Sabado, Agosto 20, 2016

UMMLesson 2: Abraham, Lalaking May Pananampalataya Genesis 17:1-11

Lesson 2: Abraham, Lalaking May Pananampalataya
Genesis 17:1-11

Ang kwento ni Abraham ay kasaysayan ng isang ama ng pananampalataya. Gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng Israel, Islam at Kristianismo ang buhay niya dahil sa pakikitagtipan niya sa Diyos at pagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon.

Ang Pagsunod ni Abram Kay Tare na Kanyang Ama

Ang kasaysayan ng pananampalataya ni Abram ay nagsimula sa kwento ng kanyang amang si Tare na naglakbay mula sa Ur, Caldea patungong Canaan (Ge. 11:31).  Subali’t hindi nakarating ng Canaan si Tare, dahil tumigil ito sa paglalakbay at nanirahan na lamang sa Haran, kung saan siya namatay.

Ang impluensya ng ama sa sariling anak ay isang malaking usapin sa paghubog ng pananampalataya. Sinunod ni Abram ang yapak ng kanyang ama.

Tanong upang magbulay: “Kung ikaw ay isang ama, sinusunod ka ba ng inyong mga anak sa inyong pananampalataya? Nakikita ba nila ng malinaw ang inyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos?

Hindi Tinapos ni Tare ang Paglalakbay

Ayon sa Gen. 11:31-32, tumigil si Tare sa paglalakbay at tumira na lamang ito sa Haran. Hindi natupad ni Tare ang utos ng Diyos. Kaya marahil, hindi siya napabilang sa mga dakilang ama ng pananampalataya! Hindi siya naging tapat sa Diyos. Nang mamatay si Tare, muling nangusap ang Diyos kay Abram.  Mapapansin na si Abram ay hindi katulad ng kanyang ama, nanatili siyang nakikipag-usap sa Diyos, at naglilingkod. Matatag ang kaugnayan niya sa Panginoon.

Bilang isang ama, kumusta ang kaugnayan mo sa Diyos?

Ang Pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham

Bago nakipagtipan ang Diyos kay Abraham, mababasa ang ilang hinihiling ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa kanya. Mababasa ito sa Gen. 17: 1-2,

1. Hiniling ng Diyos ang tapat na pagsunod ni Abram
2. Hiniling ng Diyos na manatiling walang dungis sa sarili si Abraham

Ang mga ito ay katangiang hinahanap ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa kanya.   Ayon sa 1Pedro 1:15, “Dapat kayong magpakabanal, sapagkat akong inyong Diyos ay banal.”
Nakipagtipan ang Diyos Kay Abram

May dalawang bahagi ang Tipan ng Diyos kay Abram, Una, ang kanyang pagkatuli, pangalawa, ang pagbabago ng kanyang pangaln, pangatlo, ang pagkakaroon niya ng anak.

1. Circumcision: Entering Sacred Manhood

Ang Circumcision o pagtutuli ang tanda ng tipan ng Diyos sa Israel. Pero bakit kaya sa maselang bahagi pa ng katawan ng lalaki ang ginamit na marka ng pakikipagtipan?  May dalawang paliwanag ang Biblia;

a. Mababasa sa Gen. 1:28, na instrumento tayo ng patuloy na paglikha ng Diyos, lalo sa pagpaparami. Ang reproductive organ ay banal na bahagi ng ating pagkalalaki. Para sa mga sinaunang tao, ito ay banal at hindi ginagamit sa kalaswaan. Ito ay itinuturing na pinaka-sagradong bahagi ng katawan ng isang lalaki dahil instrumento ito ng Diyos sa pagpaparami ng buhay.

b. Ang bahaging ito ng lalaki ay tanda ng kanyang karangalan. (See Genesis 24:9). Ang paggawa ng pangako noong unang panahon ay hindi sa pamamagitan ng pagtaas ng kanang kamay kundi sa paglalagay ng kamay sa “gitna ng hita” ng kausap na kapwa lalaki.  Ibig sabihin maghahawakan kayo ng bayag at ari, bilang tanda ng katapatan.

Ang pagtutuli noong unang panahon ay simbulo o ritual ng pagiging bahagi ng bayan g Diyos. Sa ibang primitive cultures, ito ay ginaganap bilang sacred ritual ng pagpasok ng isang lalaki sa buhay maygulang (adulthood). Sa Lumang Tipan, ito ay simbulo ng pagpapailalim sa Diyos at pangako para sa malinis na pamumuhay (Gen. 17:1-2).

Bakit nasisira ang ating pakikipagtipan sa Diyos tuwing inaabuso natin ang ating pagkalalaki sa maling kaparaanan?

2. Ang Pagtawag ng Diyos Kay Abram sa Bagong Pangalan

Ang pagbabagong pangalan ni Abram ay tanda ng pagbabago sa kahulugan, at layunin ng kanyang buhay. Mula ng magpasakop siya sa Diyos, sa pamamagitan ng tipan, nagbago ang pananaw niya sa sarili. Heto ang kahulugan ng pangalan niya:
Abram – exalted father
Abraham – father of multitude
Ang bago niyang pangalan ay tanda ng bago niyang direksyon sa buhay, ang maging ama ng isang lahing nakatalaga sa Diyos sa halip na “exalted father” o ama na nagtataas lamang ng sarili.

Pagbulayan: Ano ang pangarap mo bilang isangama / lalaki? Maging mayaman, maging dakila o tanyag? Nangangarap ka bang magkaroon ng mataas na posisyon upang tingalain ka ng iba?
Tandaan: Sa gitna ng ating mga pangarap na maging dakila, tinawag din tayo ng Diyos upang maging mabuting ama para sa ating mga anak. Ito ang pinakadakilang tungkulin na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.

3. Ang Pagtanggap ni Abraham sa Kanyang Anak Bilang Pangako ng Diyos

Nangako ang Panginoon na pagkakalooban niya ng anak si Abraham upang panggalingan ng isang lahing sumasamba at naglilingkod sa Diyos. Kinalinga niya ang kanyang anak bilang “child of promise”. Ito marahil ang dahilan kung bakit (parang) sumobra ang pagmamahal si Abraham kay Isaac.

