Biyernes, Pebrero 5, 2016

Lectionary Bible Study 2 Cor. 3;12-4:2

Ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Ating Mga Kristiano
Batayan:  2Cor. 3:12- 4:2

Memory Verse: 2 Cor. 3:18

Ang pagiging tunay na Kristiano ay pag-alis sa dilim  ng kasalanan tungo sa liwanag ng Diyos. Ang pagbabagong buhay na ito ay mahalaga upang maabot natin ang kalooban ng Diyos na maging kawangis tayo ni Cristo sa kanyang kabanalan.  Ang pag-unlad na ito sa buhay maka-diyos ay pag-unlad sa kaluwalhatiang nasa atin mula sa Diyos.

Ang kaluwalhatiang ito ay nakukuha sa ating patuloy na pakikipag-tagpo sa Diyos.  Sa ating patuloy na pamumuhay sa presensya ng Diyos, ang liwanag ng Panginoon ay nagliliwanag sa ating buhay.

Ganyan din ang karanasan ni Moises, kung kaya nagtatalukbong siya ng belo sa harapan ng mga tao, dahil nagliliwanag ang kanyang mukha matapos makitagpo sa Diyos.  At ganyan din ang karanasan natin, tuwing nakikitagpo tayo sa Panginoon, pinaliliwanag ng Diyos ang ating buhay maging sa harapan ng ibang tao.

Ang Sinisimbulo ng Talukbong
Ang talukbong ay nagtatago ng mukha ng isang tao.  Tinatakpan nito ang isang tao upang hindi siya makilala at hindi makita ang nangyayari sa kanyang buhay.

Bilang isang Kristiano na binago na ni Cristo, ang ating bagong buhay ay dapat maging lantad na patotoo sa iba.  Dapat makita ang liwanang ng Diyos sa atin.

1. ang talukbong ay maaring magsimbulo sa takot na magpatotoo.  May mga Kristianong takot magpatotoo para sa Panginoon at nananahimik.

2.  ang talukbong ay maaring magsimbulo sa mga patuloy na kasalanan na ayaw nating alisin sa ating buhay. Mga alitan  marahil o mga kasalanan ng bisyo  na sumisira sa ating patotoo.

3.  ang talukbong ay maaring magsimbulo sa mga batas o patakaran ng relihiyon na humahadlang sa ating paglagong espiritual.  Umu-unlad ang ating buhay espiritual sa biyaya ng Diyos at sa ating pagsunod sa Diyos.  Ang mga batas na gawa lamang ng tao para sa relihiyon ay wala ng saysay. Halimbawa sa mga batas naito ay: “Hindi ka maaring mangaral kung hindi ka pa pastor.” “Hindi maaring maging pastor ang babae. Kasalanan ang kumain ng karne tuwing Holy Week.”

Ang Ating Kalayaan
Ayon sa verse17 ng ating aralin, “Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan.”

Ang bawat Kristiano ay malaya na sa kanyang nakalipas, sa mga kasalanang nagawa niya, o sa mga kahinaan na hindi niya dating napagtatagumpayan.

1.  Ang tunay na Kristiano ay wala ng itinatago.

Bukas ang ating buhay dahil nakikita sa atin ang mga pagkilos ng Diyos. Hindi tayo takot dahil tanging ang Diyos ang nakikita sa atin. Ayons a Galacia 2:20,
“Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.”

2. Ang tunay na Kristiano ay malayang gumagawa ng mabuti. Ayon sa 1 Pedro 3:14,
 “At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila.”

Dahil hindi natin ikinahihiya ang ginagawa ng Diyos sa ating buhay, nawawala ngayon ang ating takot sa  maaring sabihin ng mga tao sa atin. Hindi na tayo inuusig ng ating sariling budhi o ng diabloman.  Pinalaya na tayo ng Diyos.

