Linggo, Enero 6, 2019

Funeral Sermons Tagalog (7 Sermons)

Sermon 1 :


Masayang Pagpapaalam 1
2 Timothy 4:6-8, 16-18

Kadalasan ang pamamaalam ay malungkot.  Ang paglisan ng isang tao ay nagdudulot ng dalamhati sa marami.  Ngunit tayong mga Kristiano ay may kakaibang pananaw sa kamatayan, kahit na ito ay itinuturing na permanenteng pamamaalam ng isang mahal sa buhay.  Ayon kay Apostol Pablo, “Para sa akin ang mabuhay ay kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang.” (FIlipos 1:21).

Ano ang Kamatayan Para kay Pablo?

Ang kamatayan para kay Pablo sa ating aralin ay may dalawang paglalarawan: pagpanaw at inihahandog na.

1. Sabi ni Apostol Pablo,  “Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw niya sa buhay na ito.”  Sa talatang ito, ang salitang pagpanaw ay figurative speech na katumbas ng departure sa English.  Ito ay naglalarawan ng ilang bagay;

  a.   pamamaalam ng isang maglalayag sa dagat
  b.  babagbagin na ang tolda, para maitayo na ang permanenteng tahanan
  c.  pagpapalaya ng isang bihag.
  d.  palayain ang isang nakataling baka

2. Ang kamatayan din ay katumbas ng inihahandog na,  naglalarawan sa alak na  ibinubuhos sa handog na susunuging hayop sa altar (Bilang 28:7).   Dito, ang buhay ni Pablo ay isang naihandog sa altar ng Diyos.  Kaya ang kamatayan para sa kanya ay hindi wakas ng buhay kundi isang pag-aalay sa Diyos.

Ang kamatayan ay tiyak, para sa lahat.  Walang hindi makakatikim ng karanasang ito.  Ngunit may kakaiba sa pahayag ni Pablo dahil sa kanyang kasiguruhan na, “Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid.” (v.6).  Mayroon siyang kasiguruhan ng kaligtasan.

Ang  mga ito ay ating aaralin.  Ang kasiguruhan ng kaligtasan ay katibayan na  ng ating pananampalataya ay nakasalig sa katotohanan at ito ay tunay na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan.  Hindi ito isang “bakasakaling” paniniwala.  Ang sinumang sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay may buhay na walang hanggan ayon sa pangako ng Salita ng Diyos.

May binanggit  na dahilan si Pablo sa kanyang kasiguruhan ng kaligtasan.

1. Una, sabi niya, “Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban. (v. 7)”.  Ang buhay Kristiano ay araw-araw na labanan ng buhay.    Tayo ay nasa panig ng Diyos laban sa kasamaan, kawalan ng katarungan at pang-aabuso.  Kalaban natin ang mga kasamaan na namamayani sa mundong ito (Efeso 6:12). Bilang Kristiano, kakampi natin ang mga mahihirap, mabubuti, balo at iba pang mahal sa Diyos.

2. Pangalawa, natapos ni Pablo ang kanyang takbuhin.
Gamit dito ni Pablo ang larawan ng isang mananakbo na tumatapos ng kanyang takbuhin (marathon).  Hindi usapin dito kung nauna siya o nahuli.  Ang mahalaga, natapos niya ang takbuhin, at ito ang dignidad ng kanyang buhay.  Hindi niya tinakasan ang kanyang tungkulin sa buhay dahil hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, patuloy siyang naglilingkod sa Diyos.

3. Pangatlo, nanatili siyang tapat sa pananampalataya.
Ang tinutukoy na “pananampalataya” dito ay hindi pangkalahatang kahulugan ng paniniwala sa Diyos.  Marami kasi ang maling akala, na basta raw naniniwala na sila sa Diyos, may pananampalataya na sila.  Ito ay mali, dahil kahit si Satanas ay naniniwala na may Diyos (Santiago 2:19).

Ang sinasabing pananampalataya ni Pablo ay tungkol sa paninindigan sa;

  a. tamang doktrina, dahil hindi naman pare-pareho lang ang mga relihiyon.   Hindi tamang relihiyon ang kahit anong sekta. Kailangang sigurado ang bawat  isa na tama ang mga doktrina ng kanyang kinaaanibang sekta.

  b. tamang ministeryo, ang bawat isa ay may gawaing pinapagawa ng Diyos bilang misyon natin sa buhay.  Wala tayong karapatan gamitin ang ating buhay sa anumang nais nating paggamit.

4. Panghuli, may kasiguruhan ng kaligtasan si Pablo dahil sa kanyang pananalig sa Diyos.
Sabi niya, “Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.”

Ang kaligtasang sinasabi ni Pablo ay pananampalatayang may gawa.  Sinabi niya na ang Diyos ang magliligtas sa kanya bagamat ginawa ng apostol ang kanyang tungkulin.  Hindi siya nagtitiwala lamang sa kanyang sariling kabutihan.   At ito ang nagbigay sa kanya ang kasiguruhan ng kaligtasan sa kanyang pamamaalam.

Ang paninindigan ito ng apostol ay mababasa rin sa Gawa 20:24, “Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawa ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.”

Walang ibang inisip si Pablo kundi ang mabuhay para  maglingkod sa Panginoong Jesus.  At kung mamamatay na siya , paghahandog pa rin ang kahulugan ng kanyang paglisan sa mundo.

Panalo Tayo!

Ang buhay Kristiano ay buhay na walang talo.  Kamatayan man o buhay, iisa lang ang ating patutunguhan - buhay na walang hanggan kasama ang Diyos.  Para sa atin, walang masamang epekto ang kamatayan - dahil kay Cristo maging ang kamatayan ay nagiging pakinabang.



Sermon 2:


Matagumpay na Pamamaalam (2)
 2 Timoteo 4:6-8

Ang kamatayan ay isang karaniwang karanasan ng tao.  Bagamat ito ay karaniwan, hindi pa rin ito maituturing na kanais-nais na usapan tungkol sa buhay.  Ang pag-usapan ang kamatayan ay isang taboo o isang pangit na usapin para sa iba.  Sa ibang kultura, bawal ang pag-usapan ang tungkol sa posibleng kamatayan ng isang buhay pa.   Bawal ang sabihing, “Kung sakaling mamatay ka na...”.  At kung sakali ngang namatay ang taong sinasabihan, ang nagsabi ng “Kung sakaling mamamatay ka na..” ay papatawan ng parusang kamatayan.

Hindi rin karaniwan ang makarinig tayo ng isang buhay pa na nagkukwento tungkol sa kanyang sariling kamatayan.  Ngunit sa ating pagbubulay ngayon, isang tao, si Apostol Pablo ay nagsasalita tungkol sa kanyang parating na kamatayan.

Sa kabilang banda, ang mag-isip tungkol sa sariling kamatayan ay isang mabuting bagay.  Ayon sa Ecc. 7:2,     “It is better to go to a house of mourning
than to go to a house of feasting,
for death is the destiny of every man;
the living should take this to heart.”

Kahit si Stephen Covey ay nagsasabi na upang maging matagumpay daw ang isang tao, kailangan tayong mag-isip tungkol sa konklusyon ng ating ginagawa o kung ano ang kahihinatnan ng ating buhay. Sabi niya, “Start with the end in mind.”

Sa aking palagay, alam ni Apostol Pablo ang konsepto na sinasabi ni Stephen Covey.  Dahil habang buhay pa si San Pablo, alam na niya na siya ay magkakamit ng  korona ng buhay sa langit.  Siya ay may katiyakan tungkol sa kanyang kaligtasan. Alam niya na matagumpay ang lundo ng kanyang buhay dito sa lupa.

Tunay na napakaganda, kung tayo po mismo ngayon ay magbubulay sa ating sariling kamatayan, habang nakikiramay tayo sa  mga namatayan at pag-isipan din ang ating sarili sa ating pagharap sa Diyos kapag tayo ay pumanaw na.
Paano mo ba nakikita ang sarili mong pagpanaw?

Matagumpay ang pananaw ni Pablo sa kanyang sariling pagpanaw dahil sa tatlong dahilan;

1. Una, dahil alam niyang pinagbuti niya ang kanyang pakikipaglaban sa buhay. Ang buhay ay puno ng pakikipaglaban.  Maraming hamon sa buhay na dapat nating harapin, at kung hindi, matatalo tayo sa labanan.

Subukan mong bilangin ang pinagdadaanang pagsubok ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.  Pagmasdan mo ang mga pinagdadaanang pagsubok ng mga kabataan sa ating panahon.   Mga ama at ina na naghahanapbuhay sa ibang bansa habang ang kanilang mga anak ay nandito sa Pilipinas at wala ang kanilang mga magulang sa kanilang tabi.  Pinagmasdan mo na ba ang mga bata sa lansangan na nagtitinda upang buhayin ang kanyang maysakit na ina at pakainin ang kanyang mga kapatid na maliliit?   Matapos silang iwan ng kanilang ama, siya ngayon ang tumatayong taty ng tahanan sa edad na sampu? Tingnan mo ang mga taong nagsisimba, at makikita mo ang sari-saring tao na humaharap sa mga matitinding sagupaan ng buhay.  At iniisip ng marami, “Magtatagumpay kaya ako sa laban na ito?”

St. Paul fought a good fight. Alam niya na hindi siya sumuko.  Nagtagumpay siya, hindi naman sa sarili niyang lakas.  Wika niya, “I can do all things through Christ who gives me strength.”(Filipos 4:13).

Maraming pagsubok sa buhay ang pinagdaanan ni Pablo.  Iniwan siya ng kanyang mga kaibigan. Nakulong  siya at pinarusahan ng walang kasalanan.   Sa kabila ng lahat ng ito, lumaban siya ng puspusan at nagtagumpay.

2. Pangalawa, sinasabi niya na tinapos niya ang labanan. May mga namamatay na masaya at may namamatay na malungkot.  May mga malungkot dahil alam nilang mamamatay na sila at marami pa ang hindi nila natatapos na tungkulin sa buhay.  Malapit na silang mawalan ng buhay pero hindi pa sila tapos sa kanilang mga dapat tapusin.

Paul never had such regrets in life.  May tatlong uri ng bagay na nagiging sanhi ng mga “regrets” sa buhay.  Promises na kept, unrepented sins, and callings from God not  heeded.  Mga pangako na hindi natupad, mga kasalanan na hindi napagsisihan habang may panahon pa, at mga tawag o nais ipagawa ng Diyos sa atin na hindi natin ginawa. Tinapos ni Pablo ang mga bagay na dapat niyang tapusin sa buhay kaya matagumpay siyang pumanaw.

3. Pangatlo, he kept the faith.  Hindi siya tumalikod sa kanyang pananampalataya sa Diyos.

Noong maging Kristiano si Pacquiao, tinanong siya ng isang TV host sa United States, “When you became a Christian, you gave up cock fighting, drinking and your other vices.  Then you lose a fight against to Bradley, on a fight everybody knows you won.  Then you lose your fight against Marquez. Are you not going to go back to your old  way of life?”  Malinaw na sinabi ni Manny, “No.  Never..”

Maraming sinasabing dahilan ang iba kung bakit iniwan nila ang kanilang pananampalataya sa Diyos.  Pero para kay Pablo, anuman ang mangyari, sa mabuhay o mamatay siya ay sa Panginoon.
Hindi na tayo magtataka kung bakit may katiyakan siya sa kanyang pagtanggap ng korona.  Lumaban siya ng puspusan, tinapos niya ang dapat tapusin at nanatili siya sa pananampalataya sa Panginoon.

Sermon 3: 


To Die is Gain
 Filipos 1:21

Bawat segundo ay may tatlong tao na pumapanaw sa mundo. Kaya gamit ang siyensya, pinipilit ng tao na pigilan ang kamatayan.  So far, we have prolonged life, but have never  erased death.  Nandiyan ang mga gamot at mga aparatong medikal na kahit papaano, ay nagpapahaba ng buhay.  Pero, tanggapin man natin o hindi. Hindi pa po tayo nagtagumpay sa pagpigil sa pagdating ng kamatayan.

Para sa marami ang kamatayan ay nakakatakot na katotohanan.   Sa iba, ito ay pagkalugi.  Ito ay nagreresulta sa pagkawala  ng mahal sa buhay, o ng kaibigan.  Ang kamatayan  o karaniwang tinatanggap ng marami bilang isang trahedya. Ito ay masakit na karanasan sa buhay, dahil sa pagkawala ng buhay ng isang tao.

Pero sa ating binasang talata mula sa Biblia, ang kamatayan ayon kay Apostol Pablo ay isang pakinabang at hindi isang pagkalugi. Marahil ito ay isang palaisipan sa atin, ngunit nais ko kayong anyayahang magbulay sa Salita ng Diyos.  At samahan nawa tayo ng Espiritung Banal upang mabusog ang ating mga kaluluwa.

Paano nagiging pakinabang ang kamatayan?

1. Una, pakinabang ang kamatayan para sa mga tunay na sumampalataya na sa ating Panginoong Jesus.  Nangako ang Panginoong Jesus ng ganito, “Sinumang sasampalataya sa akin, bagamat mamatay, siya ay muling mabubuhay at hindi na mamamatay kailanman.” Here is a promise that will never miss. Pangako ito na hindi mapapako.

Dahil dito, ang kamatayan, ay nagsisilbing tulay lamang sa ating pag-uwi sa ating tunay na tahanan sa langit.

2. Pangalawa, ang kamatayan ay pansamanatalang pagtulog sa balikat ng Diyos. Sa 1 Cor. 15:51, ang kamatayan ay sinasabing pagtulog lamang. Sa marami, ito ay nakakatakot na pagtulog.

Sa isang malayong lugar, may isang ama na nagyaya sa kanyang anak upang samahan siya sa pagpunta sa bayan.  Sa kanilang paglalakad, dadaan sila sa isang sira-sirang tulay na kahoy.  Takot ang bata sa paglipat sa tulay, kaya hinawakan ng ama ang kamay ng bata upang hindi ito matakot.  Kaya nakatawid nga sila sa tulay ng umagang iyon.

Sa daan pauwi, ginabi ang mag-ama.  Lalong natakot ang bata dahil alam niya na sila ay tatawid sa tulay sa gitna ng madilim na gabi. Alam ng ama ang nararamdaman ng bata.  Kay amalayo pa, kinarga na ng ama ang bata at pinatulog niya ito sa kanyang balikat.  Nakatulog ang bata habang inililipat siya ng ama sa tulay.  At ng siya ay magising - nasa bahay na sila ng kanyang ama.
Ang kamatayan ay pagtulog sa bisig ng Diyos, paggising isang pumanaw na anak ng Diyos, malalaman na lamang niya na siya ay nasa tahanan na ng Ama doon sa langit.

3. Pangatlo, ang kamatayan ay maituturing na pag-uwi sa ating permanenteng tahanan.  Sabi ng panginoon sa Juan 15:19, “Hindi kayo sa mundong ito.”  Hindi nga ito ang ating sadyang tirahan, tayo ay nilikha ng Diyos para sa langit.  At ang kamatayan ang tulay patungo roon.

Sabi ni Pablo, “For me, to live is Christ and to die is gain.”  Para sa kanya, ang kamatayan ay pagtanggap ng gantimpla mula sa Diyos.  Nabuhay si Pablo para sa Panginoon.  Walang nasayang na bahagi ang kanyang buhay mula ng makilala niya ang Panginoong Jesus.

May kwento ako, tungkol sa nakilala kong isang maysakit.  Malubha na ang kanyang karamdaman noong siya ay aking ipinanalangin bago siya pumanaw.  Halos hindi na siya makatayo sa panghihina.  Umiiyak ang kanyang mga anak sa sobrang lungkot.  Biglang  nagsalita itong maysakit ng ganito sa aming pagkabigla, “Umiiyak ba kayo dahil inggit kayo sa akin?”

Akala ng mga anak niya, siya ay naghihingalo.   At inulit niya ang kanyang sinabi, “Inggit ba kayo dahil  una kong makikita ang Panginoon kaysa inyo.  Huwag kayong mag-alala. Uuwi na ako sa aking Ama.”  Napangiti kaming lahat.  Uuwi na nga siya sa kanyang permanenteng tahanan.  Pagkatapos naming manalangin, pumikit siya ay nalagutan ng hininga. Umuwi na siya sa kanyang Ama sa langit.

Ang ating panananampalataya sa Diyos ay nag-aanyaya sa atin upang tignan natin sa kakaibang pananaw ang kamatayan.

Ang kamatayan ay hindi dapat katakutan dahil ito ay pansamantalang pagtulog upagn tayo ay magising sa isang buhay kasama ang Diyos sa langit.

Ito ay pamamahinga natin sa mga pasanin sa mundo, upang lumipat tayo doon sa isang lugar na wala ng sakit, wala ng pighati, at wala ng kasamaang mararanasan pa.

Isang kapatid sa iglesia ang ayaw makiramay sa mga namatayan.  Takot siyang lumapit sa patay.  Kaya minsan tinanong siya ng kanyang pastor kung bakit takot siya sa patay.  Sabi niya, “Takot po akong mamatay pastor.  Hindi ko po kasi alam kung saan tutungo ang aking kaluluwa kung sakaling ako ay papanaw.”

Ipinakilala ng pastor ang Tagapagligtas sa nasabing lalaki.  Mula noon, naalis ang kanyang takot sa kamatayan.


Sermon 4: 


Ang Halaga ng Buhay sa Mata ng Diyos

Awit 116:15
Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.


Precious in the sight of the Lord, is the death of his saints. 

Mayroon na ngayong 7 billion population ang mundo at dumarami pa ang mga tao sa sanlibutan. 

Ngunit sinabi ng Panginoon, "Bilang ko ang inyong buhok." Kung interesado ang Diyos sa ating buhok mas interesado siya sa bilang ng mga nabubuhay sa lupa. Kaya nga sinabi rin niya, "Gawin ninyong alagad ko ang lahat ng tao sa daigdig." 

Dahil ang hininga nga bawat tao ay buhay sa hininga ng Diyos. Noong ginagawa pa ng Diyos ang tao mula sa putik, hiningahan niya ito upang magkaroon ng buhay. Dala-dala ng bawat tao ang hininga ng Diyos.  Mga, kapatid, napakahalaga mo sa Panginoon. Ikaw at ako ay bahagi ng kanyang buhay.

Mapalad tayo na nakakilala sa Panginoon. Dahil narinig natin ang kanyang Salita, sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay naligtas.  Nabilang tayo sa mga pinawalang sala - at tayo ay pinababanal ng Panginoon. By God's mercy, from being sinners we were turned into saints.  

Pagbalik natin sa ating binasa sa Kasulatan, ito ang paalala sa atin ng Diyos mula sa kanyang Salita.

1. Even saints will experience death.  Lahat ay makakaranas ng kamatayan. At hindi exempted sa kamatayan ang mga mabubuting tao na pinabanal ng Diyos. 

And being a saints means, when a person is able to have the best in life.  Maaring hindi siya yumaman, o sumikat, pero nasa kanya ang pinakamabuti- nasa kanya ang Diyos at ang kaligtasan ng buhay. Alam po ninyo, higit sa anumang maibibigay ng mundo, ay kayang ibigay ng Diyos. Ang mundo, maari ka niyang bigyan ng gamit, o gadget, o kayamanan, pero hindi ka niya kayang bigyan ng buhay na walang hanggan. Ngunit ang mga pinabanal ng Diyos, they will receive the best in life, for they have in their hearts the Creator, God himself. 

So be a saint. Take Jesus as your Saviour.  Tandaan mo kapatid, mayroon kang kaluluwang dapat maligtas. Seek for your God and receive your salvation from Jesus who died for your sake. 

To be a saints, we must offer ourselves as living sacrifices for God. 

Para mapabilang sa mga santo, kailangan tayong mabuhay at kung kinakailangan ay mamatay para sa Diyos. 

2. Secondly, even though saints will experience death, the Saints will also be resurrected to eternal life.   Ito na ngayon yung pinagkaiba ng taong pinabanal at ang taong walang Diyos. Ang buhay ng taong makadiyos ay mahalaga sa Panginoon. At gayun din, sabi ng Biblia, ang kanyang kamatayan ng isang banal ay lubhang mahalaga sa Diyos. 

Precious in the sight of the Lord is the death of his saints. 

Kung kaya, huwag nating iisipin na hindi alam ng Diyos ang kamatayan ng isang tao. Bagamat napakarami na ng mga tao sa mundo, tinitignan ng Diyos ang bawat isa sa atin. 

Kasama ang ating yumaong kapatid. Mahal siya ng Diyos. 

Pasalamatan natin ang Diyos sa kanyang naging buhay. 




Sermon 5: 


Pakinabang sa Kamatayan
Filipos 1:21

Si Fanny Crosby, ang sumulat sa mga awiting Blessed Assurance Jesus is Mine ay bulag sa buong buhay niya. Bagamat bulag, pinagkalooban siya ng galing sa paglikha ng mga awiting espiritual. Ito ang kanyang naging kabuhayan at pangaraw-araw na gawain - ang purihin ang Diyos sa pamamagitan ng mga liriko na kanyang sinusulat.

Dahil bulag siya, minsan siyang tinanong kung; Hindi ba siya nagtampo sa Diyos dahil siya ay bulag?

Ang sagot ni Fanny, "Nagpapasalamat ako sa Diyos na ako ay bulag. Dahil pagdating ko sa langit ang pinaka- unang mukha na makikita ko ay ang mukha ng Diyos!"

Para sa isang tunay na Kristiano, ang kamatayan ay pakinabang.

1. Una, dahil ito ay pag-uwi sa ating permanenteng tahanan.

Tayo ay hindi mananatili sa mundo. Ito ay pansamantalang tahanan lamang. Ang ating permanenteng tahanan ay ang kalangitan.  Kung kaya, ang kamatayan para atin ay pakinabang.

2. Ang kamatayan para sa ating mga naligtas ay pakinabang dahil ito ay pagpasok natin sa buhay na walang hanggan. Mapalad na tayo kung ang ating edad sa mundo ay isang daang taon. Ngunit gaano man kahaba ang buhay ng isang tao, siya ay mamamatay din.  Sa langit, ang buhay ay walang hanggan kasama ang Diyos.

3. Ang kamatayan ay pakinabang dahil makakapiling na natin ang Diyos at makikita natin siya ng mukhaan. Nakakapiling natin ang Diyos dito sa lupa sa pamamagitan ng pananalig.  Hindi natin siya nakikita ngayon.  Ngunit makikita natin siya doon sa langit.

Tunay na wala ng gaganda pa sa mukha ng Diyos na ating mamamalas sa ating pagdating sa langit.

Isang matanda ang nagsisimba sa isang iglesia. Napapansin ng marami na kapag umaawit ng papuri sa Panginoon, si Mang Berting ay malakas umawit - at sintudo pa!

Kaya kinausap ng mga ibang kaanib ang pastor para pagbawalan si Mang Berting sa sobrang lakas nitong umawit. At gayun nga ang balak ng pastor, kaya bumisita siya kay Mang Berting.

"Mang Berting, napansin ko po na kapag umaawit ng mga himno, napakalakas ninyong umawit." - pasakalye ng pastor. Sagot ni Mang Berting,

"Alam po ninyo pastor, itong barong-barong kong ito, sabi po ng Biblia, ay papalitan ng Diyos ng mansyon sa langit. Itong suot kong ito na butas-butas, ito po ay papalitan ng Diyos ng telang ginto! At itong sumbrero kong luma na, ito ay papalitan ng koronang ginto ng Diyos doon sa langit....kaya pastor, sino naman ang hindi mapapasigaw sa tuwa!!!!????


Hindi nakasagot ang pastor.  Nagpatuloy sa malakas na pagpupuri si Mang Berting.

Sermon 6:


Paalala sa Bawat Tao
Genesis 2:7

Isang mabuting kwento na may aral ang tungkol kay Alexander the Great sa kamatayan.

Sinasabi na bago pumanaw ang dakilang conqueror, mayroon siyang habilin.

Una, kapag siya ay ililibing, siguraduing nakalawit ang kanyang mga kamay para makita ang kanyang mga palad.

Pangalawa, ang mga magdadala sa kanya sa libingan ay mga manggagamot.

Nang tanungin kung bakit, ganito ang kanyang paliwanag.

Una, nais niyang nakalawit ang kanyang mga palad upang ipaalala sa lahat na bagamat siya ay napakayaman, wala ng dadalhin na anuman sa kanyang kamatayan.
Pangalawa, mga doctor ang magdadala sa kanya sa hukay upang ipaalala sa lahat na walang sinumang matalinong doctor ang makakapigil sa kamatayan ng sinumang tao.


Madalas tayong makalimot. Kaya nga sinulat ang Biblia upang ipaalala sa atin ng Diyos ang kanyang presensya at ang kanyang pagmamahal sa atin. Ipinapaalala rin ng Biblia ang ating mga sangkap sa ating katawan at ang ating espiritu, upang lalo natin makita ang pagpapahalaga ng Diyos sa atin.

