Huwebes, Agosto 27, 2015

GENERAL RULES OF METHODISM - Tagalog

Pangkalahatang  Patakaran
Sa Pagiging Kaanib


(Ang artikulong ito ay sinulat ni John Wesley bilang gabay sa mga nagnanais maging kaanib ng iglesia at kung paano nila patutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos ayon sa paraan ng kanilang pamumuhay.)

Iisa ang hinihiling sa bawat nagnanais na maging kaanib ng kapulungan - ang tapat na pagnanais na makatakas sa kapahamakang darating, ang maligtas mula sa kasalanan.   Subalit habang ito ay nagaganap sa kanyang kalooban, ito ay dapat ding mapatunayan sa kanyang mga gawa. Inaasahan kung gayon sa bawat kaanib na patuloy siyang magpakita ng katibayan na siya ay nagnanais na maligtas:

Una, sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang uri ng kasamaan, lalo na ang kasalanang madalas makaugalian, tulad ng paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, ang hindi pangingilin sa araw ng Panginoon, maging sa paggawa ng karaniwang trabaho o pangangalakal. Paglalasing, pagbili o pagbebenta ng mga nakakalasing na inumin. Pagbili o pagbebenta ng mga bagay na hindi binayaran ang buwis (puslit na kalakal at piracy). Pagpapautang na may labis na patubo. Paguusap na walang kapakinabangan tulad ng pagbibiro na nakakasakit sa damdamin at nakakapagpababa ng moral ng tao, ang pagwiwika ng laban sa kapwa, lalo na sa mga ministro o namumuno sa iglesia. Ang paggawa ng mga bagay na ayaw mangyari sa sarili, paggawa ng mga bagay na hindi nakapagbibigay lugod sa Panginoon, tulad ng labis na pagsusuot ng alahas. Paglilibang na hindi maaring iugnay sa pangalan ng Panginoong Jesus (tulad ng sugal). Pag-awit o pagbasa ng mga aklat na hindi naglalaman ng katuruan ukol sa Diyos at pag-ibig sa Panginoon; kalayawan, pagiipon ng kayamanan sa lupa; paghiram o pangungutang na hindi nagbabayad.

Inaasahan sa lahat na nagpapatuloy bilang kaanib na siya ay magpakita ng katibayan ng kanyang tapat na pagnanais na maligtas;

Pangalawa, sa paggawa ng lahat ng uri na kabutihan, maging mahabagin sa abot ng kanyang makakaya; sa tuwing may pagkakataon, gumawa ng mabuti sa kapwa para sa pangangailangan ng kanyang lupang katawan, sa pamamagitan ng pagbibigay pagkain sa nagugutom, pagbibigay ng damit sa walang kasuotan, pagbisita, pagtulong sa mga maysakit o sa mga nasa kulungan. Ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos upang manghikayat ng ibang tao para sa kapakinabangan ng kanilang kaluluwa. Ang tapakan ang turo ng Diablo  na: hindi dapat gawin ang isang bagay na mabuti kung hindi ito nadarama. Paggawa ng mabuti lalo na sa mga kasama sa iglesia, kung maari sila ang unang tatawagan kung kailangan ang mga manggagawa; mamili sa kapwa kaanib at makipagtulungan sa kanila sa hanapbuhay. Kung mahal ng mundo ang kanya, mas lalo nating dapat mahalin ang ating kapwa Kristiano.

Mamuhay ng buong ingat at pagsusumikap upang ang Salita ng Diyos ay hindi mapintasan, sa pamamagitan ng matiyagang pagtakbo sa labanan ng buhay.  Kalimutan ang sarili, at pasanin ang krus sa araw-araw. Magbata kasama ng Panginoon, maging sa panlalait ng sanlibutan na nagturing na si Jesus ay masama at asahan na paratangan siya ng ibat-ibang kasamaan dahil sa Panginoon.

Inaasahan sa lahat na nagpapatuloy bilang kaanib na siya ay magpakita ng katibayan ng kanyang tapat na pagnanais na maligtas;

Pangatlo, sa tapat na pagdalo sa mga gawain para sa Panginoon. Tulad ng hayagang pagsamba; ang pagpapahayag ng Salita maging sa pagbasa nito o pagpapaliwanag; ang pagkuha ng bahagi sa Banal na Komunyon; gumawa ng pampamilya o pansariling pananalangin, pag-aaral sa Biblia at pagaayuno. Ito ang patakaran ng ating iglesia; na itinuturo ng Diyos maging sa kanyang Salita, na siyang tanging batas sa buhay at pananampalataya. Alam natin na ang lahat ng ito ay isinulat ng Espiritu sa puso ng bawat naligtas.

Kung mayroon sa atin na hindi susunod at palagiang nilalabag ang mga ito, ipinapa-alala sa nagiingat ng kaluluwang ito na may pananagutan siya. Papayuhan siya sa kanyang pagkakamali at bibigyan siya ng pagkakataon, subalit kung hindi siya magsisisi, wala na siyang lugar sa ating kapulungan.

2 komento:

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...