Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Lectionary Sunday School - Pamumuhay sa Liwanag ng Diyos (Romans 13:11-14) Nov. 27, 2016



11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. 14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.

Gising Na!

Mayroon akong isang birong kwento.

Mayroong isang nanay na makulit na ginigising ang kanyang anak para magsimba. Ngunit nagtutulog-tulugan ang anak at ayaw tumayo. Lalong nangulit ang nanay, "Anak! Gising na! Umaga na at Linggo ngayon, magsimba ka!"

Sagot ng anak, "Ayokong magsimba 'nay!"

Lalong nagputak ang nanay, "Anak! Gumising ka. Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa iyo kung bakit kailangan kang magsimba?
Una, matanda ka na! FORTY YEARS OLD KA NA!
Pangalawa, IKAW ANG PASTOR NG KAPILYA!
GUMISING KA! PASTOR!"

Ang paggising na kinakailangan ngayon ay hindi lamang sa mga pastor, ito ay para sa lahat. Kailangan nating aminin na matagal na pagtulog ang ating ginawa bilang iglesia at bilang isang bansa. Ang pagtulog na tinutukoy ng Apostol Pablo ay tungkol sa kawalan ng pag-ibig sa kapwa (v. 8-10). At ang nagiging bunga ng kawalan ng pag-ibig ay pagsuway sa mga utos ng Diyos.

At kapag tayong mga Kristiano mismo ang sumusuway sa mga utos ng Diyos, ang ating liwanag ay natatakpan. Tuwing nangingibabaw ang kasalanan sa buhay ng mga mananampalataya, ang patotoo ng iglesia ay napupulaan. Dahil dito, nasisira ang impluensya ng iglesia upang mabago ang lipunan.

Gising! Tulog na Iglesia.

Maraming iglesia ang tulog dahil maimbing silang nakakulong sa loob ng apat na sulok ng simbahan. At dahil wala ng magawa ang mga nasa loob nito, ang mga miembro ay nag-aaaway away, habang ang pastor ay napipilitang magkamot na lang ng likod ng mga miembro, para hindi naman sila magtampo, at hindi rin siya paalisin sa destino. Walang gawain ng misyon, walang naitatatag na bagong iglesia, walang bagong miembro - at ang lahat ay nagsisisihan sa loob ng simbahan.

Maraming ginaganap na meetings - pero walang ministeryo ng ebanghelismo at paghayo sa labas ng simbahan.
Maraming pera ang hanap sa simbahan, ngunit ang kaligtasang espiritual ng mga tao ay nakakaligtaan.

Ito ay ang larawan ng isang simbahang tulog. Wala ng misyon, wala naring ambisyon na palaganapin ang kaharian ng Diyos sa mundo.

Kailangan na ang paggising dahil "panahon na" wika ng apostol sa ating aralin. At aralin natin kung bakit.

1. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon (v.11).

Sinasabi ng apsotol na kailangan nating unawain ang takbo ng panahon, dahil ang araw ng pagliligtas ay malapit na.

Pagkatapos nating tanggapin ang personal na kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus, hindi makakabuti kung mananatili tayo sa dating antas ng ating pagka-kristiano at walang paglago sa ating buhay espiritual. Sa Hebreo 6:1, sinasbi rin ang ganito,

"Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na."
Sa mga pagsulong ng mga panahon, kailangan natin ang pag-unlad sa pananampalataya dahil palapit na ang araw ng Panginoon.

2. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. (v. 12).

Ang bukang liwayway ay tanda ng pagdating ng paghahari ng Diyos. Isang masamang panaginip kung mapag-iiwanan ang iglesia sa pagkilos ng Diyos. Nakakatakot isipin, na habang nagliligtas ang Panginoon, ay may mga Kristiano pa rin na nakakapit sa kasalanan sa halip na gumagawa ng kabutihan. Ang tunay na pakikilahok sa iglesia ng Diyos ay may dalawang mahalagang sangkap;

a. Intentional at aktibong paglayo sa lahat ng masasamang gawain.

Kahit ang Biblia ay nagsasabing dapat sawayin (resist) ang Diablo. Ang bawat Kristiano ay dapat maging aktibo sa pakikibaka sa kasalanan. Ang kasalanan ay hindi aalisin kung iiwasan lamang, ito ay kailangang labanan.

b. Italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.

Ang talatang ito ay malinaw na tuntunin tulad ng payo ni John Wesley para sa mga Metodistang Kristiano. Hind papasa ang mga Krstianong walang aktibong pakikilahok sa gawain ng Diyos.
3. Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan (v. 13).

Ang sanlibutang ay nagsasabi na ang tagumpay ay nakakamit kapag malaya mo ng nagagawa ang lahat ng gusto mo. Ngunit ang Kristianong tagumpay ay kapag nagagawa na natin ang kalooban ng Diyos. Ang batayan ng ating tagumpay para sa Diyos ay nakasalalay sa ating paggamit ng ating buhay at lakas. Kung ginugugol natin ang ating oras sa mga "magulong pagsasaya, paglalasing, kalaswaan at kahalayan, alitan at inggitan" nangangahulugan lamang na hindi tayo aktibong namumuhay sa liwanag, kundi aktibong namumuhay sa kadiliman.

4. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman (v.14).

Ang pamumuhay sa liwanang ng Diyos ay nagpapatunay kung sino ang naghahari sa ating buhay. May dalawang maaring pagpilian kung sino ang ating susundin;

a. Susundin ba natin ang hilig ng ating laman?

Ito ay ang maluwang na daan ng buhay. Madali ang mamuhay sa tukso - ngunit ang kasunod nito ay pagdurusa. Masarap din ang mamuhay sa kasalanan - ngunit ang dulo nito ay parusang walang katapusan. Ayon sa Roma 8:7-8,

"Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos."

b. Magpapasakop ba tayo sa paghahari ng ating Panginoong Jesus?

Ito ang tamang pasya para sa mga nagnanais gumising sa katotohanan. Kailangan natin piliin ang Diyos at magsakop sa kanyang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus. Maging si Apostol Santiago ay malinaw na nagsabi (4:7-10)

" Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...