Biyernes, Mayo 15, 2015

Banal na Komunyon

Sa Banal na Komunyon: Kasama Natin Si Jesus!
Luke 24:13–35

Ang ating kwento mula Biblia ay salaysay ng dalawang alagad na pauwi sa kanilang tahanan. Pagkatapos nilang makita si Jesus na namatay at inilibing, ang tanging hangarin nila ngayon ay bumalik na lamang sa kanilang tahanan sa Emaus. 

Noong sumunod sila sa panawagan ng Panginoon upang maging alagad, iniwan nila ang kanilang tahanan at pamilya. Ngayong wala na ang Panginoon, marahil nga, ang pinaka magandang magagawa nila ay ang umuwi. 

Sa Daan Pauwi

Masarap umuwi lalo kapag may sasalubong sa iyo tulad ng halik ng asawa at yakap ng mga anak. Masaya rin sila kung may pasalubong na dala ang isang uuwi ng tahanan. Sa tahanan maririnig ang mga halakhak, tawanan at mga pagbabawal ng magulang sa kakulitan ng mga bata. Walang lugar na katulad ng tahanan. 

Ngunit ang pag-uwi na iyon nina Cleopas at ng kasama nila ay isang malungkot na pag-uwi. Naaalala ko po ang mga kwento ng mga biktima ng mga illegal recruiter noong bata pa kami sa aming baryo. 

Isang pamilya ang nagbenta ng kanilang nag-iisang kalabaw at maliit na lupang sinasaka upang makapunta sa Saudi Arabia ang ama ng tahanan. Sa pamamagitan ng pangingibang bansa, inasahan ng pamilya na sila ay uunlad na sa kabuhayan. Ngunit lingid sa kaalaman ng ama, siya ay biktima pala ng illegal recruitment. Inihatid pa naman siya sa airport ng buong pamilya. Pagdating sa airport ng Maynila, wala siyang passport, wala siyang ticket at wala rin ang recruiter. Umuwi ang buong pamilya na malungkot at bigo. 

Malungkot at bigo, ito rin ang damdamin nina Cleopas. Umasa sila na si Jesus ay ang Messias. Umasa sila na magbabago na ang takbo ng buhay ng bawat Judio na lalahok sa kilusan ng Panginoong Jesus. Ngunit ngayong patay na si Jesus, patay na rin ang kanilang pag-asa. 

Pauwi sila sa Emaus dala ang malungkot na balita, patay na ang inaasahang nilang Tagapagligtas. Ang dala nila ay kwento ng kabiguan. Marahil nahihiya nga silang uuwi sa kanilang bayan ng Emaus. 

Sinamahan Sila Ni Jesus sa Pag-uwi

Sa kanilang paglalakbay pauwi, nakisabay ang Panginoong Jesus sa kanila. Kasama nila ang Panginoong Jesus pero hindi nila alam na siya yun. Buhay na muli ang Panginoong Jesus ngunit hindi ito namalayan.

May kwento ang dakilang mangangaral na si Charles Spurgeon tungkol sa isang katulong na naglingkod sa isang lalaking mayaman. Namatay ang mayaman at ang tanging iniwan niya sa katulong ay isang sulat. Dahil hindi marunong bumasa ang katulong, umuwi siya at itinabi ang nasabing sulat sa isang sulok ng kanyang barung-barong. Nasadlak sa lungkot ang katulong dahil napamahal siya sa kanyang amo na parang ama niya ito. Bumalik siya sa kanyang dating bahay, sa lalong mahirap na buhay dahil wala na siyang alam na kabuhayan kundi ang maging katulong. 

Isang araw, binisita siya ng kanyang pastor. Pinabasa niya ang nilalaman ng sulat ng kanyang dating amo. At laking gulat ng pastorng mabasa ang sulat. Ito pala ay isang testamento na nagsasaad na ang lahat ng ari-arian ng kanyang pumanaw na amo ay pinamamana sa kanya! 

Kasama niya ang sulat pero hindi niya alam...na siya pala ay tagapagmana. Na siya ngayon ay isang napakayamang tao salupain na iyon!

Ang mga alagad, kasama na nila si Jesus pero hindi pa nila alam! 

Alam ninyo mga kapatid, kahit ngayon baka mayroon kayong pag-papala sa buhay na hindi ninyo nalalaman. Life is full of unrecognized blessings. For so many times, God is just beside us, ready to bless us, ready to journey with us, but we may just not recognize Him. 

Bakit kaya? 

Bakit hindi nila nakilala si Jesus? Ang dahilan, nakapako na sila sa maling kaisipan na patay na si Jesus. 

