Miyerkules, Setyembre 18, 2019

UMC Philippines Confirmation Materials

UMC Tagalog Confirmation Resources 
(by Jestril B. Alvarado)

________________  

Suggested Format may include:

1. Film Showing - The Life of Wesley
2. Ten Commandments for UMYF
3. Hymnology - Charles Wesley, Fanny Crosby and Other Christian Hymns containing essential Christian Doctrines
4. Sacraments: Baptism and Holy Communion

_________________

Table of Contents

1. Kasaysayan ng Iglesia
2. Doktrina ng Iglesia
3. Misyon ng Iglesia
4. Pagiging Kaanib sa Iglesia
5. Balangkas ng Iglesia

______________________

Lesson 1: Kasaysayan ng Iglesia

Ang Simula ng Metodismo
SI JOHN WESLEY AT ANG HOLY CLUB

Ang Metodismo ay nagsimula sa Oxford, England noong 1729, sa grupong pinangunahan ni John Wesley habang nasa kolehiyo, kasama ang kanilang mga kaibigang sina Francis Gore, William Morgan, George Whitefield, Robert Kirkham at iba pang estudyante. Sila ay nagkaisa para pag-aralan ang Biblia at pinagsikapang ipamuhay ang lahat ng kanilang natutunan. Ang kanilang grupo ay patuyang tinawag na Holy Club, Bible Bigots, Supererogation, Enthusiasts, Sacramentalists at Bible Moths. Regular silang nagtipon, upang manalangin at mag-aral ng Biblia  sa Griego at Latin.   Disiplinado ang kanilang paraan ng pamumuhay kaya sila tinawag na Methodists. Bagamat ang salitang Methodists ay pagtuya, ang mga magkakaibigan ay hindi napigilan ng mga panlalait, sa halip, ay nagpatuloy sa kanilang layunin

Hindi nagtagal, ang mga miembro ng grupo ay nagtapos na kolehiyo. Naging paring Anglikano sina John, Charles at Robert Ingham at naglingkod sa Amerika bilang mga misyonero sa mga Indians noong 1736. Ang iba ay na-ordenahan at umalis rin sa Oxford kaya ang grupo ay pansamantalang nagkahiwalay. 

Sa Amerika,  nakilala ni John Wesley ang mga Moravian Christians habang naglilingkod  sa mga Indians.   Ang mga Moravians ay kilala sa kanilang pagbibigay diin sa kaligtasan.

Naniniwala ang mga Moravians na ang pananampalataya ay hindi lamang kaalamang pangkaisipan tungkol sa teolohiya,  sa halip ay ang personal na karanasan sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa kalooban ng sumasampalataya. Si Peter Bohler ay isa sa mga Moravian pastors na nakatulong kay Wesley upang lalong lumalim ang kanyang kaalaman sa pagliligtas ng Diyos. Naging instrumento siya  sa ganap na pagbabago ng pananaw ni John sa pananampalataya.   Naibahagi  niya kay Wesley na:  ang kasiguruhan ng kaligtasan (assurance of salvation) ay maaring makamit sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo.  Sa mga una nilang  pag-uusap, hindi lubusang naintindihan ni John ang paliwanag ni Bohler, sapagkat patuloy pa rin siya  sa pagsisikap na iligtas ang sarili sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

SA ALDERSGATE STREET

Naging balisa si John Wesley tungkol sa kanyang kaligtasan, lalo pagbalik niya sa England.  Una, dahil alam niya na wala pa siyang kasiguruhan (kung siya ay tatanggapin ng Diyos sa langit).  Pangalawa, dahil bigo ang kanyang misyon sa Amerika.  Bumalik siya sa England na nagtatanong sa sarili, "Tinulungan kong maligtas ang mga Indians sa Amerika, ngunit sino ang tutulong sa akin?"  Hindi nagtagal, nagkaroon ng kasagutan ang lahat ng tanong ni Wesley dahil noong Mayo 24, 1738, sa isang pagtitipon ng mga Moravians sa Aldersgate Street, London, habang pinag-aaralan nila ang Sulat ni Pablo sa mga Taga Roma, naramdaman ni Wesley ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanyang kalooban.   Kanyang sinabi:

“Naramdaman ko ang kakaibang init sa aking puso,
naramdaman ko na sumampalataya ako kay Kristo,
tanging kay Kristo para sa aking kaligtasan. 
Naramdaman ko na pinatawad ako
at pinalaya sa batas ng kamatayan at kasalanan.”

Sa hindi kalayuang pangyayari, si Charles man ay tumanggap ng kanyang kasiguruhan ng kaligtasan noong Mayo 1738 ! Ito ang naging mitsa ng panibagong sigla ng mga Wesleys sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ayon sa sariling paliwanag ni John Wesley noon ding taong iyon (1738), nagkaisa ang mga dating kasamahan nila sa Oxford na sina Ingham, Stonehouse, Hall, Hutchings, Kinchin, at iba pang Clergymen, na magsamang muli upang maging Bible-Christians sa lahat ng pagkakataon; at dagdag pa ni Wesley:

They were hitherto perfectly regular in all things, and zealously attached to the
Church of  England. Mean time, they began to be convinced, that "by grace we
are saved through faith;" that justification by faith was the doctrine of the Church, as well as of the Bible. As soon as they believed, they spake; salvation by faith being now their standing topic. Indeed this implied three things:

(1.) That men are all, by nature, "dead in sin," and, consequently, "children of wrath."
(2.) That they are "justified by faith alone."
(3.) That faith produces inward and outward holiness:

And these points they insisted on day and night. In a short time they became popular Preachers.
The congregations were large wherever they preached. The former name was then revived; and all these gentlemen, with their followers, were entitled Methodists. (Journal, Wesleys Works)
 
Dumami ang mga Methodist Societies, hanggang lumaganap ang  mga ito sa Europa at America. Madaling nakilala ang mga Methodist maging ng mga karaniwang tao. Nangaral sila sa mga palengke, sa mga minahan at maging sa mga kulungan. Sa kabila ng kanilang tagumpay, marami ring batikos ang naranasan nila mula sa mga kapwa miembro ng Church of England.  Sinikap ni Wesley na papanatilihin ang kanyang mga tagasunod sa Church of England, subalit dumating ang panahon na hindi na sila sinuportahan ng Church of England. Ganun man, nagpatuloy ang mga Metodista sa pangangaral ng Salita ng Diyos.  Pumanaw si Wesley sa edad na 88 noong 1791. Naunang binawian ng buhay si Charles noong 1788 at nag-iwan siya ng higit sa  6000 himno  bilang kanyang pamana sa iglesia.

PAGLAGANAP NG METODISMO SA AMERICA

Ang mga unang Metodista sa Amerika ay mga imigranteng galing sa Europa.  Ang unang iglesiang naitayo ay sa New York sa pangunguna ni Philip Embury, isang laykong mangangaral. Sinasabi na naitayo ito dahil sa hamon ni Barbara Heck sa kanyang mga kamag-anak na magtatag ng isang pananambahan.  Noong una, puro sugal ang ginagawa ng mga ito, subalit ng hindi na makatiis, sinamsam ni Barbara ang mga baraha, at pasigaw na sinabi kay Embury, "Brother Embury, kailangan kang mangaral sa amin, o mahuhulog lahat tayo sa impierno, sisingilin ng Diyos ang aming dugo sa iyong mga kamay!"  Mabilis na tumugon si Embury at noong 1766, naitatag ang isang iglesia.

