak. Palay ang lumapit sa manok anak, kapag gano’n ang nangyayari, anak, hindi ba normal lang na tukain ng manok ang palay?” Sumagot ang anak, “Dad, nagsisisi ako at ikaw ang naging tatay ko! Hindi ko akalaing manok lang pala ang tatay ko.”

Ang Lalaking Kristiano ay Hindi Chicken!

Ang kwento ni Joseph ay masaklap. Ibinenta siya ng kanyang mga kapatid. Siya ay naging alipin, at nakulong sa Egypt. Napakasakit, siya ay nakulong dahil sa bintang ng babaeng haliparot na asawa ni Potiphar. Tinukso siya upang tukain ang palay, pero hindi siya chicken.

Integridad

Ito ang katangian ng mga taong may takot sa Diyos. Mga taong may paninindigan. Paano nagawang panindigan ni Joseph ang ganito kagandang special offer ng asawa ni Potiphar? Ano ang mga sekreto ni Joseph?

1. Mahalaga kay Joseph ang pagtitiwalang tinatanggap niya kaysa panandaliang aliw sa kandungan ng babaeng ito. (v.5)

Katulad ni Joseph, sa ating mga kalalakihan / UMM ay may nagtitiwala rin. Kung ikaw ay isang ama, nagtitiwala sa iyo ang iyong pamilya, kamag-anak, kaibigan, kaiglesia, asawa at higit sa lahat, ang Diyos.

2. Siya ay kuntento bunga ng mga pagpapalang kanyang tinatanggap (v.8)
Si Joseph ay bumibilang ng mga pagapapala. Hindi niya kailangan ang hindi kanya! Nagtitiwala siya na hndi siya pababayaan ng Diyos.Kumpleto ang kanyang buhay, at hindi siya naghahangad ng higit sa ipinagkatiwala sa kanya!
Maaring sinabi niya sa asawa ni Potiphar habang tinutukso siya, “Ma’m hindi po kayo kasama sa ipinagkatiwala sa akin ni sir, bahay lang po ang maaari kong galawin, hindi po kasama ang maybahay”.
3. Sa harap ng tukso, nakatingin siya sa Diyos (v.9)

Ang mga nahuhulog sa tukso, kadalasan ay ang mga taong nakakalimot
sa Diyos. Pero hindi si Joseph.

Isang lalaki ang lumapit sa kanyang kumpareng pastor upang humingi ng payo. “Pastor, help me pare, sino ang pipiliin ko si Aida, si Lorna or si Fe?” “Pare,” wika ng pastor. “ alam mo na mali ang ginagawa mo. Isipin mo ang kalagayan ng pamilya mo. Ang respetong mawawala sa iyo mula sa iyong mga anak.”

“Ewan ko pare, para sa akin kasi wala nang gaganda pa sa katawan ng isang babae.”  Huminga ng malalim ang pastor at nagpatuloy. “Pare, sa palagay ko hindi mo pa nakita ang kagandahan ng Diyos, pare subukan mong sa Kanya ka tumingin.”

Matagal bago nagkita ulit ang magkumpare at nabigla ang pastor ng makita nito ang kaibigan kasama ang pamilya ng masayang nagsimba. Lumapit ang lalaki sa pastor, “Pare, salamat sa payo mo. Tumingin ako at nakita ko ang kagandahan ng Diyos binago na ako ng Panginoon, pastor, salamat.”

Nakulong man si Joseph dahil sa bintang ng babaeng talipandas, alam natin na malaya pa rin siya dahil kinalugdan siya ng Diyos. Habang ang asawa ni Potiphar , bagamat  malaya, ngunit nakakulong pa rin sa kanyang mababang uri ng pagkatao.

Pagbubulay

1. Ano ang mabisang paraan upang mapanatili nating malinis ang ating pagkalalake bilang mga alagad ni Cristo?
2. Bakit napakahirap ibalik ang pagtitiwala sa isang tao na sumira ng kanyang integridad?
3. Ano ang ibinubungang dusa ng kataksilan sa mahal sa buhay at sa Diyos? Gawing halimbawa si Judas.
4. Kung nagkasala, ano ang sabi ng Panginoon sa 1John 1:9 at Isaiah 1:18; 59:20? Ano ang dalang pag-asa ng tunay na pagsisisi at pagbabagong buhay?

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...