Martes, Hunyo 2, 2015

Pagsasabi ng Katotohanan (Ten Commandments)

Pagsasabi ng Katotohanan
Exodo 20:16

Si Dr. Leonard Keeler, ang nakaimbento ng lie detector test machine at sinubukan niya ito sa 25,000 katao. At napatunayan niya na mas marami ang nagsisinungaling kaysa nagsasabi ng katotohanan.   Sa isang pag-aaral na ginawa, sa malawak na gawain sa buhay, mula politika hanggang karaniwang buhay, napatunayan na ang pagsisinungaling ay karaniwang ginagawa ng maraming tao.  

May isang bata ang minsang nagsinungaling, at sabi ng kanyang tatay, “Anak, hindi tatanggapin sa heaven ang mga sinungaling!” Nag-isip ang bata at nagtanong sa kanyang ama, “Daddy, ikaw ba nagsinungaling ka na rin?” “Oo naman.” wika ng ama. Sabi ng bata, “Ibig sabihin daddy, pareho tayong hindi papapasukin sa heaven?”

Bilang Kristiano, kailangan tayong matutong magsabi ng katotohanan, at pawang katotohanan lamang. Paano natin ito gagawin? 

1. Ipahayag ang katotohanan sa mahinahon na paraan.  
Akala ng iba, ang pagsasabi ng katotohanan ay dapat na maging matalas at  nakakasakit. Maari nating sabihan ang isang tao ng katotohanan na hindi natin siya inaaway.   Mahalaga ito sa mag-asawa, kapatid o ibang tao.  Sabi sa Kawikaan 16:23, “Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin, kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.”

Magplano kung gayon kapag may sasabihing katotohanan at huwag magmamadali.  Siguraduhing makakatulong ang sasabihin, gawin ito sa tamang pagkakataon, at gawin ito sa tamang paraan.  Hindi po tayo kailangang maging brutal para lang makapagsabi tayo ng katotohanan. Hindi rin kailangan na makasira pa tayo ng reputasyon o buhay ng ibang tao para lang mag-tsismis ng katotohanan.  Paalala ng Biblia sa Efeso 4:15, 
“Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat.”

2.  Sabihin ang katotohanan ng walang dagdag at bawas. 
Ano mang intensyon na iligaw ang kausap sa pamamagitan ng pagsasabi ng binawasan o dinadagdagang katotohanan ay paraan ng pagsisinungaling.  Ayon sa Kawikaan 28:23, 
“Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat.” 

3. Laging isapuso ang pagsasabi ng tapat. 
Laging magsimula sa pagiging totoo sa sarili.  Ayon sa Kawikaan 11:3, “Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan, ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.”  Ang kasinungalingan ay balakid sa tagumpay.  Ang anumang relasyon o samahan ay tumatatag sa lumalagong tiwala sa isa’t isa.  Kung mawawala ang tiwala, mawawala ang pag-kakaisa. 

Pagsasabi ng Katotohanan sa Diwa ng Pag-ibig

Sakaling nais nating makatulong upang magbago ang isang tao, tandaan na magsasalita lang tayo na puno ng malasakit.  Isaalang-alang ang mga sumusunod;

1. ang taong sinasabihan na may pag-ibig ay siyang       nakikinig sa pagtutuwid.

2. ang taong sinasabihan na walang pag-ibig ay      nakakaramdam ng pag-atake sa kanyang pagkatao      (character attack).  Siguradong lalaban siya at      ipagtatanggol ang sarili.  

Sabi ng isang kasabihan, “Kung kailangan mong tumudla ng pana ng katotohanan, ibabad mo muna sa pulot ang   palaso. Upang malasahan ng tatamaan ang tamis nito.”

Maging maingat sa ganitong gawain kahit nais pa nating makatulong.  At kung talagang hindi naman makatutulong ang ating sasabihin, piliin na manahimik na lamang po tayo kaysa makasira pa tayo ng buhay at dangal ng ibang tao. 

Pero bakit nga ba tayo nagsisinungaling? 

1. Ito ay bunga kadalasan ng takot.  Sa ganitong paraan nais nating ingatan ang ating sarili mula sa ating sariling kahinaan.  Gamit ang pagsisinungaling, napagtatakpan natin ang ating mga insecurities, fears and weaknesses. 

2. Maaring sinasadya o hindi, ito ay isang defensive mechanism natin, upang makaganti o makasakit tayo ng ibang tao na inaakala nating mananakit sa atin.  Inuunahan natin sila gamit ang mga exagerated words, o hindi totoong paratang laban sa kanila. 

3. Para magyabang, at para magustuhan tayo ng iba, maari nating dagdagan ang mga kwento o salita. Sa ganitong paraan maaring nais nating itaas ang ating bangko, upang hanggaan tayo. 

4. Kapag gusto natin mag-manipulate ng ibang tao, tulad ng pambobola sa kapwa, halimbawa dito ang mga hindi naman totoong pangako ng isang politiko na naghahanp ng boto ng mga tao. 

5. Minsan, ang pagsisinungaling ay mas madaling gawin kaysa pagsasabi ng katotohanan.  Maraming katotohanan ang mahirap ilahad lalo kapag ang isang tao ay takot at ayaw mapahamak.  May mga tao na mas pipiliin talaga nila ang maggsinungaling para lang iligtas ang sariling kapakanan kahit iapahamak pa ng iba.

Bilang Kristiano, kailangan tayong mamuhay sa katotohanan at magsalita ng katotohanan.  Ayon sa Utos ng Diyos, “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa kapwa.”

Maging Kuntento sa Buhay (Ten Commandments)

Maging Kuntento sa Buhay
Exodo 20:17

Kapansin-pansin na dumadagsa ang mga tao kapag panahon ng mga “Mall Sales”  at inaabot ng ilang oras ang pila bago makapagbayad.  Ang ganitong karanasan ay tanda minsan ng ating maling paghahangad na makamit ang isang bagay na “bago” at “uso.”  Hindi natin maikakaila na ang mga patalastas sa TV ay nagtuturo sa atin na maging mabilis upang mamili, maging sa mga bagay na hindi naman natin kailangan, o mga pagkain na hindi naman totoong masustansya. 

Ang salitang “covetousness” sa English ay tumutukoy sa walang control na paghahangad para makuha ang gusto. Hindi tuwirang masama ang maghangad.  Nais ng Diyos na gumanda ang ating buhay, at makakain tayo ng masarap dahil mahal niya tayo.  Ngunit ang maghangad ng sobra ng walang pagpipigil sa sarili, ay madalas magresulta ng kapahamakan sa halip na pakinabang.  Anumang wala sa control ay mapanganib. 

May ilang masasamang binubunga ang maling paghahangad; 

1. Kapaguran. Sa panahong ito, marami ang nagmamadali upang yumaman.  Kaya ang marami ay pagod at nawawalan ng oras ng pahinga. Kahit ang Biblia ay may paalala sa Kawikaan 23:4-5, “Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon.  Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.” 

Maraming tao ang naghahanap-buhay at sinasakripisyo ang kalusugan, nasisira ang sariling katawan, at pagkatapos ay nauubos din ang kinita sa pagamutan.  

2. Pagkabaon sa Utang. Sabi ng Mangangaral 5:11, “Kung kailan dumarami ang iyong pera, gayun din dumarami ang pagnanais na gumasta.”

Sa pagnanais na magmukhang mayaman, maraming tao ang nababaon sa utang, kahit hindi kailangan.  Tandaan  kahit gaano karami ang hawak na pera, kung ito ay inutang, ito ay pananagutan na iyong babayaran at hindi mo ito kayamanan.  Ang paghawak ng pera na hindi naman sa iyo ay nagbibigay ng “hindi makatotohanang damdamin” na “feeling mo rich ka.”  

3. Nagbubunga ito ng pag-aaway.  Maraming mag-asawa, magkapatid at magkaibigan na ang mga nag-away dahil sa sobrang paghahangad.  Kaya sabi ng Biblia, sa Santiago 4:1, 

“Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban?” 

4.  Pagkabalisa. Magulong isip at buhay ang dala ng hindi pagiging kuntento sa buhay.  Ang taong naghahangad ng labis ay kadalasang ma “unrealistic perception in life”.  Niyayakap niya ang hindi niya kayang yakapin. Dahil dito nawawala ang kapayapaan ng isip at nagkukulang siya ng pahinga ng katawan. 

5.  Hindi makuntento. Ang kawalan ng satisfaction, ay nagdudulot ng sakit ng kalooban.  Hindi ka makukuntento kung ang nais mo ay labis na kayamanan.  Kahit yumaman pa ang isang tao, makikita niya na may kulang lagi sa kanyang buhay. Maalas ito ay nagreresulta rin ng kalungkutan. 

Paano natin pipigilan ang maling paghahangad? 

1. Maging kuntento, huwag ikukumpara ang sarili sa iba.  Hindi mo kailangang magselos dahil higit na tinatangkilik ang iba kaysa sa iyo. Ituon mo ang isip sa mga pagpapalang pangwalang hanggan na kaloob ng Diyos.  Higit silang mahalaga kaysa material na bagay tulad ng salapi. 

2. Maging mapagpasalamat, at matuwa kung ano mayroon ka.  Ang paghahangad na maangkin ang hindi atin, na ugaling sakim, ay magreresulta lamang ng kapahamakan. 

3. Gamitin ang sariling pera sa matalinong paraan at matutong mag-ipon at magbudget.  Ang pagyaman ay bunga ng sipag, tiyaga at pag-iipon ng kinikita. Kung mas malaki ang ating gastos kaysa ating kinikita, ito ay magbubunga ng hindi balanseng buhay.  Kahit malaki ang iyong kinikita, kung hindi ka naman nag-iipon, ay hindi ka rin yayaman. 

Sundin ang payo ni John Wesley, “Work all you can, save all you can, give all you can.”

4. Tumulong din sa kapwa at magkaloob  sa Diyos ng pasasalamat.  Ang pagpapala pa rin ng Diyos ang ating sandigan sa buhay. 

Ang tunay na sukatan ng buhay ay wala sa yaman kundi sa kalidad ng buhay.  Ang tunay na kapayapaan at kaligayahan ay hindi nabibili ng salapi. Ang pera ay isa lamang sa maraming aspeto ng buhay. 

Sa simula ng Sampung Utos, nababasa na ang sinabi ni Yahweh sa mga Israelita ay tungkol sa kaugnayan ng ng bayan sa Diyos.  Wika ng Panginoon, “Ako ang Diyos na naglabas sa inyo mula sa pagka-alipin.”  Makakamit natin kung gayon ang katuparan ng mga utos na ito, kung wasto ang ating kaugnayan sa Diyos.  Ang mga panuntunang ito ay malinaw na ipinagkaloob ng Diyos upang mapabuti ang ating kalagayan sa buhay.  Hindi sila utos na mabigat tupdin, kundi mga paraan ng Diyos upang ingatan tayo at gabayan tungo sa buhay na sagana at kasiya-siya.

Unang Utos (Ten Commandments)

Diyos Muna!
Memory Verses: Matthew 6:33;  Exodo 20:1-3

Alam mo ba ang Sampung Utos? Kabisado mo ba ang mga ito? Itinuturo mo ba ang mga ito sa iyong mga anak? Pinamumuhay mo ba ang mga ito? Ang serye ng mga aralin ngayong susunod na dalawang buwan ay tungkol sa Sampung Utos ng Diyos.
“Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos maliban sa Akin.”

Kailan nagiging diyus-syusan ang isang bagay?

Ano mang inuuna natin o pangunahin (highest priority or ultimate concern) na pinakamahalaga sa ating buhay ay siyang dinidiyos natin.  Ang isang dinidiyos ay hindi lamang sinasamba sa paraang pangrelihiyon, kundi siya ang napagkakalooban natin ng ating pinakamahalagang oras, kayamanan at lakas.

Ang Mga Utos ng Diyos

Ang mga utos ng Diyos ay hindi ibinigay para pabigatan at pahirapan tayo kundi para tulungan tayo ng Diyos tungo sa magaan, maayos at matagumpay na buhay.  Ang mga ito ay batas ng Diyos.  Ang mga batas, tulad ng “Law of Gravity” ay hindi pweding baliin.  Halimbawa, gusto mong lumundag mula sa 10th floor, siguradong hindi ka lulutang, at hindi mo mababali ang law of gravity sa iyong paglundag.  Ikaw ang magkakabali-bali! Tuwing sinusuway natin ang mga utos ng Diyos, sinasaktan lamang natin ang ating sarili.

Ang unang utos ay “huwag kang magkakaroon ng ibang diyos maliban sa Akin”, wika ng Panginoon.  Binabawalan tayong magkaroon ng “ibang” diyos dahil maari tayong gumawa ng ibang diyos sa ating buhay.  Hindi lamang rebulto ang tinutukoy dito, kundi kasama ang mga “ultimate concerns” o mahahalagang bagay sa ating buhay na inuuna natin bago ang Diyos.

PAANO GAGAWING UNA ANG DIYOS SA BUHAY?

May acrostic na ginawa si Rick Warren, F-I-R-S-T sa isa niyang mensahe tungkol sa araling ito.

F- finances, unahin mo ang Diyos sa mga paglalaanan mo ng iyong salapi.  Sinasabi sa Malakias 3:10 na dapat bigyan ng prioridad ang ikapu sa ating paggastos.  Unahin ang pagpapasalamat sa Diyos bago gamitin ang ating kayamanan sa ibang layunin.  May pangako ang Diyos kung susundin natin ito, ayon sa Kawikaan 3:9-11

 Honor the Lord with your wealth,
 with the firstfruits of all your crops;
 then your barns will be filled to overflowing,
 and your vats will brim over with new wine.(NIV)

I - interests, unahin ang Diyos sa mga interests mo sa buhay.  Maraming tao na makikita ang kanilang interest sa kaligayahan,  bisyo o libangan.  Hindi masama ang mga ito.  Ngunit, kapag ang mga interest natin ang nangunguna sa ating buhay at naisasantabi ang Diyos, ang  mga ito ay nagiging diyus-diyusan. Lalo kung magiging mababa ang ating pagpapahalaga sa mga bagay para sa Diyos.

sabi sa 1 Corinto 10:31;

      So whether you eat or drink or whatever you do,
         do it all for the glory of God. (NIV)

R -relationships.  Ang kaugnayan natin sa ating kapwa, lalo sa ating pamilya ay mahalaga.  Pero, dapat pa ring mauna ang relasyon natin sa Diyos.  Hinihiling ng Diyos na unahin natin siyang mahalin ng buong puso, lakas, isipan at kaluluwa.  Pumapangalawa ang pag-ibig sa kapwa.  Maari kasing maging diyus-diyusan ang kapwa tao, na minamahal ng higit sa Diyos.  Ayon sa Lucas 14:26,
"Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin.”

S- schedule.  Sa ating panahon, paggising pa lang sa umaga, marami na tayong ginagawa at nakalatag na kaagad sa isip natin ang ating mga gagawin para sa maghapon.  Pero sa gitna ng ating mga busy days, at pagmamadali, may oras ba tayo para sa Diyos? Ang Diyos ay maaring magtampo kapag siya ay nakakalimutan. Ayon sa Jer 3:21-22

“A cry is heard on the barren heights,
the weeping and pleading of the people of Israel,
because they have perverted their ways
and have forgotten the Lord their God.” (NIV).
 
 a. kailangang isama ang pananalangin at pagbabasa ng Bible sa ating daily routine.
  b. Isang oras sa buong linggo ay sumali sa
      Small Group Bible Study o cell group.
  c.Magsimba tuwing Linggo.

T- troubles.  Sa mga kabalisahan natin, Inuutusan tayo ng Diyos na ilagak natin sa kanya ang ating mga pasanin.
Sabi sa Awit 50:10,
 “Call upon me in your days of your trouble,
  and I will deliver you and you will honor me.”

Mahalagang isipin din natin kung kanino tayo tumatakbo tuwing kailangan natin ang tulong.   Sa ganitong paraan binibigyan natin ng pagpapahalaga ang Diyos kapag sa kanya tayo bumabaling sa oras ng pangangailangan.

Mga Pagtalakay:

1. Kailan nagiging kapalit ng Diyos ang isang bagay o  tao sa ating buhay?

2. Ano ang masasabi mo tungkol sa pagiging seloso ng  Diyos?

3. Alam natin na hindi “insecure” ang Diyos.  Pero bakit   gusto niya na siya ang laging inuuna?  Paanong     nakabubuti para sa ating kapakanan ang unahin ang Diyos?

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...