Sabado, Agosto 20, 2016

UMMLesson 5: Magpakatatag Ka at Magpakakalalaki! 1 Hari 2:1-4

Lesson 5: Magpakatatag Ka  at Magpakakalalaki!
1 Hari 2:1-4

Kung halimbawang malapit ka nang mamatay (halimbawa lang po), ano ang huling habilin mo sa mga anak mong lalaki?

Ang Payo ni Haring David Kay Solomon

Si Solomon ang papalit na hari kay David.  Siya ang magpapatuloy sa kanyang mga nasimulan.  Marami pang tungkulin ang dapat gawin, at marami pang gawain ang dapat tapusin.   Lalo na ang pagpapatayo sa templo ng Jerusalem.  Hindi kakayanin ng isang lampa at mahinanang loob ang tungkuling kanyang haharapin. Kaya ang kanyang last word sa anak, “Magpakatatag ka at magpakalalaki.”

Ang Halimbawa Ni David Bilang Tunay na Lalaki.

1. Kagitingan - ito ay bunga ng pagtitiwala ni David sa Diyos (1 Sam. 17:37).  Si David ay bayani ng Israel mula pa sa kanyang pagkabata mula ng matalo niya si Goliath.  Ngunit sa lahat ng kanyang tagumpay, sinasabi ng Biblia na siya ay sumasangguni sa Diyos sa anumang kanyang ginagawa (1 Sa. 23:2-3).  Ang kanyang tagumpay ay hindi bunga ng kanyang sariling galing kundi ng kanyang pananalig sa Diyos.

2. Katapatan sa Kaibigan -  Si David ay naging matalik na kaibigan ni Jonathan, ang anak ni Saul.  Matatandaan na si Saul ay inggit kay David, at nais niyang ipapatay ito.  Ganunman, si David ay nanatiling mabuting kaibigan kay Jonathan.  Nang mamatay si Jonathan, ang katapatang ito sa kanyang yumaong kaibigan ay nanatili sa buhay ni David.  Inaruga niya si Mephiboshet, ang anak ni Jonathan.

Ang pagkakaroon ng tapat na kaibigan ay isang kayamanan.   Sinasabi ng iba na mahirap daw makakita ng tapat na kaibigan sa ating panahon.  Bilang mga tunay na kalalakihan ng Diyos, maari nating ipakita ang ating pagiging tunay na lalaki sa pamamagitan ng ating katapatan sa ating mga kaibigan.

3.  Matatag sa Mga Pagsubok (2 Sam. 15:30-31)
Ang paghihimagsik ni Absalom, ang maituturing na pinakamabigat na pagsubok na dumating sa buhay ni David.  Si Absalom ay sariling anak ni David.  Nais ni Absalom na mapasakanya ang trono kahit buhay pa ang kanyang ama.  Ngunit hindi galit ang naramdaman ni David sa kataksilan ng anak, kundi matinding lungkot.  Sa kabila ng pagsubok na iyon, nanatiling tapat si David sa Diyos.

4.  Pagpapakumbaba at Pagsisi (2 Sam. 12:13)
Ang pinakamalubahang kasalanan ni David ay ang kanyang pangangalunya at pagpapapatay kay Urias, ang asawa ng kanyang kalaguyong si Bathsheba.   Sa kasalanang ito na hindi maaring itago sa harapan ng Diyos, nagpakumbaba at tinanggap ni David ang kanyang pagkakamali.  Pinarusahan siya ng Diyos.  Nag-away-away ang kanyang mga anak.  Naging magulo ang kanyang buong pamilya. Ngunit nang siya ay nagsisi at tinalikuran ang nagawa niyang kasalanan,  ang sambahayan ni David ay inayos ng Diyos.
Ang pagsisi at pagtalikod sa kasalanan ay tanda ng katapangan at pagka-makadiyos.  Sa pamamagitan ng buhay ng kanyang sariling ama, nakita ni Solomon ang mga aral ng buhay ni David.  Ang buhay ng bawat magulang ay ang pinakamahalagang aral para sarili niyang anak.  Ang bawat ama ay modelong pinagmamasdan at tinutularan ng anak.

Integridad ng isang Ama

Ang integridad ay ang pinakamahalagang katangian ng isang magulang. Hindi po tayo maaring maging perfecto, ngunit kailangan tayong magpakatotoo.  Pakikinggan tayo ay susundin ng ating mga anak kung makikita nila ang katangiang ito sa atin.  Nasisira ang integridad ng isang ama kapag ang kanyang sinasabi ay hindi tugma sa kanyang ginagawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...