Katangian ng Iglesiang Kristiano
Galatia 6:1-10
Ang tunay na iglesia ay ang katawan ni Cristo. Ito ay ang kalipunan ng lahat ng mga Kristiano sa buong mundo na tinawag at pinili ng Diyos upang maging ilaw at asin ng sanlibutan.
Ang iglesia ay may mga natatanging katangian na siyang pagkilanlan sa bilang katawan ng Panginoong Jesus. Ang mga katangiang ito ang nais palakasin ni apostol Pablo sa iglesia sa Galacia. Tunghayan ang mga ito, aralin at sikaping ipatupad natin sila sa ating iglesia.
Mga Katangian ng Iglesia ng Panginoong Jesus
1. May Pinatutupad na Disiplina ang Iglesia, v. 1
Mahalaga kapag ang iglesia ay kumikilos ayon sa Salita ng Diyos. Walang perfectong simbahan, subalit ang sinasabi ng Biblia na dapat nating ituwid ang mga kamalian at hindi tayo dapat na nagbubulag-bulagan sa mga kamaliang maaring sumira sa iglesia ng Panginoon. Mahalaga ang pagtutuwid sa mga pagkakamaling moral at espiritual. Dahil sa mga pag-pagpapaalala, nakatutulong ang iglesia tungo sa kaligtasan ng mga tao. Ang layunin ay tumulong sa nagkasala at hindi manghusga ng kapwa. Ayon sa Panginoon sa Mateo 18:15-17, ang mga kapatirang nagkakasala ay dapat kausapin at ituwid.
Tulad ng isang sakit, ang kawalan ng pagtutuwid sa mga kamalian at kasalanan ay nagbubunga ng mas malaking problema. Kung ang isang tao ay may appendicitis halimbawa, kapag nagpunta sa doctor, ang manggagamot ay karaniwang nagbibigay ng prescription. Kung sakaling hindi uubra ang gamot, ay mangangailangan ng operasyon. Ang susunod na gagawin ay ang pag-aalis ng appendix upang hindi na makapanira ito sa ibang bahagi ng katawan. Ang pagtutuwid ay kapahayagan ng malasakit. Ngunit kung ang isang kaanib ay hindi nakikinig sa turo ng Biblia at hindi tumatanggap ng pagtutuwid, siya na mismo ang manangot sa kanyang kasalanan sa Diyos.
2. Nagtutulungan ang mga kaanib, vv.2-3
Ayon sa Panginoong Jesus, malalaman ng iba na tayo ay alagad niya kung nagmamahalan tayo. Ang tunay na pagmamahalan ay nakikita sa pagkak-isa, pagtutulungan at malasakit sa kapwa Kristiano.
3. Nagsusuri sa sarili ang bawat isa, v.4-5
Dahil kabahagi tayo sa iglesia ng Diyos, inaasahan na ang bawat isa ay manatiling umuunlad sa pananampalataya. Ang sarili ngayon ang susuriin ng bawat Kristiano at hindi ang ibang tao. Hindi natin tungkulin ang hatulan ang iba. Ang taong laging namumuna sa gawain ng iba ay hindi uunlad sa kanyang pakikitungo sa kapwa.
Ang ating tungkulin ay ang suriin ang sarili kung karapat-dapat tayo sa ating paglilingkod sa Diyos. Lalong hindi tayo binibigyan ng karapat ng Panginoon na hatulan ang ating kapwa Kristiano.
4. May malasakit sa mga manggagawa
Ayonsa 1 Tim. 5:18, “Sapagkat sinasabi ng kasulatan, "Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik." Nasusulat din, "Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran."
Habang hinihiling sa mga mangagawang simbahan na pagbutihin nila ang kanilang mga gawain, hinihiling din naman sa mga kapulungan na suportahan nila ang kanilang mga pastor at deaconesa. Kailangan ng mga manggagawa ang panalangin, encouragement at suportang financial.
5. Nadarama ang Pangunguna ng Banal na Espiritu
Ngunit ang sumusunod naman sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.”
Ang buhay at kalakasan ng iglesia ay nasa ilalim ng biyaya ng Diyos. Kung hindi rin ang Diyos ang siyang tunay na nangunguna sa iglesia, ang iglesia ay magiging mahina, at unti-unting mamamatay. Ang iglesia pinangungunahan ng Espiritu ay;
a. mapanalangin
b. nagkaka-isa
c. may kaligtasan ang mga kaanib
d. nakikita sa mga miembro at mga nangunguna ang mga bunga ng Espiritu.
e. nagbabahagi ng Salita ng Diyos
f. umuunlad sa bilang at kabanalan ang mga kaanib
6. Hindi nagsasawa sa pagggawa ng mabuti sa iba.
Ang iglesia ang asin at ilaw ng sanlibutan. Kung walang kabutihang nagagawa ang iglesia sa kanyang pamayanang kinatatayuan, ito ay mawawalan ng impluensya sa kanyang kinalalagyan. Ang iglesiang walang naitutulong sa kanyang pamayanan, lalo sa kapwa miembro ay karaniwang hindi pinapansin at hindi pinahahalagaan.
Mas mabuti kung ang iglesia ay laging may ministeryo para sa mga kapatiran sa pananampalataya at gayun din sa mga hindi pa kaanib sa iglesia. Sa ganitong paraan, napapatunayan natin na tayo ay tunay na relihiyong Kristiano.
Tanong sa Talakayan:
1. Ano sa palagay mo ang tamang paraan upang ituwid ang isang nagkakasalang kapatid sa paraang hindi mahuhulog sa pagkakasala ang iba?
2. Ano pa ang kabutihang maari nating gawin upang ang iglesia ay
maging ilaw sa lugar na kanyang kinatatayuan?
3. Ano pa ang dapat nating gawin upang mapatunayan natin na tayo nga ay tunay na relihiyong Kristiano?