Sabado, Hulyo 9, 2016

Lectionary Sunday School - Colosas 1:1-14 (July 10, 2016)

Isang Modelong Iglesia
Colosas 1:1-14

Maaring sabihin ng iba na ang modelong iglesia ay yung malaki ang gusali, may pinakamaraming miembro at mayaman sa pananalapi. Sa Biblia, hindi ito ang pamantayan  ng Diyos sa matagumpay na iglesia.

Ang iglesia sa Colosas ay pinapurihan dahil sa pananampalataya at pag-ibig nito.

Pananampalataya at Pag-ibig (v.4)

Ang iglesiang ito ay huwaran dahil sa pananampalataya nila na may kalakip na gawa - sumasampalataya sila sa Panginoong Jesus kasabay ng kanilang pagmamahal sa kanilang kapwa.

Natutunan nila ito sa kanilang pastor, si Epafras, isang tunay na lingkod ng Diyos na hindi lamang nagtuturo ng doctrina kundi pa naman, ang application ng mga tamang turo, kalakip ng tamang gawa.  Tulad ng sabi ni Apostol  Santiago, “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay”.

Ang pananampalatayang walang gawa at maitutulad sa pag-aaral ng theorya na walang actual training. Kapag alam ng Kristiano ang kanyang doktrina ngunit wala itong tuwirang gamit sa kanyang buhay.

Sa kabilang banda, ang puro gawa na walang  pundasyong pananampalataya sa biyaya ng Diyos ay bunga lamang ng tiwala ng tao sa sariling kabutihan (at hindi mula sa Diyos).

Dahil dito, ang iglesia sa Colosas ay tumanggap ng papuri, bunga ng tagumpay ng iglesia sa pagpapalawig ng Mabuting Balita sa mas maraming tao.

Ang Panalangin ni Pablo Para sa Iglesia

Ang kagalakang nadama ni Pablo dahil sa mabuting balitang nagaganap sa iglesia ng Colosas  ay nagbunsod lalo upang idalangin niya ang iglesia.   Aralin natin ang mga panalanging ito ng apostol;

1. Sana’y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban (v.9)
Sa gabay ng Espiritu Santo, dalangin niyana maunawaan nawa ng iglesia ang kalooban ng Diyos sa halip na kalooban ng tao ang masunod sa iglesia. Sa ganitong paraan, ang iglesia ay “sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa”(v.10).

Sa madaling salita, kapag alam ng iglesia ang kalooban ng Diyos, madali itong makatutugon, sa pamamagitan ng tamang pagkilos.

Malaking kamalian kapag ang iglesia ay hindi na sumasangguni sa Espiritu Santo  sa pananalangin.  Tandaan, ang sobrang tiwala sa sariling galing ng tao ay ang pangunahing pumapatay sa iglesia.

2.  Ikalawang panalangin ay; “patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan” (v.11).

Maraming pagsubok na sinasagupa ang iglesia.  Dalangin ng apostol na “magtiis silang masaya at magtiyaga sa lahat ng bagay” (v.11)

3.  Panghuli, sinabihan sila na maging mapagpasalamat sa Diyos, a) dahil kabahagi sila sa mga pangako ng Diyos, b) naligtas na sila sa kadiliman, c) malaya na sila dahil sa kapatawaran ng Diyos sa kasalanan.

Sa bahaging ito, hinihikayat ng apostol ang iglesia na tumanaw ng malaking utang na  loob sa Diyos bilang basehan ng kanilang paglilingkod.  Na dahil sa napakalaking ginawa ng Diyos sa kanilang buhay, (ang kaligtasan, at kalayaang bunga ng pagpapatawad ng Diyos) nawa'y gagawin nila ang lahat ng paglilingkod bunga ng kanilang pasasalamat.

Mga Tanong:

1. Paano nagiging epektibo ang iglesia sa pagiging balanse ng pananalig at gawa dahil sa pag-ibig?
2. Ano ang batayan mo sa pagiging matagumpay ng iglesia lokal?
3. Ano sa palagay mo ang mga dapat pa nating idalangin sa Diyos tungkol sa ating iglesia lokal?
4. Ano ang sekretong nakikita sa paglago ng iglesia sa Colosas na maari nating tularan?
5. Paano natin nalalaman ang kalooban ng Diyos para sa iglesia?  
















Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...