Ang mga karaniwang miembro ang nagpasimula sa gawain sa America. Isa sa mga ito si Robert Strawbridge, isang magsasakang Irish.  Ginugol niya ang kanyang buhay sa pangangaral ng Salita ng Diyos, kaya lumaganap ang Metodismo sa Maryland. Nang magpadala ng misyonero si Wesley noong Augusto 1769, nadatnan na lamang ng mga misyonero na laganap na ang pananampalataya!  Kabilang sa mga misyonerong ginamit ng Diyos sa America ay sina Richard Boardman, Joseph Pilmoor, mga lay preachers, at sina Francis Asbury, at Thomas Coke na mga pastor. 


Ang United  Methodist  Church
ANG PAGKATATAG

Ang United Methodist Church ay naitatag noong Abril 23, 1968, sa pagkakaisa ng Methodist Church (naitatag bunga ng muling pagkakaisa ng Methodist Protestant Church, Methodist Episcopal Church, Methodist Episcopal Church, South)  at ng Evangelical United Brethren Church.  Ang mga iglesiang ito ay parehong nagsimula sa tradisyong Wesleyan at Protestante.  Ang pananampalataya ng kanilang mga fundador ay nahubog sa Metodismo, sina Thomas Coke at Francis Asbury ay parehong tagasunod ni John Wesley, si Jacob Albright, na bagama't dating Lutheran ay nakonberte sa Metodismo at sina Otterbein at Boehm ay nakakilala sa Panginoon dahil sa mga Metodista. Dagdag pa rito, sila ay mga malalapit na kaibigan nina Thomas Coke at Francis Asbury.

ANG METHODIST CHURCH

Ang Methodists Church sa Amerika ay naunang naitatag sa pangalang Methodists Episcopal Church (MEC) noong Disyembre 25, 1784, sa ilalim ng pamamahala nina Francis Asbury at Thomas Coke bilang mga unang superintendente.

Sa paglakad ng kasaysayan, ang MEC ay nagkaroon ng tatlong sangay: Methodists Protestant Church, MEC at MEC, South. Subalit nagkaisa silang muli upang itatag ang Methodists Church noong Abril 1939

ANG EVANGELICAL UNITED BRETHREN CHURCH

Halos kasabay ng pagunlad ng gawain ng Diyos sa pamamagitan ng  Methodists Episcopal Church, mayroon ding dalawang iglesia na naitatag; noong 1803 ang Evangelical Church, sa pangunguna ni Jacob Albright, isang magsasaka at tilemaker mula sa Pennsylvania na nakonberte sa Metodismo at ang Church of the United Brethren in Christ noong 1800 sa pangunga ni Philip William Otterbein (pastor ng Reformed Church) at Martin Boehm, isang Mennonite Christian.  Noong Nobyembre 16, 1946, ang dalawang iglesia ay nagkaisa upang itatag ang United Evangelical Brethren Church.

Sa madaling salita, ang United Methodist Church ay resulta ng pagkakaisa ng  Methodists Episcopal Church at United Evangelical Brethren Church.  Patunay ito  ng ating paninindigan  na ang iglesia ng Panginoon ay hindi limitado sa isang denominasyon.  Ang iglesia ng Diyos ay binubuo ng lahat ng mga sumasampalataya. Patuloy na nakikiisa ang iglesia sa mga kapulungang Kristiano na gumagawa para sa pagkakaisa ng Kristianismo sa buong mundo.


________________________  

Metodismo sa Pilipinas

SI MR. ARTHUR PRAUTCH

Mga misyonerong Amerikano ang nagdala ng Metodismo sa Pilipinas kasabay ng pagdating ng mga hukbong Amerikano noong 1898. Ang unang pangangaral ay ginawa ni Rev. George Stull, isang chaplain ng hukbong sandatahan. Ang opisyal na pagpapadala ng misyonero ay noong January 22, 1899, si Bishop James M. Thoburn ang unang manggagawa. Pagdaong ng Obispo sa bansa, nadatnan niya ang mag-asawang Mr. and Mrs. Arthur Prautch, mga mangangalakal na Amerikano. Si Mr. Prautch ay isang laikong mangangaral na kusang nagmisyon sa Pilipinas.  Tuwing umaga, tumatayo si Mr. Prautch sa Escolta at ibang kalye ng Maynila upang mangaral.  Nang makita siya ni Obispo Thoburn, magalak niya siyang inatasan na manguna sa mga gawain sa mga sundalo at misyon hanggang dumating ang ibang misyonero mula Amerika. Nanatiling misyonero si Prautch hanggang sa kanyang pagpanaw sa Maynila noong May 19, 1937.

ANG COMITY MEETING

Dahil sa halos sabay-sabay na pagdating ng mga misyonero mula sa ibat-ibang denominasyong Kristiano, nagkaisa ang mga ito na magkaroon ng samahan, ang Evangelical Missionary Society.  Upang maiwasan ang kumpetisyon sa pagitan ng mga iglesia, napagkaisahan nila na hatiin ang Pilipinas sa mga rehiyon at mga lalawigan, ang Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, Bataan at 
Zambales ay ipinagkaloob na responsibilidad sa mga Metodista.  At naging karagdagan noong Enero 9, 1902, sa pagpupulong ng Comity na ipagkaloob din sa iglesia ang Isabela, Nueva Ecija at Cagayan. 

SI NICOLAS ZAMORA

Noong October 22, 1899, ang sambahayan ni PaulinoZamora, kapatid ni Father Zamora (isa sa mga Gomburza) ay nabautismuhan sa pangunguna ni James Rodgers, isang misyonerong Presbyterian.  Isa sa apat na anak ni Paulino na nabautismuhan ay si Nicolas, ang nakipagkasundo kay Rogers na "siya ay lilipat sa Metodismo kapag naitatag na ito sa Pilipinas". Ang kahilingang ito ni Nicolas ay dahil nakakilala siya sa Panginoon sa pangangaral ni Mr. Prautch at naging katulong siya nito sa itinatag na Soldiers and Sailors Institute.  

Si  Nicolas ang unang Protestanteng pastor sa Pilipinas, tinanggap siya bilang diakono noong March 10, 1900. Isa siyang mahusay na ebanghelista at lider.  Siya rin ang nagtatag ng Iglesia Evangelika Metodista en Las Islas Filipinas (IEMELIF  o  Philippine Evangelical Methodist Church) noong 1904, sa pagnanais na maging independente sa pangangasiwa ng mga Metodistang Amerikano. 
Marami ang nahikayat na Pilipino ang mga Metodista dahil sa malayang pagbubukas sa Biblia. Nakita ng mga Pilipino na maari nilang basahin ang Biblia na di tulad ng pagbabawal noon ng mga Kastila. Ang pagsamba ay ginaganap sa salitang Pilipino, at higit sa lahat, ang isang malaking dahilan kung bakit nahikayat ang maraming Pilipino sa Metodismo ay dahil nakita nila ang katapatan ng mga misyonero sa kanilang pagpapahayag ng Salita ng Diyos.

Mayroong ibat-ibang denominasyong Metodista ngayon sa Pilipinas na kinabibilangan ng mga United Methodists, Wesleyan Church, Evangelical Methodists (IEMELIF), Salvation Army, bahagi ng United Church of Christ (UCCP) na dating Philippine Methodist Church at iba pang mga iglesia na kumikilala sa Metodismo bilang kanilang inang iglesia.

______________________

Lesson 2: Ang Ating Misyon At Doktrina

Ang iglesia ay may iisang misyon: ang tuparin ang utos ng Panginoong Jesus na gawing alagad ang mga bansa, ang bautismuhan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at ituro sa lahat ang ipinaguutos ng Panginoong Jesus.

Pinatotohanan ng Aklat ng Disiplina na, 
“Kapag nagiging malinaw sa iglesia ang kanyang misyon, ginagamit ng Diyos ang ating iglesia sa pagliligtas ng mga  kaluluwa, sa paghilom ng mga relasyon sa pagitan ng mga tao, nababago ang mga lipunan, at naikakalat ang kabanalang ayon sa Biblia, tungo sa pagbabago ng sanlibutan.(p. 88, Discipline) 

Sa pangunguna ng Banal na Espiritu, ang bawat Metodista ay saksi ng Panginoon (Gawa 1: 8).   Ang bawat Kristiano ay ilaw at asin ng sanlibutan, mga instrumento ng Diyos sa kanyang pagliligtas.  Ang Iglesia Metodista, bilang bahagi ng katawan ni Kristo ay inatasang magpapatuloy sa gawain ni Kristo.  Ang ating misyon ay ang magpahayag sa katotohanan na iniibig ng Diyos ang sanlibutan, maging ang mga makasalanan, at nais niyang iligtas ang lahat (1Tesalonica 5.9, Juan 3:16).  
Bilang mga saksi ng Panginoon, ang ating katibayan sa pagpapatotoo  ay ang ating sariling buhay.   Ano ang ginawa ni Kristo para sa atin? Paano tayo naligtas?  Paano  binago ng Panginoon ang ating buhay?  Bakit tayo naglilingkod ng tapat sa ating Diyos?

Ang Ating Paraan ng Pagtupad sa Ating Misyon

Sa paragraph 122 ng Aklat ng Disiplina, mababasa na ang ating iglesia ay may mungkahing paraan ng pagmimisyon;

1. ipahayag ang ebanghelyo, hanapin, tanggapin at tipunan ang mga tao upang mapabilang sa katawan ni Cristo.

2. gabayan ang mga tao upang italaga ang kanilang mga buhay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo at pangungumpisal ng pananampalataya kay Cristo. 

3. turuan ang mga tao ng pamumuhay Kristiano sa pamamagitan ng pagsamba, mga sakramento, disiplinang espiritual at iba pang paraan ng paraan.

4. suguin ang mga kaanib sa mundo upang mamuhay na puno ng pag-ibig at katuwiran bilang mga lingkod ni Cristo sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga sakit, pagbibigay pagkain sa mga nagugutom, pagmamalasakit sa kapwa, pagpapalaya sa mga pinahihirapan,  gumawa para sa ikauunlad ng mga pamayanan ayon sa pamantayan ng Biblia, ipagpatuloy ang misyon ng paghahanap, pagtanggap at pagtipon ng mga tao upang maging kabahagi ng katawan ni Cristo. 
________________________________

MGA DOKTRINANG BINIBIGYANG DIIN
(WESLEYAN EMPHASES)

Katulad ng ibang kalipunang Kristiano ikinukumpisal natin ang Pananampalataya ng mga Apostol.  Sumasampalataya tayo sa iisang Diyos, kay Jesu-Kristo at sa Banal na Espiritu. Ganun pa man, mayroon tayong anim na mahalagang binibigyang diin bilang mga  Kristiano. 

Ang mga sumusunod na doktrina ay katibayan ng layunin ng iglesia na palaganapin ang kabanalang ayon sa Biblia, upang maranasan ng mga tao ang nagliligtas na biyaya ng Diyos, at upang  anyayahan ang mga tao sa pagunlad ng kanilang kaalaman at pag-ibig  sa Diyos sa pamamagitan ng personal at sama-samang  pamumuhay bilang iglesia.  

Ang ating mga pangunahing doktrina ay may malaking kaugnayan sa ating pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.   

DOKTRINANG BINIBIGYANG DIIN

1. Ang Unang Biyayang Nakapagliligtas (Prevenient Grace)  

Kinikilala natin na ang Diyos ang unang gumawa para sa ating ikaliligtas.  Sa pamamagitan ng biyayang ito, tayo ay binigyan ng kakayahang tumugon sa Kanyang pag-ibig (dahil tayo ay patay sa kasalanan) upang magsisi at manampalataya (Roma 5: 8).  

2. Kapatawaran at Kasiguruhan 
Naniniwala tayo na may kapatawaran para sa sinumang tunay na nagsisisi (I Juan 1.9).  Ibinabalik ng Diyos ang dating kaugnayan Niya sa sinumang sasampalataya sa tulong ng Banal na Espiritu.  Siya ay ipapanganak na muli, dahil sa pagbabagong ginagawa ng Diyos sa kanyang buhay.  Hindi lamang kasalanan ang inaalis ng Diyos sa atin, kundi ang ating pagiging makasalanan.  Mararamdaman nating nagaganap na ito sa ating kalooban kapag nakadarama na tayo ng kalungkutan at pagsisisi tuwing tayo ay nagkakasala at nagkakaroon tayo ng kauhawan sa kabanalan at kaligayahan sa paglilingkod sa Diyos.  

3.  Ang Kasiguruhan ng Kaligtasan 

Ang kasiguruhang ito ay ang katotohanan na ang nananalig kay Jesu-Kristo ay anak ng Diyos (Juan 1.12).  Naniniwala tayo na maari tayong magkaroon ng katiyakan ng buhay walang hanggan habang tayo ay nabubuhay pa (Roma 5:9-10; 8.24; I Pedro 1.9, I John 5:13). Ang kasiguruhang ito ay ipanagkakaloob sa atin sa pamamagitan ng "patotoo ng Espiritu kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos" (Roma 8. 16).

4.  Kabanalan at Pagiging Ganap na Kristiano 

Ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos ay nagpapatuloy sa paglago sa kabanalan na humahantong sa pagiging ganap.  Sa tulong ng Banal na Espiritu, lilinisin niya tayo sa lahat ng ating karumihan, bababaguhin at uunlad ang ating kaalaman sa ating pag-ibig sa Diyos at kapwa.  Ang pag-unlad na ito ng isang Kristiyano ay nagpapatuloy "hanggang sa maging ganap na ang ating pagkatao ayon sa pagiging ganap ni Kristo" (Efeso 4.13). Ang mga anak ng Diyos ay nagpapakabanal "dahil ang ating Diyos ay banal".  Ang kabanalang  ito ay bunga ng ating lumalawig na pag-ibig sa Diyos.  Naniniwala tayo na kapag ganap na ang ating pag-ibig sa Diyos, nagiging ganap din ang ating pagnanais na maging kawangis ng Diyos ayon sa kanyang kabanalan.

5. Pananalig at Gawa 

Patuloy nating nasasaksihan ang biyaya at ang panawagan ng Diyos sa lahat ng tao upang sumunod at gumawa ng mabuti.  Ang pananalig ang tanging kailangan upang maligtas, subalit ipinapaalala sa atin na ang wagas na pananalig ay nagbubunga ng ganap na pagbabagong buhay, pagkamuhi sa kasalanan at paggawa ng mabuti (Santiago 2.18, Efeso 2:10). 

6.  Misyon at Paglilingkod 

Kahit sinasabi nating ang kaligtasan ay personal, pinapatotohanan natin na ito ay may palagihang kaakibat na tungkulin upang maibahagi  sa iba sa pamamagitan ng pagpapatotoo at paglilingkod.  Alalahanin na ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat.

7.  Pagkalinga at Misyon ng Iglesia 
Ang pangangalaga sa mga mananampalataya ay ating binibigyang diin at gayun din ang ating tungkulin sa ating kapwa tao, bagama't hindi sila kaanib ng ating iglesia.  Katulad natin, kailangan nila ang pagliligtas ng Diyos.  Tungkulin natin na sila'y abutin at ipakilala sa kanila si Jesus.

_________________________   

ARTIKULO NG RELIHIYON

Ang mga Artikulo ng Relihiyon ay pinili ni Wesley mula sa 39 na Artikulo ng Church of England  at ipinadala sa mga Metodista sa Amerika. Ang Iglesia Metodista Episcopal sa pasimula pa lamang ay tinaglay na ang mga artikulong ito sa pagpapahayag ng ating pananampalataya. 

