Miyerkules, Abril 3, 2024

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria)

July 21, 2019 - Luke 10:38-42

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

May isang malaking mali na aking nagawa noong ako ay bata pa. Inutusan akong pigain ang kinayod na niyog Piniga ko ito at pagkatos, itinapon ko ang piga at itinira ko ang sapal. Itinapon ko ang higit na mahalaga.

Sa pakikitungo sa Panginoong Jesus, dapat tayong maging maingat. Upang magawa natin ang higit na paglilingkod at hindi natin mapalampas ang higit na mahalaga.

Sina Martha at Maria ay mga halimbawa ng mga taong naglilingkod sa Diyos. At ang bawat pagtuturo ng Panginoon ay pagkakataon upang matuto sa pagka-alagad. Tunghayan natin ang halimbawa ni Martha at Maria sa paglilingkod.

Wika ng Panginoon kay Martha, " “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay,"

Malinaw na sa kabila ng maraming ginagawa ni Martha, sa paningin ng Panginoon mayroong hindi nararapat sa kanyang ginagawa. Ano ito?


1.) Ang Halimbawa ni Martha

Si Martha ay naglilingkod na may sama ng loob.

Huwag kayong maglilingkod na may bitterness o mapait na damdamin. May dahilan kung bakit maaring mangyari ito sa mga naglilingkod sa Diyos.

a. pagkukumpara sa sa sarili sa iba. Sa pag-aakalang mas mabuti sila sa iba, o kabaligtaran, ay insecure pala! Kaya maaring maging judgemental o mapang-husga ang isang Kristiano na hindi niya namamalayan.

b. awa sa sarili. Ang self-pity ay lumalason sa isip ng tao, sa pag-aakalang kawawa siya dahil walang ginagawa ang iba at nag-iisa na lamang (tulad ni Elijah).

Dahil sa paningin ni Martha, inisip niyang mali si Maria. Kaya itinuwid siya ng Panginoon.


2.) Ang Halimbawa ni Maria 

Ano ang tamang ginawa ni Maria? Pumunta tayo ngayon sa halimbawa ni Maria.

At sabi ng Panginoon, 

42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

Ang salitang, "Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo.” (Lucas? ?10:39?), ay larawan ng pag-aaral sa mga turo at pamamaraan ng Panginoong Jesus,bilang sinasanay na alagad.

a. Nakita ni Maria ang isang mahalagang pagkakataon upang matuto bilang alagad.

Mahalaga po ito dahil ito ang buhay ng iglesia. Lumalago ang iglesia dahil sa mga alagad. Tayo ay tinawag ng Panginoon upang kaging alagad, at upang magsanay pa ng mga alagad.

Mayroon pong malaking pinagkaiba ang pagiging alagad.

Pinili ni Martha ang maglingkod upang mag-asikaso sa mga pagkain at paglilinis. Sabihin na natin na ito ay nakakapagod, at kung nag-iisa kang nag-aasikaso, mapapagod ka talaga at maaring mainis.

Ngunit pinili ni Maria ang maging alagad, na maglilingkod upang palaganapin ang kaharian ng Diyos. Ang mga alagad na tinutukoy dito ay mga nangunguna sa iglesia dahil sa pag-eebanghelismo, pagtuturo, pagpapakain, pananalangin para sa mga tao, pangangaral ng Salita ng Diyos at iba pa.

Ulitin nating basahin ang verse 42 "ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

b. Pinili ni Maria ang mabuti.

Ang ginawa ni Martha ay paglilingkod sa isang pagkakataon habang bisita si Jesus. Ngunit pinili ni Maria ang paglilingkod na pang-habang buhay bilang alagad na nag-aaral sa paanan ni Jesus.

Limitado ang pananatili ni Jesus sa lupa, ngunit ang pagsunod sa kanya bilang alagad ay paghabangbuhay, na paglilingkod hanggang kamatayan!

Maaring ikamatay ni Maria ang kanyang ginawang pagsunod bilang alagad ni Jesus! Sa panahon na iyon ang pagiging alagad tulad ng mga apostol ay literal na paghahandog ng buhay. Maari nilang ikamatay ang pangangaral tungkol kay Jesus.

Maraming babae ang naging alagad ni Jesus na naging leader ng simbahan. Sina Mariang Betania, Maria Magdalena, sa Roma 16, mababasa ang mga leader simbahan na may pangalang babae - Precila Maria at Junia at iba pa.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga!

3. Pangwakas

Nakakalungkot na may mga taong minamaliit ang pagiging lingkod ng Diyos bilang pastor. May mga nagsasabi na mga tamad kami. Siguro, wala na kaming mapasukang trabaho kaya kami nagpastor. 
Siguro nga, may kakulangan kami mga kapatid. Patawad po sa aming mga pagkukulang. Pakinggan ninyo muna ito...

May ikukwento kaming mga pastor at mga deakonesa na hindi namin madalas nasasabi sa inyo. Kami yung kahit hating gabi, nagtatrabaho. Gumagawa ng sermon, nagbabasa ng aklat. Bumisita kami ng mga maysakit, kahit nakakahawa, at takot kami na pag-uwi namin sa bahay, babawalan naming mahalikan ng aming nak, dahil galing kami sa hospital o patay. Tapos, paghihinalaan kami ng aming pamilya na wala kaming panahon o pansin na ibinibigay sa kanila. Kami yung mga taong madalas ay lumong-lumo dahil galing kami sa patay at bitbit namin ang lahat ng uri ng negative emotions na binuhos sa amin ng mga namatayan o may problema. Tatanggapin namin iyan ng tahimik.

Kami ay maaring tawagin ng miembro kahit mahimbing na ang aming tulog ng alas-dos ng madaling araw, dahil may naghihingalong miembro na malapit ng malagutan ng hininga. Pwedeng dahil dito, hindi kami matutulog magdamagan. At maririnig namin ang boses ni kapatid na nagsasabing, "Panginoon pagsabihan mo nga si pastor, Paupo-upo lamang diyan at pabasa-basa lamang ng aklat at Biblia!"

4. Nanahimik si Maria

Gusto kong mapansin ninyo na walang himik si Maria, sa puna sa kanya ni Ate Martha, at sagot ng Panginoong Jesus.

Dahil ganyan ang mga nauupo sa paanan ni Jesus. Maaring nakararanas kami ng pagbatikos at negatibong puna. Maaring sasabihin ng isang iglesia, na tamad ang pastor at hihilingin na malipat siya sa ibang lugar.

At ang pastor ay tahimik lamang na aalis. Nakangiting lilipat, sa paniniwalang ang Panginoon na ang bahalang magsalita para sa kanyang mga lingkod.

"Ah, Martha,,pinili ng kapatid mo ang higit na mahalaga."

5. Hamon

Gusto ko kayong anyayahan na maglingkod tayo sa Diyos tulad ni Maria. Salamat din naman sa mga Martha. Sa mga nagluluto at naglilinis sa kapilya, yung mga naghahanda kapag may malaking okasyon sa kapilya.

Pero, kailangan din ang mga Maria: mga magtuturo ng Sunday School, mga mangangaral, mga misyonero, mga pastor at deakonesa. Mga magbabasa ng Biblia at mga aklat, at mananalngin para sa buong iglesia, 
Mga umuupo sa paanan ng Panginoon 
upang maghandog ng buong buhay sa Diyos 
sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos.

Maaring sasabihin ninyo - "Magma-Martha na lang ako!"

Isipin din ninyo, na baka tinatawag kayo ng Panginoon upang maging - Maria. Piliin po ninyo ang isang bagay na ito na nais ng Diyos para sa iyong buhay. Hindi na ito mai-aalis sa atin! Tara po. Samahan po ninyo kami, at ibigay natin ang ating mga buhay sa paglilingkod sa Diyos.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...