Subalit ang anak na kaloob ng Diyos ay biyayang may kalakip na pangako. Ang bawat bata ay katibayan ng katapatan ng Diyos. Sa paniniwalang Judio, ang mga anak nila ang magpapatuloy sa buhay ng magulang, at sila rin ang seguridad na magpapatuloy ang kanilang pananampalataya. Katulad ni Abraham, dapat nating arugain ang ating mga anak at gabayan lalo sa kanilang pananampalataya sa Diyos.

Ang Ating Pakikipagtipan sa Diyos

Sa ating aralin, nakita natin ang katapatan ng Diyos sa isang lalaki, si Abraham.  Nakita natin kung paano siya pinagpala ng Diyos. Nais mo bang maging isang ama ng pananampalataya?

Sa pagtatapos ng ating pag-aaral, maari mong tanggapin ang tipan ng Diyos, at maging katulad ni Abraham na isang ama ng pananampalataya. Gawin ang mga sumusunod na may katapatan:

1. Tanggapin mo ang alok ng Diyos na kapatawaran para sa iyong kaligtasan. Pagsisihan ang mga kasalanan at manampalataya kay Jesus bilang iyong Tagapagligtas. Kung ang pagtutuli ay tanda ng paglilinis ng isang pumasok sa Lumang Tipan, ang mga sugat ni Jesus ay mga marka ng paglilinis ng Diyos para ating mga kasalanan.

2. Tanggapin mo ang bagong buhay na kaloob ng Diyos. Bumitaw sa mga bagay na alam mong kinamumuhian ng Diyos. Kabilang dito ang alak, sigarilyo, sugal, at kalaswaan o immoralidad. Bagong pangalan ang ibinigay ng Diyos kay Abraham, ganun din “ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa ng bagong nilalang.”

3. Kung may nagawa kang pagkukulang sa iyong pamilya. Kung nagkulang ka sa paggabay sa iyong sariling anak sa pagtuturo sa pananampalataya, ito ang tamang pagkakataon upang ituwid ang sarili.

4. Magtiwala sa mga pangako ng Diyos. Nangako siya na pagpapalain niya ang iyong sambahayan. Nais ka niyang bigyan ng buhay na may kapayapaan dito sa lupa at buhay na walang hanggan sa kalangitan. Sumaiyo ang katuparan ng mga pangako ng Diyos.

Pagbubulay:

1. Ano ang paraan upang igalang ka at sundin ng iyong mga anak?

2. Maraming mga magulang ang nagsisimba subalit hindi mahikayat ang kanilang mga anak sa kapilya. Ano ang ating dapat gawin bilang mga ama, upang mahubog natin ang ating mga anak sa pananampalatayang Kristiano bilang United Methodists?

3. Gaano kahalaga ang pangunguna ng ama sa pananampalataya ng kanyang pamilya? Kung mismong ama ang nagunguna sa pamilya niya sa pananalangin o pagpunta sa kapilya, ano ang magiging epekto nito?

4. Tama bang pilitin natin ang ating mga anak sa ating pananampalataya? (Note: Matapos pakinggan ang kuro-kuro ng mga kasama, ipaliwanag na ang Metodismo ay tunay na Kristianismo. Nagtuturo tio ng ganap na kaligtasan at pagbabagong buhay. Makabubuti na palakihin antin at hubugin sa pananampalataya ang mga bata sa ating iglesia para sa kanilang pakinabang. )

5. Kailan natin nasasabi na kumikilos na nga ang Diyos sa ating pamilya?


UMMLesson 1: Si Jose: Lalaking May Integridad Genesis 39:7-20

Lesson 1: Si Jose: Lalaking May Integridad
Genesis 39:7-20

Mayroong isang tatay na “idol” ng kanyang anak, dahil sa talino nito, galing at nakikita ng bata na mahal ng kanyang ama ang kanilang pamilya. Minsan, may tsismis na narinig ang binatilyo na mayroong ibang babae ang kanyang tatay. Hindi siya agad naniwala dahil tiwala siya sa kanyang tatay, ang kanyang "idol". Subali’t dumating ang pagkakataon na siya mismo ang nakasaksi sa katotohanan! Hindi makapaniwala ang binatilyo na magagawa ng tatay niya ang magtaksil sa napakabuti niyang ina. Nagpliwanag ang ama, “Anak, hindi ko gusto ang nangyayaring ito. Wala akong kasalanan anak. Palay ang lumapit sa manok anak, kapag gano’n ang nangyayari, anak, hindi ba normal lang na tukain ng manok ang palay?” Sumagot ang anak, “Dad, nagsisisi ako at ikaw ang naging tatay ko! Hindi ko akalaing manok lang pala ang tatay ko.”

Ang Lalaking Kristiano ay Hindi Chicken!

Ang kwento ni Joseph ay masaklap. Ibinenta siya ng kanyang mga kapatid. Siya ay naging alipin, at nakulong sa Egypt. Napakasakit, siya ay nakulong dahil sa bintang ng babaeng haliparot na asawa ni Potiphar. Tinukso siya upang tukain ang palay, pero hindi siya chicken.

Integridad

Ito ang katangian ng mga taong may takot sa Diyos. Mga taong may paninindigan. Paano nagawang panindigan ni Joseph ang ganito kagandang special offer ng asawa ni Potiphar? Ano ang mga sekreto ni Joseph?

1. Mahalaga kay Joseph ang pagtitiwalang tinatanggap niya kaysa panandaliang aliw sa kandungan ng babaeng ito. (v.5)

Katulad ni Joseph, sa ating mga kalalakihan / UMM ay may nagtitiwala rin. Kung ikaw ay isang ama, nagtitiwala sa iyo ang iyong pamilya, kamag-anak, kaibigan, kaiglesia, asawa at higit sa lahat, ang Diyos.