1. Tungkol sa Pananampalataya sa Banal na Trinidad

Mayroong iisang buhay at tunay na Diyos, walang pinagmulan at walang katapusan, walang katawan o mga sangkap man, nagaangkin ng walang hanggang kapangyarihan, karunungan at kabutihan; ang lumikha at kumakalinga ng lahat ng mga bagay na nakikita at di nakikita. At sa pagkakaisa ng ka-Diyosang ito ay may tatlong persona, na nagtataglay ng iisang kalikasan, kapangyarihan at pagkawalang hanggan- ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. 

Referensya - Deut. 6:4; Jer. 10:10; Jn. 4:24; 1 Tim. 1:17
 
2.  Tungkol sa Salita o Anak ng Diyos

Ang Anak, na siyang Salita ng Ama, ay tunay at walang hanggang Diyos, kaisa sa kalikasan ng Ama, ay naging tao sa sinapupunan ng pinagpalang Birhen; anupa't ang dalawang buo at ganap na kalikasan ng pagka-Diyos at pagkatao ay nagsama sa iisang persona na kailanman ay hindi mapaghihiwalay; kaya't may iisang Kristo, tunay na Diyos at tunay na tao, na tiyak na naghirap, napako sa krus, namatay at inilibing upang ipakilala ang Kanyang Ama sa atin at upang maging handog hindi lamang para sa katutubong kasalanan (original sin) kundi para din naman sa mga nagawang kasalanan (actual sin) ng tao.

Referensya- Colosas 1.15-20; Filipos 2.6; Si Jesus ay ang Alpa't Omega - Pahayag 22.12; Juan 10.30; sa Mateo 2.11 at 28.17 si Jesus ay sinamba, at walang pagbabawal na ipinapahayag ang Biblia tungkol dito. Col. 2:9; Jn. 14:9

3. Tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Kristo

Si Kristo ay tunay na nagbangon mula sa mga patay, at muling nanumbalik sa kanyang katawan, kasama ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa kasasakdalan ng kalikasan ng tao, na sa ganitong anyo siya ay umakyat sa langit at doo'y nakaluklok hanggang sa siya'y bumalik na muli upang hukuman ang lahat ng mga tao sa huling araw. 

Referensya - 1Cor.15.20; Mateo 28.7; Roma 8.34

4. Tungkol sa Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo na nagbuhat sa Ama at Anak ay kaisang kalikasan, karilagan at kalwalhatian ng Ama at ng Anak, tunay at walang hanggang Diyos. 

 Referensya- Luke 11.13; 2Cor. 3.17; Ang Espiritu Santo ay ang Espititu ni Jesus ang Anak, Gal.4.6; na siya ring Espiritu ng Ama -1Cor. 2.12

5. Tungkol sa Kasapatan ng Banal na Kasulatan Para sa Kaligtasan

Ang banal na Kasulatan ay naglalaman ng lahat ng mga bagay na kinakailangan para sa ikaliligtas, kaya't anumang hindi nababasa doon, o hindi napapatunayan sa pamamagitan nito ay hindi masasabi sa sinumang tao na isang bagay na dapat sampalatayanan, o isiping ituro na kailangan para sa kaligtasan.  Sa tawag na kasulatan ang tinutukoy ay yaong mga aklat na pinasiyahang bumuo ng canon ng Matandang Tipan at Bagong Tipan, na ang kanilang kapangyarihan ay hindi kailan man pinag-alinlangan sa iglesia. 

Referesya: Jn. 5:39; Santiago 1:21

6.   Tungkol sa Matandang Tipan

Ang Matandang Tipan ay hindi salungat sa Bagong Tipan, sapagkat maging sa Matandang Tipan at Bagong Tipan, ang walang hanggang buhay ay iniaalok sa sangkatauhan ni Kristo, na siyang tanging Tagapamagitan sa Diyos at tao, sapagkat siya'y Diyos at tao. Kaya nga hindi dapat pakinggan yaong nagsisipagsabing  ang mga naunang ama (sa pananampalataya) ay nagsisipaghanap lamang ng mga pangakong pansamantala.  Bagamat ang batas na ipinagkaloob ng Diyos kay Moises na tumutukoy sa mga seremonyas at mga ritual ay hindi para sa mga Kristiano, ni ang mga utos pampamahalaan nuon ay hindi kailangang tanggapin ng alinmang bansa, ganun man, walang Kristianong makapagsasabing siya ay labas sa pagtalima sa mga kautusang tinatawag na moral.
   
7.   Tungkol sa Kasalanang Orihinal

Ang kasalanang orihinal ay hindi minana kay Adan, kundi yaon ang kahinaan ng kalikasan ng bawat tao, na katutubong likas ng mga anak ni Adan, na sa pamamagitan nito ang tao ay nalayo sa dating pagkamatuwid at napahilig ang sarili sa kasamaan at sa ganito ay nagpapatuloy.

Referesya: Romans 5:12; 19

8. Tungkol sa Malayang Kalooban (Of  Free Will)

Ang kalagayan ng tao pagkatapos magkasala ni Adan ay gayon na lamang, na sa kaniyang sariling lakas at mga gawa ay hindi siya maaring manampalataya at tumawag sa Diyos; kaya nga wala tayong lakas upang gumawa ng mabuti na kalugodlugod at katanggap-tanggap sa Diyos, kung wala tayo sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-akay ni Kristo, upang tayo'y magkaroon ng mabuting kalooban.

9. Tungkol sa Pagiging Matuwid ng Tao (Of the Justification of Man)

Tayo ay kinikilalang matuwid sa harap ng Diyos alang-alang lamang sa ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng ating pananampalataya at hindi dahil sa sarili nating mga gawa o mga karapatan.  Kaya nga ang paniniwala na tayo'y inaaring matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay isang makabuluhang aral at tunay na puspos ng kaligayahan.

Referensya- Efeso 2.8-9; Juan 3.16; Roma 3.28
10.    Tungkol sa Mabuting Gawa 

Bagamat ang mga mabubuting gawa, na mga bunga ng pananampalataya at kasunod ng pagkaaring matuwid ay hindi makapagaalis ng ating mga kasalanan at hindi makapipigil sa kabagsikan ng paghuhukom ng Diyos; gayun man, ang mga ito ay nakalulugod at katanggap-tanggap sa Diyos, kay Kristo at nagmumula sa isang tunay at buhay na pananampalataya, anupat sa pamamagitan nito, ang isang buhay na pananampalataya ay nakikilala, gaya ng pagkilala sa isang punong kahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. 

11.Tungkol sa Gawang Hindi na Kailangan (Supererogation)
     
Ang mga gawang kusang loob - tangi, higit at labis sa mga ipinaguutos ng Diyos - na tinatawag na mga gawang supererogation ay hindi maaring ituro ng walang pagmamataas at pagbabanalbanalan.  Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mga tao'y nagsasabing sila'y hindi gumagawa para sa kanyang sarili ng higit sa tungkuling kinakailangan; gayong maliwanag na sinasabi ni Kristo; kung nagawa na ninyo ang lahat ng ipinaguutos sa inyo ay sabihin ninyo, "Kami'y walang kabuluhang mga alipin."

12.  Tungkol sa Kasalanan Pagkaraang Ariing Matuwid (Sin After Justification)

Hindi ang lahat ng kasalanang nagawa pagkaraan ng karanasan ng pagkaaring matuwid ay kasalanan laban sa Espiritu Santo, at hindi mapapatawad.  Kaya nga, ang pagsisisi ay hindi dapat itanggi sa mga nahuhulog sa pagkakasala matapos makaranas ng kapatawaran. Pagtanggap natin sa Banal na Espiritu, tayo'y maaring mawalay sa biyayang tinanggap at mahulog muli sa kasalanan, subalit sa biyaya ng Diyos muling makababalik at magbago ng ating mga buhay. 
 At dahil dito, dapat ngang itakwil yaong mga nagsasabing sila'y hindi na mahuhulog sa kasalanan sa buong buhay nila sa lupa; o nagkakait naman ng kapatawaran sa mga tunay na nagsisisi.

13.  Tungkol sa Iglesia

Ang nakikitang iglesia ni Kristo ay isang kalipunan ng mga taong tapat, at ipinapangaral ang dalisay na salita ng Diyos at ang mga sakramento ay tiyak na ginaganap alinsunod sa utos ni Kristo sangayon sa lahat mga bagay na kinakailangan. 

14.   Tungkol sa Purgatoryo

Ang aral ng Iglesia Romana tungkol sa purgatoryo, pagpapatawad ng pari, pagsamba at pagluhod sa mga larawan, relikyas o sampu ng pananalangin sa mga santo, ay isang musmos na haka, kathang walang turing at hindi lamang walang saligan sa Kasulatan kundi labang laban sa Salita ng Diyos. 

Referensya: Exodo 20:1-4, 

15.  Tungkol sa Pagsasalita sa Kalipunan sa Wikang Nauunawaan ng Mga Tao

Isang bagay na labang laban sa Salita ng Diyos ang  nakaugalian ng unang iglesia (Iglesia Romana) ang manalangin ng hayagan sa loob ng iglesia o kaya'y gumanap ng sakramento sa wikang hindi nauunawaan ng mga tao (e.g.Latin).

Ang artikulong ito ay sinulat ng mga Protestant Reformers at bumanggit sa 1 Cor. 14.2,19 upang patunayan na hindi wasto ang manalangin, mangaral, o gumanap ng sakramento sa salitang hindi naiintindihan ng mga tao (Hal. Latin). Ang sabi ni Origen, isa sa mga matanda ng unang iglesia noong 202 A.D.  Ang taga Grecia ay nagdarasal sa salitang Griego, ang mga Romano sa wikang Romano, bawat isa sa kanyang sarilng wika."    
Ang pananampalataya ay walang kahulugan kung ito'y hindi maisasalin sa buhay, wika at damdamin ng mga tao. 

16. Tungkol sa Sakramento

Ang sakramentong iniutos ni Kristo ay hindi lamang mga sagisag ng pananampalataya ng mga Kristiano kundi tanda rin naman ng mga tiyak na biyaya at ng mabuting kalooban ng Diyos sa atin, na sa pamamagitan nito, siya'y gumagawang hindi nakikita sa atin at hindi lamang nagbibigay buhay, kundi nagpapalakas din at nagpapatibay sa ating pananampalataya sa kanya. 

17. Tungkol sa Bautismo

Ang bautismo ay hindi lamang pagsaysay ng pananampalataya at tatak na dapat pagkakilanlan ng mga Kristiano sa mga hindi nabautismohan, kundi ito rin naman ay tanda ng kapanganakang muli. Ang bautismo sa maliliit na bata ay pasimula sa ebanghelio at mananatili sa iglesia. 

18.  Tungkol sa Hapunan ng Panginoon     

Ang Hapunan ng Panginoon ay hindi lamang tanda ng pag-ibig na dapat masumpungan sa mga Kristiano kundi ito'y isang sakramento ng pagkatubos sa atin sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo; ano pa't sa kanilang mga matuwid, may karapatan sila sa pamamagitan ng pananampalataya na tumanggap nito.  Ang pagtanggap natin ng tinapay ay pakikibahagi sa katawan ni Kristo at gayon din ang saro ng pagpapala ay isang pakikibahagi sa dugo ni Kristo. 

Ang turo sa transustansiyasyon o ang pagbabagong likas ng tinapay at alak sa Hapunan ng Panginoon (upang maging literal na katawan ni Kristo) ay walang katotohanan at walang batayan sa Banal na Kasulatan, malinaw na sumisira ito sa tunay na kahulugan ng Banal na Komunyon, at nagbibigay pagkakataon para sa maraming haka-haka. Ang katawan ni Kristo ay ipinagkakaloob, tinatanggap,  at kinakain sa Hapunan, tanging sa paraang makalangit at espiritual.  At ang tanging paraan sa pagtanggap sa katawan ni Kristo at pagkain nito sa Hapunan ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 

Ang Sakramento ng Banal na Hapunan ay hindi iniutos ni Kristo upang sambahin.

19.  Tungkol sa Dalawang Bahagi (Ang Saro at Tinapay)   
Ang  saro ng Panginoon ay hindi dapat ipagkait sa mga layko o mga kaanib;  sapagkat ang dalawang bahagi ng Hapunan ng Panginoon, sa utos ni Kristo ay dapat na ipagkaloob sa lahat ng Kristiano. 

20.  Tungkol sa Isang Hain ni Kristo na Ginanap sa Krus

Ang handog ni Kristo, na minsang ginawa, ay siya lamang ganap na katubusan, hain at kabayaran para sa lahat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan maging katutubo (original sin) o ginagawa man  (actual sin); at wala ng iba pang makapagpapatawad sa kasalanan maliban doon.  Kaya nga, ang paghahain ng mga misa, na dito'y sinasabing iniaalay na muli ng pari si Kristo para sa mga buhay at patay, upang maalis ang sakit o pagkakasala ay isang gawang pamumusong at pandarayang mapanganib.

21.  Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Ministro

Ang mga ministro ni Kristo ay hindi inaatasan sa kautusan ng Diyos na ipangako ang hindi pag-aasawa; kaya nga matuwid sa kanila, gaya ng lahat ng Kristiano na mag-asawa ayon sa kanilang minamagaling, na ang gayon ay lalong makatulong sa kanila tungo sa kabanalan. 

22. Tungkol sa mga Ritual at Seremonya ng mga Iglesia 

Hindi karapat-dapat na ang mga ritual at seremonyas ay magkakatulad sa lahat ng mga lugar, sapagkat ang ito'y tunay namang magkakaiba at nagbabago ayon sa pagkakaiba ng mga bansa, panahon, at kaugalian ng mga tao, basta't hindi ito salungat sa Salita ng Diyos.   Sinuman, ayon sa kanyang sariling palagay, ay magnanais at sadyang lalabag sa mga ritual at seremonya ng iglesia na kanyang kinabibilangan, at salungat sa Salita ng Diyos, kung ang mga ito'y itinatag at pinapatupad ng mga namumuno sa iglesia, ay kailangang ituwid ng lantaran, upang ang iba ay tumakot na tumulad sa kanya, sapagkat ang mga ganito ay makagugulo sa kaayusan ng iglesia at maaring makatisod sa mga mahihinang kapatid.

Ang bawat iglesia ay maaring gumawa, bumago at magalis ng mga ritual at seremonya, upang ang lahat ng bagay ay magkaroon ng kaayusan. 

23.  Tungkol sa Tungkulin ng mga Kristiano sa Pamahalaan

Tungkulin ng lahat ng Kristiano, lalong lalo na ng mga ministro na igalang at sumunod sa mga batas at sa mga utos ng mga namamahala at pinakamataas na kapangyarihan sa kanilang bayan, kung saan sila ay mga mamamayan, o kaya'y kanilang tinatahanan; at gawin ang lahat upang makatulong at makasunod sa mga may kapangyarihan.
24.  Tungkol sa Ari-arian ng mga Kristiano

Ang kayamanan at mga ari-arian ng mga Kristiano ay hindi kanila, maging sa karapatan, titulo at pagkamay-ari, gaya ng maling pagmamalaki ng ilan.  Gayon man, ang bawat tao ay nararapat, sa mga bagay na kanyang tinatangkilik ay magbigay ng sagana sa paglilimos sa mga dukha, ayon sa kanyang kakayahan.

