Biyernes, Mayo 15, 2015

May 17, 2015 - Sunday Lesson

May 17, 2015
Bible Text for the Week: Ascension Sunday

1 John 5:9-13

9 Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang Diyos ay ginagawang sinungaling ng sinumang hindi sumampalataya sa Diyos, sapagkat hindi ito naniniwala sa patotoo niya tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. 12 Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan.

13  Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.

ANG PATOTOO NG DIYOS

Sa ating panahon, dahil sa internet, sobrang dami na ng mga informations ang ating nababasa at naririnig. At minsan, mahirap ng sabihin kung alin ang totoo. 

Ang Biblia ay balitang mula sa Diyos. Ang sabi ng ating aralin, ang aral ng mga apostol tungkol sa Panginoong Jesus ay patotoo ng Diyos.  

Ano ang Patotoo? 

Ang salitang ito ay isang "legal word", na tumutukoy sa sasabihin ng isang testigo sa korte. Ang nilalaman nito ay "pawang katotohanan lamang".  Ang anumang mapatunayang kasinungalingan sa testomonyo ng testigo ay maari niyang ikakulong.  Kung sinasabi ni Apostol Juan na ito "patotoo ng Diyos", para na rin niyang inilalarawan ang pag-upo ng Diyos bilang testigo sa husgado. Nakahanda ang Diyos na sabihin ang katotohanan para ating ikabubuti. 

Ang patotoo ng Diyos ay hindi dapat pinagduduhan. 

May kwento tungkol sa isang pamilya. Isang ama ang nagkaroon ng isang anak at isang ampon. Dumating ang oras upang ipagkaloob ng ama ang mana ng kanyang mga anak. Mahina na kasi ang katawan ng ama at alam niyang malapit na siyang pumanaw. Pinatawag ng matanda ang abogado nito at gayun din ang mga anak niya. 

Sa panawagan, hindi tumugon ang ampon. Duda siya sa tawag ng kanyang ama. Inisip niya na baka hindi naman siya bibigyan ng mana dahil ampon lang siya. Hindi siya makapaniwala na kabilang siya sa mga minamahal na anak. Kaya, pinili ng ampon na hindi niya tatanggapin ang anumang balita na nagsasaad na siya ay tagapagmana. 

Maraming tao ang dapat sana ay maliligtas ngunit dahil hindi sila nananalig sa pagliligtas ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang kaloob ng Diyos. 

Aralin natin ang ating teksto.

1. Ang Patotoo ng Diyos Tungkol kay Cristo (v.11)

Sa patotoong ito, itinataya ng Diyos ang kanyang buong karangalan bilang Diyos. Anumang bahid ng kasinungalingan sa balitang ito ay sisira sa kabanalan at kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit dahil ito ay "pawang katotohanan", alam ng Diyos na hindi mabibigo ang sinumang maniniwala sa kanyang sinasabi. 

Ang hamon ngayon ay nasa panig na ng tao na nakakarinig ng balitang ito mula sa Diyos. Nasa atin ang tungkulin ng pagpili kung paniniwalaan ba natin ito o hindi. Ngunit sa panig ng Diyos, pawang katotohanan lamang ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas.

2. Ang Paraan ng Diyos Upang Tayo ay Maligtas (v.12)

Ang paraan ng Kaligtasan ay "paniniwala sa balitang mula sa Diyos".  

Sa mga tao noong unang siglo na nakarinig at nakabasa sa sulat na ito ng Biblia, kapag sinabing "maniwala sa balita" tumutukoy ito sa;

a. Paniniwala kay Jesu-Cristo bilang Anak ng Diyos, na dapat sambahin. Ang mga tagapakinig ay mga Judio, na sumasamba lamang sa Diyos na nasa langit at ang mga pagano na sumasamaba sa mga diyus-diyosan. Kung maniniwala sila sa balitang ito, kailangan ilipat ang kanilang pagsamba kay Jesus-Cristo. 

b. At kung ito ay kanilang gagawin, kailangan silang pabautismo, upang ipahayag ang kanilang pagsapi sa mga Kristiano na inuusig sa panahon na iyon. 

c. Pangatlo, kapag nagpahayag sila ng paniniwala sa Balitang ito, kailangan silang sumunod sa mga patakaran ng samahang Kristiano tulad ng pagmamahal sa kapwa Kristiano bilang tunay na kapatid, hindi pagihiganti sa mga umuusig sa kanila, at tapat na pagsunod sa mga turo ng Panginoong Jesus na ibinabahagi ng mga apostol. 