Sa bahay namin dati, ay may manequin. Ito ay nasa sala at iniwan namin itong nakatayo sa loob ng bahay. Ilang buwan din itong walang nakalagay doon na walang t-shirt (may shorts naman). Minsan, una akong umuwi sa bahay at naisipan kong tumayo sa lugar ng manequin. Tinakpan ko siya ng kumot at doon ako tumayo sa lugar niya. Inalis ko ang t-shirt ko at nag-pose ako na parang ako yung manequin. Dumating si misis at ang aking anak, at hindi nila napansin na nandoon ako sa bahay. Padaan-daan sila sa aking harapan ko ng mahabang sandali at hindi nila alam na nandoon ako!

Kaya ng ako ay kumilos, nabigla po sila. Nandoon lang ako, pero hindi nila alam. 

Nakapako kasi ang kanilang kaisipan na manequin ang naroon, kaya hindi nila ako pansin habang ako ay naroon lamang. 

Nandoon lang si Jesus, pero hindi nila alam na Siya na pala ang kasama nila. 

Hindi kaya ganyan din tayo mga kapatid? Nandiyan lang ang Panginoon pero hindi natin alam? Na ang turing natin sa Diyos ay isang estranghero?

Gayun pa man, matiyaga parin silang tinuruan ng Panginoon. Pina-alala ng Pagninoong sa kanlila ang mga hula sa Lumang Tipan. Sa kanilang mahabang lakaran, marami rin ang naibahagi ng Panginoon sa kanila, ngunit isa lang ang alam nilang kwento, nakapako pa rin sila sa maling kaisapang "Patay na si Jesus.".

Nang Makauwi na Sila

Pagdating sa Emaus, pinatuloy nila ang Panginoon sa kanilang tahanan. At ito ang pinaka magandang bahagi ng kwento. Hindi man nila naunawaan ang mga sinasabi ng Panginoon, hindi man nila nakilala si Jesus, pinatuloy nila ang "estranghero ito" sa kanilang tahanan. 

May kwento tungkol sa isang pamilyang hindi mananampalataya. Isang araw nakipanuluyan ang isang pastor sa kanilang bahay at tinanggap naman nila ang pastor. Sa una nilang pagharap sa hapag kainan, hiniling ng pastor na manalangin sila, at ito ay nakabigla sa pamilya dahil hindi naman sila sanay manalangin. Ngunit sa unang pagtanggap nila sa pastor na iyon, sa unang panalangin nila, nakadama ang pamilya ng kakaibang diwa. Nakaramdam sila ng presensya ng Diyos. Karanasan na hind nila maunawaan, pero totoo. Mula noon, hinahanap-hanap nila ang panalangin ng pastor, hanggang sila ay naging mananampalataya. 

Nang nasa hapag na sila, kumuha ng tinapay ang Panginoong Jesus at hinati tio, matapos magpasalamat, ibinigay niya ito sa mga alagad. 

Bigla nabuksan ang kanilang mga mata! Kasama pala nila si Jesus!

Banal na Komunyon, Paraan ng Diyos Upang Buksan ang Ating mga Mata

1. Binubuksan ng Banal na Komunyon ang mata natin upang malaman natin na kasama pala natin si Jesus sa ating paglalakbay sa buhay. At kahit sa gitna ng mga kabiguan, sa gitna ng lungkot, God is journeying with us. Hindi po tayo tinalikuran ng Diyos.

2. Pangalawa, binubuksan ng Pangiinoon ang ating mga mata sa pamamagitan ng Banal na Komunyon sa katotohanang handa siyang pumasok sa ating buhay, Handa siyang manuluyan sa ating mga tahanan upang makasalo natin siya.

3. Pangatlo, ang banal na Komunyon ay katibayan na ipinagkaloob na sa atin ang pinaka-mahalagang pagpapala ng buhay at kaligtasan. Ibinigay ng Ama ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sasampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Ilang beses na po akong nakarinig ng mga kwento ng mga nagpapatiwakal na tao. At kadalasan, ang iniiwan nilang sulat ay magkakahawig. Sabi nila, "Walang nagmamahal sa akin.." 

Sayang ano po. 
Hindi nila alam mahal sila ng Diyos.
Kayo, alam na po ba ninyo na mahal kayo ng Diyos? 
Na dahil sa pagmamahal niya sa atin Siya ay kusang namatay para sa ating kaligtasan?

Hinati niya ang tinapay at ibinigay sa kanila...at nabuksan ang kanilang mga mata.  Halina po sa hapag ng Panginoon at makisalo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...