Pamagat ng Sermon:
Babala at Pananampalataya. Numbers 21:4-9
• Psalm 107:1-3, 17-22 •
Ephesians 2:1-10 • John 3:14-21, FOURTH SUNDAY IN LENT, Year B,
March 10, 2024
Kapag ang nanay o tatay ay nagpakita ng
pamalo, at sinabi niya, “Nakikita mo ito anak?” Ang tanong ay nagiging malinaw
na babala.Balikan natin sandali ang
kwento. Nanghimagsik ang mga Israelita
sa Diyos at kay Moises.
Noong una, sila ay nagrereklamo
lamang. “Bakit walang tubig? Bakit
walang karne?”
Ngayon, sila ay nag rebelde na.
Nagsalita na sila ng laban sa Diyos!
Subukan nating unawain ang damdamin
ng mga Israelita. Sila ay hinarang ng
mga taga-Edom. Sa halip na lumaban, umiwas sila. Kaya napilitan silang umikot sa Kanlurang
bahagi ng Edom, na lubhang malayo. Dahil dito, nanghimagsik sila sa Diyos.
“Bakit inalis mo kami sa Egypt, para
mamatay? Walang pagkain! Walang inumin! Sawang-sawa na kami sa pagkaing ito!”
Sawa na sila ng kaka-kain ng manna. Ayon sa pag-aaral, ang manna ay lasang
wafer, na manamis-namis. Masarap siguro. Pero kung araw-araw na ito ang pagkain
mo, sa loob ng isa, dalawang buwan, tatlong buwan?…ewan ko kung hindi ka
magsasawa.
Ang problema, hindi lang sila
nagrereklamo.
Nawalan na sila ng respeto sa
Diyos. Nanghimagsik na sila sa Diyos.
Bilang parusa, maraming ahas ang
ipinadala ng Diyos. Marami ang nakagat
ng ahas at namatay.
Nakiusap ang mga Israelita kay
Moises upang iligtas sila ng Diyos.
Nagpagawa ng isang tansong ahas ang Panginoon, upang ang sinumang
tumingin dito ay gagaling at hindi mamamatay.
A. Ang tansong Ahas
ay Babala
Ang tansong ahas ay hindi
nakapagliligtas. Diyos lamang ang nakapagliligtas. Walang kapangyarihan ang ahas na tanso.
Ngunit ano ang kahulugan nito?
a. Una ang ahas ay simbolo ng
Diablo. Gen 3.
b. Isa pa, ang ahas ay simbolo ng
kaaway ng Diyos na dapat wasakin, Isaias 21:1
c. mayroon pa, ang salitang ahas sa
Hebreo ay tumutukoy kay Lucifer, ang angel ng liwanag, na nanghimagsik sa
Diyos. Ang Diablo may ay nagkukunwaring angel ng kaliwanagan. (2 Cor. 11:14).
Kung ang ahas pala ay simbolo ng
kaaway, bakit tansong ahas ang ipinagawa ng Diyos kay Moises?
Kaya po tansong ahas ang pinagawa ng
Diyos;
a. ito ay upang ipakita ng Diyos na
ang mga Israelita ay nagrebelde sa Diyos, ugaling ahas, tulad ni Lucifer.
b. Sila ay inutusang tumingin sa
tansong ahas. Ang salitang “tumitig” dito ay nangangahulugan ng “tumitig na may
pang-unawa”.
Noong bata po ako, ako po ay medyo
pilyo. Kapag sinabi ng tatay ko, “Nakikita mo ba ang sinturon na ito?” Titingin
lang po ako sa sinturon, at alam ko na at agad kong nauunawaan ang ibig niyang
sabihin.
Sa pagtitig nila sa tansong ahas,
kailangan nilang unawain, kung ano ang kahihinatnan nila sa patuloy na
panghihimagsik laban sa Diyos. Sila ay
mapapahamak sa bagsik ng sariling kasalanan – o ang panghihimagsik sa Diyos ay
lason sa sarili! Na kapag lumalaban ka
sa Diyos, nilalason mo lamang ang iyong sariling buhay!
c. Ang “realization” o pagkamulat na
ito ay daan upang maunawaan ng mga Israelita ang bigat ng kanilang pagkakamali.
Sabi sa Efeso 2:1, “Patay kayo dahil sa inyong pagsalansang.”
