RITUAL NG CONFIRMATION / PAGTANGGAP NG BAGONG KAANIB / BAUTISMO SA MAY EDAD
Mga kapatid sa Panginoon, tayo ay nagkatipon upang pasalamatan ang Diyos, sa biyaya niyang nagliligtas, sa buhay ng mga nananalig kay Cristo Jesus. Ang sino mang sumasampalataya ay nagiging kabahagi ng katawan ni Cristo, ang iglesia.
Ngayon ay ating tatanggapin sa kapulungan ang mga kapatid na si ____________upang maging kaanib ng iglesia, bilang kapatid natin sa pananampalataya, at katuwang sa paglilingkod.
HIMNO:
Sasabihin ng Pastor:
Ang iglesia ay sa Diyos,
At iingatan ito ng Panginoon hanggang wakas, para sa gawain ng pagsamba at pagbabahagi ng Salita ng Diyos at mga Sakramento, ang pagpapatatag ng samahang Kristiano at disiplinang espiritual, ang pag-unlad ng mga mananampalataya, at ang pagtanggap ng buong sanlibutan kay Cristo.
Lahat, ano mang edad o kalagayan, ay maliligtas lamang ng biyaya ng Diyos, na siyang ibinabahagi ng simbahan.
Panalangin para sa Tatanggaping Kaanib
Sasabihin ng Pastor: Yamang ang lahat ay nagkasala at walang karapat-dapat sa kaluwalhatian ng Diyos, wika ng Panginoong Jesus, "Maliban na maipanganak na muli ang isang tao sa tubig at Espiritu ay hindi siya tatanggapin sa kaharian ng Diyos."
PANALANGIN PARA SA BAUTISMO
Manalangin po tayo.
Makapangyarihan at walang hanggang Diyos, kami ay nagsusumamo alang-alang sa (mga) kapatid na ________, na iyong tinawag upang maglingkod sa iyo, sa pagdulog niya (nila) sa Banal na Bautismo,
ay maranasan niya (nila) kapatawaran ng kasalanan,
ang kapusposan ng Banal na Espiritu.
Kung kaya, tanggapin mo siya/sila Panginoon, tulad ng iyong pangako sa pamamagitan ng iyong anak na si Jesus, at igawad na sila ay gawing tapat sa iyo, habang sila ay nabubuhay, hanggang sapitin nila ang walang hanggang kaharian na iyong pangako sa pamamagitan ng aming Panginoong Jesus. Amen.
PAGTALIKOD SA KASALANAN AT PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA
Sasabihin ng Pastor sa mga tatanggaping ganap na kaanib:
Kapatid na _________, sa harapan ng Diyos at ng kapulungang ito, ikaw ba ay tapat na nagtatalaga ayon sa mga pangako sa iyong bautismo?
Opo.
Ikaw ba ay tunay nagsisisi sa inyong mga kasalanan?
Opo.
Sumasampalataya ka ba sa Diyos Ama?
Sumasampalataya ako sa Amang makapangyarihan sa lahat, ang lumalang ng langit at lupa.
Sumasampalataya ka ba kay Jesu-Cristo?
Sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo, ang kanyang bugtong na Anak, Panginoon natin, ipinanganak ng Birhen Maria, nagdusa sa utos ni Poncio Pilato,
Ipinako sa krus, namatay at inilibing,
Bumaba siya sa kinaroroonan ng mga patay. Sa ikatlong araw, Siya ay muling nabuhay, umakyat sa kalangitan at umupo sa kanan ng Diyos. Siya ay muling babalik upang hukuman ang mga buhay at namatay.
Sumasampalataya ka ba sa Banal na Espiritu?
Sumasampalataya ako sa Banal na Espiritu, sa banal na iglesiang laganap,
sa kapisanan ng mga banal,
sa kapatawaran ng kasalanan,
sa muling pagkabuhay ng katawan,
at buhay na walang hanggan. Amen.
Itatanong ng Pastor:
Tinatanggap mo ba at ipamumuhay ang pananampalatayang Kristiano ayon sa pagkakasulat nito sa Kasulatan mula sa Luma at Bagong Tipan?
Opo.
Nais mo bang mabautismuhan sa pananampalataya?
Opo.
(Bautismo sa tubig.)
PAGPATONG NG KAMAY
Ipapatong ng pastor ang kanyang kamay sa ulo ng tatanggaping kaanib at sasabihin:
Kapatid na __________, ipagsasanggalang ka ng Diyos sa kanyang makalangit na biyaya,
sa ngalan ng Ama, Anak, at Banal Espiritu, ikaw ay tinatanggap namin sa pananampalataya at sa samahang ito ng mga tunay na alagad ni Cristo. Amen.
(Ang bagong kaanib ay papahiran ng langis sa noo, at sasabihin ng pastor, "Sumaiyo ang Banal na Espiritu. Amen" at bibigyan ng Biblia).
PAGTANGGAP SA NAGKAISANG IGLESIA METODISTA
Itatanong ng Pastor:
Nangangako ka ba na magiging tapat ka bilang kaanib ng Nagkaisang Iglesia Metodista sa pamamagitan ng iyong
Panalangin
Pagdalo
Pagkakaloob
at Paglilingkod?
Opo.
PAGTANGGAP
(Tatayo ang Kapulungan)
Sasabihin ng pastor:
Mga kapatid sa Panginoon,
Inihahabilin ko sa inyo ng buong pag-ibig si kapatid na ________, na ating tinanggap bilang ating kapatid sa pananampalataya. Gabayan ninyo siya upang lumago sa pananampalataya, tumatag sa pag-asa, hanggang maging ganap siya sa pag-ibig.
Sasagot ang Kapulungan:
Buong puso at kagalakan, na ikaw ay kinikilala namin bilang kasapi ng Nagkaisang iglesia Metodista. Kaisa mo kami tungkulin ng pananalangin, pagdalo, pagkakaloob, at paglilingkod.
Sa tulong ng Diyos, mamuhay tayo na may kaayusan at katapatan ayon sa halimbawa ng Panginoong Jesus.
Tumatag nawa tayo sa pag-ibig,
at mag-ugat sa pananampalataya,
at maging tiyak na matamo ang buhay na walang hanggan.
HIMNO
PAGPAPALA
Ang Diyos Ama,
ang Diyos Anak,
At ang Diyos Espiritu Santo,
ang magpapala, magpapanatili at mag-iingat sa inyo, ngayon at magpakailanman. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento