Huwebes, Mayo 14, 2015

New Year Sermon

Gumagawa ang Diyos ng Mga Bagong Bagay
Isaiah 43:18-19

Sa kabila ng ating mga kakulangan at mga kasalanan, ang Diyos ay patuloy na gumagawa ng mga bagong bagay. 

Ito ay isang mabuting balita. 

Bilang tao, tayo naman ay nakagagawa ng mga kamalian. At minsan ang mga kamaliang ito ay nagiging bilangguan ng ating isip at pagkatao. At mas malubha, kapag tayo ang ginawan ng kamalian ng iba. Kapag sinaktan nila tayo, kahit wala tayong kasalanan.  Marami ang nagdurusa dahil sa kagagawan ng iba.

May mga nakaraan tayo na patuloy na umaalipin sa ating emosyon at sumisira ng ating desisyon. Sa ganitong paraan, parang hindi tayo makahakbang, nananatili tayo sa ating nakaraan. 

Mabuting tandaan na ang Diyos ay gumagawa ng mga bagong bagay. Kaya niyang baguhin ang ating buhay.  Hindi na mababago pa ang ating nakaraan, ngunit maari pang magbago ang ating bukas. Kung hahayaan lamang nating makagawa ang Diyos sa ating buhay, mararanasan natin ang bunga ng mga bagong bagay na gawa ng Diyos. 

1. Una, ipagkatiwala mo sa Diyos ang iyong buhay, ang iyong kasalukuyan at ang iyong hinaharap. Ilagay mo sa kamay ng Diyos maging ang iyong nakaraan.

Marami ang napapagod sa buhay dahil sa lungkot at sama ng loob. Gayun man, ang panawagan ng Panginoon sa mga napapagal at nabibigatan ay ganito, 

"Lumapit kayo sa akin kayong napapagal at nabibigatang lubha, at kayo ay aking pagpapahingain."

Nais gawing magaan ng Panginoon ang iyon dinadalang problema. Handa siya upang tulungan ka. Bakit hindi mo idulog sa Diyos ang sugat ng iyong puso? 

2. Iwan mo na ang nakaraan. 

May mga taong hirap iwanan ang nakaraan dahil, nais pa nilang harapin ito, sa pamamagitan ng paghihiganti. Ang iba naman ay nag-aakalang isang pagtakas kung iiwan nila ang nakaraan. Ang iba naman ay nagsasabi, na ang kanilang nakaraan ay bahagi na ng kanilang buhay. 

Ngunit ang totoo, ang kwento ng ating buhay sa nakaraan hindi ang kabuoan ng ating pagkatao. Kung sino tayo, ay hindi batay sa mga ginagawa ng iba sa ating buhay.  Nasa ating pagpili pa rin, kung ano ang mangyayri saatin sa hinaharap. Bilang Kristiano, binubuo pa ng Diyos ang ating buhay-kung sino tayo, ay nasa kamay ng Diyos. 

Kung iiwan natin ang nakaraan, binibigyan nating ng puwang ang Diyos upang gumawa siya ng panibago sa ating pagkatao. 

Hindi ang nakaraan ang dapat humugis sa ating buhay, kundi ang Diyos. Kayang gumawa ng Diyos ng mas magaganda at mabubuting karanasan. 

3. Piliin mo ang makabubuti sa iyo, sa halip na paalipin ka sa mga sumisira sa iyong damdamin at buhay. 

Piliin mo ang maging masaya, matagumpay, at manatili ka sa piling ng Diyos na nagmamahal sa iyo. Tandaan mo, ikaw ay may kakayahan upang patuloy na pumili kung ano ang iyong magiging bukas. Ito ay regalong kaloob ng Diyos na hindi dapat sirain ng iyong nakalipas. 

Bitawan ang anumang galit, dahil ito ay lason sa iyong sariling damdamin. Wala naman itong ibubungang kabutihan. Ang paghihiganti ay hindi nagbubunga ng ginhawa sa damdamin man o buhay. 

Bagong taon na naman. Isang bagong simula ang kaloob ng Diyos sa iyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...