Ang "paniniwalang" ito sa Panginoong Jesus ay isinasabuhay at hindi 
pinaniniwalaan sa isipan o salita lamang.

3. Ang Kasiguruhan ng Kaligtasan sa Pamamagitan ng Pananalig (v.13)

Ang pagtanggap sa Balitang ito ay nagbubunga ng kaligtasan.  Ang pagiging Kristiano ay hindi lamang pagkakaroon ng sekta o pangalan ng isang kinaaanibang grupo ng relihiyon. 

Ito ay may importanteng katangian na dapat natin hanapin sa ating buhay upang mapatunayan natin na tayo nga ay totoong kabilang sa mga tunay na sumasampalataya sa Panginoon.

a. Kapatawaran - ang tunay na Kristiano ay pinatawad na at wala na siyang bahagi sa dating masamang pagkatao. Nilinis na tayo at inalis na sa dating pamumuhay.  Sa pahayag ng Biblia, tayo ay mga "inampon o adopted" ng Diyos (Efeso 1:5) at tayo ay dating napapailalim sa kapangyarihan ng kasamaan. Sabi s Efeso 1: 1-3

1    Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa ating laman, at sumusunod sa masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Dahil sa pahayag na ito, maasahan ng sinumang maniniwala sa Balitang mula sa Diyos na hindi na aalungkatin pa ng Diyos ang nakalipas. Mawawala na ngayon ang anumang gapos ng masamang nakalipas sa buhay ng isang pinatawad. 

b. Bagong Buhay 

Ang bangungot ng nakaraan ay wala ng lugar sa bagong buhay na kaloob ng Diyos.  Ang anino ng nakalipas ay mawawala sa liwanag ng Diyos. Ang tanging makikita ngayon ay isang bagong pagkatao na kalarawan ni Cristo. 

c. Panghuli, kapag pinakikinggan ito ng sinaunang Kristiano at pinaniwalaan ang Balitang mula sa Diyos, ito ay kasabay nilang sinasampalatayanan na sila tatanggap ng buhay na walang hanggan. 

Maraming Judio ang hindi naniniwala sa buhay na walang hanggan noong panahon ng Panginoong Jesus. Sa paniwala nila, dito lang sa lupa ang buhay ng tao. Ang mga pagano naman ay naniniwala sa Hades o lugar ng mga patay, kung saan nanatili lamang silang bilanggo doon. 

Ngunit ang buhay na walang hanggan na sinasabi ng Balitang mula sa Diyos ay buhay na nagsisimula dito sa lupa (buhay nasagana at kasiya-siya ayon Juan 10:10) at aabot hanggang sa kabilang buhay.  Ito ay hindi katulad ng paniniwala ng pagano sa lugar ng Hades at kabaligtaran naman ito ng paniniwala ng mga Judio. 

Sa mga unang nakarinig nitong Balita, para sa kanila ito ay bagong pananampalataya! Kaya ang hamon ng Kristianismo sa kanila ay isang bagong paniniwala, dahil winawasak nito ang paniniwala sa dati nilang relihiyon.

MGA TANONG SA TALAKAYAN

1. Bakit hindi kumpleto ang maniwala sa Ebanghelyo sa isip at salita lamang? Paano kinukumpleto ng gawa ang pananampalataya? 

2. Kung ang bagong buhay na kaloob ng Diyos ay bunga ng ganap na pagpapatawad, paano natutulungan sa iglesia ang mga dating nagkasala upang lubusan silang lumaya sa kanilang masamang nakalipas? 

3. Paano naliligtas ang isang tao sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo? Paano naliligtas ang tao mula sa kasalanan at kasamaan? Ano ang mga halimbawa ng kasamaan ang sumisira sa buhay ng tao na dapat nating gapiin?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...