Lunes, Nobyembre 25, 2019

Tagalog Advent Sermons 2019

Advent 1: Pagsalubong sa Pagdating ng Panginoon
Isaiah 2:1-5  •  Romans 13:11-14  •  Matthew 24:36-44

Pumasok na po tayo sa Season of Advent at ito ang unang Linggo.  Ang Linggong ito ay panawagan upang maghanda tayo sa padating ng Panginoon.  Ang Advent ay hindi lamang po tungkol sa nakaraang Paskong kapanganakan ng Panginoong Jesus. Ito ay tungkol din sa muling pagdating ng Panginoong Jesus sa second coming.

Ano ba ang ibig sabihin ng Advent? Ang salitang ito ay mula sa Latin  at Greek na Adventus. Ang literal na kahulugan nito ay “arise”, sa seremonya kapag ang hari o emperor ay itataga.  Ang isa pang kahulugan nito ay “invasion” o pagdating ng malaking tropa ng militar. Sa mga Kristiano,  ito sa pangalawang pagdating ng Panginoong Jesus upang maghari at sumakop.  Ito ay paghahanda sa ating pagsalubong sa Pangalawang Pagdating ng Manunubos.

May kwento tungkol sa isang bata at isang lalaki na nagkita ng dalawang beses.  Sa una nilang pagkikita, ang bata ang kamuntik ng masagasaan ng kotse. Nailigtas siya ng lalaki. Hindi nakalimutan ng bata ang mukha ng lalaking nagligtas sa kanya.

Ilang taon ang nagdaan, ang lalaki ay nag-aral ng abogasya, at naging hukom.  Samantalang ang bata na iniligtas niya ay lumaking magnanakaw. Nahuli ng pulis ang magnanakaw at iniharap sa judge.Namukhaan ng magnanakaw ang judge. “Sabi niya, ako po yung iniligtas ninyo sa panganib noong bata ako. Pwede po ba ninyo akong iligtas ulit ngayon sa pagkakulong?” Sumagot ang judge, “Noon iniligtas kita.  Ngayon, hahatulan na kita!”

Tandaan na sa unang pagdating ng Panginoon, siya ang ating Tagapagligtas.  Sa kanyang pangalawang pagdating, siya ang ating Hukom.  Hahatulan niya tayo ayon sa ating mga gawa, pag-uugali, ang ating pagkatao mula sa kalooban hanggang sa ating paglabas na pagkatao.

Kung gayun, upang maging handa tayo sa kanyang muling pagdating, kailangan tayong maging karapat-dapat sa kanyang harapan.

1. Tamang Paghahanda sa Paghuhukom

Magsimula po tayo sa ating Epistle Reading.  Sa Roma 13:11-14, mababasa na ang unang paghahanda ay ang pananatiling gising sa paghihintay sa Panginoon.  Tumutukoy ito sa pananatiling handa sa pamamagitan ng pamumuhay sa  kaliwanagan o sa katotohanan at kabutihan.

At malinaw ding sinasabi ni Pablo na dapat talikuran ang kadiliman o mga kasalanang magbubunga ng kahatulang parusa.  Ang mga kasalanan tulad ng, “magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan (v.13) ay magbubunga ng kaparusahan sa paghuhukom.
Mayroon bang alitan sa inyong iglesia? Sabihan ang mga nag-aaway na tumigil  na.  Dahil ito ay magbubunga ng paghatol ng Diyos.

Ibig sabihin, kailangan nating isuot si Cristo (v.14). Kailangang makita si Cristo sa ating buhay bilang katibayan na tayo ay namumuhay sa liwanag.

2. Tamang Paghihintay

Ang Muling Pagdating ng Panginoon ay mangyayari na isang surpresa.  Natatandaan ba ninyo noong panahon na wala pang cell phone? Noong 1980’s, nag abroad ang ate ko at ibinalita na darating siya bilang isang surprise. Alam ninyo, sa paghihintay ko sa kanya noong bata pa ako, hindi ako nakatulog ng ilang gabi. Hindi ko alam kung kailan siya darating, kung anong oras, kung gabi o araw, ewan ko, basta alam ko darating siya.

Ang ganitong paghihintay ay katibayan ng ating pag-asa.  Kinikilala natin ang Panginoong Jesus bilang tanging pag-asa natin upang maligtas.  Ito ang naghihiwalay sa sumampalataya sa ayaw sumampalataya.  Sa mga maliligtas at hindi.  Ang mga sumampalataya ay umaasa ng kaligtasan.  Ang mga hindi sumampalataya ay haharap sa Panginoon na takot, dahil hahatulan sila ng kaparusahan. Tandaan po natin mga kapatid na ang mga tatanggapin ng Panginoon ay ang mga tumanggap sa kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Paano makaliligtas ang taong umaayaw sa Diyos?
Paano maliligtas ang umaayaw sa liwanag?
Paano tatangapin ng Panginoong Jesus ang ayaw tumanggap sa kanya? 

Kailangan po nating suotin ang isng bagong pagkatao na kalarawan ni Cristo. Mababasa sa Roma  8:29,
“Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak.”

3. Tamang Pasya

Sa ating pangatlong pagbasa sa Isaias, matutunghayan natin ang isang imbitasyon,
   “Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
     lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.”

Ang ating mensahe ngayong unang Linggo ng Advento ay nag-aanyaya ng ating pagpapasya.

Talikuran ang mga kasalanang ito, “magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan.”  Mga kasalanang akala ng marami ay normal lang sa buhay ng karaniwang tao.  Mamuhay na gising sa liwanag ng Diyos.  Lumakad po tayo sa katuwiran.  At magpasya na suotin si Jesus, ang mamuhay na kasama ang Diyos, hanggang sa muling pagdating ni Jesus.

___________________________ 

Advent 2: Ang Pagdating ng Panginoon sa Ating Buhay
Isaiah 11:1-10  •  Romans 15:4-13  •  Matthew 3:1-12

Para sa sinumang Kristiano na totohanang tumanggap sa Panginoong Jesus, ang pagdating ng Diyos sa ating buhay ang siyang pinakamagandang karanasan na mayroon tayo.   Walang maaring ikumpara sa kaligayahan at kapayapaan ng isang naligtas dahil sa pagtanggap kay Jesu-Cristo.

Ang Mabuting Balita ng Kaligtasan ay nagsimula kay Juan Bautista.  Siya ay nangaral sa ilang.  Para sa mga Judio, ang ilang ang lugar ng pagsubok sa pananampalataya at pakikitagpo sa Diyos.1  Ilang ang kanilang pinagdaanan bago sila nakarating sa Lupang Pangako.

Ang pagdaan sa ilang ay nag-aayaya ng pagbabago ng kaisipan.  Ang bautismo ay pasya ng pagbabago ng kaisipan at buhay upang  maging alagad ni Cristo.  Maari lamang tayong maging alagad kung nakahanda tayong tumanggap ng pagbabagong nais ng Diyos para sa atin.

May mga Pariseo at Saduceong lumapit kay Juan upang pabautismo, ngunit sila ay tinawag niyang mga anak ng ulupong.  Sila ay mga relihiyoso, mga mayayaman at elitista ng kanilang panahon. Ngunit ayaw nila sa pagbabagong nais ng Diyos.  Ang nais lamang ng Diyos ayon kay Juan ay ang  ipakita sa gawa ang katibayan ng kanilang pagsisisi. Dahil ang ating pagka-Kristiano ay napapatunayan sa ating mga gawa.

May dalawang mensahe para sa mga katulad ng mga Pariseo at Saduceo:

1. Una, may babala para sa kanila. Ang palakol ay nakahanda na upang putlin ang ugat.

Ito ay babala ng kahatulan ng Diyos sa mga nagpapakitang banal, na wala namang totoong kabanalan. Sila yung nagbabansag na mabuti, relihiyoso at malinis, mapanuri at mapanghatol sa kapwa, ngunit hindi nakikitaan ng mabuting kalooban.

2. Pangalawa, ang mensahe ni Juan tungkol sa butil at dayami. Ang butil ay may pakinabang, samantalang ang dayami ay hindi makakain. Ito ay itatapon o susunugin tulad ng masamang gawa.  Ang pagsisising nakikita sa gawa ay tulad ng butil.  Samantalang ang pagsisising walang kaakibat na gawa ay parang dayami na wala namang silbi.

Sa ganito ring dahilan kung bakit sinabi ni Apostol Pablo kung paano dapat patunayan ng mga Kristiano sa Roma ang kanilang pananampalataya.

1. Una, dapat makaisa ang mga Kristiano bilang patunay ng kanilang pananalig kay Cristo (v. 5). Walang kapayapaan ang kung walang pagkaka-isa.

2. Pangalawa,  kailangan nilang tanggapin ang isa’t isa bilang mga Judio at Gentil. Mayroong alitan sa pagitan nila tungkol sa mga kaugalian at lahi.  Kailangang mawala ang diskriminasyon ng lahi o kayamanan o ng pinag-aralan ng tao sa loob ng iglesia. Kung hindi ito mangyayari,  ang katibayan ng gawa ay hindi makikita sa patotoo ng iglesia. At kung magkagayun, hindi matatamo ang kapayapaan.

Ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay ay kailangang kakitaan ng mga katibayan.  Kung sinasabi ng isang tao na siya Kristiano, sa bibig lamang, at wala sa gawa, ang ganitong tao ay huwad.

May katotohanan ang kasabihang, “Mas nais ng Diyos ang isang makasalanang nagsisisi, kaysa sa taong nagkukunwaring mabuti.”

Katibayan ng Paghahari ng Diyos

Ang pagdating ng Panginoong Jesus ay katibayan ng paghahari ng Diyos.  At ito ay inilalarawan ni Propeta Isaias sa malinaw at radical na pagbabago ng sistema ng buhay.

1. Ang paghahari ng Diyos ay wakas ng paghahari ng mga naghahari-harian sa sanlibutan. Mawawakasan na ang masasamang nagdudulot ng pang-aapi..

2. Isa pa, ang paghahari ng Diyos ay mapapatunayan sa pamamagitan ng katuwiran at hustisya.

2. Magkakaroon ng ganap na kapayapaan.  Ang maamong hayop ay kasamang manginginain at mabubuhay ng mga mababangis.  Ang bata ay maglalarong kasama ng ahas.

Ang ating mga personal na buhay at ang sama-samang patotoo ng iglesia ang tanging katibayan ng paghahari ng Diyos.

Ang Patotoo ni Juan

Ang buhay ni Juan ay patotoo para sa pagdating ng Panginoong Jesus sa sanlibutan.  Siya ay nangaral para sa katuwiran.  Siya ay nanindigan para sa kalooban ng Diyos.  Dahil dito, siya ay pinatay.  Ano ang mensahe nito para sa atin?

Ang paghahanda para sa darating na paghahari ng Diyos ay may kaakibat na pagtatalaga ng buhay o committment. Hindi ito madali.  Marami na ang nagbuwis ng buhay tulad ni Juan dahil kay Cristo.   At sila ay nagtagumpay, dahil natamo nila ang tunay na kapayapaan. Lalong hindi nabigo ang Diyos sa kanilang kamatayan, dahil una ang Diyos bago nila sinagip ang sarili.

At ito pa rin ang panawagan ng Diyos para sa ating panahon.  Ipaghanda natin  ng daraanan ang Panginoon. Tulad ni Juan, ipatupad natin ang katuwiran at kabanalang nais ng Diyos, ay bayaang maghari ang Diyos.  Ang paghahari ng Diyos ang tanging daan tungo sa kapayapaan.   Amen.


______________________________ 

Advent 3: Maligayang Pagsalubong
Isaiah 35:1-10  •  James 5:7-10  •  Matthew 11:2-11

Ang paghihintay ay kadalasang nakakabagot.  Lalo na ang paghihintay na walang katiyakan.   Salamat na lamang at ang ating paghihintay sa Panginoon ay may katiyakan. Nakatitiyak tayo dahil ito ay pangako ng Diyos.  At hindi po nagsisinungaling ang Panginoon.

Kung kaya, gaano man katagal bago dumating na muli ang Panginoong Jesus, buong galak tayong maghihintay sa kanyang pagdating. Amen po ba? Ang ating paghihintay ay isang masayang pagsalubong.

Ang Paghihintay ni Juan Bautista

Sa ating talata, si Juan ay nasa bilangguan at nabalitaan niya ang tungkol sa gawain ng Panginoong Jesus.  Kaya inutusan niya ang ilang alagad upang magtanong sa Panginoon, “Ikaw na nga ba ang Messias, o maghihintay pa kami ng iba?”

Tumugon ang Panginoon, hindi sa salitang “Oo, ako nga.” Sa halip, sinabi ng Panginoon ang ayon sa kanyang ginagawa.  Sumandali tayong mag reflect dito.

1. Una, ang sinabi ng Panginoon ay ang kaganapan ng ating talata sa Isaias 34:1-6! Ito ay fulfillment of prophesy!

Sabi ng Panginoon, “Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling[a] ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.”

Ayon kay Isaias, “Ang mga bulag ay makakakita,
    at makakarinig ang mga bingi.
 Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
    aawit sa galak ang mga pipi.”

2.  Pangalawa, ito ay karanasan na magdudulot ng kagalakan lalo sa mahihirap, dahil ito ay Magandang Balita.   Balita palang, maganda na, eh kung mangyayari pa? Edi lalong wow! Pero para sa ating mga Kristiano na nanalig kay Cristo Jesus, hindi lamang ito basta Balita.  Ito ay totoong nangyayari sa buhay natin.  Kumikilos ang Diyos sa buhay ng tunay na Kristiano. Amen?

3. Ang Panginoong Jesus nga ang Messias! Ito yung pinapatotohanan ng ni Jesus sa kanyang gawa.  Hindi ito speculation.  Hindi ito pagpapanggap, dahil sa karanasan ng pagsalubong natin sa Panginoon, “Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian at kapangyarihan ni Yahweh.”

At sabi ng Panginoong Jesus,   sa v.6 “Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Ang Mabuting Balita

Marami ang mahilig sa mga bali-balita.  Mahilig sila sa fake news. Hindi totoong balita, paninirang balita, at mga balitang walang pakinabang sa nakikinig.  Pero gusto yan ng mga papuntang impierno.

Yung mga papuntang langit, ayaw nila sa fake news.  Gusto natin sa Good News ng Diyos. Amen po ba?

Naniniwala po tayo sa Balitang ito, bagamat hindi pa natin nakikitang dumarating ang Panginoon.  Ang tanong,
Totoo ba talaga ito?
Baka naman naghihintay tayo sa wala?
Baka fake news din itong balita na muling darating ang Panginoon?

Ang ganitong pagdududa ay  nangyari na sa panahon ng mga apostol.  Mababasa sa 2 Pedro 3:4,

“Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit  wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.”

Buksan natin ngayon ang nasusulat sa Santiago 5:7-10.

1. Ang unang sinasabi dito ay, maging matiyaga kayo sa paghihintay sa Panginoon.  ito yung una nating dapat gawin, magtiyaga, maghintay.

2. Pangalawa, palakasin ninyo ang inyong mga puso.  Palakasin ninyo ang inyong pananampalataya.  Palakasin ninyo ang inyong paninidigan sa katotohanan. Palakasin ninyo ang inyong buhay espiritual.  Kailangan malakas kayo! Nasa labanan po tayo.  Hindi magtatagumpay ang mahina sa pananampalataya!

3. Sa v. 9, “Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom.”  Huwag kayong humatol, hindi kayo ang JUDGE.

Sabihin mo sa katabi mo, “Focus on Jesus Christ.  Siya yung Judge, at hindi ako, at hindi ikaw.”  Malungkot ang church kapag may judgemental na kasama.  Yung may namumuna, at may naghahanap ng kamalian ng iba.

Mahalaga ito sa ating paghihintay.  Para masaya,

wait patiently
strengthen your hearts
and do not complain

Our Messiah is coming mga kapatid.
The Sacred Prophesy is now fulfilled.
Listen to the Good News. Rejoice!


__________________________

Advent 4: Kasama Natin Ang Diyos
Isaiah 7:10-16  •  Romans 1:1-7  •  Matthew 1:18-25

Sa buong Biblia, may dalawang aklat lamang ang naglalaman ng kwento ng Pasko.  Ang Ebanghelyo ni Lucas at Mateo lamang.  Dito lamang mababasa na ang Panginoong Jesus ay ipinanganak.  May pinagkaiba ang dalawang salaysay. Sinasabi ni Lucas na si Jose at Maria ay taga Nazareth, at pumunta lamang sila sa Bethlehem upang magpatala.  Na ipinanganak si Jesus sa sabsabanm dahil wala silang matitirhan sa Bethlehem.

Samantalang sa Mateo, sila ay taga Bethlehem, at doon sila natagpuan ng mga Mago.  At si Jesus ay batang maliit na ng masumpungan siya ng mga ito.

Ganunman, may mahalagang pagkapareho ang dalawang salaysay.

1. Pinatotohanan ni Lucas at Mateo na si Jesus ay anak ng Diyos.  Siya ang bunga ng Espiritu Santo. Siya ay may pagka-Diyos dahil siya ay Anak ng Diyos.

2. Si Jesus ay anak ng isang Birhen.  Ang kanyang kapanganakan ay gawa ng Diyos sa buhay ng isang mahirap na babae na nagbukas ng kanyang buhay para sa pagkilos ng Diyos.

3. Ang pangatlo, nagkaisa sila na ang kapanganakan ng Panginoong Jesus ay katuparan ng hula sa Lumang Tipan.

Kasama Natin ang Diyos (Dahil sa Pag-ibig)

 Ang kwento ng kapanganakan ng Panginoong Jesus ay nagsimula sa love story ng kanyang mga magulang - malapit ng ikasal sina Jose at Maria.

Pero nang malaman ni Jose na buntis si Maria, nag-alinlangan siyang ituloy ang kasal.  Ngunit sa pakikialam ng angel sa panaginip - natuloy ang love story at pinakasalan ni Jose si Maria.  Alam po ninyo, kapag nagmamahalan ang mag-asawa at buong pamilya, sa kabila ng mga pagsubok, natutupad ang kalooban ng Diyos.  Kung may problema po kayo sa pamilya, bayaan ninyong makialam ang Diyos and just keep on loving one another - just continue your love story.

But the birth of Jesus is not just a love story between people.  It is also the love story between God and us.  Sa sobrang pagmamahal ng Diyos sa atin, ibigay niya ang kanyang sarili.  Siya ay nagkatawang tao. Mababasa ito sa pangalang ibigay sa sanggol, “Jesus” - ibig sabihin, “Nagliligtas ang Diyos” -dahil ililigtas niya ang kanyang bayan.

Sa ating Christian perspective, hindi lamang ang bansang Israel ang kanyang iligtas, kundi ang buong daigdig.  Dahil sa kanyang pag-ibig nasali tayong mga Gentiles sa kanyang pagliligtas (Roma 1:5).

Katuparan ng Pangako

Ang kapanganakan ng Panginoon ay katuparan ng maraming hula sa Lumang Tipan, lalo na sa Aklat ni Isaias.  Ang background ng Isaiah 7:10-16, ay ang balak na pagsakop ni King Rezin sa Judah, nasasakupan ni Haring Ahaz.   Nag-uusap ang Propeta Isaias at Haring Ahaz tungkol gagawin panalangin ng Hari sa Diyos upang iligtas sila sa mas malakas na kaaway. Ganito ang resulta ng kanilang pag-uusap;

1. Nagpahayag ng pananalig si Ahaz, na hindi niya susubukan ang Diyos.  Sapat na siya ay naniniwala sa biyaya ng Panginoon para sa Judah.

Ang ‘act of faith” na ito ay siya ring pinatunayan ni Maria at Jose. Inilagay nila ang sarili sa kamay ng Diyos.

2, Dahil sa pananalig na ito, nagpahayag ang propeta na may gagawin ang Diyos para sa ikaliligtas ng Israel.

(from v. 7:14) “Therefore the Lord himself will give you a sign. Look, the young woman is with child and shall bear a son, and shall name him Immanuel.”

Parang sinasabi ng Propeta, “Dahil sa pananalig mo, ang Diyos mismo ang magbibigay sa iyo ng tanda.  Ang Diyos mismo ang gagawa sa buhay mo ng isang pambihirang pagpapala.”

May pananalig ka ba sa Diyos?
Nagtitiwala ka ba sa kanya kahit may mabigat na suliranin?  Kung gayun, umasa ka na may gagawin ang Diyos sa buhay mo!

Gawa ng Diyos na May Pagmamahal

Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak.  Ang pangalan ng kanyang Anak ay Immanuel - kasama natin ang Diyos.

Ang pagdating ng Panginoong Jesus ay pag-agos ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Tatlong araw na lang Pasko na.

Nararamdmaan mo na bang dumadaloy ang p[ag-ibi gng Diyos sa buhay mo? Nakahanda ka na bang makipagkasundo sa mga kaaway mo?
Nakahanda ka na bang magpatawad?
Nakahanda ka na bang isabuhay ang sinasabi mong pag-ibig mo sa kapwa at sa Diyos?

Ang Pasko ay tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan, sa mga mahihirap at sa mga umaasa sa Diyos.  Kasama tayo sa mga ito.  At salamat - gaano man karami ang ating mga kasalanan, dati hind man po tayo kabilang sa bayan ng Israel, pero minahal tayo ng Diyos.














 






Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Lectionary Sermons November 2019

Kwento ni Zaqueo
Luke 19:1-10

Ang bawat kwentong Kristiano ay kwento ng pagbabagong buhay matapos makilala at tanggapin si Jesu-Cristo.

Sa isang banda, ang bawat tao ay makasalanan at nararapat maparusahan.  Ang bayad ng kasalanan ay kamatayan (Roma 3:23, 6:23).  Sa kabilang banda, ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay nagiging bagong nilalang (2Cor. 5:17).  Ito ay pagbabago ng isang makasalanan, tungo sa kabanalan.  Ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay hindi na parurusahan (Roma 8:1).  Ang sumpa ng kasalanan ay ganap na maaalis.

Ang ganitong uri ng pagbabago ay hindi nagagawa ng tao sa sarili o sa pamamagitan ng pakunwaring relihiyon lamang.  Kailangan dito ang tunay na pagkilala kay Jesu-Cristo, ang totohanang pagtalikod sa kasalanan, at ganap na pagsuko sa sarili sa Diyos.  Ang ganitong pagpapasakop sa Diyos ay walang pagkukunwari, dahil ito ay pagbabagong nagaganap mula sa kalooban hanggang sa panlabas na pagkatao.

Ang buhay Kristiano ito ay masasalamin sa kwento ni Zaqueo.

1. Nais Makita ni Zaqueo si Jesus.

Marahil tama lamang na sabihing: Lahat tayo, nais nating makita at makilala ang Panginoong Jesus. Tulad ni Zaqueco, nais nating makilala ang Panginoon.  Napakasarap sabihin na, “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.” - ito ang patotoo ng mga alagad sa Juan 1:14.

Nais makita ni Zaqueo si Jesus.  Ngunit sa palagay ko, ito ay “out of curiousity” lamang.  Hindi niya hinahanap si Jesus upang makilala siya ng lubusan.  Hindi malalimang pagkilala ang nais ni Zaqueo.

Maraming tao at mismong mga Kristiano ang ganito - sila ay may mababaw na pagkilala sa Panginoon.  Hindi malaliman ang kanilang paglilingkod, pagsamba, pananalangin o pag-aaral ng Biblia.  Sapat na sa kanila ang mababaw na pagkilala sa Panginoon. Dahil dito, hindi nagiging mabunga ang kanilang buhay espiritual.

Kung ganito pa rin ang iyong kaugnayan sa Diyos kapatid ko, nais kitang anyayahang magsaliksik at sikapin mong makalapit ka sa Panginoon, hanggang maramdaman mo ang lalim ng pag-ibig ng Diyos. Dahil ang mababaw na kaugnayan sa Diyos ay walang saysay.  Ang anyaya ng Biblia ay ganito, “Seek the Lord while he may be found.” (Isaias 55:6)

Patuloy nawa nating hanapin ang mukha ng Diyos hanggang makilala natin siya ng lubusan.

2. Nais Makatagpo ni Jesus si Zaqueo

Ang pangyayaring ito ay maaring nakabigla kay Zaqueo: nalaman niya na nais siyang makilala ni Jesus.  Interesado si Jesus sa kanya.  Hinahanap siya ni Jesus.

Maaring tulad ni Zaqueo, hinahanap mo si Jesus.  Ngunit ang malamang - higit na hinahanap ka ng Diyos, ay higit na mahalaga.  Mahalaga po tayo sa Diyos.  Nais niya tayong makatagpo, at makilala ng malaliman.

Si Apostol Pablo noong una, ay may mababaw na pagkilalasa Panginoong Jesus.  Ngunit nakitagpo si Jesus sa kanya.  Nais ni Jesus na makilala si Pablo. Nais ng Panginoon na gamitin si Pablo bilang apostol.

Malalim ang interest ng Diyos sa bawat tao.  Nakasulat sa palad ng Diyos ang pangalan ng bawat tao (Isaiah 46:19).

3. Ang Pagbabago sa Buhay ni Zaqueo

Sa pagtatagpo ni Jesus at Zaqueo, nagbago ang buhay ni Zaqueo.  Dati, si Zaqueo ay in-love pera. Ngayon in-love na siya kay Lord.

Na-in love sa pera si Zaqueo dahil sa kanyang trabaho bilang tax-collector.  Ganito kasi ang trabaho niya:

Ang sweldo ng tax collector noon ay may contrata (quota) sa Roman government.  Halimbawa, ang contract quota na dapat bayaran ni Zaqueo ay P5000.  Kung nakasingil siya ng P10,000, yung sobrang P5000, ay kanya na. Ito ang kanyang kita.  Kung P30,000. yung nasingil niya, P5000 parin ang kanyang babayaran sa gobyerno ng mga Romano.  At marami ang taxable items sa kanyang panahon.  Ang mga ani, ay may tax, ang dayong nagtitinda sa kanilang bayan ay sisingilin.  Ang mga gumagamit ng kalsada, o lumilipat sa tulay na paninda ay taxable.  Sinumang nagdadala ng kalakal, papasok o papalabas sa bayan ay magbabayad ng tax.  Kaya madaling yumayaman ang mga tax collectors.  Mas mabilis silang yayaman kung sila ay nagdaraya pa sa singil.

Tunay na nagbago si Zaqueo sa kanyang pagkilala sa Panginoon dahil,

a. una, siya ay nagpahayag ng pagsisisi. Sabi niya, “Panginoon, kung ako ay may nadaya...”.   Ang pagkilala sa sariling kamalian, at ang pasya upang talikuran ang kasalanan ay tanda ng paglapit sa Panginoon.

b. pangalawa, nakita niya ang pagbabago sa sarili.  Ang patunay sa pagbabago ng isang tao ay nakikita sa sariling kalooban.  Ang naganap na pagbabago ay hindi gawa ni Zaqueo sa sarili.  Ito ay bunga ng pakikipagtagpo ng Panginoon sa kanya.

c. pangatlo, isinama ni Zaqueo si Jesus sa kanyang tahanan. Ito ang katibayan na nais ni Zaqueo ang malalimang pagkilala sa Panginoong Jesus.   Hindi nakuntento si Zaqueo na makita at makausap si Jesus sa kalye.  Isinama niya ang Panginoon sa kanyang tahanan.

Dahil sa pagtatagpong ito, nasabi ng Panginoon na, dumating ang kaligtasan sa tahanan ni Zaqueo. 

_____________________

Ang Diyos ng Mga Buhay
Luke 20:27-38

Katatapos lamang po ng Undas.  At muli nating nakita ang katibayan na ang buhay ay may wakas. Ang tao ay mamamatay at ililibing. Ngunit pagkatapos ng kamatayan ay ano?

Ang tanong kung ano ang “pagkatapos ng kamatayan” ay pinagdidibatihan ng mga Judio noon pa. Mayroong dalawang panig sa usapan - ang mga Pariseo ay naniniwala sa muling pagkabuhay ng mga patay.  Subalit ang mga Saduceo ay naniniwala na ang kamatayan ay ang wakas ng lahat at wala ng muling pagkabuhay.

Bilang mga Kristiano, dapat nating araling mabuti ang ating pananampalataya. 

Una, nakatitiyak ka ba sa iyong kaligtasan?
Bagama’t alam mong ikaw ay papanaw, nakasisiguro ka na ba na tatanggap ka ng muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan?

Ang ating kaligtasan pagkatapos ng kamatayan ay bunga ng ating pananalig sa Panginoong Jesus na nagsabing, “Ang sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, bagama’t mamamatay ay muling mabubuhay.  At hindi na siya mamamatay kailanman.” - Juan 11:25-26.

Ganito naman ang pahayag ni Apostol Pedro, “sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ito ang inyong kaligtasan.” (1 Pedro 1:9). Ang kaligtasang tinutukoy ay mula sa buhay na ito sa lupa hanggang sa susunod na kabilang buhay.  Ito ay taliwas sa paniniwala ng mga Saduceo.

Sa araw na ito sa ating mensahe, nais ko kayong tanungin - ligtas na po ba kayo? Kung biglang darating ang kamatayan, ikaw ba ay nakasisiguro sa iyong buhay na walang hanggan?  Kung hindi po, ay katulad ka lang ng mga Saduceo kapatid.   Naniniwala sila sa Diyos, ngunit hindi sila naniniwala sa pagliligtas ng Diyos sa kamatayan.

Gamit ang Saduceong paniniwala, sinubukan nilang tanungin ang Panginoon.  Ang kanilang tanong ay patibong upang siluin si Jesus.

Ang ginamit nilang halimbawa ng kamatayan ng pitong magkakapatid ay hango sa Aklat ng Tobit, ang kamatayan ng pitong anak ni Sarah. Ang tugon ng Panginoon ay paraan ng mga Pariseo, gamit ang kasulatang Judio. Upang patunayan na ang Diyos ay Diyos ng mga buhay, binanggit ng Panginoong Jesus sina Abraham, Isaac at Jacob, bilang mga pumanaw ngunit buhay na nakikipag-ugnayan pa sa Diyos. Nasusulat din ito sa Biblia ng mga Judio sa  4Maccabees 7:19, “since they believe that they, like our patriarchs Abraham and Isaac and Jacob, do not die to God, but live to God.”
Bakit Mahalaga ang Paniniwala sa Muling Pagkabuhay?

Mahalaga ang paniniwala sa muling pagkabuhay, dahil;

1.) Pagpapahayag ito ng ating pananalig sa katapatan ng Diyos hanggang kamatayan.  Maraming Kristiano ang nagbuwis ng kanilang buhay para kay Cristo.  Alam ng mga taong ito na hindi kailanman nasayang ang kanilang sakripisyo dahil gagantimpalaan sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan.

2.) May gantimpala ng buhay na masagana dito sa lupa, ngunit mas higit ang naghihintay na gantimpala sa muling pagkabuhay.  Sinasabi sa 1 Cor. 2:9, “Subalit tulad ng nasusulat,

“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
    ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
    ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”

3.) May pangako ang Panginoong Jesus sa mga sumasampalataya sa kanya na pagkakalooban tayo ng bagong buhay, bagong pagkatao na tulad ng mga angel na walang kamatayan.  Tulad ng mga angel, tayo ay makakasama ng Diyos sa walang hanggang buhay.

4.) Ang paniniwalang ito ang nagliligtas sa atin sa tukso ng kamunduhan.  Isang halimbawa dito ay ang pangangaral ng Salita ng Diyos.  Ang tunay na gantimpala sa paglilingkod sa Diyos ay hindi lamang pagkamit ng salapi (love gifts) o mataas na katungkulan (promotion para maging DS o ma-elect bilang Obispo).  Sa halip, ang gantimpalang ating hinahangad ay ang espiritual na kaligtasan ng nangangaral at mga nakikinig.

5.) Naniniwala tayo sa muling pagkabuhay ni Cristo mula sa kamatayan. Tinalo ni Cristo ang bagsik ng kamatayan.

Malinaw sa turo ni Apostol Pablo ang ganito. 

“Yamang binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.” - Colosas 3:1-4.

Ang mga Saduceo ay sumasampalataya sa Diyos na nagpapala sa buhay ng tao, dito lamang sa lupa.  Para sa kanila, ang pagpapala ng Diyos ay wawakasan ng  kamatayan. Ngunit ang Panginoong Jesus ay nagsasabi na ang pagpapala at katapatan ng Diyos ay walang katapusan. Ito ay hanggang sa muling pagkabuhay. Ang paniniwala sa muling pagkabuhay kung gayun ay pagkilala sa walang hanggang katapatan ng Diyos.  Naniniwala ka ba kapatid?

______________________________

Simula ng Wakas
Luke 21:5-19

Ang wakas o end of times ay mahalagang tema ng Biblia.  Ang mga Judio at unang Kristiano ay naniniwala na kumikilos ang Diyos sa kasaysayan.  At naniniwala sila na magtatagumpay ang Diyos, sa kabila ng mga pasakit na mararanasan ng mga sumasampalataya.

Ang templo ay simbolo ng pananampalatayang Judio.  Simbolo rin ito ng katapatan ng Diyos sa bansang Israel.  Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesus, hinulaan niya na babagsak ang templo sa Jerusalem at darating ang wakas ng panahon.

Noong taong 70A.D. ang templo ay winasak ng mga Romano.  Apat napung taon (40 years) pagkatapos ng hula ng Panginoon, nangyari nga ang sinabi ng Panginoong Jesus tungkol sa templo.  Bago nangyari ang pagkawasak ng templo, noong 64 A.D., maraming Kristiano ang pinapatay ni Emperor Nero sa Roma. Malapit o matapos sa panahong ito ang pagkasulat ng Ebanghelyo ni Lucas.  Kung nasulat ang Ebanghelyo sa panahon ng pagpaslang sa maraming Kristiano, masasabi natin na ang Ebanghelyong ito ay nasulat upang bigyang pag-asa ang mga Kristiano sa gitna ng hapis.

Maraming bahagi ng Biblia sa Bagong Tipan ang nasulat upang magdala ng pag-asa sa mga nagdurusang Kristiano. Katulad halimbawa ng nasusulat sa Pahayag 14:13,

At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”

Sa ating mensahe ngayong Linggong ito ng ating pagsamba, nais kong anyayahan ang lahat na maging matatag sa pananampalataya, kahit makaranas man tayo ng matinding pagsubok. Ganito ang mga pagsubok na maari pa nating danasin:

1. Pagkawasak ng templo na sumisimbolo sa sektang kina-aaniban  (vv.5-6).   Sa unang tingin, ang templo ng mga Judio ay sumisimbolo sa kanilang pananampalataya sa Diyos.  Ngunit  sa pagkasira ng templo, kailangan pa ring manatiling matatag ang pananampalatayang Kristiano.  Sa ating panahon, nanganganib na mabuwag o mahati ang UMC.  Kung mangyayari man ito, kailangan tayong manatiling matatag sa ating pananampalataya sa Diyos.

2. Mga naglipanang bulahang mangangaral (vv.7-8).  Noon man o sa kasalukuyan, marami pa rin ang mga bulahang tagapagturo, at mga nagpapanggap na sila ang Messias. Huwag tayong magpapaniwala sa mga TV evangelist na ang pakay ay iligaw ang mga Kristiano.

3.  Makakaranas din ang mga Kristiano ng digmaan at mga sakuna (vv. 9-11).  Ang mga nakakaranas ng ganitong paghihirap ay maaring magduda sa Diyos.  Ngunit, sinasabi ng Panginoon na ang mga ito ay bahagi lamang ng mga palatandaan bago dumating ang wakas.   Dapat maging matatag ang mga Kristiano sa ganitong malupit na karanasan.

4. Pag-uusig (v.12).  Sa ibat-ibang bahagi ng daigdig, maraming Kristiano ang pinag-uusig dahil sa pagsunod sa Panginoong Jesus.   Ang mga unang Kristiano ay tumanggap ng parusa sa mismong sinagoga.  Ang parusa dahil sa pagsunod kay Cristo ay karaniwang tatanggap ng pinaka-kaunting 13 hampas ng latigo sa dibdib at 26 na hampas  ng latigo sa likod. Kung mabibilanggo ang Kristiano, maaring siya ay tatanggap ng higit na parusa tulad ng kamatayan, o maglalaho na lamang bigla tulad ng pagtapon kay Apostol Juan sa isla ng Patmos, at kukunin ang kanyang ari-arian,  o maaring siya ay ibenta bilang alipin.

5. Panghuli ay ang karanasan ng pagkakanulo (betrayal) ng sariling pamilya o mahal sa buhay. Ito ay mabigat na dalahin ng isang Kristiano.  Kapag ang sariling pamilya na ang hahadlang sa pananampalataya, dapat pa ring magpakatatag ang mga mananampalataya sa Panginoon.

Tagumpay sa mga Pagsubok

Sa kabila ng lahat ng ito, nangako ang Panginoong Jesus na   magtatagumpay ang mga Kristiano.  Kailangan nga lamang ang pagtitiis upang maligtas (v.19).

Ang kaligtasang tinutukoy dito ay malinaw na hindi kaligtasang pisikal. Dahil marami ang pinapaslang na Kristiano noon hanggang ngayon.

1. Ang tagumpay na sinasabi ng Panginoon ay ang patuloy na pagsulong ng pananampalatayang Kristiano bagamat pinapaslang ang maraming mananampalataya.  Pinapatay ang mga Kristiano, ngunit hindi namamatay ang Kristianismo.

2. Ang tagumpay ng mga Kristiano na tatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan. Ang kamatayan ay walang kapangyarihan sa mga nananalig kay Cristo.  Ang mga namatay kay Cristo ay bubuhaying muli.  Ganito ang liriko ng awit na Wonderful Cross,

O the wonderful cross,
Bids me come and die,
And find that I will truly live.

Kapatid, ito ba ang kahulugan ng iyong pananalig kay Cristo?
Nabubuhay ka ba para sa Panginoong Jesus lamang?
Kung mangyayari ang mga pagsubok na ito sa buhay mo, nakahanda ka bang mamatay kung kinakailangan para sa Panginoon?
Patunayan natin ang ating pananampalataya.  Ihandog natin ang ating sarili sa Diyos ngayon.

 _______________________________


Thanksgiving Sermon
Awit 136:1-5
O gives thank unto the Lord for he is good. His love endures forever.

Panimula.

May isang mabuting tatay na pumanaw. Ang tatlo niyang anak na babae ay nagsalita ng pasasalamat sa ama.

Wika ng panganay, "Maaga po kaming nawalan ng nanay, ngunit inalagaan po kami ng aming tatay, ng buong pagsisikap at tiyaga. Ang kanyang sakripisyo ang dahilan kung bakit matagumpay kami ngayon."
Marami pang sinabi ang pangalawa at pangatlo.

Pagkatapos magsalita ng tatlong babaeng anak, may isang kabataang lalaki ang biglang tumayo. At wika ng binata, "Totoo po iyon, mabuti siyang ama."

Nagtaas ng kilay ang mga anak na babae ng yumao. "May anak ba sa labas si tatay?"
"Hindi po ako anak ng yumao. Ngunit itinuring po niya akong parang anak. Pina-aral po niya ako. At dahil wala na po akong magulang, siya ang parang tatay ko. Nandito po ako upang magpasalamat."
Ang pasasalamat ay tugon sa ginawang kabutihan. Maaring hindi masuklian ang ginawang kabutihan, ngunit ito ay maaring pasalamatan.

Ang kawalan ng pasasalamat ay kawalan ng hustisya. Kung dapat pasalamatan ang Diyos, at kung hindi natin ito ginawa, ito ay injustice. Hindi ito makatuwiran.

Sa lahat ng kabutihang ginawa ng Diyos sa ating buhay, nararapat lamang na siya ay pasalamatan. Palakpakan at purihin po natin ang Diyos.

Ang ating pagbasa ay mula sa Psalm 136. Ito ay naglalaman ng mga gawang kabutihan ng Diyos na kanyang ginawa sa Israel.

At ang bawat gawa ng Diyos na binabanggit ay may tugon na , "His love endures forever". Ito ay sinasambit ng 26 times, sa bawat bersikulo mga kapatid. Inuulit-ulit nila ang tungkol sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos.

Ito ang ating invitation ngayon sa bawat isa. Nakikilahok po tayo sa muli nating pagbanggit ng kwento ng kabutihan ng Diyos.

Ang mga Judio ay may tatlong beses ng pista ng pasasalamat sa Diyos. Tayo, once a year lang tayo nagseselebr ng Thanksgiving, pero sila tatlong beses.

1. Una, inaalala nila ang kabutihan ng Diyos tuwing Passover Feast.

Sa Passover Feast po, inaalala ng mga Judio kung paano sila pinalaya ng Diyos mula sa pagka-alipin sa Egypt. Sa Egypt, sila ay mga busabos, mga alipin, mga walang kalayaan at walang karangalan.

Ngunit, buong pagmamahal na inalis sila ng Diyos sa kanilang kaawa-awang kalagayan. Kaya nagpapasalamat sila sa Diyos dahil hindi na sila alipin.

Tayo ring mga Kristiano ay dating mga alipin. Alipin tayo dati ng ating sariling kasalanan. Wika ni Apostol Pablo, "“Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa aral na ibinigay sa inyo. Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran.

Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon.” (Mga Taga-Roma‬ ‭6:17-18, 20-21‬)
Ngayong hindi na po tayo alipin, pinalaya na tayo, maari po bang sabihin natin sa Panginoon, "Salamat po Panginoon, malaya na ako. Hindi na ako alipin."

2. Yung pangalawang Pista nila ng pasasalamat ay pag-alala sa disyerto. Habang naglalakbay sila sa desert, sa mga tent o tolda sila natutulog. Kapag gumagabi na, nagtatayo sila ng tolda sa desert.

Kaya mayroon sila Feast of the Tabernacles. Kapag pinagdiriwang nila ito, ang bawat pamilya ay nagtatayo ng tent, sumisimbolo ito sa kabutihan ng Diyos sa kanilang pinagdaanang hirap ng buhay sa ilang. Gutom, uhaw, mga ahas at alakdan. Sila ay pinagkalooban ng Diyos ng kanilang panganagilangan. Sila ay ginabayan ng Diyos at hindi pinabayaan.

May payo ako sa mga kabataan.

Mga anak, kapag nagkukwento ang tatay ninyo tungkol sa kanyang kapanahunan, makinig kayo.
Halimbawa, humihingi ka ng P1000 pesos na baon mo. Tapos sabi ni tatay mo, "Anak noong ako, piso ang baon ko sa isang buong linggo."

Anak, huwag mong sasagutin ang tatay mo ng, "Tay, panahon mo ya eh! Huwag mo ng ikwentotay yung naglalakad ka ng tatlong kilometro para mag-aral. Na hindi ka nagbabaon, at hindi ka kumakain ng lunch...panahon mo yun tay."

Huwag po ninyong isusumbat sa kanila yung kanilang pinagdaanan. Sa halip, pwedi ba mga kabataan, pasalamatan ninyo ang Diyos at ang inyong mga magulang, na dahil sa kanilang katapatan, nandiyan kayo ngayon sa kalagayan ninyo. Na kung hindi dahil sa kanilang nakaraan, wala ka ngayon sa iyong kalagayan.
Ang kwento ng mga Judio sa ilang ay patotoo sa kabutihan ng Diyos. Gayundin po, ang kwento ng ating mga magulang na nagsakripisyo ay kwento ng kabutihan ng Diyos.

Pwedi bang sa mga kabataan dito, na kasama ang mga magulang, samahan ninyo ako na magsabing, "Salamat po O Diyos, binigyan mo ako ng magulang na nagsakripisyo para maitaguyod ako sa aking paglaki at pag-aaral."

Yung pinagdaanan ng mga Judios sa disyerto, ayaw itong makalimutan ng mga susunod na salinlahi.
Ito ay paraan ng pag-alala mula sa mga ninuno hanggang sa ating mga magulang - hanggang sa ating panahon. Nanatiling tapat po ang Diyos.

May mga kasama tayo dito sa church na maaring bumabalik ngayon sa kanilang nakaraan. Isang dating kargador sa palengke na ngayon ay matagumpay na manager, dahil sa kabutihan ng Diyos. Amen!
Sino pa? hmm, dating namumulot ng kalakal sa basura, ngayon engineer na! Amen?

Pakaisipin po natin, kung saan tayo pinulot ng Diyos, at kung sino tayo ngayon? Kung paano nagbago ang buhay natin, mula ng ang Diyis ang gumabay sa atin? Isipin mo kapatid kung paano ka nakarating sa kalagayan mo ngayon! Di bah, napakabuti ng Diyos?

Ito yung dahilan kung kaya dapat tayong magdiwang ng Thanksgiving Sunday. Para hindi tayo makalimot sa kabutihan ng Diyos.

3. Yung pangatlo nilang pagdiriwang ay tinatawag na Pentecost Feast.

Ito yung pagdiriwang ng harvest at pagyapak nila sa Promise Land. Nagtayo sila ng kanilang mga bahay at nagtanim sila ng mga gulay at prutas. Sa kanilang sariling tahanan, bagong bahay, sariling lupa, sila ay nagpasalamat sa Diyos.

Ilang beses na rin po akong na invite na mag bless ng bagong tayong bahay.  Pero memorable yung mga pamilyang nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mahabang panahon na wala silang bahay, nakatira sila sa palengke o nangungupaan sila ng matagal.  Pero noong magkaroon sila ng sariling bahay...marami ang naiiyak sa pasasalamat sa Diyos. 

Kaya kung kayo ay biniyayaan ng Diyos ng sariling lupa, at sariling tahanan.  Balikan po ninyo ang inyong pinanggalingan.  At makikita ninyo kung gaano kabuti ang Diyos sa buhay ninyo. 

Kay buti po ng Diyos, at ang kanyang pag-ibig ay nananatili magpakailanman

___________________________________ 

Si Cristong Hari
Luke 23:33-43

Sa mga nakaraang Linggo, nabasa natin ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pagpapakasakit na  pagdadaanan ng mga alagad.  Ngayon naman, ay matutunghayan natin ang halimbawa ng pagpapakasakit ng Panginoong Jesus.

Tinawag na Hari ang Panginoon, hindi sa marangyang trono, hindi sa loob ng maragang palasyo, kundi sa itaas ng krus habang siya ay nakabayubay. Ang paghahari ng Panginoon ay nasa kanyang pagliligtas sa ibabaw ng krus.

Siya ay magiging hari lamang ng ating buhay kung - siya ay tatanggapin natin bilang Manunubos, na namatay para sa ating ikaliligtas.

May isang taong kilala ko ang minsang nagsabi, “Sa aking kamatayan, gusto sanang hilingin sa Diyos na mamatay ako ng tahimik at simple lang.  Yung matutulog lang ako at hindi magising.  Ayoko do’n sa ooperahan ka pa.  Yung masasaktan pa ako at mahihirapan pa ang aking pamilya para sa akin...”

Ang kamatayan ng Panginoong Jesus ay masaklap pa sa naoperahan, o sa nagkasakit bago mamamatay.  Siya ay pinatay sa parusang kamatayan, bagamat wala siyang kasalanan. 

Gayunman, ang kanyang malupit na kamatayan ang siyang nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa kanyang buhay. Siya ay naging masunurin sa Ama, hanggang sa kamatayan niya sa krus (Filipos 2:8). 

Ang bawat Kristiano ay dapat magmuni sa sariling buhay. Dapat nating pagbulayan,

Nabubuhay ba ako para sa Diyos?
Ang akin bang kamatayan pagdating ng panahon na kukunin ako ng Diyos ay magiging masamyong handog sa Panginoon?

Ang kamatayan ay pangit pag-usapan, lalo sa kaugaliang Filipino.  Ngunit sa Biblia, ang pag-uusap tungkol sa kamatayan ng tapat sa Diyos ay mahalaga. Sabi nga ni Pablo, sa Filipos 1:21,

“Sa mabuhay man o mamatay, kay Cristo ako.”

Ang Paghahari ng Panginoon sa Kanyang Kamatayan

1. Ito ay paghahari ng Diyos dahil sa malawakang pagpapatawad sa mga nagkasala sa kanya (vv.33-34).

a. Karaniwan sa mga “guilty” na pinapatay sa krus ay nagsasabing, “Kabayaran ito sa aking kasalanan. Dapat lang akong mamatay ng ganito. Patawarin nawa ako ng Diyos.”

b. Kung wala naman siyang kasalanan, at siya ay pinatay,  ay may panalanging nakalaan ang mga Judio na maari niyang sambitin.  Halimbawa dito ang Panalangin ng Paghihiganti, na mababasa sa Awit 137:8-9,

    Tandaan mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
    dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
    yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
     kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!

Ngunit hindi panalangin ng nagkasala, o ng isang nais maghiganti ang panalangin ng Panginoon.  Siya ay namatay na nagpapatawad. Sa ganitong paraan siya naghahari sa buhay natin.  Inialay niya ang kanyang buhay upag sakupin tayo ng kanyang pag-ibig.

2. Siya ay namatay na itinataas ng Diyos habang siya tinutukso at tinutuya (v. 35)

Ang kamatayan ng Panginoon ay palaisipan.  Alam ng mga pumatay sa kanya na siya ay gumawa ng mabuti (iniligtas niya ang iba), ngunit tinutuya pa rin siya, dahil hindi niya mailigtas ang sarili. 

Masdan na ang tono ng pagsasalita ng mga tumutuya sa kanya ay katulad ng pananalita ng demonyo sa Lucas 4:3,6 (kung ikaw ang Anak ng Diyos).   Kaya mag-ingat po tayo sa pagsasalita laban sa mga walang kasalanan, ano po. Baka sa diablo na nanggagaling ang ating sinasabi.

Ngunit sa ganitong paraan siya itinaas ng Diyos.  Ayon sa Filipos 2:9-10

Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.

Malinaw na siya ay naging hari dahil sa kanyang pagsunod at pagpapakumbaba. 
Siya ay namatay na tumatanggap ng insulto. 

         a. Una, dahil ang mga pinapako sa krus ay nakahubad. 
         b. Pangalawa ay ang pagkakaloob sa kanya ng suka bilang inumin.  Ang inuming suka ay maaring makatulong sa biktima, ngunit sa panulat ni Lucas, ito ay dagdag na insulto sa kanyang kamatayan.

        c. Pangatlo, ininsulto ang kanyang pagka-Judio. Ininsulto ang kanyang lahi. Sinabing siya ay hari ng mga Judio, hindi para purihin, kundi upang laitin.

        d.  Panghuli, sa v. 39, ininsulto din siya ng isa na kapwa niya biktima.

Kung ganito pala karami ang negatibong karanasan ng Panginoon sa kanyang kamatayan, paano masasabi na matagumpay at makahulugan ang kanyang kamatayan sa krus?

1. Una nabanggit natin na namatay siyang nagpapatawad. Wala siyang galit o hinanakit na dinala sa hukay. Ang tagumpay niyang ito ay ang paghahari ng Diyos sa buhay ng mga makasalanang pintawad.

2. Pangalawa ay ang kanyang positibong tugon sa kahilingan ng isang nakapakong kasama niya.  Wika ng isang salarin, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”  Ito ay deklarasyon ng paghahari ni Cristo sa kanyang kaharian doon sa langit at dito sa lupa.

At iginawad ng Panginoon ang katuparan ng isang pangako, “Ngayon din, kakasamahin kita sa paraiso.”

Ang kamatayan ni Cristo ay kamatayan ng isang taong mabuti. Hanggang kamatayan, gumagawa siya ng mabuti para sa kapwa. 

Conclusion: Hindi man tayo kasing-banal ng Panginoon, dahil tayo ay nagkasala, maari pa rin tayong mabuhay at mamatay na tulad niya.  Kung tatanggapin natin si Jesus sa ating buhay bilang Panginoon at Tagapagligtas, maasahan natin na hindi na tayo parurusahan sa ating mga kasalanan. At ito ang paghaharing gagawin ng Diyos sa ating buhay.

Maari nating piliin ang kamatayang makahulugan at kaaya-aya sa Diyos. Maging paghahandog nawa sa Diyos ang maging kamatayan natin. Tulad ng sabi ni Pablo sa 2Timoteo 4:6, “Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana.”.   Amen.

At panghuli, sa buhay man o kamatayan, maghari nawa si Cristo sa ating buhay.  Mabuhay si Cristong Hari! AMen!




 














Miyerkules, Oktubre 2, 2019

October 2019 Lectionary Sermons

October 2019 Sermons
_____________________ 

POWER OF FAITH

October 6, 2019 17th Sunday after Pentecost (Green)
Lam 1:1-6; Psalm 137 (UMH 852); World Communion Sunday 2 Tim 1:1-14; Lk 17:5-10

Minsang tinanong si Jacob Peterson, isang kilalang speaker at lecturer, tungkol sa paniniwala sa Diyos. Wika niya, "If you believe in God, how does that affect you? How does that affect how you act? Does your belief in God make you a good person?"

Sa unang Linggong ito ng Octobre, kasama ng lahat ng Kristiano sa buong mundo, ipinag-diriwang natin ang World Communion Sunday.  Ipinapahayag natin ang ating pananampalatayang Kristiano sa buong mundo. Ipinapahayag natin kung ano ang kahulugan ng pananampalatayang Kristiano.

Tulad ng mga Judio, ang ganitong paniniwala ay nagsasabi na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang paniniwala sa isip, kundi pa naman, ito ay nagbubungang gawang kabutihan. Sa Linggong ito, tatalakayin natin ang sermon ang tungkol sa Pananampalataya ng mga Alipin ng Diyos.

Dahil bilang mga tagasunod ni Cristo, ang ating pananampalataya ay dapat nagbubunga ng mabuting gawa.  At ito ay dapat makita sa ating malasakit sa kapwa, tulad ng Kwento ng Mayaman at si Lazaro. Tulad ng pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin.  Ito ang tinutukoy na pananampalataya ng ating Panginoong Jesus.  Ito ang pananampalatayang nakikita sa gawa.  Dahil ang pananampalatayang walang gawa ay patay.

1. Ang Pananaw ng Pananampalataya

Ang Pananampalataya ay Nagbibigay ng Positibong Pananaw sa Panahon ng Paghihirap
(Panaghoy 1:1-6, Awit 137)

Mababasa sa Panaghoy 1:1-6 ang kwento ng paghihirap na naranasan ng bayan ng Judah dahil sila ay kinubkob ng mga kaaway.  Sila ay pinagpapatay, ang iba ay ginawang alipin at winasak ang templo at iba pang mahalagang gusali.

Sa isang banda, maaring makita ang ganitong karanasan bilang pagkatalo, at wakas ng kasaysayan.  Ngunit sa paningin ng isang sumasampalataya sa Diyos,

a.) maaring ang ganitong karanasan ay tignan bilang pagtutuwid ng Diyos sa isang pagkakamali sa halip na ituring itong pagpaparusa sa isang kasalanan.  Sa kawalan ng pananampalataya, maaring sisihin ng isang tao, at parusahan ang sarili sa paniniwalang dapat siyang parusahan.  Ngunit ang Diyos ay nagtutuwid at nagbibigay ng isa pang pagkakataon sa bawat pagkakamali.

b.) maaring tinuturuan ng Diyos ang sumasampalataya upang magbago ng pasya at magbalik loob sa Panginoon.  Sa pananampalataya, nakikilala natin ang Diyos bilang gabay ng ating buhay at kasaysayan.  Maging sa ating pagkakamali, inaakay tayo ng Diyos tungo sa ating ikabubuti.

Sa Awit 137, inilalarawan ang pagkawasak ng templo at ang pangingibang bayan ng mga Judio dahil sa pagka-alipin.  Ang templo, ang pag-awit ng papuri sa Diyos, ang dating magandang buhay sa Israel ay naging ala-ala na lamang.   Ngunit sa pananaw ng isang sumsampalataya, ang ganitong karanasan ay bahagi lamang ng pagkilos ng Diyos tungo sa ikagaganda ng bukas.

Kapag nakakaranas ka kapatid ng mga pagsubok at mabibigat na karanasan, manatili ka nawang umaasa sa kabutihan ng Diyos.  Sa halip na sisihin ang sarili, o ang ibang tao, sumampalataya ka nawa na ang Diyos ay mabuti at tapat, upang patawarin ka, at tulungan ka na makarating sa mabuting bukas na kaloob ng Diyos para sa iyo.

2.)  Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya

Nais ko pong lumipat tayo sa ating pagbasa sa Lucas 17:5-10.

Dito, mababasa natin ang pakiusap ng mga alagad - "Dagdagan mo po ang aming pananalig."


Huwag sana nating kalilimutan na ang "pananalig" sa Biblia ay kakayahan upang gumawa ng mabuting pasya at gawa.  Sa nakaraang kwento, ang  mayaman ay hindi nagpasya upang tulungan ang pulubing si Lazaro.  Nagturo din si Jesus ng pagpapatawad ng pitumpung maikapitong (70 x7) beses.  Dahil ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay pagkilos para sa ikabubuti ayon sa kalooban ng Diyos. 

Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.” 

Ang sikomoro ay malaking puno.  Ngunit higit na makapangyarihan na ang maliit na pananampalataya. Ang pananampalataya kung gayun,

        - kung ito ay tunay!
        - kung ito ay buhay!
          ito ay makapangyarihan!

Kung ito ay pananampalatayang may gawa.  Kung ito ay pananampalatayang hindi sa isip lamang, kundi nakikita sa gawa - ito ay magiging makapangyarihan.  Kaya nitong alisin ang mga hadlang. Kaya nitong baguhin ang takbo ng ating buhay.

3.) Halimbawa ng Tunay na Pananampalataya

Sa susunod na bahagi, nagsalita ang Panginoon tungkol sa kwento ng isang alipin.

Sa biglang tingin, ang kwentong ito ay parang hindi kadugtong kwento tungkol sa pananalig.
Ngunit ito ay isang halimbawa ng tunay at buhay na pananalig sa Diyos.

Dahil ang tunay na nananalig sa Panginoon ay nagpapa-alipin sa Diyos!
Siya ay pag-aari ng kanyang Panginoon.  Wala siyang karapatan para sa sarili!
Hindi siya  naghahanap ng sariling kaligayahan!
Ang tanging kaligayahan niya ay ang maglingkod sa kanyang Panginoon!

Siya ay nagtrabaho sa bukid.
Umuwi siyang pagod, ngunit kailangan siyang maghanda ng pagkain para sa kanyang amo.
Maaring habang kumain ang kanyang amo, siya mananatiling naglilingkod.
Pagkatapos kumain ng kanyang amo, lilinisin niya ang pinagkainan ng kanyang amo.
Kung may matitirang pagkain, siya ay kakain.

Pagmasdan ninyo ang sabi ng Panginoong Jesus sa susunod na talata, "10 Ganoon din naman kayo; 

kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’” 


Ang mga tinutukoy na "kayo" ay mga alagad na sumasampalataya. 


Ang pagpapa-alipin bilang lingkod ng Diyos ay ating pagpili.  Hindi tayo pinilit na gawin ito. Sa tunay na Kristiano, ang paglilingkod sa Diyos ng walang kapalit ay ang siyang tunay na nagbibigay ng kaligayahan at kahulugan sa buhay. Ito ang tunay na kapahayagan ng pananampalataya. 


Kumusta mga kapatid ang ating pananampalataya? 

Ito ba ay nagbubunga ng mabuting gawa? ang pagsunod sa Diyos? 
Binabago ba ng ating pananampalataya ang ating kalagayan bilang mga alipin ng Diyos?

Nais ko po kayong anyayahan na maglingkod tayo sa Diyos...

        kahit walang bayad...
                     walang parangal....
                             maaring walang pagkilala sa ating mabuting gawa...
                                para lamang sa Diyos....para sa kanyang kapurihan lamang.

Nais ko pong tapusin ang ating mensahe sa pamamagitan ng isang quotation mula kay John Wesley. 


“Do all the good you can,

By all the means you can,
In all the ways you can,
In all the places you can,
At all the times you can,
To all the people you can,
As long as ever you can.”

Ito ang tunay na pananampalataya mga kapatid. 

1.)   Nagbibigay ito ng mabuting pananaw sa buhay. 

2.)  Ito ay may kapangyarihang bumago ng ating buhay. 
3.)  at panghuli, ito ay nagbubunga ng tapat na pagsunod sa Diyos.  Dahil ang tunay na pananampalataya ay nagbubunga ng mabuting gawa.  At magiging mabuti lamang ang ating mga gawa kapag marunong tayong sumunod sa Diyos bilang mga alipin ng ating Panginoong Jesus. 

Mayroon po ba tayong pananampalataya? 

Ipakita po natin ito.  
Isabuhay natin ito. 
At mararanasan natin ang kakaibang kapangyarihan ng ating pananalig. Amen. 



_____________________________   



(FAITH AND HOPE) HOPE FOR THE FAITHFUL



October 13, 2019 18th Sunday after Pentecost (Green)

Jeremiah 29:1, 4-7; Psalm 66:1-12 (UMH 790); 2 Timothy 2:8-15; Luke 17:11-19

May mga bagay na nagaganap sa ating buhay na hindi madaling tanggapin.  Ngunit kung makikita natin ang layunin ng Diyos kung bakit ito nangyayari sa atin, maaring magbunga ito ng mas malaking pag-asa.

Gagamitin natin ang apat na pagbasa sa Biblia ngayong umaga.

Sa Jeremiah 29:4-7, sinulatan ng Propeta ang mga lider at mamayan ng Israel, na tanggapin ng mga Israelita ang pagsakop sa kanila.  Na sikapin nilang mamuhay ng matiwasay sa Babylonia.

Sa Awit 66:1-12, mababasa ang awit ng pagpupuri sa gitna ng mga pagsubok.

Sa 2 Timothy 2:8-15, mababasa rin na si Timoteo, (ang batang pastor) ay pinayuhan ng kanyang mentor na si San Pablo.  Sinasabi ni Pablo na magdaranas ng pagsubok si Timoteo sa kanyang paglilingkod, at kailangan itong magpatuloy sa kabila ng mabigat na pagdadaanan nito.

Sa Lucas 17:11-19, mababasa natin ang kwento  ng Sampung ketongin, na nagdurusa dahil sa kanilang karamdamn.  Ngunit ang kanilang karamdaman, ay naging daan upang nakatagpo nila ang Panginoong Jesus.

Handa na po kayong makinig?
Sa umagang ito, naniniwala po ako na kahit ano pa ang ating kalagayan sa buhay,
maaring may problema ang iba sa inyo...
maaring nagpunta kayo dito, dahil amay mahalaga kayong idadalangin sa Diyos,
naniniwala po ako na tutulungan kayo ng Diyos.

1. May Pag-asa ang Taong May Pananampalataya

Ganito ang sulat ni Jeremias sa mga Israelita.


4 “Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: 5 Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. 6 Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. 7 Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad.
Sinasabi ng sulat na,   
Magpayapa kayo.  Mamuhay kayo ng panatag....  Huwag kayong maghihimagsik sa mga sumakop sa inyo...
a.) Gamit ang Pananampalataya, nagkakaroon tayo ng lakas na tanggapin ng maluwag sa ating puso ang ang mga katotohanang nagaganap sa buhay (kahit pa ang mga ito ay masasakit o mahirap).  

May mga bagay na sadyang mahirap tanggapin.  May mga nagkakasakit ng malubha (bagama't ini-ingatan ang sarili habang naglilingkod sa Diyos).   May mga nakakaranas ng sakuna o aksidente, ng biglang kamatayan ng mahal sa buhay.  May nasusunugan ng bahay, o nananakawan.  May mga business ng biglang bumabagsak. 

Sa ganitong panahon, sumulat si Jeremias upang maging matatag ang mga Israelita habang sila ay namumuhay bilang nasasakupan ng Babilonia. Hindi madali ang mamuhay sa ibayong dagat.  Tulad ng ibang Pilipino sa abroad, ang hanap-buhay, pakikitungo sa  hindi kalahi, at pagtatagumpay sa trabaho ay hindi madali. 


At ito ay isang mahirap a katotohanan sa ating buhay sa kasalukuyan bilang isang bansa. Ngunit ito ang katotohanan na dapat nating tanggapin. 


Salamat na lamang at mayroon tayong pananampalataya sa Diyos na nag-iingat sa ating mga kababayang malayo sa ating bansang tinubuan.  May patotoo ang marami sa Middle East kung paano sila nanatiling matatag habang  malayo sa pamilya.  Ang pagsamba at mga Bible Studies.  Ang  mga prayer meetings sa kanilang mga tinutulugang quarters.  Naranasan nila ang Diyos na kumikilos, nagpapalakas sa kanila habang nasa ibayong dagat. 


2.)  Laging  Pag-pupuri sa Diyos ang  mga Sumasampalataya


Ito naman ang nilalaman ng Awit 66:1-12.  Ang pag-asa ay hindi nawawala sa taong maka-diyos.  Alam nila na hindi sila pababayaan ng Panginoon. 


Noong panahon ni Hitler, may mga Judiong dinakip at kinulong. Marami sa kanila ang namamatay araw-araw.  Kasamang nakulong ang Kristianong si Dr. Victor Frankl.  Napansin ng doktor na sa gitna ng malagim na karanasan ng mga bilanggo, nakakaya nilang umawit, magsaya at magdiwang.  Napatunayan niya na kahit nakakulong  ang mga taong ito, hindi nakabilanggo ang kanilang  mga damdamin at puso.  Dahil  nagagawa nilang maging malaya sa kanilang kulungan.


Habang nasa malayong lugar, ang mga Isrealita ay patuloy sa pagpupuri at pasalalamat sa Diyos.  


"Sumigaw sa galak! Ang lahat ng nilalang! Purihin ang Diyos na may kagalakan!" 


Ito ay awitin ng mga bilanggong Israelita sa bansang sumakop sa kanila.  Sila ay namuhay bilang mga tinuring na second class citizens sa bayan ng Babilonia. Gayunman, hindi ito naging hadlang sa kanilang pagpupuri sa Diyos. 


Sa sulat ni Jeremiah, hinihikayat sila na magsikap, magpamilya at magtagumpay sa ibang bansa.  


Ito ang pag-asang dala ng pananampalataya.  Maari tayong magtagumpay saan man tayo naroroon. 


3.)  Laging  Pag-asang Dala ang Diyos sa mga Sumasampalataya


Panghuli sa ating pagbasa sa Ebanghelyo, matutunghayan natin ang Sampung Ketongin.  Kawawa ang kanilang kalagayan.  Tulad ng mga Judio sa Babylonia, ang mga ketongin ay tinuring ding  mga Second Class citizens sa New Testament.  Pinaniniwalaan na kaya sila nagkasakit ay dahil sa kanilang kasalanan.  Sila ay hindi pinapayagang maki-halubilo sa publiko. Kailangan silang magtakip ng mukha.  Sila ay tinuturing na nakakadiri at lubhang makasalanan.


Sa ganitong realidad ng karamdaman, natagpuan ng mga ketongin si Jesus.  Lumapit sila sa Panginoon at humingi ng tulong. 


May kwento tungkol kay St. Francis of Asisi kung paano niya naranasan ang presensya at pagtawag ng Panginoon.  Sa simula ng kanyang ministeryo, naranasan ni Francis ang makatagpo ang isang ketongin.  Iniwasan siya ng ketongin, ngunit nagpumilit lumapit si Francis.   Niyakap ni Francis ang ketongin.  Dahil dito, naramdaman ng ketongin ang tunay na pagmamahal at pagtanggap.    


Lingid sa damdamin ng ketongin, may naramdaman din si Francis. 


Naramdaman ni Francis na nagawa niyang sumunod kay Jesus na tumatanggap sa mga taong tinatalikuran ng sambayanan.  Nagawa niyang tanggapin at mahalin ang mga taong uhaw sa pagmamahal ng Diyos.  Nagawa niya, na sa halip na mandiri at matakot - nagawa niyang sumunod sa mga yapak ni Jesus. 


May mga tao na naghahanap ng tunay na pag-asa mula sa mukha ng Diyos.  Ngunit tayong mga alagad ang mukha ng Diyos sa sanlibutang ito.  Maari makita ng mga tao ang Diyos kung siya ay nasa atin. 


May tunay na pag-asa sa pananampalataya sa Diyos.  Lumapit ang mga ketongin kay Jesus at hindi sila nabigo. Sila ay pinapunta ng Panginoon sa pari upang lalong mapatunayan ang kanilang paggaling.  Kaya pumunta ang mga Judiong ketongin sa templo ng mga Judio. 


Ngunit ang isa ay Samaritano.  Hindi siya maaring tanggapin sa templo ng mga Judio kahit siya ay magaling na. Kaya siya ay bumalik kay Jesus upang magpasalamat.  Lalong natuwa ang Panginoon sa kanyang ginawa.  Dahil sa kanyang ginawang pagpapasalamat, hindi naging hadlang ang kanyang pagiging Samaritano upang makalapit siyang muli kay Jesus.    


Anuman ang iyong kalagayan sa buhay, huwag ka sanang mawalan ng pag-asa. 


1.)  May Pag-asa ang Taong May Pananampalataya

2.)  Laging  Pag-pupuri sa Diyos ang  mga Sumasampalataya
3.)  May Pag-asang Dala ang Diyos sa mga Sumasampalataya

Hinihintay tayo ng mga tao na dalhin natin ang pag-asang ito sa kanila.   


FAITH AND GOD'S JUSTICE 

October 20, 2019 19th Sunday after Pentecost (Green)

Jeremiah 31:27-34; Psalm 119:97-104 or Psalm 19 (UMH 750); 
2 Timothy 3:14-4:5; Luke 18:1-8 Laity Sunday





__________________________________   

FAITH AND (TRUE) RIGHTEOUSNESS

October 27, 2019 20th Sunday after Pentecost (Green)
Joel 2:23-32; Ps 65 (UMH 789); 2 Tim 4:6-8, 16-18; Lk 18:9-14 October 31: Reformation Day



Sermons August 2026

AUGUST SERMONS and SUNDAY SCHOOL LESSONS BASED ON LECTIONARY READINGS  ___________________ Sermon 1: Feeding Ministry ni Jesus          ...