Miyerkules, Disyembre 12, 2018

Simbang Gabi Series 2016: Ang Diyos Sa Loob ng Sambahayan (10 Sermons)

Sermon 1: 

Emmanuel: Ang Diyos sa Loob ng Tahanan

Mateo 1:18-25

Ang pamilya, ay idea ng Diyos. Sa unang paglikha, agad naisip ng Panginoon ang pamilya. "Hindi mabuti na nag-iisa ang lalaki." Kaya pinagkaloob niya sa lalaki ang katuwang, ang mapapangasawa niya, at ang resulta ay ang pagbuo ng Diyos sa unang pamilya.

Kung paanong pinalakas ng pagmamahal ang pamilya, ito naman ay pinahina ng kasalanan. Ito ang sanhi kung bakit nawalay ang mga pamilya sa Diyos.

Sa pagkakatawang tao ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, sa isang pamilya rin siya unang nakipamuhay.  Nakasalalay kasi sa pamilya ang lakas ng lipunan, at tagumpay ng bawat tao.

Ang pamilya ni Jose, Maria at Jesus, ay modelo ng maka-diyos na Pamilya ng mga Kristiano.  Ito ay madalas na hindi inaaral ng mga Protestante. Ngunit naniniwala ako na ito ay mabuting aralin ngayong Pasko 2016.

Ang Pamilyang Maka-Diyos ay modelong pamilya na ginawa ng Diyos.

Kailangan natin ang isang modelong pamilya upang ating pamarisan. Marami ang mga struggling families sa ating panahon.  At hindi malayo na tayo mismo, ay mayroong problematic family.

Ang akala natin, ang nagbibigkis sa mag-asawa ay ang pag-ibig nila sa isa't isa.  Ngunit ang pag-ibig ng tao ay humihina. Ang pag-ibig ng tao ay hindi sasapat upang mapatatag ang pamilya.

Ano ang nagpapatibay sa  Pamilya Maka-diyos?

1. Pananatili sa Presensya ng Diyos (Presence of God).

Sa mga Kristianong tahanan, ang presensya ng Diyos sa loob ng pamilya ang pangunahing nagpapatibay sa relasyong mag-asawa, magkapatid at magulang sa anak. .

Sa simula, ang pagdating ng Panginoong Jesus ay nagmukhang "problema" sa mag-asawang Jose at Maria.  Bago pa sila ikasal, nakitang buntis na si Maria, at maaga pa, inisip na ni Jose na hiwalayan si Maria. Ang pagkabuntis ni Maria ay isang eskandalosong usapin.  Ngunit ito ay nalampasan ng pamilyang maka-diyos.
Paano? Sa patuloy ng kwento kasi ng  Pamilyang maka-diyos, yung inakala nilang "presensya ng problema" ito pala ay "presensya ng Diyos"! Kaya kapag may problema po tayo sa pamilya, do not magnify your problem. Instead, let us magnify GOD. Laging ang presensya ng Diyos ang solusyon sa ating problema.

2. Pagtupad sa Layunin ng Diyos (Purpose of God).

Pangalawang makikita nating dahilan kung bakit matibay ang pamilya nina Jose at Maria, ay ang malinaw na pagkaunawa nila sa "layunin ng Diyos" para sa kanilang buhay pamilya.

May halimbawa akong kwento: naghiwalay na mag-asawang pastor at si Misis.  Sabi kasi ni Misis, "Ikaw lang ang tinawag ng Diyos upang maglingkod, ako hindi!" Hindi sila nagkakasundo kung pareho nga silang tinawag upang maglingkod sa Diyos.  Ayun, naghiwalay tuloy.

Nilinaw ng angel kay Maria at Jose na may malaking bagay na nais mangyari ang Diyos sa kanilang itatayong pamilya.  Sila ay parehong gagamitin ng Diyos na instrumento para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Ang mababaw na dahilan ng iba sa pag-aasawa ay para masunod  ang layaw ng laman, para sa sariling kaligayahan o kasama ang minamahal upang magpayaman. Ngunit higit pa rito ang layunin ng Diyos para sa Sagradong Pamilya. Alamin po natin ang banal na layunin ng Diyos sa ating pamilya.

3. Pagsunod sa Paraan ng Diyos (Procedure of God)

Ang pangatlong nagpapatibay sa Kristianong pamilya ay ang pagsunod sa pamamaraan ng Diyos. Ang mag-asawang Kristiano ay nakatalaga sa Diyos (Godly Committment on Marriage). Dito, ang tungkuling mag-asawa ay "tungkulin sa Diyos", sa halip na 'tungkulin lamang sa isa't isa' o sa mga anak.'

Ang Kristianong pamilya ay sumusunod sa mga pamamaraan ng Diyos. Kung paano pinamamahalaan ang Pamilya Sagrada, ay sa pamamagitan ng paggabay ng Diyos. Nagungusap ang Diyos sa kanila, at sinusunod naman nila ang Panginoon.

Panalangin Para sa Pamilya

May mga pamilyang babad sa problema. Idalangin natin sila.
Maaring nandito kayo upang mailigtas ang inyong pamilya mula sa pagkawasak...
Matutulungan po kayo ng Diyos-
Nais natin ilapit sa Panginoon ang bawat pamilya ---manalangin po tayo.

(Note to Pastors- maaring mag dedicate ng symbolic family picture ang bawat pamilya sa church at ihandog ang mga ito sa altar)

___________________________  

Sermon 2:  Parangal sa Mga Ina
Lucas 1:26-38;  2:4-7

Ang pagiging ina ay napakalaking tungkulin.  Ang iba sa atin ay mga ina, ngunit lahat tayo pinanganak at pinalaki ng ating mga ina.

Kasabihan ng mga Judio ang ganito, “God can not be anywhere so he made the mothers.”   Ang ina ang nagsisilbing presensya ng Diyos na kumakalinga sa kanilang mga anak.

Si Maria

Siya ay isang birhen - maaring 14 taong gulang o mas bata pa. Ito ang karaniwang edad ng mga nag-aasawa sa panahon na iyon. Siya ay wala pang karanasan sa lalaki, bagamat naipangakong magiging asawa siya ni Jose.

Ngayong alam na natin kung ano ang kanyang edad at kalagayan sa buhay, kaya na nga ba niyang maging ina? Sa pananaw ng Panginoon, handa na siya. At siya ang karapat-dapat na babae upang maging ina ng Panginoong  Jesus.

1. Ang pagiging ina ay isang pagtawag ng Diyos. 
(Motherhood is a high calling from God.) 

Si Maria ay tinawag ng Diyos upang maging lalagyanan (vessel) ng ating Panginoong Jesus.
At gayundin, ang bawat ina ay may mataas na pagkatawag mula sa Diyos.

Young women, prepare yourselves for this high calling. huwag kayong magmamadali sa pag-asawa.

Your being a women is sacred.  Pahalagahan po ninyo ang inyong pagka babae, tulad ng pagpapahalaga ng Diyos sa inyong pagka-babae.


2. Kinalugdan siya ng Diyos.

Ang Ebanghelyo ni Lucas ay kapansin-pansing may pagpapahalaga sa mga babae. At sinumulan niya ito sa paglalarawan kay Maria na isang babaeng itinaas ng Diyos, upang maging ina ng Tagapagligtas.

Pagmasdan din natin ang kalagayan ng mga babae sa ating panahon. Marami ang ibinebentang babae. Mga larawan ng mga babae sa billboard, patalastas at ano pa. Si Maria ay larawan ng mga babae, na itinataas ng Diyos (Hail Mary full of grace, the Lord is with you.)

3. Ang Kasabikan ng Diyos sa Matamis Nating “Oo”

This applies to all Christians.  Umaasam ang Panginoon ng ating pagtango sa kanyang panawagan upang magamit niya ang ating mga buhay.

At First, this came as a Mary’s Surprise

Sa unang dating ng balita, nabigla si Maria at nagulumihanan.  Wala siyang idea kung paano ito mangyayari. Totoo na ang anyaya ng Diyos ay mukhang mahirap kung hindi man imposible.

(Illustration)

Si Henry Martyn, ay isang distinguished scholar mula sa Cambridge University. Sa edad na 20 taon siya ay may mataas ng naabot sa larangan ng mathematics. Siya ay biniyayaan ng pambihirang talino. Siya tumanggap ng pinakamataas na pagkilala sa larangan ng matematika sa panahon ng kanyang kabataan.
Gayunman, hindi siya naging masaya dahil sa mga naabot niya. Naramdaman niyang may kulang pa sa kanyang buhay. Naghanap siya ng higit na kahulugan ng buhay.

Pagkatapos niyang aralin ang layunin ng kanyang buhay, si Henry Martyn ay nagtungo sa India bilang isang missionary sa edad na 24 taon. Sa kanyang pagdating sa kanyang misyon, siya ay nanalangin ng ganito "Lord, let me burn out for You."