Ang Genesis 2:7 ay paalala sa ating pinanggalingan - na siyang ating kahihinatnan...ang lupa.

Una, galing sa alabok, tayo ay babalik sa alabok.
Pangalawa, ang ating hininga ay mula sa Diyos, at ito ay babalik sa Diyos.
Pangatlo, may simula ang buhay at ito ay may hangganan.

Aralin natin ito isa-isa.  Pagpalain nawa tayo ng Diyos sa pakikinig ng kanyang salita.

1. Una mga kapatid, kapag inalala natin ang kamatayan, ipinapaalala sa atin ang ating mababang kalagayan.  Alalahanin natin na tayo ay mula sa lupa kaya babalik tayo sa lupa. Ang ginamit ng Diyos sa paggawa ng katawan ng tao ay putik.  Kaya tandaan natin, sa ilalim ng hukay -lahat ay pantay-pantay.  Tulad ng sabi ng isang kasabihan;

Six feet under the ground, all are equal.

Hindi nararapat ang mang-agrabiyado ng kapwa tao dahil kapantay po natin ang isa't isa. Matalimo man o mayaman, hindi po tayo nakakahigit sa ating kapwa kung mahirap man sila o kulang sa pinag-aralan, dahil pagdating sa kamatayan - lahat tayo ay maaagnas.  Lahat tayo ay matutunaw. Lahat sa kamatayan ay babalik sa alabok.

2. Pangalawa, ipinapaalala ng  karanasan ng kamatayan  sa atin na ang ating hininga ay hininga ng Diyos. Ang buhay natin ay hiram sa Diyos.  Ito naman ang karangalan ng tao. Buhat sa Diyos ang ating buhay.

Kanina, nasabi natin na ang ating katawang mula sa lupa ay nagpapalala sa atin sa ating mababang pinagmulan, ito namang pangalawa ay nagsasabi na may sangkap tayo na banal, at mula sa Diyos.

Dala natin ang hininga ng Diyos.  Ayon sa Biblia, "Hiningahan ng Diyos ang tao, at ito ay nagkabuhay."

Dala natin ang hininga ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay.

Nasa bawat tao ang wangis ng Diyos.  Nasa bawat tao ang hininga ng Panginoon.

Huwag na tayong magtataka kung bakit napakahalaga ng bawat tao sa Diyos.  Tayo ay bahagi ng buhay ng Panginoon.

At dahil hininga ng Diyos ang isa sa atin, mabuti ngang ingatan natin at pakamahalin ang ating buhay.  Panatilihin natin itong malinis at banal.  Dahil ibabalik mo yan sa may-ari.

3. Panghuli, ang kamatayan ay nagpapa-alala sa atin na may hangganan ang buhay.  Dahil dito, ituring nating isang maigsing pagkakataon ang buhay dahil pansamantala lamang ito.

Ngayong wala na akong magulang, lalo kong naunawaan ang halaga ng mga maikling sandali na nakakasama natin ang ating mahal sa buhay.  Kay ahabang kasama mo sila, samantalahin mo yung opportunity na  mapaglilingkuran natin sila.  Isang araw, makikit amo na lamang na wala na pala sila.

Mahalin natin ang ating mga kapatid.
Paglingkuran natin ang ating mga magulang habang nandiyan pa sila.
Maigsi lang ang buhay.  Huwag natin itong sasayangin.

Pinapakilala ng kamatayan ng tao na hindi natin hawak ang ating buhay. Gamitin natin ito para sa kaluwalhatian ng Diyos.


Sermon 7


 Ang Ating Dalawang Tahanan
2 Corinthians 5:6-17

Ang bahaging ito ng mga sulat ni San Pablo ay naglalaman ng mga kaisipan ng apostol tungkol sa kamatayan at buhay ng isang mananampalataya. Ito ay ang kanyang mga pagbubulay sa pag-asang dala ng pananalig kay Cristo, at ang ibubunga nito sa buhay dito sa lupa, habang naghihintay tayo sa buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos.

