Huwebes, Hulyo 30, 2026

Sermons August 2026

AUGUST SERMONS and SUNDAY SCHOOL LESSONS BASED ON LECTIONARY READINGS

 ___________________

Sermon 1: Feeding Ministry ni Jesus                                                                                 August 2, 2026

Matthew 14:13-21

 Sa background, bago ang ating teksto, sa Matthew chapter 14:1-12, may isang birthday party.  Birthday party ni Herodes. Libre ang pagkain, nilitsong baka, tupa at malalaking isda, sari-saring pagkain sa buffet at umaapaw na alak. Pero sa mga piling bisita lamang ito. Bawal ang mga mahirap. Bawal ang mga gusgusin.  Exclusive party ito para sa mga may mataas na tungkulin sa lipunan at rich friends ni Herodes. For VIPs only.

Sa party na ito, ay may kakaibang plato. Ito ay may ulo ng tao na pinagutan. Ulo ni Juan Bautista. Masaya ang mga nakasaksi sa kamatayang ito ni Juan. Dahil ayaw nila na tinutuligsa ni Juan ang kanilang mga kasalanan.

 Sa kasunod na pagbasa, ay ang ginawang pagpapakain ni Jesus na malaking feeding program, 5000+ ang mga taong kumain. Tinapay lang at isda, pero busog ang madla. Kanya-kanya ang dala ng inumin.

 Kung ikukumpara sa birthday party ni Herodes ang feeding ministry ni Jesus,

 a. Si Herodes ay masaya sa una, pero bandang huli ay naging hollowin party. 

·         Dahil napilitan siyang ipapatay si Juan Bautista, bagamat naawa siya kay Juan.                                           Pero ang kanyang awa ay damdamin lamang na walang gawa.

·         Hindi niya naipaglaban si Juan. Hindi niya naipaglaban ang kabutihan.

·         Resulta: ang birthday ay naging malagim at nakakasuka.

 

b. Samantalang sa feeding of the 5000, si Jesus ang in-charge.

·          - Kapag si Jesus ang in-charge, kahit kulang ang pagkain, gagawa ng paraan ng Diyos.

·         - Ang naramdamang awa ni Jesus ay nilapatan niya ng gawa.

·        -  Pinaglaban ni Jesus ang mga mahirap at nagugutom sa nais mangyari ng mga alagad.

·         Resulta: Busog ang lahat. Lahat masaya.

 Sa ating pagbasa sa Biblia, maraming followers si Jesus. Mga taong gutom sa Salita ng Diyos at gutom din ang kanilang mga sikmura. Sa pagkakaloob ng Diyos ng buhay na sagana, parehong tinugon ng Diyos ang pangangailangang ito.

 Si Herodes din ay may maraming followers. Mga taong walang prinsipyo. Yumaman lang, handa nilang isangla sa diablo ang kanilang kaluluwa. Natutuwa sila sa masama, kahit makasakit o makapatay. Ang ending ng kanilang buhay ay parusa mula sa Diyos.

 Sa ating Banal na Komunyon, nag-aanyaya ang Panginoon sa kanyang dulang. Handa niyang ibigay ang tinapay at inumin. Ayon sa imbitasyon ng Diyos sa Isaias 55:1, “Sinabi ni Yahweh, “Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay lumapit din dito, bumili kayo ng pagkain at ito'y kainin ninyo! Bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salaping pambayad.”

 Sa ating pagtatapos, nais ko kayong tanungin. Alin sa dalawang party ang gusto ninyong daluhan?

Party ni Herodes o feeding ministry ni Jesus?   

 _______________________________________

Sermon 2: When God Encounters Us

Matthew 14:22-33                                                                                                         August 9, 2026

 Nagpapasalamat ako sa inyong lahat na nagbigay ng oras upang magsimba.

Ang sandaling ito ay ating oras ng pakikitagpo sa Diyos.

Kung gusto mo ng makabuluhang pagsamba, katagpuin mo ang Diyos.

Siya ang isipin mo. Siya ang kausapin mo. (Huwag yung katabi mo.)

 Ang bawat sandali ng panalangin ay pakikitagpo sa Diyos.

Gayundin ang pagbabasa ng Biblia.

Si Bro. Lawrence ng France, noong 12th Century, sinabi niya na ang bawat sandali, sa lahat ng oras maari tayong manatili sa presensya ng Diyos.

 Manalangin po tayo.

Patawarin mo kami, kami’y mga makasalanang lumalapit sa Iyo. Katagpuin mo kami Panginoon, sa simbahang ito, at sa bawat sandali. Iparanas mo sa amin ang iyong pag-ibig, presensya at kapangyarihan. Pagalingin mo po ang mga maysakit, katagpuin ang nalulungkot at may pangangailangan. Sa pangalan ni Jesus. Amen.

 Sa ating kwento, naglalayag ang mga alagad sa lawa ng Galilea, dahil pinauna sila ni Jesus.

Pagkatapos magsiuwian ng maraming tao, nagpunta ang Panginoon sa lugar dalanginan.

Lumipas ang magdamag, bago mag-umaga, ay pinuntahan ng Panginoong Jesus ang mga alagad na nasa gitna ng dagat. Naglakad ang Panginoon sa tubig.

 Nabigla ang alagad, at napagkamalang multo si Jesus. Sa paniwala kasi ng mga sinaunang Judio, ang katubigan ay lugar ng mga masamang espiritu. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Ako ito.”

 Sa ating reflection, nais kong I presenta sa inyo kung saan at paano nakikitagpo ang Panginoon sa atin.

 1. Una, siyempre ang simbahan o kapilya. Dito, ang Diyos ay nakikitagpo sa atin. Sa pagsamba, we celebrate God’s presence more than anything else. May nagturo sa akin noon na spiritual mentor, sabi niya, “Always seek God’s face.” Mula noon, nag-iba na ang aking pagsamba. Ang lahat ay naging encounter with God para sa akin.

 2. Pangalawa siyempre, ang oras ng pananalangin sa bahay o kahit saan. God is always available and able to meet us. Tayo madalas ang hindi available. Masyado tayong busy. Minsan wala tayong oras.

 3. Sa pangatlo, nais kong balikan natin ang kwento ng paglalayag ng mga alagad sa katubigan. Sabi sa Bible, sumasagwan sila laban sa hangin habang gabi. At sa madalingaraw, dumating ang Panginoon na naglalakad sa tubig.

 Naglalakbay na sila sa madilim na gabi, sa gitna ng katubigan, lilitaw pa ang isang naglalakad sa tubig, e talagang matatakot ka nga naman. Ngunit, nagsalita ang Panginoon, “Ako ito.”

 Ano ang gustong ipakita sa atin ng kwentong ito mula sa Salita ng Diyos?

 a. May pagkakataon na dumarating ang Panginoon upang katagpuin tayo sa ating paglalakbay                   sa buhay. Minsan, sa madilim na bahagi ng ating buhay.

 Ang ibig kong sabihin sa “madilim na bahagi ng buhay” ay kapag may mabigat tayong problema.     Yung para bang iniwan ka na ng Diyos. Yung, parang nag-iisa ka na lang. Pero, bigla mong mararamdaman na sasamahan ka ng Diyos. “Ako ito.” Sabi ng Panginoon.

 b. Sa kwento, si Peter ay nagsabi, “Kung ikaw nga talaga yan Lord, utusan mo ako, upang lumakad din ako sa tubig.” Aba, ang angas ano po?

 Pero, huwag po nating masyadong husgahan si Peter. Dahil madalas tayo rin ay may pagdududa.

“Ikaw ba yan Lord? Bakit mo ko iniwan, Panginoon? Lord, ba’t ganyan?” O kaya hinahamon pa natin ang Diyos, “Kung talagang tinawag mo ako Panginoon, bigyan mo kami ng malaking church!” 

 Sabi ng Panginoon kay Peter, “Halika.”

 

·         Eto yung pagkakataon na sinasabi ng Panginoon sa atin, “Halika, subukan mo.”

Because Jesus is challenging us to recognize him. And being with Him, kakayanin nating lakbayin, maging ang madilim na bahagi ng ating buhay. Kakayanin nating lumakad sa tubig ng mga pagsubok.

 

·         Hindi naman po inalis ni Jesus sa madilim na katubigan ang mga alagad. Dumating si Jesus, upang samahan sila sa gitna ng dagat. Hindi naman po tayo inaalis ng Diyos sa mga problema at mga mabigat na responsibilidad sa buhay. Instead, dumarating ang Panginoon, kinakatagpo tayo ng Diyos para samahan tayo, at sabi niya, “Narito ako. Ako ito.”

 

·         Then Peter, dared to walk on waters. Kasi sabi niya, “Lord, kung ikaw yan, utusan mo akong lumakad sa tubig.” Peter proved, that with God, the impossible can be possible.

                  ·         Kaya lang, nawalan ng pananampalataya si Peter ng maramdaman niya ang malakas na                          hangin at nagsimula siyang lumubog. At tumawag siya sa Panginoon, “Lord, save me!”                          Ang sabi ng Bible, “Agad-agad. Mabilis siyang inabot ng Panginoon. At sinabi ni Jesus,                         ‘ang liit ng faith mo bro’.”  

                 ·         Pagka-sakay nila sa banka, tumigil ang hangin. At sinamba ng mga alagad si Jesus.

 Kailan nakikitagpo ang Diyos sa atin?        Sa lahat ng oras.

Saan nakikitagpo ang Panginoon sa atin?     Sa lahat ng panahon.

Bakit may panahon o oras na hindi natin maramdaman ang presensya ng Diyos? Kasi wala tayong panahon para pakiramdaman siya. Hindi siya ang nakakalimot. Tayo ang nakakalimot sa Diyos.

Lagi siyang may panahon para sa atin. Tayo minsan, o madalas ang walang panahon sa kanya.

 Sa sandaling ito. Sa lugar na ito, kasama natin ang Diyos.

Sabihin mo sa kanya ang kailangan mo. Dalhin mo sa kanya ang pasanin mo.

“Ako ito. Narito ako.” Wika ng Panginoon.

  ____________________________  

Sermon 3: A Woman of Great Faith                                                                    August 16, 2026

Matthew 15: 21-28

 Ang pananampalataya ay isa sa Spiritual Gifts na dapat mayroon ang lahat ng Kristiano.

                Faith is having extraordinary confidence in God’s power to act, enabling prayer and action                     that moves mountains.

 Sa nakaraang Linggo, si Peter ay nakitaan ng Panginoon ng ‘maliit na pananalig”. Sabi ni Lord sa kanya, “Ang liit ng faith mo, bro.” Lumubog kasi si Peter sa tubig. Nawalan kasi siya ng pananalig.

 Ngayon, ang ating kwento mula sa Biblia ay tungkol sa isang babae. Isang ina, na lumapit sa Panginoong Jesus, dahil napasukan ng bad spirit ang anak niya.

 Kailangan tayong tumulad sa nanay na ito. Ilapit natin sa Diyos ang ating mga anak. Marami kasing bad influences sa ating panahon, na ginagamitin ng kaaway para sirain ang buhay, ang isip, at kinabukasan ng ating mga kabataan. Pray for this generation. Nasa panganib sila ng drug use, vices at pornography at sexual temptations.

 Mas mabuti kung ang Panginoon ang makilala nila habang kabataan pa sila.

 Let us reflect on this story. At ganito ang background ng kwento.

 Nasa pagan district ng Tyre at Sidon sina Jesus at mga alagad, marahil para magpahinga, at makaiwas sa maraming tao.  Pero may babaeng lumapit sa Panginoon, isang Cananea, isang pagano. Nakikiusap ang babae, na kung pwede ay pagalingin ng Panginoon ang anak niyang babae na sinaniban ng bad spirits.

 

·         Una, hindi siya sinagot ni Jesus.

·         Pangalawa, sabi ng mga alagad, “Itaboy ang babaeng iyan. Maingay masyado.”

·         Pangatlo, sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” Dala ni Jesus ang minanang kaisipang Judio, na ang ministeryo niya ay para lang sa mga Judio.

·         Pang-apat, hindi parin tumigil ang babae. Sigaw niya, “Lord, help me!” Masakit na tugon ng Panginoon, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”

·         Panghuli, sagot ng babae, “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,”.

·         Sagot ng Panginoon, “Ang tindi ng iyong pananampalataya!”

 Ito po yung kwento na narinig natin. Ano ang ibig sabihin nito?

 Ang kwentong ito ay isang malaking reflection ng mga unang Kristiano, kung lalabas ba sila sa Israel sa pagmimisyon? Kung kasama ba ang mga Gentiles o mga hindi Judio sa mga paglilingkuran at ililigtas ng Diyos? Lalabag ba sila sa minanang tradisyon, na exclusive lang sa mga Judio ang Diyos at ang kaligtasan?

 Tignan natin ulit ang nangyari. Pagpalain nawa tayo ng Diyos sa pagbubulay sa kanyang Salita.

Una mga kapatid, Ang babae ay hindi lang basta makulit. Siya ay may malaking pananampalataya kay Jesus. Ang panawagan niya kay Jesus ay, “Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin!”

 Isa pa, ang babae ay may pambihirang pananampalataya sa Panginoong Jesus. Kung si Peter ay may maliit na pananalig, ang babaeng ito ay ay may malaking pananalig.

Maari bang manalig sa Diyos ng Israel ang isang pagano? Yes!

 Alam ba ninyo, noong unang panahon ay may doktrina ang Roman Catholic Church, sabi nila, “Outside the Roman Catholic Church, there is no salvation”.  Sinabi nila ito dahil sa mga Protestanteng  umalis sa kanila. May mga denominations din na nagsasabing sila lang ang maliligtas.   

 Huwag po sana tayong matukso na gawin ang ginawa nila. Sa halip tignan natin kung saan tayo dinadala ng kwento.

 1. Tinugon ni Jesus ang pakiusap ng babae pagano. Ibig sabihin, lumabas tayo sa ating mga simbahan. Abutin natin ang hindi kabilang sa ating relihiyon. Tulungan natin at misyunan pati hindi natin ka-miembro.

 2. Tinuturuan tayo ng kwento na ang pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat. Hindi namimili ng tutulungan ang Diyos.

 3. Panghuli, nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao.

 Maging gabay sana natin ang kwentong ito upang maunawaan natin, na ang ating simbahan ay simbahan ng barangay. Na ang ating pastor ay pastor ng barangay, ng lahat ng tao at hindi lang miembro na Metodista.

 Alisin po natin ang pader na humahadlang sa ating misyon. Maglingkod tayo na tulad ng ginawa ng Panginoon.

 ·         Be a welcoming church. Open hearts, open minds, open doors.

  ______________________________   

Sermon 4: Si Jesus ang Messias                                                                          Aug 23, 2026

Matthew 16:13-20

 Ang mga Sermon Series para sa buwan ng Augusto ay tungkol sa pananalig.

·         Sa feeding of the 5000, pinarami ng Panginoon ang kulang na pagkain, upang makakain ng sapat ang lahat. Dito, nasaksihan ng mga alagad ang kapangyarihan ng Diyos.

·         Sa paglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig, sinamba ng mga alagad si Jesus.

·         Sa nakaraang Linggo, nakita natin ang pagtugon ng Panginoon sa pambihirang pananalig ng babaeng pagano.

·         Ngayon, maririnig po natin kung paano ipinahayag ni Peter ang kanyang pananampalataya sa Panginoong Jesus, bilang Cristo ang Anak ng Diyos.

 Tayo po ay manalangin.

 Tulungan mo po kami na lubos ka naming makilala, upang kami ay maligtas.Nais po naming mapabilang sa mga tunay na Kristiano, mga pinatawad, at mga pinili – upang maging ilaw at asin ng sanlibutan. Amen.

 Tayong mga United Methodists ay dapat mamuhay bilang mga tunay na Kristiano.

Mahirap yung tinatawag ko ang sarili ko, bilang Kristiano pero sa totoo, hindi naman pala ako totoong Kristiano.

 May isang artista, nanapakabait  sakanyang role sa pelikula, kaya marami ang humanga sa kanya.

Isang araw, nakita ng isang fan ang artista para magpa-autograph. Hindi siya pinagbigyan ng artista. Masungit pala ito sa totoong buhay. Palabas lang pala yung kabaitan niya.

 Maging totoo po tayong Kristiano, dahil ang ating pagiging Metodista ay pananampalatayang nakapagliligtas. Tayo ay kabilang sa tunay na iglesia ng Diyos,  sa mga sumasampalataya kay Cristo Jesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.

 Bilang background ng kwento, mapapansin na sina Jesus at mga alagad ay nasa Caesaria Philippi. Ito ay isang Gentile territory, kung saan nakatayo ang templo ni pagan god na si Pan, mukhang tao na may paa ng kambing. Sa lugar na ito ay may iba’t ibang pananampalataya.

 Sa ating reflection ngayon, may dalawang tanong ang Panginoon sa kanyang mga alagad.

 1. Unang tanong niya, “Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?”

Sagot nila, 'At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” '(Mateo 16:14)

  Totoo na si Jesus ay isang propeta. Ngunit hindi ito kumpletong pagkilala sa Panginoon. Dahil kung propeta lamang siya, maari nating aralin at sundin ang kanyang mga turo, pero hindi na tayo kailangang sumampalataya sa Kanya.

  2. Kaya nagpatuloy ang Panginoong Jesus sa pangalawa niyang tanong, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” (Mateo 16:15). Dito sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”

 Nagsalita ngayon ang Panginoon, na ito ang pinakamahalagang bagay sa ating pananampalataya.

Na ganap nating makilala ang Panginoon, bilang ating Diyos at Tagapagligtas o Messias.

 Dahil kung ang isang tao, Metodista man o ibang sekta,

kung ang ating pananampalataya ay hindi personal na pagkilala sa Tagapagligtas,

Kung ang ating pananampalataya ay nasa papel lang ng baptismal Certificate, pero wala sa buhay.

Ang ganitong pananampalataya mga kapatid ay patay.

 3. Masasabi mo lamang na si Jesus ay ang Cristo, kung tinanggap mo na siya bilang iyong Tagapagligtas. Ang kaligtasan po ay isang personal na desisyon. Kaya nagtanong ang Panginoon, “Para sa inyo, sino ako?”

 Para sa iyo, sino si Jesus? Siya ba ang iyong Tagapagligtas? Siya ba ang iyong Panginoon?

 Sabi sa Gawa 4:12, “Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

 Ang ibig sabihin ng Pangalang Jesus ay, “si Yahweh ang nagliligtas”.

Tanggapin mo ang ngayon ang iyong kaligtasan.

Tanggapin mo ngayon si Jesus.

  ________________________________   

Sermon 5. Following the Mind of Christ                                                          August 30, 2026

Matthew 16:21-28

 

Minsang sinabi ng dakilang pastor na si A.W. Tozer,

 Ang tunay na kristiano ay pambihira. Pinakamamahal niya ang hindi pa niya nakakatagpo,

Kinakausap niya ng hindi pa niya nakikita, umaasang papasok siya ng langit dahil sa kabutihan ng iba.

Kailangan niyang talikuran ang sarili, upang makita ito,

Dapat niyang tanggapin na siya ay nagkamali upang maging tama,

mayroon siyang kalakasan sa kanyang kahinaan,

Kailangan siyang magpakumbaba, upang maitaas,

Malakas siya kapag siya ay mahina,

Mayaman kapag siya ay mahirap, at masaya kahit nasa pagsubok.

Kailangan siyang mamatay upang mabuhay, nagkakaloob upang tumanggap

Nakikita niya ang hindi nakikita, naririnig ang hindi maaring marinig,

At alam niya ang hindi kayang unawain ng kaisipan. – (A. W. Tozer, The Root of the Righteous)

 A. Ang misyon ni Jesus.

 May misyon na dapat gampanan ang Panginoong Jesus. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.”

 Akala ni Peter, ito ay isang suicide attempt. Kaya hinadlangan niya si Jesus. Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

 Sa banal na Mensaheng ito may nais ipabatid ang Diyos sa atin.

 ·         Ang misyon ni Cristo ay ang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.

·         At ito ay magagawa lamang niya sa pamamagitan ng pagbubuwis ng buhay.

·         Ito ay dapat mangyari dahil ito ang nais ng Diyos.

 At ang sinumang hahadlang sa dakilang plano ng Diyos na kaligtasan ay alagad ni Satanas.

 

B. Pangalawa, ang ating misyon.

 'Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. '

 

·         Kapag sinasabi natin, na tayo ay alagad ni Cristo – patunayan natin ito sa pamamagitan ng self-denial o pagtalikod sa sarili.

·         Pasanin natin ang ating krus – gawin po natin ang pinagagawa ng Diyos na may kahandaang magsakripisyo. Sa kasalukuyan. Maraming Kristiano sa Africa ang pinapatay dahil sa pagsunod nila kay Jesus. Hindi sila papatayin kung lilipat sila sa Islam. Ngunit mas pipiliin pa nila ng mamatay, kaysa talikuran ang Panginoon. Mas pipiliin nilang pasanin ang kanilang krus hanggang kamatayan.

·         Sumunod tayo kay Cristo – sa kanyang mga turo ng pag-ibig at pagpapatawad

sa kanyang utos na tayo ay maglingkod sa mahirap. Sa kanyang halimbawa ng pagmamahal sa Diyos. Sabi nga ng mga UMYAF natin, Follow in the footsteps of Jesus.  Sumunod tayo sa yapak ni Jesus.

 

Ibig sabihin, ito ang pagiging tunay na Kristiano.

Hindi mababaw na relihiyon sa papel lang.

 

 C. Following the Mind of God.

 

Sabi ng Panginoon kay Pedro, “Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

 

Ano ba ang iniisip ng Diyos? Naitanong mo na ba sa sarili, “Ano kaya ang iniisip ng Diyos tungkol sa akin? Ano kaya ang gustong mangyari ng Diyos sa aking buhay?”

 

Sa Old Testament Reading, nabasa natin ang pagtawag ng Diyos kay Moises.

 ·         Nakita natin na tinawag ng Diyos si Moises upang iligtas ang mga Hebreo mula sa pagka-alipin sa Egypt.

·         Tumutol si Moises, ngunit buo ang plano ng Diyos para sa kanya.

·         Walang Plan B ang Diyos. Ang plano niya kay Moises ay hindi na pwedeng magbago.

 Gayundin ang plano ng Diyos para sa iyo kapatid.

 ·         Nais ng Diyos na maligtas ka.

·         Namatay si Cristo para sa iyo.

·         Sumunod ka kay Cristo bilang alagad.

·         Mamuhay tayo bilang tunay na Kristiano.

 Ito ang iniisip ng Diyos para sa bawat isa sa atin.

Naghihintay ng sagot ang Diyos galing sa atin.

 Kasama ka ba sa mga magsasabing, “Narito po ako Panginoon. Susunod ako sa iyo.” Amen.

 

__________________________________________

 References:         Sharing the Word, Guztavo Gutierez

                           Preaching the Old Testament, A Lectionary Commentary, Ronald Allen, Clark Williamson

                       https://sermonwriter.com/ 

__________________________________________ 

SUNDAY SCHOOL LESSONS: Ptr. Jestril Alvarado

 

Lesson 1. Ang Pakikipagbuno ni Jacob sa Diyos                                         Sunday School  

Genesis 32:22-31                                                                                              August 2, 2026

 Background:

 Ang pangalan ng mga tao sa Lumang Tipan ay may kaugnayan sa kanilang pagkatao. Ang ibig sabihin ng Jacob ay mandaraya o mapanlamang. Nadaya niya ang kanyang ama, nakuha niya ang mana na dapat ay para kay Esau, ang kapatid niyang panganay. Nalamangan niya ang kanyang biyenan na si Laban at nakuha ang mga tupa nito (Gen. 30:25-43).

 Kaya, si Jacob ay nahihirapan at nagpupumiglas dahil nais niyang ayusin ang hindi magandang relasyon niya kay Esau, dahil galit ang kanyang kapatid, bunga ng kanyang maling ginawa.

 Aral ng Kwento: Ang Imbitasyon Upang Magbago

 Ang relasyon ni Jacob at Laban ay puno ng sumbatan at galit (Gen. 31). Kaya binalak na umalis ni Jacob kasama ang dalawang anak ni Laban (si Leah at Rachel) at mga anak nila.  Ngunit bago sila umalis, ang pagbabago kay Jacob ay nagsimula sa anyaya ni Laban, na nagtayo ng Bato ng Tipan, sa pagitan nila ni Jacob, at saksi ang Diyos (Gen. 31:43-55). Ito ay imbitasyon kay Jacob na magkaroon ng mabuting pakikitungo sa kapwa lalo sa pamilya, bilang maka-diyos na tao. Umalis si Jacob at ang kanyang pamilya, na dala ang pagpapala ng kanyang biyenan. Nagtapos ang hidwaan sa pagitan nila ni Laban.

 Ngayon, gustong magkipagkita ni Jacob sa kanyang kapatid, upang iwasto ang kanyang kamalian.

Hindi ito madali. Maaring siya ay patayin ni Esau at lipulin ang kanyang buong pamilya.

 Ang Pakikitagpo ng Diyos kay Jacob

 Pinauna ni Jacob ang kanyang pamilya, upang humarap kay Esau. Ang layunin niya ay ang pagtutuwid sa kanyang kamalian, at handa siyang magpakumbaba (31:3), magbigay ng regalo at nagsasabi kay Esau, “mga regalo mula sa ang iyong aliping si Jacob”.

 Naiwang nag-iisa si Jacob, at biglang lumitaw ang isang mahiwagang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Sa tagpong ito, tinanong ng mahiwagang lalaki ang pangalan ni Jacob. Pagkatapos ay pinangalanan ng lalaki si Jacob na Israel. Jacob – isang mandaraya, na naging Israel – isang nagpupumiglas kasama si Yahweh (one who struggles with God).

 ·         Hindi agad nakilala ni Jacob ang Diyos na kanyang nakatagpo. Madalas, kumikilos ang Diyos sa ating mga buhay na hindi natin namamalayan.

·         May pagkakataon na nasasaktan tayo tulad ni Jacob, ngunit ito ay paraan ng Diyos upang maunawaan natin at mangyari ang kanyang mga layunin.

·         Binago ng Diyos ang pangalan ni Jacob. Binago ng Diyos buhay ni Jacob.

·         Napilay si Jacob, ngunit ang mahalaga ngayon! – siya ay haharap kay Esau, baon niya ang pagpapala ng kanyang biyenan at ang pagpapala ng Diyos.

 Pagkilos ng Diyos sa Ating Buhay

 Hindi madali ang pagtanggap sa pagkakamali. Lalong hindi madali ang pakikipagkasundo sa mga taong nasaktan natin. Ngunit kung nais nating maging matuwid sa harap ng Diyos, kailangan tayong magpakumbaba at ayusin ang ating kamalian. May mga bagay na hindi kayang ayusin ng “sorry” lang.  Ito ay tinatawag na “restitution”.  Halimbawa ay si Zacchaeus na nagbayad ng ‘apat na beses” sa kanyang ninakaw. Si Jacob ay naghandog ng kanyang kayamanan kay Esau upang mawala ang galit nito (Gen. 32:5). Ito ay patunay ng tapat na pagsisisi.

 Sa kabila ng kanyang pagkapilay, tinanggap ni Jacob ang pagpapala ng Diyos, at ang bagong pagkatao.

 Imbitasyon sa Banal na Pamumuhay

 ·         Hindi kalooban ng Diyos ang magulong relasyon ng mga tao sa pamilya, simbahn o lipunan. Ang ating Diyos ay Diyos ng kapayapaan. Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagsisimula sa pakikipagkasundo sa kapwa na ating nasaktan (Mateo 5:24).

·         Hindi madali ang magpakumbaba, ang magpatawad o humingi ng tawad. Ngunit ito ang paraan ng paghilom ng mga sugat sa ating buhay. Sa patnubay ng Diyos, maari tayong mag-struggle upang magawa ito. Maaring masaktan tayo, pero tayo gagaling at magiging payapa.

·         Ang kwento ni Jacob ay kwento ng bayang Israel, sa patuloy nitong struggle o pagpupumiglas, upang ayusin ang kanyang relasyon sa kanyang mga kapatid na mga bansa sa kanyang paligid.  

 Mga Tanong sa Talakayan:

 1. Sa halip na magtanim ng galit kay Jacob, nakipagtipan si Laban sa kanyang manugang. Ano ang mabuting aral na nakita mo kay Laban sa kwento? Bakit mahalaga ang pakikipagkasundo sa ating mga Kristiano?

 2. Pansinin na ang pagdating ng mahiwagang tao (ang Diyos) ay hindi para lusubin at saktan si Jacob, kundi upang pagpalain. Pero, bakit madalas, nasasaktan ang ating “pride” kapag itinutuwid tayo sa ating kamalian?

 3. Ang nais ng Diyos ay mamuhay tayo ng payapa kasama ang ating pamilya, at ng ating lipunan. Ano pa ang mga dapat gawing pagsisikap upang makamit natin ito?

 ___________________ 

 

Lesson 2: Si Jose at ang Kanyang Mga Kapatid                                                            Sunday School

Genesis 37:1-4, 12-28                                                                                                          August 9, 2026

 Ang kwento ni Joseph ang mahalagang tulay sa kasaysayan ng pamilya ni Israel (Jacob) kung paano naging alipin ang mga Israelita sa Egypt hanggang sila ay lumaya at nasakop ang Canaan.

 Background:

Galit at inggit ang mga kapatid ni Joseph sa kanya.

 ·         Si Joseph ay mas mahal ng kanyang amang si Jacob. Gumawa ng makulay na kasuotan si Jacob, para kay Joseph, na kina-inggitan naman ng kanyang mga kapatid.

·         Si Joseph ay may dalawang panaginip. Sa una, ang mga bigkis ng trigo ng mga kapatid ni Joseph ay yumuko sa bigkis ng trigo ni Joseph. Ang pangalawa ay tungkol sa panaginip na ang buwan at araw at labing isang (11) bituin ay yumuko kay Joseph (37:9).

 

Resulta ng Inggit at Galit

 ·         Pinapunta ni Jacob si Joseph sa kanyang mga kapatid sa Shechem hanggang Dothan (50 milya) mula sa Hebron, upang kumustahin ang mga ito sa kanilang pagpapastol ng tupa. Nang makita si Joseph ay binalak nila itong patayin.

Sa payo ni Reuben, inihulog na lamang nila ito sa balon (mga 20 feet ang lalim) at huwag  patayin. Ang balon ay ginagamit na pansahod ng ulan, upang magbigay tubig at buhay sa tag-araw. Ngunit ito ay nagamit ng mga galit na kapatid ni Joseph na pansamantalang kulungan kay Joseph.

 ·         Sa payo naman ni Judah, sa halip na patayin ay ibenta na lamang si Joseph bilang alipin. Nagbago ang plano ng magkakapatid.  Ang perang galing sa kasamaan, ay pagpapala sa gahaman.

 ·         Upang pagtakpan ang kanilang mga ginawa, nagsinungaling ang magkakatid, at sinabing si Joseph ay napatay ng mabangis na hayop. Nilagyan nila ng dugo ang damit nito at ipinakita sa kanilang ama.

 

Aral ng Kwento: Lumalaking Kasalanan

 ·         Ang simpleng inggit, ay maaring lumaki at maging galit. Ang galit ay maaring lumaki at maging gawa ng karahasan.

·         Nagkaka-anak ang kasalanan sa patuloy na maling pangagatwiran.  Ito ay lalong dumarami tuwing ito ay pinagtatakpan.

·         Ang kasalanan ay sumisira sa ugnayan ng pamilya.

·         Ang kasalanan ay sumisira ng ating pagkatao.

 Anomang kasalanan ay may kabayaran. Ang unang kabayaran nito ay ang pagbaba ng pagkatao ng nagkasala. Ang pinaka-malalang kabayaran nito ay kamatayan.

Ang Pagkilos ng Diyos

 Sa kabila ng mga inggitan at galit sa pagitan ng mga magkakapatid, ay patuloy na gumagawa ang Diyos sa buhay ni Joseph at sa kanyang mga inggit na kapatid.

 ·         Ang panaginip ay kinikilalang paraan ng pangungusap ng Diyos sa Biblia. Ibig sabihin, kabataan pa si Joseph ay nagsasalita na ang Diyos sa kanya sa panaginip.

·         Lingid sa kaalaman ng kanyang mga kapatid at magulang, ang mga pangyayari sa buhay ni Joseph ay ayon sa mga plano ng Diyos.

 Sabi sa Isiah 55:8-9,

Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.”


 Iwaksi ang Kasalanan

 ·         Ang kasalanan ay sumisira ng pagkatao, at relasyon.

·         Ang Diyos ay kumikilos sa kabila ng ating mga pagkakamali at pagkukulang.

·         Patuloy tayong magtiwala at sumunod sa Diyos.


 Imbitasyon sa Maka-diyos na Pamumuhay

 Ang halimbawa ni Joseph ay buhay na maka-diyos.

·         Ibinenta siya ng kanyang mga kapatid.

·         Tinukso ng asawa ni Potiphar

·         Siya ay nakulong sa kasalanang hindi niya ginawa.

 Ngunit hindi siya bumigay sa kasalanan.

 Mga Tanong sa Talakayan.

 1. Ang damdamin ng inggit, ay maaring lumaki sa galit, at maaring maging gawa ng karahasan. Bilang Kristianong anak ng Diyos, bakit mahalaga ang Bunga ng Espiritu tulad ng kahinahunan at pagpipigil sa sarili?

 2. Si Joseph ay nanatiling nagtitiwala sa Diyos, mahusay at tapat nakatiwala. Ano ang mga pagsisikap na dapat nating gawin upang magtagumpay sa buhay ayon sa kanyang halimbawa?

 ____________________    

Lesson 3: Pag-ibig at Pagpapatawad                                                                                 Sunday School

Genesis 45:1-15                                                                                                                  August 16, 2026

 Background

 Sa patuloy na kwento ni Joseph.

 ·         Siya ay naging mabuting tagapamahala sa Egypt.

·         Siya ay puno ng katapatan.

·         Nakapagpaliwanag siya ng kahulugan ng mga panaginip.

·         Kinilala ng Hari ng Egypt ang kahusayan ni Joseph.  

 Sa ating pagbasa sa Genesis 45, si Joseph ay isa nang dakilang tao sa Egypt dahil sa solusyong dala niya upang magkaroon ng saganang pagkain sa bansa sa panahon ng taggutom. Kaya inutusan ni Jacob ang mga anak na bumili ng pagkain sa Egypt.  

 Ang Pagpapakilala ni Joseph sa Mga Kapatid

 Ang pagtatagpo ng magkakapatid ay ma-dramang kwento.

 ·         Bumili ng pagkain ang mga kapatid ni Joseph, at upang subukin sila, nagkunwaring malupit si Joseph (42:8). At pinaratangan na mga espiya ang mga kapatid niya.

·         Nagsinungaling ang magkakapatid sa pagsasabing ang isa sa kanilang kapatid ay patay na (si Joseph na kaharap nila).

·         Binantaan ni Joseph ang mga kapatid na, hindi sila maaring bumili ng pagkain kung hindi nila kasama ang bunsong si Benjamin.

 Hanggang bumigay si Joseph at umiyak na nagpakilala sa kanyang mga kapatid.


3“Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot.

 Aral ng Kwento: Pangingibabaw ng Pag-ibig

 ·         Maaring magbuhos ng galit at paghihiganti si Joseph, ngunit mahal niya ang kanyang mga kapatid.

·         Sa buong buhay ni Joseph, kumilos ang Diyos. “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. 5Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay.”

·         Mapapansin na si Joseph ay walang bahid ng galit. Ito ang kanyang character ayon sa kwento. Sa halip na maging paghihiganti, ang tagpo ay naging masayang reunion ng pamilya.

·         Ang kanyang pagpapatawad ay nagbukas ng panibagong yugto sa mga nagkasalang kapatid, upang aminin at ituwid ang kanilang pagkakamali (Gen. 42:31).

 Ang Pagkilos ng Diyos

 Gumagawa ng pambihirang bagay ang Diyos sa buhay ng mga taong may takot sa Kanya.

Ang kwento ni Joseph ay halimbawa kung paano kumikilos ang Diyos sa mga nananalig.

 ·         Si Joseph ay halimbawa ng taong patuloy na gumagawa ng mabuti, sa kabila ng masamang ginagawa ng iba.

·         Ang mabuting pagkatao ay bumabago ng buhay ng pamilya, simbahan o ng lipunan. Itinuwid ni Joseph ang kasalanan ng kanyang mga kapatid. Ngunit siya gumamit ng kalupitan, sa halip ay kaawaan at buong pagmamahal niyang kinupkop ang kanyang pamilya na nagkulang sa kanya sa una.

·         Patuloy na kumilos ang Diyos sa buhay ni  Joseph habang patuloy na hinahamon ng Diyos na maging mabuti sa kabilang ng gawang masama ng iba.

 Imbitasyon sa Banal na Pamumuhay

 ·         Sabi ni Mother Theresa, “If you are kind, people may accuse you of selfish, ulterior motives: Be kind anyway. If you are successful, you will win some false friends and true enemies: Succeed anyway. If you are honest and frank people will try to cheat, you: Be honest anyway. What you spend years building, someone could destroy overnight: Build anyway. If you find serenity and happiness, they may be jealous of you: Be happy anyway. The good you do today, will often be forgotten by tomorrow: Do good anyway. Give the world the best you have, and it may never be enough: Give your best anyway.”

 Mga Tanong sa Talakayan:

 1. Bakit mahirap ang magpatawad sa iba? Ano ang nagpapahirap sa pagpapatawad?

 2. Paano naman ito nagiging possible sa mga gumagawa nito?

 3. Si Joseph ay parang napaka-ideal person na maka-diyos. Pero, possible bang maabot ang ganitong waagas at dalisay na pagka-makadiyos?

 __________________________    

 

Lesson 4: Pagpapala ng Diyos sa Pamilya                                                                  Sunday School

Exodus 1:8-2:10                                                                                                              August 23, 2026

 Ang pagpapala ng Diyos ay para sa lahat. Hindi namimili ang Diyos ng lahi, bansa o pagkatao. Mahal ng Diyos ang lahat ng tao. Ito ang tema ng Biblia, lalo na ang Kristianismo. Anomang tema ng kalupitan, pagmamalabis o pagmamataas ay hindi ayon sa kabutihan at kabanalan ng Diyos. Sabi ng Diyos kay Abraham sa Genesis 12:3,

 “Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain, at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain; sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”

 Background ng Kwento

 Nagpatuloy ang kwento ng mga anak ni Israel sa Egypt, noong nagkaroon ng isang haring walang kaalaman tungkol kay Joseph. Sa halip na tignan ang mabuting kapakanan ng mga Judio, natakot ito sa pagdami ng pamilya ni Jacob sa Egypt. Kaya, inisip nito na patigilin ang pagdami ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpatay sa sanggol na lalaki. Pinahirapan din nito ang mga Judio sa mabibigat na trabaho at pagpaparusa.

 Sa kabila ng pangit na bahagi ng kwento ng pagpapahirap at pagpatay sa mga sanggol, ay may mga matatapang na babae na ginamit ang Diyos upang mabuo ang mabuting larawan ng pamilya.

 ·         Ang mga komadronang sina Shiphrah at Puah. Ang dalawang babaeng ito ay matapang na sumuway sa utos ng hari, dahil “sila ay may takot sa Diyos”. Sa halip na patayin ay inililigtas nila ang mga sanggol.

·         Ang matapang na ina ni Moises. Ang bata ay itinago ng kanyang ina. Ngunit dumating ang sitwasyon na mahirap ng itago ang sanggol, kaya ipina-anod niya ito sa isang basket sa ilog.

·         Si Miriam, ang batang babae na nagbantay sa kanyang kapatid habang inaanod sa ilog.

·         Ang prinsesa, na naawa sa sanggol. Inampon nito ang sanggol at pinalaki.

 Aral ng Kwento: Katapangan, Kaawaan at Takot sa Diyos.

 Ang ating batayang kwento ay naglalarawan ng mga halimbawa ng mga taong ginagamit ng Diyos upang matupad ang layunin ng Diyos.

 ·         Si Shiphrah at Puah ay nanindigan para sa buhay ng mga sanggol na “nangangailangan ng pamilya” (v. 21).  Patuloy silang nagregalo ng buhay sa mga nanganganib na sanggol.

·         Ang ina ni Moises, tulad ng mga matapang na ina ay nagpamalas ng kagitingan, at patuloy na gumawa ng paraan, mailigtas lang ang anak.

·         Ang masunurin at matalinong si Miriam.  Masunurin dahil sa utos ng ina, at matalino dahil nag-alok siya sa prinsesa ng yaya para sa sanggol.

·         Ang prinsesa. Alam niya na ang sanggol ay anak ng Hebrea. Ngunit nangibabaw ang awa sa kanyang puso.


 Ang Pagkilos ng Diyos sa Kwento

 Sa pagkilos ng Diyos sa kasaysayan ng Israel, makikita na gumagamit ang Diyos ng mga babae, lalaki, bata o matanda. Prinsesa o alipin, Judio o ibang lahi.

 ·         Sa pamamagitan ng mga taong ito, ang Diyos ay nagliligtas ng buhay.

·         Sinusupil ng Diyos ang masamang gawa ng mga nagmamalabis.

·         Ang Diyos ay patuloy na nagpapakilala ayon sa kanyang kabutihan at kabanalan.

 Imbitasyon sa Banal na Pamumuhay

 Ang batas ng pagpatay ng mga sanggol na ginawa ng hari ng Egypt ay halimbawa ng isang masamang paggamit ng kapangyarihan.  Ang kasamaan ay maaring maging sistema ng batas na maaring magpahirap sa mga inosente, o mahihirap.

 Sa panahon ni John Wesley, ang mga itim ay ginagawang alipin. Tinutulan ito ni John Wesley at ng mga unang Metodista. Ang resulta ay Kalayaan para sa mga Itim ang balat. Ang sinumang tao ay hindi dapat ibenta, dahil ang nais ng Diyos ay pagka-pantaypantay ng lahat.

  Mga Tanong sa Talakayan.

 1. Ayon sa ating pag-aaral, ang hari ng Egypt ay threatened o takot sa mga Hebreo, samantalang wala namang ginagawang masama ang mga Israelita. Ano ang masasabi mo sa mga lider ng bansa na nagmamalupit? Ano ang tungkulin ng simbahan sa ganitong sitwasyon?

 2. Paano nagiging regalo ang mabuting pamilya para sa mga miembro nito, lalo sa mga bata?

3. Ang kapayapaan ay nagsisimula sa pamilya. Ano ang ating maaring gawin upang maging instrumento ng kapayapaan sa sanlibutan?

 _____________________________  

Lesson 5: Pagpapakilala ng Diyos Kay Moises                                             Sunday School

Exodus 3:1-15                                                                                                                  August 30, 2026

 Background

 Nakarating sa Diyos ang kalagayan ng mga Israelita. Ang kanilang pag-iyak ay narinig sa langit.            Kaya kumilos ang Diyos dito sa lupa, upang tumawag ng susuguin. Nakitagpo ang Diyos kay Moises sa bundok at nagpakilala.

 Dito nagsimula ang dakilang kasaysayan ng paglaya ng Israel mula sa pagka-alipin sa Egypt.    

 Aral ng Kwento: Pagpapakilala ng Diyos

 ·         Pagpapakilala ng Diyos sa halamang, nag-aapoy ngunit hindi natutupok.                                       Ang Diyos ay nagpakilala ayon sa plano niyang pagliligtas sa Israel. Ang halaman ay madalas mabasa sa Biblia na ginagamit bilang simbolo ng pag-asang mula sa Diyos (Isaias 65:22). Sa pagpapakilala ng Diyos kay Moises, sa patnubay ng Diyos, ang Israel ay tulad ng punong nagliliyab ngunit hindi matutupok ng apoy.

.Ang apoy ay tumutukoy sa kabagsikan ng pang-aalipin ng Egypt.  Ayon sa Deu. 4:20, “Iniligtas kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang.”

 Nagpapakilala ang Diyos sa kanyang gagawing pagliligtas sa Israel, na hindi matutupok ng apoy ng Egypt ang bayang pinili ng Diyos, ayon sa pag-asang dala ng pagliligtas ng Panginoon.

  ·         Pagtanggal ng sandalyas. Banal ang lupang kinatatayuan ni Moises. Ang pagtawag ng Diyos sa kanyang personal na pangalan ay isang imbitasyon. Ang paghubad ng sandalyas ay pagyapak sa banal na dako. Ito ay pagpasok sa presensya ng Diyos.

  ·       Ang pangalan ng Diyos. Ang Diyos ang nagbigay ng pangalan sa sarili. Hindi siya pinangalanan ng sinuman. Ang pangalan sa Lumang tipan ay tumutukoy sa character o personality ng maypangalan. Dahil ang Diyos ang nagbigay pangalan sa sarili, ibig sabihin, siya lang ang nakakakilala o nakaka-unawa sa sarili. Ang pangalan niya at pagka-diyos ay hindi natin kayang unawain. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi maaring bigkasin ang pangalan ng Diyos. Diyos lamang ang maaring bumigkas ng kanyang pangalan at nakakaunawa sa sarili, bagamat siya ay nakikitagpo sa atin.


             8Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,

ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.

9Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,

ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,

at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan. – Isaias 55:8-9

 

Ang Pagkilos ng Diyos sa Kwento – Pagtawag kay Moises

 Isang bansa ang nais iligtas ng Diyos, ngunit ang tinawag niya ay isang tao lamang – si Moises.

Dito makikita ang dakilang pagtawag ng Diyos.  Kapag tinawag ng Diyos ang isang tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip ng alternatibo.

 ·         Kinikilala ng Diyos ang ating uniqueness. Ang pagtawag ng Diyos sa bawat tao ay walang katulad, dahil ang bawat isa ay walang katulad.

·         Dapat din nating tanggapin na may special purpose ang Diyos para sa bawat isa sa atin.                                   Ang pagtawag at plano niya ay unique din para sa bawat tao.

 Sa tingin ng Diyos, wala kang kapalit. Sa iyong calling, walang alternative ang Diyos. Special ka talaga sa Diyos.

 Imbitasyon sa Banal na Pamumuhay

 Nakiusap si Moises na huwag na lang siya ang susuguin. Marami siyang dahilan upang tumutol. Ngunit siya talaga at wala ng iba ang pinili ng Diyos. Walang plan “B” ang Diyos.

 Ang ating pag-YES sa Diyos ang kukumpleto sa ating calling. Sa ating pagtango sa Panginoon, papatunayan ng Diyos na hindi niya tayo iiwan. At tutuparin ng Diyos ang layunin ng ating buhay. Oras na upang sabihin natin sa Diyos – “Opo Panginoon, susunod ako. Maglilingkod po ako sa iyo. Gamitin mo ang aking buhay.”

 Tanong sa Talakayan:

 1. Paano mo nakikita ang uniqueness ng Diyos ayon sa pagpapakilala niya bilang iyong Tagapagligtas? Paano ka pinatawad at binago ng Diyos? Magpatotoo.

 2. Ang bawat Kristiano ay tinawag ng Diyos upang maglingkod. Magkakaiba ang ating pagkatawag. Ang iba ay pastor, deakonesa, tagapagturo, lider o kaanib na naglilingkod tulad ng Lay Servant. Paano mo nauunawan ang pagtawag sa iyo ng Diyos? Mag-kwento at ibahagi ang iyong karanasan.

 __________________________________________

 

References:       Sharing the Word, Guztavo Gutierez

                                Preaching the Old Testament, A Lectionary Commentary, Ronald Allen, Clark Williamson

                                https://sermonwriter.com/                             

 


Sermons August 2026

AUGUST SERMONS and SUNDAY SCHOOL LESSONS BASED ON LECTIONARY READINGS  ___________________ Sermon 1: Feeding Ministry ni Jesus          ...