Ang Ating Paglagong Kristiano
Ang isang tunay na Kristiano ay nagtataglay ng lauwalhatian (glory) ng Diyos. Ang antas ng kabanalang ito ay lumalago.  Patuloy tayong binabago ng Espiritu ng Diyos na nasa atin hanggang lubusan na tayong maging katulad ni Cristo.

“At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.”

Tanong sa Talakayan:

1. Bakit may mga Kristianong takot magpatotoo sa iba tungkol sa ginagawa ng Diyos sa kanilang buhay?
2. Sa paanong paraan tayo naging malaya sa ating mga kasalanan sa nakaraan dahil kay Cristo Jesus?
3. Ano ang mga talukbong na maaring tumatakip sa patotoo ng ating iglesia? Paano aalisin ito?







Transfiguration (Tagalog) Lucas 9:28-36

Transfiguration Sunday
Lucas 9:28-36

Ang transfiguration ay hindi lamang pagbabagong anyo ni Jesus. Ito ay pansamantalang pagpapakita ni Jesus ng tunay niyang anyo!

Siya ang Diyos na nagkatawang tao!
Siya ang Diyos ng langit at Panginoon ng mga banal na tao! katulad ni Moises at Elias!
Siya ang banal na Panginoon na dapat luhuran!
Sambahin!
at papurihan!
Sa langit man o sa lupa! (John 10:33).

Umakyat Sila sa Bundok Upang Manalangin

Sa pag-aanyong tao ng Diyos, si Jesu-Cristo ay ay nagpakababa ( Filipos 2:6). Ito ang dahilan kung bakit siya nananalangin sa Ama. Sapagkat ang kanyang paglilingkod sa lupa ay nakasalalay sa kanyang kaugnayan sa Diyos Ama At Espiritu Santo. Sa pananalangin, napapatunayan ang kanyang pakikiisa sa Ama.

Nalalapit na ang kanyang pagbubuwis ng buhay sa krus sa tagpong ito. Ang kamatayan ay napagtatagumpayan lamang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay!

Dahil ang kamatayan ay paglalakbay sa kadiliman ng buhay. Lalo na para sa ating mga karaniwang tao, ito ay paglalakbay sa kalagayang hindi natin maipaliwanag. Ang ginamit na paraan ng pagpaslang sa Panginoong Jesus ay parusa para isang kriminal sa pamamagitan ng pagpako sa ibabaw ng krus. Alam natin na wala siyang kasalanan. Pinaslang siya hindi dahil siya ay makasalanan. Siya ay namatay, dahil siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.

Ang tagumpay sa dadaanan niyang pagsubok ay possible lamang kung siya ay mananalangin sa Ama. Dahil nasa kamay ng Diyos ang tagumpay ng gawain ni Jesus. Diyos din ang nagpapasya sa tagumpay ng ating buhay at kamatayan.

Si Elias at Moises

Ang biglang paglitaw ng dalawang lalaking sina Moises at Elias ay may dalang kapahayagan mula sa langit. Sina Moises at Elias ay ang kumakatawan sa mga Kautusan at mga Propeta. Sila ang instrumento ng pagpapakilala ng Diyos sa Israel noong una. Sila ay mga taong ginamit ng Diyos sa pagbabago ng lipunan ng Israel. At ngayon, kausap nila ang Panginoong Jesus. Dahil tulad ni Moises at Elias, ang Panginoong Jesus ay magpapasimula ng malaking pagbabago sa puso ng mga tao, na babago sa mga lipunan ng buong mundo. Dahil si Jesus ay ang kaganapan ng lahat ng sinabi ng Kautusan at mga propeta! Siya ang katuparan ng lahat ng mga layunin ng Diyos, hindi lamang para sa Israel, kundi para sa kaligtasan ng sanlibutan. Kaya sinabi ni Jesus sa mga alagad;

“Don’t misunderstand why I have come. I did not come to abolish the law of Moses or the writings of the prophets. No, I came to fulfill them. -Matthew 5:17

