Biyernes, Pebrero 8, 2019

Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons)

Lesson 1.

Hangaring Makilala Si Cristo
Filipos 3:4-14

"Gagawin ko ang lahat makilala ko lang siya!" ganito yata ang sinasabi ng mga kabataang "na in-love at first sight". Pero ang relasyon sa Diyos ay hindi  “crush o love at first sight”.  Ito ay tunay na kaugnayan sa Diyos na umuunlad sa ating  committment, at eternal relationship.  Mahalaga ito kaysa ibang bagay.  Ito ay pahayag ni St. Paul tungkol sa kanyang layuning makilala si Jesus, kahit ano pa ang maging kapalit.

Ang Mahalaga Kay Pablo Noon

May mga bagay na unang minahal si Pablo noon bago si Jesus.
1. Mas mahal niya ang kanyang relihiyon. Kailangan ang relihiyon at mahalaga ito sa ating relasyon sa Panginoon (1 Tim. 3:16). Ngunit sa kalagayan ni Pablo bilang Judio, mas ipinagyabang niya ang kanyang pagiging Judio, o ang kanyang pagiging relihiyoso. Hanggang nakita niya na may mas mahalaga pa pala kaysa dito.

2. Nahulog siya sa maling akala, na ang panlabas na seremonya ng relihiyon ay ang pinaka-mahalaga, subalit hindi pala ito ang pinaka mahalaga. Maaring ang isang tao ay magyabang tungkol sa kanilang sariling relihiyon. Ngunit hindi ito sapat upang maging matatag ang relasyon ng isang tao sa Diyos.

3. Inakala rin ni Pablo na higit na mahalaga ang kanyang lahi bilang angkan ni Benjamin, na nagpapatunay na siya ay tunay na Hebreo. Ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.

4. Siya ay Pariseo, kung baga, nakapagtapos siya sa pinakamataas na pag-aaral. Mataas ang natapos ni Pablo bilang dalubhasa sa batas.

Kaya kung payabangan lamang ang pag-uusapan, mayroong ipagyayabang si Pablo. Ngunit hindi ang mga ito ang nagbigay sa kanya ng tunay na kahulugan ng buhay.

At Nakilala Niya si Jesus

"Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon." - v. 7

Ang karanasan ni Pablo sa Panginoong Jesus ay parang isang love story ng dalawang dating mag-kaaway na naging magkasintahan. Dati, dahil sa sobrang pag-ibig ni Pablo sa kanyang relihiyon, inisip niyang wasakin ang Kristianismo. Subalit nakilala niya si Cristo, na mas higit pa sa kanyang relihiyon, dahil si Cristo ang larawan ng Diyos na hindi nakikita. Si Jesus ang ipinangakong Tagapagligtas ng Lumang Tipan ng mga Judio.

At mula noon, si Jesus na ang naging sentro ng buhay at pananampalataya ni Pablo.
Kaya ang hangarin niya ngayon ay;

1. Talikuran ang lahat ng bagay na dating pinapahalagahan niya, alang-alang kay Cristo. "Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo." -v. 8b.

2. Magbago ng pamantayan kung paano magiging matuwid at magiging katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Wika niya, "Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo." -  (talatang 9).

3. Ang makilala si Jesus at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay.

Sa ganitong paraan masasabi natin na nahulog na nga si Pablo sa kanyang pag-ibig kay Cristo Jesus. Sa pagsunod niya kay Cristo, naranasan niya ang pagpapatawad at pagtanggap ng Diyos sa pamamagitan ng biyaya. Naunawaan niya na ang kaligtasan ay hindi pinagpapaguran kun’di tinatanggap. Dati, sinisikap ni Pablo na makuha ang kaligtasan sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ngunit nakita rin niya na ang tao ay makasalanan at hindi kailanman makaka-abot sa pamantayan ng Diyos (Roma 3:23). At sa kabila ng kahinaang ito ng tao, mahal pa rin tayo ng Diyos at ibinigay ng Diyos si Cristo para sa ating kaligtasan.

True Love na 'To!

Alam ni Pablo, na bagamat naging tapat siya sa kanyang relihiyon bilang Judio, hindi siya naging karapat-dapat sa Diyos. Naging karapat-dapat siya dahil minahal siya ng Diyos. Ang kanyang pag-ibig sa Diyos ngayon ay isang tugon sa ipinakitang kabutihan ng Diyos sa kanya. Ngayon iisa na lamang ang layunin ng kanyang buhay; ang mahalin si Cristo na nagmahal sa kanya. Paano niya ito ginawa?

1. nais niya makibahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Siya ay namuhay bilang tunay na alagad ni Cristo na gumagawa para katuparan ng misyon ng Panginoon.

2. Nais niyang mabuhay at mamatay para sa Diyos.

3. Nais niyang kamtan ang tunay na kaligtasan, ang muling pagkabuhay.

4. Nililimot niya ang nakaraan upang pagtagumpayan ang laban ng buhay. Sabi niya, "Nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan."

Ang Pag-ibig ng Diyos

Wala na ngang papantay sa pagmamahal ng Diyos para sa atin. Ang ating misyon ngayon ay unawain, isabuhay at ibahagi sa iba. Ito ang kahulugan ng pagiging totoong Kristiano. Ang patunayan natin na wala nang mas mahalaga pa sa buhay natin kun’di si Jesus.

__________________ 

Lesson 2.


Mga Hakbang sa Pananampalataya
Efeso 3:1-12


Sa panahong ito, marahil ang salitang "hiwaga" (mystery sa English) ay halos wala ng kahulugan, dahil sa makabagong kaalaman ng ao sa siyensya. Subalit ang ating aralin ngayon ay nagsasalita tungkol sa "hiwaga ng Diyos".

Ang hiwagang tinutukoy dito ay isang gawa ng Diyos na hindi kayang unawain ng tao sa kanyang sarili, ngunit inihayag ito ng Diyos sa tao (divine revelation). Mahiwaga ito dahil ang ipinahayag ng Diyos ay ang kanyang sarili. Nakalulungkot na maraming tao ang hindi na namamangha sa Diyos at madalang na rin silang magsimba dahil wala na silang nararamdamang hiwaga ng Diyos. Subalit ang Diyos ay para pa ring dagat at ang tao ay parang patak parin ng tubig kung ikukumpara. Dapat pa rin nating sambahin at paglingkuran ang Diyos na may pagkamangha. Tulad ng sinasabi ng awiting "You are Beautiful Beyond Description"
You are beautiful beyond description
Too marvelous for words
Too wonderful for comprehension
Like nothing ever seen or heard
Who can grasp Your infinite wisdom
Who can fathom the depths of Your love
You are beautiful beyond description
Majesty, enthroned above
*And I stand, I stand in awe of You
I stand, I stand in awe of You
Holy God to whom all praise is due
I stand in awe of You

Bagamat kamangha-mangha, ipinahayag pa rin ng Diyos ang kanyang sarili sa atin.  Ang ating aralin ay pagtunghay sa landas ng pananampalataya sa karanasan ni Pablo kung paano niya nakilala ang Diyos at kung paano niya naunawaan ang mga hiwagang ipinahayag sa kanya.

