Ang mga Artikulo ng Relihiyon ay pinili ni Wesley mula sa 39 na Artikulo ng Church of England at ipinadala sa mga Metodista sa Amerika. Ang Iglesia Metodista Episcopal sa pasimula pa lamang ay tinaglay na ang mga artikulong ito sa pagpapahayag ng ating pananampalataya.
1. Tungkol sa Pananampalataya sa Banal na Trinidad
Mayroong iisang buhay at tunay na Diyos, walang pinagmulan at walang katapusan, walang katawan o mga sangkap man, nagaangkin ng walang hanggang kapangyarihan, karunungan at kabutihan; ang lumikha at kumakalinga ng lahat ng mga bagay na nakikita at di nakikita. At sa pagkakaisa ng ka-Diyosang ito ay may tatlong persona, na nagtataglay ng iisang kalikasan, kapangyarihan at pagkawalang hanggan- ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo.
Referensya - Deut. 6:4; Jer. 10:10; Jn. 4:24; 1 Tim. 1:17
2. Tungkol sa Salita o Anak ng Diyos
Ang Anak, na siyang Salita ng Ama, ay tunay at walang hanggang Diyos, kaisa sa kalikasan ng Ama, ay naging tao sa sinapupunan ng pinagpalang Birhen; anupa't ang dalawang buo at ganap na kalikasan ng pagka-Diyos at pagkatao ay nagsama sa iisang persona na kailanman ay hindi mapaghihiwalay; kaya't may iisang Kristo, tunay na Diyos at tunay na tao, na tiyak na naghirap, napako sa krus, namatay at inilibing upang ipakilala ang Kanyang Ama sa atin at upang maging handog hindi lamang para sa katutubong kasalanan (original sin) kundi para din naman sa mga nagawang kasalanan (actual sin) ng tao.
Referensya: Juan 10:30 - “Ako at ang Ama ay iisa.” ; Juan 8:24; Filipos 2:6, Isias 9:6; Ang Alpha at Omega sa Pahayag 1:8 ay ang Diyos Ama, at siya rin ang Panginoong Jesus sa 1:18. Colosas 1.15-20; Si Jesus ay ang Alpa't Omega - Pahayag 22.12; Juan 10.30; sa Mateo 2.11 at 28.17 si Jesus ay sinamba, at walang pagbabawal na ipinapahayag ang Biblia tungkol dito. Col. 2:9; Jn. 14:9
3. Tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Kristo
Si Kristo ay tunay na nagbangon mula sa mga patay, at muling nanumbalik sa kanyang katawan, kasama ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa kasasakdalan ng kalikasan ng tao, na sa ganitong anyo siya ay umakyat sa langit at doo'y nakaluklok hanggang sa siya'y bumalik na muli upang hukuman ang lahat ng mga tao sa huling araw. Referensya - 1Cor.15.20; Mateo 28.7; Roma 8.34
4. Tungkol sa Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo na nagbuhat sa Ama at Anak ay kaisang kalikasan, karilagan at kalwalhatian ng Ama at ng Anak, tunay at walang hanggang Diyos.
Referensya- Luke 11.13; 2Cor. 3.17; Ang Espiritu Santo ay ang Espititu ni Jesus ang Anak, Gal.4.6; na siya ring Espiritu ng Ama -1Cor. 2.12
5. Tungkol sa Kasapatan ng Banal na Kasulatan Para sa Kaligtasan
Ang banal na Kasulatan ay naglalaman ng lahat ng mga bagay na kinakailangan para sa ikaliligtas, kaya't anumang hindi nababasa doon, o hindi napapatunayan sa pamamagitan nito ay hindi masasabi sa sinumang tao na isang bagay na dapat sampalatayanan, o isiping ituro na kailangan para sa kaligtasan. Sa tawag na kasulatan ang tinutukoy ay yaong mga aklat na pinasiyahang bumuo ng canon ng Matandang Tipan at Bagong Tipan, na ang kanilang kapangyarihan ay hindi kailan man pinag-alinlangan sa iglesia.
Referesnya: Jn. 5:39; Santiago 1:21
6. Tungkol sa Matandang Tipan
Ang Matandang Tipan ay hindi salungat sa Bagong Tipan, sapagkat maging sa Matandang Tipan at Bagong Tipan, ang walang hanggang buhay ay iniaalok sa sangkatauhan ni Kristo, na siyang tanging Tagapamagitan sa Diyos at tao, sapagkat siya'y Diyos at tao. Kaya nga hindi dapat pakinggan yaong nagsisipagsabing ang mga naunang ama (sa pananampalataya) ay nagsisipaghanap lamang ng mga pangakong pansamantala. Bagamat ang batas na ipinagkaloob ng Diyos kay Moises na tumutukoy sa mga seremonyas at mga ritual ay hindi para sa mga Kristiano, ni ang mga utos pampamahalaan nuon ay hindi kailangang tanggapin ng alinmang bansa, ganun man, walang Kristianong makapagsasabing siya ay labas sa pagtalima sa mga kautusang tinatawag na moral.
7. Tungkol sa Kasalanang Orihinal
Ang kasalanang orihinal ay hindi minana kay Adan, kundi yaon ang kahinaan ng kalikasan ng bawat tao, na katutubong likas ng mga anak ni Adan, na sa pamamagitan nito ang tao ay nalayo sa dating pagkamatuwid at napahilig ang sarili sa kasamaan at sa ganito ay nagpapatuloy.
Referensya: Romans 5:12; 19
8. Tungkol sa Malayang Kalooban (Of Free Will)
Ang kalagayan ng tao pagkatapos magkasala ni Adan ay gayon na lamang, na sa kaniyang sariling lakas at mga gawa ay hindi siya maaring manampalataya at tumawag sa Diyos; kaya nga wala tayong lakas upang gumawa ng mabuti na kalugodlugod at katanggap-tanggap sa Diyos, kung wala tayo sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-akay ni Kristo, upang tayo'y magkaroon ng mabuting kalooban.
9. Tungkol sa Pagiging Matuwid ng Tao (Of the Justification of Man)
Tayo ay kinikilalang matuwid sa harap ng Diyos alang-alang lamang sa ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng ating pananampalataya at hindi dahil sa sarili nating mga gawa o mga karapatan. Kaya nga ang paniniwala na tayo'y inaaring matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay isang makabuluhang aral at tunay na puspos ng kaligayahan.
Referensya- Efeso 2.8-9; Juan 3.16; Roma 3.28
10. Tungkol sa Mabuting Gawa
Bagamat ang mga mabubuting gawa, na mga bunga ng pananampalataya at kasunod ng pagkaaring matuwid ay hindi makapagaalis ng ating mga kasalanan at hindi makapipigil sa kabagsikan ng paghuhukom ng Diyos; gayun man, ang mga ito ay nakalulugod at katanggap-tanggap sa Diyos, kay Kristo at nagmumula sa isang tunay at buhay na pananampalataya, anupat sa pamamagitan nito, ang isang buhay na pananampalataya ay nakikilala, gaya ng pagkilala sa isang punong kahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga.
11.Tungkol sa Gawang Hindi na Kailangan (Supererogation)
Ang mga gawang kusang loob - tangi, higit at labis sa mga ipinaguutos ng Diyos - na tinatawag na mga gawang supererogation ay hindi maaring ituro ng walang pagmamataas at pagbabanalbanalan. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mga tao'y nagsasabing sila'y hindi gumagawa para sa kanyang sarili ng higit sa tungkuling kinakailangan; gayong maliwanag na sinasabi ni Kristo; kung nagawa na ninyo ang lahat ng ipinaguutos sa inyo ay sabihin ninyo, "Kami'y walang kabuluhang mga alipin."
12. Tungkol sa Kasalanan Pagkaraang Ariing Matuwid (Sin After Justification)
Hindi ang lahat ng kasalanang nagawa pagkaraan ng karanasan ng pagkaaring matuwid ay kasalanan laban sa Espiritu Santo, at hindi mapapatawad. Kaya nga, ang pagsisisi ay hindi dapat itanggi sa mga nahuhulog sa pagkakasala matapos makaranas ng kapatawaran. Pagtanggap natin sa Banal na Espiritu, tayo'y maaring mawalay sa biyayang tinanggap at mahulog muli sa kasalanan, subalit sa biyaya ng Diyos muling makababalik at magbago ng ating mga buhay.
At dahil dito, dapat ngang itakwil yaong mga nagsasabing sila'y hindi na mahuhulog sa kasalanan sa buong buhay nila sa lupa; o nagkakait naman ng kapatawaran sa mga tunay na nagsisisi.
13. Tungkol sa Iglesia
Ang nakikitang iglesia ni Kristo ay isang kalipunan ng mga taong tapat, at ipinapangaral ang dalisay na salita ng Diyos at ang mga sakramento ay tiyak na ginaganap alinsunod sa utos ni Kristo sangayon sa lahat mga bagay na kinakailangan.