2. Siya ay kuntento bunga ng mga pagpapalang kanyang tinatanggap (v.8)
Si Joseph ay bumibilang ng mga pagapapala. Hindi niya kailangan ang hindi kanya! Nagtitiwala siya na hndi siya pababayaan ng Diyos.Kumpleto ang kanyang buhay, at hindi siya naghahangad ng higit sa ipinagkatiwala sa kanya!
Maaring sinabi niya sa asawa ni Potiphar habang tinutukso siya, “Ma’m hindi po kayo kasama sa ipinagkatiwala sa akin ni sir, bahay lang po ang maaari kong galawin, hindi po kasama ang maybahay”.
3. Sa harap ng tukso, nakatingin siya sa Diyos (v.9)

Ang mga nahuhulog sa tukso, kadalasan ay ang mga taong nakakalimot
sa Diyos. Pero hindi si Joseph.

Isang lalaki ang lumapit sa kanyang kumpareng pastor upang humingi ng payo. “Pastor, help me pare, sino ang pipiliin ko si Aida, si Lorna or si Fe?” “Pare,” wika ng pastor. “ alam mo na mali ang ginagawa mo. Isipin mo ang kalagayan ng pamilya mo. Ang respetong mawawala sa iyo mula sa iyong mga anak.”

“Ewan ko pare, para sa akin kasi wala nang gaganda pa sa katawan ng isang babae.”  Huminga ng malalim ang pastor at nagpatuloy. “Pare, sa palagay ko hindi mo pa nakita ang kagandahan ng Diyos, pare subukan mong sa Kanya ka tumingin.”

Matagal bago nagkita ulit ang magkumpare at nabigla ang pastor ng makita nito ang kaibigan kasama ang pamilya ng masayang nagsimba. Lumapit ang lalaki sa pastor, “Pare, salamat sa payo mo. Tumingin ako at nakita ko ang kagandahan ng Diyos binago na ako ng Panginoon, pastor, salamat.”

Nakulong man si Joseph dahil sa bintang ng babaeng talipandas, alam natin na malaya pa rin siya dahil kinalugdan siya ng Diyos. Habang ang asawa ni Potiphar , bagamat  malaya, ngunit nakakulong pa rin sa kanyang mababang uri ng pagkatao.

Pagbubulay

1. Ano ang mabisang paraan upang mapanatili nating malinis ang ating pagkalalake bilang mga alagad ni Cristo?
2. Bakit napakahirap ibalik ang pagtitiwala sa isang tao na sumira ng kanyang integridad?
3. Ano ang ibinubungang dusa ng kataksilan sa mahal sa buhay at sa Diyos? Gawing halimbawa si Judas.
4. Kung nagkasala, ano ang sabi ng Panginoon sa 1John 1:9 at Isaiah 1:18; 59:20? Ano ang dalang pag-asa ng tunay na pagsisisi at pagbabagong buhay?

Biyernes, Agosto 12, 2016

Lectionary Bible Study: Ang Magagawa ng Pananampalataya (Aug. 14, 2016)


Hebrews 11:29–12:2

Maraming pambihirang kwento tungkol sa ginagawa ng Diyos bilang tugon sa mga tunay na sumasampalataya.

Isang halimbawa si George Mueller, siya ay dakilang pastor na nagmula sa Prussia (Germany) noong 1800's , ngunit ginamit ng Diyos sa Bristol, England sa maraming lugar sa buong mundo bilang mangangaral. Si Mueller ay nagtatag din ng mga paaralan at bahay-ampunan.

Isang araw, handa na ang mga bata sa ampunan upang mag-aral. Ngunit wala pang nag-almusal ---dahil wala pang makakain. Inutusan ni Ptr. Mueller na umupo ang lahat ng mga bata sa mesa, at siya ay nanalangin ng pasasalamat. At pagkatapos sila ay naghintay. Tulad ng dati, alam ng pastor na magpapadala ang Diyos ng kanilang kailangan para sa araw na iyon.

Di nagtagal, isang katok sa pinto ang kanilang narinig. Isang panadero ang nasa pinto, at ang sabi niya, "Ginoong Mueller, hindi ako makatulog kagabi, naisip ko kailangan ninyo ang tinapay para sa mga bata, nagluto ako ng almusal ninyo."

Isang sandali pa, may kumatok uli. Isang ginoo ang maydala ng gatas. Wika ng lalaki, "Nasiraan po ako ng sasakyan dito sa harapan ng bahay-ampunan. Ako ay dapat magdeliver ng gatas sa kabilang bayan. Mapapanis ang gatas na dala ko, bago maayos itong sasakyan. Mas makabubuti kung iinumin na po ito ng mga bata sa ampunan. Gusto po ba ninyo ang gatas para sa mga bata?"

Ngumiti lamang si Ptr. George Mueller. Ang gatas ay sampung malalaking lata, na sakto para sa 300 bata sa ampunan.

Ang Pananampalataya

Ang pananampalataya ay bunga ng malalim na pagkilala sa Diyos, sa gitna ng sitwasyong hindi natin kabisado. Ang mga Israelita ay naglakbay sa mga lugar na hindi nila alam. Hinamon nila ang mga kaaway na hindi pa nila nilabanan. Hindi ito dahil sa kanilang lakas at talino - ito ay gawa ng kanilang pananampalataya sa Diyos.
1. Faith Brings Results (Bunga ng Pananalig)

Sa isang group dynamics, ang leader ay nagbibigay ng direction samantalang ang ibang miembro ng grupo ay nakapiring (blindfolded). Ang mga miembro ng grupo ay tagasunod at tagapakinig sa kanilang leader. Ang unang grupo na makakarating sa Finish Line ay ang panalo. Ang pananalig ay tulad ng larong ito. Hindi natin maipaliwanag ang lahat ng nararanasan natin sa buhay (para tayong nakapiring) ngunit nariyan ang tinig ng Diyos na gumagabay sa atin. Ang kailangan lamang ay ang ating pagtitiwala sa Diyos na gumagabay sa atin.