1. (Ang Kapahayagan ng Hiwaga ng Diyos, read v. 3)

Ang unang hakbang ay ang pagpapakilala ng Diyos kay Pablo. Hindi natin makikilala ang Diyos kung hindi siya magpapakilala sa atin.
Ang dahilan kung bakit tumalima sa Diyos si Pablo ay dahil sa hiwagang ipinahayag sa kanya. Naging apostol siya hindi dahil agad niyang naunawaan ang layunin ng Diyos, kundi dahil naranasan niya ang presensya ni Jesus na hindi niya maaring itatwa bagamat hindi niya ito lubusang maunawaan.

Maaring ihalintulad ang pagpapakilala ng Diyos kay Moises o kay  Abraham sa tagpong ito. Ang nagpakilala sa kanila ay isang Diyos na hindi nila naunawaan. Isang Diyos na makapangyarihan na nakikipag-ugnayan sa mga taong hindi man karapat-dapat sa Kanyang kabanalan at kadakilaan. Isang Diyos na hindi maabot ng kanyang mga nilikha, ngunit umaabot sa atin. Diyos na hindi natin minahal, ngunit nagmahal sa atin.

Tandaan na lumaki si Pablo bilang Judio, marami siyang nalalaman tungkol sa Diyos, subalit wala siyang tunay na pananampalataya sa Panginoon (understanding without true faith, is mere head knowledge). Ang Jesus na nakitagpo sa kanya sa daan ng Damasco ay hindi niya kilala. Ang tunay na pananampalataya ay isang hiwaga na hindi lubusang nasasaklaw ng ating pagkaunawa (understanding). Kung kaya may mga bagay tungkol sa Diyos na dapat nating sampalatayanan bagamat hindi natin ito lubusang nauunawaan. Tandaan na ang Diyos na ating sinasamba ay walang hanggan, at tayo ay may hangganan. Alam natin na siya ay mabuti at banal, ngunit hindi natin saklaw ang kanyang mga pamamaraan. Kung kaya sa hiwaga ng kanyang kabanalan, patuloy tayong hinahamon ng ating pananampalataya na magtiwala sa Kanya.

Ang unang hakbang kung gayon, ay karanasan sa Diyos na bagamat hindi lubos naunawaan ng karunungan ng tao, ay tinatanggap na may pananampalataya, dahil ito ay karanasang hindi naikakaila. Ito ang dahilan kung bakit puno ng hiwaga ang pakikitungo sa Diyos.

2. Ang Hiwaga ni Cristo, (read v.4)

Ang pangalawang hakbang ay paghahanap ng kaunawaan ng tao, upang mabatid kung sino ang Diyos. Gayun man, bagamat hindi maunawaan ni Pablo ang lahat, sinisikap niyang unawain ang mga bagay tungkol kay Cristo. Ito ang sistema ng theolohiya, ang Diyos na nagpakilala at sinisikap nating kilalanin. Ito ay upang maipahayag natin ang Diyos sa iba.

Hindi mabuti kung tayo ay bulag na tagasunod ng Diyos. Bagamat sumasampalataya tayo, hindi tama na basta-basta na lamang sumusunod sa mga turo tungkol sa Panginoon. Kahit ang Biblia a 1 Juan 4:1 ang nagsasabi ng ganito,

"Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito."

Ang tamang pananampalataya ay may tamang pagkaunawa sa Diyos. Nabalitaan na ba ninyo ang naglitawang relihiyon na pumapatay ng kapwa tao, at ito raw ay para sa Diyos? O ang relihiyon ng mga nagpapakamatay para daw makatiyak sila sa langit ang punta? Ito ang panganib ng bulag na pananampalataya.

3. Ang Lihim ng Hiwaga (read v. 6)

May kwento tungkol sa isang seminary class, na nagtatalo kung ano ang pagkakaiba ng Kristianismo sa ibang relihiyon. Ang sabi ng iba ay kakaiba ito dahil sa pagkakatawang tao ng Diyos, ang Holy Trinity at iba pa. Nang dumating si C.S. Lewis, isang dating atheist na sumampalataya, sabi niya, "The difference is about the grace of God." Ang biyaya ng Diyos na nagmahal sa mga makasalanan, at tumanggap sa mga Hentil (hindi naniniwala sa Diyos) at namatay si Kristo para sa mga makasalanan.

4. Pagtalima sa Nais Mangyari ng Diyos, (read v.7)
Dahil naging malinaw na kay Pablo ang lahat, nakita niya ang layunin ng Diyos sa likod ng hiwagang kanyang naranasan. Bilang dating kaaway ni Cristo, tinawag siya upang maglingkod sa panig ng Panginoon. Nagkaroon siya ng malinaw na pagkakilala sa sarili bilang apostol ni Cristo.

Naging malinaw ang kanyang tungkulin, ang ipahayag sa mga Hentil ang mabuting balita. Sa ganito ring paraan, dapat nating maranasan ang hiwagang ito, tungkol sa "hindi maunawaang pag-ibig ng Diyos". At umasa tayo na kung mararanasan natin ito, mauunawaan natin ito bandang huli at ibabahagi natin sa iba.


___________________________  

Lesson 3

Ang Gawain ng Espiritu sa Mga Kristiano 
1 Corinto 12:1-11

Sa Biblia, sa Gawa 19:2, minsang tinanong ni Pablo ang mga Kristiano sa Efeso tungkol sa Espiritu Santo, at ang sagot nila ay ganito: 

at sila'y tinanong niya (Pablo), "Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?" "Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala," tugon nila.

Marahil ganito ang nais iwasan ni Pablo ng sabihin niya sa mga taga- Corinto (1Cor. 12:1), 
"Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman."

Ang gawain ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga Kristiano ay lubhang napaka-halaga. Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay kapangyarihan sa atin upang magpahayag ng Salita ng Diyos (Gawa 1:8), siya rin ang ating Tagapagturo at ating Gabay. Ayon sa Panginoong Jesus sa Juan 14:26, 

"Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo."

Isipin na lamang natin ang laki ng mawawala sa atin bilang iglesia kung wala tayong kabatiran tungkol sa Banal na Espiritu! Ngunit kung mapupuspos tayo ng Banal na Espiritu, ayon sa Salita ng Diyos, magkakaroon tayo ng kapangyarihang nagmumula sa itaas (Gawa 1:8).

Ito nga yata ang batikos sa atin ng mga ilang Pentecostal groups, na nagpaparatang na parang hindi raw nararamdaman ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa United Methodist Church...na wala raw "annointing of the Holy Spirit" ang ating mga pastor at mga miembro! Ngunit kailangan din nating saliksikin ang sarili, baka may katotohanan ito. Kahit si Pablo ay may babala tungkol sa huling panahon, sa 2 Timoteo 3:5,

"Sila'y magkukunwaring maka-Diyos (relihiyoso), ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay."

Pero ano nga ba ang mga tinatawag na "Gifts of the Holy Spirit"? Huwag na tayong magalit, huwag na tayong malungkot, ang mahalaga ngayon ay hilingin natin sa Diyos na puspusin lahat ng Panginoon ng Kanyang Espiritu ang bawat isa sa atin, at ito ay matatamo sa pamamagitan ng taimtim na panalangin ayon sa sinasabi ng Lucas 11:13, 

"Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!"

Ilang Bagay na Dapat Isaalang-alang.

Ang mga taga-Corinto ay dating mga pagano (naniniwala sa diyus-diyosan) at nakaranas na rin sila ng pagsanib ng mga espiritung hindi mula sa Diyos. Dahil dito, sila ay dati ng nakaranas ng mga "trances" o impluensya ng mga espiritung mula sa mga demonyo na dati nilang sinasamba at nag-udyok sa iba na magsabing "Sumpain si Jesus". Ngunit ngayon sila ay sumasamba na sa tunay na Diyos. Kailangan nila ngayong maunawaan ang pagkakaiba ng pagkilos ng Banal na Espiritu ng tunay na Diyos na kanilang sinasampalatayanan kay Jesus. 
Kaya  maingat na tinuruan ng apostol ang mga alagad sa Corinto upang hindi maghalo ang dalawang paniniwala at maunawaan nilang mabuti ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos.

Kahit si Apostol Juan ay nagsabi rin,  
“ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.” (1 Juan 4:4)

Mga Kaloob ng Espiritu Santo 

1. Kaloob na Karunungan at Katalinuhan , v. 8.
Ang karunungang (logos sophia) tinutukoy ay  karunungang nagmumula sa Diyos (1Cor. 2:7).  Ito kakayanang kaloob ng Diyos upang magpahayag ng mga bagay na tungkol sa mga walang hanggang layunin at panukala ng Diyos. Ang katalinuhan (logos gnosis) ay mga "divine insights", kaloob ito ng Diyos para umunawa ng mga hiwaga (1Cor 13:2). 

2. Kaloob ng Pananampalataya. Pistis sa Griego, ay pananampalataya (sa Espiritu) upang makagawa ng himala tulad sa sinasabi sa 1 Cor. 13:2.  Kaiba ito sa pananampalataya kay Jesus, ang Anak, para sa kaligtasan mula sa kasalanan. Malinaw na ang Banal na Espiritu ay persona ng Diyos na dapat ding sampalatayanan.

3. Kaloob ng Pagpapagaling ng maysakit.  Ang kaloob na ito ay mababasa sa Gawa 4:30. Ito ay kaloob sa lahat ng mananampalataya. 

4. Kapangyarihang gumawa ng himala (working of miracles o mula sa Griego energeemata dunameoon, kung saan galing ang salitang energy at dynamo).  Sila ay mga manifestations ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay ng mga Kristiano .  

5. Kakayanang magpahayag ng mensahe mula sa Diyos o propesiya.  Hindi lang hula tungkol sa mangyayari sa hinaharap kundi mga kapahayagang mula sa Diyos sa gabay ng Banal na Espiritu. 

6. Kakayahang malaman kung alin ang kaloob na mula sa Espiritu at kung alin ang hindi sa Diyos (spiritual discernment). Tulad ng babala sa 1 Juan 4:1, 

7. May pinagkalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon.  Ang "speaking in tongues" ay personal na pakikipag-usap sa Diyos at hindi kapakinabangan para sa lahat. Maari itong makagulo kung hindi maunawaan ng iba.  Kung kaya, kung wala rin lang magpapaliwanag nito, mas makabubuti na sarilinin na lang ang pagsasalita ng ibang wika.

Conclusion: 
Ang mga kaloob na ito ay mula sa Espiritu Santo.  Hindi sila magagamit sa pagsariling kapakinabangan. Katibayan sila ng aktibong pagkilos ng Diyos sa buhay ng iglesia at sa mga mananampalataya. Dapat hangarin ng bawat Kristiano ang mapuno ng Banal na Espiritu.  Kung hindi, ang kinatatakutan ni John Wesley, na narito sa mundo ang Metodismo subalit wala naman itong kapangyarihan ay mapanganib.  Kaya kailangan natin ang kapangyarihang mula sa Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu Santo. 

Pangalawa, ang Espiritu Santo ay persona ng Diyos, dapat nating ipahayag ang ating  pananalig sa Kanya, tulad ng pananalig natin sa Ama, at sa Anak.  Ang pananampalataya sa Banal na Espiritu ay pagbubukas ng ating sarili sa malayang pagkilos ng Diyos sa ating buhay. 

_____________________  


Lesson 4. 

Ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Ating Mga Kristiano
Batayan:  2Cor. 3:12- 4:2

Memory Verse: 2 Cor. 3:18
Ang pagiging tunay na Kristiano ay pag-alis sa dilim  ng kasalanan tungo sa liwanag ng Diyos. Ang pagbabagong buhay na ito ay mahalaga upang maabot natin ang kalooban ng Diyos na maging kawangis tayo ni Cristo sa kanyang kabanalan.  Ang pag-unlad na ito sa buhay maka-diyos ay pag-unlad sa kaluwalhatiang nasa atin mula sa Diyos. 

Ang kaluwalhatiang ito ay nakukuha sa ating patuloy na pakikipag-tagpo sa Diyos.  Sa ating patuloy na pamumuhay sa presensya ng Diyos, ang liwanag ng Panginoon ay nagliliwanag sa ating buhay. 

Ganyan din ang karanasan ni Moises, kung kaya nagtatalukbong siya ng belo sa harapan ng mga tao, dahil nagliliwanag ang kanyang mukha matapos makitagpo sa Diyos.  At ganyan din ang karanasan natin, tuwing nakikitagpo tayo sa Panginoon, pinaliliwanag ng Diyos ang ating buhay maging sa harapan ng ibang tao.

Ang Sinisimbulo ng Talukbong

Ang talukbong ay nagtatago ng mukha ng isang tao.  Tinatakpan nito ang isang tao upang hindi siya makilala at hindi makita ang nangyayari sa kanyang buhay. 

Bilang isang Kristiano na binago na ni Cristo, ang ating bagong buhay ay dapat maging lantad na patotoo sa iba.  Dapat makita ang liwanag ng Diyos sa atin. 

1. ang talukbong ay maaring magsimbulo sa takot na magpatotoo.  May mga Kristianong takot magpatotoo para sa Panginoon at nananahimik. 

2.  ang talukbong ay maaring magsimbulo sa mga patuloy na kasalanan na ayaw nating alisin sa ating buhay. Mga alitan  marahil o mga kasalanan ng bisyo  na sumisira sa ating patotoo. 

3.  ang talukbong ay maaring magsimbulo sa mga batas o patakaran ng relihiyon na humahadlang sa ating paglagong espiritual.  Umu-unlad ang ating buhay espiritual sa biyaya ng Diyos at sa ating pagsunod sa Diyos.  Ang mga batas na gawa lamang ng tao para sa relihiyon ay wala ng saysay. Halimbawa sa mga batas na ito ay: “Hindi ka maaring mangaral kung hindi ka pa pastor.” “Hindi maaring maging pastor ang babae. Kasalanan ang kumain ng karne” at iba pa. 

Ang Ating Kalayaan  

Ayon sa verse17 ng ating aralin, “Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan.”  

Ang bawat Kristiano ay malaya na sa kanyang nakalipas, sa mga kasalanang nagawa niya, o sa mga kahinaan na hindi niya dating napagtatagumpayan. 

1.  Ang tunay na Kristiano ay wala ng itinatago. 

Bukas ang ating buhay dahil nakikita sa atin ang mga pagkilos ng Diyos. Hindi tayo takot dahil tanging ang Diyos ang nakikita sa atin. Ayons a Galacia 2:20, 
“Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.” 

2. Ang tunay na Kristiano ay malayang gumagawa ng kabutihan. 

Ayon sa 1 Pedro 3:14,
 “At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila.”

Dahil hindi natin ikinahihiya ang ginagawa ng Diyos sa ating buhay, nawawala ngayon ang ating takot sa  maaring sabihin ng mga tao sa atin. Hindi na tayo inuusig ng ating sariling budhi o ng diablo man.  Pinalaya na tayo ng Diyos. 

Ang  Ating Paglagong Kristiano

Ang isang tunay na Kristiano ay nagtataglay ng kaluwalhatian (glory) ng Diyos. Ang antas ng kabanalang ito ay lumalago dahil patuloy tayong binabago ng Espiritu ng Diyos na nasa atin hanggang lubusan na tayong maging katulad ni Cristo. 

“At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.”

Tanong sa Talakayan: 

1. Bakit may mga Kristianong takot magpatotoo sa iba tungkol sa ginagawa ng Diyos sa kanilang buhay? 

2. Sa paanong paraan tayo naging malaya sa ating mga kasalanan sa nakaraan dahil kay Cristo Jesus? 

3. Ano ang mga talukbong na maaring tumatakip sa patotoo ng ating iglesia? Paano aalisin ito? 

_____________________  

Lesson 5. 

Simpleng Pagbabahagi ng Ebanghelyo 
Roma 10:8-13

May isang pastor na nagsasalita ng biglang nagtaas ng kamay ang isang miembro at nagtanong sa pastor, “Paano po ako mananalangin?” At sabi ng pastor, “Kausapin mo lang ang Diyos at sabihin mo sa kanya ng kailangan mo.”

Sa matagal ng panahon, naniniwala ang marami na komplikado ang maging Kristiano, naniniwala sila na mahirap unawain ang Biblia at akala nila mahirap  ang manalangin. Kaya marami rin ang nag-iisip na mahirap para sa isang tao ang maligtas.  Subalit hindi nila alam na napaka-simple ng kaligtasan. 

Ang Pandaraya ng Diablo

Ang lahat ng ito ay gawa ng kaaway.  Pinaniwala niya ang marami na mahirap magpaka-Kristiano, samantalang napakadali nito. Nagiging madali ang magpaka-Kristiano hindi dahil sa kakayanan ng tao, kundi sa tulong ng Diyos. Ayon sa Juan 14: 26, ang mga Kristiano  ay gagabayan ng Espiritu ng Diyos,
“Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Ang Pinakasimpleng Paglalahad ng Kaligtasan

1. Magkaroon ng Pagnanais na Maligtas
Gusto mo nga bang maligtas?  Handa ka bang gawin ang lahat, upang tanggapin ang alok ng Diyos? Ang kailangan mong gawin ay taos-pusong paglapit sa Panginoon.  Magtiwala ka na hindi ka niya itataboy sa kanyang harapan.

Ayon sa v. 12 ng ating aralin,  “Kaya't  walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa  ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.”
Ang Diyos ay walang pinipili.  Ang totoo, nais maligtas ng Diyos ang lahat ng tao ayon sa 1 Timoteo 2:4, “Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.”

Maging si John Wesley noong una ay nag-akala na mahirap ang maligtas. Wika niya, “Tinulungan kong maligtas ang iba, ngunit paano ako maliligtas?”  Inakala niya, na para siya maligtas, kailangan muna siyang maging perfecto.  Ngunit noong May 24, 1738, siya ay nanalig sa Panginoong Jesus at naligtas.  Mula noon, ipinahayag niya ang Ebanghelyo, at ang sabi niya, “I want to share a plain truth to plain people.”
Malinaw kung gayon na ang kaligtasan ay para sa lahat. Bukas ang puso ng Diyos upang tanggapin niya ang sinumang nagnanais maligtas.  Ang kailangan lamang ay lumapit sa Kanya at hilingin ang ganap na pagpapatawad ng Diyos.  
2.  Sumampalataya Kay Jesus ng Buong Puso

Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay higit sa paniniwala na may Diyos.  Si Satanas ay naniniwala na may Diyos ngunit hindi siya sumasampalataya. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya naligtas.

Paano ang Pagsampalataya?

Ito ay buong pusong pananalig na si Jesu-Kristo ay namatay at muling binuhay para sa kaligtasan ng mga makasalanan. Ibig sabihin, ang kaligtasan ay wala sa gawa ng tao kundi sa pananampalataya sa ginawa ni Kristo sa krus. Ang kaligtasan ay ginawa ng Diyos para sa atin, at ang kailangan lamang nating gawin ay tanggapin ito, at paniwalaan na bayad na ang ating mga kasalanan. 

May kwento tungkol sa isang tao na may maraming utang. Hindi na niya mabayaran ang kanyang inutang ng biglang dumating ang kanyang kaibigan at binayaran nito ang buong halaga.  Halos hindi makapaniwala ang umutang ng pera, at nais pa niyang bayaran ang kanyang kaibigan kapag siya ay nagkapera.  Subalit sabi ng kaibigang nagbayad, “Maniwala ka lamang na bayad na ang utang mo, at manatili kang kaibigan ko.”   

Manalig ka lamang sa ginawa na ng Diyos, dahil bayad na  ang kasalanan natin. 

3. Ipahayag Mo sa Iba ang Iyong Pagsampalataya

Ang isa pang simpleng hakbang para maligtas ay ang pangungumpisal sa pamamagitan ng salita.  Ang pagtanggap sa Panginoong Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ay dapat ipahayag sa maraming tao at hindi ito dapat ikahiya.  Dahil wika ng Panginoon, sa Mateo 10:32-33,  “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang sinumang ikahiya ako sa harap ng mga tao ay ipapahiya ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit."

Sabi rin ng 1 Tim. 6:12, “ Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo.“    

Tatlong simpleng hakbang para maligtas, parang ABC lang sabi nga ng iba, A-ask, B- believe, C-Confess.
Ask and Accept o Hilingin sa Diyos ang kanyang pagpapatawad at pagliligtas, at angkinin ito na may pananampalataya 

Believe - manamaplataya ka ng buong puso
Confess - ipahayag mo sa buong iglesia na sumamapalataya ka na at nakahanda ng tanggapin ang isang bagong buhay na mula sa Diyos. 

_____________________________

Lesson 6
Bagong Pagkatao Mula Kay Cristo
2 Corinto 5:16-21

Ang pagiging ganap na Kristiano ay nakukuha hindi sa karunungan kundi sa patuloy na karanasan sa Diyos sa pakikianib sa tunay na pananampalatayang Kristiano - o iglesia.  Ito ay nagsisimula sa mga proseso ng mga  pagbabagong Diyos lamang ang makagagawa kapag ang isang tao ay nakiisa na kay Cristo (sa pamamagitan ng aktibong pag-anib sa simbahan) - at sumampalataya na kay Cristo Jesus bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas. Ito ay  bagong buhay na bunga ng  pagpapasakop sa Diyos.

Kabilang sa mga karanasang ito ang 

    1.) totohanang paghahangad na maligtas
    2.) pagsisisi o patalikod sa dating maling gawain, 
    3.) pagpapabautismo o pagsapi sa iglesia
    4.) paggawa ng mabuti
    5.) pagpapakabanal 

Magaganap ito sa tao kapag siya ay 

    1.) sumasampalataya na kay Cristo. 
    2.) nagpapailalim na sa kapangyarihan ng Diyos
    3.) nagmamahal sa Diyos ng buong puso, isip, lakas at kaluluwa, at handang kalimutan ang sarili              alang-alang sa Diyos
    4.) nagmamahal sa kapwa gawa ng pag-ibig sa sarili. 

Ang ating batayan sa Biblia sa araling ito ay paglalarawan ng tunay na karanasang Kristiano; 
(authentic Christian experience): 

1. Isang Bagong Pananaw, (v. 16)

“Kaya ngayon, ang pagtingin natin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang ating pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na.” 

Ang isang Kristiano ay dating namumuhay sa kasalanan ngunit dahil sa pananampalataya sa Diyos, nagbago ang kanyang pananaw sa buhay o ang kaisipan tulad ng sabi sa Romans 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.”

2. Isang Bagong Pagkatao, v. 17

“Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.” 

3. Bagong Kaugnayan sa Diyos, v. 18-19

     a.) mula sa kaaway tungo sa pagiging kaibigan ng Diyos (from being an enemy to a friend)
      b) mula sa pagiging itinakwil tungo sa pagiging pinili (from being accursed to chosen)

Dati, tayo ay namumuhay sa pagsuway sa Diyos, ngunit ngayon tayo ay namumuhay sa pagsunod sa Diyos! 

“Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya tayong mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinili niya kami upang ang iba pang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19 Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan.”

4.) Bagong Tungkulin sa Buhay, v.20-21

“Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos.”

Kapag Kristiano na ang isang tao, tulad ni Pablo, nagkakaroon siya ng misyon sa buhay. Hindi na siya nagpapayaman lamang o naghahanap ng sariling tagumpay sa buhay para kumita at magpasasa sa sarap ng buhay sa mundo. 

Tulad din ni Pedro, Santiago at Juan, at ibang alagad, mula sa pagiging mangingisda, sila ay tinawag ng Panginoon upang mangisda  ng tao. Mula sa paghahanap buhay lamang, naging instrumento sila sa pagliligtas ng Diyos sa ibang tao. 

Tayo ay mga Misyonero ng Diyos

Tayo ang bagong misyonero ng Diyos sa mundo.  May mahalagang layunin ang Diyos kung bakit pinili niya tayo upang maging kaanib ng isang tunay na  simbahang Kristiano tulad ng United Methodist Church. Tayo  rin ay mga asin at ilaw ng sanlibutan. 

Talakayan

1. Basahin at pag-aralan ang General Rules of the Methodist Church.  Sa iyong palagay,  paano natin ipatutupad ang mga patakarang ito ng simbahan sa ating panahon? Sa iyong palagay, may bahagi ba ito na dapat baguhin upang iangkop sa ating panahon?

2. Ano ang pagiging tunay na Kristiano? 
    Posible pa ba ito sa ating panahon? 

________________________

Lesson 7


Biyayang Kaloob ni Jesus
Hebrews 4:12-16

Ano ang Biyaya?

May kwento tungkol sa dalawang magkaibigan na mula pagkabata ay magkasama. Ngunit sa kanilang pagtanda, ang isa ay naging mahirap at ang isa ay naging judge. Minsan, ang mahirap ay napatunayang nagnakaw at ang kaibigan niyang judge ang humawak sa kanyang kaso. 

Awang-awa ang judge sa kaibigan, at gusto niya itong tulungan, ngunit kailangan niyang igawad ang parusa sa nagkasala. Kaya, iginawad ng judge ang parusang pagbabayad ng limang libong piso na dapat bayaran ng nagnakaw. Pagkatapos, bumaba ang judge at ibinigay niya ang limang libong pisong pera sa kaibigan upang ipambayad sa kanyang ninakaw. 

Ang biyaya ay isang bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos na matuwid bagamat hindi tayo karapat-dapat tumanggap ng biyayang ito. 

Kilala Tayo ng Diyos (v.12)

Ang unang bahagi ng ating aralin ay nagsasabi na tayo kilala ng Diyos. Alam ng Diyos ang ating mga kahinaan at nakatagong kasalanan. Ang kanyang Salita ang naglalantad kung sino tayo. Dahil sa Salita ng Diyos, ang bawat buhay ay bukas na aklat sa harapan ng Niya. Alam ng Diyos ang kalooban ng tao; ayon sa Jeremiah 17:9, "Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan.

Sabi rin ng Roma 6:23, “Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” 

Pananagutan Natin sa Diyos ang Ating Pagkakasala (v.14) “Walang makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo mananagot.” -Hebreo 4:13

Walang pinalalampas na kasalanan ang Diyos na matuwid at banal. Ang Diyos, dahil matuwid ay hindi maaring mangunsinti ng pagkakasala ng tao, kung kaya’t ang bayad ng kasalanan ay mabigat-kamatayan.

“Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon..” - Roma 6:23

Ang Ginawa ng Panginoong Jesus Bilang Saserdote

Ang ginawa ng Panginoong Jesus bilang Saserdote (priest) ay pambihirang hakbang ng pagliligtas ng Diyos. Ang tungkulin ng saserdote ay ang mga sumusunod; 

a. siya ay Tagapamagitan sa tao at sa Diyos
b. nangunguna sa panalangin ng mga tao, sa ganitong paraan inilapit ni Cristo ang mga nagkasala sa Ama, 
c. tagapanguna sa pagsamba ng kalipunan

Ang pagkakatawang tao ng Panginoong Jesus ay pawang sa kapakanan natin upang tayo ay maligtas. Siya ay naging ‘isa’ sa atin ng siya ay naging tao. Alam niya ang ating mga kahinaan, at ang kalagayan ng tao sa sanlibutan. Siya ay Diyos na kasama natin sa ating kalagayan. 

Ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay isang Diyos na umaabot sa tao. Sa ibang pananampalataya na hindi Kristiano, ang Diyos para sa kanila ay mataas, na aabutin ng tao. Sa Kristianismo, ang tao ang inaabot ng Diyos. Ang Diyos ay nagpakababa dahil sa pag-ibig niya sa ating mga tao.

Sa ginawa ni Jesus, nakaranas ang Lumikha ng buhay ng kamatayan. Ang Lumikha ng tubig ay nauhaw, ang Pinakamakapangyarihan ay nasaktan, bilang saserdote na nagdala ng kasalanan ng sanlibutan, handog ang sariling buhay para sa kaligtasan ng lahat. 

Habag ng Diyos

Ang ginawa ni Cristo ay nagbunga ng malayang pagdaloy ng kaligtasan para sa mga makasalanan. Alam ng Diyos ang ating mga kasalanan at kahinaan, ngunit mahal niya tayo. Kailangan tayong parusahan, ngunit pinili niya na ang kanyang Anak ang tatanggap sa parusang tayo sana ang dapat tumanggap. 

Malaya ngayong makalalapit ang sinumang nagkasala, maaring tanggapin ng sinuman ang pagliligtas ng Diyos, sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Panginoong Jesus. 

Mga Pagtalakay:

1. Alin para sa iyo ang mas mabisang paraan para magbago ang isang tao, takutin sa pamamagitan ng parusa, o mahalin siya at hikayating magbago?

2. Alin ang mas mabisang paraan na ginamit ng Diyos upang hikayatin niya tayo na sumampalataya at magbago? Threat of punishment o love and forgiveness?

3. Paano ka sumampalataya sa Diyos, natakot kaba sa impierno o naakit ka sa pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos?


_____________________

Lesson 8

Karunungang Mula sa Diyos
Santiago 3:13-4:3

Kabilang sa mga mahalagang biyaya ng Diyos sa tao ay ang pagiging matalino higit sa iba pang nilikha sa mundo. Subalit may karunungan ang tao na buhat lamang sa mundo at may kaloob ang Diyos ng karunungan para sa mga sumasampalataya. 

Kailangan nating mananampalataya ang karunungang ito dahil dapat tayong maging matalino sa ating mga desisyon o pagpili. Sa ating paghatol sa tama o maling gawain, para hindi tayo mahulog sa pagkakasala. 

Ang karunungang makadiyos ay mula sa Diyos-bunga ito ng panalangin. Ayon sa Santiago 1:5, 
“Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.”

Karunungan ng Kamunduhan

Ang mundo ay may sariling karunungan. Ito ay mula sa diablo, tulad ng pagtuturo ng masama na naganap sa Genesis 3, ng turuan ng diablo ang unang tao na lumabag sa utos ng Diyos. Ang tinutukoy na ganitong uri ng karunungan ay ang inggit at makasariling hangarin. Tandaan na si Satanas ay inggit sa Diyos at naghangad ng sariling kapangyarihan at sumuway sa Diyos.

Maraming tao ang nahuhulog sa patibong na ito. Sila ay mga taong uhaw sa kapangyarihan, matakaw at handang makasakit makuha lamang ang hangad. Ang makasariling hangarin ay mapanganib. Sinasakripisyo nito ang kapakanan ng ibang tao, para makamit ang sariling minimithi kahit wala sa katuwiran. Sinisira nito ang iba para maitaas ang sarili. Nagbubunga ito ng kaguluhan at pagkabaha-bahagi. 

Ayon sa versikulo 17, “Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay malinis ang pamumuhay, maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.”

Aralin natin isa-isa ang mga tinutukoy dito. 

Karunungang Mula sa Diyos

1. malinis na pamumuhay. Ang malinis na buhay ay nilinis ng Diyos sa dugo ni Cristo. Ito ay pinatawad na. Ngunit hindi dito nagtatapos, kailangan itong tumalikod sa kasalanan. Upang manatiling malinis, kailangan itong sumunod sa mga utos ng Diyos, hanggang sa mabago ng lubusan at maging ganap sa kabanalan. Ang sinusunod na pamantayan ng kalinisan ng buhay ay ang Diyos at hindi ang mundo. Tandaan na maraming tanggap ang kamunduhan na hindi ayon sa kalooban ng Diyos. 

2. maibigin sa kapayapaan - ang kapayapaan ay hindi nakakamit sa pakiki-ayon o pananahimik sa masama, sa halip ito ay nakakamit sa kaayusan, sa pangingibabaw ng katotohanan, at kabutihan sa sama-samang pagsunod sa layunin ng Diyos.

3. mahinahon - ang kawalan ng kahinahunan ay gawa ng magulong pag-iisip dala ng galit, pangamba, at takot. Ang mga taong mahinahon ay namumuhay na may kapayapaan sa sarili at sa Diyos. Nagagalit, at natatakot ang isang tao kapag hindi niya nakukuha ang kanyang gusto o kapag hindi nangyayari ang kanyang inaasahan (disappoinment). Sa taong mahinahon, nangingibabaw ang kalooban ng Diyos sa kanyang kalooban. Ok lang sa kanya kung hindi siya nasunod, kung ito naman ang kalooban ng Diyos. Tandaan, alam ng Diyos ang kanyang ginagawa, huwag mabahala at magtiwala tayo sa Kanya.

4. mapagbigay - hindi makasarili at handa lagi upang gumawa para sa ikabubuti ng iba. Wika ng Panginoon, mahalin ang kapwa tulad ng sarili. 

5. mahabagin - ito ay angkop sa mga may karapatang magalit at magparusa, subalit nagpapatawad pa rin sila at nagbibigay ng pagkakataon sa nagkasala upang magbago.
6. masipag sa paggawa ng mabuti - hindi tayo dapat magsawa sa paggawa ng mabuti, bagamat may mabuting gawa na hindi kinikilala at ginagantihan pa ng masama. 

7. hindi nagtatangi - sa tunay na Kristiano, walang agwat ang mayaman sa mahirap, matalino at karaniwan, nasa kapangyarihan o ordinaryo.

8. hindi nagkukunwari - ang pagiging totoo sa sarili at sa Diyos ang ugat ng pagiging totoo sa kapwa. Ang taong nagkukunwari ay dinadaya ang sarili. 

Ang Karunungang Mula sa Diyos ay Nagbubunga ng Pagpapala

Ang mga pagpapalang ibubunga nito ay ;

1. pakakaisang Kristiano
2. katugunan sa panalangin. 
3. payapang kalooban
4. malinis na pamumuhay
5. katagumpayan laban sa masama.

Tanong: 

1. Ano ang mga halimbawa ng mga kasalanang tanggap ng mundo ngunit taliwas sa kalooban ng Diyos? 

2. Paano makatutulong ang karunungang mula sa Diyos sa  katagumpayan ng iglesia upang dumami ang maliligtas at upang dumami ang mga kaanib ng iglesia?



