Unang Wika: Salita ng Pagpapatawad
“Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34)
I. Ang Tunay na Nagpapatawad
May kwento tungkol sa isang babae na nabuhay sa panahon ng digmaan, at dahil siya ay Kristiano, pinatay ang kanyang pamilya at siya ay nagustuhan ng isang military officer ng kaaway nilang bansa, kung kaya't sapilitan siyang ginawang "sex slave" ng military officer. Isang araw, nakatakas ang babae. Sa kanyang paglaya, sinikap niyang itindig ulit ang kanyang buhay at nakapagtapos siya ng pag-aaral bilang nurse. Hindi nagtagal, siya ay nakapagtrabaho sa isang military hospital. Sa muling pagsabog ng digmaan, maraming sundalo ang dinadala sa hospital na kanyang pinaglilingkuran. Minsan, isnag sundalo ang halos mamatay na at sa tulong ng nurse na ito, naligtas sa kamatayan ang sundalo.
Nang bumalik ang lakas ng sundalo, agad nitong nakilala ang nurse na nagligtas sa kanya. Kanyang sinabi, "Bakit hindi mo ako pinatay noong may pagkakataon ka upang gumanti sa akin?" Siya ang sundalong umabuso sa dalaga. Ngunit nagwika ang babae, "Kristiano ako, tagasunod ako ni Jesu-Cristo. Tungkulin ko ang magpatawad sa nagkasala sa akin."
Paano man sabihin, ang pagpapatawad ay hindi madali. Subalit ito ay utos ng Diyos na dapat sundin. Mahirap mang gawin, anumang utos ng Diyos ay tama at makabubuti. Alam ng banal na Diyos kung ano ang mas mainam para sa atin.
Jesus is Committed to Forgive
1. Nanalangin upang magpatawad, walang gahibla mang galit sa damdamin ng Panginoong Jesus. Maraming tao ang nagnanais magpatawad subalit dahil hindi inaalis ang galit sa kanilang kalooban, hindi rin sila makapagpatawad ng lubusan.
2. Alam ng Panginoong Jesus ang kanyang misyon. Ayon sa Juan 3:17, "Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya."
Ano ang mga tanda ng tunay na pagpapatawad?
1. Ang tunay na pagpapatawad ay ginagawang naririnig at nakikita ng Diyos. Ang pagpapatawad ng Panginoong Jesus ay isang panalangin. Ito ay pagpapatawad sa harap ng Diyos. Ibig sabihin, nagpatawad siya at saksi ang Ama sa kanyang ginawang pagpapatawad. Anumang bagay na ginawa sa harapan ng Diyos ay hindi maaring pahindian.
2. Ang tunay na pagpapatawad ay paghahangad ng kalayaan sa nagkasala sa bagsik ng kanyang kasalanan. Nanalangin siya hindi para isumpa ang mga nagkasala laban sa kanya, hindi siya nanalangin upang parusahan sila ng Diyos. May mga nagpapatawad na nagsasabing, "Pinatawad ko na siya, at Diyos na ang bahalang gumanti sa kanya!" Ang panalangin ng Panginoong Jesus ay upang patawarin ng Diyos ang mga nagkasala sa kanya - ang mga Judio na humatol at mga Romano na nagparusa sa isang taong walang kasalanan.
Sino "sila" na nangangailangan ng pagpapatawad?
May dalawang pangkat ng tao na nagparusa sa Panginoon. Ang mga Judio, na mulat sa sinasabi ng Kasulatan, dahil narinig nila ito at nabasa ang tungkol sa pagdating ng Messias. At ang mga Romano, ay inosente tungkol sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa Messias. Hindi alam ng mga Romano ang katotohanan, at hindi naunawaan ng mga Judio ang kanilang narinig at nabasa. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Kailangan nila ang pagpapatawad ng Diyos dahil hindi nila alam kung sino ang kanilang ipinako sa krus.
Madalas nating idalangin ang ating sarili na naway patawarin tayo ng Diyos. Hindi natin namamalayan na wala tayo ay makasalanan din, na nangangailangan din ng pagpapatawad ng Diyos. Subalit ilan kaya ang nanalangin sa atin upang ihingi ng tawad ang mga taong nakagawa ng kasalanan sa laban sa atin?
Maaring itanong pa natin: "Bakit hindi na lamang sila pinatawad ni Jesus, bakit kailangan pa siyang manalangin? “
Ang kasalanan ay hindi lamang sa laban sa kapwa tao kundi pa naman, ito ay paglabag sa kalooban ng Diyos. Ang usapin ng kasalanan ay hindi lamang sa pagitan ng tao sa tao kundi pa naman ang Diyos ang unang apektado sa ating maling nagagawa laban sa ating kapwa. Ang pagpapatawad ng Diyos ay ang tanging ikaliligtas ng isang nagkasala sa kapwa. Ang pinatawad ng Diyos ay hindi na maaring hatulan ninuman (Roma 8:1).
Ang isang nagkasala ay nangangailangan ng dalawang kapatawaran, mula sa kanyang biktima at mula sa Diyos.
Ang unang hakbang ng pagpapatawad ay magmumula sa mismong nasaktan. Kailangan tayong magpatawad dahil ito ay utos ng Diyos. Kailangan tayong magpatawad dahil kailangan din natin ang pagpapatawad ng Diyos. Wika ni Jesus, "Ang hindi nagpatawad ay hindi patatawarin ng Ama." Sa tuwing tayo ay nagpapatawad, pinalalaya natin ang sarili sa damdamin ng pagkamuhi. Ang galit ay paghahangad ng paghihiganti sa iba samantalang pinaparusahan mo ang sarili.Kailangan nating lahat ang pagpapatawad ng Diyos.
Ngunit, hindi magiging kumpleto ang kapatawaran kung wala ang pagpapatawad ng Diyos para sa mga nagkasala sa atin. Ang tunay na pagpapatawad ay manggagaling lamang sa isang taong nakiki-isa kay Jesus. Hindi nagtatanim ng galit sa kapwa at dumadalangin para sa kapatawaran ng mga nagkasala sa kanya.
Ikalawang Wika: Salita ng Kasiguruhan
“Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43)
May kasabihan na may dalawang bagay na hindi na maibabalik:
masasamang na salita at mga gawa na hindi pinag-isipan at
ang pagkakataon (opportunities) na dumaan sa buhay na hindi napakinabangan.
Dalawang magnanakaw ang mga kasamang ipinako sa krus kasma ng Panginoon. At mayroon tayong ilang puna tungkols apaggamit nila ng kanilang buhay;
a. hindi nila ginamit sa kabutihan ang kanilang buhay
Alam nilang nagamit sa maling kaparaaan ang kanilang buhay dahil namuhay sila bilang magnanakaw.
Sinayang nila ang opportunidad na mamuhay sa tamang paraan. Maraming tao ang gumagawa pa rin sa pagkakamaling ito. Maraming buhay hanggang ngayon ang nasasayang dahil hindi ito nagagamit ng tama.
b. pinagkalooban sila ng isang malaking pagkakataon
Lahat ng tao ay pinagkakalooban ng pagkakataon upang gumawa ng mabuti para sa sarili, para sa kapwa at para sa Diyos. Kahit sino ay may pagkakataong umunlad, o mag-aral kaya. Lahat tayo ay may opportunidad na magkaroon ng mabuting buhay. Yun nga lang, hindi lahat ay gumagamit nitong pagkakataon.
Hanggan sa huli, ang dalawang magnanakaw ay dumaan sa pinaka malaking pagkakataon (greatest opportunity) ng kanilang buhay. Sa huling yugto ng kanilang buhay, sa kanilang huling hininga, binigyan sila isa pang pagkakataon. Ang totoo, ito ang pinakamalaking opportunidad na dumating sa kanilang buhay- ang makasama ang Tagapagligtas.
Nais ko po katong anyayahan upang aralin nating mabuti ang oras na ito ng ating pagdulog sa Diyos. Una, kumusta na ang paggamit mo sa iyong buhay? Paano mo ba ginamit ang iyong mga oras? Kabataan, nag-aaral ka ba ng mabuti o nagbubulakbol? Kapatid, nagagamit mo ba ang mga gintong oras na kaloob sa iyo ng Diyos sa iyo?
At sa isang pagkakataon, nakasama nila ang Panginoon.
Sa ibabaw ng krus natagpuan sila ng Panginoon.
Ito ay isang magandang pagkakataon.
c. Paano nila ginamit ang pagkakataong iyon?
Yung isa, pinalampas na naman niya ang pagkakataon. Tinuya niya ag Panginoon. Ngunit ang isa ay sumampalataya sa Panginoon para sa kanyang kaligtasan. Sabi niya :”Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”
Ang una, tinaggian niya si Jesus. Ang ikalawa, pinili niya si Jesus. Nasaan ka ba sa dalawang ito?
Grabbing the Opportunity.
Ito ang pagkakataong gawin ang pinakamabuti. Maraming tao ang nagsasamantala sa kahinaan ng iba at kasalanan ang sinasamantala. Para sa ating mga anak ng Diyos, paggawa ng kabutihan ang ating dapat na sinasamantala. May lumapit ba sa iyong nangangailangan ng tulong? Samantalahin mo!
Nag-aaral ka ba ngayon? Samantalahin mo! Isa ka bang tatay o asawa o pastor? Samantalahin mo na magamit ng Diyos ang buhay mo, dahil maari itong mawala sa isang iglap.
c. Hindi sinamantala ng unang nakapako ang pagkakataon upang magsisi at maligtas. Sa halip, tinuya niya ang Tagapagligtas.
d. Ang pangalawa, sinamantala niya ang pagkakataon para maligtas.
Pagkakataon na hindi dapat Palampasin
Nakailang Seven Last Words na po kayo? Sa dami ba ng pagsamba na inyong dinaduhan, nagawa na ba ninyong sumapalataya upang tanggapin ang pagliligtas ng Panginoon.
Nandito na naman tayo mga kapatid, nagbubulay sa mga salita ng Panginoon sa krus ng Kalbaryo. Kung ikaw ay papipiliin, alin sa dalawang nakapako ang susundan mong halimbawa?
Ito ang araw ng kaligtasan, maaring wala ng bukas.
Ikatlong Wika: Salita ng Pagtitiwala
“Babae, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” (Juan 19:26-27)
Maari bang makuha ang pagtitiwala ng Diyos? Maaring sasabihin natin, “Nagtitiwala ako sa Diyos”, gayunman, naranasan mo na ba ang pagkatiwalaan ka ng Diyos?
Ayon sa kasabihan, ang tiwala ang maaring mawasak sa isang sandali, at nangangailangan ito ng habang buhay na pagsisikap, upang ito ay maitayong muli. Kung ito ay nangyayari sa pagitan ng mga tao, paano pa kaya ang relasyon natin sa Diyos. Kailan ba tayo maaring pagkatiwalaan ng Panginoon?
Isang malaking biyaya ang pagkatiwalaan tayo ng Diyos. At lahat tayo ang pinagkakatiwalaan niya - ng ating buhay - ng ating tungkulin - ng ating panahon - ng ating pamilya.
Pinagkakatiwala ng Panginoon sa atin ang iglesia.
Walang hanggang pagtitiwala ang kaloob ng Diyos sa atin. Sana hindi nagkamali ang Diyos na ginawa ka niyang ama, o guro, o kaibigan o pastor o deaconesa. May tiwala ang Diyos sa iyo sa maraming bagay.
Ang kwento ng pagtitiwala ng Diyos ay makikita sa buhay ni Haring Saul sa Lumang Tipan. Ginawang hari ng Israel si Saul subalit hindi siya naging tapat sa Panginoon. Kaya sa pamamagitan ni Propeta Samuel sinabi ng Panginoon, "Nagsisisi ako kung bakit ginawa kong hari si Saul."
Ang Alagad na Mapagkakatiwalaan
Ang mahal na ina ng Panginoon ay naroon sa tabi ng krus. Alam ng Panginoon na paalis na siya. Kanino niya ipagkakatiwala ang kanyang ina?
Ayon kay San Juan, isang alagad lamang ang naroon.
Isang alagad na hindi humiwalay sa Panginoon habang ang iba ay takot na nagtatago. Hindi pinangalanan ang alagad na ito. Siguro nga katulad siya ng maraming miembro ng ating simbahan na minsan ay hindi man nakikilala. Marami ang kanilang nagagawa ngunit , nananatili silang tahimik lamang sa isang bahagi ng iglesia. Ngunit tapat sila sa Diyos.
Mayroong ilang natatanging katangian ang mga ganitong alagad;
a. kakaiba ang pag-ibig niya sa Panginoon. Ang pag-ibig niya ay hanggang kamatayan. Maari niyang ikamatay ang pananatili niya sa tabi ng krus.
b. handa siyang mamatay kasama ang Panginoon. Naroon siya sa ilalim ng krus, isang bagay na nakakatakot gawin. Handa siyang gumanap ng mabigat na tungkulin sa gitna ng nagbabantang panganib alang-alang sa Panginoon.
Sa loob ng iglesia ay may maraming tapat na alagad na minsan hindi man napapangalanan. Mga taga-linis ng iglesia, taga-luto, mga lingkod ng Diyos na hindi man napaparangalan.
Minsan sa panahon ng panganib, may mga alagad nakakikitaan ng katapatan, na kahit kamatayan ay susuhungin nila upang makasunod lamang sa Panginoon. Sila marahil ang katulad ng alagad na ito. Walang pangalan, ngunit tapat sa Panginoon. Sila ang pinagkakatiwalaan ng Diyos sa iglesia. Hindi naghahanap ng papuri o pagkilala.
Isang modelong alagad na dapat nating tularan.
Maging Mabuting Katiwala ng Diyos
Maging karapat-dapat nawa tayo sa pagtitiwala ng Diyos.
1. Gawin natin ang pinakamabuti para sa ating tungkuling ginagampanan. Kung ikaw ay isang ama ng tahanan, maging mabuti kang ama, maging mabuti kang asawa. Pinagkatiwalaan ka ng Diyos ng isang pamilya.
2. Huwag mong bibiguin ang Diyos sa kanyang pagtitiwala sa iyo. Napili ka ba bilang leader ng iglesia? Gawin mo ang pinaka-mainam na paglilingkod.
3. Maging tapat sa Panginoon. Tularan natin ang alagad na ito na tunay na nagmahal sa Panginoon kahit sa gitna ng panganib. Tularan antin si Pablo na nagsabing “Sa buhay o kamatayan, kay Cristo ako.”
Ika-apat na Wika: Salita ng Pananalig
“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46)
Hanggang saan ang pagtitiwala mo sa Diyos?
Isang pastor ang nagkaroon ng cancer at tinanong niya ang Diyos kung bakit. Ayon sa kanyang patotoo sumagot ang Diyos sa kanyang kalooban ng isa ring tanong,
"Anak, hanggang saan ang pagtitiwala mo sa akin?"
May mga tanong sa buhay na walang madaling paliwanag.
Ang kamatayan ng isang mabuting tao, ang biglang pagkakasakit ng isang mabuting pastor, ang pagkakasunog ng isang kapilya...etc.
Isang aklat ang sinulat ng isang Judiong pastor, "When Bad Things Happen to Good People" dahil namatay ang anak niya sa sakit na "progeria", mabilis na pagtanda, walang kagamutan at nauwi sa tiyak na kamatayan. Napuno ng pagtatanong ang kanyang buhay...ng mga “bakit” sa Diyos.
Si Jesus man ay nagtanong ng "bakit" sa Ama.
May isang uri ng suffering na pinapayagan ng Diyos dahil mayroon siyang mas makabuluhang dahilan. Ito ay ang mga tinatawag na “Meaningful sufferings.”
a. may mga bagay na mahirap unawain, na maaring ipagawa sa atin ang Diyos para sa kabutihan ng mas nakakarami. Halimbawa rito ang mga sakripisyo ng mga bayani, o sakripisyo ng isang magulang para sa anak.
b. May bagay din na masakit / mahirap tanggapin o ipaliwanag, na pinapahintulotan ng Diyos sa buhay natin at Diyos lang nakaka-alam kung bakit. Maiintindihan din natin ito katagalan. Halimbawa ang buhay ni Jose sa Genesis.
Subalit may mga “Meaningless Sufferings” din.
May mga paghihirap na bunga ng kawalan ng katarungan, o kasalanan na nagdudulot ng pang-aapi, paghihirap ng marami ay hindi naman kalooban ng Diyos at matatawag nating "meaningless suffering". Sakripisyo sila na walang mabuting bunga. Ang ganitong paghihirap ay taliwas sa nais ng Diyos.
Ang naganap sa buhay ng Panginoong Jesus ay isang “meaningful suffering”. Gumawa siya ng sakripisyo para sa ikabubuti ng lahat ng tao. Ang hindi pagsagot ng Ama sa kanyang mga “bakit” ay, pansamantala lamang. Dahil ang dulo ng kanyang sakripisyo ay tagumapay para sa Diyos.
Alam ni Jesus ang sagot sa kanyang tanong. Kaya sa pananahimik ng Ama, lubos pa rin ang kanyang pagtitiwala.
Ang salitang ito ay may kinalaman sa Awit 22. Ito ay awit na nagsimula sa pagtatanong sa Diyos na nagwakas naman sa pagpupuri sa katapatan ng Panginoon.
Kung uutusan ka ng Diyos na dumaan sa mahirap na sakripisyo alang-alang sa ikabubuti ng marami, susunod ka ba at magtitiwala sa pansamantalang pananahimik ng Diyos?
Bilang alagad ni Cristo, huwag sana tayong matatakot na humarap sa mga sakripisyo ng paglilingkod. Huwag nating pababayaang manghina ang ating pananampalataya. Tapat ang Diyos at matuwid. Hindi niya bibitawan sa ere ang kanyang mga lingkod.
Ang Diyos, bagamat minsan ay nanahimik, ay mananatiling tapat. Hindi kailanman tatlikuran ng Diyos ang sinumang hindi tatalikod sa kanya sa gitna ng mga pagsubok.
Kung kaya ang wakas ng Awit 22 ay awitin ng pagpupuri at pagtatagumpay. Kapag tayo ay sumusunod sa Diyos sa kanyang panawagan upang magsakripisyo para sa ikabubuti ng mas marami, darating din tayo sa puntong magdiriwang tayo sa tagumpay ng Diyos! Amen!
Ika-limang Wika: Salita ng Kahilingan
“Nauuhaw ako!” (Juan 19:28)
Nakakalungkot na sa ating panahon, hindi na nahihingi ang tubig, dahil ibinebenta na ito. Sa oras na iyon, humihingi ang Panginoon ng isang simpleng bagay na available naman, "tubig". Karaniwan sa panahon na iyon ang magbaon ng tubig. At may maraming nagbibigay ng tubig sa iba, bilang kawanggawa. Marami ring mga aqueduct o daluyan ng tubig mula sa mga bundok papuntang bayan. Kung kaya sagana ang tubig noon sa Israel.
"Pahingi ng inumin dahil uhaw ako." Ito ay inaasahan na mangyayari sa Panginoon. Isang natural na mangyayari sa isang taong hindi natikim ng tubig ng ilang araw mula ng dakpin siya, binugbog at ibinilad sa mainit na araw habang ang dugo niya at pawis ay patuloy na umaalis sa kanyang katawan.
Simpleng Kahilingan na Walang Katuparan
Maraming simpleng bagay na hinihiling ang Panginoon
mula sa atin na maaring itulad sa paghingi niya ng tubig.
Simpleng kahilingan tulad ng;
ang mahalin siya,
magmahalan tayo
mag-kaisa sana tayo
maglingkod sana tayo sa kanya,
gumawa sana tayo ng mabuti at
umiwas sa anumang uri ng kasalanan.
Mga simpleng paglilingkod na hinihiling ng Diyos mula sa atin. Pero ano ang kadalasang ibinibigay natin sa Diyos? Paano ba tayo tumutugon?
Nang humingi siya ng tubig, hindi tubig ang ibinigay sa kanya kundi suka (na may apdo). Isang mapait na inumin. Isang mapait na tugon.
Madalas nating pinupuna ang mga nagparusa sa kanya, ngunit sa ating pagsuway sa Diyos - parang wala tayong pinag-kaiba sa kanila.
Tubig ang hiniling - suka ang pinatikim.
Hindi kaya ganito rin ang ating nagiging tugon tuwing may kahilingan ang Diyos sa atin? Nais nating maging manhid ang Diyos sa ating mga pag-ayaw. Gusto nating sanayin ang Diyos sa ating mga pagsuway. Ayaw nating ibigay ang eksaktong hinihiling ng Diyos.
Halimbawa, kung ang isang politiko ay nagbabansag bilang Kristiano, ngunit naniniwala siyang imposible ang makaiwas sa kasalanan ng corruption.
Hinihiling ng Diyos ang kanyang pagsunod upang manatiling malinis pero pilit kinakatwiran ng taong ito, na, “Mauunawaan siguro ako ng Diyos kung magnanakaw ako sa gobyerno dahi ito ang kalakaran.”
Malinaw na hindi niyaibinibigay kung ano ang mismong kahilingan ng Panginoon. Taliwas ang kanyang ginagawa. Humihiling ng tubig, ngunit suka ang ibinibigay.
Ang kahilingan ng Panginoon ay tubig, pero ano po ba ang ibinibigay natin sa kanya? Suka at apdo pa rin ba? Tubig ang kahilingan ng isang nauuhaw.
Kung ano ang kinauuhawan ng Panginoon ay siya sana ang ating ibigay. Wika ng Panginoon, "Kung mahal ninyo ako, sundin ninyo ang aking mga utos."
Simpleng kahilingan mula sa Tagapagligtas.
Ika-Anim na Wika: Salita ng Tagumpay
Naganap na!” (Juan 19:30)
Ito ay salita ng tagumpay, mula sa isang nakagawa ng kanyang misyon. Tetelestai sa Griego - tulad ng "Mission accomplished!"
Sa ika-anim na salita, nais kong pag-isipan natin, "Ano ang mga bagay na nais ipagawa sa atin ng Diyos? Ano ba yung dapat nating tapusin?"
May mga pangako ba tayo na binitawan sa Diyos na hindi pa natin tinutupad?
Kaya ba nating tapusin ang ating mga assignments para sa Diyos?
Ang Tagumpay ni Jesus
Isang bagay lamang daw ang madalas na pinagsisihan ng mga taong malapit ng mamatay, kung alam nilang mayroon pa silang dapat tapusin, o mga bagay na dapat hihingi ng tawad, o kasalanang dapat ituwid, subalit dahil padating na ang kanilang kamatayan, at wala na silang panahon, sila ay lubos na nagsisisi.
Ang masakit sa kamatayan, ay hindi ang mismong pagtigil ng buhay, kundi ang pagputol ng Diyos sa ating pagkakataong gumawa ng mga bagay na dapat gawin.
May kwento tungkol sa isang ama na nagkasala sa kanyang pamilya. At nais niyang muling bumalik sa kanyang asawa at mga anak. Sisikapin sana niyang "makabawi" sa nagawa niyang pagkukulang, kaya nagplano siyang umuwi. Ngunit habang nasa bus papunta sa kanyang pamilya, inatake siya sa puso at namatay.
Huli na, hindi niya nagawa ang dapat niyang gawin.
Sa aklat ni Stephen Covey na Seven Habits, isa rito ang payo niya na "pag-isipan natin ang buhay natin kung paano natin ito ninanais magwakas." Always start with the end in mind.
Ang Ika-anim na salita ay nag-aanyaya rin na gawin natin ito. Sikapin natin na ang wakas ng iyong buhay ay walang halong pag-sisisi, kaya...
1. Gawin mo na ang mga bagay na alam mong utos sa iyo ng Panginoon. Tapusin mo ang mga ito, bago matapos ang buhay mo.
2. Ituwid mo na ang mga pagkakamaling nagawa mo habang may panahon ka pa.
3. Tanggapin mo ang paghahari ng Panginoon to secure your salvation, and to live alife under God’s control at simulan mo nang mamuhay bilang isang tunay na anak ng Diyos kasama ang ibang tao.
When Jesus is about die, he knew very well that his mission is accomplished. Pumanaw siyang walang pinagsisihan sa buhay.
Ika-Pitong Wika: Salita ng Pagtatagubilin
“Ama, sa mga kamay mo’y itinatagubilin ko ang aking espiritu!”
Ang buhay natin ang pinakamahalagang kaloob ng Diyos. Ang maganda rito, hindi lamang tayo para sa buhay dito sa lupa, nilikha tayo ng Diyos para sa buhay na walang hanggan. At nandito tayo sa kasalukuyan upang maghanda sa isang buay na walang katapusan.
Ngunit bago ito mangyari, dadaan muna tayo sa karanasan ng kamatayan. Ayon sa Eccl 12:7, ang kamatayan ay may dalawang yugto, ang katawang lupa ay babalik sa lupa at ang espiritu ng tao ay babalik sa kanyang Lumikha. "and the dust returns to the ground it came from, and the spirit returns to God who gave it."
a. higit sa buhay dito sa lupa ang kaloob ng Diyos.
Nakakalimutan ito ng marami na nagiging "obsessed" sa buhay dito sa lupa. Kung tatanungin ang mga tao, "Alin ang mas mahalaga, ang kaluluwa ng tao o ang material na pangangailangan ng katawan?" Agad-agad sumasagot ang marami na mas mahalaga ang kaluluwa. Kaya ganito na lamang ang paalala ng Panginoon,
"Ano ang mapapala ng isang tao kung mapasa kanya man ang lahat kayamanan sa mundo at mawala naman niya ang kanyang kaluluwa?"
Gayun man, madalas makalimutan ito ng marami. Nakakalimutan nilang alagaan at ihanda ang kanilang kaluluwa sa pagbalik nito sa Diyos.
b. Ang ipagkatiwala natin sa Diyos ang ating espiritu ay isang napakamahalagang bagay na ating magagawa para sa ating sarili. Nais ng Diyos na makasama tayong lahat sa buhay na walang hanggan.
Ang espiritu ay hindi lamang isang "entity" kundi ito ay isang "existence with meaning". Kailangan tayong mabuhay na may kahulugan at layunin. *Ito ang uri ng espiritu mayroon si Jesus. Ang kahulugan ng kanyang buhay ay nababagay na ilagay sa mga kamay ng Diyos na banal. Nagamit lamang ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos.
*Ang kanyang espiritu ay karapat-dapat sa Diyos. Ito ay wagas, puno ng Espiritu Santo. Wika ng Ama tungkol sa kanya, "Ikaw ang kinalulugdan kong Anak." *Nabuhay lamang siya para sa Diyos, at pumanaw siya para sa Diyos. Hindi nasayang ang alin mang sandali ng kanyang buhay.
Lahat tayo ay papanaw. Subalit ang ating espiritu ba ay nakatagubilin sa Diyos?
Ngayon pa lamang ay italaga na natin ang ating espiritu sa Diyos.
Sa gayon, maging ang kamatayan ay hindi na natin katatakutan.
Magiing katulad tayo ni San Pablo na nagsabing, "Sa mabuhay o mamatay - kay Cristo ako."
Magkikita-kita po tayo sa buhay na walang hanggan. Amen
Ika-apat na Wika: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46)
TumugonBurahin1. ang turo ng matandang tipan, di pababayaan ng Diyos ang kanyang mga lingkod. Di nya bibitawan sa ere ang kanyang mga lingkod. Di kailanman tatalikuran ng Diyos ang sinumang di tatalikod sa kanya sa gitna ng mga pagsubok. Kaya pati ang mga nangungutya sa kanya sa gitna ng kanyang paghihirap, ganoon din ang sinasabi—tignan natin kung iliigtas ka ng Diyos.
2. sa oras ng paghihingalo sa krus, naranasan ni Hesus ang pasubali sa turo ng matandang tipan. Habang nakapako sa krus at naghihingalo, naranasan ni Hesus na di totoo ang turo ng matandang tipan—binitiwan ng Diyos sa ere ang bugtong nyang anak na si Hesus na naglingkod sa kanya sukdang magdusa at mapako sa krus. Naranasan ni Hesus ang pagtalikod ng Diyos sa lingkod nya. Di totoong di ka tatalikuran at pababayaan ng Diyos kapag naglingkod ka sa kanya. Tinalikuran at pinabayaan ng Diyos si Hesus.
3. kaya naitanong ni Hesus sa oras ng kanyang kamatayan, “Diyos ko Diyos ko bakit? Bakit mo ko pinabayaan?”
4. ito ang sitwasyon natin ngayon. Batay sa karanasan ni Hesus, pababayaan pala tayo ng Diyos. tatalikuran pala tayo ng Diyos. at naranasan ito ng mga propetang Pilipino sa panahon ng diktadura ni marcos. Inaresto sila, ikinulong, dinala sa safehouses, tinortyur, at namatay ang marami sa kanila sa hirap ng tortyur. Ang mga babaing propeta, ni-reyp, ginahasa, ang pinakamahirap na tortyur—karanasan ng mga babaing propeta. At di sila iniligtas ng Diyos. namatay silang naranasan ang pagpapabaya at pagtalikod ng Diyos sa mga nakibaka para sa katarungan. Ang sitwasyon natin: alam nating pabaya ang Diyos at tatalikod sa atin sa gitna ng hirap at kamatayan. maglilingkod ka pa ba sa kanya? Maniniwala ka pa ba sa kanya? Magpapatuloy ka pa bang nananampalataya sa kanya na di ka pababayaan at tatalikuran at ibibitin sa ere?
5. "Hanggang saan ang pagtitiwala mo sa Diyos?" hangga’t di ka pababayaan? Pero kung tatalikuran ka rin lang, wag na lang? hanggang doon na lang? di ka na lang magpapatuloy?
Ika-limang Wika: “Nauuhaw ako!” (Juan 19:28)
1. mapalad ang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, pagkat sila’y bubusugin.
2. Di ito naranasan ni Hesus hanggang kamatayan. sa harap ng kamatayan, ang naranasan nya, nauhaw sya, binigyan sya ng suka.
3. Ganito rin ang naranasan ng mga maralitang tagalunsod sa sn roque, q.c.—naglockdown, sila’y nagutom, nagsidaing, sinaktan. Sa kidapawan sa panahon ng taggutom, dumaing ang mga magsasaka at humingi ng bigas. Ang ibinigay sa kanila, bala. Sabi ni duterte, barilin ang nagrereklamo sa panahon ng lockdown.
Ika-Anim na Wika: Naganap na!” (Juan 19:30)
1. Habang naghihingalo sa krus, naganap na ang pinakasukdulan ng kalupitan ng tao sa kapwa. Naranasan ni Hesus ang pinakaultimong paglabag at kawalan ng respeto sa karapatan ng tao. na-accomplish na ng tao ang pinakamasamang maaari nyang gawin sa kanyang kapwa, at ginawa ito kay Hesus. naganap na. at pinasan ni Hesus ang lahat ng ito. At sa kabila ng lahat ng ito, ang una nyang wika, patawarin mo sila. At sa kabila ng pagpapabaya at pagtalikod ng Diyos, nanatili syang nananalig sa kanyang Ama, at sinabi . . . .
Ika-Pitong Wika: “Ama, sa mga kamay mo’y itinatagubilin ko ang aking espiritu!”
1. Bahala ka na, ama, kung ano ang gusto mong mangyari sa ipinamuhay kong ito. Kung gusto mong mawalan ng saysay at katuturan ang ipinamuhay ko, mababaon ito sa limot.
2. Kung malulugod ko sa ginawa kong ito, dadakilain ako ng marami at susunod sila sa aking mga yapak.
3. Ito ang aking ispiritu—ang takbo ng aking isip at takbo ng buhay—bahala ka na, ama, sa aking ispiritu.