Ang mga simbahan hindi nananampalataya sa pagka-diyos ng Panginoong Jesus at hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos ay hindi natin ibinibilang na sangay ng Kristianismo.
14. Tungkol sa Purgatoryo
Ang aral ng Iglesia Romana tungkol sa purgatoryo, pagpapatawad ng pari, pagsamba at pagluhod sa mga larawan, relikyas o sampu ng pananalangin sa mga santo, ay isang musmos na haka, kathang walang turing at hindi lamang walang saligan sa Kasulatan kundi labang laban sa Salita ng Diyos.
Referensya: Exodo 20:1-4
15. Tungkol sa Pagsasalita sa Kalipunan sa Wikang Nauunawaan ng Mga Tao
Isang bagay na labang laban sa Salita ng Diyos ang nakaugalian ng unang iglesia (Iglesia Romana) ang manalangin ng hayagan sa loob ng iglesia o kaya'y gumanap ng sakramento sa wikang hindi nauunawaan ng mga tao (e.g.Latin).
Ang artikulong ito ay sinulat ng mga Protestant Reformers at bumanggit sa 1 Cor. 14.2,19 upang patunayan na hindi wasto ang manalangin, mangaral, o gumanap ng sakramento sa salitang hindi naiintindihan ng mga tao (Hal. Latin). Ang sabi ni Origen, isa sa mga matanda ng unang iglesia noong 202 A.D. Ang taga Grecia ay nagdarasal sa salitang Griego, ang mga Romano sa wikang Romano, bawat isa sa kanyang sarilng wika." Ang pananampalataya ay walang kahulugan kung ito'y hindi maisasalin sa buhay, wika at damdamin ng mga tao.
16. Tungkol sa Sakramento
Ang sakramentong iniutos ni Kristo ay hindi lamang mga sagisag ng pananampalataya ng mga Kristiano kundi tanda rin naman ng mga tiyak na biyaya at ng mabuting kalooban ng Diyos sa atin, na sa pamamagitan nito, siya'y gumagawang hindi nakikita sa atin at hindi lamang nagbibigay buhay, kundi nagpapalakas din at nagpapatibay sa ating pananampalataya sa kanya.
17. Tungkol sa Bautismo
Ang bautismo ay hindi lamang pagsaysay ng pananampalataya at tatak na dapat pagkakilanlan ng mga Kristiano sa mga hindi nabautismohan, kundi ito rin naman ay tanda ng kapanganakang muli. Ang bautismo sa maliliit na bata ay pasimula sa ebanghelio at mananatili sa iglesia.
18. Tungkol sa Hapunan ng Panginoon
Ang Hapunan ng Panginoon ay hindi lamang tanda ng pag-ibig na dapat masumpungan sa mga Kristiano kundi ito'y isang sakramento ng pagkatubos sa atin sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo; ano pa't sa kanilang mga matuwid, may karapatan sila sa pamamagitan ng pananampalataya na tumanggap nito. Ang pagtanggap natin ng tinapay ay pakikibahagi sa katawan ni Kristo at gayon din ang saro ng pagpapala ay isang pakikibahagi sa dugo ni Kristo.
Ang turo sa transustansiyasyon o ang pagbabagong likas ng tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon (upang maging literal na katawan ni Kristo) ay walang katotohanan at walang batayan sa Banal na Kasulatan, malinaw na sumisira ito sa tunay na kahulugan ng Banal na Komunyon, at nagbibigay pagkakataon para sa maraming haka-haka. Ang katawan ni Kristo ay ipinagkakaloob, tinatanggap, at kinakain sa Hapunan, tanging sa paraang makalangit at espiritual. At ang tanging paraan sa pagtanggap sa katawan ni Kristo at pagkain nito sa Hapunan ay sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Sakramento ng Banal na Hapunan ay hindi iniutos ni Kristo upang sambahin.
19. Tungkol sa Dalawang Bahagi (Ang Saro at Tinapay)
Ang saro ng Panginoon ay hindi dapat ipagkait sa mga layko o mga kaanib; sapagkat ang dalawang bahagi ng Hapunan ng Panginoon, sa utos ni Kristo ay dapat na ipagkaloob sa lahat ng Kristiano.
20. Tungkol sa Isang Hain ni Kristo na Ginanap sa Krus
Ang handog ni Kristo, na minsang ginawa, ay siya lamang ganap na katubusan, hain at kabayaran para sa lahat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan maging katutubo (original sin) o ginagawa man (actual sin); at wala ng iba pang makapagpapa-tawad sa kasalanan maliban doon. Kaya nga, ang paghahain ng mga misa, na dito'y sinasabing iniaalay na muli ng pari si Kristo para sa mga buhay at patay, upang maalis ang sakit o pagkakasala ay isang gawang pamumusong at pandarayang mapanganib.
21. Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Ministro
Ang mga ministro ni Kristo ay hindi inaatasan sa kautusan ng Diyos na ipangako ang hindi pag-aasawa; kaya nga matuwid sa kanila, gaya ng lahat ng Kristiano na mag-asawa ayon sa kanilang minamagaling, na ang gayon ay lalong makatulong sa kanila tungo sa kabanalan.
22. Tungkol sa mga Ritual at Seremonya ng mga Iglesia
Hindi karapat-dapat na ang mga ritual at seremonyas ay magkakatulad sa lahat ng mga lugar, sapagkat ang ito'y tunay namang magkakaiba at nagbabago ayon sa pagkakaiba ng mga bansa, panahon, at kaugalian ng mga tao, basta't hindi ito salungat sa Salita ng Diyos. Sinuman, ayon sa kanyang sariling palagay, ay magnanais at sadyang lalabag sa mga ritual at seremonya ng iglesia na kanyang kinabibilangan, at salungat sa Salita ng Diyos, kung ang mga ito'y itinatag at pinapatupad ng mga namumuno sa iglesia, ay kailangang ituwid ng lantaran, upang ang iba ay tumakot na tumulad sa kanya, sapagkat ang mga ganito ay makagugulo sa kaayusan ng iglesia at maaring makatisod sa mga mahihinang kapatid.
Ang bawat iglesia ay maaring gumawa, bumago at magalis ng mga ritual at seremonya, upang ang lahat ng bagay ay magkaroon ng kaayusan.
23. Tungkol sa Tungkulin ng mga Kristiano sa Pamahalaan
Tungkulin ng lahat ng Kristiano, lalong lalo na ng mga ministro na igalang at sumunod sa mga batas at sa mga utos ng mga namamahala at pinakamataas na kapangyarihan sa kanilang bayan, kung saan sila ay mga mamamayan, o kaya'y kanilang tinatahanan; at gawin ang lahat upang makatulong at makasunod sa mga may kapangyarihan.
24. Tungkol sa Ari-arian ng mga Kristiano
Ang kayamanan at mga ari-arian ng mga Kristiano ay hindi kanila, maging sa karapatan, titulo at pagkamay-ari, gaya ng maling pagmamalaki ng ilan. Gayon man, ang bawat tao ay nararapat, sa mga bagay na kanyang tinatangkilik ay magbigay ng sagana sa paglilimos sa mga dukha, ayon sa kanyang kakayahan.
25. Tungkol sa Panunumpa ng Isang Kristiano
Kung paanong tayo'y naniniwala na ang walang kabuluhan ang bigla-biglang panunumpa, ay ipinagbabawal sa mga Kristiano ng ating Panginoong Jesu-Kristo at ni Santiago na kanyang apostol, ganun pa man sinasabi natin na hindi ipinagbabawal ng pananampalatayang Kristiano ang pagsumpa sa harap ng husgado sa ngalan ng katapatan at pag-ibig, alinsunod sa mga turo ng mga propeta para sa katarungan, wastong paghatol at katotohanan.
Tungkol sa Pagiging Banal (On Sanctification)
Ang pagiging banal ay tumutukoy sa pagbabagong ginagawa ng Banal na Espiritu na paglisan natin mula sa pagkahulog natin sa kasalanan, tinatanggap ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, sa kanyang dugong tumubos, luminis sa lahat ng ating kasalanan; na hindi lamang nagligtas sa atin mula sa kasalanan kundi pa naman luminis sa lahat ng ating karumihan, nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kasalanan at nagbigay sa atin ng lakas, sa pamamagitan ng biyaya, upang ibigin natin ang Diyos ng buong puso at upang tayo ay ganap na makasunod sa kanyang mga utos.
Ang artikulong ito ay paraan ng pagbibigay diin sa doktrinang Sanctification o Pagpapakabanal. Tinatawag itong Pangalawang Kaloob (Second grace) dahil ang kaligtasan ay hindi lamang pagkamit ng minsanang kapatawaran (Justification) kundi nagpapatuloy ito sa walang humpay na pagkilos ng Diyos sa buhay ng mga naligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento