Miyerkules, Pebrero 14, 2018

Pag-ibig

Luke 10:25-28
Ang mga utos ng Panginoong Diyos ay sakop ng iisang kahulugan, ang pag-ibig. Ang Diyos ay pag-ibig - ito ang katangian ng Diyos (1 Juan 4:8). Ito ang utos ng Diyos dahil nais ng Panginoon na maging katulad natin siya. Bilang mga anak ng Diyos, nararapat lamang na siya ay ating tularan at sundin.
1. Pag-ibig sa Diyos
Ang pag-ibig sa Diyos ay isang ganap na pag-ibig ng tao para sa kanyang Lumikha. Hindi tayo maaring maging perfecto, ngunit ang ating pag-ibig sa Diyos ay maaring maging ganap (Mateo 5:48).
"Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal."
Sinasabi ni John Wesley na ito ang nais ng Diyos tungkol sa pagiging sakdal o perfecto sa kabanalan. Sa ating puso, maari tayong maging tunay na umiibig sa Diyos.
a. ang pag-ibig na ito ay higit sa ating pag-ibig sa sarili at sa kapwa. Ito ang pinaka-mataas na uri ng pag-ibig na dapat nasa atin (Luke 14:26). Kailangan itong humigit sa pagmamahal sa sarili at kapwa tao.
b. ang pag-ibig sa Diyos ay napapatunayan sa pamamagitan ng ating pagbibigay priority sa mga bagay ukol sa Diyos. Ang unahin ang Panginoon sa ating oras, at yaman. Huwag ibibigay sa Diyos yung tira-tira lamang.
2. Pag-ibig sa sarili
Ang pagmamahal sa sarili ay hindi masama. Nagiging masama ito kapag higit ang pagmamahal natin sa sarili kaysa sa Diyos. Ang pagmamahal sa sarili ay napapatunayan sa;
a. Pagmamahal sa ating katawang pisikal.
Ang pag-ibig sa sarili ay kailangan dahil ang ating buhay ay iisa. Ang ating katawan ay maaring magkasakit, kaya dapat itong ingatan. Ang pag-abuso sa katawan sa pamamagitan ng mga bisyo ay kawalan ng pagmamahal sa sarili.
b. Pagmamahal sa ating emotional na buhay.
Dapat nating ingatan ang ating damdamin at hindi ito dapat abusuhin. Ingatan na huwag manatiling negatibo ang kalagayang emosyonal ng ating kalooban.
c. Pagmamahal sa ating buhay Espiritual.
Dapat bigyang pansin ng bawat tao ang kanyang buhay espiritual. Ito ay tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos na ating sinasanay sa mga gawain sa iglesia at pananampalataya.
3. Pag-ibig sa Kapwa
Kung paanong minamahal natin ang ating sarili, gayun din dapat ang ating pagmamahal sa kapwa (gaya ng ating sarili).
a. huwag pahigitin ang pagmamahal sa sarili kaysa kapwa (gaya dapat). Tulad ng sabi ng Panginoon, “Gawin mo sa kapwa ang nais mong gawin nila sa iyo.” Kapantay natin ang ating kapwa.
b. Huwag din naman mahalin ang kapwa ng higit sa sarili.
c. Mahalin kahit ang mga kaaway (Mateo 5:44)
Ang ating Patotoong Kristiano
Ang ating pagpapakita ng tunay na pagmamahal sa mg akapwa Kristiano ay ang ating testimony sa ibang hindi kasapi ng ating iglesia.
Juan 13:14, “Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa.”
Sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos ay magiging ganap tayo.

Biyernes, Hunyo 9, 2017

Trinity Sunday 2017

LINGGO NG SANTA TRINIDAD
June 11, 2017 •  2 Corinthians 13:11-13  •  Mateo 28:19

Layunin: Upang maunawaan kung ano ang mga persona o pagpapahayag ng iisang Diyos bilang Ama, Anak at Espiritu Santo ayon sa Biblia at pagtunghay sa kasaysayan at tradisyong Kristiano.

Aralin:  Ang Tatlong Persona ng Diyos

Ang Trinity ay madalas pinagtatalunan, mula noon hangga ngayon.  May mga Kristiano na nagtuturo na iisa lamang ang persona ng Diyos, sila ay tinatawag na Unitarians.  May mga hindi kumikilala sa pagka-diyos ni Jesu-Cristo.

Pag-araalan natin ang sinasabi ng Biblia.

Ang Diyos ay iisa.

Mababasa sa maraming talata sa Biblia na iisa lamang ang Diyos. Halimbawa, sa Isaias 44:6,
“Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin.
Ang Diyos ay walang katulad.  Siya ay nag-iisa ayon sa Deut. 6:4,
“Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.”
Tulad din ng nasasaad sa Juan 17:3, “ Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo.”
Ang doktrina ng paniniwala sa iisang Diyos ay tinatawag na monotheismo (mono - sa  Latin, ibig sabihin ay isa).  May tatlong relihiyon na nagpapahayag nito, ang Kristianismo, mga Judio at ang Islam.  Ngunit Kristianismo lamang ang nagsasabing may Tatlong Persona ang iisang Diyos.

Ang Trinity - o Tatlong Persona ng Diyos

Ang Diyos ay may isang sangkap ng pagka-diyos (English essence, Greek ousia)) subalit may tatlong pagpapakilala o persona (hypostasis sa Griego).  Bilang Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang pahayag ng Biblia na angAma ay Diyos, si Jesus ay Diyos at ang Espiritu ay Diyos, siyang ang pangunahing batayan ng Trinity. Dahil ang Ama, Espiritu at Anak ay isang Diyos ngunit magka-iba ng persona.
Maingat itong inaral at binalangkas ng iglesia sa Nicaea.  Ang Nicene Creed ay sinulat noong taong 325, sa pagpupulong ng mga Obispo ng iglesia sa pangunguna ni Alexander, upang salungatin ang turo ni Arius, na nagsabing ang Ama at Anak ay hindi pantay sa pagka-Diyos. 

May mga talata na bumabanggit sa Trinity, halimbawa;

a. Mateo 28:19, binabanggit ang tatlong persona ng isang Diyos.
b. 2 Cor. 1:21-22
c. Efeso 4:4-6

Patuloy nating aralin natin ito ayon sa Biblia;

1.  Ang Diyos ay tinawag ni Jesus na Ama.

a.  Juan 14:16,

“Dadalangin ako sa Ama, upang kayo’y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman.”

b. Mateo 6:9, 

Ganito kayo mananalangin,”Ama naming nasa langit,sambahin nawa ang iyong pangalan.”

Ang Diyos ay Ama, dahil siya ang Lumikha, at ang lahat ng buhay ay sa kanya  nanggaling.  Ito ay malinaw sa Biblia at sa balangkas ng Pananampalatayang Nicea (Nicene Creed),
“Sumasampalataya ako sa iisang Diyos, ang Amang makapangyarihan, Lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita.” (I believe in one God, the Father Almighty, Maker of heaven and earth, and of all things visible and invisible.)

2. Ang Anak ay Diyos.

Dito madalas sumalungat ang mga bulaang relihiyon na nagsasabing hindi raw Diyos si Cristo Jesus, dahil ayon daw sa Juan 17:3, ang Diyos ay iisa, at si Jesus ay ang sinugo ng Diyos. Ang sinugo at Diyos ay mag-kaiba. Ngunit ano pa nga ba ang sinasabi ng Biblia?

a. Colosas 1:15, “Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita.” at sa Col. 1:19, “Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak.”

b. Juan 8:24 at 28.
24kaya sinabi ko sa inyong mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y Ako Nga’, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.”

v28Kaya’t sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako’y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi,

Ang pangalang :Ako ay Ako Nga” ay pangalan ng Diyos ayon sa Exodo 3:v14Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga.b Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’.”

Ito ang dahilan kung bakit nasabi ng mga Judio na nagpapanggap na Diyos si Jesus,

“33Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama’t tao ka lamang.”

c. Malinaw na sinasabi ng biblia na dapat sambahin si Jesus.

Samantalang walang dapat sambahin kundi ang Diyos lamang. ayon sa Exodo 20:3.

Pangalawa, hindi binabahagi ng Diyos sa iba ang kanyang karangalan. Mababasa ito sa Isaias 42:8,

“Ako si Yahweh; ‘yan ang aking pangalan; walang makakaangkin ng aking karangalan; ang papuri’y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.”

Samantala, malinaw na sinasabi sa Filipos 2:10, v10Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.”

d. Paano naging Diyos si Cristo, samantalang siya ay tao?

Patuloy pa ng Filipos 2:10, “Kahit siya’y likas at tunay na Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. vSa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin.”

Ayon pa sa Juan 1:14, “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.”

Malinaw na si Jesus ay ang persona ng Diyos, na nagkatawang tao. Sinasabi pa ng Panginoong Jesus tungkol sa kanyang sarili,

 • Juan 10:30, “Ako at ang Ama ay iisa.” 

 • Juan 1:18, “Kailanma’y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama”.

•  Juan 14:9, “Sumagot si Jesus, “Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo’y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’?

3. Ang Espiritu Santo ay Diyos

Ang pangatlong persona o ay ang Espiritu Santo.  Bago umakyat ang Panginoong Jesus sa langit pabalik sa Ama, nangako siya na susuguin niya ang Espiritu Santo.  Sino siya?

a.  Siya ang Espiritu ng Panginoong Jesus.  Ayon sa 2 Corinto 8:6, “Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan.”

b. Siya ang Espiritu ng Ama, at ng Anak ayon sa Roma 8:9,  ‘   ‘
“Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon.”

c. Siya ay walanghanggan (Heb. 9:14), nasa lahat ng dako (Awit 139:7-10), at sinasamba (Juan 4:24).

Iisang Diyos sa Tatlong Persona.  Siya ang tunay na Diyos na sinasamba at hinahandugan ng pagsamba at buhay.

Pangwakawas, mula sa 2Cor.14:13, “Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo.”

Ang Trinity ay katotohanan tungkol sa pagliligtas ng Diyos.

a. Upang maligtas tayo mula sa kasalanan, nakihalubilo ang Diyos sa kalagayan ng tao.  Siya ay naging "kasama natin".  Hindi nanatiling hiwalay ang Diyos sa tao.

b. Pangalawa, ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng sarili.  Sa simula, pinagkaloob ng Diyos ang kanyang hininga, upang ang tao ay magkaroon ng buhay.  Pangalawa, pinagkaloob ng Diyos ang kanyang buhay bilang Anak, para sa ating katubusan.  Pangatlo, ibinigay niya ang kanyang Espiritu, upang maging tatak ng ating kaligtasan. Purihin ang Diyos!


Biyernes, Hunyo 2, 2017

Pentecost Sunday 2017


Gospel Reading: John 14:8-17 (25-27)

May isang pastor na nadestino sa isang iglesia at salamat at may isang kotse ang iglesia na pinapagamit sa mga nakadestinong pastor dito. Ngunit ang kotse ay lubhang luma na at ayaw ng mag 'start'. Hirap ang pastor dahil tuwing pa-aandarin niya ang nasabing kotse, kailangan niya ang magtutulak dito.

Ngunit dahil matalino ang pastor, gumawa siya ng paraan. Tuwing mag-park siya o kaya'y titigil, naghahanap siya ng parking area na pababa, o kaya'y iniiwan niyang umaandar ang kotse. Ito ay ginawa niya sa loob ng dalawang taon sa destino, at hindi na niya naging problema ang pagpapaandar sa kotse.

Dumating ang Annual Conference at nalipat ang nakadestinong pastor. Para hindi mahirapan ang kanyang kapalit, sinabi niya sa dumating na pastor ang problema ng kotse at ang 'madaling solusyon' niya para hindi na maging problema ang pagpapaandar.

Agad-agad, ang bagong pastor ay nagpunta sa harapan ng kotse at binuksan niya ang 'hood'. At may ikinabit siyang isang natanggal na kordon sa kuryente ng kotse. Pagkatapos ng ilang sandali, sumakay sa kotse ang bagong pastor at pinaandar niya ang kotse at--umaandar ito ng maayos. Mula noon, hindi na kailangang itulak ang kotse.

Sa loob ng dalawang taon, naroon lang pala ang lakas ng kotse upang umandar ito ng maayos. Tulad ng iglesia, ang 'power' source nito ay maayos. Hindi pala ito kailangang itulak dahil mayroon itong sapat na lakas upang umandar! Maari itong umandar ng maayos, dahil ang lakas at kapangyarihan ng iglesia ay nasa Banal na Espiritu na laging nandiyan lamang.

Ang Pentecostes

Ang Araw na ito ay pagdiriwang natin ng pagdating ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya. Hindi lamang sa mga naunang mananampalatya kundi pati sa mga mananampalataya sa kasalukuyan at sa mga papalit sa atin.

Ano ang Pentecoste?

Ang Pentecoste ay dating pinagdiriwang ng Judio bilang isang 'harvest' festival (Exodus 23:16 o kaya ay Day of the First Fruits   (Hebrew, Yom ha-Bikkurim, mababasa sa Numbers 28:26). Ngunit noong ipinagkaloob ng Diyos ang mga Kautusan kay Moises at sa Israel, ang pagdiriwang ay naging tungkol na sa bagong pakikipagtipan ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga Kautusan sa Bundok Sinai. Ito rin ay tinatawag na festival of Weeks.

At ayon sa mga Judio, maging sa ating panahon (modern Jewish Encyclopedia), naniniwala ang mga Judio na noong ibigay ng Diyos kay Moises ang mga Kautusan, ito ay kasabay ng pagkakaloob ng Espiritu ng Diyos at ipinagkaloob ito hindi lamang sa isang wika (language) kundi sa pamamagitan ng pitumpung wika (70 languages)!

1. Ang Pentecostes ay Katuparan ng Pangako ng Diyos

Ibig sabihin mga kapatid, ang pagdating ng Banal na Espiritu sa mga tagasunod ng Panginoong Jesus ay katuparan ng Lumang Tipan mula pa sa panahon ni Moises. At kung paanong binigyan ng kapangyarihan ang mga Judio noong una upang sakupin ang Lupang Pangako, binibigyan din ng Panginoon ng kapangyarihan ang mga Kristiano upang ipahayag ang Mabuting Balita sa iba't ibang wika!

Mga kapatid, ang dating Diyos ng mga Judio, ang tunay na Diyos na mula pa noong una na nagkakaloob ng tunay na kapangyarihan sa mga mananampalataya ay siya pa ring Diyos na magpapalakas sa atin. Amen po ba?!

Ayon sa ating binasa, sa Juan 14:8-17, 25-27, ang pangakong ito ng Panginoong Jesus ay nagpapatunay ng dating pangako ng Diyos, at ito ay magkakaroon ng katuparan sa ating mga Kristiano sa ating panahon.

2. Ang Pentecostes ay Pagkakaloob ng Kapangyarihang Mula sa Diyos

Ang mga unang alagad ay dumaan sa mga nakakasindak na karanasan. Ang bagsik ng pagpaparusa sa krus na nagbubunga ng tiyak na kamatayan ay ang pangunahin sa mga kinatakutan ng mga unang Kristiano. Sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus, binigyan ang mga alagad ng kapayapaan. Sa kanilang kalungkutan, pinagkalooban sila ng Panginoon ng kalagakan.
Ngunit bago umakyat ng langit ang Panginoon, inutusan sila na "gawing alagad ng Panginoong Jesus ang lahat ng tao'. Kabilang sa kanilang mimisyunan ang mga pumapatay ng mga Kristiano. At hindi natin masisisi ang mga alagad kung babalik ulit yung takot na dati nilang naranasan sa pagpaparusa ng kanilang kapwa Judio at ng mga Romano.

Maging sa panahon natin, maraming Kristiano ang walang 'confidence to share', walang 'confidence to preach'. Marami ang mayroong kakayanan at talento, pero wala silang lakas loob na gawin ang kaya nilang gawin, kaya wala silang nagagawa.

Upang magawa nila ang misyon na ito, kailangan nila ang kapangyarihan na mula sa itaas. Pakinggan po ninyo ang paliwanang ni Apostol Pablo tungkol sa kapangyarihang ito sa Efeso 1:18-20,

"Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon 20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan."

Ang kapangyarihan ding ito na nagpalakas sa unang iglesia ang ating kalakasan sa ating panahon. Mapagtatagumpayan po natin ang anumang balakid. Mapagtatagumpayan po natin anumang pagsubok. Dahil kasama natin ang Espiritu ng ating Panginoon.

3. Ang Pentecostes ay Panahon ng Pag-aani at Panahon ng Pagsakop

Walang nagbago mula pa sa Lumang Tipan. Ang Pentecoste ay hudyat ng Diyos sa ating mga Kristiano na handa na ang pag-aani. Kaya nga sabi ng Panginoon, marami ang aaniin ngunit kaunti ang mag-aani. Ito ay hudyat upang magdiwang dahil marami ang bunga, ngunit hudyat din ito upang kumilos tayo para hindi masira ang mga naghihintay na bunga! Mga kaluluwang naghihintay sa pagliligtas ng Diyos!

Hudyat ito ng pagsakop ng Panginoong Jesus sa puso ng mga tao. Sabi ng Panginoon, "All the power is given upon me!" Gawin nating alagad ni Cristo ang lahat ng tao. Pero sinasabi natin, "Hindi natin makakaya!" Totoo po iyon, hindi natin makakaya sa ganang ating kakayanan. Hindi natin ito magagawa gamit ang ating sariling talino. Ngunit kasama natin ang Diyos!

Sa pangunguna ng Banal na Espiritu, may lakas po tayo upang mabago natin ang sanlibutan. We can transform the world, if the Holy Spirit is truly with us.

Si Colin Chapman ay may kwento sa kanyang aklat na "The Case for Christianity", tungkol kay Obispo Festo Kivengere, ng Uganda. Nangyari ito noong 1973, ng parusahan ng kamatayan ang tatlong miembro ng kanyang nasasakupang distrito.

Ang petsa ay February 10, 1973, sa Kabale, Uganda. May tatlong libong mamamayan na nakasaksi sa pangyayari. Takot ang bumabalot sa damdamin ng mga tao. Ibinaba sa sasakyan ang tatlong miembro ng simbahan, sila ay hinatulan ng kamatayan. Nakiusap ang obispo na kung maari niyang makausap ang tatlong Kristiano na itinuring na salarin.

Sa harapan ng mga biktima, hindi halos malaman ng obispo ang sasabihin. Awang-awa siya sa kanyang mga miembro. Ngunit ng alisin ang takip nila sa ulo, naladtad ang mga ngiti ng tatlong lalaking haharap sa kamatayan. At nagsalita ang isa sa kanila,

"Obispo, salamat po sa pagdating ninyo, ibinigay ko na po sa Panginoon ang aking buhay. Pkisabi sa aking pamilya na makikita ko na si Jesus. Pakisabi sa kanila na tanggapin din nila si Jesus sa kanilang buhay."

Ang gayun din ang patotoo ng dalawa pa.

Pinatay pagkatapos ang tatlo sa pamamagitan ng pagbaril.

Susunod na Linggo sa pananambahan, isinalaysay ng pari ang patotoo ng tatlong pinaslang. Umagos ang luha sa mga mata ng mga nagsisimba. Lahat ay nagbukas ng puso para sa Panginoon. Nakaramdam ng tagumpay ang Obispo. Hindi takot, hindi pagluluksa---tagumpay dahil kasama nila ang Diyos sa oras na iyon. Purihin ang Diyos! Amen! 

Miyerkules, Enero 11, 2017

On Our Christian Commitments Luke 14:25-33



Sa ating panahon ang nais ng maraming tao ay buhay na walang commitments. Ayaw na sa pangako ng marami sa ngayon.

Kaya may kwento tungkol sa isang ikakasal na ayaw gumawa ng "vows". Sa oras ng counselling kinausap ng lalaki ang pastor ng sekreto. "Rev, pwede bang sa aming kasal, alisin ninyo yung bahagi na, "Ikaw lalaki, nangangako ka ba na hindi ka na titingin sa ibang babae? Nangangako ka ba na sa hirap o ginhawa, mananatili kang tapat sa iyong asawa?"

"Pastor, ayaw kong mangako. Eto ang 5 thousand pesos, ikasal ninyo kami, pero wala aking "promises" na gagawin." Tahimik na tinanggap ng pastor ang pera.

Sa kasal, nagsimula ang ritual. Sabi ng pastor, "Ikaw lalaki, nangangako ka ba na hindi ka na titingin sa ibang babae? Nangangako ka ba na ang babaeng ito ang tanging iyong pakamamahalin, sa hirap man o ginhawa, sa tuwa man o kalungkutan, sa sakit o karamdaman, hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan?" Napalunok ang lalaki, at kahit masama ang loob, nagsabi siya ng mapait na "OPO!"

Pagkatapos ng kasal, kinausap ng lalaki ang pastor. "Pastor, bakit hindi ka yata tumupad sa usapan?"

Ibinalik ng pastor ang pera at sabi ng pastor, "MAS MALAKI ANG HALAGANG IBINIGAY NG MISIS MO!" Ha! Ha! Ha!

Marami ang ayaw sa mga pangako, commitments at sa mga vows. Marami na ngayon ang gusto sa relasyon na walang kasamang pangako. Kapag gusto pa, nagsasama. Kapag ayaw na, eh di hiwalay! Kahit sa church ganyan din ngayon, ang nais ng marami, membership without commitment!

Mahilig na kasi sa disposable ang mga tao ngayon. Disposable plate, disposable spoon and fork, disposable wife & husband, at DISPOSABLE CHURCH! Kapag gusto sa isang church, a-attend. Kapag ayaw na sa isang church, papalitan! Marami nga namang churches kahit saan. Kahit ang Panginoon ngayon, ginagawa na ring disposable! Kapag gustong manalangin, nananalangin, kapag ayaw, e di ayaw! Kapag gustong magsimba, nagsisimba - kapag ayaw...e di ayaw na. Naglilingkod - depende sa "mood".

Ang hinahanap ng mga tao ngayon at kung saan masaya. Kaya ayaw na sa mga pangako, at ayaw na nilang magtalaga ng sarili sa mga habangbuhay na relasyon. Nawawala na ang mga habangbuhay na relasyon pati sa pamilya, sa simbahan, at nakakalungkot - pati sa Diyos.

Habang-buhay na Pagkatalaga

Ang relasyon sa Diyos ay may kaakibat na pangako. Ang imbitasyon ng Panginoon ay panghabangbuhay na kaugnayan. Hindi po tayo maaring maging Kristiano kung hindi tayo papasok sa panghabangbuhay na relasyon sa Diyos. Ito ay panghabangbuhay na paglilingkod bilang tagasunod ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ating mga Pagtatalaga sa Diyos

1. Commitment to Put God First
Ayon sa talatang 26 "Whoever comes to me and does not hate father and mother, wife and children, brothers and sisters, yes, and even life itself, cannot be my disciple.”

Tinatawagan po tayo ng Panginoon na unahin Siya, bago ang anupamang bagay. Maging ang ating pamilya o ang sarili. Above any relationship, unahin po natin ang Diyos. Kung hindi natin ito ipapangako at kung hindi natin ito gagawin, hindi po tayo magiging alagad ni Cristo.

Ayaw ng Panginoon na magkaroon siya ng karibal sa ating buhay.
Ayaw ng Panginoon na nahuhuli siya sa ating buhay.

Italaga natin ang ating sarili sa Diyos. Mangako tayo na pakamamahalin natin ang Panginoon. Sa ganitong paraan lamang tayo magiging totoong Kristiano mga kapatid. Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating buong pagmamahal, buong puso, buong isp, buong lakas at buong kaluluwa.

2. A Commitment to the Cross
14:27 Whoever does not carry the cross and follow me cannot be my disciple.

May mga nagnanais sumunod sa Panginoon, ngunit ayaw nilang magpasan ng krus. Kaya maraming simbahan ang nagiging mahina. Kapag may responsibilidad na sa simbahan, marami ang nagsisi-alisan.

Marami ang gumagamit sa krus ngayon bilang palamuti. Krus na kwintas sa leeg. Krus na borloloy, dekorasyon lamang ito ngayon. Ngunit, magiging totoo lamang tayong Kristiano - magiging alagad lamang tayo ni Cristo kung papasanin po natin ang ating mga krus. Ang ating krus ay ang ating ministeryo. Mayroon na ba kayo nito? Ano ang ministeryo ninyo para sa Panginoon?

Ano po ba ang pangako ninyo sa Diyos? Nakatalaga po ba tayo sa Diyos upang gawin ang isang ministeryo sa iglesia. Naaalala ko ang Commitment Service na ating ginawa noong nakaraang ilang buwan. Nangako ang ating mga Choir, na aawit sila para sa Panginoon habang sila ay nabubuhay. Nangako ang mga Band members, at tayong lahat.

At pinapatibay ng ating mga pangako ang ating relasyon sa Panginoon. Ngunit anumang pagsira sa pangakong ito, ay susugat sa puso ng ating Diyos.

3. A Commitment to Finish What We Have Started

14:28 For which of you, intending to build a tower, does not first sit down and estimate the cost, to see whether he has enough to complete it? Otherwise, when he has laid a foundation and is not able to finish, all who see it will begin to ridicule him, saying, 'This fellow began to build and was not able to finish.'

Napansin ko sa ating iglesia, marami ang nagpapabautismo, pero, hindi naman nagpapatuloy sa pananampalataya.
Bato-bato sa langit, ang tamaan - buti nga!

Pero huwag po tayong magagalit, dahil ang sabi ng Panginoon, ang sinimulan natin, kailangan - tatapusin natin. Tayong mga Metodista, mahilig tayong nagsisimula ng bagay na hindi natin natatapos.

Kapag nakakakita tayo ng simbahang maganda, maayos, nakapintura at agad natatapos ang pagpapatayo - aminin natin - ito ay marahil, INC o kaya ay simbahan ng mga Mormons. May pagkilanlan sa mga ito.

Ngunit, biro ng isang kapatid natin, "Pastor agad ko ring nakikilala ang isang simbahang Metodista, na walang karatula!"

"Paano mo nalalamang ito ay simbahang Metodista?" tanong ko po. Sabi niya, "Kapag sinimulang itayo at nakatiwangwang ---hindi tapos - Methodist church po iyon!" Ngiii!!!

Upang maging tunay na alagad ni Cristo, kailangan po nating italaga ang ating sarili sa pagtapos sa anumang ating sinimulan.

Kayong mga nagsimula ng magsimba, sana mangako kayo na panghabangbuhay na po iyan.

Kayong mga nagsimula na sa family devotion sa inyong pamilya, mangako kayo, alang-alang sa kaligtasan ng inyong sambahayan, magpatuloy po kayo ay huwag titigil.

Kayong mga nagsimula na sa Small Group Ministries - magpatuloy po tayo at huwag titigil. Huwag kayong tutulad sa isang eroplano na mabilis pumaitaas sa himpapawid.    Nang nasa ere na - bigla itong tumigil. Bagsak. Patay ang mga nakasakay. Sayang!

Kayong mga magulang nagpapabautismo ng mga sanggol - huwag naman ninyong ibabalik sa simbahan ang inyong anak kapag ikakasal na. Nangako kayo sa Panginoon na tuturuan ninyo silang magsimba - Linggo-linggo.      

Nangako kayo na tuturuan ninyo silang manalangin at magbasa ng Biblia. Nagsimula na po ba kayo? - pero, ipangako ninyo - TAPUSIN NINYO ANG INYONG SINIMULAN.


4. A Commitment to Fully Surrender to God

14:31 Or what king, going out to wage war against another king, will not sit down first and consider whether he is able with ten thousand to oppose the one who comes against him with twenty thousand? If he cannot, then, while the other is still far away, he sends a delegation and asks for the terms of peace.

14:33 So therefore, none of you can become my disciple if you do not give up all your possessions.

Alam na ng haring ito na matatalo siya. Siya ay isang taong nag-iisip. Inaaral niya ang kanyang magiging kalagayan kung patuloy siyang lalaban sa kaaway, hindi siya magwawagi. Kaya susuko na lamang siya at nakikipagbati sa kalabang hari.

Magiging alagad lamang tayo ng Panginoong Jesus - KUNG ISUSUKO NATIN SA DIYOS ANG ATING BUHAY. Dahil kung patuloy tayong susuway sa Panginoon, hindi tayo magtatagumpay.

Naranasan na nating lahat ang magkasala. Naranasan na po natin ang sumuway sa Diyos. Dati - dahil sa ating kasalanan, tayo po ay naging kaaway ng Diyos. At ano nga ba ang ating naging pakinabang sa ating pagsuway sa Diyos? Wala, di po ba?

Bakit hindi mo lamang italaga ang iyong sarili at isuko ito sa Diyos?

Ang buhay na hindi isinuko sa Panginoon ay isang sayang na buhay.
Ang buhay na wala sa kamay ng Diyos ay isang ligaw na wasak na buhay. Tulad hari sa kwento, dapat tayong mag-isip. Ano ang mangyayari sa iyo kung magpapatuloy ka sa kasalanan? Ang kasalanan ay maaring magbibigay sa atin ng pansamantalang kaligayahan, ngunit hahantong ito sa walang hanggang kaparusahan.

Kung isusuko mo ang iyong buhay sa Diyos, ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan at buhay at buhay na walang hanggan. Kung gagawin mo ang pangakong ito, at sasabihin mo, "Isinusuko ko ang lahat sa iyo Panginoon. Ang aking mga kasalanan, ang aking mga kahinaan, ipaglilingkod ko sa iyo ang aking kalakasan, at ako ay nangangako na maglilingkod ako sa Iyo habang buhay."

Ikaw ay magiging tunay na alagad ni Cristo.
Mangako ka, uunahin mo ang Diyos bago ang sinuman.
Mangako ka, papasanin mo ang iyong krus at susunod ka sa Panginoon.
Mangako ka, tatapusin mo ang iyong sinimulan para sa Panginoon.

At mangako ka, na isusuko mo ang iyong buhay sa Diyos - at bilang isang alagad ni Cristo - ikaw ay magwawagi. AMEN.

Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Lectionary Sunday School - Pamumuhay sa Liwanag ng Diyos (Romans 13:11-14) Nov. 27, 2016



11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. 14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.

Gising Na!

Mayroon akong isang birong kwento.

Mayroong isang nanay na makulit na ginigising ang kanyang anak para magsimba. Ngunit nagtutulog-tulugan ang anak at ayaw tumayo. Lalong nangulit ang nanay, "Anak! Gising na! Umaga na at Linggo ngayon, magsimba ka!"

Sagot ng anak, "Ayokong magsimba 'nay!"

Lalong nagputak ang nanay, "Anak! Gumising ka. Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa iyo kung bakit kailangan kang magsimba?
Una, matanda ka na! FORTY YEARS OLD KA NA!
Pangalawa, IKAW ANG PASTOR NG KAPILYA!
GUMISING KA! PASTOR!"

Ang paggising na kinakailangan ngayon ay hindi lamang sa mga pastor, ito ay para sa lahat. Kailangan nating aminin na matagal na pagtulog ang ating ginawa bilang iglesia at bilang isang bansa. Ang pagtulog na tinutukoy ng Apostol Pablo ay tungkol sa kawalan ng pag-ibig sa kapwa (v. 8-10). At ang nagiging bunga ng kawalan ng pag-ibig ay pagsuway sa mga utos ng Diyos.

At kapag tayong mga Kristiano mismo ang sumusuway sa mga utos ng Diyos, ang ating liwanag ay natatakpan. Tuwing nangingibabaw ang kasalanan sa buhay ng mga mananampalataya, ang patotoo ng iglesia ay napupulaan. Dahil dito, nasisira ang impluensya ng iglesia upang mabago ang lipunan.

Gising! Tulog na Iglesia.

Maraming iglesia ang tulog dahil maimbing silang nakakulong sa loob ng apat na sulok ng simbahan. At dahil wala ng magawa ang mga nasa loob nito, ang mga miembro ay nag-aaaway away, habang ang pastor ay napipilitang magkamot na lang ng likod ng mga miembro, para hindi naman sila magtampo, at hindi rin siya paalisin sa destino. Walang gawain ng misyon, walang naitatatag na bagong iglesia, walang bagong miembro - at ang lahat ay nagsisisihan sa loob ng simbahan.

Maraming ginaganap na meetings - pero walang ministeryo ng ebanghelismo at paghayo sa labas ng simbahan.
Maraming pera ang hanap sa simbahan, ngunit ang kaligtasang espiritual ng mga tao ay nakakaligtaan.

Ito ay ang larawan ng isang simbahang tulog. Wala ng misyon, wala naring ambisyon na palaganapin ang kaharian ng Diyos sa mundo.

Kailangan na ang paggising dahil "panahon na" wika ng apostol sa ating aralin. At aralin natin kung bakit.

1. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon (v.11).

Sinasabi ng apsotol na kailangan nating unawain ang takbo ng panahon, dahil ang araw ng pagliligtas ay malapit na.

Pagkatapos nating tanggapin ang personal na kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus, hindi makakabuti kung mananatili tayo sa dating antas ng ating pagka-kristiano at walang paglago sa ating buhay espiritual. Sa Hebreo 6:1, sinasbi rin ang ganito,

"Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na."
Sa mga pagsulong ng mga panahon, kailangan natin ang pag-unlad sa pananampalataya dahil palapit na ang araw ng Panginoon.

2. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. (v. 12).

Ang bukang liwayway ay tanda ng pagdating ng paghahari ng Diyos. Isang masamang panaginip kung mapag-iiwanan ang iglesia sa pagkilos ng Diyos. Nakakatakot isipin, na habang nagliligtas ang Panginoon, ay may mga Kristiano pa rin na nakakapit sa kasalanan sa halip na gumagawa ng kabutihan. Ang tunay na pakikilahok sa iglesia ng Diyos ay may dalawang mahalagang sangkap;

a. Intentional at aktibong paglayo sa lahat ng masasamang gawain.

Kahit ang Biblia ay nagsasabing dapat sawayin (resist) ang Diablo. Ang bawat Kristiano ay dapat maging aktibo sa pakikibaka sa kasalanan. Ang kasalanan ay hindi aalisin kung iiwasan lamang, ito ay kailangang labanan.

b. Italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.

Ang talatang ito ay malinaw na tuntunin tulad ng payo ni John Wesley para sa mga Metodistang Kristiano. Hind papasa ang mga Krstianong walang aktibong pakikilahok sa gawain ng Diyos.
3. Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan (v. 13).

Ang sanlibutang ay nagsasabi na ang tagumpay ay nakakamit kapag malaya mo ng nagagawa ang lahat ng gusto mo. Ngunit ang Kristianong tagumpay ay kapag nagagawa na natin ang kalooban ng Diyos. Ang batayan ng ating tagumpay para sa Diyos ay nakasalalay sa ating paggamit ng ating buhay at lakas. Kung ginugugol natin ang ating oras sa mga "magulong pagsasaya, paglalasing, kalaswaan at kahalayan, alitan at inggitan" nangangahulugan lamang na hindi tayo aktibong namumuhay sa liwanag, kundi aktibong namumuhay sa kadiliman.

4. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman (v.14).

Ang pamumuhay sa liwanang ng Diyos ay nagpapatunay kung sino ang naghahari sa ating buhay. May dalawang maaring pagpilian kung sino ang ating susundin;

a. Susundin ba natin ang hilig ng ating laman?

Ito ay ang maluwang na daan ng buhay. Madali ang mamuhay sa tukso - ngunit ang kasunod nito ay pagdurusa. Masarap din ang mamuhay sa kasalanan - ngunit ang dulo nito ay parusang walang katapusan. Ayon sa Roma 8:7-8,

"Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos."

b. Magpapasakop ba tayo sa paghahari ng ating Panginoong Jesus?

Ito ang tamang pasya para sa mga nagnanais gumising sa katotohanan. Kailangan natin piliin ang Diyos at magsakop sa kanyang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus. Maging si Apostol Santiago ay malinaw na nagsabi (4:7-10)

" Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo."

Sabado, Nobyembre 19, 2016

Pagkilala sa Panginoong Jesus (Colossians 1:11-20) Sunday School - Nov. 20, 2016

Pagkilala sa Panginoong Jesus
Colossians 1:11-20

May kwento tungkol sa isang food distribution center sa mga nasalanta ng bagyo, habang nakapila ang marami upang humingi ng pagkain.

     Isang mama ang nasa huli ng pila. Malapit ng maubos ang relief goods. Alam ng lalaking ito na kailangan pa rin niyang pumila, dahil tatlong araw ng hindi kumakain ang kanyang pamilya. Nanatili pa rin siya sa pila, kahit nakikita niyang paubos na ang pinamimigay na relief goods.

    Hanggang nakarating sa isang binatang nasa harapan niya ang huling bag ng groceries. Ibig sabihin, wala siyang makukuhang pagkain para sa kanyang pamilya. Nanlumo ang lalaki sa sobrang lungkot. Nasa isa pang bayan kasi ang susunod na relief distribution center. Kailangan pa siyang maglakad ng limang kilometro para makarating sa pilahan doon.

     Ngunit, bigla - ibinigay ng binatang nauna ang kanyang stab sa lalaki. Nakipalit siya ng lugar sa mama sa kanyang likuran. Halos hindi makapaniwala ang lalaki sa ginawa ng binata. Inuna ng binata ang kanyang kapwa. Mas mahalaga para sa kanya ang kaligtasan ng iba, bago ang sarili.
Ganyan din ang ginawa ng Panginoong Jesus. Nakipalit siya ng lugar sa atin, upang tayo ay maligtas.

Ang Suliranin sa Colosas

Karaniwan sa mga sulat ni Pablo, tumutugon siya upang sagutin ang mga maling turo sa mga iglesia. Sa Colosas, may nagtuturo na ang Panginoong Jesus daw ay isa lamang sa mga pagpapakilala ng Diyos. Para sa kanila, marami ang kapahayagan (emanations) ng Diyos, at iba-iba ang pagpapakilala ng Diyos. Para sa kanila, marami o iba-iba ang daan patungo sa Diyos. Para kay Pablo, iisa lamang ang pagpapakilala ng Diyos - walang iba kundi ang Panginoong Jesus.

Sino Nga Ba si Jesus?

1. Siya ang ating Tagapagligtas at inilipat niya tayo (v. 13). Ang larawan dito ay isang mandirigma na nagligtas ng kanyang nasasakupan mula sa mga sumakop at inilipat ang mga bihag mula sa pagka-alipin pabalik sa kanilang bansa.

2. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. (v.15)
Isang katotohanan na malinaw sa Biblia ay ang pagka-diyos ni Cristo. Sinasabi ng iba na si Jesus daw ay "larawan lamang ng Diyos" at hindi siya ng Diyos mismo, ngunit pagdating sa verse 19, sinasabi po ang ganito, "Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak."
Sa Hebreo 1:8, tinawag na "Diyos" ng Ama ang Panginoong Jesus. Ayon sa Filipos 2:6, siya ay likas at tunay na Diyos. Ang Panginoong Jesus at ang Ama ay iisa (Juan 10:30).

3. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha.
Ang pagiging "panganay" ay tumutukoy sa kanyang kapangyarihan at importansya. Ito ay tungkol sa kanyang "supremacy". At dahil nauna siya sa lahat ng nilikha, hindi siya kabilang sa mga nilikha ng Diyos, ibig sabihin, siya mismo ang Diyos. Sa simula pa, naroon na si Jesus bilang Salita (Jn. 1:1).

4. Siya ang Lumikha. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya.

5. Siya ang Lumikha at nagpapanatili sa kaayusan ng lahat. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya.

6. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan.

Pinili ng Diyos na magsimula ulit ang pananampalataya sa kanya sa pamamagitan ng pagdating ng Panginoong Jesus dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay nagkatawang tao upang ang sinumang mananalig sa kanya ay maliligtas.

Ang lupon ng mga mananalig ay nagkakatipon bilang iglesia. Ngunit ang pinuno ng iglesia ay hindi tao, kundi si Cristo mismo. Ito ang dahilan kung bakit wala tayong "pope" bilang evangelical Christians, ang tungkuling ito ay sa Panginoong Jesus mismo at hidni ito dapat ibinibigay sa tao, bilang ulo ng iglesia.

Isa pa, tayong lahat na sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay bahagi gn iglesia. Walang denominasyon o sekta na dapat mag-angkin na sila lamang ang maliligtas. Tayong lahat ay bahagi lamang ng katawan ni Cristo Jesus na siyang ulo.

7. Siya ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat.
Sa plano ng Diyos na buhaying muli ang mga patay, ang katibayan ang muling pagkabuhay ng Panginoon mismo. Ipinapakita na ang Diyos ay hindi maaring hawakan ng kamatayan. Ang Diyos ang ma hawak sa kamatayan. At ang sinumang sasampalataya sa Panginoon ay magwawagi sa kamatayan.

8. Siya lamang ang daan upang makipagkasundo tayo sa Ama.
At sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus.(v. 20).

Para kay Pablo, wala ng iba pang kapahayagan ang Diyos kundi sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Malinaw din ito sa pahayag ng Panginoong Jesus, "Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko." - Juan 14:6

Linggo, Nobyembre 13, 2016

Bawal ang Tamad! (2 Thessalonians 3:6-13)

Bawal ang Tamad na Kristiano!
2 Thessalonians 3:6-13

"Bawal ang Tamad!" Ang katamaran ay parang sakit na kapag hindi nasugpo, ay nagiging malala. Ito ay parang mikrobyo sa katawan na maaring magdala ng sakit hanggang maging malubha. Kung masusugpo ito ng maaga, magiging mabuti ang bunga nito sa buong iglesia, ang katawan ng Panginoon.

Ang Ugat ng Problema

May mga alagad sa Tessalonica na pagkatapos nakapakinig ng mensahe ni Pablo tungkol sa muling pagdating ng Panginoong Jesus. Dahil dito, iniwan nila ang kanilang trabaho, tinigil nila ang mga gawain ng misyon, nanatili na lamang sila na walang ginagawa, at umasa na lamang na pakakainin sila ng iglesia.

Ang katamarang ito ay naging daan pa para sa paninira at maling turo na nauwi sa pagkabahala. Hindi lamang sila naging tamad kundi, naging masuwayin ang mga ito sa apostol. Ang mga taong ito ang nagkakalat ng maling turo na binabanggit sa 2 Tess. 2:2.

Maling Pagkaunawa (Misinterpretations) at Maling Gawa (Misapplication)

Ginawang dahilan ng mga taong ito ang sinabi ng mga apostol na darating ng muli ang Panginoong Jesus. Tulad ng ibana pilit hinuhulaan ang petsa ng muling pagdating ng Panginoon, ang mga taong ito na naging problema ni Pablo sa Tessalonica. Dahil mali ang kanilang pagkaunawa, iginigiit nila na hindi na kailangan ang trabaho.

Dahil mali ang kanilang pagkaunawa, nagbunga ito ng maling gawa. Sila ay naging batugan, at masuwayin. Wala silang inatupag kundi siraan ang iba, habang naniniwala na sila ay maliligtas pagdating ng paghuhukom.

Ang Ugat  ng Katamaran

Tulad ng isang bagay na hindi nagagamit, ang isip at katawan ng tao ay maaring kalawangin. Hanggang hirap na itong gamitin. May ilang dahilan kung bakit may mga taong nagiging tamad;

1. kawalan ng layunin sa buhay (lack of goal in life). Dahil wala silang inaasam na layunin, wala rin silang gustong gawin. Ang "goal" ng mga Kristiano ay gawing alagad ng Panginoong Jesus ang ibang tao, at hindi tama na naghihintay lang tayo sa muling pagdating ng Panginoon. Kabaligtaran naman nito ang masyadong marami ang gustong maabot sa buhay. May iba na walang "focus" sa dami ng gusto pero wala ring natatapos na trabaho.

“Sow a thought, reap an action; sow an action, reap a habit; sow a habit, reap a character; sow a character, reap a destiny.” (Stephen R. Covey, The 7 Habits of Highly Effective People)

2. kawalan ng disiplina at talino sa paggawa (lack of discipline and wisdom).

Maraming masisipag ang nabibigo dahil hindi nagbubunga ang kanilang pagsisikap. Ngunit minsan, ang dahilan ay ang kawalan nila ng disiplina. Ang kanilang paggawa ay sinisimulan at hindi natatapos.

May iba naman, hindi nila pinagbubuti ang kanilang ginagawa. Kuntento sila sa mababang kalidad ng trabaho kaya hindi sila umaasenso. Sabi sa Kawikaan 22:29, “Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.”

Mayroon din namang masipag ngunit kulang sa talino. Dahil dito, hindi nagiging mabunga ang paggawa dahil kulang sa paraan at kaalaman. Sabi nga sa Mangangaral 10:15, "Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya."

3. Kawalan ng pag-asa (lack of hope)
May mga tao rin na napapako sa maling paniniwala na "wala ring mangyayari sa kanilang buhay" kahit magsikap pa sila. Ang ganitong kawalang ng pag-asa ay nagiging sanhi ng katamaran.

May mga tao rin na tamad dahil nakaugalian na nila ang ganitong uri ng buhay at sanay na sila dito. Sabi nga ni Lao Tzu, "Watch your habit, it may become your character." Ang mga nakaugalian (habit) ay maaring maging pagkatao (character).

Pagtutuwid ni Pablo

1. Upang hindi maging tamad, huwag makisama sa mga taong tamad.
Sabi sa verse 6, "Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga itinuro namin sa inyo."

2. Tumulad sa mga taong matagumpay at masisipag. May halimbawa sa sarili si Pablo, para siya tularan ng iba:

a. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad.
b. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan.

3. Tuwiran niyang iniutos na, "Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho."

4. Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti.

Ugaling Kristiano ang Pagiging Masipag

Nais ng Diyos na tayo ay maging matagumpay. Ang tagumpay ay nakakamit sa tamang sangkap ng pangarap, disiplina, talino at sipag.

1. Pangarap - gawin mong malinaw ang iyong pangarap (goal in life). Hindi pa huli para mangarap. Si Sanders na nagsimula sa KFC Fried Chicken ay edad 60 ng simulan niya ang kanyang business.

2. Disiplina - Kung maari, lahat ng iyong ginagawa ay ituon mo sa katuparan ng iyong goal. Isang halimbawa dito ang tenor singer na si Pavarotti. Siya ay teacher at singer noong una, ngunit ang payo ng kanyang ama, ituon niya ang sarili sa pag-awit kung talagang nais niyang magtagumpay. At ganun nga ang kanyang ginawa, siya ay nagtagumpay.

3. Talino - ang pag-aaral ay walang katapusan. Kailangan tayong matuto hanggat kaya natin. Alamin ang mga paraan para maabot mo ang iyong goal. Mag-aral sa karanasan ng iba, makinig at makisalamuha sa mga matagumpay na tao.

4. Sipag - magbasa, mag-excercise, mag-aral ng mga bagong bagay at huwag pababayaang maging kalawangin ang isip at katawan. Manatiling produktibo at hangarin ang mataas na kalidad sa paggawa.

Maging Mabungang Kristiano

Nakikila tayo dahil sa ating bunga.  ito ang mga resulta ng ating paggawa dito sa mundo.  Si John Wesley ay may turo tungkol sa ating paggamit ng ating lakas at talino.

1. Work all you can, save all you can and give all you can.

2. Take care of your family needs and mind your own business.

3. Support the missions of your church. Be productive as an evangelist. Keep winning souls for Christ.

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...