Batayan Mula sa Biblia: Malakias 3:10, Levitico 27:30-34
Ang Prinsipyo ng Pag-iikapu Mula sa Old Testament
Ang pag-iikapu ay turo mula sa Lumang Tipan, ito ay pagkakaloob sa Diyos ng handog na 10% mula sa kinikita ng mga Israelita sa templo (Leviticus 27:30; Numbers 18:26; Deuteronomy 14:24; 2 Chronicles 31:5). Utos ito ng Diyos para mapunan ang pangangailangan ng templo at tulong sa nangangailangan.
Pag-iikapu sa Bagong Tipan
Apat na beses lamang binabanggit ang pag-iikapu sa Bagong Tipan (Luke 18:12, Matt. 23:23; Heb. 7:1-10 at Luke 11:42). Mababasa natin na binabatikos ng Panginoon ang gawain ng mga Pariseo, dahil mas binibigyan nila ang pagpapahalaga ang ikapu at naisasantabi nila ang hustisya, habag at katapatan. Sa Hebreo 7:1-10, binabanggit naman ang ginawang pag-iikapu ni Abraham. Maliban dito, wala ng pagbanggit tungkol sa pag-iikapu sa Bagong Tipan.
Ang prinsipyo ng pag-iikapu sa Lumang Tipan ay pagbibigay sa Diyos ng pasasalamat at hindi dahil ito ay requirement lamang. Ang prinsipyong ito ay may lugar pa rin sa Bagong Tipan.
Ang Ating Pagkakaloob
Una, tandaan na ang pag-ibig sa Diyos ay dapat maging pangunahin sa ating buhay. Sabi ng Panginoon sa Mateo 6:21, "Where your treasure is, there your heart will be also.” Isa pa, ang salapi ay mapanganib kapag pinapanginoon (Lucas 16:13). Ang salapi ay dapat magamit sa paglilingkod sa Diyos (Lucas 18:22). Ang prinsipyo ng pagkakaloob ay hindi batas kundi kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos na nagpapala sa ating buhay.
Pangalawa, tulad ng pananaw sa Lumang Tipan, may pangangailangan din sa simbahan sa ating panahon. Tulad ng tungkulin ng iglesia sa mga manggagawa (Lucas 10:7; 1Corinto 9:7). Ang gastusin sa ministeryo ng pagtulong sa mahihirap (2Cor. 9:11) at ang pag-sasaayos ng simbahan (Ageo 1:14).
Ang usapin ng pagkakaloob ay dapat suriin ng bawat Kristiano kung paano natin mapapalago ang ating mga gawain at misyon para sa Diyos, upang hindi mapabayaan ang mga simbahan ng Diyos, at mapanatili ang kaayusan at kagandahan ng mga ito. Isang malaking hamon sa iglesia ang tumulong sa mga nahihirapan at nagugutom. Tandaan na ang pagpapakain sa mga nagugutom, pulubi, mga balo at mga ulila ay ministeryo ng iglesia na nangangailangan ng regular na pagkakaloob ng mga mananampalataya.
Saganang Pagkakaloob
Sa Lucas 12:33, inuutusan tayo ng Diyos na mag-impok sa langit. Ang isang halimbawang pinuri ng Panginoon sa saganang pagkakaloob ay ang pagbibigay ng balo sa Lucas 21:4. Gayun din ang pagpuri ni Pablo sa mga taga-Macedonia sa pagkakaloob nila ng tulong sa Jerusalem ng “higit pa sa kanilang kaya” (2 Cor. 8:3). Ang pagkakaloob ng sagana ay katibayan ng ating pagmamahal sa Diyos. Maipapahayag natin ang pag-ibig na ito sa ating pagkakaloob ng ikapu.
Paano Mag-ikapu?
Ang ating iglesia ay nagmumungkahi na gamitin natin ang sistema ng tithing, hindi bilang batas kundi bilang kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos at suporta sa mga gawain ng iglesia. May mga mungkahing paraan para gawin ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Kung hindi mo pa tinanggap si Jesus bilang iyong Tagapagligtas, unahin mo ang muna ang mga bagay na nais ipagkaloob sa iyo ng Panginoon. Nais ng Panginoon na patawarin ka sa lahat ng iyong mga kasalanan, nais ka niyang maligtas at gawing anak niya. Maari mong tanggapin ang kaloob na ito sa pamamagitan ng panalanging may pananalig kay Cristo Jesus na tumubos sa iyong mga kasalanan.
2. Bilang tunay na mananampalataya, maging tapat ka nawa sa pagkakaloob ng iyong ikapu sa ating iglesia. Hindi man ito requirement sa Bagong Tipan, requirement pa rin ito ng Lumang Tipan at kailangan pa rin ng iglesia ang kaloob ng mga tao para sa Panginoon.
3. Kung hindi mo pa nasusubukan ang hamon ng Diyos
tungkol sa ikapu ayon sa Malakias 3:10, bakit hindi mo subukan ang Diyos sa loob ng 90days? Magkaloob ka ng ikapu sa loob ng tatlong buwan. Ibigay mo ang 10% ng iyong kinikita sa ating iglesia at pagmasdan kung tunay ngang pagpapalain ka ng Diyos. Kung hindi, huwag kang magpatuloy.
4. Kung kayo ay mag-asawa, pag-usapan ninyo kung paano kayo magkakaloob ng inyong ikapu sa iglesia. Gumawa ng record para sa inyong finances. Ayusin ang inyong budget at gamitin ang payong ito sa paggastos. Sweldo (100%) - tithes (10%) - savings (10%+) = 80% Budget sa Paggastos.
5. Kung hindi ka pa sigurado kung 10% net income o gross income ang iyong ipagkakaloob, idalangin mo sa Panginoon ang iyong desisyon. Maaring subukan mo muna ang iyong tithing base sa iyong net income, at pagmasdan kung paano ka pagpapalin ng Diyos ayon sa kanyang Salita.
6. Turuan ang mga bata na magkaloob sa Panginoon. Maari itong manggaling sa kanilang mga allowances, regalong tinatanggap, o extrang pera mula sa magulang.
7. Aralin ang takbo ng finances sa loob ng tahanan. Pagmasdan kung paano dumadaloy ang mga pagpapala ayon sa mga pangako ng Diyos. Hilingin na pagpalain ng Panginoon ang iyong sambahayan upang lalo tayong makatulong sa mga gawain ng iglesia.
Nakadepende ang pananalapi ng iglesia sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng mga kaloob ng mga taong nagmamahal sa Panginoon. Hindi man sapilitan ang ikapu, maganda pa rin itong batayan ng pagkakaloob sa simbahan upang magkaroon ng sapat na gastusin para sa pangangailangan ng iglesia, sa paglago, at ng sa gayun, lalawig ang gawain ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento