Miyerkules, Marso 6, 2024

Pamagat ng Sermon: Babala ng Kasalanan at Pananampalatayang Nakapagliligtas.

 

Pamagat ng Sermon: Babala at Pananampalataya. Numbers 21:4-9    Psalm 107:1-3, 17-22    Ephesians 2:1-10    John 3:14-21, FOURTH SUNDAY IN LENT, Year B, March 10, 2024

 Kapag ang nanay o tatay ay nagpakita ng pamalo, at sinabi niya, “Nakikita mo ito anak?” Ang tanong ay nagiging malinaw na babala.Balikan natin sandali ang kwento.  Nanghimagsik ang mga Israelita sa Diyos at kay Moises.

Noong una, sila ay nagrereklamo lamang.  “Bakit walang tubig? Bakit walang karne?”

 Ngayon, sila ay nag rebelde na. Nagsalita na sila ng laban sa Diyos!

 Subukan nating unawain ang damdamin ng mga Israelita.  Sila ay hinarang ng mga taga-Edom. Sa halip na lumaban, umiwas sila.  Kaya napilitan silang umikot sa Kanlurang bahagi ng Edom, na lubhang malayo. Dahil dito, nanghimagsik sila sa Diyos.

 “Bakit inalis mo kami sa Egypt, para mamatay? Walang pagkain! Walang inumin! Sawang-sawa na kami sa pagkaing ito!” Sawa na sila ng kaka-kain ng manna. Ayon sa pag-aaral, ang manna ay lasang wafer, na manamis-namis. Masarap siguro. Pero kung araw-araw na ito ang pagkain mo, sa loob ng isa, dalawang buwan, tatlong buwan?…ewan ko kung hindi ka magsasawa.

 Ang problema, hindi lang sila nagrereklamo.

Nawalan na sila ng respeto sa Diyos.  Nanghimagsik na sila sa Diyos.

 Bilang parusa, maraming ahas ang ipinadala ng Diyos.  Marami ang nakagat ng ahas at namatay.

Nakiusap ang mga Israelita kay Moises upang iligtas sila ng Diyos.  Nagpagawa ng isang tansong ahas ang Panginoon, upang ang sinumang tumingin dito ay gagaling at hindi mamamatay.

 

A. Ang tansong Ahas ay Babala

 Ang tansong ahas ay hindi nakapagliligtas. Diyos lamang ang nakapagliligtas.  Walang kapangyarihan ang ahas na tanso. Ngunit ano ang kahulugan nito?

 a. Una ang ahas ay simbolo ng Diablo. Gen 3.

b. Isa pa, ang ahas ay simbolo ng kaaway ng Diyos na dapat wasakin, Isaias 21:1

c. mayroon pa, ang salitang ahas sa Hebreo ay tumutukoy kay Lucifer, ang angel ng liwanag, na nanghimagsik sa Diyos. Ang Diablo may ay nagkukunwaring angel ng kaliwanagan.  (2 Cor. 11:14).

 Kung ang ahas pala ay simbolo ng kaaway, bakit tansong ahas ang ipinagawa ng Diyos kay Moises?

Kaya po tansong ahas ang pinagawa ng Diyos;

 a. ito ay upang ipakita ng Diyos na ang mga Israelita ay nagrebelde sa Diyos, ugaling ahas, tulad ni Lucifer.

b. Sila ay inutusang tumingin sa tansong ahas. Ang salitang “tumitig” dito ay nangangahulugan ng “tumitig na may pang-unawa”.

 Noong bata po ako, ako po ay medyo pilyo. Kapag sinabi ng tatay ko, “Nakikita mo ba ang sinturon na ito?” Titingin lang po ako sa sinturon, at alam ko na at agad kong nauunawaan ang ibig niyang sabihin.

 Sa pagtitig nila sa tansong ahas, kailangan nilang unawain, kung ano ang kahihinatnan nila sa patuloy na panghihimagsik laban sa Diyos.  Sila ay mapapahamak sa bagsik ng sariling kasalanan – o ang panghihimagsik sa Diyos ay lason sa sarili!  Na kapag lumalaban ka sa Diyos, nilalason mo lamang ang iyong sariling buhay!

 c. Ang “realization” o pagkamulat na ito ay daan upang maunawaan ng mga Israelita ang bigat ng kanilang pagkakamali. Sabi sa Efeso 2:1, “Patay kayo dahil sa inyong pagsalansang.” 

 Ang interpretation po tungkol sa pagtitig sa ahas na tanso, ay hindi po ito nagpapagaling. Wala pong kapangyarihan ang ahas na tanso.  Ang ahas ay ginawa upang maging paalala o babala. Na kapag nagpatuloy ka sa panghihimagsik sa Diyos – matutulad ka lamang sa ahas. Ngunit kung tititig sila dito na may pagsisisi.  Kung tititig sila sa ahas na may unawa sa kanilang kamalian.  Kung tititig sila dito na may pananalig sa kahabagan ng Diyos-sila ay gagaling.

 Ang totoo, ang tansong ahas na ito ay itinago ng mga Israelita, at bandang huli, ito ay sinamba nila.  Sa panahon ni Haring Hazekiah, ito ay winasak ng Hari (2 Kings 18:4).

 B. Ngayon po, sa ating Gospel Reading, nabasa natin ang pagkukumpara sa itinaas na ahas na tanso at ang Panginoong Jesus.

 Ano ba ang pagkaka-iba?

 1. Ang ahas na tanso ay warning, o babala na ang bayad ng kasalanan ay kamatayan. Alam po ninyo, ang Diablo ay magaling na manlinlang. At marami ang naniniwala na ang mga maliliit na kasalanan ay hindi nakamamatay.  “Maliit lang iyan. Hindi ka maano diyan. Hindi seryoso iyan.”

 May kwento sa isang magsasaka.  Siya ay nakagat ng isang maliit na ahas.  Pinagpag niya ang kamay, at sabi niya sa sarili, “Hmmm, maliit lang.  Wala ito.” At nagpatuloy lang siya sa pagtatanim.  Parang wala lang. Pagkatapos ng ilang minuto, ang magsasaka ay nakaramdam ng pandidilim ng paningin.  At bigla siyang nawalan ng malay. Kumalat na pala ang lason sa kanyang katawan.

Sabi sa Awit 107:17, “Some were sick through their sinful ways, and because of their iniquities endured affliction;”. 

 Ang kasalanan ay nagbubunga ng pahirap.

Ang kasalanan ay may katumbas na parusa.

Ang bayad ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23).

 Ang pagtitig sa ahas ay paalala sa bagsik ng kasalanan na magbubunga ng kamatayan. 

Kailangan ang pagsisi upang patawarin tayo ng Diyos.  Sa Diyos tayo manalig, hindi sa ahas.

 

2. Ang Anak ng Diyos ay itataas din.

 Ngunit ang tititig kay Jesus, ang mananalig kay Jesus ay maliligtas.

May malaking pinagkaiba ang dalawa. 

 Kapag tumitig ka sa tansong ahas, dapat kang matakot sa parusa ng iyong kasalanan.

You will see your sin and your condemnation!

Kapag tumitig ka sa pagkapako ng Panginoong Jesus, at sumampalataya ka, patatawarin ka sa iyong mga kasalanan!

Looking at the cross of Jesus, you will find love and salvation!

 ·         Efeso 2:4

“Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. 5Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob.”

 Sa isang retreat, gumawa ng malaking krus ang pastor.  At sabi niya, isulat ninyo sa papel ang inyong mga kasalanan.  Pagkatapos ay ipako ang papel sa krus. Manalangin kayo at magsisi.  Umasa kayo na patatawarin ka ng Diyos. Isang kabataan ang dumalo na may maraming nagawang kasalanan.  Hindi niya ipinako sa krus ang kanyang papel. Tinanong siya ng pastor kung bakit. Sabi ng kabataan, “Hindi ako makapaniwala na ganoon lang kadali na patawarin ako ng Diyos. Ang dami kong kasalanan.”

 Wika pastor, “Anak, hindi madali ito para sa Diyos.” Binasa ng pastor ang Isaias 53:6, “Siya ng tumanggap ng parusa na tayo ang dapat tumanggap.”

 Sabi pa ng pastor, “Tumingin ka sa krus. Unawain mo kung gaano ka kamahal ng Diyos.”

Umiiyak na ipinako ng kabataan ang listahan ng kanyang kasalanan sa krus. Humingi siya ng tawad at siya ay naligtas.

 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

 

 

 

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...