Sermon 1
Pagbubulay Tungkol sa Panalangin
Mateo 7:7-8
7"Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.
Ang panalangin ay mahalaga dahil ito ay isang mahalagang dugtungan ng ating kaugnayan sa Diyos. Ang lahat ng sangkap nito tulad ng pasasalamat, pagpupuri, pagtatanong sa kalooban ng Diyos at iba pa, ay kapahayagan na tayo ay nakadepende sa Diyos. Kinikilala natin sa pananalangin na wala nga tayong magagawa kung hindi tayo tutulungan ng Diyos.
Ang panalangin ay may mga antas.
ANTAS NG PANALANGING HUMIHINGI
Ang unang antas ay ang paghingi (ask). Ito ang pinakamadaling antas ng panalangin. Sa paghingi, hinihiling natin na gawaran nawa tayo ng Diyos ng mga bagay na malaya niyang ipinagkakaloob. Ang mga hinihingi ay mga biyayang kaloob ng Diyos ng libre para sa lahat.
Sino nga ba ang mga humihingi sa Diyos ng biyaya? Ang mga matuwid at mga makasalanan ay parehong dumadalangin ng ganitong uri ng panalangin. Kung ang mga ibon nga ay pinakakain ng Diyos araw-araw, maging para sa mga makasalanan ay pinasisikat ng Diyos ang araw. Malayang makakalapit ang mga humingi sa Diyos, at hindi sila mabibigo sa kanilang paghingi ng biyaya sa Diyos.
ANTAS NG PANALANGING NAGHAHANAP
Ang panalanging ito ay panalanging may paghahanap dahil ang idinadalangin ay hindi mahanap. Kailangan dito ang dagdag na paggawa. Ito ay mga pananalangin na may kasamang pagkilos.
Halimbawa, idinadalangin mo ba sa Diyos na mapuno sana ang mga upuan ng inyong iglesia dahil wala ang mga miembro? Maganda iyan! Ngunit katulong ka ba ng inyong pastor upang hanapin sila?
May mga panalangin talaga na pagkatapos mong dumulog sa Diyos, hindi niya agad-agad ipapakita ang sagot. Dahil ikaw ang maghahanap sa tugon. Ang kasagutan ay ipinagkaloob na. Ngunit katulad ito ng isang regalo, na nakabalot nang ibigay sa iyo. Kailangan mong kumilos upang makita mo ang sagot ng Diyos.
Marami pang bagay ang nangangailangan ng panalanging naghahanap. Tulad ng pagkakaisa at pag-unlad ng iglesia, panalangin para sa kaligtasang espiritual ng iyong pamilya at mga kapitbahay.
May kwento tungkol sa isang Kristianong babae na laging nananalangin para sa kaligtasang espiritual ng kanyang asawa. Lagi siyang umiiyak sa paglapit sa altar upang makakilala sa Panginoon ang asawa niya. Sa loob ng ilang buwan ng pananalangin, hindi niya nakita ang sagot, kaya nagtanong siya sa Diyos. "Panginoon, bakit hangga ngayon hindi pa rin ma-SAVE ang asawa ko? Bakit naglalasing parin? Bakit hindi mo ako pakinggan Lord?"
Tumugon daw si Lord, "Anak, matagal na akong sumagot sa panalangin mo. Ang hinihintay ko naman ay ikaw, kung kailan mo ibabahagi ang ebanghelyo sa asawa mo!!?? Kailan mo ba siya isasama sa church???"
Ito ay katulad ng minsang sinabi ni Martin Luther, "Pray as if everything depends on God, then work as if everything depends on you."
ANTAS NG PANALANGING KUMAKATOK
Ang kinakatok na pinto ay sarado na. Ang tawag ng iba sa uri ng panalanging ito ay "persevering prayer". Ito ay uri ng panalangin para sa mga sitwasyong nangangailangan ng sakrispisyo. Minsan, matinding sakrispisyo. Hindi ito dahil matigas ang puso ng Diyos. Kundi dahil sa tindi ng pangangailangan dapat tugunan ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagkilos. Tandaan na tayo ang kamay at paa ng Diyos sa mundo.
May kwento ang Panginoong Jesus, tungkol sa isang lalaki na may dumating na bisita ng hatinggabi. Dahil wala itong maipakain sa bisita, lumapit siya sa kanyang kaibigan upang humingi ng tinapay. Ngunit sarado na ang pinto at tulog na ang pamilya ng kanyang kaibigan.
