Biyernes, Marso 11, 2016

Kwento ng Dalawang Anak (Lucas 15:11-32)

Madalas kong tanungin ang aming anak noong maliit pa siya.

Tanong ko, "Sino ang mas mahal mo sa aming dalawa ng nanay mo?"   Sabi niya, "Pareho po."

Sa ibang mga bata, ang sagot ng iba ay ang kanilang nanay, ang iba ay tatay naman.

Sa Linggong ito, pinapaalala sa atin na tayo ang mga minamahal na anak ng Diyos.  Tayo ay kabilang sa pamilya ng Diyos.  Tayo magkakapatid.  Maari mo bang sabihin sa katabi mo, "Kapatid kita sa Panginoon at mahal kita?"

Ito ang bunga ng ating pagkaligtas, nagkaroon tayo ng bagong pamilya sa Diyos bukod sa ating pamilya sa dugo at laman.

At dahil mahal tayo ng Diyos, nararapat lamang na mahalin din natin ang Diyos - dahil siya ang ating Ama.  At ang Diyos ay napakabuting Ama.  Ipinagkakaloob niya ang lahat ng ating kailangan.  Hindi niya tayo iniwan.  Hindi siya nagkukulang.

Mahal mo ba ang ating Ama? Dapat lang na pasalamatan natin siya sa araw na ito.

1. Ang Bunsong Anak

Magsimula po tayo sa ating pagbubuklay sa bunsong anak. Sa ating binasang kwento ng Prodigal Son, ang mahal ng bunsong anak ay ang pera ng kanyang tatay. Marami ang katulad ng batang ito, madalas silang lumapit sa kanilang ama upang humingi ng pera. Naalala nilang tawagan ang kanilang magulang kapag kailangan nila ng pera.

At nagkukulang sila sa pagmamahal sa kanilang magulang.  Mga kabataan, pakamahalin ninyo ang inyong mga magulang.  Ang kanilang pagmamahal sa inyo ay walang katumbas.

Ang pangit sa bunsong anak ay ang kanyang pagmamahal sa maaring ibigay ng kanyang ama.  Ang kanyang mana ay kanyang kinuha at pagkatapos, siya ay umalis.

Ang kabataang ito, ay katulad ng ilang kabataang hinubog ng kasalukuyang  panahon.

pinaniwala sila na ang tagumpay sa buhay ay ang sundin mo ang iyong pangarap....at hindi ang pangarap ng Diyos para sa iyo.

pinaniwala sila na ang pinakamahalga ay ang magkamal ng yaman,....

na ang pinakamahalaga ay ang makuha mo ang gusto mo at magawa mo ang lahat ng nais mo.

Ngunit pagmasdan po ninyo kung saan siya nasadlak.

Siya ay nagdalita, hanggang makipagtrabaho.  Pag-aalaga ng baboy ang kaya niyang gawin, kaya ito ang kanyang naging buhay.  Halatang hindi siya nag-aral.

Ano ang mensahe nito sa atin?

a. . Ang bunsong anak ay sumisimbolo sa mga napapariwarang tao na naghahanap ng "magandang " buhay na hiwalay sa Diyos.  Pansamantalang kaligayahan ang kanilang natatamo.

b. Siya ay lumayo sa kanyang ama (sumisimbolo sa Diyos).  Ang pagyakap sa kayamanan, at paglimot sa Diyos ay magbubunga ng tiyak na kapahamakan.

Pakinggan ninyo ang sabi ng Banal na Kasulatan, "Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang."

Wika ng Panginoon, "Dumating ako upang bigyan ko kayo ng buhay  na sagana at kasiya-siya."

Yumakap siya sa nauubos na biyaya.  Ang kanyang seguridad ay nakasalalay sa tangan niyang salapi. Ngunit ang salapi, gaano man karami ay nauubos.

Ngunit ang Diyos na pinaggagalingan ng biyaya ay hindi nauubusan mga kapatid.

c.  Siya ay nakaisip na bumalik sa Ama at nagsisi.  SIya ay tinaggap, dahil walang mapapahiya sa sinumang lalapit at magbabalik loob sa Diyos.

May mga tao na katulad niya, minsang lumayo at lumimot sa Diyos, ngunit nagbalik loob.  Maaring may mga katulad siya sa mga nandito.  At kung ikaw ay isang dating lumayo sa Panginoon, at ngayon ay bumabalik,  sinasabi ko sa iyo na napasaya mo ang Panginoon sa araw na ito.

2. Ang Panganay na Anak

Sa pagbabalik ng bunso, nabalitaan ng panganay na mayroong party sa kanilang bahay. May sayawan at kainan.  Nabalitaan din niya na bumalik ang kanyang kapatid.  At siya ay nalungkot at nagalit.

Ano naman ang mensahe nito sa atin?  Sino ang katulad niya sa mga tao sa ating panahon?

Ang panganay ay sumisimbolo sa mg amabubuting tao, mga tao na ang tingin nila ay higit silang mabuti kaysa iba, dahil wala silang nagawang karumal-dumal na kasalanan.

Ano ang mensahe nito sa atin?

a. Huwag mong hahatulan ang mga kapatid na minsang lumayo at nagkasala.
Tanggapin mo sila sa kanilang pagbabalik sa Diyos.

Wala tayo karapatan  humatol, lalo sa mga kapatid sa pananampalataya.