25. Tungkol sa Panunumpa ng Isang Kristiano

Kung paanong tayo'y naniniwala na ang walang kabuluhan ang bigla-biglang panunumpa, ay ipinagbabawal sa mga Kristiano ng ating Panginoong Jesu-Kristo at ni Santiago na kanyang apostol, ganun pa man sinasabi natin na hindi ipinagbabawal ng pananampalatayang Kristiano ang pagsumpa sa harap ng husgado sa ngalan ng katapatan at pag-ibig, alinsunod sa mga turo ng mga propeta para sa katarungan, wastong paghatol at katotohanan.

Tungkol sa Pagiging Banal  (On Sanctification)

Ang pagiging banal ay tumutukoy sa pagbabagong ginagawa ng Banal na Espiritu na paglisan natin mula sa pagkahulog natin sa kasalanan, tinatanggap ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, sa kanyang dugong tumubos, luminis sa lahat ng ating kasalanan; na hindi lamang nagligtas sa atin mula sa kasalanan kundi pa naman luminis sa lahat ng ating karumihan, nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kasalanan at nagbigay sa atin ng lakas, sa pamamagitan ng biyaya, upang ibigin natin ang Diyos ng buong puso at upang tayo ay ganap na makasunod sa kanyang mga banal na utos.  

Ang  artikulong ito ay paraan ng pagbibigay diin sa doktrinang Sanctification o Pagpapakabanal.  Tinatawag itong Pangalawang Kaloob (Second grace) dahil ang kaligtasan ay hindi lamang pagkamit ng minsanang kapatawaran (Justification) kundi nagpapatuloy ito sa walang humpay na pagkilos ng Diyos sa buhay ng mga naligtas.  

_______________________________   

LESSON  3: PAGIGING KAANIB

Ang Nagkaisang Iglesia Metodista ay bukas para sa lahat na nagnanais maging kaanib. Isa itong inklusibong iglesia na hindi nagtatangi sa mga tao batay sa kanilang lahi, kulay, kasarian, edad o relihiyon.  Ang sinuman ay maaring dumalo sa mga gawaing pagsamba, pag-aaral, paglilingkod at sakramento ng iglesia.  Tinatanggap ng iglesia ang, sinumang nagnanais maging kaanib sa katawan ni Kristo na sumasampalataya sa Diyos, ang Amang makapangyarihan sa lahat, na Siyang lumikha ng langit at ng lupa, at kay Jesu-Kristo na bugtong Niyang Anak, at sa Espiritu Santo. 

Sa kalagayan ng mga bata na hindi pa maaring mangako para sa kanilang sarili, ang kanilang mga magulang, ninang at ninong o iba pang tagapag-alaga ang kakatawan para sa kanila upang maging kaanib ng iglesia.

PAGKALINGA SA MGA KAANIB

Tungkulin ng iglesia na pangalagaan ang mga kaanib, na sila'y gabayan sa pamamagitan ng pagtuturo, pagsasanay at pangangaral ng Salita ng Diyos hanggang sa lubusang maihanda ang bawat kaanib sa pagka-alagad. Tungkulin ng iglesia ang bisitahin at ipanalangin ang mga kaanib, ang pangunahan sila sa matuwid na pamumuhay, at sanayin sa paglilingkod sa Diyos at kapwa. 

PANGAKO BILANG KAANIB
Inaasahan sa bawat kaanib ang ipangako niya sa Diyos at sa mga kapatid:

1. Na lalabanan niya ang lahat ng kapangyarihan ng kasamaan, na      itatakwil niya ang kasamaang naghahari dito sa mundo, at      magsisisi sa kanyang mga kasalanan,

2. Na tatangapin niya ang kalayaan at kapangyarihang galing sa Diyos upang labanan ang kasamaan, kawalan ng katarungan at pangaabuso. 

3. Ang ikukumpisal niya si Jesu-Kristo bilang kanyang Tagapagligtas, at lubusang magtitiwala sa biyaya ng Diyos, at mangangakong maglilingkod kay Jesus bilang Panginoon. 

4. Na siya'y mananatiling tapat na kaanib ng banal na iglesia ni Kristo at maglilingkod bilang kinatawan ni Kristo sa mundo. 

5. Na mananatili siyang tapat sa Nagkaisang Iglesia Metodista at gawin ang lahat sa abot ng makakaya upang palakasin ang ministeryo ng iglesia. 

6. Ang tapat na pakikibahagi sa mga ministeryo sa pamamagitan ng panalangin, pagdalo sa mga gawain, pagkakaloob at paglilingkod;

7. Ang tanggapin at ipahayag ang Ebanghelyo ayon sa pagkasulat nito sa Salita ng Diyos. Ang magpatotoo sa mga ginawa ng Diyos sa kanyang  buhay, lalo't tungkol sa kanyang kaligtasan.


DISIPLINA NG MGA KAANIB

Ang Tatak ng Isang Tunay na Metodista.
(Sinulat ni John Wesley, Marks of a True Methodist) 

Ang isang Metodista ay may pag-ibig ng Diyos sa kanyang puso na ipinagkaloob ng banal na Espiritu. Isa siyang umiibig sa kanyang Panginoon na kanyang Diyos ng buong puso, kaluluwa, isip at lakas.  Mayroon siyang walang hanggang kaligayahan, walang tigil sa pananalangin at nagpapasalamat sa lahat ng bagay. 

Ang kanyang puso ay puno ng pagmamahal sa lahat ng tao, at nilinis na mula sa inggit, galit, karumihan at lahat ng mga bagay na walang idudulot na mabuti. Ang tanging hangarin niya at ang tanging pagnanais sa buhay ay hindi ang gawin ang sariling kagustuhan kundi ang kagustuhan Niya ng nagsugo sa kanya.  Sinusunod niya ang lahat ng utos ng Diyos mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. 

Hindi niya sinusunod ang kamunduhan, dahil ang masamang bisyo ay hindi kailanman makabubuti kahit ito'y uso. Hindi siya kailanman nagpapabaya.  Hindi siya nag-iipon ng kayamanan dito sa lupa, ni hindi niya ginaganyakan ang sarili ng sari-saring alahas at mamahaling kasuotan.  Hindi rin siya sumasali sa anumang bisyo, gaano man kaunti ang idudulot na sama nito.    

Hindi siya nagsasalita ng laban sa kapwa o magpapahayag ng kasinungalingan. Hindi siya nangungusap ng nakakasakit sa kapwa o ng kasamaan.  Gumagawa siya ng kabutihan sa lahat ng tao, sa kapwa, estranghero, kaibigan o maging sa kaaway.  

Ito ang mga prinsipyo at kasanayan sa ating pananampalataya. Ito ang mga tatak ng isang tunay na Metodista.   Sa mga ito maipakilala ng bawat Metodista na siya ay may kakaibang pamumuhay sa mga hindi mananampalataya. 

______________________________


DO GOOD , DO NO HARM, STAY IN LOVE WITH GOD

PANGKALAHATANG PATAKARAN SA PAGIGING KAANIB
(GENERAL RULES)

(Ang artikulong ito ay sinulat ni John Wesley bilang gabay sa mga nagnanais maging kaanib ng iglesia at kung paano nila patutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos ayon sa paraan ng kanilang pamumuhay.) 

Iisa ang hinihiling sa bawat nagnanais na maging kaanib ng kapulungan - ang tapat na pagnanais na makatakas sa kapahamakang darating, ang maligtas mula sa kasalanan.   Subalit habang ito ay nagaganap sa kanyang kalooban, ito ay dapat ding mapatunayan sa kanyang mga gawa. Inaasahan kung gayon sa bawat kaanib na patuloy siyang magpakita ng katibayan na siya ay nagnanais na maligtas:

Una, sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang uri ng kasamaan, lalo na ang kasalanang madalas makaugalian, tulad ng paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, ang hindi pangingilin sa araw ng Panginoon, maging sa paggawa ng karaniwang trabaho o pangangalakal. Paglalasing, pagbili o pagbebenta ng mga nakakalasing na inumin. Pagbili o pagbebenta ng mga bagay na hindi binayaran ang buwis (puslit na kalakal at piracy). Pagpapautang na may labis na patubo. Paguusap na walang kapakinabangan tulad ng pagbibiro na nakakasakit sa damdamin at nakakapagpababa ng moral ng tao, ang pagwiwika ng laban sa kapwa, lalo na sa mga ministro o namumuno sa iglesia. Ang paggawa ng mga bagay na ayaw mangyari sa sarili, paggawa ng mga bagay na hindi nakapagbibigay lugod sa Panginoon, tulad ng labis na pagsusuot ng alahas. Paglilibang na hindi maaring iugnay sa pangalan ng Panginoong Jesus (tulad ng sugal). Pag-awit o pagbasa ng mga aklat na hindi naglalaman ng katuruan ukol sa Diyos at pag-ibig sa Panginoon; kalayawan, pagiipon ng kayamanan sa lupa; paghiram o pangungutang na hindi nagbabayad. 

Inaasahan sa lahat na nagpapatuloy bilang kaanib na siya ay magpakita ng katibayan ng kanyang tapat na pagnanais na maligtas;
Pangalawa, sa paggawa ng lahat ng uri na kabutihan, maging mahabagin sa abot ng kanyang makakaya; sa tuwing may pagkakataon, gumawa ng mabuti sa kapwa para sa pangangailangan ng kanyang lupang katawan, sa pamamagitan ng pagbibigay pagkain sa nagugutom, pagbibigay ng damit sa walang kasuotan, pagbisita, pagtulong sa mga maysakit o sa mga nasa kulungan. Ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos upang manghikayat ng ibang tao para sa kapakinabangan ng kanilang kaluluwa. Ang tapakan ang turo ng Diablo  na: hindi dapat gawin ang isang bagay na mabuti kung hindi ito nadarama. Paggawa ng mabuti lalo na sa mga kasama sa iglesia, kung maari sila ang unang tatawagan kung kailangan ang mga manggagawa; mamili sa kapwa kaanib at makipagtulungan sa kanila sa hanapbuhay. Kung mahal ng mundo ang kanya, mas lalo nating dapat mahalin ang ating kapwa Kristiano. 

Mamuhay ng buong ingat at pagsusumikap upang ang Salita ng Diyos ay hindi mapintasan, sa pamamagitan ng matiyagang pagtakbo sa labanan ng buhay.  Kalimutan ang sarili, at pasanin ang krus sa araw-araw. Magbata kasama ng Panginoon, maging sa panlalait ng sanlibutan na nagturing na si Jesus ay masama at asahan na paratangan siya ng ibat-ibang kasamaan dahil sa Panginoon. 

Inaasahan sa lahat na nagpapatuloy bilang kaanib na siya ay magpakita ng katibayan ng kanyang tapat na pagnanais na maligtas;

Pangatlo, sa tapat na pagdalo sa mga gawain para sa Panginoon. Tulad ng hayagang pagsamba; ang pagpapahayag ng Salita maging sa pagbasa nito o pagpapaliwanag; ang pagkuha ng bahagi sa Banal na Komunyon; gumawa ng pampamilya o pansariling pananalangin, pag-aaral sa Biblia at pagaayuno.

Ito ang patakaran ng ating iglesia; na itinuturo ng Diyos maging sa kanyang Salita, na siyang tanging batas sa buhay at pananampalataya. Alam natin na ang lahat ng ito ay isinulat ng Espiritu sa puso ng bawat naligtas. Kung mayroon sa atin na hindi susunod at palagiang nilalabag ang mga ito, ipinapa-alala sa nagiingat ng kaluluwang ito na may pananagutan siya. Papayuhan siya sa kanyang pagkakamali at bibigyan siya ng pagkakataon, subalit kung hindi siya magsisisi, wala na siyang lugar sa ating kapulungan.

PARAAN NG PAGIGING KAANIB

Ang pagiging kaanib sa iglesia ay may ibat-ibang uri.  

1.  Full / Confessing Members - mga kaanib na may malinaw na kaalaman sa pananampalataya matapos ang masusing pag-aaral sa mga doktrina ng iglesia. Ang isang ganap na kaanib ay:

a.  Opisyal na tinanggap sa iglesia bilang ganap na kaanib,
b.  May malinaw na kaalaman sa mga patakaran at doktrina ng iglesia, matapos dumaan sa mga                   itinakdang pag-aaral dito,
c. Gumaganap ng tungkulin at pangako bilang kaanib.

2.  Preparatory Members - mga tumanggap ng bautismo ayon sa ritual ng iglesia. Kung ang kaanib ay isang bata, tungkulin ng mga magulang, ninong at ninang ang sanayin siya sa pananampalataya batay sa kanilang ginawang pangako sa Diyos sa oras ng bautismo. Ang mga may gulang ay dapat turuan at sanayin ng iglesia upang maihanda sila sa pagkadisipulo. 

3.  Affiliate Members - sinumang kaanib ng ibang Iglesia Metodista na nananambahan sa isang iglesia lokal bunga ng pansamantalang paninirahan dahil sa paghahanapbuhay, pag-aaral o iba pang dahilan.  Maari siyang maging opisyal ng iglesia at bumoto sa pagpupulong. 

4. Associate Members - kaanib mula sa ibang relihiyon o sektang Kristiano na nanambahan sa iglesia lokal.  Mayroon silang kalayaan na sumali sa mga pagsamba, paglilingkod at pag-aaral sa iglesia.  Subalit hindi sila pinapayagang sumali sa mga maseselang usapin at pagdedesisyon sa Council.

_________________________ 

LESSON 4: ANG BALANGKAS NG IGLESIA 
Ang  balangkas  at tatag ng United Methodist Church ay katibayan ng katapatan ng Diyos sa iglesia sa loob ng 280 (1739-2019) taon.  Hanggang sa kasalukuyan, ang ating iglesia ginagamit ng Diyos upang ipakilala si Cristo sa mundo.  Ang Metodismo ay isang pandaigdigang kilusang pangrelihiyon na may halos 30 milyong kaanib sa kasalukuyan. 

1.  Iglesia Lokal - ang kalipunan ng mga sumasamba sa isang komunidad.  Ang iglesia lokal ay binubuo ng mga kaanib, na sama-samang naglilingkod, sumasamba at nag-aaral ng Salita ng Diyos.  Pinangungunahan sila ng pastor at deakonesa. 

2.  Ang Distrito - ang samahan ng mga magkakalapit na iglesia lokal. Pinamamahalaan sila ng isang District Superintendent.   

3. Taunang Kumperensya - Taunang pulong ng mga iglesia sa isang rehiyon o probinsya.  Ang nasasakupan ng ating Kumperensya ay ang mga Distrito ng ________________.  Ang ating kumperensya ay tinatawag na __________________(Pampango Philippines Annual Conference) at   pinangangasiwaan ng isang Obispo.

4. Central Conference - ito ay ang pambansang pagtitipon (Pilipinas) para sa mga mahahalagang usapin ng iglesia. Pinamamahalaan ito ng mga  obispo ng bansa.