Ang isa pang kwento ng Panginoon ay tungkol sa isang abogado na hindi tinantanan ng isang ginang. Hindi rin tumigil ang babae sa pagkatok hanggang nakuha niya ang katugunan sa kanyang kahilingan.
May kwento tungkol sa isang babae mula sa South Korea na dumadalangin para maipagawa ang kanilang simbahan. Ngunit wala ng pondong salapi ang simbahan, kung kaya hindi naipagpatuloy ang pagawain. Ang ginawa ng babae, ibinenta niya ang kanyang mga mata sa isang hospital! Dahil ang halaga ng kanyang mga mata ay sapat upang matapos ang pagpapagawa ng simbahan. Nang tanungin siya ng doctor kung bakit ibinebenta niya ang kanyang mga mata, sinasabi niya sa doctor na ito ay para sa kanilang simbahan. Naantig ang damdamin ng doctor sa ginawa ng babae at hindi na natuloy ang operasyon upang kunin ang mga mata ng babae. Ang doctor na ang sumagot sa pangangailangan ng simbahan upang matapos ang pagawain. Miembro din pala ang doctor sa simbahang iyon.
May pagkakataon na ang ating kahandaan upang magsakripisyo, upang matupad ang kalooban ng Diyos, ang siyang katuparan ng ating sariling panalangin. May panalanging nangangailangan ng matinding pag-aayuno (Marcos 9:29). Maraming bayani ang humiling ng kalayaan ng kanilang bansa, at kinailangan silang magbuwis ng buhay para sa katuparan nito. Ang pagkatok ay maaaring ulit-ulit na sakrispisyo ng mga Kristiano upang mangyari ang kalooban ng Diyos dito sa lupa na para ng sa langit.
Anong antas na ang iyong pananalangin?
Nananatili ka ba sa antas ng paghingi? Magtiwala na ipagkakaloob ng Diyos ang iyong mga kailangan.
Marunong ka na bang maghanap? Kumikilos ka na ba para makita mo ang nakatagong bunga ng iyong mga panalangin?
Kaya mo na bang kumatok? Handa ka bang kalimutan ang sarili, makita mo lamang ang kasagutan ng iyong panalangin?
Humingi, maghanap, kumatok. Tandaan mo kapatid, laging nakahandang tumugon ang Diyos sa panalangin.
Sermon 2
"KKK NG PANALANGIN"
Luke 11:1-13
Ang ating mga bayaning si Andres Bonifacio ay may KKK sa kanyang bandila ng Katipunan. Kung aaralin din ang Panalanging itinuro ng Panginoon, ito ay maaring hatiin sa tatlong "K".
1. Kaugnayan sa Diyos bilang Ama,
2. Katungkulan upang sumunod sa Kanyang kalooban, at
3. Kahilingan para sa ating mga pangangailangan.
Pagpalain nawa tayo ng Panginoon sa ating pakikinig ng Kanyang Salita.
1. KAUGNAYAN
"Ama namin, sumasalangit Ka." - Ang ating Kaugnayan sa Diyos
Ang panalangin ay pangangalaga sa ating kaugnayan sa Diyos. Sa turo ng Panginoong Jesus, nararapat tayong tumawag sa Diyos bilang "Ama natin".
a. Ito ay nagbibigay sa atin ng tamang pagkilala sa sarili.
Ang Diyos ay nakikipag-ugnayan sa atin bilang mga anak. Ito ay isang magandang paalala sa atin kung sino tayo - tayo ay mga anak ng Diyos. At ito bunga ng ating pagsampalataya sa ating Panginoong Jesus. Sabi ng Juan 1:12-13,
"Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos."
b. ito ay nagpapahayag kung paano tayo kinikilala ng Diyos.
Sa 1 Juan 3:1, ang Diyos ang mismong kumikilala sa atin bilang mga anak niya.
" Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo."
Kahit sa Roma 8: 16, sinasabi na ang Espiritu Santo pa mismo ang nagpapatotoo na tayo ay mga anak ng Diyos. "Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos."
2. KATUNGKULAN
"Dumating nawa ang kaharian Mo, sundin ang loob mo..."
Ang pananalangin ay upang ipahayag natin ang ating pagpapailalim sa kapangyarihan ng Diyos, upang alamin at sundin ang kanyang kalooban.
a. Ang panalangin ay kahandaan alamin ang kalooban ng Diyos.
Sa panalangin, hinahanap natin ang kalooban ng Diyos. Hindi po ang kalooban natin ang susundin ng Diyos. Tignan halimbawa ang sabi ng 1Juan 3:9,
"Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanya ang buhay na galing sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala."
b. Ang panalangin ay kahandaan upang sumunod sa kalooban ng Diyos - "sundin ang loob Mo". Ang kawalan ng pagsunod sa Diyos ay paglaban sa Diyos. At ito ay gawain ng Diablo! Kay ahindi maaring tawaging anak ng Diyos ang sinumang nananatili sa kasalanan.
3. KAHILINGAN
"Bigyan mo kami ng pagkain sa araw-araw, patawarin mo kami sa aming mga sala, ilayo mo po kami sa masama."
a. Ang Diyos ang nagpapanatili ng buhay (Sustainer of Life). Sa pamamagitan ng pagkain, nagpapatuloy ang buhay at ang ating hininga. Siya ang nagbibigay ng ating kailangan sa araw-araw.
b. ang Diyos ang tagapagpatawad ng ating mga kasalanan. Hindi natin maililigtas ang ating sarili mula sa ating sariling kasalanan. Tanging ang Diyos ang may karapatang magpatawad. Ang lahat ng pagkakasala ay paglabag sa kanyang kalooban. Siya ang ating sinusuway kapag tayo ang nakagagawa ng pagkakasala. At siya lamang ang nakapagpapatawad sa atin.
c. Ilayo mo po kami sa Masama - ang Masamang tinutukoy dito ay ang diablo. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos - ito ay pananatili sa piling ng Diyos. At ito rin ay paglayo sa Masama.
Humihiling tayo bilang pagtitiwala sa Diyos. Nakadepende po tayo sa Diyos. Wala tayong magagawa kung hiwalay tayo sa Kanya.
Sermon 3:
Nakatalaga sa Pananalangin
(Renewing Our Prayer Commitment)
Matthew 21:21-22
“If you believe, you will receive, whatever you ask for in prayer."
Ang panalangin ang pinaka-kilalang disiplinang espiritual sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ano ang Panalangin?
Ang panalangin sa karaniwang pakahulugan ay “mga kahilingang ipinararating natin sa Diyos”.
Ngunit higit pa rito, ang panalangin ay “lifting one’s soul to God” (Awit 25:1). Ito ay pagtataas ng ating kaluluwa sa harap ng Diyos. Ang panalangin ay hindi pamimilit sa Diyos para gawin niya ang gusto natin. Ito ay pagpapasakop sa mga nais ng Diyos para sa atin.
1. Ang panalangin ay paghahanap sa Diyos ayon sa Job 23:3
2. Ang panalangin ay mabuting paraan sa pagkilala sa kung sino ang Diyos. Mas makikilala natin ang Panginoon kung palagi ang ating pakikitagpo sa Kanya. Ayon sa Juan 17:3, “Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo.”
3. Ang panalangin ay pagiging bukas sa kayang gawin ng Diyos para sa atin. Sabi ng Panginoon, “Anuman ang hilingin ninyo ay ibibigay sa inyo.”
1. Basahin at aralin ang Juan 14:13-14
2. Basahin at aralin ang Juan 15:7-8
Dahil magagawa ng Diyos ang anumang bagay na kanyang nanaisin, walang imposible sa ating Diyos!
Tamang Pananalangin
1. Manalangin na may pananampalataya. Ang pananampalataya ay ganap na pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos.
2. Manalangin ng may pagtitiyaga. Madalas tayo ay nagmamadali sa ating panalangin. Ngunit tandaan na ang Diyos ay may sariling panahon para tugunin tayo. Madalas maigsi pa tayong manalangin at hindi tayo nakakatagal sa pakikipag-usap sa Diyos. (Lucas 18:1; Heb.11:6)
3. Manalangin na may pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang sinusunod natin, hindi tayo ang sinusunod ng Diyos.
4. Manalangin na may takot sa Diyos - Awit 25:14
Ang Panalangin ay Sekreto ng Matagumpay na Iglesia
Ang pagbibigay ng panahon sa panalangin ay pagbibigay ng panahon sa Diyos. Kaya kapag ang iglesia ay mapanalangin, ang kapangyarihan ng Diyos ay dumadaloy sa buhay ng iglesia.
