Miyerkules, Enero 11, 2017

On Our Christian Commitments Luke 14:25-33



Sa ating panahon ang nais ng maraming tao ay buhay na walang commitments. Ayaw na sa pangako ng marami sa ngayon.

Kaya may kwento tungkol sa isang ikakasal na ayaw gumawa ng "vows". Sa oras ng counselling kinausap ng lalaki ang pastor ng sekreto. "Rev, pwede bang sa aming kasal, alisin ninyo yung bahagi na, "Ikaw lalaki, nangangako ka ba na hindi ka na titingin sa ibang babae? Nangangako ka ba na sa hirap o ginhawa, mananatili kang tapat sa iyong asawa?"

"Pastor, ayaw kong mangako. Eto ang 5 thousand pesos, ikasal ninyo kami, pero wala aking "promises" na gagawin." Tahimik na tinanggap ng pastor ang pera.

Sa kasal, nagsimula ang ritual. Sabi ng pastor, "Ikaw lalaki, nangangako ka ba na hindi ka na titingin sa ibang babae? Nangangako ka ba na ang babaeng ito ang tanging iyong pakamamahalin, sa hirap man o ginhawa, sa tuwa man o kalungkutan, sa sakit o karamdaman, hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan?" Napalunok ang lalaki, at kahit masama ang loob, nagsabi siya ng mapait na "OPO!"

Pagkatapos ng kasal, kinausap ng lalaki ang pastor. "Pastor, bakit hindi ka yata tumupad sa usapan?"

Ibinalik ng pastor ang pera at sabi ng pastor, "MAS MALAKI ANG HALAGANG IBINIGAY NG MISIS MO!" Ha! Ha! Ha!

Marami ang ayaw sa mga pangako, commitments at sa mga vows. Marami na ngayon ang gusto sa relasyon na walang kasamang pangako. Kapag gusto pa, nagsasama. Kapag ayaw na, eh di hiwalay! Kahit sa church ganyan din ngayon, ang nais ng marami, membership without commitment!

Mahilig na kasi sa disposable ang mga tao ngayon. Disposable plate, disposable spoon and fork, disposable wife & husband, at DISPOSABLE CHURCH! Kapag gusto sa isang church, a-attend. Kapag ayaw na sa isang church, papalitan! Marami nga namang churches kahit saan. Kahit ang Panginoon ngayon, ginagawa na ring disposable! Kapag gustong manalangin, nananalangin, kapag ayaw, e di ayaw! Kapag gustong magsimba, nagsisimba - kapag ayaw...e di ayaw na. Naglilingkod - depende sa "mood".

Ang hinahanap ng mga tao ngayon at kung saan masaya. Kaya ayaw na sa mga pangako, at ayaw na nilang magtalaga ng sarili sa mga habangbuhay na relasyon. Nawawala na ang mga habangbuhay na relasyon pati sa pamilya, sa simbahan, at nakakalungkot - pati sa Diyos.

Habang-buhay na Pagkatalaga

Ang relasyon sa Diyos ay may kaakibat na pangako. Ang imbitasyon ng Panginoon ay panghabangbuhay na kaugnayan. Hindi po tayo maaring maging Kristiano kung hindi tayo papasok sa panghabangbuhay na relasyon sa Diyos. Ito ay panghabangbuhay na paglilingkod bilang tagasunod ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ating mga Pagtatalaga sa Diyos

1. Commitment to Put God First
Ayon sa talatang 26 "Whoever comes to me and does not hate father and mother, wife and children, brothers and sisters, yes, and even life itself, cannot be my disciple.”

Tinatawagan po tayo ng Panginoon na unahin Siya, bago ang anupamang bagay. Maging ang ating pamilya o ang sarili. Above any relationship, unahin po natin ang Diyos. Kung hindi natin ito ipapangako at kung hindi natin ito gagawin, hindi po tayo magiging alagad ni Cristo.

Ayaw ng Panginoon na magkaroon siya ng karibal sa ating buhay.
Ayaw ng Panginoon na nahuhuli siya sa ating buhay.

Italaga natin ang ating sarili sa Diyos. Mangako tayo na pakamamahalin natin ang Panginoon. Sa ganitong paraan lamang tayo magiging totoong Kristiano mga kapatid. Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating buong pagmamahal, buong puso, buong isp, buong lakas at buong kaluluwa.

2. A Commitment to the Cross
14:27 Whoever does not carry the cross and follow me cannot be my disciple.

May mga nagnanais sumunod sa Panginoon, ngunit ayaw nilang magpasan ng krus. Kaya maraming simbahan ang nagiging mahina. Kapag may responsibilidad na sa simbahan, marami ang nagsisi-alisan.

Marami ang gumagamit sa krus ngayon bilang palamuti. Krus na kwintas sa leeg. Krus na borloloy, dekorasyon lamang ito ngayon. Ngunit, magiging totoo lamang tayong Kristiano - magiging alagad lamang tayo ni Cristo kung papasanin po natin ang ating mga krus. Ang ating krus ay ang ating ministeryo. Mayroon na ba kayo nito? Ano ang ministeryo ninyo para sa Panginoon?

Ano po ba ang pangako ninyo sa Diyos? Nakatalaga po ba tayo sa Diyos upang gawin ang isang ministeryo sa iglesia. Naaalala ko ang Commitment Service na ating ginawa noong nakaraang ilang buwan. Nangako ang ating mga Choir, na aawit sila para sa Panginoon habang sila ay nabubuhay. Nangako ang mga Band members, at tayong lahat.

At pinapatibay ng ating mga pangako ang ating relasyon sa Panginoon. Ngunit anumang pagsira sa pangakong ito, ay susugat sa puso ng ating Diyos.

3. A Commitment to Finish What We Have Started

14:28 For which of you, intending to build a tower, does not first sit down and estimate the cost, to see whether he has enough to complete it? Otherwise, when he has laid a foundation and is not able to finish, all who see it will begin to ridicule him, saying, 'This fellow began to build and was not able to finish.'

Napansin ko sa ating iglesia, marami ang nagpapabautismo, pero, hindi naman nagpapatuloy sa pananampalataya.
Bato-bato sa langit, ang tamaan - buti nga!

Pero huwag po tayong magagalit, dahil ang sabi ng Panginoon, ang sinimulan natin, kailangan - tatapusin natin. Tayong mga Metodista, mahilig tayong nagsisimula ng bagay na hindi natin natatapos.

Kapag nakakakita tayo ng simbahang maganda, maayos, nakapintura at agad natatapos ang pagpapatayo - aminin natin - ito ay marahil, INC o kaya ay simbahan ng mga Mormons. May pagkilanlan sa mga ito.

Ngunit, biro ng isang kapatid natin, "Pastor agad ko ring nakikilala ang isang simbahang Metodista, na walang karatula!"

"Paano mo nalalamang ito ay simbahang Metodista?" tanong ko po. Sabi niya, "Kapag sinimulang itayo at nakatiwangwang ---hindi tapos - Methodist church po iyon!" Ngiii!!!

Upang maging tunay na alagad ni Cristo, kailangan po nating italaga ang ating sarili sa pagtapos sa anumang ating sinimulan.

Kayong mga nagsimula ng magsimba, sana mangako kayo na panghabangbuhay na po iyan.

Kayong mga nagsimula na sa family devotion sa inyong pamilya, mangako kayo, alang-alang sa kaligtasan ng inyong sambahayan, magpatuloy po kayo ay huwag titigil.

Kayong mga nagsimula na sa Small Group Ministries - magpatuloy po tayo at huwag titigil. Huwag kayong tutulad sa isang eroplano na mabilis pumaitaas sa himpapawid.    Nang nasa ere na - bigla itong tumigil. Bagsak. Patay ang mga nakasakay. Sayang!

Kayong mga magulang nagpapabautismo ng mga sanggol - huwag naman ninyong ibabalik sa simbahan ang inyong anak kapag ikakasal na. Nangako kayo sa Panginoon na tuturuan ninyo silang magsimba - Linggo-linggo.      

Nangako kayo na tuturuan ninyo silang manalangin at magbasa ng Biblia. Nagsimula na po ba kayo? - pero, ipangako ninyo - TAPUSIN NINYO ANG INYONG SINIMULAN.


4. A Commitment to Fully Surrender to God

14:31 Or what king, going out to wage war against another king, will not sit down first and consider whether he is able with ten thousand to oppose the one who comes against him with twenty thousand? If he cannot, then, while the other is still far away, he sends a delegation and asks for the terms of peace.

14:33 So therefore, none of you can become my disciple if you do not give up all your possessions.

Alam na ng haring ito na matatalo siya. Siya ay isang taong nag-iisip. Inaaral niya ang kanyang magiging kalagayan kung patuloy siyang lalaban sa kaaway, hindi siya magwawagi. Kaya susuko na lamang siya at nakikipagbati sa kalabang hari.

Magiging alagad lamang tayo ng Panginoong Jesus - KUNG ISUSUKO NATIN SA DIYOS ANG ATING BUHAY. Dahil kung patuloy tayong susuway sa Panginoon, hindi tayo magtatagumpay.

Naranasan na nating lahat ang magkasala. Naranasan na po natin ang sumuway sa Diyos. Dati - dahil sa ating kasalanan, tayo po ay naging kaaway ng Diyos. At ano nga ba ang ating naging pakinabang sa ating pagsuway sa Diyos? Wala, di po ba?

Bakit hindi mo lamang italaga ang iyong sarili at isuko ito sa Diyos?

Ang buhay na hindi isinuko sa Panginoon ay isang sayang na buhay.
Ang buhay na wala sa kamay ng Diyos ay isang ligaw na wasak na buhay. Tulad hari sa kwento, dapat tayong mag-isip. Ano ang mangyayari sa iyo kung magpapatuloy ka sa kasalanan? Ang kasalanan ay maaring magbibigay sa atin ng pansamantalang kaligayahan, ngunit hahantong ito sa walang hanggang kaparusahan.

Kung isusuko mo ang iyong buhay sa Diyos, ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan at buhay at buhay na walang hanggan. Kung gagawin mo ang pangakong ito, at sasabihin mo, "Isinusuko ko ang lahat sa iyo Panginoon. Ang aking mga kasalanan, ang aking mga kahinaan, ipaglilingkod ko sa iyo ang aking kalakasan, at ako ay nangangako na maglilingkod ako sa Iyo habang buhay."

Ikaw ay magiging tunay na alagad ni Cristo.
Mangako ka, uunahin mo ang Diyos bago ang sinuman.
Mangako ka, papasanin mo ang iyong krus at susunod ka sa Panginoon.
Mangako ka, tatapusin mo ang iyong sinimulan para sa Panginoon.

At mangako ka, na isusuko mo ang iyong buhay sa Diyos - at bilang isang alagad ni Cristo - ikaw ay magwawagi. AMEN.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...