Sabado, Agosto 20, 2016

UMMLesson 2: Abraham, Lalaking May Pananampalataya Genesis 17:1-11

Lesson 2: Abraham, Lalaking May Pananampalataya
Genesis 17:1-11

Ang kwento ni Abraham ay kasaysayan ng isang ama ng pananampalataya. Gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng Israel, Islam at Kristianismo ang buhay niya dahil sa pakikitagtipan niya sa Diyos at pagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon.

Ang Pagsunod ni Abram Kay Tare na Kanyang Ama

Ang kasaysayan ng pananampalataya ni Abram ay nagsimula sa kwento ng kanyang amang si Tare na naglakbay mula sa Ur, Caldea patungong Canaan (Ge. 11:31).  Subali’t hindi nakarating ng Canaan si Tare, dahil tumigil ito sa paglalakbay at nanirahan na lamang sa Haran, kung saan siya namatay.

Ang impluensya ng ama sa sariling anak ay isang malaking usapin sa paghubog ng pananampalataya. Sinunod ni Abram ang yapak ng kanyang ama.

Tanong upang magbulay: “Kung ikaw ay isang ama, sinusunod ka ba ng inyong mga anak sa inyong pananampalataya? Nakikita ba nila ng malinaw ang inyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos?

Hindi Tinapos ni Tare ang Paglalakbay

Ayon sa Gen. 11:31-32, tumigil si Tare sa paglalakbay at tumira na lamang ito sa Haran. Hindi natupad ni Tare ang utos ng Diyos. Kaya marahil, hindi siya napabilang sa mga dakilang ama ng pananampalataya! Hindi siya naging tapat sa Diyos. Nang mamatay si Tare, muling nangusap ang Diyos kay Abram.  Mapapansin na si Abram ay hindi katulad ng kanyang ama, nanatili siyang nakikipag-usap sa Diyos, at naglilingkod. Matatag ang kaugnayan niya sa Panginoon.

Bilang isang ama, kumusta ang kaugnayan mo sa Diyos?

Ang Pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham

Bago nakipagtipan ang Diyos kay Abraham, mababasa ang ilang hinihiling ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa kanya. Mababasa ito sa Gen. 17: 1-2,

1. Hiniling ng Diyos ang tapat na pagsunod ni Abram
2. Hiniling ng Diyos na manatiling walang dungis sa sarili si Abraham

Ang mga ito ay katangiang hinahanap ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa kanya.   Ayon sa 1Pedro 1:15, “Dapat kayong magpakabanal, sapagkat akong inyong Diyos ay banal.”
Nakipagtipan ang Diyos Kay Abram

May dalawang bahagi ang Tipan ng Diyos kay Abram, Una, ang kanyang pagkatuli, pangalawa, ang pagbabago ng kanyang pangaln, pangatlo, ang pagkakaroon niya ng anak.

1. Circumcision: Entering Sacred Manhood

Ang Circumcision o pagtutuli ang tanda ng tipan ng Diyos sa Israel. Pero bakit kaya sa maselang bahagi pa ng katawan ng lalaki ang ginamit na marka ng pakikipagtipan?  May dalawang paliwanag ang Biblia;

a. Mababasa sa Gen. 1:28, na instrumento tayo ng patuloy na paglikha ng Diyos, lalo sa pagpaparami. Ang reproductive organ ay banal na bahagi ng ating pagkalalaki. Para sa mga sinaunang tao, ito ay banal at hindi ginagamit sa kalaswaan. Ito ay itinuturing na pinaka-sagradong bahagi ng katawan ng isang lalaki dahil instrumento ito ng Diyos sa pagpaparami ng buhay.

b. Ang bahaging ito ng lalaki ay tanda ng kanyang karangalan. (See Genesis 24:9). Ang paggawa ng pangako noong unang panahon ay hindi sa pamamagitan ng pagtaas ng kanang kamay kundi sa paglalagay ng kamay sa “gitna ng hita” ng kausap na kapwa lalaki.  Ibig sabihin maghahawakan kayo ng bayag at ari, bilang tanda ng katapatan.

Ang pagtutuli noong unang panahon ay simbulo o ritual ng pagiging bahagi ng bayan g Diyos. Sa ibang primitive cultures, ito ay ginaganap bilang sacred ritual ng pagpasok ng isang lalaki sa buhay maygulang (adulthood). Sa Lumang Tipan, ito ay simbulo ng pagpapailalim sa Diyos at pangako para sa malinis na pamumuhay (Gen. 17:1-2).

Bakit nasisira ang ating pakikipagtipan sa Diyos tuwing inaabuso natin ang ating pagkalalaki sa maling kaparaanan?

2. Ang Pagtawag ng Diyos Kay Abram sa Bagong Pangalan

Ang pagbabagong pangalan ni Abram ay tanda ng pagbabago sa kahulugan, at layunin ng kanyang buhay. Mula ng magpasakop siya sa Diyos, sa pamamagitan ng tipan, nagbago ang pananaw niya sa sarili. Heto ang kahulugan ng pangalan niya:
Abram – exalted father
Abraham – father of multitude
Ang bago niyang pangalan ay tanda ng bago niyang direksyon sa buhay, ang maging ama ng isang lahing nakatalaga sa Diyos sa halip na “exalted father” o ama na nagtataas lamang ng sarili.

Pagbulayan: Ano ang pangarap mo bilang isangama / lalaki? Maging mayaman, maging dakila o tanyag? Nangangarap ka bang magkaroon ng mataas na posisyon upang tingalain ka ng iba?
Tandaan: Sa gitna ng ating mga pangarap na maging dakila, tinawag din tayo ng Diyos upang maging mabuting ama para sa ating mga anak. Ito ang pinakadakilang tungkulin na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.

3. Ang Pagtanggap ni Abraham sa Kanyang Anak Bilang Pangako ng Diyos

Nangako ang Panginoon na pagkakalooban niya ng anak si Abraham upang panggalingan ng isang lahing sumasamba at naglilingkod sa Diyos. Kinalinga niya ang kanyang anak bilang “child of promise”. Ito marahil ang dahilan kung bakit (parang) sumobra ang pagmamahal si Abraham kay Isaac.

Subalit ang anak na kaloob ng Diyos ay biyayang may kalakip na pangako. Ang bawat bata ay katibayan ng katapatan ng Diyos. Sa paniniwalang Judio, ang mga anak nila ang magpapatuloy sa buhay ng magulang, at sila rin ang seguridad na magpapatuloy ang kanilang pananampalataya. Katulad ni Abraham, dapat nating arugain ang ating mga anak at gabayan lalo sa kanilang pananampalataya sa Diyos.

Ang Ating Pakikipagtipan sa Diyos

Sa ating aralin, nakita natin ang katapatan ng Diyos sa isang lalaki, si Abraham.  Nakita natin kung paano siya pinagpala ng Diyos. Nais mo bang maging isang ama ng pananampalataya?

Sa pagtatapos ng ating pag-aaral, maari mong tanggapin ang tipan ng Diyos, at maging katulad ni Abraham na isang ama ng pananampalataya. Gawin ang mga sumusunod na may katapatan:

1. Tanggapin mo ang alok ng Diyos na kapatawaran para sa iyong kaligtasan. Pagsisihan ang mga kasalanan at manampalataya kay Jesus bilang iyong Tagapagligtas. Kung ang pagtutuli ay tanda ng paglilinis ng isang pumasok sa Lumang Tipan, ang mga sugat ni Jesus ay mga marka ng paglilinis ng Diyos para ating mga kasalanan.

2. Tanggapin mo ang bagong buhay na kaloob ng Diyos. Bumitaw sa mga bagay na alam mong kinamumuhian ng Diyos. Kabilang dito ang alak, sigarilyo, sugal, at kalaswaan o immoralidad. Bagong pangalan ang ibinigay ng Diyos kay Abraham, ganun din “ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa ng bagong nilalang.”

3. Kung may nagawa kang pagkukulang sa iyong pamilya. Kung nagkulang ka sa paggabay sa iyong sariling anak sa pagtuturo sa pananampalataya, ito ang tamang pagkakataon upang ituwid ang sarili.

4. Magtiwala sa mga pangako ng Diyos. Nangako siya na pagpapalain niya ang iyong sambahayan. Nais ka niyang bigyan ng buhay na may kapayapaan dito sa lupa at buhay na walang hanggan sa kalangitan. Sumaiyo ang katuparan ng mga pangako ng Diyos.

Pagbubulay:

1. Ano ang paraan upang igalang ka at sundin ng iyong mga anak?

2. Maraming mga magulang ang nagsisimba subalit hindi mahikayat ang kanilang mga anak sa kapilya. Ano ang ating dapat gawin bilang mga ama, upang mahubog natin ang ating mga anak sa pananampalatayang Kristiano bilang United Methodists?

3. Gaano kahalaga ang pangunguna ng ama sa pananampalataya ng kanyang pamilya? Kung mismong ama ang nagunguna sa pamilya niya sa pananalangin o pagpunta sa kapilya, ano ang magiging epekto nito?

4. Tama bang pilitin natin ang ating mga anak sa ating pananampalataya? (Note: Matapos pakinggan ang kuro-kuro ng mga kasama, ipaliwanag na ang Metodismo ay tunay na Kristianismo. Nagtuturo tio ng ganap na kaligtasan at pagbabagong buhay. Makabubuti na palakihin antin at hubugin sa pananampalataya ang mga bata sa ating iglesia para sa kanilang pakinabang. )

5. Kailan natin nasasabi na kumikilos na nga ang Diyos sa ating pamilya?


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...