Ang Halimbawa ng Panginoong Jesus
Ang Panginoong Jesus ay laging pagod at walang panahon minsan para kumain o matulog (Mark 3:20; 6:31) pero hindi niya nakakaligtaan ang pananalangin ayon sa Mateo 19:23.
Mahalaga ang panalangin upang tayo ay magtagumpay sa gawain ng Diyos. Walang dapat humadlang dito. Ayon sa 1Pedro 3:7b, “Sa gayon walang maging sagabal sa inyog pananalangin.”
Minsan ang maraming gawain at pagod ay sagabal sa panalangin. Ang kasalanan at kawalan ng pagkakaisa sa iglesia ay sagabal din. Ngunit hindi ito dapat mangyari sa ating mga Kristiano, upang magtatagumpay tayo sa ating gawain.
Sa Daniel 10:12-13, sinasabi na hinadlangan ni Satanas (Hari ng Persia) ang panalangin ni propeta Daniel. Subalit sa matiyaga niyang pananalangin, pinadala ng Diyos ang angel upang palakasin siya.
Paano Manalangin?
1. Magtakda ng regular na oras para manalangin.
2. Magplano ng araw ng pag-aayuno isang beses o higit pa sang-Linggo.
3. Ilista ang mga ipapanalanging tao at mga gawain ng iglesia. Ang planadong panalangin ay mabisa.
4. Ipanalangin ang mga pastor ng iglesia para magtagumpay tayo at marami ang maliligtas.
Ayon sa Biblia nagtagumpay si apostol Pedro dahil idinadalangin siya ng iglesia (Gawa 7:5).
Sermon 4
Mabisang Pananalangin
“Kung nananatili kayo sa akin, at ang salita ko ay nananatili sa inyo, hingin ninyo ang inyong maibigan at ipagkakaloob sa inyo.” -Juan 15:7
Nais ng lahat ng Kristiano na maging mabisa ang kanilang pananalangin. Wala na yatang sasaya pa sa isang taong tinugon ng Diyos pagkatapos niyang manalangin. Maraming tao ang nanalangin, at marami rin ang nabibigo sa kanilang kahilingan sa Diyos. Ang dahilan ay wala ng iba kundi: ang hindi natin pagtupad sa mga tuntunin na nais ipagawa ng Panginoon sa atin, upang maging mabisa ang ating panalangin.
Tuntunin ng Mabisang Pananalangin
1. Kung nananatili kayo sa Akin.
Nais ng Panginoon na maging palagian at personal ang ating pakikitagpo sa Kanya. Hindi mabuti na tinatawag lamang natin siya tuwing tayo ay may maigpit na pangangailangan. Hindi tama na ang Diyos ay ikinukumpara sa isang medicine cabinet, na hinahanap lamang kung may nagkakasakit. Sa maraming tao, ang Diyos ay ina-alala kung may problema, nalilimutan naman ang Diyos kapag masaya.
Paano tayo mananatili sa Panginoon?
a. Manalangin upang ipagkaloob ang Banal na Espiritu
Ang Espiritu Santo ang presensya ng Diyos sa ating buhay. Sabi sa 1Cor. 3:16, “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?”
b. Mamuhay ng may kabanalan
Kung tayo ay namumuhay kasama ang Diyos sa lahat ng oras, tayo ay nakiki-isa sa Panginoon at ito ay makikita sa ating bagong pagkatao. Sabi nga ng 2Cor. 5:17, “Sinumang naki-isa na kay Cristo ay isa ng bagong nilalang.”
c. Mamuhay na sumusunod sa kalooban ng Diyos
Ang pagsunod sa utos ng Diyos ay mahalaga, kung nais nating hilingin ang kanyang pagtugon. Tumutugon lamang ang Diyos ng ayon sa kanyang kalooban. Hindi maaring tugunin ng Diyos ang salungat sa kanyang kalooban. At lalong hindi maaring maki-isa sa Panginoon ang mga pasaway sa Kanya.
d. Pakamahalin ang Diyos
Ang pinakamahalagang utos ng Diyos sa atin ay ang ibigin siya. Ibig sabihin, ang pinaka-malaking kasalanan na maari nating gawin bilang tao ay ang kawalan ng pagmamahal sa Diyos. Abiding in God simply means, we let God to be with us through His Spirit, then we live in obedience to His will, and we love God with all our hearts, our soul, mind and whole strength.
Sabi ng Panginoon, “If you abide in me, and I abide in you, your prayers will be answered.”
