Martes, Hunyo 2, 2015

Maging Kuntento sa Buhay (Ten Commandments)

Maging Kuntento sa Buhay
Exodo 20:17

Kapansin-pansin na dumadagsa ang mga tao kapag panahon ng mga “Mall Sales”  at inaabot ng ilang oras ang pila bago makapagbayad.  Ang ganitong karanasan ay tanda minsan ng ating maling paghahangad na makamit ang isang bagay na “bago” at “uso.”  Hindi natin maikakaila na ang mga patalastas sa TV ay nagtuturo sa atin na maging mabilis upang mamili, maging sa mga bagay na hindi naman natin kailangan, o mga pagkain na hindi naman totoong masustansya. 

Ang salitang “covetousness” sa English ay tumutukoy sa walang control na paghahangad para makuha ang gusto. Hindi tuwirang masama ang maghangad.  Nais ng Diyos na gumanda ang ating buhay, at makakain tayo ng masarap dahil mahal niya tayo.  Ngunit ang maghangad ng sobra ng walang pagpipigil sa sarili, ay madalas magresulta ng kapahamakan sa halip na pakinabang.  Anumang wala sa control ay mapanganib. 

May ilang masasamang binubunga ang maling paghahangad; 

1. Kapaguran. Sa panahong ito, marami ang nagmamadali upang yumaman.  Kaya ang marami ay pagod at nawawalan ng oras ng pahinga. Kahit ang Biblia ay may paalala sa Kawikaan 23:4-5, “Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon.  Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.” 

Maraming tao ang naghahanap-buhay at sinasakripisyo ang kalusugan, nasisira ang sariling katawan, at pagkatapos ay nauubos din ang kinita sa pagamutan.  

2. Pagkabaon sa Utang. Sabi ng Mangangaral 5:11, “Kung kailan dumarami ang iyong pera, gayun din dumarami ang pagnanais na gumasta.”

Sa pagnanais na magmukhang mayaman, maraming tao ang nababaon sa utang, kahit hindi kailangan.  Tandaan  kahit gaano karami ang hawak na pera, kung ito ay inutang, ito ay pananagutan na iyong babayaran at hindi mo ito kayamanan.  Ang paghawak ng pera na hindi naman sa iyo ay nagbibigay ng “hindi makatotohanang damdamin” na “feeling mo rich ka.”  

3. Nagbubunga ito ng pag-aaway.  Maraming mag-asawa, magkapatid at magkaibigan na ang mga nag-away dahil sa sobrang paghahangad.  Kaya sabi ng Biblia, sa Santiago 4:1, 

“Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban?” 

4.  Pagkabalisa. Magulong isip at buhay ang dala ng hindi pagiging kuntento sa buhay.  Ang taong naghahangad ng labis ay kadalasang ma “unrealistic perception in life”.  Niyayakap niya ang hindi niya kayang yakapin. Dahil dito nawawala ang kapayapaan ng isip at nagkukulang siya ng pahinga ng katawan. 

5.  Hindi makuntento. Ang kawalan ng satisfaction, ay nagdudulot ng sakit ng kalooban.  Hindi ka makukuntento kung ang nais mo ay labis na kayamanan.  Kahit yumaman pa ang isang tao, makikita niya na may kulang lagi sa kanyang buhay. Maalas ito ay nagreresulta rin ng kalungkutan. 

Paano natin pipigilan ang maling paghahangad? 

1. Maging kuntento, huwag ikukumpara ang sarili sa iba.  Hindi mo kailangang magselos dahil higit na tinatangkilik ang iba kaysa sa iyo. Ituon mo ang isip sa mga pagpapalang pangwalang hanggan na kaloob ng Diyos.  Higit silang mahalaga kaysa material na bagay tulad ng salapi. 

2. Maging mapagpasalamat, at matuwa kung ano mayroon ka.  Ang paghahangad na maangkin ang hindi atin, na ugaling sakim, ay magreresulta lamang ng kapahamakan. 

3. Gamitin ang sariling pera sa matalinong paraan at matutong mag-ipon at magbudget.  Ang pagyaman ay bunga ng sipag, tiyaga at pag-iipon ng kinikita. Kung mas malaki ang ating gastos kaysa ating kinikita, ito ay magbubunga ng hindi balanseng buhay.  Kahit malaki ang iyong kinikita, kung hindi ka naman nag-iipon, ay hindi ka rin yayaman. 

Sundin ang payo ni John Wesley, “Work all you can, save all you can, give all you can.”

4. Tumulong din sa kapwa at magkaloob  sa Diyos ng pasasalamat.  Ang pagpapala pa rin ng Diyos ang ating sandigan sa buhay. 

Ang tunay na sukatan ng buhay ay wala sa yaman kundi sa kalidad ng buhay.  Ang tunay na kapayapaan at kaligayahan ay hindi nabibili ng salapi. Ang pera ay isa lamang sa maraming aspeto ng buhay. 

Sa simula ng Sampung Utos, nababasa na ang sinabi ni Yahweh sa mga Israelita ay tungkol sa kaugnayan ng ng bayan sa Diyos.  Wika ng Panginoon, “Ako ang Diyos na naglabas sa inyo mula sa pagka-alipin.”  Makakamit natin kung gayon ang katuparan ng mga utos na ito, kung wasto ang ating kaugnayan sa Diyos.  Ang mga panuntunang ito ay malinaw na ipinagkaloob ng Diyos upang mapabuti ang ating kalagayan sa buhay.  Hindi sila utos na mabigat tupdin, kundi mga paraan ng Diyos upang ingatan tayo at gabayan tungo sa buhay na sagana at kasiya-siya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...