Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Lectionary Sermons November 2019

Kwento ni Zaqueo
Luke 19:1-10

Ang bawat kwentong Kristiano ay kwento ng pagbabagong buhay matapos makilala at tanggapin si Jesu-Cristo.

Sa isang banda, ang bawat tao ay makasalanan at nararapat maparusahan.  Ang bayad ng kasalanan ay kamatayan (Roma 3:23, 6:23).  Sa kabilang banda, ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay nagiging bagong nilalang (2Cor. 5:17).  Ito ay pagbabago ng isang makasalanan, tungo sa kabanalan.  Ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay hindi na parurusahan (Roma 8:1).  Ang sumpa ng kasalanan ay ganap na maaalis.

Ang ganitong uri ng pagbabago ay hindi nagagawa ng tao sa sarili o sa pamamagitan ng pakunwaring relihiyon lamang.  Kailangan dito ang tunay na pagkilala kay Jesu-Cristo, ang totohanang pagtalikod sa kasalanan, at ganap na pagsuko sa sarili sa Diyos.  Ang ganitong pagpapasakop sa Diyos ay walang pagkukunwari, dahil ito ay pagbabagong nagaganap mula sa kalooban hanggang sa panlabas na pagkatao.

Ang buhay Kristiano ito ay masasalamin sa kwento ni Zaqueo.

1. Nais Makita ni Zaqueo si Jesus.

Marahil tama lamang na sabihing: Lahat tayo, nais nating makita at makilala ang Panginoong Jesus. Tulad ni Zaqueco, nais nating makilala ang Panginoon.  Napakasarap sabihin na, “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.” - ito ang patotoo ng mga alagad sa Juan 1:14.

Nais makita ni Zaqueo si Jesus.  Ngunit sa palagay ko, ito ay “out of curiousity” lamang.  Hindi niya hinahanap si Jesus upang makilala siya ng lubusan.  Hindi malalimang pagkilala ang nais ni Zaqueo.

Maraming tao at mismong mga Kristiano ang ganito - sila ay may mababaw na pagkilala sa Panginoon.  Hindi malaliman ang kanilang paglilingkod, pagsamba, pananalangin o pag-aaral ng Biblia.  Sapat na sa kanila ang mababaw na pagkilala sa Panginoon. Dahil dito, hindi nagiging mabunga ang kanilang buhay espiritual.

Kung ganito pa rin ang iyong kaugnayan sa Diyos kapatid ko, nais kitang anyayahang magsaliksik at sikapin mong makalapit ka sa Panginoon, hanggang maramdaman mo ang lalim ng pag-ibig ng Diyos. Dahil ang mababaw na kaugnayan sa Diyos ay walang saysay.  Ang anyaya ng Biblia ay ganito, “Seek the Lord while he may be found.” (Isaias 55:6)

Patuloy nawa nating hanapin ang mukha ng Diyos hanggang makilala natin siya ng lubusan.

2. Nais Makatagpo ni Jesus si Zaqueo

Ang pangyayaring ito ay maaring nakabigla kay Zaqueo: nalaman niya na nais siyang makilala ni Jesus.  Interesado si Jesus sa kanya.  Hinahanap siya ni Jesus.

Maaring tulad ni Zaqueo, hinahanap mo si Jesus.  Ngunit ang malamang - higit na hinahanap ka ng Diyos, ay higit na mahalaga.  Mahalaga po tayo sa Diyos.  Nais niya tayong makatagpo, at makilala ng malaliman.

Si Apostol Pablo noong una, ay may mababaw na pagkilalasa Panginoong Jesus.  Ngunit nakitagpo si Jesus sa kanya.  Nais ni Jesus na makilala si Pablo. Nais ng Panginoon na gamitin si Pablo bilang apostol.

Malalim ang interest ng Diyos sa bawat tao.  Nakasulat sa palad ng Diyos ang pangalan ng bawat tao (Isaiah 46:19).

3. Ang Pagbabago sa Buhay ni Zaqueo

Sa pagtatagpo ni Jesus at Zaqueo, nagbago ang buhay ni Zaqueo.  Dati, si Zaqueo ay in-love pera. Ngayon in-love na siya kay Lord.

Na-in love sa pera si Zaqueo dahil sa kanyang trabaho bilang tax-collector.  Ganito kasi ang trabaho niya:

Ang sweldo ng tax collector noon ay may contrata (quota) sa Roman government.  Halimbawa, ang contract quota na dapat bayaran ni Zaqueo ay P5000.  Kung nakasingil siya ng P10,000, yung sobrang P5000, ay kanya na. Ito ang kanyang kita.  Kung P30,000. yung nasingil niya, P5000 parin ang kanyang babayaran sa gobyerno ng mga Romano.  At marami ang taxable items sa kanyang panahon.  Ang mga ani, ay may tax, ang dayong nagtitinda sa kanilang bayan ay sisingilin.  Ang mga gumagamit ng kalsada, o lumilipat sa tulay na paninda ay taxable.  Sinumang nagdadala ng kalakal, papasok o papalabas sa bayan ay magbabayad ng tax.  Kaya madaling yumayaman ang mga tax collectors.  Mas mabilis silang yayaman kung sila ay nagdaraya pa sa singil.

Tunay na nagbago si Zaqueo sa kanyang pagkilala sa Panginoon dahil,

a. una, siya ay nagpahayag ng pagsisisi. Sabi niya, “Panginoon, kung ako ay may nadaya...”.   Ang pagkilala sa sariling kamalian, at ang pasya upang talikuran ang kasalanan ay tanda ng paglapit sa Panginoon.

b. pangalawa, nakita niya ang pagbabago sa sarili.  Ang patunay sa pagbabago ng isang tao ay nakikita sa sariling kalooban.  Ang naganap na pagbabago ay hindi gawa ni Zaqueo sa sarili.  Ito ay bunga ng pakikipagtagpo ng Panginoon sa kanya.

c. pangatlo, isinama ni Zaqueo si Jesus sa kanyang tahanan. Ito ang katibayan na nais ni Zaqueo ang malalimang pagkilala sa Panginoong Jesus.   Hindi nakuntento si Zaqueo na makita at makausap si Jesus sa kalye.  Isinama niya ang Panginoon sa kanyang tahanan.

Dahil sa pagtatagpong ito, nasabi ng Panginoon na, dumating ang kaligtasan sa tahanan ni Zaqueo. 

_____________________

Ang Diyos ng Mga Buhay
Luke 20:27-38

Katatapos lamang po ng Undas.  At muli nating nakita ang katibayan na ang buhay ay may wakas. Ang tao ay mamamatay at ililibing. Ngunit pagkatapos ng kamatayan ay ano?

Ang tanong kung ano ang “pagkatapos ng kamatayan” ay pinagdidibatihan ng mga Judio noon pa. Mayroong dalawang panig sa usapan - ang mga Pariseo ay naniniwala sa muling pagkabuhay ng mga patay.  Subalit ang mga Saduceo ay naniniwala na ang kamatayan ay ang wakas ng lahat at wala ng muling pagkabuhay.

Bilang mga Kristiano, dapat nating araling mabuti ang ating pananampalataya. 

Una, nakatitiyak ka ba sa iyong kaligtasan?
Bagama’t alam mong ikaw ay papanaw, nakasisiguro ka na ba na tatanggap ka ng muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan?

Ang ating kaligtasan pagkatapos ng kamatayan ay bunga ng ating pananalig sa Panginoong Jesus na nagsabing, “Ang sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, bagama’t mamamatay ay muling mabubuhay.  At hindi na siya mamamatay kailanman.” - Juan 11:25-26.

Ganito naman ang pahayag ni Apostol Pedro, “sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ito ang inyong kaligtasan.” (1 Pedro 1:9). Ang kaligtasang tinutukoy ay mula sa buhay na ito sa lupa hanggang sa susunod na kabilang buhay.  Ito ay taliwas sa paniniwala ng mga Saduceo.

Sa araw na ito sa ating mensahe, nais ko kayong tanungin - ligtas na po ba kayo? Kung biglang darating ang kamatayan, ikaw ba ay nakasisiguro sa iyong buhay na walang hanggan?  Kung hindi po, ay katulad ka lang ng mga Saduceo kapatid.   Naniniwala sila sa Diyos, ngunit hindi sila naniniwala sa pagliligtas ng Diyos sa kamatayan.

Gamit ang Saduceong paniniwala, sinubukan nilang tanungin ang Panginoon.  Ang kanilang tanong ay patibong upang siluin si Jesus.

Ang ginamit nilang halimbawa ng kamatayan ng pitong magkakapatid ay hango sa Aklat ng Tobit, ang kamatayan ng pitong anak ni Sarah. Ang tugon ng Panginoon ay paraan ng mga Pariseo, gamit ang kasulatang Judio. Upang patunayan na ang Diyos ay Diyos ng mga buhay, binanggit ng Panginoong Jesus sina Abraham, Isaac at Jacob, bilang mga pumanaw ngunit buhay na nakikipag-ugnayan pa sa Diyos. Nasusulat din ito sa Biblia ng mga Judio sa  4Maccabees 7:19, “since they believe that they, like our patriarchs Abraham and Isaac and Jacob, do not die to God, but live to God.”
Bakit Mahalaga ang Paniniwala sa Muling Pagkabuhay?

Mahalaga ang paniniwala sa muling pagkabuhay, dahil;

1.) Pagpapahayag ito ng ating pananalig sa katapatan ng Diyos hanggang kamatayan.  Maraming Kristiano ang nagbuwis ng kanilang buhay para kay Cristo.  Alam ng mga taong ito na hindi kailanman nasayang ang kanilang sakripisyo dahil gagantimpalaan sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan.

2.) May gantimpala ng buhay na masagana dito sa lupa, ngunit mas higit ang naghihintay na gantimpala sa muling pagkabuhay.  Sinasabi sa 1 Cor. 2:9, “Subalit tulad ng nasusulat,

“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
    ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
    ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”

3.) May pangako ang Panginoong Jesus sa mga sumasampalataya sa kanya na pagkakalooban tayo ng bagong buhay, bagong pagkatao na tulad ng mga angel na walang kamatayan.  Tulad ng mga angel, tayo ay makakasama ng Diyos sa walang hanggang buhay.

4.) Ang paniniwalang ito ang nagliligtas sa atin sa tukso ng kamunduhan.  Isang halimbawa dito ay ang pangangaral ng Salita ng Diyos.  Ang tunay na gantimpala sa paglilingkod sa Diyos ay hindi lamang pagkamit ng salapi (love gifts) o mataas na katungkulan (promotion para maging DS o ma-elect bilang Obispo).  Sa halip, ang gantimpalang ating hinahangad ay ang espiritual na kaligtasan ng nangangaral at mga nakikinig.

5.) Naniniwala tayo sa muling pagkabuhay ni Cristo mula sa kamatayan. Tinalo ni Cristo ang bagsik ng kamatayan.

Malinaw sa turo ni Apostol Pablo ang ganito. 

“Yamang binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.” - Colosas 3:1-4.

Ang mga Saduceo ay sumasampalataya sa Diyos na nagpapala sa buhay ng tao, dito lamang sa lupa.  Para sa kanila, ang pagpapala ng Diyos ay wawakasan ng  kamatayan. Ngunit ang Panginoong Jesus ay nagsasabi na ang pagpapala at katapatan ng Diyos ay walang katapusan. Ito ay hanggang sa muling pagkabuhay. Ang paniniwala sa muling pagkabuhay kung gayun ay pagkilala sa walang hanggang katapatan ng Diyos.  Naniniwala ka ba kapatid?

______________________________

Simula ng Wakas
Luke 21:5-19

Ang wakas o end of times ay mahalagang tema ng Biblia.  Ang mga Judio at unang Kristiano ay naniniwala na kumikilos ang Diyos sa kasaysayan.  At naniniwala sila na magtatagumpay ang Diyos, sa kabila ng mga pasakit na mararanasan ng mga sumasampalataya.

Ang templo ay simbolo ng pananampalatayang Judio.  Simbolo rin ito ng katapatan ng Diyos sa bansang Israel.  Ngunit sa pagdating ng Panginoong Jesus, hinulaan niya na babagsak ang templo sa Jerusalem at darating ang wakas ng panahon.

Noong taong 70A.D. ang templo ay winasak ng mga Romano.  Apat napung taon (40 years) pagkatapos ng hula ng Panginoon, nangyari nga ang sinabi ng Panginoong Jesus tungkol sa templo.  Bago nangyari ang pagkawasak ng templo, noong 64 A.D., maraming Kristiano ang pinapatay ni Emperor Nero sa Roma. Malapit o matapos sa panahong ito ang pagkasulat ng Ebanghelyo ni Lucas.  Kung nasulat ang Ebanghelyo sa panahon ng pagpaslang sa maraming Kristiano, masasabi natin na ang Ebanghelyong ito ay nasulat upang bigyang pag-asa ang mga Kristiano sa gitna ng hapis.

Maraming bahagi ng Biblia sa Bagong Tipan ang nasulat upang magdala ng pag-asa sa mga nagdurusang Kristiano. Katulad halimbawa ng nasusulat sa Pahayag 14:13,

At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.”

Sa ating mensahe ngayong Linggong ito ng ating pagsamba, nais kong anyayahan ang lahat na maging matatag sa pananampalataya, kahit makaranas man tayo ng matinding pagsubok. Ganito ang mga pagsubok na maari pa nating danasin:

1. Pagkawasak ng templo na sumisimbolo sa sektang kina-aaniban  (vv.5-6).   Sa unang tingin, ang templo ng mga Judio ay sumisimbolo sa kanilang pananampalataya sa Diyos.  Ngunit  sa pagkasira ng templo, kailangan pa ring manatiling matatag ang pananampalatayang Kristiano.  Sa ating panahon, nanganganib na mabuwag o mahati ang UMC.  Kung mangyayari man ito, kailangan tayong manatiling matatag sa ating pananampalataya sa Diyos.

2. Mga naglipanang bulahang mangangaral (vv.7-8).  Noon man o sa kasalukuyan, marami pa rin ang mga bulahang tagapagturo, at mga nagpapanggap na sila ang Messias. Huwag tayong magpapaniwala sa mga TV evangelist na ang pakay ay iligaw ang mga Kristiano.

3.  Makakaranas din ang mga Kristiano ng digmaan at mga sakuna (vv. 9-11).  Ang mga nakakaranas ng ganitong paghihirap ay maaring magduda sa Diyos.  Ngunit, sinasabi ng Panginoon na ang mga ito ay bahagi lamang ng mga palatandaan bago dumating ang wakas.   Dapat maging matatag ang mga Kristiano sa ganitong malupit na karanasan.

4. Pag-uusig (v.12).  Sa ibat-ibang bahagi ng daigdig, maraming Kristiano ang pinag-uusig dahil sa pagsunod sa Panginoong Jesus.   Ang mga unang Kristiano ay tumanggap ng parusa sa mismong sinagoga.  Ang parusa dahil sa pagsunod kay Cristo ay karaniwang tatanggap ng pinaka-kaunting 13 hampas ng latigo sa dibdib at 26 na hampas  ng latigo sa likod. Kung mabibilanggo ang Kristiano, maaring siya ay tatanggap ng higit na parusa tulad ng kamatayan, o maglalaho na lamang bigla tulad ng pagtapon kay Apostol Juan sa isla ng Patmos, at kukunin ang kanyang ari-arian,  o maaring siya ay ibenta bilang alipin.

5. Panghuli ay ang karanasan ng pagkakanulo (betrayal) ng sariling pamilya o mahal sa buhay. Ito ay mabigat na dalahin ng isang Kristiano.  Kapag ang sariling pamilya na ang hahadlang sa pananampalataya, dapat pa ring magpakatatag ang mga mananampalataya sa Panginoon.

Tagumpay sa mga Pagsubok

Sa kabila ng lahat ng ito, nangako ang Panginoong Jesus na   magtatagumpay ang mga Kristiano.  Kailangan nga lamang ang pagtitiis upang maligtas (v.19).

Ang kaligtasang tinutukoy dito ay malinaw na hindi kaligtasang pisikal. Dahil marami ang pinapaslang na Kristiano noon hanggang ngayon.