Kung kumilos ang Diyos noong sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod, ngayon, siya na mismo, ang Diyos ang kumikilos sa pamamagitan ni Jesus at ng Banal na Espiritu. Katulad ng sinasabi ng hula ni propeta Isaias;

In all their suffering he also suffered, and he personally rescued them. In his love and mercy he redeemed them. He lifted them up and carried them through all the years. (Isaiah 63:9)

Ang Reaksyon ng mga Alagad

Marahil, bunga ng sobrang pagkamangha kaya hindi na malaman ng mga alagad ang sasabihin. Gayun paman, kahit hindi nila alam ang sasabihin, nagsalita parin sila. (Maraming tao ang katulad nila, nagsasalita kahit hindi alam ang sinasabi.) Sabi nila, “Panginoon, dumito na lamang tayo.” Ganyan ang reaksyon ng mga alagad sa nakita nilang “spectacular” o kamangha-mangha. Ayaw na nilang bumalik sa kapatagan upang magmisyon.

Pagbubulay

Sa ating panahon, marami paring “spectacular things” ginagawa ang Diyos sa buhay ng maraming tao. Inilalagay sila ng Diyos sa mataas na posisyon, magandang kabuhayan, magandang trabaho. May mga tao na nagiging biglang yaman. Ang delikado dito ay ang “ayaw na nilang bumaba”. At ayaw na rin nilang gumawa para as misyon ng kanilang pagiging alagad ng Diyos na nag-anyong tao. Mapanganib din ang mabighani sa mga “kamangha-manghang bagay” at makalimutan natin ang nais ipagawa ng Diyos sa atin.

Pangalawa, ang panalangin ay ating paraan ng pakiki-ugnay sa Diyos at siya na ring paraan ng Diyos upang tayo ay bigyan niya ng lakas at kapangyarihan upang maging epektibo sa ating misyon. Ang ating misyon ay gawing alagad ni Cristo ang mga tao. Hindi natin ito magagampanan na nag-iisa. Kailangan natin ang patnubay ng Diyos. Tayo ang nanghihikayat at nangangaral – pero tandaan, Diyos lamang ang maaring bumago sa puso ng mga tao.

May tatlong uri ng mga tao na aking napapansin sa ating lipunan ngayon.

Una, may mga tao na nais nilang baguhin ang ating ipunan. Naghahangad sila ng social transformation at tapat sila sa layuning ito. Pero pilit nilang ginagawa ito sa sariling pamamaraan na walang kinalaman sa Diyos. At siyempre, hindi sila nanalangin, dahil hindi sila naniniwala sa Diyos. Naniniwala ako na dahil hindi makadiyos ang paraan, walang basbas ng Diyos ang ganitong pagkilos.

Ang pangalawang grupo, ay mga tao naman na nanalangin pero ayaw nilang maging intrumento ng pagbabago sa lipunan. Sila ay nananalangin para sa sarili, para sa simbahan pero ayaw nilang makibahagi sa pagbabago ng lipunan. Pilit nilang inilalayo ang sarili sa normal na takbo ng buhay ng mga tao sa pamayanan.

Si Jesus ay hindi kailanman naging katulad ng dalawang uring ito. Nais niyang magbago ang mga tao, pero hindi sa sariling paraan, kaya siya umaakyat sa bundok upang manalangin.

Pero hindi siya nananatili lamang bundok, bumababa rin siya upang gawin ang utos ng Ama. Ang mga alagad ni Cristo ay nabibilang sa ikatlong pangkat na aking tinutukoy. Sila ay uma-akyat sa bundok upang manalangin, ngunit bumababa sila sa mga tao upang magmisyon, upang maging instrumento ng pagbabago sa lipunan, baon ang pamamaraan ng Diyos.

Pansamantalang nakita ng mga alagad ang tunay na anyo ni Jesus doon sa bundok. Nasilayan nila ang dakilang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang pag-aanyong tao.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...