2. Kung ang Salita Ko ay nanatili sa inyo
Ang pangalawang tuntunin ng mabisang panalangin ay ganito: “If my Words abide in you, whatever you ask in prayer shall be given to you”. The first condition is to abide in Christ, the next condition for a successful prayer is abiding in His word.
Ang panalangin ay “dialogue” at hindi “monologue”. Nagsasalita tayo sa Diyos, ngunit ang Diyos ay nangungusap din sa Kanyang Salita sa atin.
Paano tayo mananatili sa Salita ng Diyos?
a. Aralin araw at gabi ang Salita ng Diyos
“Nagagalak siyang magsaliksik ng banal na aral, laging binubulay sa gabi at araw.” Ito ay mula sa Awit 1:2. Gaano man tayo ka-busy sa ating mga gawain, ang pagbabasa ng Biblia ay dapat nating binibigyan ng panahon.
b. Sundin ang Salita na ating inaaral.
Sabi sa Santiago 1:23, “Mamuhay kayo ayon sa Salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.”
c. Hanapin lagi ang kalooban ng Diyos sa Kanyang Salita. Tanging sa Biblia lamang mababasa ang mga kalooban ng Diyos, maging ang kanyang mga plano para sa ating personal na buhay, sa ating pamilya, para sa iglesia at para sa mundo.
Ang Panalanging Tinutugon ng Diyos
Hindi lahat ng panalangin ay tinutugon ng Diyos. Tanging ang mga naaayon sa kanyang kalooban ang kanyang tinutugon. Hindi siya maaring pilitin ng labag sa kanyang kalooban. Sa tunay na panalangin, hindi ang Diyos ang susunod sa ating kalooban, tayo ang susunod sa kanya kalooban. Bago manalangin, tanungin muna natin ang ating sarili;
a. Ayon ba sa kalooban ng Diyos ang aking hihilingin?
b. Nananatili ba ako sa Panginoon?
c. Nasa akin ba ang Espiritu ng Diyos?
d. Sumusunod ba ako sa Panginoon?
Sermon 5
Ang Ating Ministeryo ng Pananalangin1 Timoteo 2:1-7
Ang panalangin ay mahalagang gawain ng bawat Kristiano. Ito ay ang ating pakikiniig sa presensya ng Diyos, tulad ng pagyakap ng isang sanggol sa kanyang ina. Ang panalangin ay paghinga ng kaluluwa, tulad sa kung paanong ang ating katawan ay nangangailangan ng hangin.
Ang panalangin ay tungkulin ng buong iglesia. Ang ating palagiang pagdulog sa Diyos ay nagpapatunay ng ating pagtitiwala na gagawin ng Diyos ang kanyang mga pangako, at tutuparin niya ang kanyang layunin para sa iglesia at sa sanlibutan.
Ang Ating Pagsakop sa Mga Bayan at Lunsod
Ang panalangin ay ministeryo ng buong iglesia. Ibig sabihin, ito ay tungkuling dapat gampanan ng bawat Kristiano, para sa ikasusulong ng ebanghelisasyon ng mundo. Sa isang bayan o siyudad, kailangang gumawa tayo ng malawakang pananalangin sa iglesia para ihandad ang pagsakop ng Diyos sa puso ng mga mamamayan at sa mga nangangasiwa sa pamahalaan. Ito ay isang opensiba ng pagsakop.
Sa isang bayan, nahirapan ang mga Kristiano doon na makapagtatag ng simbahan. At kung mayroon mang simbahan, hindi ito umuunlad. Napag-alaman na sa lugar na iyon ay may maraming mangkukulam at sumasamba sa mga espiritu. Ito pala ang dahilan kung bakit nahirapan ang mga Kristiano upang makapagmisyon sa lugar na iyon, kung kaya, gumawa ng malawakang pananalangin ang mga Kristiano upang buwagin sa pamamagitan ng pananalangin ang depensa ng mga espiritual na pwersa sa lugar. Pagkatapos ng mga pag-aayuno at panalangin, nasakop ng mga Kristiano ang nasabing lugar, at umunlad ang mga simbahan doon.
1. Panalangin para sa lahat ng tao.
Maraming Kristiano ang nananalangin lamang para sa kapakanan ng iilan. Ang mga Judio, ay kadalasang nananalangin para sa Israel lamang. Marami din ang nananalangin para sa sarili lamang. Kung ang “intercession prayer” at “fasting” ay gagawin upang idulog ang isang bayan o ang isang bansa, ang tagumpay sa pananakop ng Diyos ay walang dudang masasaksihan nating mga Kristiano.
2. Panalangin para sa mga maykapangyarihan
Sa panalanging itinuro ng Panginoong Jesus, mababasa ang ganito sa Mateo 6:10, “Nawa'y maghari ka sa amin. Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.” Dapat ding masakop ng Diyos ang mga maykapangyarihan dito sa lupa.
Itinuturo din ni Pablo na tungkulin ng mga Kristiano ang idalangin ang mga nasa ay mapapailalim sa kapangyarihan ng Diyos, mas malawak ang kapangyarihang politikal. Dahil kung ang mga nasa gobyerno maaabot ng Panginoon at mawawala ang pagnanakaw sa gobyerno.
Ang Mga Pakinabang ng Ating Pagdulog sa Diyos
1. Una, upang ang mga Kristiano ay makapamuhay ng tahimik, payapa, maka-diyos at marangal sa bayang kanilang tinitirhan.
2. Pangalawa, upang ang lahat ng tao ay maligtas.
3. Pangatlong layunin ang: upang ang lahat ng tao ay makaalam ng katotohanan.
Ang pagpapabaya ng iglesia sa pananalangin ay malaking kawalan. Marami ang mga Kristianong nag-aakala na ang panalangin ay ginagawa lamang kapag may personal silang kailangan mula sa Diyos. Marami ang nananalangin kapag sila ay maysakit o kapag may problema. Mahalaga ang pananalangin para sa malawakang pagsakop ng Diyos sa isang buong bayan o lunsod.
Kung talagang minimithi nating palawakin ang Ebanghelisasyon sa ating lokal na pamayanan, simulang gawin ang mga regular na pagtitipon para manalangin.
1. Magtalaga ang bawat iglesia lokal ng “prayer coordinator”. Pumili ng isang taong mapanalanginin upang mamuno sa mga pang-araw-araw na pananalangin para sa mga manggagawa, at iglesia.
2. Magbuo ng prayer “warrior group” o intercessors na mananalangin para sa barangay, o bayan kung saan nakatayo ang iglesia.
3. Magtatag ng prayer meeting ang buong iglesia kasabay ng pagtatatag ng mga Care Group Ministries. Magtalaga rin ng araw ng pag-aayuno (maaring Wednesday at Friday Lunch) bilang personal prayer time ng mga miembro ng iglesia.
4. Sanayin ang mga kaanib ng iglesia sa personala na pagbabahagi ng Salita ng Diyos (Personal Evangelism).
____________________________
Sermon 6 Outline
Ang Kapangyarihan ng Panalangin
1. Alam ni Jesus na ang mga tao ay magiging tamad sa pananalangin. Nag-iisip siya kung makakakita ba siya ng tunay na sumasampalataya (o nananalangin) sa kanya sa kanyang muling pagdating (Lucas 18:8). v
Mahirap maligtas - “Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito’y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? v18Tulad ng sinasabi ng kasulatan, “Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas, ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?”
2. Paalala ni Pablo na dapat tayong manalangin..
a. “Ang lahat ng ito’y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. ...” - Ep 6:18
b. “Maging mapagbantay kayo sa panalangin” - Co 4:2
c. “Manalanging walang tigil” - 1 Th 5:17
The Power of Prayer
1. Panalangin ang susi sa Kapatawaran sa kasalanan - Gawa 8:22
2. Kapayapaan mula sa Diyos - Efeso 4:6, “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.”
3. Panalangin Upang Magkaroon ng Lakas mula sa Panginoon - Efeso 3:16, “ v16Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.”
4. Pagkakataon Upang Maibahagi ang Salita ng Diyos - Colosas 4:3, “Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita...”
5. May kagalingan sa panalangin -James 5:15, “Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan.”
6. Karunungan mula sa Panalangin - James 1:5
______________
Sermon 7 Outline
MENSAHE : Layunin ng Pananalangin (Purpose of Prayer)
Noong August 2005, Ang Newsweek at Beliefnet ay nagtanong sa 1,004 Americans, “What do you think is the most important purpose of prayer?”
Ganito ang sagot nila... a. To seek God’s guidance (27%), b. To thank God (23%)
c. To be close to God or the divine (19%), d. To help others (13%), e. To improve a person’s life (9%), f. Other (4%), g. Don’t know (5%).
Mga Layunin ng Panalangin (A.C.T.S.)
1. ADORATION (Pagpupuri)
a. Ang Diyos ay dapat papurihan dahil siya ay mabuti at banal.
b. Maaring papurihan ang Diyos sa mga awit, maari din sa panalangin.
HALIMBAWA NG PAGPUPURI SA PANALANGIN
a. Ang pagpupuri ni Pablo sa Efeso 3:14-21
b. Ang pagpupuri ni David sa - 1 Chr 29:10-13
2. CONFESSION (Pagsisisi)
a. Ang biyaya ng Diyos ay nararanasan kug may pagsisisi Kawikaan 28:13
b. Ang kagalakan ng kapatawaran ay nararanasan kapag luminis na tayo mula sa kasalanan - 1 Jn 1:7-10
HALIMBAWA NG ISANG PINATAWAD ...
a. Ang kwento ng Pariseo at Publikano - Lk 18:10-14
3. THANKSGIVING (Pasasalamat)
1. Maging mapagpasalamat sa Panlangin - Ef 5:20; Co 4:2; 1 Th5:17-18
2. Para makaiwas sa pagka-balisa - Ph 4:6
HALIMBAWA NG PANALANGIN NG PASASALAMAT
1. Halimbawa ng Panginoong Jesus - Mt 11:25; 26:27; Jn 6:11; 11:41
2. Halimbawa ni Daniel, 3 beses na pasasalamat araw-araw - Dan 6:10
4. SUPPLICATION (Paghingi sa Diyos)
1. Sabihin ang pangangailangan sa Diyos - Filipos 4:6
2. Ilapit sa Diyos ang pangangailangan ng iba - 1 Ti 2:1-2
HALIMBAWA NG SUPPLICATION...
a. Panalangin ni Solomon sa pagtatalaga ng templo - 1 Hari 8:28-29
3. Panalangin ng Panginoong Jesus habag nakapako sa krus- Lucas23:34
_______________________
Sermon 8 Outline
MENSAHE : SAGABAL sa PANALANGIN
Hindi lahat ng panalangin ay tinutugon ng Diyos.
A. Panalangin ng mga pagano:
1. sinusugatan /sinasaktan ang sarili sa panalangin - 1 Kings 18:28
2. mahabang salita na walang kabuluhan - Mateo 6:7
B. Hadlang sa Panalangin ng mga Kristiano
1. Hindi pakikinig sa Diyos - Kawikaan 28:9
v”Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam.”
2. Pagkawalay sa sa Diyos dahil sa kasalanan - Isaiah 59:2
“Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos.
Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita, at hindi niya kayo marinig.”
3. Maling pag-trato sa kapwa
a. Hindi pagtulong sa nangangailangan - Awit 41:1-3
b. Maling pagtrato sa kabiyak - Mal 2:13-14; 1 Pe 3:7v”
13Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo’t dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya. 14Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo’y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo’y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama’t nangako kayong magiging tapat sa kanya.”
c. ayaw magpakumbaba kung nagkasala sa iba - Mt 5:23-24
d. ayaw magpatawad sa nagkasala - Mt 18:21-35 (Forgive70x7)
4. Kawalan ng pananampalataya - Hebreo 11:6, Santiago 1:5-8
”Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya.”
_________________________________
Sermon 9 Outline
MENSAHE : Principles of Prayer
Natutunan natin sa nakaraan na ang mga matagumpay sa pananalangin ay yung;
1. mga anak ng Diyos - may tamang kaugnayan sa Diyos.
2. mga tunay na naghahanap ng katotohanan at naghahangad ng kabanalan.
Mga Prinsipyo ng Panalangin
1. Panalanging may pananalig.
“Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung pananalig kayo.” - Mateo 21:22
”Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.” - Santiago 1:8-9
Pananampalataya sa Diyos.
“ Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya.” - Hebreo 11:6.
2. Panalanging may Kapakumbabaan (Humility)
”Ang mga palalo’y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.” - Kawikaan 3:34
3. Naayon sa Kalooban ng Diyos (In Harmony with the Will of God)
"Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito’y naaayon sa kanyang kalooban.” - 1 Juan 5:14
4. Panalanging may Pasasalamat
"Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus." - 1 Thessalonica 5:16-18.
5. Panalangin sa Pangalan ni Jesus
”Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo’y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.” - Juan 16:23