5.  General Conference - pagpupulong ng mga pinuno ng iglesia mula sa buong mundo. Ang lupon ng mga Obispo mula sa ibat-ibang bansa ang nangangasiwa dito. 

_______________________________________ 


ANG CHURCH COUNCIL

Ang Church Council ay lupon ng mga naglilingkod sa Diyos sa iglesia na binubuo ng mga pastor, deakonesa at mga laiko.  Sila ang nagsasagawa sa mga plano ng iglesia at nagpapatupad ng mga programa nito.  Inaasahan sa bawat miembro nito ang pagiging aktibo sa mga gawain ng iglesia. Inaasahan silang maging tapat at nakababatid sa nararapat na pamumuhay para sa isang Kristiano. Bahagi ng kanilang tungkulin ang:

1. Suriin ang talaan ng mga kaanib.
2. Maghalal sa mga bakanteng tungkulin sa Council,
3. Gumawa at magpatupad ng budget,
4. Magrekomenda ng sahod sa mga manggagawa,
5. Suriin ang ulat at rekomendasyon ng SPPR sa usapin ng kalagayan ng manggagawa. 

MGA MIEMBRO NG COUNCIL 

1. Pastor at Deaconesa 
2. Chairperson 
3. Lay Leader 
4.  Pastor-Parish Relations Committee Chairperson 
5. Finance Committee Chairperson 
6. Board of Trustees 
7. Treasurer 
8. Lay Member of the Conference 
9. Pangulo o Kakatawan para sa UMM
10. Pangulo o Kakatawan para sa UMW
11. Pangulo o Kakatawan para sa UMYF
12. Pangulo o Kakatawan para sa UMYAF
13. Nurture Committee Chairperson
14.  Outreach Committee Chairperson
15.  Witness Committee Chairperson
16.  Chairperson o kumakatawan sa isang mahalagang komite (special committee)

TUNGKULIN
NG MGA CHURCH COUNCIL MEMBERS 

1. Chairperson, ihahalal ng taunan ng Charge Conference upang gumanap ng sumusunod na tungkulin. 

a.  manguna sa pagtupad ng tungkulin ng Council
b. maghanda ng tatalakayin sa mga meeting, sa kaalaman ng pastor at ng lay leader, 
c. mag-aanalisa at magtatalaga ng mga gaganap sa mga napagkasunduan ng Council,
  d. nagpapa-alala sa ibang miembro ng Council sa pagpapatupad ng mga tungkulin at gawaing               napagkasunduan,
e. manguna sa Council sa pagbalangkas ng plano, paggawa ng layunin at pagsusuri para sa ikauunlad ng iglesia, 

2.  Lay Leader, ang kaanib na kakatawan sa lahat ng laiko sa iglesia at aasahang gaganap ng mga sumusunod na tungkulin;

a.  gumawa ng pamamaraan upang malaman ng mga laiko ang kanilang mga tungkulin, lalo na sa kanilang ministeryo sa iglesia at sa kani-kanilang mga tahanan, trabaho, at komunidad, 

b. palagiang makipagtalastasan sa pastor tungkol sa kalagayan ng iglesia
c. tumupad bilang miembro ng Charge Conference, 
d. tagapagpatupad sa mga aksyon ng Annual Conference
e. patuloy na magsagawa ng pag-aaral para sa ikauunlad ng iglesia 
f.  iminumungkahi na siya ay maging sertifikadong mangangaral upang maging katulong ng pastor sa pagtuturo at pangangaral. 

3.  Pastor-Parish Relations Committee, may 5 hanggang 9 miembro na ihahalal ng Charge Conference.  Sila ay dapat na magkaroon ng;

a.  Malinaw na kabatiran sa ministeryo ng iglesia
b. May kaalamang Biblikal sa tungkulin ng pastor.
c. Katulong ng pastor sa pagkilala sa mga kakayahan ng                   mga kaanib para sa epektibong paglilingkod.

Ang mga miembro ng komite ay ang Chairperson, 1 kabataan, 1 may gulang  (UMM, o UMW), lay leader at ang lay member para sa Annual Conference. Sakop ng kanilang tungkulin ang;
a.   makipagtulungan, kumunsulta, at magpa-alala sa pastor sa mga bagay na dapat unahin, sa mga kailangang gawin sa misyon at ministeryo ng iglesia. 

b.  Pagyamanin ang kaugnayan ng pastor, at deaconesa sa iglesia at kumilos para alisin ang anumang gagambala sa  ministeryo ng iglesia.

c.   Gumawa ng taunang pagsusuri sa pangangailangan ng Mga manggagawa sa larangan ng pagsasanay at dagdag na pag-aaral

d.  Magturo sa katangian at misyon ng Nagkaisang Iglesia metodista

e.  Pagpili at pagsuri sa mga nagnanais maging lay preachers at maging manggagawang pastor o deakonesa.

f.  Magsuri kung makatutulong ang pananatili ng manggagawa sa kasalukuyang destino.

4.  Finance Committee, magsumite ng budget at magsagawa ng paraan para sa kaunlarang financial ng iglesia. Gumawa ng mga paraan upang matustusan ang mga pangangailangang financial ng iglesia. Dalawa sa kanila ang magiging Tagabilang ng mga handog, mga pangako at ikapu.  Isa sa kanila ang magiging Financial Secretary, na nagtatala sa mga pananalapi ng iglesia. 

Ang komite ay kabibilangan din ng:

a. Treasurer - magiingat sa yamang financial ng iglesia
b. ibang kaanib na hinalal ng Charge Conference

5.  Membership Secretary - nagtatala ng taunan sa mga listahan ng mga kaanib, mga naragdag na miembero, mga nabinyagan at iba pa.  Sa kanyang pagiingat ang mga talaan ng mga kaanib. 

6. Board Of  Trustees,

a.  nagiingat sa kagamitan ng iglesia at kaayusan ng iglesia
b.  taunang nagsusuri sa mga kagamitan 
c.  nagbibigay pahintulot sa mga nanghihiram ng mga gamit ng iglesia kasama ang pastor. 

7.  Treasurer, ingat yaman ng iglesia.  Tungkulin niya ang: 
a.  pangalagaan ang kapakanang financial ng iglesia at gumastos lamang ayon sa itinakda sa                     budget. 
b.  Mag-issue ng resibo sa mga donasyon at ikapu / pangako
c.  Mag-ulat ng regular (buwanan) sa kalagayang financia ng iglesia
d.  Magbayad ng tungkulin sa Distrito (Tithe  / Apportionment)

8.  Lay Member of the Conference, kumakatawan sa iglesia sa Annual Conference at mag-uulat sa mga napagkasunduan na dapat ipatupad sa iglesia lokal.

9.  Nurture Committee, ang gaganap sa tungkuling may kaugnayan  sa;
        a.  Edukasyon
b. Pagsamba
c.  Christian Formation (Retreats, Trainings etc.)
d. Pangangalaga ng mga Kaanib (Visitations)
e.  Pagkakatiwala o Stewardship
f.   Bible Study at Worship Groups

10 . Outreach Committee, gaganap ng tungkulin sa:

a.  kawanggawa o pagtulong sa mga nangangailangan sa komunidad (social concerns), 
b.  nangangailangan ng tulong sa hinggil sa hustisya at social advocacy.

Ang ministeryong ito ay kinabibilangan ng kaugnayan ng iglesia sa lipunan, pakikipag-ugnayan sa ibang relihiyon, pakikipagtulungan sa pamayanan sa usaping pangkalusugan o katahimikan ng pamayanan.

11.  Witness Committee, tagapagtaguyod ng:
a.  mga gawaing ebanghelismo ng iglesia at,  
b.  maglulunsad ng mga mabisang pamamaraan ng panghihikayat para sa Panginoon.





4 (na) komento:

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...