Ang paglalakbay sa pananampalataya ng mga Judio ay malaking hamon. Matatag ang moog ng Jericho, malalim ang Dagat na Pula, malalaki ang mga kalaban sa Canaan at mababangis ang mga ahas sa disyerto. Kailangan nila itong malampasan at mapagtagumpayan.

Hindi man sila nakakita ng lakas sa sarili nilang bisig, nakikita ng mga Israelita ang presensya ng Diyos na patuloy na umaagapay sa kanila - araw at gabi. Sa isang banda - hindi nila nakikita ang kanilang patutunguhan, sa kabilang banda - naririnig nila ang tinig ng Diyos. Madalas, ang hamon ng pananalig ay pagtitiwala sa munting tinig ng Diyos sa gitna ng isang madilim na landas ng buhay. Wala silang nakikita, nasa gitna sila ng disyerto. Ang tanging sandigan nila, ang tanging alam nila-kasama mo ang Diyos.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito, nakita ng mga Israelita ang bunga ng kanilang pananalig. Sila ay sinamahan ng Diyos hanggang sila ay nakarating sa Lupang Pangako. Ang pananalig nila ay nagbunga ng tagumpay sa kanilang buhay bilang isang bayang pinili.

2. Faith Has It's Rewards (Gantimpala ng Pananampalataya, v.31-40)

"Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Rahab, ang babaing may maruming pamumuhay, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw pasakop sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita." (v.31)

Dahil sa pananalig, maging ang isang makasalanang katulad ni Rahab ay nagkaroon ng puwang sa lipunan ng mga pinili ng Diyos. Siya ay nanalig dahil nakita niya ang ginagawa ng Diyos para sa mga Israelita.

a.) faith gave her the opportunity to be saved - nakita niya ang isang pagkakataon upang maligtas sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos.

b.) faith gave her the opportunity to act on her faith - kumilos si Rahab at nakibahagi siya sa kasaysayan ng Israel. Itinago niya ang mga tiktik na Judio.

c.) she received her rewards - hindi naging sagabal ang kanyang maruming buhay dahil tinanggap niya ang Diyos. Ang pananalig ni Rahab, ay karanasan ng mga dating makasalanan. Ito ay may dalawang bahagi: karanasan na tayo ay tinanggap ng Diyos at pangalawa, karanasan na tayo ay binago ng Diyos.

- she experienced what it feels to be accepted because of faith in God. Napabilang siya sa mga pinili ng Diyos, sa kabila ng uri ng buhay mayroon siya (dati).

- she experienced the transforming power of God. Mula sa pagiging prostitute, siya ay naging pinili ng Diyos. Napabilang siya sa banal na bayan ng Panginoon.

Sa verses 32-40, mas maraming halimbawa ng mga bayani ng pananampalataya ang binabanggit. Ang iba ay nagtagumpay dito sa lupa at ang iba naman ay nakaranas ng kalupitan. Ngunit pareho silang naging bahagi "ng isang kasaysayang hindi malilimutan kailanman" (v.39).

3. The Challenge of Faith (Hamon ng Pananampalataya)

Ang mga talatang 12:1-2, ay nagsisilbing hamon sa mga Kristianong sinusulatan ng aklat. Pagkatapos silang bigyan ng mga halimbawa mula sa kasaysayan, sila naman ang hinamon ng tagasulat. May tatlong basehan ang kanyang hamon upang tayo ay magsumikap sa pananampalataya;

a. Una, kailangan tayong magsumikap dahil "napapaligiran tayo ng napakaraming saksi" o ng mga bayani ng pananampalataya na makamasid sa atin.

b. Pangalawa, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin.

c. Pangatlo, Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang simula at magbibigay kaganapan sa ating pananampalataya.

Sabado, Agosto 6, 2016

Lectionary Sunday School: Hebrews 11:1-3, 8-16 August 7, 2016

 Ang Pananampalataya
Hebrews 11:1-3, 8-16

May kwento tungkol sa isang bahay na nasunog. Ang isang bata ay umakyat sa bubong upang makaligtas. Lalong lumakas ang apoy, at malubha ang pag-usok. Mula sa ibaba, narinig ng bata ang boses ng kanyang tatay -"Lundag anak! Sasaluin kita!"

"Tatay! Hindi po ako makalundag. Hindi ko po nakikita ang ibaba! Hindi ko po kayo nakikita!" sagot ng bata. Sumagot ang ama, "Lundag anak! Nakikita kita, huwag kang matakot, nakikita kita! Iyon ang mas mahalaga!" Lumundag nga ang bata at nakaligtas.

Hindi man niya alam kung ano ang kanyang babagsakan, nagtiwala ang bata sa salita ng kanyang ama.

Ano ang Pananampalataya?

Ang pananampalataya ay naka-ugat sa paniniwala na may Diyos. Pagtitiwala ito sa sinasabi ng Diyos. Pagtitiwala ito sa kayang gawin ng Diyos na ating pinaniniwalaan.

Hindi ito gawa ng kaisipan ng tao, upang bumuo ng mga haka-haka sa mga hindi makatotohanang pag-asa (false hope) o maling paniniwala (false beliefs). Minsang pinaratangan ni Karl Marx ang relihiyon na ito raw ay "opium of the society". Sinasabi niya na ang pananampalataya sa Diyos ay nagsisilbing droga na gumagawa ng peke at pansamantalang gamot sa mga masasakit na pangyayari sa buhay ng tao at lipunan, at nagbibigay daw ito ng hindi makatotohanang lunas.

Ang pananampalataya ay "katibayan" ng mga bagay na hindi nakikita. Ito ay may ebidensya na maaring masubukan at maranasan. Sinisikap niyang ipakita na ang pananalig sa Diyos ay tamang desisyon. Tatlong bagay ang sinasabi ng ating aralin tungkol sa pananampalataya;

1. Ang pananampalataya ay pagtitiwala na mangyayari ang ating mga inaasahan,

2. Katiyakan ito tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Ito ang paraan upang maunawaan natin ang mga bagay na hindi natin nakita tulad ng kung paano nilikha ang sanlibutan.

3. Paraan ito upang kalugdan tayo ng Diyos. Kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.

Ayon sa talatang 3, "Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita."

Ang Ebidensya sa Karanasan ni Abraham
Upang patunayan na ang pananampalataya ay tunay, ipinakita ng sumulat sa Aklat ng Hebreo na naranasan na ito ng mga sinaunang tao sa Biblia. Ito ang paraan niya ng pagpapakita ng katibayan sa kanyang argumento. Halimbawa ang "ebidensya" sa buhay ni Abraham;

1. Una, sumunod si Abraham sa tinig ng Diyos.

Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos (v.. Noong una, wala pang nakikita si Abraham kung ano ang kanyang madadatnan sa lugar kung saan siya inuutusan ng Diyos. Ang tanging alam niya ay ang Diyos na nag-uutos sa kanya.

Ito ang ugat ng pananampalataya ni Abraham, naniniwala siya sa Diyos, at nagtitiwala siya sa sinasabi ng Diyos.

2.  Pangalawa, binigyan si Abraham ng anak.

Ayon sa verse 11, hindi naman nagkamali ng pinaniwalaan si Abraham. Dahil sa kanyang karanasan, hindi naman siya binigo ng Diyos dahil binigyan siya ng anak!

"Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako."

3. Pangatlo, ang mga Hebreo, bilang lipi ni Isaac, ay malinaw na katibayan na totoo ang pananampalataya ni Abraham. Sila mismo bilang isang lipi ay bunga ng pananampalataya ni Abraham. Ang pananampalataya sa Diyos kung gayon ay hindi lamang paniniwala, kundi isang karanasan ng isang lipi tulad ng mga Israelita!

Ang pananampalataya ay napapatunayan sa karanasan. At ipinakita ng Hebreo 11 na ang pananampalataya sa Diyos ay may matibay na ebidensya dahil ang mga Isrealita mismo ay buhay na katibayan ng pananampalataya ni Abraham! Sila mismo ay bunga ng pananalig ni Abraham.

Pananalig sa  Diyos sa  Ating Panahon

May mga nagsasabi na ang ating panahon ay kamatayan na ng pananampalataya (death of faith). Ito raw ay dahil sa nagagawa ng siyensya. Para sa iba, ang siyensya daw ang nauuna sa pagtuklas ng katotohanan at hindi ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit hindi ito totoo. Pag-aralan ang ilang halimbawa;

1. Nauna ang Biblia na nagsabi na bilog ang mundo at hindi ang science!

Bilog ang daigdig ayon Isaias 40:22 (NIV); at Job 26:7. Samantalang nalaman lamang ng science na bilog ang mundo sa panahon ni Copernicus (1475). Nauna ang Biblia ng 1,000 taon sa science.

2. Naunang ipinaliwanag ng Biblia ang cycle ng tubig, ang proseso ng evaporation at pagbagsak nito bilang ulan, ayon sa Job 36:27-28, (NIV)

"He draws up the drops of water, which distill as rain to the streams; the clouds pour down their moisture and abundant showers fall on mankind" .

Naunawaan lamang ito ng science noong 1600 BC.

3. Sinasabi ng Biblia na ang paglikha ng Diyos ay may kanya-kanyang "species".  Ang unggoy ay hindi nagiging tao, at nananatili tayong tao.

Samantalang pilit na pinapaliwanag sa atin ang sinasabi ng Evolution Theory na ang tao daw ay nagmula sa isda na naging unggoy at naging tao. Gayun man wala pa ring makitang ebidensya sa theoryang ito. At wala pa ring unggoy na nagiging tao hanggang ngayon.

Ibahagi Natin ang Ating Pananampalataya

Ang pananampalataya ay pinaniniwalaan kahit walang nakikita sa una, ngunit bandang huli, nakikita pa rin ang ebidensya na ito ay totoo. We believe then we see the evidence. Sa ating panahon, kailangang maging kapani-paniwala ang ating pananampalataya upang marami pa ang ating maakay sa katotohanan.

Ang utos ng Biblia ay ang mamuhay tayo sa pananampalataya - at pagkatapos ay ipakita natin ito sa iba upang sila ay manampalataya din.

1. Patunayan natin na tayo ay tunay na anak ng Diyos. Hindi man tayo perfecto, pero tayo ay totoo sa ating pananampalataya.

2. Ipakita ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa.  Ang pananampalatayang walang gawa ay patay (Santiago 2:17).

3. Ibahagi natin ang Ebanghelyo ng pagliligtas ng Panginoong Jesus. Ang sasampalataya ay maliligtas (Jn. 3:16).

"God delights to increase the faith of His children...I say, and say it deliberately--trials, difficulties and sometimes defeat, are the very food of faith...We should take them out of His hands as evidences of His love and care for us in developing more and more that faith which He is seeking to strengthen in us." (George Mueller.)

"Faith enables the believing soul to treat the future as present and the invisible as seen."- (Dr. J. Oswald Sanders)

Biyernes, Hulyo 29, 2016

Lectionary Sunday School Lesson: Colosas 3:1-11 (July31, 2016)

Dati at Bagong Buhay
Colosas 3:1-11

May kwento tungkol sa isang matandang miembro ng simbahan na nagiging munting problema sa kanilang kapilya. Kung umawit ang lalaking ito ay sobrang lakas at medyo sintonado ang kanyang boses. Marami ang hindi natutuwa sa kanyang pagkanta ng mga himno. Kung kaya, kinausap ng ibang miembro ang pastor para kausapin siya na kung maari hinaan niya ang kanyang boses tuwing umaawit.

Nakarating ang pastor sa bahay ng miembro - maputik at barung-barong ang kanyang bahay. Tulad ng dati - lumang damit ang suot ng miembro - dala ng kanyang kahirapan sa buhay. Subalit masaya siyang nadatnan ng kanyang bisita.
Gamit ang diplomasyang pananalita, kunwaring tinanong ng pastor ang miembro, "Tatay, Nanding - napansin ko na tuwing nagsisimba tayo, mukhang excited ka sa pag-awit ng mga papuri sa Diyos?"

Agad sumagot ang matanda, "Opo naman pastor! Lagi ko kasing iniisip kung ano ang naghihintay para sa akin sa langit!

Iniisip ko po na titira ako sa isang palasyo pagdating ng araw!  Magdadamit din ako ng magara pagharap ko sa Panginoon!  Nakikita po ninyo ang sombrero kong ito na sira-sira, pastor? Papalitan po iyan ng korona ng Diyos!

Kaya, hindi ko po mapigilan ang sarili ko pagdating sa pag-awit sa pananambahan. GUSTO KO PONG MAGPURI SA DIYOS!

At naunawaan ng pastor kung bakit ganoon kung kumanta ng himno si Mang Nanding. Habang nananambahan, nakatanaw sa langit ang matanda ng buong pananampalataya na siya ay makakasama ng Diyos balang araw.

A. Ang Pagiging Kristiano ay Pagkakaroon ng Bagong Pananaw  (A New Perspective)

Ayon sa talatang isa, "Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos."
Ang tunay na Kristiano ay nabubuhay sa kasalukuyan, ngunit nakatingin sa hinaharap. Nakatayo tayo sa lupa, ngunit nakatanaw tayo sa langit. May dalawang yugto ang ating buhay. Ang unang yugto ay dito sa lupa, at ito ay isang pansamantalang buhay. Ang ikalawang yugto ay sa langit, at doon, tayo ay may buhay na walang hanggan.

Mula nang tanggapin natin ang Panginoon ng ating buhay, nagsimula na tayong magkaroon ng bagong pananaw. Mula sa kadiliman, tungo sa liwanag. Mula sa kasalanan, lumalago tayo ngayon sa kabanalan. Ito ay puno ng posibilidad at pag-asa dahil binago ito ng kabutihan ng Diyos. Ito ay buhay na may bagong kahulugan - upang umibig at maglingkod sa kapwa.
Pagkatapos natin sa buhay dito, may nakahandang isa pang buhay na makalangit. Hindi pa man, nadarama na natin ang kagalakang ibubunga nito. Gamit ang mata ng pananampalataya, inaasahan natin ang gantimpalang inihanda ng Diyos doon sa kalangitan.

B. Ang Pagkakaroon ng Bagong Layunin sa Buhay
(A New Purpose)

Dati tayong nasisiyahan sa kasalanan. Nasisiyahan tayo sa mali dahil akala natin ito ay tama. May dalawang panlilinlang (deception) ang kasalanan.

a. inaakala natin na ang pagiging makasarili ay para sa sariling kapakanan o paghahanap lamang ng kasiyahan ng sarili (tulad ng pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa) - kaya ginagawa natin ang mga ito. Ngunit ang totoo, ito ay nagbubunga ng kasiraan at pagkawasak ng buhay.

b. inaakala din natin na ang kasakiman ay pagsariling kasalanan lamang - ngunit ito ay isang uri ng pagsamba sa mga diyus-diyosan (idolatry).

Sabi sa v. 5, "Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan."

Ang dahilan kung bakit naging pagsamba sa diyos-diyusan ang kasakiman ay dahil ito ay nakapagbibigay luwalhati sa kasamaan. Ito ay ang nais ni Satanas na ating gawin, upang unahin natin ang sarili, hanggang makalimutan na natin ang Diyos.

Kapag naging Kristiano na ang isang tao, Diyos na ang nauuna sa kanyang buhay. Nagbabago pati ang kanyang priorities, dati ang sariling kapakanan, ngayon, ay ang kalooban ng Diyos.

C. Ang Pagiging Kristiano ay Pagkakaroon ng Bagong Buhay ( A New Life)
Ang totoong buhay Kristiano ay may tatlong antas;

a. unang antas ay ang pagtalikod sa kasalanan.

Sabi sa talatang 8-9, "Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito."

Hindi natin maaring yakapin ng sabay ang Diyos at ang kasalanan. Kailangan ay iisa lang ang ating pipiliin.

b. pangalawa ay ang pagsusuot ng bagong pagkatao.

Sabi sa talatang 10, "Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala." Sa ibang talata sa Biblia, ito ay tinatawag na "muling kapanganakan" (Jn.3:3) o kaya ay pagiging "bagong nilalang" (2 Cor. 5:17).

c. ang pangatlo ay ang patuloy na pagunlad sa kabanalan na "nagiging kalarawan ng Diyos". Habang lumalalim ang ating "pagkilala sa Diyos", tayo ay binabago ng Panginoon hanggang lubusang makita sa ating buhay ang wangis ng Panginoon.

Kristianismo:  Ang Ating Relihiyon Kay Cristo

Ang Kristianismo ay ang tanging relihiyong itinatag ng Panginoong Jesus upang makaranas tayo ng bagong buhay. Marami ang nagtuturo na ang pagiging Kristiano ay "hindi relihiyon" kundi "relasyon sa Panginoong Jesus". Ang maling katuruang ito ay nagiging dahilan upang hindi maging tapat (loyal) ang marami sa kanilang kina-aaniban Christian denomination. Sinasabi nila na hindi kailangan ang pananatiling tapat sa samahang pangrelihiyon, kung kaya marami ang palipat-lipat ng sekta. Sinasabi ng Biblia na,

"Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan." (1 Tim. 3:16).
Ayon din sa Santiago 1:26-27, ang salitang relihiyon ay hindi masama, sa halip ito ay tumutukoy sa tamang doktrina tungkol sa Panginoong Jesus at matibay na samahang Kristiano.

Ang Kristianismo kung gayon ay relihiyon. Ito ay samahan ng mga taong binago at naligtas bunga ng kanilang pananalig sa Panginoong Jesus. Sa relihiyong Kristiano, nabubuklod ang ibat-ibang uri ng tao sa pagkapantay-pantay at pag-kakaisa. Nawawala ang diskriminasyon, at pagkakahati sa pagitan ng kanyang mga kaanib dahil lamang sa kulay ng balat, antas ng pamumuhay at kultura.

Sabi ng talatang 11, "Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat."

Linggo, Hulyo 17, 2016

Lectionary Sunday School (Colosas 2:6-15) - July 24, 2016

Wastong Pamumuhay Bilang Kristiano
Colossians 2:6-15

Nakikila ang tunay na relihiyong Kristiano sa uri ng buhay mayroon ang mga kaanib nito. Upang mas makilala tayo bilang tunay na relihiyong Kristiano, tungkulin nating lahat na kaanib ng ating iglesia ang magpakatotoo sa ating pananampalataya.  Dahil ang kasiraan ng isa ay maaring maging kasiraan ng iba. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng apostol sa talatang 6-7, “Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya.  Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.”

Ang Buhay Natin ang Tanging Ebidensya

May isang miembro sa isang iglesia na dating nagpasasa sa ibat-ibang uri ng bisyo.  Habang lango sa alak, nagmaneho siya ng motorsiklo at naaksidente.  Wasak ang katawan at mukha, binigyan  siya ng 40% tsansang mabuhay ng mga doktor. Pagkatapos ng maraming panalangin ng iglesia, nakaligtas siya sa panganib at gumaling.  Minsan, nagpatotoo ang kapatid na ito sa oras ng pagsamba.  Isinalaysay niya ang kabutihan ng Diyos kung paano siya pinatawad at binago ng Panginoon.  At sabi niya, “Totoo po lahat ng sinabi ko sa inyo.  Ako po ay ebidensya na buhay ang Diyos.”

Kung sinasabi nating tunay na relihiyong Kristiano ang ating iglesia, hahanapin ng mga tao ang katibayan sa ating personal na buhay. Kaya dapat makita sa atin, kung ano tayo noon, at sino tayo ngayon  bilang mga anak ng Diyos. Sabi sa talatang 10, “Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya.” Tulad din ng sabi ni Apostol Pablo sa 1 Cor. 5:17, “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.”

Ang Katibayan ng Ating Bautismong Kristiano

Ang bautismo ay makabuluhang ritual, subalit madalas ay inaabuso dahil sa maling pagkaunawa dito. Marami ang mga magulang na nagpapabautismo sa kanilang anak, ngunit hindi naman nila hinuhubog ang mga bata sa pananampalatayang Kristiano. Dahil dito, ang bautismo ay nawawalang ng saysay.  Ngunit ayon sa talatang 12,  “Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya.”  

Ang katibayan na Tayo ay Binago Na.

Ang bautismo, sa tunay nitong kahulugan ay ang pagkilos ng kapangyarihan ng Diyos na bumabago sa buhay ng isang makasalanan tungo sa kaligtasan.  Kung kaya, kung ipamumuhay lamang natin ang ating bautismo, at kung talagang makikita sa ating buhay na tayo ay binago ng Diyos, hindi na magdududa ang ibang tao sa ating pagka-Kristiano. Patuloy ni  Pablo sa Roma 6:4, “Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.”

Ang Katibayan na Tayo ay Pinatawad Na.

Ang bawat Kristiano ay nilinis na ng Panginoong Jesus ng kanyang dugo.  Ngayong pinatawad na tayo, hindi na kailangan pa ang bumalik  tayo sa pagkakasala.  Sabi nga ni Apostol Pablo sa Roma 6:1-2,
“Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala?”

Ang ebidensya ng ating tinanggap na bautismo, kapatawaran at bagong bagong buhay dahil sa ating pananampalataya ay dapat makita sa ating buhay.  Kung tatalikuran natin ang Panginoon pagkatapos nating maranasan ang bagong buhay at babalik din pala tayo sa kasalanan, ayon kay Apostol Pedro, wala tayong pinagkaiba sa mga aso at baboy. Mula sa 2Pedro 2:22, ay ganito ang nasusulat, “Angkop na angkop sa nangyari sa kanila ang mga kasabihang: "Ugali ng aso, matapos sumuka ay muling kinakain ang nailuwa na,"  at, "Ito namang baboy, paliguan mo man, pilit na babalik sa dating lubluban."

Maliban sa pagtatawan na tayo at yuyurakan pa ng mga hindi mananampalataya, ang ating relihiyon ay hindi magiging kaakit-akit kung sinasabi nating tayo ay sa Panginoon, ngunit hindi naman ito nakikita sa ating buhay.

Walang perfectong Kristiano.  Ngunit mahalaga na mapatunayan natin na tayo ay nagsisikap tungo sa banal na pamumuhay.  Dahil pinili po tayo ng Diyos upang magpakabanal.

Ang Ebidensya ng Tagumpay ng Panginoon sa Ating Buhay
Ang tagumpay ng Panginoon ay nakikita sa buhay, ugali at maging sa maliliit na kilos ng isang totoong Kristiano.  Napagtagumpayan na ng Panginoon ang pagwasak sa kapangyarihan ng masama (v. 15).  Ngunit ang tagumpay na ito ay  dapat makita sa ating buhay, kung talagang kabahagi tayo sa pagliligtas ng Diyos.   Ang pananatiling lublob sa kasalanan ay katibayan na wala pa ang isang tao sa panig ng Diyos. Sabi ng verse 13, “Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan.”

Mga Tanong sa Talakayan:

1. Ano ang pagbabagong tinutukoy ng Biblia ayon sa 2 Cor. 5:17?  Paano naganap ang pagbabago sa iyong buhay mula ng tanggapin mo ang Panginoon?
2. May relihiyon na walang pagbabagong buhay  at may tunay na relihiyong Kristiano na may pagbabagong buhay.  Ano ang pinakaiba ng dalawa? Kung susuriin mo ang iyong sarili ng taimtim, alin ang relihiyon mo sa dalawa?
3. Ano ang tunay na relihiyon ayon sa 1 Tim. 3:16 at James 1:27?

Sabado, Hulyo 16, 2016

Lectionary Sunday School: Colosians 1:15-28, July 17, 2016

Tunay na Relihiyon
Colossians 1:15-28

Ang iglesia ay dapat mamuhay ayon sa katotohanang nasasaad sa Biblia.   Ang saligan ng iglesia ng Diyos ay ang katotohanang ayon sa Salita ng Diyos.  Dahil dito, mahalaga na ang mga kaanib ng isang tunay na iglesia ng Panginoon ay naka-aalam ng kanyang mga doktrinang naayon sa Biblia.

Dahil ang mga taga-Colosas ay nabitag ng maling doktrina na nagsasabing dapat daw sambahin ang mga espiritu, maliban sa tunay na Diyos, sila ngayon ay itinuwid ni Pablo.   May tatlong mahalagang  doktrinang binanggit si Pablo na batayan ng tunay na relihiyon; wastong doktrina tungkol kay Cristo, tamang doktrina ng kaligtasan at tamang doktrina ng paglilingkod.

1. Wastong Doktrina Tungkol Kay Cristo
Ayon sa v. 19-20, Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus.

a. Ang Panginoong Jesus ay ang iisang Diyos (v. 19) - ang larawan ng Diyos na hindi nakikita.  Sapat na ang mga katagang ito upang patunayan na siya ang Diyos na dapat sambahin.
b. Siya ang tanging Tagapagligtas (v.20).Basahin din ang Gawa 4:12.

Sa tamang doktrina tungkol kay Cristo nakikilala ang tunay na relihiyon.  Malinaw itong ipinapahayag ng Biblia ayon 1 Timoteo 3:16. “ Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan.”
Sabi pa ng Gal. 2:9, “Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao.”

Kapag sinasabi ng ibang turo na si Jesus ay tao lamang, at ikinakaila nila na siya ay hindi naging tao, ang relihiyong ito ay huwad.  Ang tunay na relihiyon ay kumikilala na ang Anak at Ama ay iisa (Jn10:30).

2. Tamang Doktrina sa Kaligtasan
22 Ngunit sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig.

Naliligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan lamang ng pananalig sa Panginoong Jesus.  Dahil sa pananalig, binibihisan tayo ng Diyos ng bagong buhay na walang kapintasan (pinatawad) at may kabanalan.

Ngunit ito ay may kasamang babala sa talatang 23. Na, “ kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig.”

Tulad ng talatang ito, sinasabi ng apostol na maaring mawala ang kaligtasang nakamit kapag ang isang Kristiano ay nagpabaya at muling nahulog sa buhay makasalanan.  Sa turo ng Panginoon sa Juan 15:2, “Kahit ang mga sangang nakakabit sa puno na hindi nagbubunga ay inaalis ng Diyos, at ihahagis sa apoy.”

Kahit sa ating panahon, dapat pa rin tayong mag-ingat sa pagsusuri sa mga doktrina ng mga nagsasabing “ang kaligtasan ay hindi nawawala, na sila lang ang maliligtas, na sila ang tunay na simbahang Kristiano na itinatag ni Cristo ngunit ayaw nilang kilalang Diyos ang Panginoong Jesus, at wala raw kaligtasan sa labas ng kanilang iglesia”.   Ang ganitong turo ay mula sa mga huwad na relihiyon.

3. Tamang Doktrina sa Paglilingkod
 25 “Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita,”

Ang buhay Kristiano ay paglilingkod sa kapwa alang-alang sa Diyos. Inilalagay ng tunay na naglilingkod ang kapangyarihan sa kamay ng Diyos. Ang maaring maging kabaligtaran nito ay huwad na paglilingkod, ang paghanap ng pansariling kapangyarihan, salapi at papuri ng tao para sa sariling kapakanan. Sa huwad na paglilingkod, inilalagay ng tao ang kapangyarihan sa kanyang sariling kamay.

Ang buong iglesia ay dapat mamuhay sa tunay na paglilingkod sa Diyos.  At kung hindi, ang iglesia ay magiging talamak sa maling paggamit ng kapangyarihan, at salapi.   Hindi ito ang layunin ng Panginoon sa pagtatatag ng iglesia.

Ang tamang modelo ng paglilingkod ay ang halimbawa ng Panginoong Jesus na tinularan ni Pablo at ng iba pang mga apostol.  Ang sabi ng Biblia, bagamat siya ay Diyos, hindi siya nanatiling kapantay ng Diyos, kundi namuhay siya bilang alipin (Filipos 2:1-10).

Ang pagiging tunay na Kristiano ay sukatan ng pagpapakababa sa paglilingkod at hindi pataasan ng posisyon para magkamit ng kapangyarihan.  Sa ganitong paraan natin napapatunayan na tayo ay nasa tunay na iglesia ng Diyos.  Aralin natin ang mga sinasabi ng Biblia;

a. ang tunay na relihiyong Kristiano ay nakikilala sa pagtulong sa  mga mahihirap, ulila at mga balo -  Santiago 1:27

b. ang tunay na relihiyon ay kalayaan upang maglingkod - Galacia 5:13, “Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya.  Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig.”

Tanong sa Talakayan

1. Bakit mahalaga ang pagkilala sa Panginoong Jesus bilang Diyos na naging tao para maging isang tunay na relihiyong Kristiano?  Ano ang nakasulat sa Juan 8:24b, “Kung hindi kayo  maniniwalang Ako'y Ako Nga, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.”
2. Dahil ang tunay na relihiyong Kristiano ay may tamang doktrina ng kaligtasan, paano mo naranasan ang kasiguruhan ng kaligtasan?   Paano natatamo ang kaligtasan ayon sa Gawa 16:31 at Roma  10:9?
3. Bakit mahalaga ang paglilingkod bilang batayan ng tunay na relihiyong Kristiano ayon sa Santiago 1:27?  Bakit hindi sasapat ang pagsamba lamang para maging ganap na Kristiano? 

Sermons August 2026

AUGUST SERMONS and SUNDAY SCHOOL LESSONS BASED ON LECTIONARY READINGS  ___________________ Sermon 1: Feeding Ministry ni Jesus          ...