Sabado, Agosto 20, 2016

UMMLesson 1: Si Jose: Lalaking May Integridad Genesis 39:7-20

Lesson 1: Si Jose: Lalaking May Integridad
Genesis 39:7-20

Mayroong isang tatay na “idol” ng kanyang anak, dahil sa talino nito, galing at nakikita ng bata na mahal ng kanyang ama ang kanilang pamilya. Minsan, may tsismis na narinig ang binatilyo na mayroong ibang babae ang kanyang tatay. Hindi siya agad naniwala dahil tiwala siya sa kanyang tatay, ang kanyang "idol". Subali’t dumating ang pagkakataon na siya mismo ang nakasaksi sa katotohanan! Hindi makapaniwala ang binatilyo na magagawa ng tatay niya ang magtaksil sa napakabuti niyang ina. Nagpliwanag ang ama, “Anak, hindi ko gusto ang nangyayaring ito. Wala akong kasalanan anak. Palay ang lumapit sa manok anak, kapag gano’n ang nangyayari, anak, hindi ba normal lang na tukain ng manok ang palay?” Sumagot ang anak, “Dad, nagsisisi ako at ikaw ang naging tatay ko! Hindi ko akalaing manok lang pala ang tatay ko.”

Ang Lalaking Kristiano ay Hindi Chicken!

Ang kwento ni Joseph ay masaklap. Ibinenta siya ng kanyang mga kapatid. Siya ay naging alipin, at nakulong sa Egypt. Napakasakit, siya ay nakulong dahil sa bintang ng babaeng haliparot na asawa ni Potiphar. Tinukso siya upang tukain ang palay, pero hindi siya chicken.

Integridad

Ito ang katangian ng mga taong may takot sa Diyos. Mga taong may paninindigan. Paano nagawang panindigan ni Joseph ang ganito kagandang special offer ng asawa ni Potiphar? Ano ang mga sekreto ni Joseph?

1. Mahalaga kay Joseph ang pagtitiwalang tinatanggap niya kaysa panandaliang aliw sa kandungan ng babaeng ito. (v.5)

Katulad ni Joseph, sa ating mga kalalakihan / UMM ay may nagtitiwala rin. Kung ikaw ay isang ama, nagtitiwala sa iyo ang iyong pamilya, kamag-anak, kaibigan, kaiglesia, asawa at higit sa lahat, ang Diyos.

2. Siya ay kuntento bunga ng mga pagpapalang kanyang tinatanggap (v.8)
Si Joseph ay bumibilang ng mga pagapapala. Hindi niya kailangan ang hindi kanya! Nagtitiwala siya na hndi siya pababayaan ng Diyos.Kumpleto ang kanyang buhay, at hindi siya naghahangad ng higit sa ipinagkatiwala sa kanya!
Maaring sinabi niya sa asawa ni Potiphar habang tinutukso siya, “Ma’m hindi po kayo kasama sa ipinagkatiwala sa akin ni sir, bahay lang po ang maaari kong galawin, hindi po kasama ang maybahay”.
3. Sa harap ng tukso, nakatingin siya sa Diyos (v.9)

Ang mga nahuhulog sa tukso, kadalasan ay ang mga taong nakakalimot
sa Diyos. Pero hindi si Joseph.

Isang lalaki ang lumapit sa kanyang kumpareng pastor upang humingi ng payo. “Pastor, help me pare, sino ang pipiliin ko si Aida, si Lorna or si Fe?” “Pare,” wika ng pastor. “ alam mo na mali ang ginagawa mo. Isipin mo ang kalagayan ng pamilya mo. Ang respetong mawawala sa iyo mula sa iyong mga anak.”

“Ewan ko pare, para sa akin kasi wala nang gaganda pa sa katawan ng isang babae.”  Huminga ng malalim ang pastor at nagpatuloy. “Pare, sa palagay ko hindi mo pa nakita ang kagandahan ng Diyos, pare subukan mong sa Kanya ka tumingin.”

Matagal bago nagkita ulit ang magkumpare at nabigla ang pastor ng makita nito ang kaibigan kasama ang pamilya ng masayang nagsimba. Lumapit ang lalaki sa pastor, “Pare, salamat sa payo mo. Tumingin ako at nakita ko ang kagandahan ng Diyos binago na ako ng Panginoon, pastor, salamat.”

Nakulong man si Joseph dahil sa bintang ng babaeng talipandas, alam natin na malaya pa rin siya dahil kinalugdan siya ng Diyos. Habang ang asawa ni Potiphar , bagamat  malaya, ngunit nakakulong pa rin sa kanyang mababang uri ng pagkatao.

Pagbubulay

1. Ano ang mabisang paraan upang mapanatili nating malinis ang ating pagkalalake bilang mga alagad ni Cristo?
2. Bakit napakahirap ibalik ang pagtitiwala sa isang tao na sumira ng kanyang integridad?
3. Ano ang ibinubungang dusa ng kataksilan sa mahal sa buhay at sa Diyos? Gawing halimbawa si Judas.
4. Kung nagkasala, ano ang sabi ng Panginoon sa 1John 1:9 at Isaiah 1:18; 59:20? Ano ang dalang pag-asa ng tunay na pagsisisi at pagbabagong buhay?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...