Ang interpretation po tungkol sa
pagtitig sa ahas na tanso, ay hindi po ito nagpapagaling. Wala pong
kapangyarihan ang ahas na tanso. Ang
ahas ay ginawa upang maging paalala o babala. Na kapag nagpatuloy ka sa panghihimagsik
sa Diyos – matutulad ka lamang sa ahas. Ngunit kung tititig sila dito na may
pagsisisi. Kung tititig sila sa ahas na
may unawa sa kanilang kamalian. Kung
tititig sila dito na may pananalig sa kahabagan ng Diyos-sila ay gagaling.
Ang totoo, ang tansong ahas na ito
ay itinago ng mga Israelita, at bandang huli, ito ay sinamba nila. Sa panahon ni Haring Hazekiah, ito ay winasak
ng Hari (2 Kings 18:4).
B. Ngayon po, sa ating Gospel
Reading, nabasa natin ang pagkukumpara sa itinaas na ahas na tanso at ang
Panginoong Jesus.
Ano ba ang pagkaka-iba?
1. Ang ahas na tanso ay warning, o
babala na ang bayad ng kasalanan ay kamatayan. Alam po ninyo, ang Diablo ay
magaling na manlinlang. At marami ang naniniwala na ang mga maliliit na
kasalanan ay hindi nakamamatay. “Maliit
lang iyan. Hindi ka maano diyan. Hindi seryoso iyan.”
May kwento sa isang magsasaka. Siya ay nakagat ng isang maliit na ahas. Pinagpag niya ang kamay, at sabi niya sa
sarili, “Hmmm, maliit lang. Wala ito.”
At nagpatuloy lang siya sa pagtatanim.
Parang wala lang. Pagkatapos ng ilang minuto, ang magsasaka ay
nakaramdam ng pandidilim ng paningin. At
bigla siyang nawalan ng malay. Kumalat na pala ang lason sa kanyang katawan.
Sabi sa Awit 107:17, “Some were sick
through their sinful ways, and because of their iniquities endured affliction;”.
Ang kasalanan ay
nagbubunga ng pahirap.
Ang kasalanan ay may
katumbas na parusa.
Ang bayad ng kasalanan
ay kamatayan (Roma 6:23).
Ang pagtitig sa ahas ay paalala sa
bagsik ng kasalanan na magbubunga ng kamatayan.
Kailangan ang pagsisi upang
patawarin tayo ng Diyos. Sa Diyos tayo
manalig, hindi sa ahas.
2. Ang Anak ng Diyos ay itataas din.
Ngunit ang tititig kay Jesus, ang
mananalig kay Jesus ay maliligtas.
May malaking pinagkaiba ang
dalawa.
Kapag tumitig ka sa tansong ahas,
dapat kang matakot sa parusa ng iyong kasalanan.
You will see your sin
and your condemnation!
Kapag tumitig ka sa pagkapako ng
Panginoong Jesus, at sumampalataya ka, patatawarin ka sa iyong mga kasalanan!
Looking at the cross of
Jesus, you will find love and salvation!
·
Efeso 2:4
“Subalit napakasagana ng habag ng
Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. 5Tayo'y binuhay niyang kasama
ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo
dahil sa kanyang kagandahang-loob.”
Sa isang retreat, gumawa ng malaking
krus ang pastor. At sabi niya, isulat
ninyo sa papel ang inyong mga kasalanan.
Pagkatapos ay ipako ang papel sa krus. Manalangin kayo at magsisi. Umasa kayo na patatawarin ka ng Diyos. Isang
kabataan ang dumalo na may maraming nagawang kasalanan. Hindi niya ipinako sa krus ang kanyang papel.
Tinanong siya ng pastor kung bakit. Sabi ng kabataan, “Hindi ako makapaniwala
na ganoon lang kadali na patawarin ako ng Diyos. Ang dami kong kasalanan.”
Wika pastor, “Anak, hindi madali ito
para sa Diyos.” Binasa ng pastor ang Isaias 53:6, “Siya ng tumanggap ng parusa
na tayo ang dapat tumanggap.”
Sabi pa ng pastor, “Tumingin ka sa
krus. Unawain mo kung gaano ka kamahal ng Diyos.”
Umiiyak na ipinako ng kabataan ang
listahan ng kanyang kasalanan sa krus. Humingi siya ng tawad at siya ay
naligtas.
Sapagkat gayon na lamang ang
pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang
Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi
magkaroon ng buhay na walang hanggan.