Hindi tayo "mas mabuti sa kaninu pa man."  Tayo ang mga makasalalang, nangangailangan din ng pagsisisi at pagpapatawad ng Diyos.



 



Lectionary Sunday School (March 13, 2016)

Hangaring Makilala Si Cristo
Filipos 3:4-14

"Gagawin ko ang lahat makilala ko lang siya!" ganito yata ang sinasabi ng mga kabataang "na in-love at first sight". Pero ang ating aralin ay hindi tungkol sa mga kabataang nagkaroon ng crush. Ito ay pahayag ni St. Paul tungkol sa kanyang layuning makilala si Jesus, kahit ano pa ang maging kapalit.

Ang Mahalaga Kay Pablo Noon

May mga bagay na unang minahal si Pablo noon bago si Jesus.
1. Mas mahal niya ang kanyang relihiyon. Kailangan ang relihiyon at mahalaga ito sa ating relasyon sa Panginoon (1 Tim. 3:16). Ngunit sa kalagayan ni Pablo bilang Judio, mas ipinagyabang niya ang kanyang pagiging Judio, o ang kanyang pagiging relihiyoso. Hanggang nakita niya na may mas mahalaga pa pala kaysa dito.

2. Nahulog siya sa maling akala, na ang panlabas na seremonya ng relihiyon ay ang pinaka-mahalaga, subalit hindi pala ito ang pinaka mahalaga. Maaring ang isang tao ay magyabang tungkol sa kanilang sariling relihiyon. Ngunit hindi ito sapat upang maging matatag ang relasyon ng isang tao sa Diyos.

3. Inakala rin ni Pablo na higit na mahalaga ang kanyang lahi bilang angkan ni Benjamin, na nagpapatunay na siya ay tunay na Hebreo. Ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.

4. Siya ay Pariseo, kung baga, nakapagtapos siya sa pinakamataas na pag-aaral. Mataas ang natapos ni Pablo bilang dalubhasa sa batas.

Kaya kung payabangan lamang ang pag-uusapan, mayroong ipagyayabang si Pablo. Ngunit hindi ang mga ito ang nagbigay sa kanya ng tunay na kahulugan ng buhay.

At Nakilala Niya si Jesus

"Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon." - v. 7

Ang karanasan ni Pablo sa Panginoong Jesus ay parang isang love story ng dalawang dating mag-kaaway na naging magkasintahan. Dati, dahil sa sobrang pag-ibig ni Pablo sa kanyang relihiyon, inisip niyang wasakin ang Kristianismo. Subalit nakilala niya si Cristo, na mas higit pa sa kanyang relihiyon, dahil si Cristo ang larawan ng Diyos na hindi nakikita. Si Jesus ang ipinangakong Tagapagligtas ng Lumang Tipan ng mga Judio.

At mula noon, si Jesus na ang naging sentro ng buhay at pananampalataya ni Pablo.

Kaya ang hangarin niya ngayon ay;

1. Talikuran ang lahat ng bagay na dating pinapahalagahan niya, alang-alang kay Cristo. "Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo." -v. 8b.

2. Magbago ng pamantayan kung paano magiging matuwid at magiging katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Wika niya, "Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo." -  (talatang 9).

3. Ang makilala si Jesus at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay.

Sa ganitong paraan masasabi natin na nahulog na nga si Pablo sa kanyang pag-ibig kay Cristo Jesus. Sa pagsunod niya kay Cristo, naranasan niya ang pagpapatawad at pagtanggap ng Diyos sa pamamagitan ng biyaya. Naunawaan niya na ang kaligtasan ay hindi pinagpapaguran kun’di tinatanggap. Dati, sinisikap ni Pablo na makuha ang kaligtasan sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ngunit nakita rin niya na ang tao ay makasalanan at hindi kailanman makaka-abot sa pamantayan ng Diyos (Roma 3:23). At sa kabila ng kahinaang ito ng tao, mahal pa rin tayo ng Diyos at ibinigay ng Diyos si Cristo para sa ating kaligtasan.

True Love na 'To!
Alam ni Pablo, na bagamat naging tapat siya sa kanyang relihiyon bilang Judio, hindi siya naging karapat-dapat sa Diyos. Naging karapat-dapat siya dahil minahal siya ng Diyos. Ang kanyang pag-ibig sa Diyos ngayon ay isang tugon sa ipinakitang kabutihan ng Diyos sa kanya. Ngayon iisa na lamang ang layunin ng kanyang buhay; ang mahalin si Cristo na nagmahal sa kanya. Paano niya ito ginawa?

1. nais niya makibahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Siya ay namuhay bilang tunay na alagad ni Cristo na gumagawa para katuparan ng misyon ng Panginoon.

2. Nais niyang mabuhay at mamatay para sa Diyos.

3. Nais niyang kamtan ang tunay na kaligtasan, ang muling pagkabuhay.

4. Nililimot niya ang nakaraan upang pagtagumpayan ang laban ng buhay. Sabi niya, "Nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan."

Ang Pag-ibig ng Diyos

Wala na ngang papantay sa pagmamahal ng Diyos para sa atin. Ang ating misyon ngayon ay unawain, isabuhay at ibahagi sa iba. Ito ang kahulugan ng pagiging totoong Kristiano. Ang patunayan natin na wala nang mas mahalaga pa sa buhay natin kun’di si Jesus.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...