Isang Buhay na May Dalawang Tahanan

Ang tunay na Kristiano ay may dalawang tahanan; panlupa (ang ating katawan) at may hinihintay tayong ipagkakaloob pang isa pang tahanan na panlangit. Sa kasalukuyan, tayo ngayon ay nasa (tahanan o) katawang panlupa. at kung paghahambingin ang dalawa;

1. ang pananatiling buhay sa katawang panlupa ay katulad ng sabi ng apostol sa Cor. 13:12, “Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin...” Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon.”

Sa ngayon, dumadaan pa tayo sa mga pagsubok, kapighatian, sakit at mga kahirapan. Hindi pa natin nakikita ng literal ang ating inaasam na buhay sa langit, kailangan tayong “mamuhay sa pananalig at hindi sa mga bagay na nakikita (v.7).

2. Ang inaasahan naman nating buhay o tahanan sa kalangitan ay sa piling ng Panginoon (v.8) paglisan natin sa buhay dito sa lupa.

Sa paglalarawan ng apostol sa Cor. 13:12, “... ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. ... darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.”

Sa ating pangalawang tahanan, doon magiging maliwanag ang lahat, kapag kapiling na natin ang Diyos.

Hindi dalawa ang buhay natin, sa halip dapat nating unawain na tayo ay may isang buhay na may dalawang yugto. Ang buhay natin sa lupa ay unang yugto, samantalang ang buhay natin sa langit ay ang pangalawa.

Ang buhay natin ay material at espiritual na kalagayan na nakaugnay kay Cristo. Hindi lamang sa mga material na bagay na nakikita sa lupa o maging sa ganda ng buhay dito sa mundo nakadepende ang ating buhay, mayroon pa doon sa langit. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng ating kaugnayan kay Cristo.

Ang kahulugan ng ating buhay Kristiano ay nakadepende sa kalidad nito ayon sa kaugnayan natin sa Diyos. Sabi nga ni San Pablo, “Kaya naman, ang pinakananais natin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa tayo o maging nasa piling na niya (v.9).”


Ang Kalidad ng Ating Buhay Kay Cristo

Ang buhay Kristiano ay may sukatan, dahil ito ay dadaan sa paghuhukom ng Diyos (v.10). Upang pumasa, kailangan nito ang sumusunod na kalidad.

1. dapat itong maging kalugod-lugod sa Panginoon (v.9)
2. buhay ito na may takot sa Diyos (v.11)
3. buhay ito na gumagawa para sa ikaliligtas ng iba (v.11)

Kristianong Pananaw sa Kamatayan

Dahil sa pag-asa na mayroon pang isa pang katawang panlangit na naghihintay sa atin, ang kamatayan ngayon ay “isang pakinabang” (Filipos 1:21). Sa halip na maging literal na katapusan ng buhay, ang kamatayan ng isang tunay na Kristiano ay nagiging lagusan, tungo sa buhay kapiling ng Panginoon doon sa kalangitan.

Hindi ito nangangahulugan na mas mababang uri ang buhay dito sa lupa. Para sa apostol, dito ngayon sa tahanan natin lupa, tayo ay kay Cristo na, dahil,

“Namatay siya (ang Panginoong Jesus) para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.” -2 Cor. 5:15.

Kalidad ng Buhay Maka-diyos
Ang kalidad ng buhay Kristiano ay hindi nakukuha sa pagmamadali na makaalis sa kasalukuyang buhay para agad makamit ang buhay sa langit. Ang kailangan natin ay ang makamit ang kalidad ng bagong buhay na kasama ang Panginoon Jesus dito pa lamang sa lupa.

Habang naririto tayo sa kasalukuyang tahanan, gumawa tayo ng ayon sa ating pananampalataya, maglingkod tayo na puno ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, habang matiyaga nating inaasahan ang isa pang tahanan doon sa langit.

Ngayon pa, isuot na natin ang bagong pagkatao na kalarawan ng Panginoon, dahil, “Kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.”- 2Cor.5:17

“Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, masasamang nasa ng laman, paglalasing, walang tigil na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.” wika ni apostol Pedro.
-1Pedro 4:2-3.
Bilang mga Kristiano na nabubuhay sa lupa at umaasa ng buhay sa kalangitan, kailangan na nating iwan ang dati nating pagkatao na hindi maka-diyos. Kailangang makita sa atin na hindi lamang tayo panlupa, tayo rin ay panlangit.

















Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...