Lunes, Hunyo 29, 2015

Sermon - 6th Comandment

Huwag kang Papatay

Marahil ang utos na ito ang pinakamadalas pagtalunan sa mga Sampung Utos at maging sa mga batas sa kasalukuyan.  May kaugnayan ito sa usapin ng abortion, death penalty, animal killings, at sa euthanasia (pagkitil ng isang taong humihinga pa sa tulong ng mga aparatong medikal ngunit patay na ang utak).  Ang utos na ito ay madaling unawain, ngunit masalimuot.

Huwag kang papatay!

Ang mga hindi sakop ng utos na ito,

1. Hindi bawal ang pagkatay ng hayop upang gawing pagkain ng tao. Ayon sa Genesis 9:3;

“Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin.”

2. Hindi pinagbabawal ang capital punishment lalo sa Lumang Tipan dahil sa utos na ito.  Dahil ayon sa Leviticus 24:17,

"Ang sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din.”

Sa interpretasyon ng iba, ang prinsipyo nito ay may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga pamahalaan ng batas para sa kaayusan  at hustisya sa lipunan.  Sabi ng iba, “Kung ang krimen katulad ng pagpatay ay walang parusang kamatayan, ang pamayanan ay magkakagulo.”

3. Hindi rin oinagbabawal ng utos na ito ang pagsasanay ng mga sundalo para sa digmaan. Naghahanda ang mga bansa ng pwersang militar upagn hindi sila sakupin ng ibang bansa, at sa ganitong paraan naipagtatanggol nila ang sariling kasarinlan.

Ano ang halaga ng utos  na ito kung gayon?  Tayong Pilipino ay nakakaranas ng pagpatay araw-araw ayon sa balita.  Mga patayan, aksidente, holdapan at awayan.  Sa totoo lang, parang manhid na tayo sa ganitong mga usapin.  Ano nga ba ang mensahe ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng utos na ito?

Mahalaga ang buhay para sa Diyos.  Ito ay banal na kaloob ng Diyos.  higit sa ibang bagay, kalooban ng Diyos na bigyan natin ng pagpapahalaga ang buhay ng tao.

Ano ang tamang pagsunod sa utos na ito ng Diyos?

1.  Kasalanan ang magpakamatay.  Ang Diyos ang may karapatang kumitil ng buhay.  Gaano man kahirap ang kalagayan ng isang tao sa buhay, wala siyang karapatang kitlin ang sarili.  Sabi sa Job 14:5,

“Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw, at bilang na rin ang kanyang mga buwan, nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.”
Gaano man kahirap ang karanasan ng tao, ang pagpapatiwakal ay hindi solusyon. Mahal tayo ng Diyos at nakahanda siyang palagi upang tumugon sa oras ng ating suliranin.

2. Ang abortion ay pagpatay.  Ayon sa panuntunan ng United Methodist Church, ang abortion ay maari lamang kung nanganganib ang ina at sanggol sa loob ng tiyan.  Kung iisa lamang sa kanila ang maaring iligtas, karaniwang mas pipiliin ng pamilya ang kaligtasan ng ina.

Sa ibang bansa, ang mga sanggol na bunga ng rape o incest (rape sa loob ng pamilya), ay maaring dumaan ng abortion procedures.  At sa ganitong sitwasyon, ang ina ang pinapipili kung bubuhayin o aalisin sa kanyang sinapupunan ang fetus.

Ang mga bata ay regalong mula sa Diyos.  Ang bawat buhay ay mahalaga.  Ang mga bata ay pinapanganak sa  pamamagitan nating mga magulang.  Hindi sila  galing sa atin, dumadaan lamang sila sa atin mula sa Diyos.

May karapatan ang bawat bata na maipanganak, dahil ang Diyos ang nagbigay buhay sa kanila.  Ang mga babae na pinagsamantalahan ay dapat unawain  dahil sa hirap na kanilang pinagdadaanan.  Gayunman, ang abortion para sa iba ay hindi pa rin dagliang solusyon sa ganitong  uri ng problema.

Ang anumang uri ng pagpaslang ay dapat iwasan, lalo ang digmaan.  Ang pwersang militar, ay  dapat gamiting panghuling alternatibo o “last resort”.  At hindi rin mabuti  kung magyabang ang isang malaking bansa dahil sa lakas ng kanilang armas sa pakikidigma, upang sakupin ang mga maliliit at mas mahirap na gobyerno.

Ang utos ng Diyos ay huwag tayong papatay.  Ito ay utos upang igalang natin ang buhay ng ating kapwa ng sarili.  Huwag tayong gagawa ng anumang hakbang upang sirain ito.  Ang tungkulin ng iglesia ay ang akayin ang mga tao tungo s pangako ng Panginoong Jesus na nagwika, “ Dumating ako upang bigyan ko kayo ng buhay.”

Mga Tanong:

1. Ano ang palagay mo tungkol sa euthanasia o mercy killing?  Bilang Kristiano, ano sa palagay mo ang dapat nating maging paninindigan sa usaping ito?

2. Bawal ang abortion sa Pilipinas, ngunit madalas labagin ito ng marami.  Ano ang opinyon mo sa usaping ito?  Ano pa ang alam mong ayon sa batas at sa Biblia ang tungkol dito?
   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...