Biyernes, Setyembre 6, 2019

Hakbang sa Pagiging Disipulo ni Kristo (9Lessons)


Hakbang sa Pagiging Disipulo ni Kristo

Paunang Salita

Para saan ang iglesia? Ano ang motibo ng Diyos sa pagkakatatag nito?

Ang tao raw na hindi nakakaunawa ng kanyang pagkatao ay isang nakalulunos na nilikha.  Hindi niya alam kung sino siya, bakit siya naririto, at kung saan siya patutungo.   Kung ang isang iglesia ay ganito rin, ang buhay ng simbahan ay magiging kawawa.  Mananatili ito sa kalagayang paralisado, walang direksyon at walang katuturan ang pagiging simbahan nito. Ganito ang naging kalagayan ng iglesia sa Laodecia sa Pahayag 3:12-22.  Walang binabanggit na nagkasala ang iglesia.  Subalit ang pagiging maligamgam nito ay naging higit pa sa pagkakasala, kaya isinuka siya ng Diyos!  Ang pagiging maligamgam ay nagangahulugan ng pag-alis nito sa kanyang pagkatawag .  Humiwalay na siya sa kahulugan at layunin ng Diyos sa kanyang pagiging iglesiang Kristiano. Naging kuntento na siya sa kanyang kalagayan.  Nawala na ang kanyang pagsisikap para makamit ang banal na layunin ng Diyos (sinisimbulo ng ginto), ang kabanalan (sinisimbulo ng puting damit) at malinaw na pananaw sa mga ginagawa ng Diyos. 

Ang Kilusang Metodista  ay ginagamit ng Diyos sa loob ng maraming taon na ngayon sa buong mundo.  Naitatag ito sa pangunguna ni John Wesley sa paniniwalang dapat ibalik ang kabanalan sa mga Kristiano upang magamit ng Diyos ang mga mananampalataya sa makapangyarihang paraan.  Ito ang dahilan kung bakit ang layunin ng Metodismo ay ang: baguhin ang bansa, lalo ang iglesia upang ikalat ang kabanalang sinasabi ng Biblia.

Ang mga sumusunod na aralin ay para sa pagpapatuloy ng layuning ito.  Ang bawat Kristiano, lalo na ang mga Metodista ay kailangang bumalik at manatili sa ating pagkatawag. Kailangang mamuhay tayo ayon sa ating pagkatawag. At kung hindi’y, baka isuka na rin tayo ng Diyos.

Hakbang sa Pagiging Disipulo ni Kristo

A. Unang Hakbang: Commitment to Membership

Lesson 1: Paano Ko Ipagkakaloob ng Ganap ang Aking Buhay Kay Jesu-Cristo?

Colosas 2:6-10

Ang unang hakbang sa pagkadisipulo ay ang pagkakaloob ng ating buhay sa Panginoong Jesus.  Ito ay ang ating pagpapasakop sa kanyang kapangyarihan.  Siya na ang nasusunod sa ating buhay sa halip na ang ating mga sariling kagustuhan.  Ibig sabihin, hindi na tayo nasisiyahan sa paggawa ng kasalanan o maging ang mga karaniwang bisyo na makamundo (sigarilyo, sugal, paglalasing, labis na pag-ibig sa salapi o kalaswaan).  Ito ay ang pagbabagong buhay na inaasahan sa bawat alagad ng Panginoon.  Bakit magpapailalim tayo sa kagustuhang ito ng Panginoong Jesus?  Ito ang aasahan sa atin  kung totoong kinikilala natin si Jesus bilang ating Diyos (Colosas 2:9).

 Narito ang mga hakbang upang maipagkaloob ang sarili ng ganap kay Jesus.

Sino si Jesus?

  1. Kilalanin si Jesus bilang Tagapagligtas

Si Jesus ay ang Diyos na nagkatawang tao.  Bumaba siya sa lupa upang iligtas tayo mula sa kasalanan.  Tatlong bagay ang kahulugan nito:

    1. binayaran niya ang ating mga kasalanan ng kanyang sariling buhay (Isaias 53:6; Hebreo 10:10)
    2. inalis (pinatawad) niya ang ating mga pagkakasala (John 1:29; Colosas 2:14)
    3. babaguhin niya ang ating likas na pagiging makasalanan upang bihisan tayo ng bagong  pagkatao  na nagtatagumpay mula sa pagkakasala (1John 1:9; 2Cor. 5:17).

  1. Kilalanin si Jesus bilang Panginoon ng iyong buhay.
(Efeso 5:17; 1 Peter 2:13)
Noong unang panahon, mayroong mga rebulto na dinidiyos, ang iba’y mga anito o espiritu, mayroon ding mga hari o emperador na nagpapasamba sa mga tao at mayroon ding ibat-ibang diyus-diyusan sa mitolohiya na sinasamba. Sa ating panahon, mayroong ibang dinidiyos ang mga tao, ang  pera o kayamanan.  Mayroon ding tao na ang diyos nila ay sarili, na nagsasabing hindi na nila kailangang magpailalim sa tunay na Diyos.

