Huwebes, Agosto 27, 2015

Mga Doktrinang Binibigyang Diin ng Metodismo (Wesleyan Emphases)

MGA DOKTRINANG BINIBIGYANG DIIN

Katulad ng ibang kalipunang Kristiano ikinukumpisal natin ang Pananampalataya ng mga Apostol.  Sumasampalataya tayo sa iisang Diyos, kay Jesu-Kristo  at sa Banal na Espiritu. Ganun pa man, mayroon tayong pitong mahalagang binibigyang diin bilang mga  doktrinang Kristiano.

Ang mga sumusunod na doktrina ay katibayan ng layunin ng iglesia na palaganapin ang kabanalang ayon sa Biblia, upang maranasan ng mga tao ang nagliligtas na biyaya ng Diyos, at upang  anyayahan ang mga tao sa pagunlad ng kanilang kaalaman at pag-ibig  sa Diyos sa pamamagitan ng personal at sama-samang  pamumuhay bilang iglesia.
Ang ating mga pangunahing doktrina ay may malaking kaugnayan sa ating pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.  

DOKTRINANG BINIBIGYANG DIIN

1. Ang Unang Biyayang Nakapagliligtas (Prevenient Grace)

Kinikilala natin na ang Diyos ang unang gumawa para sa ating ikaliligtas.  Sa pamamagitan ng biyayang ito, tayo ay binigyan ng kakayahang tumugon sa Kanyang pag-ibig  (dahil tayo ay patay sa kasalanan, Efeso 2:1) upang magsisi at manampalataya (Roma 5: 8).  Gayunman, tayo ay binigyan ng buhay mula sa kamatayang espiritual, kung kaya nagkaroon tayo ng kakayanang tumugon sa tawag ng Diyos (Efeso 2:5).

2. Kapatawaran at Kasiguruhan

Naniniwala tayo na may kapatawaran para sa sinumang tunay na nagsisisi (I Juan 1.9).  Ibinabalik ng Diyos ang dating kaugnayan Niya sa sinumang sasampalataya sa tulong ng Banal na Espiritu.  Siya ay ipapanganak na muli, dahil sa pagbabagong ginagawa ng Diyos sa kanyang buhay.  Hindi lamang kasalanan ang inaalis ng Diyos sa atin, kundi ang ating pagiging makasalanan.  Mararamdaman nating nagaganap na ito sa ating kalooban kapag nakadarama na tayo ng kalungkutan at pagsisisi tuwing tayo ay nagkakasala at nagkakaroon tayo ng kauhawan sa kabanalan at kaligayahan sa paglilingkod sa Diyos.

3.  Ang Kasiguruhan ng Kaligtasan

Ang kasiguruhang ito ay ang katotohanan na ang nananalig kay Jesu-Kristo ay anak ng Diyos (Juan 1.12).  Naniniwala tayo na maari tayong magkaroon ng katiyakan ng buhay walang hanggan habang tayo ay nabubuhay pa (Roma 5:9-10; 8.24; I Pedro 1.9, I John 5:13). Ang kasiguruhang ito ay ipanagkakaloob sa atin sa pamamagitan ng "patotoo ng Espiritu kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos" (Roma 8. 16).

4.  Kabanalan at Pagiging Ganap na Kristiano

Ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos ay nagpapatuloy sa paglago sa kabanalan na humahantong sa pagiging ganap.  Sa tulong ng Banal na Espiritu, lilinisin niya tayo sa lahat ng ating karumihan, bababaguhin at uunlad ang ating kaalaman sa ating pag-ibig sa Diyos at kapwa.  Ang pag-unlad na ito ng isang Kristiyano ay nagpapatuloy "hanggang sa maging ganap na ang ating pagkatao ayon sa pagiging ganap ni Kristo" (Efeso 4.13). Ang mga anak ng Diyos ay nagpapakabanal "dahil ang ating Diyos ay banal".  Ang kabanalang  ito ay bunga ng ating lumalawig na pag-ibig sa Diyos.

agiging ganap din ang ating pagnanais na maging kawangis ng Diyos ayon sa kanyang kabanalan.

5. Pananalig at Gawa 

Patuloy nating nasasaksihan ang biyaya at ang panawagan ng Diyos sa lahat ng tao upang sumunod at gumawa ng mabuti.  Ang pananalig ang tanging kailangan upang maligtas, subalit ipinapaalala sa atin na ang wagas na pananalig ay nagbubunga ng ganap na pagbabagong buhay, pagkamuhi sa kasalanan at paggawa ng mabuti (Santiago 2.18, Efeso 2:10). 

6.  Misyon at Paglilingkod 

Kahit sinasabi nating ang kaligtasan ay personal, pinapatotohanan natin na ito ay may palagihang kaakibat na tungkulin upang maibahagi  sa iba sa pamamagitan ng pagpapatotoo at paglilingkod.  Alalahanin na ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat.

7.  Pagkalinga at Misyon ng Iglesia 
Ang pangangalaga sa mga mananampalataya ay ating binibigyang diin at gayun din ang ating tungkulin sa ating kapwa tao, bagama't hindi sila kaanib ng ating iglesia.  Katulad natin, kailangan nila ang pagliligtas ng Diyos.  Tungkulin natin na sila'y abutin at ipakilala sa kanila si Jesus.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...