1. Ang tagumpay na sinasabi ng Panginoon ay ang patuloy na pagsulong ng pananampalatayang Kristiano bagamat pinapaslang ang maraming mananampalataya.  Pinapatay ang mga Kristiano, ngunit hindi namamatay ang Kristianismo.

2. Ang tagumpay ng mga Kristiano na tatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan. Ang kamatayan ay walang kapangyarihan sa mga nananalig kay Cristo.  Ang mga namatay kay Cristo ay bubuhaying muli.  Ganito ang liriko ng awit na Wonderful Cross,

O the wonderful cross,
Bids me come and die,
And find that I will truly live.

Kapatid, ito ba ang kahulugan ng iyong pananalig kay Cristo?
Nabubuhay ka ba para sa Panginoong Jesus lamang?
Kung mangyayari ang mga pagsubok na ito sa buhay mo, nakahanda ka bang mamatay kung kinakailangan para sa Panginoon?
Patunayan natin ang ating pananampalataya.  Ihandog natin ang ating sarili sa Diyos ngayon.

 _______________________________


Thanksgiving Sermon
Awit 136:1-5
O gives thank unto the Lord for he is good. His love endures forever.

Panimula.

May isang mabuting tatay na pumanaw. Ang tatlo niyang anak na babae ay nagsalita ng pasasalamat sa ama.

Wika ng panganay, "Maaga po kaming nawalan ng nanay, ngunit inalagaan po kami ng aming tatay, ng buong pagsisikap at tiyaga. Ang kanyang sakripisyo ang dahilan kung bakit matagumpay kami ngayon."
Marami pang sinabi ang pangalawa at pangatlo.

Pagkatapos magsalita ng tatlong babaeng anak, may isang kabataang lalaki ang biglang tumayo. At wika ng binata, "Totoo po iyon, mabuti siyang ama."

Nagtaas ng kilay ang mga anak na babae ng yumao. "May anak ba sa labas si tatay?"
"Hindi po ako anak ng yumao. Ngunit itinuring po niya akong parang anak. Pina-aral po niya ako. At dahil wala na po akong magulang, siya ang parang tatay ko. Nandito po ako upang magpasalamat."
Ang pasasalamat ay tugon sa ginawang kabutihan. Maaring hindi masuklian ang ginawang kabutihan, ngunit ito ay maaring pasalamatan.

Ang kawalan ng pasasalamat ay kawalan ng hustisya. Kung dapat pasalamatan ang Diyos, at kung hindi natin ito ginawa, ito ay injustice. Hindi ito makatuwiran.

Sa lahat ng kabutihang ginawa ng Diyos sa ating buhay, nararapat lamang na siya ay pasalamatan. Palakpakan at purihin po natin ang Diyos.

Ang ating pagbasa ay mula sa Psalm 136. Ito ay naglalaman ng mga gawang kabutihan ng Diyos na kanyang ginawa sa Israel.

At ang bawat gawa ng Diyos na binabanggit ay may tugon na , "His love endures forever". Ito ay sinasambit ng 26 times, sa bawat bersikulo mga kapatid. Inuulit-ulit nila ang tungkol sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos.

Ito ang ating invitation ngayon sa bawat isa. Nakikilahok po tayo sa muli nating pagbanggit ng kwento ng kabutihan ng Diyos.

Ang mga Judio ay may tatlong beses ng pista ng pasasalamat sa Diyos. Tayo, once a year lang tayo nagseselebr ng Thanksgiving, pero sila tatlong beses.

1. Una, inaalala nila ang kabutihan ng Diyos tuwing Passover Feast.

Sa Passover Feast po, inaalala ng mga Judio kung paano sila pinalaya ng Diyos mula sa pagka-alipin sa Egypt. Sa Egypt, sila ay mga busabos, mga alipin, mga walang kalayaan at walang karangalan.

Ngunit, buong pagmamahal na inalis sila ng Diyos sa kanilang kaawa-awang kalagayan. Kaya nagpapasalamat sila sa Diyos dahil hindi na sila alipin.

Tayo ring mga Kristiano ay dating mga alipin. Alipin tayo dati ng ating sariling kasalanan. Wika ni Apostol Pablo, "“Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa aral na ibinigay sa inyo. Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran.

Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon.” (Mga Taga-Roma‬ ‭6:17-18, 20-21‬)
Ngayong hindi na po tayo alipin, pinalaya na tayo, maari po bang sabihin natin sa Panginoon, "Salamat po Panginoon, malaya na ako. Hindi na ako alipin."

2. Yung pangalawang Pista nila ng pasasalamat ay pag-alala sa disyerto. Habang naglalakbay sila sa desert, sa mga tent o tolda sila natutulog. Kapag gumagabi na, nagtatayo sila ng tolda sa desert.

Kaya mayroon sila Feast of the Tabernacles. Kapag pinagdiriwang nila ito, ang bawat pamilya ay nagtatayo ng tent, sumisimbolo ito sa kabutihan ng Diyos sa kanilang pinagdaanang hirap ng buhay sa ilang. Gutom, uhaw, mga ahas at alakdan. Sila ay pinagkalooban ng Diyos ng kanilang panganagilangan. Sila ay ginabayan ng Diyos at hindi pinabayaan.

May payo ako sa mga kabataan.

Mga anak, kapag nagkukwento ang tatay ninyo tungkol sa kanyang kapanahunan, makinig kayo.
Halimbawa, humihingi ka ng P1000 pesos na baon mo. Tapos sabi ni tatay mo, "Anak noong ako, piso ang baon ko sa isang buong linggo."

Anak, huwag mong sasagutin ang tatay mo ng, "Tay, panahon mo ya eh! Huwag mo ng ikwentotay yung naglalakad ka ng tatlong kilometro para mag-aral. Na hindi ka nagbabaon, at hindi ka kumakain ng lunch...panahon mo yun tay."

Huwag po ninyong isusumbat sa kanila yung kanilang pinagdaanan. Sa halip, pwedi ba mga kabataan, pasalamatan ninyo ang Diyos at ang inyong mga magulang, na dahil sa kanilang katapatan, nandiyan kayo ngayon sa kalagayan ninyo. Na kung hindi dahil sa kanilang nakaraan, wala ka ngayon sa iyong kalagayan.
Ang kwento ng mga Judio sa ilang ay patotoo sa kabutihan ng Diyos. Gayundin po, ang kwento ng ating mga magulang na nagsakripisyo ay kwento ng kabutihan ng Diyos.

Pwedi bang sa mga kabataan dito, na kasama ang mga magulang, samahan ninyo ako na magsabing, "Salamat po O Diyos, binigyan mo ako ng magulang na nagsakripisyo para maitaguyod ako sa aking paglaki at pag-aaral."

Yung pinagdaanan ng mga Judios sa disyerto, ayaw itong makalimutan ng mga susunod na salinlahi.
Ito ay paraan ng pag-alala mula sa mga ninuno hanggang sa ating mga magulang - hanggang sa ating panahon. Nanatiling tapat po ang Diyos.

May mga kasama tayo dito sa church na maaring bumabalik ngayon sa kanilang nakaraan. Isang dating kargador sa palengke na ngayon ay matagumpay na manager, dahil sa kabutihan ng Diyos. Amen!
Sino pa? hmm, dating namumulot ng kalakal sa basura, ngayon engineer na! Amen?

Pakaisipin po natin, kung saan tayo pinulot ng Diyos, at kung sino tayo ngayon? Kung paano nagbago ang buhay natin, mula ng ang Diyis ang gumabay sa atin? Isipin mo kapatid kung paano ka nakarating sa kalagayan mo ngayon! Di bah, napakabuti ng Diyos?

Ito yung dahilan kung kaya dapat tayong magdiwang ng Thanksgiving Sunday. Para hindi tayo makalimot sa kabutihan ng Diyos.

3. Yung pangatlo nilang pagdiriwang ay tinatawag na Pentecost Feast.

Ito yung pagdiriwang ng harvest at pagyapak nila sa Promise Land. Nagtayo sila ng kanilang mga bahay at nagtanim sila ng mga gulay at prutas. Sa kanilang sariling tahanan, bagong bahay, sariling lupa, sila ay nagpasalamat sa Diyos.

Ilang beses na rin po akong na invite na mag bless ng bagong tayong bahay.  Pero memorable yung mga pamilyang nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mahabang panahon na wala silang bahay, nakatira sila sa palengke o nangungupaan sila ng matagal.  Pero noong magkaroon sila ng sariling bahay...marami ang naiiyak sa pasasalamat sa Diyos. 

Kaya kung kayo ay biniyayaan ng Diyos ng sariling lupa, at sariling tahanan.  Balikan po ninyo ang inyong pinanggalingan.  At makikita ninyo kung gaano kabuti ang Diyos sa buhay ninyo. 

Kay buti po ng Diyos, at ang kanyang pag-ibig ay nananatili magpakailanman

___________________________________ 

Si Cristong Hari
Luke 23:33-43

Sa mga nakaraang Linggo, nabasa natin ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pagpapakasakit na  pagdadaanan ng mga alagad.  Ngayon naman, ay matutunghayan natin ang halimbawa ng pagpapakasakit ng Panginoong Jesus.

Tinawag na Hari ang Panginoon, hindi sa marangyang trono, hindi sa loob ng maragang palasyo, kundi sa itaas ng krus habang siya ay nakabayubay. Ang paghahari ng Panginoon ay nasa kanyang pagliligtas sa ibabaw ng krus.

Siya ay magiging hari lamang ng ating buhay kung - siya ay tatanggapin natin bilang Manunubos, na namatay para sa ating ikaliligtas.

May isang taong kilala ko ang minsang nagsabi, “Sa aking kamatayan, gusto sanang hilingin sa Diyos na mamatay ako ng tahimik at simple lang.  Yung matutulog lang ako at hindi magising.  Ayoko do’n sa ooperahan ka pa.  Yung masasaktan pa ako at mahihirapan pa ang aking pamilya para sa akin...”

Ang kamatayan ng Panginoong Jesus ay masaklap pa sa naoperahan, o sa nagkasakit bago mamamatay.  Siya ay pinatay sa parusang kamatayan, bagamat wala siyang kasalanan. 

Gayunman, ang kanyang malupit na kamatayan ang siyang nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa kanyang buhay. Siya ay naging masunurin sa Ama, hanggang sa kamatayan niya sa krus (Filipos 2:8). 

Ang bawat Kristiano ay dapat magmuni sa sariling buhay. Dapat nating pagbulayan,

Nabubuhay ba ako para sa Diyos?
Ang akin bang kamatayan pagdating ng panahon na kukunin ako ng Diyos ay magiging masamyong handog sa Panginoon?

Ang kamatayan ay pangit pag-usapan, lalo sa kaugaliang Filipino.  Ngunit sa Biblia, ang pag-uusap tungkol sa kamatayan ng tapat sa Diyos ay mahalaga. Sabi nga ni Pablo, sa Filipos 1:21,

“Sa mabuhay man o mamatay, kay Cristo ako.”

Ang Paghahari ng Panginoon sa Kanyang Kamatayan

1. Ito ay paghahari ng Diyos dahil sa malawakang pagpapatawad sa mga nagkasala sa kanya (vv.33-34).

a. Karaniwan sa mga “guilty” na pinapatay sa krus ay nagsasabing, “Kabayaran ito sa aking kasalanan. Dapat lang akong mamatay ng ganito. Patawarin nawa ako ng Diyos.”

b. Kung wala naman siyang kasalanan, at siya ay pinatay,  ay may panalanging nakalaan ang mga Judio na maari niyang sambitin.  Halimbawa dito ang Panalangin ng Paghihiganti, na mababasa sa Awit 137:8-9,

    Tandaan mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
    dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
    yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
     kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!

Ngunit hindi panalangin ng nagkasala, o ng isang nais maghiganti ang panalangin ng Panginoon.  Siya ay namatay na nagpapatawad. Sa ganitong paraan siya naghahari sa buhay natin.  Inialay niya ang kanyang buhay upag sakupin tayo ng kanyang pag-ibig.

2. Siya ay namatay na itinataas ng Diyos habang siya tinutukso at tinutuya (v. 35)

Ang kamatayan ng Panginoon ay palaisipan.  Alam ng mga pumatay sa kanya na siya ay gumawa ng mabuti (iniligtas niya ang iba), ngunit tinutuya pa rin siya, dahil hindi niya mailigtas ang sarili. 

Masdan na ang tono ng pagsasalita ng mga tumutuya sa kanya ay katulad ng pananalita ng demonyo sa Lucas 4:3,6 (kung ikaw ang Anak ng Diyos).   Kaya mag-ingat po tayo sa pagsasalita laban sa mga walang kasalanan, ano po. Baka sa diablo na nanggagaling ang ating sinasabi.

Ngunit sa ganitong paraan siya itinaas ng Diyos.  Ayon sa Filipos 2:9-10

Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.

Malinaw na siya ay naging hari dahil sa kanyang pagsunod at pagpapakumbaba. 
Siya ay namatay na tumatanggap ng insulto. 

         a. Una, dahil ang mga pinapako sa krus ay nakahubad. 
         b. Pangalawa ay ang pagkakaloob sa kanya ng suka bilang inumin.  Ang inuming suka ay maaring makatulong sa biktima, ngunit sa panulat ni Lucas, ito ay dagdag na insulto sa kanyang kamatayan.

        c. Pangatlo, ininsulto ang kanyang pagka-Judio. Ininsulto ang kanyang lahi. Sinabing siya ay hari ng mga Judio, hindi para purihin, kundi upang laitin.

        d.  Panghuli, sa v. 39, ininsulto din siya ng isa na kapwa niya biktima.

Kung ganito pala karami ang negatibong karanasan ng Panginoon sa kanyang kamatayan, paano masasabi na matagumpay at makahulugan ang kanyang kamatayan sa krus?

1. Una nabanggit natin na namatay siyang nagpapatawad. Wala siyang galit o hinanakit na dinala sa hukay. Ang tagumpay niyang ito ay ang paghahari ng Diyos sa buhay ng mga makasalanang pintawad.

2. Pangalawa ay ang kanyang positibong tugon sa kahilingan ng isang nakapakong kasama niya.  Wika ng isang salarin, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”  Ito ay deklarasyon ng paghahari ni Cristo sa kanyang kaharian doon sa langit at dito sa lupa.

At iginawad ng Panginoon ang katuparan ng isang pangako, “Ngayon din, kakasamahin kita sa paraiso.”

Ang kamatayan ni Cristo ay kamatayan ng isang taong mabuti. Hanggang kamatayan, gumagawa siya ng mabuti para sa kapwa. 

Conclusion: Hindi man tayo kasing-banal ng Panginoon, dahil tayo ay nagkasala, maari pa rin tayong mabuhay at mamatay na tulad niya.  Kung tatanggapin natin si Jesus sa ating buhay bilang Panginoon at Tagapagligtas, maasahan natin na hindi na tayo parurusahan sa ating mga kasalanan. At ito ang paghaharing gagawin ng Diyos sa ating buhay.

Maari nating piliin ang kamatayang makahulugan at kaaya-aya sa Diyos. Maging paghahandog nawa sa Diyos ang maging kamatayan natin. Tulad ng sabi ni Pablo sa 2Timoteo 4:6, “Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana.”.   Amen.

At panghuli, sa buhay man o kamatayan, maghari nawa si Cristo sa ating buhay.  Mabuhay si Cristong Hari! AMen!




 














4 (na) komento:

  1. Muli po d.s maraming salamat talaga sa patuloy na pagsusulat po ninyo actually maraming mga layko dto sa akin Ang kumukuha ng mga obra po ninyo nawa na pag nubayan kyo ng dios Sabi nga nila may Dec na ba Sabi ko hintayin mating God bless po

    TumugonBurahin
  2. Sabi nila bakit putol po itong para sa Sunday Sabi ko wait mating maykarugtong Yan.

    TumugonBurahin
  3. Salamat po ptr Jess super blessed po ako at nagagamit ko po ito minsan sa aking pagtuturo at mga example♥️😘🙏💯

    TumugonBurahin

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...