____________________________   

Lesson 9

Ang Plano ng Panginoon Para sa Iglesia
Revelation 1:1-8

Ang Aklat ng Pahayag ay ang tanging prophetic book sa Bagong Tipan.  Madalas itong mapagkamalang  naglalaman ng hula para sa darating na panahon (future), subalit ito ay isinulat para sa Kristiano noong una para palakasin ang kanilang loob mula sa mga pagpaparusa ni Roman Emperor Titus Flavius Domitian, na nag-utos na siya sambahin ng mga tao bilang diyos at panginoon. Ang hindi tutupad ay malupit na pinaparusahan ng kamatayan o pagkabilanggo. 

Ang salitang “revelation” ang pinanggalingan ng tagalog na “pahayag”.  Ito ay nangangahulugang “unveiling” o “alisan ng tabing” (isiwalat / ipahayag). Ibig sabihin, ang nilalaman n g Akalat ng Pahayag ay mga salitang mula sa Diyos, sa pamamagitan ng angel na nagsasabi kay Juan ng mga binubuksang katotohanan ng Diyos para sa mga Kristiano noong panahon ng iyon (95 A.D.) na nakaranas ng mga paghihirap dahil sa kanilang pananampalataya.  Ipinapakita ng aklat ang mga nangyayari sa kalangitan at ang mga plano ng Diyos sa buhay ng mga mananampalataya.  Kung kaya, hinahamon din ng aklat na aralin din ng mga Kristiano ang kanilang pagkatao (bilang individual at bilang iglesia) kung nakakatupad nga ba sila sa kalooban ng Diyos. 

Ang Sumulat - Si Apostol Juan

Si Juan ay ang kapatid ni Santiago.  Kung si Santiago ang unang pinatay na apostol, si Juan ang pinakahuling namatay.
Siya ay ipinatapon sa Patmos, isang islang bilangguan ng mga Romano ng panahon na iyon sa Asia Minor (Turkey).  

Doon, nakita at narinig  ni Juan ang mensahe ng Diyos na kanyang isinulat para basahin ng mga pitong iglesia sa Asia Minor. 

Gumagamit ng mga simbolo ang aklat para itago ang mga mensahe nito sa mga hindi  Kristiano.  Subalit para sa mga Kristiano ng panahon na iyon, madali nila itong maunawaan dahil ang karamihan ng mga simbolo ay nasa Lumang Tipan. 

Simbolo ng Pito (7) 

Ang pito (7) ay nangangahulugang kumpleto.  Ang nasasaad sa aklat ay mga gawa ng Diyos na magiging kumpleto sa takdang panahon.  Sa aklat mababasa ang seven seals (Rev 5:1), seven trumpets (Rev 8:6), seven vials (Rev 16:1), seven stars (Rev 1:16), at seven lampstands (Rev 1:12,20).  

Ang aklat ng Pahayag ay tungkol sa Panginoong Jesus.  Si Jesus ang sentro nito kung kaya, sa ating mga pag-aaral, inaasahan natin na lalo nating makikilala ang Panginoon sa kanyang mga plano para sa iglesia.  Matututo tayo sa karanasan ng  mga unang iglesia, kung paano nila napagtagumpayan ang mga pagsubok, hirap at pasakit.  Kung paano nila pinanghawakan ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa gitna ng matinding pagsubok. 

May mga iba pang simbolo na ating aaralin sa mga susunod na Sunday School tulad ng 666, at 114, mga mandirigmang nakakabayo at iba pa. 
Pahayag 1:1-8

Ang mensahe ng aklat ay mula sa Diyos, ibinahagi kay Jesus, dinala ng angel kay Juan at ang apostol naman ay sumulat sa mga iglesia upang basahin sa mga Kristiano sa mga simbahan.

Sino si Jesus ayon sa Pahayag?  

1. Ang tapat na saksi, ito ay nagsasabi na si Jesus ay tapat na lingkod  ng Diyos na nanatili sa harap ng kamatayan at patuloy pa ring nagpapahayag ng mga Salita ng Diyos.  Ito ay hamon upang manatiling tapat katulad ni Cristo.   

2. Ang panganay na anak.  Sabi sa Colosas 1:15, “Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha.”  Tumutukoy ito sa tunay na kalagayan ni Jesus, na nagsasabing hindi pagkakamali ang sambahin Siya at paglingkuran hanggang kamatayan. 

3. Ang unang binuhay mula sa mga patay.  Pinakamataas sa mga binuhay na muli, hindi lamang siya nauna.  Siya ang Panginoon ng mga bubuhaying muli ng Diyos.  Kasiguruhan ito na muling bubuhayin ang mga pinapatay na Kristiano dahil sa kanilang pananampalataya. 

4.  Pinuno ng mga hari sa lupa.  Dapat siyang kilalaning hari ni Emperor Domitian. Kapahayagan ito na mas makapangyarihang hari si Jesus kaysa sa emperor ng Roma.  

Ano ang ginawa ni Cristo para sa atin? 

1.  Iniibig niya tayo.  Ang karapatan at kapangyarihan  ni Jesus bilang Panginoon ay ginamit lamang niya sa pamamagitan ng pagkakataon upang mahalin ang mga tao. 
2.  Sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya  niya tayo sa ating mga kasalanan. 
3.  Ginawa niya tayong isang lahi ng mga pari na naglilingkod sa kanyang Diyos at Ama.  Ang bawat Kristiano ay may mataas na tungkulin bilang pari ng Diyos.  Direkta tayong nakakapanalangin sa Diyos, may karapatan tayong manguna sa gawain at mga misyon ng iglesia.  Sa Biblia, tayong lahat ay mga pari.   

Mga Tanong: 

1. Bakit mahalagang makilala ng mga Kristiano kung sino si Jesus ayon sa kanyang kapangyarihan habang sila ay nagdaranas ng mga pagsubok at kapighatian?  

2.  Paano makakatulong sa kanila ang turo na si Jesus ay panganay sa mga muling nabuhay?  Ano ang pag-asang dala nito para sa isang pinapatay na Kristiano? 

3.  Ang sabihin ng mga Kristiano noon na “si Jesus ang aking Hari at Panginoon”, ay bawal dahil nais ng  emperor na siya lamang ang sasambahin. Sa ating panahon, paano natin ipapakita ang ganitong katapatan sa Diyos? 

4.   Paano mo ikukumpara ang buhay Kristiano noon sa buhay Kristiano ngayon? 

____________________   


Lesson 10

Pagsunod sa Panginoon
Acts 9:1-6, (7-20); Revelation 5:11-14

May isang kwento tungkol sa isang lupon ng mga navy soldiers na nasa training deck ng isang barko. Tulad ng alin mang sundalo, ang general rule para sa kanila ay "Obey first before you complain." At habang nagsasanay, biglang nagbigay ng malakas na command ang kanilang pinuno ng "LAHAT DUMAPA!".   At lahat naman ay mabilis na dumapa bagamat hindi nila alam kung bakit. Kasunod nito ay ang mabilis na wasiwas ng isang kableng bakal na naputol. At ang sinumang hindi dumapa sa tagpong iyon ay siguradong mapuputulan ng ulo o kaya'y mapuputol ang ibang bahagi ng katawan. 

Isa sa mga bagay na lubhang mahalaga sa ating buhay Kristiano ay ang ating kakayanang magpasakop sa Diyos. Madalas nagtatagumpay tayo sa pagtanggap kay Jesus bilang ating Tagapagligtas, ngunit marami ang hindi totoong tumanggap sa Kanya bilang Panginoon. Ito ay dahil sa kawalan ng pagpapasakop sa kalooban ng Panginoon. 

Bakit Ayaw Sumunod?

1. Some Christians deliberately  disobey God.  
May nagsasabi na ang pagsunod ay nakapagpapababa ng kalagayan ng isang tao. Sa damdamin ng iba, ayaw nila na sila ay inuutusan. Ayaw ng iba na mapailalim sa kapangyarihan ng iba, kahit sa kapangyarihan pa ng Diyos. 

2. Explain it to me first, "Why" then I’ll obey? 
Kapag hindi maunawaan ng inuutusan ang layunin ng nag-uutos, may pagkakataon na nagtatanong muna ng "bakit" ang inuutusan. "Bakit mo pinapagawa sa akin ito?" Kung walang malinaw na paliwanag, may mga inuutusan, minsan kahit batang musmos ay bantulot sumunod. 

3. I am afraid to follow God, God’s Word is to heavy for me.
May totoong sitwasyon na may nais ipagawa ng Diyos na mabigat. Tulad ng utos ng Panginoon kay Moises at kay Abraham. Hindi alam ni Abraham ang lugar kung saan siya dadalhin ng Panginoon.  Inutusang bumalik ng Panginoon si Moises sa Egipto, kung saan siya nakaranas ng mapait na nakalipas. 

3. Conditional reasons of not following commands. 
May iba naman na nangangatwiran sa kanilang hindi pagsunod. Maaring sasabihin nila sa nag-utos,"Hindi ko nagawa kasi...".   Dahil sa pakiwari nilang sila ay may katwiran, hindi nagagawa ng iba maging ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Tulad halimbawa ng isang nandaraya sa timbangan na nagsabing, "Mauunawaan naman siguro ng Diyos kung bakit nagagawa ko ang manloko sa timbang, mahirap lang kasi kami."

Ang Pagsunod ni Ananias

May dahilan si Ananias sa pagiging bantulot niyang sumunod sa Panginoon. Nag-aalangan siyang sumunod agad dahil kilala niya ang kabagsikan ni Saulo sa mga Kristianong katulad niya. Dagdag pa dito, ang tanging dahilan kung bakit nandoon sa Damasco si Saulo, ay upang puksain niya ang mga Kristiano sa lugar na iyon. At ngayon inuutusan ng Panginoon si Ananias na sunduin niya at ipanalangin si Saulo. 

Ayon sa paglalarawan ng Gawa 9:13-14, "Sumagot si Ananias, "Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito at tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan."

Gayun man, nagpaliwanag ang Panginoon ayon sa Gawa 9:15 "Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, "Pumunta ka roon, sapagkat pinili ko siya upang ipangaral ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel."

Dahil sa paliwanag ng Panginoon, tumalima si Ananias, at pumunta siya kay Saulo upang ipanalangin.

Pagpapasakop sa Kalooban ng Diyos

Ang pamamaraan ng Diyos ay iba sa ating mga pamamaraan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay iba sa ating kakayanan. Ang kaisipan ng Diyos ay hindi natin lubusang mauunawaan. Sa ating karanasan bilang Kristiano, ang pagsunod sa Diyos ay may ilang katangian;

1. Una, pagtitiwala na alam ng Diyos ang kanyang ginagawa. Sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos mahalaga na tayo ay magtiwala sa Kanya.  Dahil may pagkakataon na hindi natin alam kung bakit pinapahintulutan ng Panginoon ang isang bagay sa mahirap sa ating buhay.  O kaya ay pinapagawa sa atin ng Diyos ang isang napakabigat na tungkulin. Tulad nga ng payo ng Kawikaan 3:5, 

    "Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,
      at huwag kang mananangan sa sariling karunungan."

2. Pangalawa, ang tunay na pagpapasakop sa Panginoon ay nakikita sa pagsunod. Kung paanong ang mga batas trapiko ay ibinigay para sa ating kaligtasan, ang mga utos ng Diyos ay para rin sa ating sariling kabutihan. 

3. Pangatlo, ang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos ay bunga ng ating pagmamahal sa kanya. Sabi ng Panginoong Jesus, "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo (Juan 14:15)."

Bunga ng Pagpapasakop sa Panginoon (Pahayag 5:11-14)

Ang pangitaing ito ay larawan ng pagsamba sa kalangitan ng mga naligtas, kabilang ang mga angel at ibang nilikha. Alam natin na nandoon sila dahil sa pagpasakop nila sa kapangyarihan ng Panginoon. Alam natin na walang pasaway sa Diyos na makakapasok sa langit. Sila ang mga alagad na tumalima sa mga utos ng Panginoon. 

Ang pagsamba at pagpapasakop sa Diyos ay may malaking kaugnayan. Ang tunay na sumasamba sa Diyos ay yaon lamang nagpapasakop sa Kanya at sumusunod sa kanyang mga utos. Ang anumang pagsamba na walang kaakibat na pagsunod sa Panginoon ay isang patay na ritual. Tulad ito ng minsang ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Isaias (29:13); 

    Sasabihin naman ni Yahweh,
   "Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
     at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
     subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
    at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod."

Ang tunay na pagsamba ay katibayan ng ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. 




















  







7 komento:

  1. very nice po ang mga topic dito.GOD BLESS PO

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. Tagalog Sermons At Bible Study Materials: Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons) >>>>> Download Now

      >>>>> Download Full

      Tagalog Sermons At Bible Study Materials: Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons) >>>>> Download LINK

      >>>>> Download Now

      Tagalog Sermons At Bible Study Materials: Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons) >>>>> Download Full

      >>>>> Download LINK Me

      Burahin
  2. Praise God po naghahanap ako ng mabilisan at Ibinigay ng Lord ang Page na ito . God Bless po sa Author :)

    TumugonBurahin
  3. Salamat po for this material. Godbless po sa inyo.

    TumugonBurahin
  4. napakaganda ng pagpapaliwanag, malinaw at simply lang.. mabilis ituro at madali maunawaan, god bless po..

    TumugonBurahin
  5. Salamat po sa buhay niyo na ginamit ng Lord para makagawa ng ganitong Lessons😇
    GODbless you all 🙏🙏🙏

    TumugonBurahin
  6. Tagalog Sermons At Bible Study Materials: Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons) >>>>> Download Now

    >>>>> Download Full

    Tagalog Sermons At Bible Study Materials: Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons) >>>>> Download LINK

    >>>>> Download Now

    Tagalog Sermons At Bible Study Materials: Tagalog Bible Study (Containing 10 Lessons) >>>>> Download Full

    >>>>> Download LINK

    TumugonBurahin

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...