1 Corinto 11:27-34
Ang sama-samang pagdulog sa hapag ng Panginoon ay kasanayan ng mga sinaunang Kristiano. Ito ay tinatawag na “agape meal”. Sa Komunyon, kinikilala ang banal na presensya ng Panginoong Jesus. Pagkakataon din ito upang maramdaman ng bawat Kristiano ang pagkaka-isa. Ang mga mayayaman ay nakikisalo sa mga mahihirap. Ang lahat ay pantay-pantay sa Banal na Hapunan.
Ngunit sa iglesia ng Corinto, nakaranas ng kaunting problema si Apostol Pablo. Tulad ng alinmang iglesia, nakakita siya ng ilang suliranin na dapat iwasto. Bilang mga anak ng Diyos, nakapahalaga na unawain natin ang Salita ng Panginoon at maging bukas tayo sa mga maaring pagwawasto na nais gawin ng Diyos sa ating buhay bilang isang katawan.
Isang naging suliranin na nakita ni Pablo ay ang mga pangkat-pangkat ng mga kaanib sa oras ng hapag ng Panginoon. Ang mga mayayaman, mga magkakasamang grupo ay humihiwalay sa iba. Isa pa ay ang pagiging makasarili ng iba. Kumakain at umiinom sila ng labis at nawawalan ng paggalang sa Banal na Hapunan.
Paghahanda sa Pagtanggap sa Banal na Komunyon
Dalawa lamang ang ating kinikilalang Sakramento ng iglesia, ang Bautismo at Banal na Komunyon. Ang Banal na Komunyon ay iniutos ng Panginoon upang siya ay ating alalahanin. Upang magawa natin ito, kailangan natin ang isang nakahandang puso at bukas na kaisipan. Dahil, ito ay paggalang mismo sa katawan at dugo ng ating Panginoon. Ang pagtanggap sa katawan at dugo ng Panginoon sa paraang hindi karapat-dapat ay isang pagkakasala.
Kabilang sa mga paraang karapat-dapat ay;
a. ang pagsusuri sa sarili bago tumanggap ng Banal na Komunyon.
Ang tamang pagsusuri sa sarili ay ginagawa ng mga nagnanais lumago sa pananampalataya at sa kaalaman. Ito ay sa paraan ng kapakumbabaan at pagbubukas ng sarili sa liwanag ng Diyos. Ang taong nagsusuri ng sarili ay handa sa mga pagtutuwid ng Diyos, kumikilala siya sa mga sariling kahinaan at pagkukulang.
Sa mismong tinapay at katas ng ubas, ang Panginoon ay nangungusap sa bawat tatanggap ng Komunyon. Ito ay simbulo ng pagpapatawad na pinagkakaloob ng Diyos. At ang pagpapatawad ay pinagkakaloob lamang sa mga tunay na nagsisisi. At ang mga tunay nagsisisi ay nagsasaliksik ng kanilang sarili, upang ilantad ang karumihan at mga kasalanan sa liwanag ng Diyos - at sa gayun nakakamit nila ang malinis, dalisay, ang banal na buhay na kaloob ng Panginoon para sa mga lumalapit sa kanya. Darating sila sa iglesia na may bitbit na kasalanan, ngunit uuwi sila na wala ng bahid ng kasalanan - dahil sila ay pinatawad na.
b. ang pangalawa ay ang banal na Komunyon ay pagkilala sa katawan at dugo ng Panginoon.
Kinikilala po natin ang tinapay at katas ng ubas bilang mga “simbulo” at hindi literal na katawan at dugo ng Panginoon.
Ngunit kailangan pa rin nating igalang ang mga ito bilang mga banal na bagay. Higit pa rito, kailangan nating kilalanin ang Banal na Komunyon bilang isang banal na gawain ng ating Diyos.
Inuutusan tayo ng Pangjnoon na sa tuwing ginagawa natin ito, inaalala natin siya. Ang pag-alalang ito ay hindi lamang sa isip, kundi sa kanyang presenya. Ito ay pagsariwa natin sa pakiki-isa ng Panginoon sa ating kalagayan bilang tao. Siya ay kasama natin sa Banal na Hapunan. Ibig sabihin, ang paggalang natin sa mga elemento ng Komunyon ay tumutukoy sa ating paggalang sa mismong presensya ng Panginoon sa ating kalagitnaan sa oras ding ito! At ang kawalan ng paggalang sa mga ito ay nangangahulugan ng kawalan ng paggalang sa Diyos.
Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ni Pablo na naging kaparusahan pa sa iba ang dulot ng Komunyon. Sila ay nagkasakit at ang iba ay nangamatay. Sa halip na maging biyaya - ang Komunyon ay naging kahatulan sa kawalan nila ng paggalang sa presensya ng Diyos.
c. Ang Komunyon ay Pagdiriwang sa ating pagkakaisa bilang isang iglesia o iisang katwan ni Cristo.
Ang iglesia ay binayaran ng Panginoon sa kanyang sariling dugo at ito ay ginawa niyang kanayang katawan na maglilingkod sa mga tao sa sanlibutan.
Sa hapag ng Panginoong Jesus, tayo ay nagdiriwang sa isang banal na salu-salo kasama ang Panginoon. Sa ganitong diwa, tayo ay pinaging -isang katawan bagamat tayo ay marami.
Ang banal na Komunyon ay katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak para sa ating katubusan. Ang pag-ibig ding ito ay inaasahang madarama ng bawat kaanib ng iglesia. At ang pag-iig na ito ay inasahan ding ibabahagi ng bawat isa sa kanyang kapatid sa loob ng simbahan.
Wika ng Panginoon, “Ibigin ninyo ang isa’t-isa. Sa ganitong paraan makikilala ng iba na kayo nga ay alagad ko.”
Ang Komunyon kung gayon ay tanda ng pag-ibig ng Diyos para sa atin. At ito ay katibayan din ng ating pag-ibig sa isa’t-isa.
Muli mga kapatid, bukas ang hapag ng Panginoong para sa lahat. May kasalanan ka ba at humihingi ka ba ng pagpapatawad mula sa Panginoon? Lumapit ka at patatawarin ka niya. Mahal ka ng Diyos at kailan man hindi ka niya itataboy kung lalapit ka lamang sa Kanya ng buong puso.
Halina at tikman ninyo ang handa ng Panginoon. Amen.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus
(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...
-
Lesson 1. Hangaring Makilala Si Cristo Filipos 3:4-14 "Gagawin ko ang lahat makilala ko lang siya!" ganito yata ang sinasabi...
-
Sermon 1: Binabalak ng Panginoong Jesus sa Kamatayan ng Kanyang Kaibigan Juan 11:1-4 Panimula: May isang matanda sa isang iglesia na nagkas...
-
Sermon 1 : Masayang Pagpapaalam 1 2 Timothy 4:6-8, 16-18 Kadalasan ang pamamaalam ay malungkot. Ang paglisan ng isang tao ay nagdudu...