Upang maging tunay na alagad ni Kristo, kailangang sundin, paglingkuran at sambahin mo si Jesus bilang Panginoon at Diyos. Hindi sapat na sabihin nating naniniwala tayo at nanalangin sa Diyos, kailangan sinusunod natin ang utos ni Jesus. Dahil ang hindi pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay huwad na paniniwala sa Diyos.

Bakit kailangan nating ipagkaloob ang ating buhay sa kanya?


  1. Dahil ito lamang ang paraan para tayo maligtas (Gawa 16:31; 4:12).
  2. Ito lamang ang paraan para tayo maging tunay na Kristiano (Efeso 4:1).  Ang pagpapasakop kay Jesus bilang Panginoon ang tanging katibayan ng ating wagas na pananampalataya.  Hindi sapat na mayroon tayong relihiyon, kailangang masigurado natin na ang ating relasyon sa Panginoon ay totoo, matatag at nagbubunga ng pagbabagong buhay at kasiguruhan ng kaligtasan..

Ipinagkaloob na kay Jesus ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa at nais ng Diyos na ikumpisal ng lahat na si Jesus ang Panginoon.  Ito ang katotohanang ayaw tanggapin ni Satanas at ng sinumang ayaw magpailalim sa kapangyarihan ni Jesus.  Ganun man, hindi nila maiiwasan kailanman ang katotohanang ito, dahil hahatulan sila ni Jesus. 

Ganap mo nang ipinagkaloob ang buhay mo sa Panginoong kung;

  1. Mayroon kang matibay na desisyon para ipailalim mo ang iyong buhay kay Jesus.
  2. Magsisi ka sa mga nagawa mong kasalanan
  3. Mangangako ka na hindi ka na babalik sa dating pamumuhay
  4. Tutupad ka sa mga nais ng Panginoong Jesus para sa iyong buhay.
  5. Gagamitin mo lamang ang iyong buhay sa paglilingkod sa Panginoon.

Ang Aking Panalangin.
Panginoong Jesus, tinatanggap ko na ako ay isang makasalanan.  Lumalapit ako sa iyo ngayon upang hingin ang inyong pagpapatawad at pagliligtas.  Salamat sapagkat nabuhay ka, namatay at nabuhya na muli para sa mga katulad kong makasalanan.  Mula ngayon, pangako ko Panginoon, na ako ay hindi na babalik sa aking dating maruming pamumuhay.  Ipinapangako ko sa iyo na sa iyo lamang ako maglilingkod.  Ipagkaloob mo ang iyong Banal na Espiritu sa akin ngayon, at ako ay magkakaroon ng lakas upang magtagumpay bilang isang tunay at tapat na alagad mo. Amen!

Ang Aking Pangako
Ipinagkaloob ko ng ganap ng aking buhay kay Jesus na aking Panginoon at Tagapagligtas.



Lesson 2: Paano Ako Magiging Ganap na Kaanib sa Iglesia ng Panginoong Jesu-Cristo?
Efeso 4:1-6; 1 Corinto 12: 12-27

Ang pagiging Kristiano ay pag-anib sa katawan ni Cristo (ang iglesia).  Ang tinutukoy na iglesia ay hindi isang sekta o relihiyon lamang.  Hindi ito ang gusali. Kundi ito ay pangkalahatang iglesia (catholic o universal church), na kinabibilangan ng lahat ng mga simbahang nagtataglay ng tamang doktrina, may wastong pagsunod sa Biblia, at sinasanay ang kabanalang nais ng Diyos. 

Hindi magiging ganap na Kristiano ang isang tao kung nag-iisa siyang nananalangin o sumasamba (1Cor. 12: 14).  Kailangan natin ang isang kapulungan ng mga Kristiano na sumasamba, at naglilingkod sa Diyos at kapwa. Ang Panginoong Jesus mismo ang nagsabi na: makikilala nila (mga hindi Kristiano) tayo bilang kanyang mga alagad kung nagmamahalan tayo (Juan 13:35).  Ang pagiging Kristiano, bagamat personal na desisyon, ito ay umuunlad lamang kung ito ay gaganaping samasama ng mga nagkakaisang alagad.  Ito ang dahilan kung bakit, ginagamit ang salitang makakapatid sa loob ng iglesia.  Ang bawat alagad ay kailangan ding magkaroon ng matatag na kaugnayan sa mga kasama sa iglesia.

Ano ang Kahulugan ng Pagiging Kaanib sa Katawan ni Jesu-Cristo?

  1. Ang pakikiisa sa Nagkaisang Iglesia Metodista ay pakikiisa niya sa katawan ni Cristo. Dahil ang iglesia ay ang katawan ni Cristo (1Cor.12:27). 
  2. Ang pakiisa sa iglesia ay nagpapatunay sa ating pagka-alagad ni Kristo. Ang tunay na kahulugan ng pag-anib sa iglesia ay ang kaugnayan natin kay Cristo, na nakikita sa ating pakikibahagi ng isang kapulungan ng relihiyon o sekta. Magiging walang kabuluhan pati ang ating pagiging Metodista, kung hindi naman nakikita sa buhay natin ang Panginoon!
  3. Ang ating pakikiisa sa Nagkaisang Iglesia Metodista ay nangangahulugan ng pakikibahagi sa buhay ni Cristo.  Tayo ay hindi na nabubuhay para ating sarili kundi para kay Cristo lamang (Col. 3:3).
  4. Ang ating pakikiisa sa Nagkaisang Iglesia Metodista ay pakikiisa  sa gawain ni Cristo na dapat ipagpatuloy ng bawat Kristiano (Acts 1:8, Matt. 28:19).


Ayon sa Kawikaan 27:17, tumatalas ang bakal kapag may kakiskisan itong ibang bakal, na ikinukumpara sa tao na umuunlad sa kaalaman at pananampalataya kapag nakikisalamuha sa kapwa Kristiano.  Nakikilala ang katawan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga alagad.

  1. Samasamang sumasamba at naglilingkod (Hebreo 10:25)  
  2. Samasamang nagpapahayag ng pagliligtas ng Diyos sa mga hindi pa nagpapasakop sa Panginoong Jesus.
  3. Nagkakaisa sa damdamin at pananampalataya.

Paano Ako Magiging Tunay na Kaanib sa Iglesia?

Maraming mga tao ang nabibinyagan noong sanggol, subalit hindi nakakaalam ng kahulugan ng kanilang binyag at sa katungkulan nila sa iglesia.  Madalas nauuwi ito sa kawalan ng katapatan sa Diyos at kawalan ng buhay na kaugnayan sa iglesia ng Panginoon. Dagdag pa rito ang pagpapabaya ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak sa pananampalataya, at pagkukulang ng iglesia pagtuturo sa mga bata.   Dahil dito, nawawalan ng kabuluhan ang kanilang binyag.  At maraming miembro ang hindi lumalago sa pagka-Kristiano.

Ano ang Tunay na Bautismo?

Ang itinuturong bautismo ng Biblia ay panlabas na kapahayagan ng mga gawain ng Diyos sa kalooban ng tao. Kabilang sa mga gawaing ito ang

  1. hayagang pagsisisi (Mark 1:4),
  2. tubig –simbulo ng kamatayan ng ating makasalanang pagkatao / paglilinis ng Diyos sa ating kasalanan (Roman 6:4)
  3. pag-ahon – simula ng bagong buhay kay Cristo
  4. pag-anib sa simbahan o iglesiang tunay na nagtuturo ng mga katotohanan ng Biblia   

Ang ritual ng bautismo ay walang kabuluhan kung walang pagsunod sa mga kalooban ng Diyos para sa tao.  

Pagbulayan:
Ano ang aking gagawin kung napariwara ako sa pagkakasala  (bagamat nabautismuhan ako noong sanggol) at ngayong naiintindihan ko na at tinanggap ko na si Jesus bilang aking Panginoon at Tagapagligtas?

Sa ganitong pagkakataon, makakatulong ng malaki ang muling pagtatalaga ng iyong buhay sa Diyos, upang  maipahayag si Jesus bilang iyong Panginoon.  Ang muling pagtatalaga ng buhay sa Panginoon (Renewal of Baptismal Covenant, Re-dedications at iba pang gawain ) ay makatutulong ng malaki para maipahayag ng isang alagad na magsisimula siyang muli sa pagpapasakop kay Jesus upang magbagong buhay.  

Ang Pagiging Alagad ni Cristo ay Pag-anib sa isang Nagka-isang Iglesia Iglesia ng Diyos!

Ang pagiging alagad ay ang pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos ayon sa ginawa ni Cristo at pagpapasakop sa kapangyarihan ni Jesus bilang Panginoon.   Dagdag pa rito, ang bawat alagad ay may tungkuling dapat gampanan: ang ipagpatuloy ang gawain ni Cristo sa mundo.  Hindi sasapat ang pagpunta lamang sa simbahan.  Inaasahan ng Diyos sa bawat alagad ang magpatotoo sa bago niyang pamumuhay upang maging halimbawa siya sa mga hindi sumusunod sa Panginoong Jesus.  Aasahan ng Panginoon na tayo ay magiging ilaw sa iba at magdadala ng ibang tao sa kanyang paanan.

Ang Aking Pangako:
1. Ako ay magpapatala pagkatapos ng ito, bilang “confessing member” ganap na miembro sa iglesia ng Diyos (sa United Methodist Church), at tutupad sa aking mga tungkulin sa pamamagitan ng regular na pagsamba, panalangin, pagkakaloob at pag-imbita sa aking mga kakilala upang umanib sa iglesiang nagkakaisa.

2. Magiging malapit akong kapatid sa mga kapwa miembro sa iglesia. Lagi kong idadalangin ang aking iglesia upang ito ay lumago.

Panalangin: Tanggapin mo po akong bahagi ng iyong iglesia o Panginoon. Amen.

_______________________________  

Pangalawang Hakbang: Commitment to Maturity

Lesson 3:  Paano Ako Uunlad Bilang Anak ng Diyos?

