Spiritual Discipline 1: Silent Meditation
Tahimik na Pagbubulay
Batayan sa Biblia: Awit 63:6; Genesis 24:63
Ano ang Tahimik na Pagbubulay?
Ang pagbubulay ay karaniwan sa Biblia. Ito ay kinabibilangan ng pagbabasa sa Biblia (Awit 1:2), pakikiniig sa Diyos sa gitna ng katahimikan tulad g ginawa ni Elias (1Hari 19:9-18), o kaya’y pagmamasid sa mga nilikha ng Diyos (Awit 8) at pakikinig sa nais sabihin ng Diyos (Matt. 14:13). At kahandaan na sumunod sa mga nais ng Diyos.
Bakit Ito Mahalaga sa Mga Kristiano?
Sa ating panahon, ang kaaway natin na si Satanas ay may tatlong ginagawa upang hindi tayo maka-tuon sa Panginoon (lack on focus to God): ingay, pagmamadali, at sobrang dami ng tao na ating nakikita at nakakausap. Dahil dito, nawawalan tayo ng oras para makitagpo sa Diyos. Ang Panginoong Jesus ay may oras ng pagbubulay araw-araw, pumupunta siya sa tahimik at malungkot na lugar upang masolo siya ng Diyos. Ang pinaka mahabang Chapter sa Biblia ay ang Awit 119.
Ito ay naglalaman ng mga personal na pagbubulay sa mga Kautusan ng Diyos.
Ang pagbubulay ay mahalagang gawaing Kristiano dahil kailangan natin ang Diyos. At kung nagkukulang tayo sa pakikinig, at pakikitagpo sa Diyos, madali nating makaligtaan ang Kanyang mga utos. Ito ang nais ng Kaaway. Ang malayo tayo sa Diyos na hindi natin namamalayan.
Ang Halimbawa ni Moses
Si Moses ay taong abala, subalit nakuha niya makitagpo palagi sa Diyos. Ito ang naging susi sa kanyang tagumpay sa kanyang buhay espiritual. Marunong siyang makinig sa Diyos at alam niya ang nais ipagawa ng Panginoon. Kinakausap niya ang Diyos na parang isang kaibigan (Exodo 33:11). Ang mga Israelita ay hindi handa sa ganitong pakikipag-usap sa Diyos - sila ay takot sa Panginoon. Kaya pakiusap nila kay Moses, siya na lang ang makipag-usap sa Diyos (basahin ang Exodo 20:19).
Ang Halimbawa ng Panginoong Jesus
Lagi ring abala ang Panginoong Jesus dahil sa lawak ng misyon at halos hindi na siya makakain o makatulog man, ngunit lagi siyang may panahon upang makitagpo sa Amang Diyos (Mat. 14:13). Sabi ng Panginoon, “I can do nothing on my own authority, as I hear, I judge.” (John 5:30).
Upang Magabayan Tayo ng Diyos
Tayong mga Kristiano ay dapat nakikinig kay Jesus, sabi ng Panginoong Jesus, “Kilala ng aking mga tupa ang aking boses (John 10:4).”
Ang paggabay ng Diyos sa ating mga Kristiano ay mahalaga, kung kaya ang pagbubulay ay tungkulin ng lahat ng Kristiano. Kailangan tayong making sa Diyos. Sa ating pagbubulay, nabubuksan an gating pandinig na spiritual, at dumadaloy ang mga Salita ng Diyos sa ating kalooban. Kailangan nating malaman ang nilalaman ng puso ng Diyos. Ito ay natatamo sa pakikipag-tagpo sa Diyos (fellowship with God) at pakikinig sa Diyos. Ayon kay Thomas A’Kempis, isang manunulat na lagging binabsa ni John Wesley, ang pagbubulay ay “pakikitagpo sa Panginoong Jesus bilang isang kaibigan”.
Pabanalin Natin ang Ating Isipan
Ang pagpapakabanal ay nag-sisimula sa pagbabago ng isipan ayon sa Roma 12:2.
“Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito, mag-iba kayo at magbago ng isip, upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos - kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya at talagang ganap.”
Dahil sa sobrang panonood ng TV at pagbabad sa internet, may mga Kristiano na naaakay sa masama dahil hindi nila iniingatan ang pumapasok sa kanilang isipan. Sa halip na tungkol sa Diyos at kabutihan, ang ating mundo ngayon ay nag-aalok sa atin na manood at makinig ng mga marurumi at masasamang bagay na maaring maglayo sa atin sa Panginoon.
Mga Paraan ng Pagbubulay
1. Manalangin - Magbasa ng Biblia - Manalangin tuwing umaga. Sa pagbabasa mo, tanungin ang sarili “Ano ang nais ipagawa sa akin ng Diyos ayon sa aking nabasa.” Isulat angmga ito sa notebook o diary at sundin ang mga utos ng Diyos.
2. Isa pang paraan, pumunta sa isang tahimik na lugar upang katagpuin ang Panginoon. Pakiramdaman mo ang presensya ng Diyos, sa loob mo at sa paligid. I-sentro ang isipan sa krus.
Kausapin mo ang Panginoon. Tanungin mo siya kung mayroon siyang nais sabihin sa iyo. Hilingin mo ang kapayapaan na pangako niya sa John 14:27. Magbasa ng Biblia at manalangin.
3. Sa tahimik na lugar na may magandang tanawin, tahimik na magmasid sa mga nilikha ng Diyos, mga bulaklak, parang, bundok, ulap, etc. Basahin ang Awit 91.1 o ang kwento ng paglikha. Pabayaang mangusap ang Diyos sa iyo.
4. Gamit ang Biblia, pagbabasa ng Upper Room Discipline, tahimik na magbasa at manalangin.
Mga Tanong:
1. Paano nakakatulong sa iyo ang pagninilay sa presensya ng Diyos?
2. Bakit mahalaga ang piliin nating mabuti ang pumapasok sa ating isipan?
Spiritual Discipline #2 - Paglilingkod Kristiano
(Christian Service)
Juan 13:14-15
Ang ating bagong buhay bilang tunay na Kristiano ay katibayan ng ating pag-alis sa tanikala ng kasalanan, tungo sa isang malayang paglilingkod sa Diyos. Ang bawat Kristiano ay may kapangyarihang pumili sa tama at hindi na tayo alipin ng masasamang ugali, pananalita at maling gawi. Tayo ay malayang maglilingkod sa Diyos na nagbuwis ng buhay para tayo maligtas.
Ano ang Paglilingkod?
Sa maraming pagkakataon, ang mga alagad ay may problema sa usapin “kung sino ang pinakadakila” sa kanila (Lucas 9:46). Dahil dito, sa harap ng Panginoon, suliranin sa kanila kung sino ang maglilinis ng paa ng lahat, dahil gusto nila, sila ang paglingkuran at ayaw nilang maglingkod.
Ang paglilingkod ay ang madalas iwasan ng maraming tao, kahit mga Kristiano. Para nga yatang mas madali pa ang “kalimutan ang mga mahal sa buhay alang-alang sa Panginoon” pero ang talikuran ang sarili ay hindi madali. Gusto nating tao ang maging mataas, mayaman, igalang at paglingkuran (Mateo 20:25-26). Pero ito ay isang napakahalagang turo ng Panginoon. Kung talagang tinanggap natin si Jesus bilang Panginoon, kailangan tayong maglingkod. Ang paglilingkod ay radical self-denial. Pagtalikod ito sa sarili alang-alang sa Diyos at kapwa.
Ang Tunay na Paglilingkod ay Hindi Self-Righteousness
Ang paglilingkod ay ginagawa. Ang self-righteousness ay pagkilala sa sarili na “mas banal ako kaysa iba”. Mahalagang paghambingin natin ang dalawa:
Makasariling Paglilingkod Maka-diyos na Paglilingkod
bunga ng human effort bunga ng ating relasyon sa Diyos
naghahanap ng papuri ng tao hindi naghahanap gantimpala
pinipili nito ang paglilingkuran hindi namimili
umaasa sa resulta pinagkakatiwala sa Diyos
ang resulta ng paglilingkod
pansalamantala at nananatili
nagsasamantala
Nakabase sa “mood” tapat na naglilingkod
kahit may mga hadlang
Paano Maglingkod?
1. Patayin ang mga “hilig ng laman” (lust of the flesh) o pagnanasa para mapapurihan upang lalong magkaroon ng “pride”. (Basahin po ang 1 John 2:16).
2. Be Humble - ang pagpapakumbaba ay isang kalayaang mula sa Diyos. Ang pagmamataas ay pagkakulong sa sarili, at hadlang sa pag-abot sa nasa mababang kalagayan.
3. Hanapin ang tunay na Kagalakan sa Paglilingkod - ang mga self-righteous ay walang kasiyahan at walang “contentment”. Sabi nga ni St. Francis,
“Above all the graces and gifts of the Holy Spirit which Christ gives to His friends is that of conquering oneself and willingly enduring sufferings, humiliations, and hardships for the love of Christ.”
Ang hamon sa atin ng Panginoon ay kusang paglilingkod na siyang susi ng kagalakan kasama ang Diyos.
Pamumuhay Bilang Alipin ng Diyos
Ang pagtanggap kay Jesus bilang Panginoon ay pagpapasakop bilang alipin ng Diyos. Maraming tao ang takot maglingkod dahil sa:
- takot na maliitin ng iba
- takot na tapakan ng iba
Hindi po itinuturo ng Biblia na magpa-abuso tayo. Ang sinasabi ng Biblia ay maglingkod tayo ng buong makakaya, suklian ng kabutihan ang gumagawa sa atin ng mali at patuloy na isuko ang sarili sa Diyos. Kung wala ang paglilingkod na may pagpapakumbaba, hindi tayo makagagawa para sa Diyos. Ang maka-diyos na paglilingkod ay nagagawa pati sa kaaway, dahil hindi ito naghahanap ng kapalit o pabuya.
Maglingkod Tayo
1. Maglingkod maging sa maliit o simpleng paraan. Tulad ni Dorcas na namimigay ng damit sa mahihirap ayon sa Gawa 9:39.
2. Maglingkod sa pamamagitan ng “pag-iingat sa reputasyon ng iba”. Speak of no evil of anyone (Titus 3:2). Ang paglilingkod na ito ay napaka-halaga sa buhay ng iglesia bilang pamilya ng Diyos.
3. Maglingkod sa pamamagitan ng pagtanggap sa paglilingkod ng iba. Ayaw magpalinis sa paa ni Pedro, ngunit binalaan siya ni Jesus. ‘na wala silang magiging kaugnayan sa kanya kung hindi niya tatanggapin ang kanyang paglilingkod’.
4. Maglingkod sa pamamagitan ng pagiging maunawain (Titus 3:2b).
5. Maging bukas sa pagtanggap (hospitable, 1Peter4:9).
6. Matutong makinig sa kapwa. Sa ating pakikinig, tayo ay nakapaglilingkod sa isang nagsasalita o nagpapahayag.
7. Tumulong sa pasanin ng iba (Galatia 6:2)
8. Ibahagi ang Salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, natutulungan natin ang iba tungo sa kanilang kaligtasan.
Mabisang Pananalangin
“Kung nananatili kayo sa akin, at ang salita ko ay nananatili sa inyo, hingin ninyo ang inyong maibigan at ipagkakaloob sa inyo.” -Juan 15:7
Nais ng lahat ng Kristiano na maging mabisa ang kanilang pananalangin. Wala na yatang sasaya pa sa isang taong tinugon ng Diyos pagkatapos niyang manalangin. Maraming tao ang nanalangin, at marami rin ang nabibigo sa kanilang kahilingan sa Diyos. Ang dahilan ay wala ng iba kundi: ang hindi natin pagtupad sa mga tuntunin na nais ipagawa ng Panginoon sa atin, upang maging mabisa ang ating panalangin.
Tuntunin ng Mabisang Pananalangin
1. Kung nananatili kayo sa Akin.
Nais ng Panginoon na maging palagian at personal ang ating pakikitagpo sa Kanya. Hindi mabuti na tinatawag lamang natin siya tuwing tayo ay may maigpit na pangangailangan. Hindi tama na ang Diyos ay ikinukumpara sa isang medicine cabinet, na hinahanap lamang kung may nagkakasakit. Sa maraming tao, ang Diyos ay ina-alala kung may problema, nalilimutan naman ang Diyos kapag masaya.
Paano tayo mananatili sa Panginoon?
a. Manalangin upang ipagkaloob ang Banal na Espiritu
Ang Espiritu Santo ang presensya ng Diyos sa ating buhay. Sabi sa 1Cor. 3:16, “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?”
b. Mamuhay ng may kabanalan
Kung tayo ay namumuhay kasama ang Diyos sa lahat ng oras, tayo ay nakiki-isa sa Panginoon at ito ay makikita sa ating bagong pagkatao. Sabi nga ng 2Cor. 5:17, “Sinumang naki-isa na kay Cristo ay isa ng bagong nilalang.”
c. Mamuhay na sumusunod sa kalooban ng Diyos
Ang pagsunod sa utos ng Diyos ay mahalaga, kung nais nating hilingin ang kanyang pagtugon. Tumutugon lamang ang Diyos ng ayon sa kanyang kalooban. Hindi maaring tugunin ng Diyos ang salungat sa kanyang kalooban. At lalong hindi maaring maki-isa sa Panginoon ang mga pasaway sa Kanya.
d. Pakamahalin ang Diyos
Ang pinakamahalagang utos ng Diyos sa atin ay ang ibigin siya. Ibig sabihin, ang pinaka-malaking kasalanan na maari nating gawin bilang tao ay ang kawalan ng pagmamahal sa Diyos. Abiding in God simply means, we let God to be with us through His Spirit, then we live in obedience to His will, and we love God with all our hearts, our soul, mind and whole strength.
Sabi ng Panginoon, “If you abide in me, and I abide in you, your prayers will be answered.”
2. Kung ang Salita Ko ay nanatili sa inyo
Ang pangalawang tuntunin ng mabisang panalangin ay ganito: “If my Words abide in you, whatever you ask in prayer shall be given to you”. The first condition is to abide in Christ, the next condition for a successful prayer is abiding in His word.
Ang panalangin ay “dialogue” at hindi “monologue”. Nagsasalita tayo sa Diyos, ngunit ang Diyos ay nangungusap din sa Kanyang Salita sa atin.
Paano tayo mananatili sa Salita ng Diyos?
a. Aralin araw at gabi ang Salita ng Diyos
“Nagagalak siyang magsaliksik ng banal na aral, laging binubulay sa gabi at araw.” Ito ay mula sa Awit 1:2. Gaano man tayo ka-busy sa ating mga gawain, ang pagbabasa ng Biblia ay dapat nating binibigyan ng panahon.
b. Sundin ang Salita na ating inaaral.
Sabi sa Santiago 1:23, “Mamuhay kayo ayon sa Salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.”
c. Hanapin lagi ang kalooban ng Diyos sa Kanyang Salita. Tanging sa Biblia lamang mababasa ang mga kalooban ng Diyos, maging ang kanyang mga plano para sa ating personal na buhay, sa ating pamilya, para sa iglesia at para sa mundo.
Ang Panalanging Tinutugon ng Diyos
Hindi lahat ng panalangin ay tinutugon ng Diyos. Tanging ang mga naaayon sa kanyang kalooban ang kanyang tinutugon. Hindi siya maaring pilitin ng labag sa kanyang kalooban. Sa tunay na panalangin, hindi ang Diyos ang susunod sa ating kalooban, tayo ang susunod sa kanya kalooban. Bago manalangin, tanungin muna natin ang ating sarili;
a. Ayon ba sa kalooban ng Diyos ang aking hihilingin?
b. Nananatili ba ako sa Panginoon?
c. Nasa akin ba ang Espiritu ng Diyos?
d. Sumusunod ba ako sa Panginoon?
Mga Pagtalakay
1. Maraming tao ang nag-uutos sa Diyos sa panalangin. Sa paanong paraan natin nasasabi na mali ang ganitong pananalangin?
2. Bakit importante ang pananatili sa Diyos bago niya tutugunin ang ating mga panalangin?
3. Bakit hindi tinutugon ng Diyos ang mga panalanging hindi ayon sa kanyang kalooban? Paano natin malalaman ang mga kalooban ng Diyos?
Spiritual Discipline 4 (Secrecy)
Mark 9:14-29
Spiritual Discipline 8: (Studying God’s Word)
Pag-aaral ng Salita ng Diyos
Disiplina ng Pagsesekreto
Sa mga sundalo, disiplina rin ang secrecy na nilalaman ng isang motto, “What you see, what you hear, when you leave, leave it here.” Dahil hindi makakabuti ang pagsisiwalat ng mga kaalaman na dapat ay iniingatan. Ang disiplina ng pagsesekreto ay gawaing Kristiano. At ito ang ating aaralin ngayon.
Ano ang secrecy ayon sa Biblia?
Mababasa sa Mateo 6:1,
"Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.”
Mula naman sa Santiago 3:5, “Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan.’
Ang pagsisiwalat sa madla ng lahat n gating ginagawa ay maaring magpahamak sa atin. Isa dito ay ang pakitang-tao na maaring sumira sa ating dalisay na motibo para papurihan ang Diyos. Dahil ang kapurihan ng tao ay maaring maghulog sa atin sa kasalanan sa pamamagitan ng pride at pagyayabang.
Ang kasalanang ito ay binatikos ng Panginoong Jesus sa gawa ng mga Pariseo. Pinagsisigawan nila ang kanilang mga gawang mabuti, inilalathala nila ito at lagi silang naghahangad ng papuri ng tao.
Isa pang talata sa Biblia ang nagtuturo ng pagsisikreto ay sa Awit 101: 5,
“ Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin; di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.”
Ang tsismis at paninira ng kapwa ay gawaing kinamumuhian ng Diyos. Ang pag-iingat sa sekreto ng buhay ng ibang tao tungkol sa kanilang nakalipas ay paninira ng buhay at reputasyon. Sabi pa ng Santiago 4:11,
‘Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang namimintas o humahatol sa kanyang kapatid ay namimintas at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito.’
Bakit mahalaga ang pagsisikreto sa Kristiano?
Una, upang hindi natin aakitin ang iba para papurihan tayo sa ating mabuting gawa. Sa halip, ang kapurihan ng Diyos ang dapat nating hanapin.
Pangalawa, ang pag-iingat sa ating mga nalalaman tungkol sa iba na maaring makakasira sa kanilang reputasyon ay dapat itago na lamang sa ating sariling kaalaman. Muli ayon kay Apostol Santiago, sa kabanatang 3:6,
“Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao.”
Ang Halimbawa ng Panginoong Jesus
1. Nasasaad sa Biblia na ang Panginoong Jesus ay palagiang nanalangin sa mga sekretong lugar upang makitagpo sa Ama (Lucas 5:16).
2. Tuwing pupunta ang Panginoon sa isang lugar, sinisikap niyang hindi siya mapansin ng madla (Mark 7:24). Hindi man niya maiwasan ang pagdagsa ng mga tao, pagkatapos niyang maglingkod sa madla, agad-agad umaalis ang Panginoon upang makaiwas sa maraming tao.
3. Tuwing nanggagamot ang Panginoon, lagi niyang sinasabihan ang ginamot na huwag itong ipagsabi kanino man (Mark 1:44).
Ang tawag ng Panginoong Jesus sa sarili ay “Anak ng Tao”. Ito ay tanda ng kanyang kapakumbabaan. Si Pedro ang unang tumawag sa kanya na “Anak ng Diyos”. Gayunman, inutusan ng Panginoon ang mga alagad na huwag itong ipagsabi.
Paano gagawin pagsesekreto?
1. Huwag ipag-ingay ang ginagawang mabuti upang magkamit ng gantimpala mula sa Diyos sa langit Mateo 6:2-5).
2. Asamin lamang ang kapurian ng Diyos at huwag itataas ang sarili upang hindi tayo mahulog sa kasalanan ng pagyayabang at pagmamataas.
3. Huwag gagamitin ang nalalamang katotohanan sa mga sekreto ng iba upang siraan sila at wasakin ang kanilang reputasyon.
Mga Tanong:
1. Paano inaagaw ng isang tao ang kapurihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagyayabang at pagtataaas sa sarili dahil sa mabuting gawa? Paano ito nakakasama sa ating pananampalataya?
2. Bakit mahalaga ang pag-iingat ng mga sekreto sa buhay ng iglesia? Paano ito nakakatulong sa mga pinatawad na at binago na ng Diyos?
3. Paano natin maiiwasan ng lubusan ang tsismis sa iglesia?
Spiritual Discipline 6: Giving
Batayan Mula sa Biblia: Malakias 3:10, Levitico 27:30-34
Ang Prinsipyo ng Pag-iikapu Mula sa Old Testament
Ang pag-iikapu ay turo mula sa Lumang Tipan, ito ay pagkakaloob sa Diyos ng handog na 10% mula sa kinikita ng mga Israelita sa templo (Leviticus 27:30; Numbers 18:26; Deuteronomy 14:24; 2 Chronicles 31:5). Utos ito ng Diyos para mapunan ang pangangailangan ng templo at tulong sa nangangailangan.
Pag-iikapu sa Bagong Tipan
Apat na beses lamang binabanggit ang pag-iikapu sa Bagong Tipan (Luke 18:12, Matt. 23:23; Heb. 7:1-10 at Luke 11:42). Mababasa natin na binabatikos ng Panginoon ang gawain ng mga Pariseo, dahil mas binibigyan nila ang pagpapahalaga ang ikapu at naisasantabi nila ang hustisya, habag at katapatan. Sa Hebreo 7:1-10, binabanggit naman ang ginawang pag-iikapu ni Abraham. Maliban dito, wala ng pagbanggit tungkol sa pag-iikapu sa Bagong Tipan.
Ang prinsipyo ng pag-iikapu sa Lumang Tipan ay pagbibigay sa Diyos ng pasasalamat at hindi dahil ito ay requirement lamang. Ang prinsipyong ito ay may lugar pa rin sa Bagong Tipan, bagama’t hindi tuwirang iniuutos ito ng mga apostol.
Pagkakaloob sa Ating Panahon.
Una tandaan na ang pag-ibig sa Diyos ay dapat maging pangunahin sa ating buhay. Sabi ng Panginoon sa Mateo 6:21, "Where your treasure is, there your heart will be also.” Isa pa, ang salapi ay mapanganib kapag pinapanginoon (Lucas 16:13). Ang salapi ay dapat magamit sa paglilingkod sa Diyos (Lucas 18:22). Ang prinsipyo ng pagkakaloob ay hindi batas kundi kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos na nagpapala sa atin.
Pangalawa, tulad ng pananaw sa Lumang Tipan, may pangangailangan din sa simbahan sa ating panahon. Tulad ng tungkulin ng iglesia sa mga manggagawa (Lucas 10:7; 1Corinto 9:7). Ang gastusin sa ministeryo ng pagtulong sa mahihirap (2Cor. 9:11) at ang pag-sasaayos ng simbahan (Ageo 1:14).
Ang usapin ng pagkakaloob ay dapat suriin ng bawat Kristiano kung paano natin mapapalago ang ating mga gawain at misyon para sa Diyos, upang hindi mapabayaan ang mga simbahan ng Diyos, at mapanatili ang kaayusan at kagandahan ng mga ito. Isang malaking hamon sa iglesia ang tumulong sa mga nahihirapan at nagugutom. Tandaan na ang pagpapakain sa mga nagugutom, pulubi, mga balo at mga ulila ay ministeryo ng iglesia na nangangailangan ng regular na pagkakaloob ng mga mananampalataya.
Generous Giving
Sa Lucas 12:33, inuutusan tayo ng Diyos na mag-impok sa langit. Ang isang halimbawang pinuri ng Panginoon sa saganang pagkakaloob ay ang pagbibigay ng balo sa Lucas 21:4. Gayun din ang pagpuri ni Pablo sa mga taga-Macedonia sa pagkakaloob nila ng tulong sa Jerusalem ng “higit pa sa kanilang kaya” (2 Cor. 8:3). Ang pagkakaloob ng sagana ay katibayan ng ating pagmamahal sa Diyos. Maipapahayag natin ang pag-ibig na ito sa ating pagkakaloob ng ikapu.
Paano Mag-ikapu?
Ang ating iglesia ay nagmumungkahi na gamitin natin ang sistema ng tithing, hindi bilang batas kundi bilang kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos at suporta sa mga gawain ng iglesia. May mga mungkahing paraan para gawin ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Kung hindi mo pa tinanggap si Jesus bilang iyong Tagapagligtas, unahin mo ang muna ang mga bagay na nais ipagkaloob sa iyo ng Panginoon. Nais ng Panginoon na patawarin ka sa lahat ng iyong mga kasalanan, nais ka niyang maligtas at gawing anak niya. Maari mong tanggapin ang kaloob na ito sa pamamagitan ng panalanging may pananalig kay Cristo Jesus na tumubos sa iyong mga kasalanan.
2. Bilang tunay na mananampalataya, maging tapat ka nawa sa pagkakaloob ng iyong ikapu sa ating iglesia. Hindi man ito requirement sa Bagong Tipan, requirement pa rin ito ng Lumang Tipan at kailangan pa rin ng iglesia ang kaloob ng mga tao para sa Panginoon.
3. Kung hindi mo pa nasusubukan ang hamon ng Diyos tungkol sa ikapu ayon sa Malakias 3:10, bakit hindi mo subukan ang Diyos sa loob ng 90days? Magkaloob ka ng ikapu sa loob ng tatlong buwan. Ibigay mo ang 10% ng iyong kinikita sa ating iglesia at pagmasdan kung tunay ngang pagpapalain ka ng Diyos. Kung hindi, huwag kang magpatuloy.
4. Kung kayo ay mag-asawa, pag-usapan ninyo kung paano kayo magkakaloob ng inyong ikapu sa iglesia. Gumawa ng record para sa inyong finances. Ayusin ang inyong budget at gamitin ang payong ito sa paggastos. Sweldo (100%) - tithes (10%) - savings (10%+) = 80% Budget sa Paggastos.
5. Kung hindi ka pa sigurado kung 10% net income o gross income ang iyong ipagkakaloob, idalangin mo sa Panginoon ang iyong desisyon. Maaring subukan mo muna ang iyong tithing base sa iyong net income, at pagmasdan kung paano ka pagpapalin ng Diyos ayon sa kanyang Salita.
6. Turuan ang mga bata na magkaloob sa Panginoon. Maari itong manggaling sa kanilang mga allowances, regalong tinatanggap, o extrang pera mula sa magulang.
7. Aralin ang takbo ng finances sa loob ng tahanan. Pagmasdan kung paano dumadaloy ang mga pagpapala ayon sa mga pangako ng Diyos. Hilingin na pagpalain ng Panginoon ang iyong sambahayan upang lalo tayong makatulong sa mga gawain ng iglesia.
Nakadepende ang pananalapi ng iglesia sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng mga kaloob ng mga taong nagmamahal sa Panginoon. Hindi man sapilitan ang ikapu, maganda pa rin itong batayan ng pagkakaloob sa simbahan upang magkaroon ng sapat na gastusin para sa pangangailangan ng iglesia, sa paglago, at ng sa gayun, lalawig ang gawain ng Panginoon.
Spiritual Discipline 7: Fasting
Mark 9:14-29
Ang pag-aayuno ay isang mabisang paraan upang hilingin sa Diyos ang kanyang pagkilos sa pamamagitan ng panalangin. Gayunman, ang pag-aayuno ay madalas makalimutan ng maraming Kristiano. Si John Wesley at ang mga Metodista noong una ay nag-aayuno tuwing Wednesday at Friday. Ang mga pastor na sumalungat kay John Wesley tungkol sa pagpapatupad nito ay hindi binigyan ng lisensya sa pangangaral.
Nagbago ang takbo ng mundo dahil sa Methodist Revival noong ika-labing walong siglo (18th Century). Ang sekreto ng kanilang tagumpay ay panalangin at pag-aayuno. Ganito rin ang naranasan ng maraming Reformers at Evangelist katulad nina Charles Finney, Martin Luther, Andrew Murray, John Calvin at iba pa.
Bakit kailangan ang Pag-aayuno?
1. Ito ay pagpapakita ng tunay na kapakumbabaan sa harapan ng Diyos (Awit 35:13; Ezra 8:21).
2. Naipapakita sa gabay ng Banal na Espiritu, ang tunay na kalagayang espiritual ng isang tao, Nagbubunga ang pag-aayuno ng tunay na pagsisisi at pagbabagong buhay.
3. Mahalaga itong hakbang tungo sa Personal Revival o pagpuspos ng Espiritu Santo sa personal na buhay ng isang tao para sa makapangyarihang pagkilos ng Diyos.
4. Nakatutulong ito upang malinaw nating maunawaan na ang Salita ng Diyos, at maipamuhay ito sa praktikal na paraan.
5. Binabago ng pag-aayuno ang ating panalangin tungo sa maas malalim at makahulugang pakikipag-usap sa Diyos.
6. Nagreresulta ang pag-aayuno ng mas malalim na relasyon sa Diyos at malakas na determinasyong espiritual upang magpatuloy tayo sa ating matatag na kaugnayan sa Diyos.
7. Ibinabalik nito ang nawalang init at sigla ng ating pag-ibig sa Diyos.
Ano ang Pag-aayuno?
Ang pag-aayuno ay pag-papakumbaba sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pag-ayaw sa pagkain (Awit 35:13). Sa Isaias 58:5-7, sinasabi na ang pag-aayuno ay pagtalikod sa sarili para itaas ang Diyos at magpakita ng malasakit sa kapwa. Sa ibang bahagi ng Biblia, ang pag-aayuno ay paraan ng pagpapakita ng Israel ng pag-sisisi at pagbabalik loob sa Diyos.
Ang pag-aayuno ay pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, at pinatutunayan natin na kaya nating talikuran ang sarili, pagkain at anumang material na bagay alang-alang sa Diyos.
Ang mga Kristiano sa Biblia ay nag-aayuno para sa kapangyarihang espiritual na kaloob ng Espiritu Santo (Gawa 1:8). Sa kanilang pagpapasakop sa Diyos sa ganitong paraan, pinupuno sila ng Diyos ng kanyang Espiritu at nagkakaroon sila ng kapangyarihang mangaral at magpagaling ng maysakit.
Paano Mag-ayuno?
1. Linawin ang iyong layunin kung bakit mo ito gagawin. Ang pinaka-mahalagang dahilan ay upang matupad mo ang mga utos ng Diyos lalo na ang Great Commission sa Mateo 28:19.
2. Gumawa ng pundasyong espiritual katulad ng totohanang pagsisisi sa mga kasalanan
(1John 1:9) at pagtalikod sa mga ito.
3. Gumawa ng Physical Preparations. Ang pag- aayuno ay hindi para sa mga buntis, o may sakit na umiinom ng gamot. Ang mabuti sa mga nasa ganitong kalagayan ay ang magkaroon ng regular na pananalangin.
4. Magkaroon ng planadong pananalangin.
5. Magtiwala na tutugon ang Diyos sa
makapangyarihang paraan.
Fasting sa Ating Iglesia
Kailangan natin ang tulong ng Diyos upang magkaroon tayo ng lakas at kapangyarihang magpahayag ng salita ng Diyos at para matulungan ang maraming tao na maligtas mula sa bagsik ng kasalanan.
“Maging matalino kayo at mapagbantay. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na umahanap ng kanyang masisila.” - 1 Pedro 5:8
Marami na sa ating mga kapatid ang nagsimulang mag-ayuno ng isang “meal” at ibinibigay sa Outreach Ministry ang halaga ng hindi nila kinaing “meal”. Sa ibang pagkakataon baka, kailangan na rin tayong magbawas sa mga bagay na hindi lubhang mahalaga tulad ng sobrang cellphone texting, sobrang panonood ng TV, o pamimili ng hindi kailangan. Sa halip, bakit hindi natin luwalhatiin ang Diyos sa tamang paggamit ng ating oras, lakas at pera.
Sinasabayan nila ito ng pananalangin para sa iglesia, para sa pagpapagaling ng Diyos sa mga maysakit at para ipanalangin ang mga pastor at leaders ng iglesia.
Kailangan nating maranasan ang pagdaloy ng kapangyarihan ng Diyos sa ating iglesia, upang maipangaral natin ang Salita ng Diyos.
Mga Tanong:
1. Bakit maraming Kristiano ang hirap sa pagtupad ng disiplinang ito? Paano natin napapatunayan ang ating pag-ibig sa Diyos higit sa pagmamahal natin sa pagkain sa pamamagitan ng pagaayuno?
2. Paano natutupad ang pag-ibig sa Diyos ng buong puso sa pamamagitan ng pag-aayuno?
3. Tuwing kailan mo ito ginagawa at ano na pakinabang na espiritual ang nakita mo sa pag-aayuno?
Spiritual Discipline 8: (Studying God’s Word)
Pag-aaral ng Salita ng Diyos
Awit 119: 105
“Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.”
Ang mga disiplinang espiritual ay subok na paraan upang manatili tayong nakikipag-ugnayan sa Diyos. Dapat itong gawin sa itinakdang oras araw-araw. Ito ang ibig sabihin ng disiplina. Ito ay dapat ginagawa na may pagpapahalaga, sinasadya at pagsusumikap. Paggising sa umaga, hanggang bago matulog, ang bawat Kristiano ay dapat manalangin, magbulay, at magbasa ng Salita ng Diyos.
Ano ang Pag-aaral ng Biblia?
1. Ang pag-aaral ng Biblia ay paghahanap sa katotohanang magpapalaya at magbibigay sa atin ng kaligtasan.
2. Ang pag-aaral ng Biblia ay paraan upang lalo nating makilala ang Diyos. Bilang tao, limitado ang ating kaalaman lalo sa ating pagkilala sa Diyos. Habang tumatagal sa ating pag-aaral ng Salita ng Diyos, mapapansin natin na umuunlad ang ating kaalaman at pagkilala sa Panginoon.
3. Ang pag-aaral ng Biblia ay paghahanap sa kalooban ng Diyos.
4. Ang pag-aaral ng BIblia ay pagpapatatag ng ating relasyon sa Diyos.
Bakit Kailangang Aralin ang Biblia?
Minsang sinabi ni John Wesley ang ganito,
“I want to know one thing, the way to heaven—how to land safe on that happy shore. God himself has condescended to teach the way: for this very end he came from heaven. He hath written it down in a book. O give me that book! …Let me be homo unius libri [a man of one book]. Here then I am, far from the busy ways of men. I sit down alone: only God is here. In his presence I open, I read his Book; for this end, to find the way to heaven. “
Ang kanyang tinutukoy na aklat ay walang iba kundi ang Biblia. Ang Biblia ay ang ating gabay tungo sa kaligtasan. Ito ang ating tuntunin sa ating paghahanap ng katotohanan.
Ang paghahanap sa katotohanan ay mahalaga sa ating pagbabahagi ng Ebanghelyo. Tagubilin ni Pablo sa 2 Timoteo 2:15,
“Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan.”
Ang Halimbawa ng Panginoong Jesus
Ang bawat batang Judio ay dumadaan sa masusing pag-aaral ng Biblia. Ito ay bahagi ng mga utos ng Diyos sa bawat Israelita, lalo sa panahon ng Luma at Bagong Tipan.
Sa Lucas 2, sinasabi ng Biblia na ang batang Jesus ay nakipagtalastasan sa mga tagapagturo sa temple. At sa talatang 52, sinasabi na,
“Patuloy na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at
lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.”
Sa kwento naman ng pagaayuno ng Panginoong Jesus sa ilang, siya ay bumigkas ng mga talata sa Biblia, na halatang kabisado niya, laban sa mga sinasambit ng diablo habang siya ay tinutukso. Sa mga pangangaral ng Panginoon, lagi niyang sinasabi ang ganitong kataga, “Nasusulat…nabasa ba ninyo sa kasulatan?” Nagpapatunay ito na nagbabasa ng Kasulatan ang Panginoon at inaaral niya ito upang ituro sa mga tao.
Paano Aaralin ang Biblia?
Palagiang magtakda ng mga pangaraw-araw na aralin sa Biblia. Gamit ang UMC-DOC Bible Study Guide, maaring aralin ang Biblia araw-araw.
1. Basahin at aralin ang Biblia na may bukas na isipan. Ang Biblia ay naglalaman ng literal na turo at mayroon din itong mga turo na dapat maipaliwanang ayon sa kanilang kalagayan kung kailan sila sinabi, at bakit sila sinabi. Ito ay tinatawag na konteksto ng isang kwento o bersikulo sa Biblia. Ang mga nilalaman nitong mga parabola, halimbawa, ay mga kwentong may ibang kahulugan.
2. Basahin ang Biblia sa gabay ng Espiritu Santo. Ang Biblia ay Salita ng Diyos, at hindi ng tao. Dapat itong unawain at gamitin ayon sa mga nais ng Diyos na mangyari. Hindi ito nararapat gamitin para sa kalooban ng tao.
3. Palagiang basahin ito na may pusong handang sumunod sa kalooban ng Diyos.
Mga Tanong:
1. Bakit hindi maaring umunlad ang ating kaugnayan sa Diyos kung kulang ang ating kaalaman sa Kanyang Salita?
2. Paano tayo napapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pag-aaral sa Biblia?
3. Ngayong nagbabasa ka ng Biblia araw-araw gamit ang SLAP at daily devotions, ano ang paglagong spiritual ang iyong nararanasan kumpara noong hindi ka regular na nagbabasa ng Biblia?
Spiritual Discipline 9: Simple Living
Payak na Pamumuhay Bilang Kristiano
(Christian Simplicity)
1 Juan 2:15-17
“Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. 16 Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17 Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.”
Ano ang Simpleng Pamumuhay Kristiano?
Ang simplicity ay panloob na katotohanan na nakikita sa paraan ng pamumuhay ng isang Kristiano. Ito ay bunga ng pag-ibig sa Diyos ng buong puso, bago ang anumang bagay na ipinagkakaloob ng sanlibutan. At dahil ang Diyos ay siyang pangunain at pinakamahalaga sa lahat, ang ibang bagay ay nagiging karagdagan na lamang.
Ang pagiging simple kung gayun ay tagumpay ng pananampalataya sa ating buhay, dahil sa pangingibabaw ng Diyos bago ang lahat ng makamundong bagay. Ito nagpapalaya sa tao upang hindi tayo masilaw sa kinang ng mga bagay material. At hindi na tayo aasa pa sa bigay nitong kagandahang panlabas. Ang pamumuhay ng simple bilang Kristiano ay;
1. Pagpapahalaga sa mga kagandahang panloob (inner beauty)
Tulad ng sinasabi ni Apostol Pedro Tungkol sa kaganyakang panlabas. Sinasabi sa 1 Pedro 3:4,
“Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa mata ng Diyos.”
2. Pagpapahalaga sa mga bagay na espiritual.
Ayon sa Roma 8: 5, “Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal.”
3. Pagpapahalaga sa mga kayamanang panlangit.
Ayon sa Mateo 5: 20,
“Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.”
Bakit Mahalaga Ito?
Ang pagpapahalaga sa mga makamundong bagay ng higit sa Diyos ay idolotria. Ang isang makamundong tao na nagmamahal ng higit sa sarili at sa kayamanan ay hindi makapaglilingkod ng tapat sa Diyos (Mateo 6:24). Ang simpleng pamumuhay ay katibayan na ang Diyos ay ang siyang pinakamahalaga sa buhay ng isang mananampalataya. Tanging ang Diyos lamang ang nagbibigay ng kahulugan sa kanyang buhay. Dahil dito, maari na niyang busugin ang sarili sa Diyos at ang paghahanap ng mga bagay material ay hindi na gaanong mahalaga sa kanya.
Simpleng Pamumuhay sa Mga Halimbawa at Turo ni John Wesley
Si John Wesley ay nagturo at namuhay sa simpleng pamamaraan bilang isang Kristiano. Higit niyang pinahalagahan ang kapakanan ng mga mahihirap bago ang sarili. Ang lahat ng kasabikan sa mga material na bagay ay kanyang pinaalis sa mga Metodista.
1. Ipinagbawal niya sa General Rules ang pagsusuot ng mga mamahaling alahas at ang pangongolekta ng mga mamahaling paintings.
2. Tinuruan niya ang mga Metodist na maging masipag, maging matipid upang makapagbigay sila ng higit sa mga nangangailangan. Turo niya, “Work all you can, save all you can, give all you can.”
3. Siya mismo ay madalang kumain ng karne, upang makapagtipid sa gastusin sa pagkain.
4. Iilang damit at sapatos lamang ang kanyang ginagamit, at wala siyang maraming kagamitan para sa pansariling kaganyakan.
5. Iilang pirasong barya lamang ang nakita sa loob ng kanyang bulsa noong siya ay pumanaw.
6. Maging sa kanyang libing, hiniling niya ang paggamit ng pinaka-murang kabaong bilang kanyang himlayan.
Ang Halimbawa ng Panginoong Jesus at ng mga Alagad
Ang kayamanan ng Panginoong Jesus ay ang kanyang kaugnayan sa Diyos Ama. Ang kanyang kahabalaan ay ang kanyang misyon. Ang karangyaan at labis na kayamanan ay walang puwang sa kanyang buong buhay.
1. Pinanganak siya sa sabsaban.
2. Lumaki sa pamilya ng isang karpintero.
3. Nagmisyon siya na walang dalang kayamanan o kagamitan kahit unan lamang na pahingaan ng kanyang ulo (Mateo 8:20).
Pakinabang ng Simpleng Pamumuhay Kristiano
1. Ang pamumuhay ng simple ay tulay tungo sa tunay na kapayapaan at kagalakan na masusumpungan lamang sa Diyos. Inilalayo nito ang mga Kristiano sa mga kabalisahang walang saysay, dahil sa sobrang paghahangad ng mga bagay na material.
2. Ito ay paraan upang malaya tayong makapaglingkod na may wagas na pag-ibig sa Diyos at hindi tayo nasisilaw sa kinang ng kayamanang makasanlibutan.
3. Magiging una sa ating buhay ang maglingkod sa kapwa bago ang paghahanap ng pansariling kapakanan.
4. Ang simpleng pamumuhay ay kapahayagan ng wagas na pagmamahal sa Diyos.
Mga Tanong:
1. Ano ang iyong nauunawaan sa salitang “tumipon kayo ng kayamanan sa langit”? Paano mo ito ginagawa sa iyong buhay?
2. Sa paanong paraan nagagamit ang simpleng pamumuhay upang ituon natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa halip na mahalin ng higit ang kayamanan?
Paano mo ginagamit ang iyong ari-ariang material at ibang kayamanan para sa mga gawaing espiritual? Paano nakatutulong ang pamumuhay ng simple para maging magaan ang pagbibigay ng ikapu at ibang tulong financial sa gawain ng iglesia?
Napakaganda ng mga praktikal na araling nabasa ko. Malaking tulong ito sa ating pang araw-araw na pamumuhay-kristiano. More power to your ministry, God bless po!
TumugonBurahin