Ayon sa kagandahang loob ng Diyos, magpatuloy kayo sa paglago sa kabutihan at pagkilala  sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan ngayon at magpakailanman! Amen. - 2 Pedro 3:18

At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isat-isa lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang pagdating ng Panginoon.- Heb. 10:25

Pag-unlad sa Pananampalataya

Ang bawat alagad ni Cristo ay may tungkuling dapat gampanan.  May mga gawaing dapat tuparin ang bawat isa na tumanggap kay Jesus sa kanyang buhay.  Sa unang yugto ng buhay bilang alagad, kakaunti pa ang ating nalalaman, kaya malahaga ang pag-unlad sa pananampalataya.  May dalawang bagay na binabanggit si Apostol Pedro tungkol sa paglagong Kristiano:

  1. paglago sa kabutihan – ang kabutihan ay pinagaaralan at sinasanay na may kahalong pagsisikap.  Katulad ng pagtulong, pagkakaloob, pagsupil sa sarili upang maalis ang pananalitang masagwa at nakakasakit sa damdamin ng iba. Pag-alis sa mga bisyo.  Maging ang pananalangin at pagsamba ay pinag-aaralan din at sinasanay na may disiplina.
  
  1. paglago sa pagkilala sa ating Panginoon – habang tumatagal, ang bawat alagad ay nagkakaroon ng lumalalim na pagkilala sa Panginoon.  Ang pagbabasa sa mga Salita ng Diyos ay napakahalaga sa paglagong espiritual para makilala natin ng lubusan ang Panginoon.

Gaano ba Kahalaga ang Pagsamba Para Sa Paglago Bilang Alagad?

Ang pagsamba ay ang pakikipagtagpo ng tao sa Diyos.  Ito ang tugon ng alagad sa kadakilaan at kabanalan ng Panginoon. Habang nararanasan ng alagad ang kabutihan at kabanalan ng Diyos, hindi mapipigil ng alagad ang magpuri, magpasalamat at sumamba. 

Ang mga Kristiano ay mga taong nakaranas sa pag-ibig ng Diyos matapos na sila ay patawarin, baguhin ang buhay at iligtas.  Dagdag pa rito ang araw-araw na pagiingat at pagpapala ng Diyos para sa ating pangangailangan.  Hindi natin maaring bayaran ng Diyos sa kanyang kagandahang loob, kung kaya ang pagsamba ang pinakamabuti nating kaloob para siya mapapurihan.

 Ang pagsamba at pakikisalamuha sa loob ng iglesia ay nakatutulong ng malaki sa paglago upang maging mabuting alagad ni Cristo. 

 

Ang mga benefisyo nito ay ang mga sumusunod:


  1. pagkatuto sa Salita ng Diyos bunga ng pag-aaral sa Biblia at pakikinig ng mga pagpapahayag ng Salita
  2. kalakasang espiritual dala ng inspirasyon ng pagmamahalan ng mga kaanib.
  3. Kalakasan sa paglilingkod kasama ng ibang kapatiran sa iglesia
  4. pagpapalang spiritual na tatanggapin ng mga sumasamba buhat sa Diyos


Ang Aking Pangako sa Panginoon:

Bilang tunay na alagad ni Cristo ako ay tapat na dadalo sa mga gawain ng iglesia, sa Sunday School, Pagsamba, Cell / Care Group, Prayer Meeting at sa pagmimisyon.

Panalangin: Gawin mo akong tapat na sumsamba at naglilingkod sa iyo Panginoon.

________________________________

Lesson 4: Paano Lalakas ang Aking Pananampalataya sa Pamamagitan ng Pananalangin?

Manalangin kayo upang hindi kayo mahulog sa tukso. - Lukas 22:40
Patuloy kayong manalangin. - 2 Thess. 5:17

Ang Panalangin


Ang panalangin ng isang alagad ay hindi lamang isang minutong pasasamat bago isubo ang pagkain.   Ito ang regular na gawain ng alagad para manatiling buhay ang kanyang kaugnayan sa Diyos. 
Pangalawa, ang panalangin ay mabisang panangga sa tukso. Ang pagiging alagad ay patuloy na pakikidigma sa kasamaan, haggang ganap na maghari ang Diyos sa mundo. Upang maging matagumpay mula sa kasalanan, kailangan ang panalangin.

Si Jesus ay Mapanalangin

Makikita sa halimbawa ng Panginoong Jesus ang pagiging mapanalanginin. Ang unang dahilan ay ang kanyang panalangin ay

-          Upang alagaan ang kanyang kaugnayan sa Ama.
-          Upang ipahayag ang kanyang pagtitiwala sa Diyos
-          Upang patotohanan ang kanyang pagdedepende sa Diyos

Ang Panalangin ay Tungkuling Kristiano

Utos ng Diyos sa Biblia ang manatiling nananalangin. Tungkulin natin ito;

-          Upang mapanatili an gating relasyon sa Diyos, bilang mga anak niya, at siya naman bilang ating Ama
-          Upang makapagpasalamat tayo sa Diyos sa kanyang mga biyaya.
-          Upang mailapit natin sa Diyos ang ating mga kahilingan at mga pangangailangan.
-           
Ang Panalangin ay Sandata

Ang panalangin ay mabisang sandata laban sa mga tukso.  Kung inahatak tayo ng kaaway tungo sa kamalian, ang panalangin ay pagdulog sa Diyos upang tayo ay palakasin nang hindi tayo mabulid sa kasalanan.

Kailangan tayong manalangin ng walang tigil. Ito ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, upang ipahayag natin ang ating pagtitiwala sa Diyos, at upang dalhin natin sa Diyos an gating mga pangangailangan.

Paano Manalangin?

Gamit sa panalangin ang pananalita na may diwa ng malalim na paggalang sa Diyos na siyang kausap. Ilagay ang sarili sa presensya ng Diyos. Kilalanin ang pagdating ng Espiritu Santo.  At kausapin mo ang Diyos gamit ang sumusunod;

  1. Magpasalamat (thanksgiving)
  2. Magbigay papuri (praise / adoration)
  3. Paghingi ng Kapatawaran (confession)
  4. Idalangin ang iyong pamilya at ibang mahal sa buhay (intercession)
  5. Idalangin ang iglesia at ang mission na palagapin ang pananampalataya at kaharian ng Diyos.
  6. Hingin ang mga nais at pangangailangan (supplication)
  7. Idalangin ang mga taong kakilala na nais mong misyunan upang sumali sa ating pananampalatayang Kristiano.

Ang Aking Pangako

Bilang tunay na alagad ni Cristo, ako ay mananalangin sa lahat ng pagkakataon.

__________________________  

Lesson 5: Ano ang Biblia, at Paano Ito Makatutulong sa Aking Paglagong Espiritual?

Pagbasa sa Biblia: Awit 119:105 – Salita mo ay ilaw sa aking paa at tanglaw sa aking daan.

“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.” - 2 Timoteo 3:16-17

Pamumuhay Kasama ang Diyos

Ang ating bagong buhay ay pamumuhay na kasama ang Diyos.  Ito ay literal na ugnayan natin sa Panginoon sa bawat sandali.  Kinakausap natin siya sa panalangin at kinakausap naman tayo ng Diyos sa kanyang presensya at Salitang nakasulat – ito ang Biblia.

Pagkatapos nating manalangin, hinihiling natin na mangusap ang Diyos.  Sa pamamagitan ng pakikinig at pagmamasid, at pagbubulay, nais nating malaman kung ano ang nais ipagawa ng Diyos.  Sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia, natututunan natin ang kalooban ng Diyos.  

Ang Biblia

Ang Biblia ay kinabibilangan ng mga maraming aklat na naglalaman ng mga kasaysayan ng mga sinaunang Judio at mga Kristiano, tungkol sa pakikipag-usap ng Diyos sa mga sumasampalataya sa kanya. Kabilang sa nilalaman ng Biblia ang mga kwento ng mga tao, lugar at karanasan ng mga nagmamahal sa Diyos at kung paano sila ginabayan ng Diyos sa kanilang buhay.

Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng kaugnayan ng Diyos sa bansang Israel bilang bansang pinili ng Diyos 9mga Judio), upang maging ilaw sa lahat ng mga bansa.  Samantalang ang Bagong Tipan ay pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang Diyos Anak, na siyang mismong persona ng Diyos na nagkatawang tao (Filipos 2:6-7).

Nagiging Kristiano ang tao sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo (Juan 1:12) at sa pagtanggap sa bautismo sa pangalan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo upang mapabilang sa iglesia (Mateo 28:19).

Bakit Kailangang Basahin ang Biblia?

  1. Ito ang ilaw ng ating buhay (Awit 119:105).  Natuturuan tayo ng Salita ng Diyos upang magabayan sa mabuting pagkatao. Ayon sa Awit 1: 2, “Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.”

  1. Nalalaman natin ang kamalian na dapat iwasan sa pamamagitan ng Biblia. Nasusulat sa Biblia ang mga bagay na kinamumuhian ng Diyos.   Halimbawa ang Sampung Utos na nagbabawal sa paggamit ng mga rebulto sa pagsamba sa Diyos.

  1. Nagagabayan tayo ng Biblia sa ating kaugnayan sa Diyos at sa kapwa.


Paano Babasahin at Aaralin ang Biblia?

  1. Dapat itong basahin araw-araw ng personal.  Sa planadong paraan, maaring basahin ang Biblia simula sa mga Ebanghelyo, hanggang matapos ang buong Bagong Tipan at pagkatapos ay sa Lumang Tipan.
  2. Aralin ang Biblia kasama ang ibang kapwa Kristiano.  Sa pamamagitan ng Bible Study at ibang aralin sa grupo, ang Biblia ay mabisang inaaral upang malaman ang kalooban ng Diyos.

Ang Biblia ay Salita ng Diyos

May tatlong paraan upang makaniig ang Diyos;

  1. Panalangin
  2. Pagsamba at
  3. Pagbubulay sa Biblia, ang Salita ng Diyos.

Gamit ang tatlong ito, napapanatili natin ang ating buhay na kaugnayan sa Diyos, na malakas at nagagabayan ng Espiritu Santo.

Ang Aking Pangako:  Babasahin ko ang Biblia araw-araw bilang isang anak ng Diyos.

___________________________________________ 

Lesson 6. Paano Ako Maghahandog sa Diyos Ayon sa Sinasabi ng Biblia?

Pagbasa sa Biblia: Roma 12:1

“Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.”

Ibang Pagbasa: Malakias 3:10

Ano ang Pagkakaloob ng Sarili?

Ang ating relasyon sa Diyos ay natatag sa pamamagitan ng pagbibigay ng Diyos ng kanyang sarili sa atin,

  1. Ng ibigay ng Ama ang kanyang hininga sa tao
  2. Ng ibigay at mamatay si Jesus para sa ating kaligtasan.
  3. Ng ibigay ni Jesus ang Espiritu Santo sa mga tunay na nanalig sa kanya.

Idagdag pa ang kaloob ng Diyos na pangangailangan natin, at iba pang pagpapala.

Matapos ibigay ng Diyos ang lahat ng pagpapala sa atin, ay hinihingi ng Diyos na ibalik natin sa kanya ang pasasalamat sa pamamagitan ng pagkakaloob natin ng ating buhay sa Diyos upang ating ipaglingkod.

Dapat nating ipagkaloob ang sarili sa Diyos upang:

  1. Patunayan na tayo ay sa Diyos
  2. Patotohanan na tayo ay napapailalim sa kapangyarihan at kalooban ng Diyos
  3. Ito ay paraan upang ibalik sa Diyos ang pasasalamat.

Bakit Kailangang Magkaloob ng Handog at Ikapu?

Ang paghahandog ng ain o offering ay kalooban ng Diyos. Nasusulat sa Deuteronomio 16:17, “Magdadala sila ng handog tuwing haharap, ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.”

Ayon sa talatang ito, nasasalamin ng ating kaloob sa Diyos kung ano ang kaloob ng Diyos sa atin. Ibig sabihin, kaya tayo nagkakaloob sa Diyos, dahil may kaloob ang Diyos sa atin.

Ang ikapu naman ay anino din ng kabutihan ng Diyos sa atin. Sa Lumang Tipan, ang ikapu ay para sa pagtulong sa pangangailangan ng simbahan at mga nagtatrabaho ditto, tulad ng mga Levita at mga pari.  Dahil sila ay walang lupain para tanman, umaasa sila sa mga ibibigay ng mga tao.  Gayundin, ang mga nangangailangan ng tulong tulad ng mga balo at ulila, mahihirap at mga dayuhan ay natutulungan din ng pag-iikapu ng mga taong nagsisimba.

Sa Bagong Tipan ang ikapu ay hindi lubusang natigil noong mawasak ang templo.  Nguit sa pagsamba ng mga unang Kristiano, mapapansin na hindi natigil ang pagkakaloob sa mga balo at mga mahihirap (Gawa 6:1). Nagpatuloy ang diwa nito, upang matustusan din ang pangangailangan ng mga pastor (1 Tim. 5:18).

“Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran.”

Nasasalamin din ng ating pag-iikapu ang mga sumusunod;

  1. Ipinapahayag natin an gating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng ating pag-iikapu.
  2. Kinikilala natin ang kabutihan ng Diyos sa ating pag-iikapu.
  3. Napapasalamatan natin ang Diyos sa ating pag-iikapu.
  4. Nagpapahayag tayo ng pagtitiwala sa Diyos sa ating pag-iikapu.

My Commitment:
o   Nagbibigay ako ng aking sarili, kaloob at ikapu sa Panginoon bilang aking paglilingkod sa Diyos.

_______________________________  


Hakbang sa Paglilingkod: Commitment to Ministry
Lesson 7: Paano Ako Maglilingkod sa Panginoon?
Juan 12:26,

“Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay pumaparoon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

1 Samuel 12:24

“Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo.”

Ang Paglilingkod sa Diyos

Napapatunayan natin na ipinagkaloob natin ang ating sarili sa Diyos kung tayo ay naglilingkod sa Diyos. Dahil ang paglilingkod ay literal na pagkakaloob ng ating lakas, oras at talino sa Diyos. Kung hindi natin ito gagawin ay nangangahulugang nabubuhay pa tayo para sa sarili at hindi para sa Diyos.

Naglilingkod tayo sa Diyos bilang katibayan na nagpapailalim tayo sa Panginoon bilang mga alipin o lingkod.  Ito ang ating katayuan sa harap ng Diyos. Nilikha tayo at naligtas upang mapagpakumbabang maglingkod sa Diyos.

May dalawang dahilan para sa ating paglilingkod sa Diyos.

  1. Katibayan ito ng ating pagsunod sa Panginoong Jesus.  Ang panawagan ng Panginoon ay “Halika at sumunod ka sa akin.”  Ang tinutukoy ng pagsunod ay pag-aaral sa Salita g Diyos, paggawa sa kalooban ng Diyos at pagmimisyon upang hikayatin ang lahat ng tao upang sumali sa iglesia ng sa gayun ay makibahagi sila sa kaharian ng Diyos.

  1. Pangalawa, ayon sa 1 Samuel 12:24, ang paglilingkod ay pagkilala sa kabutihan ng Diyos. 


  1. Pangatlo, ipinapahayag natin an gating takot at paggalang sa Diyos sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa Diyos.

Halimbawa ng Paglilingkod

  1. Ang Halimbawa ng Panginoong Jesus

Ang ating Diyos ay nagkatawang tao upang maging halimbawa sa paglilingkod. Ganito ang halimbawa ni Jesus na ating Panginoon sa Marcos 10:45,

“Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”.

  1. Ang Halimbawa si Apostol Pablo

Isang halimbawa ng lingkod ay si Apostol Pablo.  Siya ay dating salungat sa Panginoong Jesus.  Ngunit ng maunawaan niya ang pag-ibig ng Diyos, at tinanggap niya ang pagtawag ng Diyos - at siya ay naglingkod. Ganito ang kanyang patotoo:

“Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, kahit na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya.” – (1 Tim. 1:12-13.)

Tayo ay Alipin ng Diyos  

Ang pagiging alipin ng Diyos ay hindi nagpapababa sa ating pagkatao.  Ito ay nagpapataas pa sa kalidad nito. Dahil napaparangalan ang Diyos kapag tayo ay naglilingkod. Tandaan na sino mang nagpapakumbaba ay itataas ng Diyos.

Kung ang ating Diyos ay nakipamuhay sa atin bilang alipin, lalo nga na tayo ay dapat magpakababa at maglingkod sa Diyos (Filipos 2:6-10).

Ang kapakumbabaan sa paglilingkod ay mababasa sa Lucas 17:10,

“Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”

Ito ay tungkol sa pagtitiis na ginagawa ng tapat na alipin.  Na bagama’t nagawa niya ang tungkulin ng buong katapatan, nasasabi pa rin niya na siya ay walang kabuluhan.

Ibig sabihin, hindi siya nagmamataas o nagyayabang, at tanging paglilingkod lamang sa Panginoon ang kanyang hangad.

Paano Mo Nais Maglingkod sa Diyos?

         -sa choir,  Sunday School Teacher,
         magbibisita ako sa maysakit
         Prayer Warrior, kasama sa mission,
         ako ay magpapastor / deakonesa.
         Tiga-linis ng kapilya, etc.

Ang aking pangako: Ako ay maglilingkod sa Diyos ayon sa nais ng Diyos para sa akin.

________________________________ 

Ika-apat na Hakbang: Commitment to Accomplish God’s Purpose For My Life

(Pagtatalaga sa Sarili Upang Maabot ang Layunin ng Diyos Para sa Personal na buhay at Iglesia)


Lesson 8: Paano Ako Mamumuhay Bilang Isang Tunay na Kristiano?

Mga Taga-Colosas 1:10
“Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos.”

Taga-Tesalonica 4:1
“Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, pamumuhay sang-ayon sa inyong natutuhan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos.”

Buhay na Karapat-dapat sa Diyos

  1. Ang buhay ng Kristiano ay buhay na binago mula sa kasalanan at kamunduhan patungo sa buhay na banal at malinis
  2. Ang buhay Kristiano ay buhay na naglilingkod at gumagawa ng mabuti sa kapwa
  3. Ang buhay Kristiano  na sumusunod kay Cristo upang ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon

Pagbutihin ang Pamumuhay

  1. Maging kagamit-gamit sa Diyos.  Tayo ay mga anak ng Diyos.  Dapat lang na maging kagamit-gamit tayo sa Gawain ng Panginoon.

  1. Maging kalugod-lugod sa Diyos. Ang Diyos ay banal at nais niya na tayo ay magpaka-banal.

  1. Mamuhay para sa kapurihan ng Diyos. Gumawa tayo ng mabuti hindi para purihin ng mga tao kundi para maparangalan ang Diyos.

Ano ang Katuruang Metodista ni John Wesley?

Sinasabi ni Wesley na

“Do all the good you can, By all the means you can, In all the ways you can, In all the places you can, At all the times you can, To all the people you can, As long as ever you can.”

Ang layunin natin ngayon ay ang makagawa ng mabuti sa kapwa bilang mga anak ng Diyos.
Ito ang pundasyon ng ating patotoo.  Ito ay upang makita ng mga tao ang kabutihan ng Diyos sa ating mabuting gawa.

Dagdag pa dito ang turo ni John Wesley na –
“Work all you can,
   Save all you can,
   Give all you can.”
  
1.      Magtrabaho ng mabuti hangga’t kaya natin.  Sabi ni John Wesley, “Work all you can.”
Ang kasipagan ay ugaling Kristiano. Sinabi ni San Pablo na hindi dapat pakainin ang mga tamad (2Thess.3:10).

Ayon sa Kawikaan 10:4,
“Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop, ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop.”

Ayon sa 2 Tesalonika 3:10,
“Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.”

2.      Pangalawang turo ni John Wesley, ay “Save all you can.”
Ang pag-iimpok ay mabuting gawain.  Kahit ang Biblia ay nagsasaad ng pagpapala sa mga mananampalataya. Ayon sa Kawikaan 13:25,

“Ang matuwid ay sagana sa lahat ng kailangan,
ngunit ang masama ay palagi namang nagkukulang.”


Ang mga Kristiano ay mga taong binago na ng Diyos.  Hindi na tayo mga taong nagsasayang ng ating oras at lakas sa mga walang kwentang bagay.  Inaasahan ng Diyos na tayo ay magiging mabunga sa buhay.

Ngunit hindi nagtatapos sa pagpapayaman ang ating layunin sa buhay.  Dahil pangatlo na dapat tayong gawin.

3.      Give all you can.  Ang gawaing pagtulong ay tungkuling Kristiano.  Dito nagpapatuloy ang ating gawaing magbigay hangga’t kaya natin.

Banal na Pamumuhay

Ang buhay Kristiano ay hindi lamang mabunga sa paggawa.  Ang tunay na pinanggagalingan ng gawang kabutihan ay malinis na kalooban.  Ang kabanalan ay susi sa mabuting buhay.

Nasusulat sa Hebreo 12:10 ang ganito,

“Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya.”

Dahil ang tunay na Kristiano ay anak ng Diyos, ang Diyos ang kanyang tinutularan at sinusunod.  Ang layunin ng tunay na Kristiano ay hindi lamang upang magmukhang mabuti sa ngalan ng relihiyon.  Hindi lamang ang magmukhang mabuti sa mata ng tao, kundi sa mata ng Diyos. Ang sundin ang kalooban ng Diyos kahit pag-isipan pa siya ng masama ng tao.

Ang Aking Pangako:

  1. Iiwas ako sa mga gawaing hindi makatutulong sa aking patotoo bilang Kristiano.
  2. Gagawa ako ng kabutihan sa lahat ng panahon, sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng tao.
  3. Sisikapin ko ang mamuhay na may takot sa Diyos, tungo sa pagpapakabanal bilang anak ng Diyos.

_____________________________

Lesson 9: Paano Ko Ibabahagi ang Panginoon sa Iba?
(Evangelism)

Marcos 13:10,

“Ngunit dapat munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita bago dumating ang wakas.”

Gawa 1:8,

“Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Ang Ating Tugkulin

Tungkulin natin ang magpatotoo kung ano ang ginawa g Diyos sa ating buhay.  Dapat malaman ng iba na may Diyos na nagpapatawad at nagliligtas mula sa kasalanan.  Tayo ang mga tagapagsalita ng Diyos na maghahayag ng kanyang Mabuting Balita.

Tulad ng tanong mula sa Biblia, sa Roma 10:14,
“Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila?”

Ang bawat Kristiano ay tinawag upang magbahagi ng Mabuting Balita.

  1. Una, sa pamamagitan ng ating mabuting pamumuhay.  Ang ating halimbawa sa uri ng pamumuhay ay mabuting patotoo na dapat makita ng mga tao sa atin.
  2. Pangalawa, ang ating pagbabahagi ng Ebanghelyo.  Ito ay dapat gawin ng sinasadya.                  Marami sa mga tao ang may relihiyon ngunit wala silang buhay na relasyon kay Jesu-Cristo bilang mga tunay na naligtas.  Maraming tao ang nagsisikap na maligtas gamit ang mabuti nilang gawa, dahil hindi nila alam na kahabagan at biyaya ng Diyos ang tanging pag-asa ng tao upang magtamo ng ganap na kapatawaran mula sa Diyos.

Mag-imbita ng Kakilala Upang Magsimba

Ang tanging paraan upang may mailapit natin sa Panginoon ang ating mga kakilala ay ang imbitahan sila sa kapilya, o sa ating caregroup at prayer meetings.

Sa ganitong paraan, napapabilang sila sa samahan ng mga mananampalataya.  Nakikita nila ang pagkaka-isa ng mga Kristiano sa diwa ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa.  

Maging Mabuting Kaibigan sa Lahat

Ang tanging tulay sa pagbabahagi ng Ebanghelyo ay ang maging mabuting kaibigan sa lahat ng tao. 
Kailangan tayong maging palakaibigan.  Kailangan tayong makilala bilang mga taong gumagawa ng kabutihan sa iba.  Sa ganitong paraan malalaman ng mga tao na tayo ay mga anak ng Diyos.

Madali nating mailalapit sa Panginoon ang mga tao kung tayo ay nakikilala sa ating mabuting kalooban.   

Ang Aking Pangako:

  1. Sisikapin kong makuha ang tiwala ng aking kapwa sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan (1Tess. 4:12).
  2. Aanyayahan ko ang iba sa kapilya upang makilala nila ang kapatiran.
  3. Ipakikilala ko ang aking Tagapagligtas at Panginoon sa ibang tao na hindi tumanggap ng kaligtasan.

v  Mamumuhay ako bilang isang tunay na Kristiano.
v  Palagi kong ibabahagi ang Panginoon sa iba.
v  Magiging kaibigan ako at magiging mabait sa mga hindi miembro ng aking iglesia.
v  Mag-aanyaya ako ng bagong kakilala sa iglesia tuwing Linggo (at sa ibang gawain).

2 komento:

  1. Puwede po ba magrequest ng pdf copy ng article na ito? Para madala po mai distribute sa mga kaanib. Mapagpalang araw po.

    TumugonBurahin
  2. purihin ang Dios malaking blessing po ang materials na ito para sa aming pag didisipulo. God bless you more.

    TumugonBurahin

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...