Ang mga sumunod na 7 taon ng kanyang buhay bago siya pumanaw, naisalin niya sa tatlong (3) mahihirap na wikang Asiano ang Biblia. Sa ganitong paraan naging makabuluhan ang kanyang buhay, bagamat maikli lamang ang kanyang pananatili sa mundo.

Ang kahulugan ng buhay para sa bawat tunay na Kristiano ay nasa pagsunod sa yapak ni Jesu-Cristo. Tayong lahat ay kabahagi sa gawain ng Panginoon na palaganapin ang Salita ng Diyos 

Then It Resulted into Mary’s Surrender

Nasasaad sa Luke 1:38 ang sinabi Maria,  "I am the Lord's servant," Mary answered. "May it be to me as you have said."

Ang buhay niya ay isinuko niya sa Panginoon.

Ang pagsukong ito ni Maria sa panawagan ng Diyos ay mahalaga para sa atin. Kung kaya sa lahat ng mga Kristiano, si Maria na ina ng Panginoon Jesus ay tinuturing na "pinaka mapalad sa lahat".

Ang pagsambang ito ay pasasalamat sa Diyos sa buhay ng bawat ina, na tumanggap sa tawag ng Diyos.

Then Salvation Came into the World, Because the Savior was Born from a Woman's Womb

Mula sa sinapupunan ni Maria, ipinanganak ang Tagapagligtas.
Mula sa sinapupunan ng mga ina, pinanganak tayong lahat.
Salamat sa mga ina, sa kanilang mga sakrispisyo. sa pagpapagamit nila sa Diyos.

PALAPITIN ANG MGA INA SA ALTAR UPANG SILA AY IPANALANGIN.


______________________ 

Sermon 3: Pagpaparangal sa Mga Ama
Mateo 1: 18-20; 2:13-14

Nasaan ba ang mga kalalakihang Metodista? Nasaan ba ang mga ulirang Metodistang AMA??

Idalangin natin na magtindig ng mga tunay na lalaking Kristiano ang Diyos sa ating mga tahanan! Pwede po ba kayong sumigaw ng "Amen!"

Nawa’y sasangayon kayo sa sasabihin ko.

1. Ang tunay na lalaking Kristiano, hindi lasenggo!
2. Ang tunay na lalaking Kristiano, tapat sa asawa!
3. Ang tunay na lalaking Kristiano, nananalangin! Nagbabasa ng Biblia!

Kailangan natin ang mga Kristianong kalalakihan.  Nagtuturo ang isang youth leader sa kanyang Care Group, sabi niya, "Ngayong tinanggap na natin ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, huwag na tayong magbibisyo."

Nagtanong yung isang member ng grupo, "Kuya bakit yung mga UMM, naglalasing gabi-gabi?" Toinks!  Patay tayo diyan pastor....

Sa mensahe ngayon, matutunghayan natin si Jose, bilang modelong ama, at mabuting asawang lalaki sa Kristianong Pamilya.

Siya ay isang taong matuwid. 

Ito ang turing sa kanya ng Biblia. Ito ang tingin sa kanya ng Diyos.
Nagtanong ako sa Panginoon, "Lord, matuwid ba ako sa tingin mo?"

Malinaw ang sagot sa akin, "HINDE!" Marami talaga akong ginawang mali. Hindi po ako pasado, bagsak ako, tulad ng maraming ama.

Pero si Jose, na napangasawa ni Maria ay pasado sa Diyos.  What made him righteous before  God?

Tandaan: Inisip niya sa una, na nadaya siya ng kanyang mapapangasawa. Buntis na agad si Maria bago pa sila nagsiping.

Ang pag-aasawa noon ay hawig sa ating kulturang Pinoy.

Unang Hakbang sa Pag-aasawa Noon. 

Mayroon munang usapan ng magiging magkabalae (pamamalae) o Engagement.  Magkakasundo muna ang mga magulang ng mga pamilya. Pero sa mga Judio noon, sa unang hakbang pa lamang, ituturing na silang mag-asawa.  Pero kadalasan, yung babae mananatili muna sa tahanan ng kanyang magulang ng isang taon.

Pangalawang Hakbang sa Pag-aasawa Noon. 

Kasalan na ito. Magsasama na ang dalawa at iiwan nila ang dating pamilya.

Ayon sa Biblia, sina Jose at Maria ay engaged na, pero hindi sila nagsiping. Ngunit nadiskubre ni Jose na buntis si Maria.

Sa puntong ito, tinawag ng Biblia na matuwid si Jose. Paano?

1. Binalak niyang hiwalayan si Maria ng tahimik. 

Naghanap siya ng katarungan, ngunit ayaw niyang mapahiya o maparusahan si Maria. It is a clear justice with compassion. Ipatutupad niya ang batas, pero hindi niya hahayaang mapahiya si Maria.

Without compassion, pwede niyang ipapatay si Maria ayon sa Deut:21-22.

Ang ibig sabihin ng "hiwalayan ng tahimik" ay maaring paggamit sa mga dahilan ng paghihiwalay na mababasa sa Bilang 5:11-15.

2. Nakikinig siya sa Diyos.

Nakaramdam siya ng sakit ng kalooban, dahil buntis si Maria at hindi siya ang ama.  Ngunit nangibabaw ang kalooban ng Diyos kaysa sariling damdamin.  Ang ganitong tatag sa pagsubok ay magagawa lamang ng isang taong nakikinig sa Diyos.

3. Tumatalima siya sa mga utos ng Panginoon. 

Pagkarinig sa layunin ng Diyos kung bakit nangyari ang pagkabuntis ni Maria, tumalima si Jose sa kalooban ng Panginoon.  Mas madaling sundin ang sarili niyang damdamin sa  tagpong ito.  Madali ang magalit kung alam mong tama ang iyong akala. Ngunit pinili niya ang kalooban ng Diyos. Ang ginawang ito ni Jose ay pagtalikod sa sarili, upang sumunod sa Panginoon.

Pagpaparangal sa Mga Ama

Tawagin ang mga Ama, na lumapit sa altar upang sila ay ipanalangin.

_________________________  

Sermon 4: Pagbibigay Parangal sa mga Naglilingkod sa Iglesia
Lucas 1:5-13

Ang panalangin ay mahalagang sangkap ng pagiging Kristiano. Kung ang pagbabasa ng Biblia ay maituturing na pagkain ng ating kaluluwa, ang panalangin ay ang paghinga nito.

Pero minsan sa ating mga pastor at mga deaconesa (pari na tulad ni Zacarias) maaring ito ay parang trabaho lang. Maliban sa pangangaral, kaming mga manggagawa ay tiga-panalangin ng ibang tao.

Ngunit, nang mabunot ang pangalan ni Zacarias para manalangin para sa buong Israel, hindi siya nanalangin para sa bansa niya. Nanalangin siya para sa sarili niyang asawa, para sa kagustuhan nilang magka-anak. May pagkakataon na tayong mga pastor at deakonesa at lugmok sa problema ng ating sariling pamilya. Mayroon din tayong sitwasyon na minsan hindi na natin sinasabi sa ating mga miembro. May kalungkutan na ating sinasarili. Tulad ni Zacarias, dahil wala siyang anak - nanalangin siya  upang hilinging pagkalooban siya ng supling.

1. Panalangin para sa sariling pamilya.
Minsan habang ipinapanalangin namin kayong mga miembro o ang maraming tao - naiisip ko kung sino ang mananalangin para sa aming mga pastor at mga  deakonesa, at para sa aming pamilya. Siguro, dapat nga naming ipanalangin ang aming sariling pamilya tulad ng ginawa ni Zacarias.

Wika ng angel “Narinig ng Diyos ang iyong panalangin, magkakaroon ka ng anak."

Pero kailangan po namin ang inyong suporta sa panalangin. Salamat po inyo na mapagmahal sa mga manggagawa. Higit sa mga regalo at kaloob na inyong bigay, nais ko pa pong hilingin na huwag ninyo kaming kalilimutan sa inyong panalangin.
May panahon na mahina kami. May panahon na inaatake kami ng problema sa pamilya. Ipanalangin po ninyo kaming manggagawa ninyo.

2. Ang panalangin ay mabisa.
Mabisa ang panalangin dahil ang Diyos ang hinaanyayahan nating kumilos sa halip na tayo lang ang kikilos. Higit na may magagawa ang Diyos, kung ikukumpara sa magagawa ng tao  lamang.

Matanda na si Zacarias, at baog si Elizabeth. Sa panalangin, kumikilos ang Diyos para tumugon. At kapag kumikilos ang Diyos, ang imposible ay nagiging posible.

Ang Panalangin ni Zacarias

Alam niyang matanda na sila. Alam niyang imposible ang kanyang hinihiling. Subalit patuloy pa rin siyang nanalangin. Marami sa atin ang madaling tumigil sa pananalangin kapag nakita natin na imposible ang ating hinihiling. Marami rin ang sumusuko sa pagdulog sa Diyos, kapag hindi agad-agad pinagkakaloob ng Diyos ang katugunan. Nanalangin si Zacarias at dininig siya ng Diyos, kahit imposible ang kanyang kahilingan.

3. Ang panalangin ay mabisa kapag ito ay sumusunod sa plano ng Diyos.

Ang kapanganakan ni Juan Bautista ay  plano ng Diyos. Hindi ito kagustuhan lamang ni Zacarias. Nangyayari ang katugunan sa panalangin kapag ito ay ayon sa plano ng Panginoon. Hindi sumusunod ang Diyos sa kalooban ng tao.  Ang sinusunod ng Diyos ay ang tanging kalooban niya. Sinasabi ng Biblia na matuwid na tao si Zacarias. At ang mga matuwid  na tao ay sumusunod sa kalooban ng Diyos at hindi lamang sa kanilang sariling hangarin.

Bakit hindi mo subukang manalangin para matupad ang kalooban ng Diyos. Halimbawa, kalooban ng Diyos na maitatag ang mga iglesia. Kalooban ng Diyos na mapaganda natin ang mga simbahan. Kung walang pera, bakit hindi tayo humingi sa Diyos at marubdob na manalangin?

Ginagawa ng Diyos ang kanyang kalooban kahit mahirap ito sa paningin ng tao. Kalooban ng Diyos na magtagumpay tayo sa misyon at ebanghelismo! Hindi nagtatagumpay ang iglesia kapag, puro ito fellowship at maintenance ang mga activities. Ngunit kapag ginagawa ng iglesia ang kanyang misyon, Diyos ang mismong nagpupuno sa pangangailangan.

Kaya pagbulayan po natin, kapag tayo ay naghihirap bilang isang iglesia, tanungin natin ang ating sarili: "Ginagawa ba natin ang kalooban ng Diyos?" Isang iglesia ang nagdaraop. Mayayaman ang mga miembro, at hindi sila nag-iikapu. Tinitipid nila ang Diyos. Nanalangin sila na pagpalain ng Diyos ang kanilang iglesia, at sa palagay ninyo...tutugon ba ang Panginoon? Sa palagay ko po-HINDI! Ang paraan ng Diyos upang pagpalain ang kanilang iglesia ay ginawa na ng Diyos.
Nasa kanila na ang katugunan sa kanilang panalangin, subalit hindi sila sumusunod sa nais ng Panginoon.

4. May kahilingan ka ba sa Panginoon?

Una, alamin mo muna kung ito ay ayon sa kalooban ng Panginoon. Huwag mong uutusan ang Diyos. Ikaw ang sumunod sa kanyang kalooban.

Pangalawa, kulitin mo ang Ama, upang mangyari ang kanyang kalooban para sa iyong sambahayan (na iyong hinihiling).

Pangatlo, hanapin mo ang solusyon, at maghintay kung kinakailangan sa Kanyang panahon. Tignan mo palagi na baka, tumugon na ang Panginoon. Hindi nahuhuli sa pagtugon ang Diyos sa panalangin. lagi siyang "on time".

Maraming tao ang bigo sa panalangin dahil akala nila, maaring utusan ang Diyos.

Ang panalangin ay paghahanap ng kalooban ng Diyos para sa atin. Hindi ito pagpaparating ng ating kalooban upang sumunod ang Diyos. Hindi natin maaring mapasunod ang Diyos sa gusto natin.

Maging mapanalangin po tayo.  Idalangin po ninyo kaming mga manggagawa. Hanapin natin ang kalooban ng Diyos para sa ating sambahayan at buong puso tayong sumunod sa Diyos.

PAGPAPARANGAL SA MGA NAGLILINGKOD SA IGLESIA

Maaring isa sa mga laiko ang mananalangin para sa mga lingkod ng Panginoon sa iglesia.

Kailangan ng mga pastor ang panalangin ng iglesia. Ito ang magandang pagkakataon upang pagpalain sila ng kapulungan.

______________________________  

Sermon 5: Pagbibigay Pugay sa Iglesia, Bilang Pamilya ng Diyos
Lucas 1:46-55

Ang mga gawain sa iglesia ay gawaing pampamilya.
Minsan, ang umaawit ay isang clan o pamilya.
Ang mga nagkakaloob ng mga bulaklak ay pampamilya.

Ang ating iglesia ay iglesia na nagsusulong sa ministeryo ng pamilya, dahil tayo ay PAMILYA NG DIYOS.

Dahil tayo po ay tahanan ng Diyos, dapat ding makita makita sa ating sariling pamilya ang pagiging maka-diyos. Dapat HALATA ang ating pagiging Kristianong pamilya. Our home family must be an extension of our church family - since we belong to God's family.

Dapat makita sa atin ang pag-unlad sa pamumuhay espiritual.

at hangarin din ng Diyos natin na umunlad ang ating kabuhayan. Hindi naman po lingid sa atin na marami ang mahirap ang kabuhayan sa atin. Yung sakto lang sa araw-araw.  Naglakas ako ng loob na tanungin kayo, kasi- naniniwala ako na ang Diyos ay interesado sa ating kalagayan sa buhay.

Kalooban ng Panginoon na umunlad tayo sa buhay espiritual.
Kalooban din ng Diyos na umangat ang ating kabuhayan.
May malasakit ang Diyos sa ating pamilya.
May kinalaman ang Diyos sa ating kinabubuhay.

Ang Awit ni Maria, Awit ng Kristianong Pamilya

Ang awiting ito ay naglalarawan ng kalagayan ng mga pamilya noon (ng mga unang Kristiano) na inilarawan sa awitin ni ni Maria, ang Magnificat.

Ngunit ito rin ay himnong Kristiano noong unang siglo. Nilalarawan nito ang kalagayan at pag-asa ng mga Kristiano noon.

Ang unang iglesia ay nagsimula bilang mga munting iglesia sa tahanan ng mga pamilyang Kristiano.

Pagmasdan halimbawa ang pmga pagbati ni Apostol Pablo na mababasa sa Roma 16.

Pagbati sa iglesia sa tahanan ni Junia, Equila...sila ay mga grupong Kristiano, sa mga bahay ng mga church leaders. Ito ay bago nagkaroon ng mga gusaling simbahan.

Sila ay nagtuturingan bilang pamilya ng Diyos.   Nagtatawagan sila bilang magkakapatid sa Panginoon.  Natural sa kanila ang mahalin ang isa’t isa.  

Kahit sa ating panahon, ang iglesia ay nagiging mahina kapag nawala na ang diwa ng pagiging pamilya sa Diyos.  Madaling mahati ang iglesia na walang pag-ibig.

Aralin natin ang mga ito ang mga katangian ng pamilya ng Diyos na tinatawag na iglesia;

1. A Worshiping Family 

Sila ay pamilyang sumasamba sa Panginoon, ayon sa v. 47.
Dapat itong bigyang diin dahil interesado ang Panginoong Jesus sa ating iglesia bilang pamilya ng Diyos. Alam ninyo, yung pamilya natin sa laman, yung blood and marital relations natin ay hindi magpapatuloy sa langit.  Sabi ng Panginoong Jesus, yung family relations natin sa iglesia ang siyang mananatili sa kaharian ng Diyos.

 “Sino ang aking ina, at kapatid?” tanong ng Panginoon. “Sila na tumutupad sa kalooban ng aking Ama.”  Sila yung tunay na pamilya ng Diyos.  Hindi natin sinasabi na dapat nating pabayaan ang ating pamilya sa laman.  Ang sinasabi ng Panginoon, ay dapat nating mahalin ang ating kapwa miembro, dahil ang ating relasyon sa iglesia ay mananatili hanggang sa kabilang buhay.

Kaya sabihin ninyo sa mga anak ninyo, kapatid ninyo, asawa ninyo, MAGSIMBA TAYO SA PANGINOON.  Dahil pamilya tayo ng Diyos.

Behold what manner of love the Fathr has given unto us.  That we shall be called the children of God! Pamilya po tayo ng Panginoon.

2. A Faithful Family

Pangalawang katangian nila, “Nagtitiwala sila sa katapatan ng Diyos, at itinuturing nila ang sarili na mapalad, (v.48).

Ang mga unang Kristiano ay nakaranas ng paghihirap at kamatayan. Ngunit nanatili silang nagtitiwala sa Diyos at kumikilala sa sarili nila bilang mga pinagpala.

Pwede bang sabihin mo sa sarili mo, “I am blessed!”  Hindi ka malas.  Hindi ka biktima.  Hindi pangit ang buhay mo.  At hindi ka rin pangit. Magtiwala ka sa Diyos. Kayang ayusin ng Diyos ang anumang problema ng pamilya mo.

We as God's family, we are supposed to look at ourselves as GOD'S FAVORITES!  Tama po iyon, paborito tayo ng Diyos.  And God will surely bless us, because our is faithful.

It is just proper therefore, for us to be faithful to God.  Our faithfulness is our proper response to the faithfulness of God.

Kaya sabihin ninyo sa mga anak ninyo, kapatid ninyo, asawa ninyo, MAGING TAPAT TAYO SA PANGINOON.  Dahil pamilya tayo ng Diyos.

3. A Hoping Family 

Kaya,  umaasa sila ng mabuting bagay na gagawin ng Diyos sa kanilang mga buhay.  They live in this kind of “hopeful expectation”.   Parang mga bata sila na umaasa na kapag dumating na si daddy, may dala siyang pasalubong. Naniniwala sila na tutulungan sila ng Diyos.  Umaasa sila na ibabangon ng Diyos ang Israel.

Minsang sinabi ni John Wesley, “Kapag naging Kristiano ang isang tao, gaganda ang kanyang buhay.”  Pagkakatiwalaan kasi siya dahil sa kanyang katapatan.   Uunlad siya dahil sa kanyang pagiging anak ng Diyos, talino at kasipagan. Ang Kristiano, may pag-asa, dahil umaasa siya na tutulungan siya at ibabangon ng Diyos.

Ang mga Kristiano noong unang siglo ay mga dating mahihirap tulad ni Onesimo. Mababasa sa Sulat ni Pedro, na marami sa kanila ay mga alipin (1 Pedro 2:18).

Ngunit mababasa sa awitin, na umaasa silang “itataas sila ng Diyos ang mga aba”!

Kumusta po ang pamilya ninyo? Let us take this moment to minister to our  church as a family.
May hindi ba nag-uusap dito sa loob ng church?   Huwag naman ninyong palalampasin ang Pasko na hindi kayo nagpapatawaran.

May problema ba tayo na dapat ipanalangin?
Kayang ayusin ng Diyos ang anumang problema ng pamilya mo. Let us pray for our church family.

_________________________________ 

Sermon 6: 

Benedictus: Pagpapala ng Mga Magulang sa Kanilang Mga Anak

Lucas 1:67-79

Ang awiting ito na tinatawag na Benedictus, ay pagpapala ng isang ama sa kanyang anak, ni Zacharias sa kanyang anak na si Juan Bautista.  Sa kapanganakan pa lamang ng bata, nakita na ni Zacharias ang nais gawin ng Diyos sa kanyang anak.

Ang mga anak natin ay nakatingin sa atin bilang kanilang mga modelo, mga inspirasyon at mga gabay. Umaasa sila sa atin na iiangatan natin sila at aarugain, mamahalin at gagabayan hanggan sa kanilang paglaki.

May narinig na ba kayong isang ama, na nagsabi ng ganito sa anak niya - "Wala ka talagang kinabukasan! Tamad, bobo....!”

Sa ating pamilyang Kristiano, nakasalalay ang tagumpay ng layunin ng Diyos para sa sanlibutan at sa mga lipunan.  Ang magiging uri ng buhay ng ating mga anak ang siyang magiging buhay ng ating lipunan.

We are called and tasked by God to prepare our kids towards the future through family. We create societies within our families.

Ano nga bang klaseng tao ang hinuhubog ng pamilyang Kristiano?

Bilang mga ama, at mga ina, tungkulin nating pangunahan ang ating mga anak sa tama.  Nasa ating kamay ang paglinang sa kanilang mga ugali at kaisipan.  Tayo ang magpapakilala sa Diyos sa ating mga anak.

1. Tayong mga magulang ang mga propeta ng ating mga anak.

Kung kaya, bilang Kristianong magulang, paano mo ba nakikita ang ginagawa ng Diyos sa buhay ng iyong mga anak?  Maaga pa, nakita na ni Zacharias ang malaking gagawin ng Diyos kay Juan Bautista.

Bilang magulang, hindi natin hawak ang bukas ng ating mga anak. Ngunit  tayo ang huhubog at maghahanda sa ating anak para sa kanyang kinabukasan.  Paano natin ito gagawin?

a. Let us declare positive things to our children.  

Sa halip na pabaunan sila ng mga salitang sisira ng kanilang kalooban, at pagkatao, bakit hindi natin bigyan ng inspirasyon ang ating mga anak?

Pinangalanan ni Zacharias ang anak niya bilang John, ang ibig sabihin, “God is gracious”.  Na para bang sinasabi niya, “Ang anak ko ay biyaya ng Diyos.” o “Anak, regalo ka ng Diyos sa ating pamilya.” “Mapalad kami na ikaw ay naging anak namin.”

b. Let us be an example for them.

2.  Pangalawa, may tungkulin tayong gabayan ang ating mga anak upang matamo nila ang plano ng Diyos. Ipinagkaloob ng Diyos ang ating mga anak upang maging mabuting bukas para sa kinabukasan ng ating sambahayan. 

__________________  

Sermon 7: 

Pagbalik Tanaw sa Ating Minanang Pananampalataya

Mateo 1:1-17

Napag-aralan na ba ninyo ang inyong family background?
Kung sino ang inyong mga ninuno sa pamilya?
Kung paano kayo naging Metodista?  Dahil sa lolo at lola ninyo?

Sa tahanan man o sa iglesia, mayroong nauna sa atin na nag-iwan ng mga pamana, lalo sa pananampalataya.  May mga magulang tayo na nagtayo ng ating iglesia, at ngayon tayo ang umaani ng kanilang mga sakripisyo at pagpapagal.

Sa ating pagsamba ngayon, subukan nating alalahanin ang mga ninuno ng ating pananampalataya.
Pauna ko lang po, ang ating mga ninuno sa iglesia ay hindi mga perfectong tao.  Sa kanilang pagiging karaniwan, sila ay nagpagamit sa Diyos.

Sa talaan ng mga ninuno ni Jesus may makikita tayong listahan ng mga babae,  apat na babae na naging lola ng Panginoon.

Ang bawat tao ay hindi maaring pumili ng kanyang magulang, bago tayo ipinanganak. Tanging ang Panginoong Jesus lamang ang ipinanganak na maaring pumili ng pamilyang kanyang kabibilangan. Hindi tayo ang maaring pumili ng ating pamilya.

1. Ang Halimbawa ni Tamar

Ang unang lola ni Jesus ayon sa talaan ay si  Lola Tamar, na ina ni Fares at Zara, at ang ama nila ay si Judah. Si Tamar ay manugang ni Judah. Nagka-anak ang biyenan sa manugang.

May mga sekreto minsan sa mga pamilya na nais sanang pagtakpan na lamang at kalimutan. Ngunit ang talaan sa Mateo 1 ay ang mismong naglantad ng ganitong katotohanan tungkol sa salinlahi ng Panginoon.  Sa kwentong ito, inaanyayahan ko kayo na tignan ang kwentong ito ng pananampalataya.

a. Pinaglaban ni Tamar ang kanyang karapatan bilang bahagi ng pamilya.

Kahit sa iglesia, may mga pangyayari na masalimuot, tulad ng pagtatanggol ng mga miembro ng kanilang karapatan bilang bahagi ng pamilya ng Diyos. Mapapanatili natin ang tatag ng pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatanggol at paglingap lalo sa mga balo.

b. Bigyang pansin ang mga mahihirap.

Sa kwento ng Lumang Tipan, si Tamar ay pinabayaan ng kanyang biyenan.  Ang babaeng balo at nag-iisa sa panahon na iyon ay napakahirap.

Siya ay itinapon ng kanyang biyenan.  Siya ay pinabayaan.

Mga kapatid sa Panginoon, may paalala ng Biblia sa atin: huwag nating pababayaan ang mga mahihirap sa iglesia, lalo ang mga balo.

2. Halimbawa ni Rahab.

Si Lola Rahab ang susunod na binanggit. Si Rahab ay isang dating prostitute. May isang pastor na bumisita sa isang pamilya na hindi nagsisimba. Wika ng nanay ng pamilya, "Pastor, hindi po kami nagsisimba. Baka po kasi masunog kami kung kami ay papasok sa simbahan."
"Bakit naman po?", tanong ng pastor.
"Pastor, pang gabi po kami sa trabaho."
"Dancer po ang aking anak, at ako naman po ay nag-papa table."

Nang marinig ito ng pastor, ibinahagi niya ang pagmamahal ng Diyos sa mag-ina. Tumanggap ang pamilya sa Panginoon, at mula noon sila ay naging dancers  na at singers sa iglesia ng Panginoon.

Si Rahab ay dating masamang babae. Siya ay lola ni Jesus.

Sa loob ng pamilya ng Diyos, may mga "dating" makasalanan.  Sa totoo lang, lalo tayo ay "dating" makasalanan.  Lahat tayo ay may pangit na nakalipas.

a. Sa iglesia, ang mga Rahab ay naghahanap ng pagtanggap.
b. Humihingi sila ng pagpapatawad ng Diyos, at humingi rin sila ng ating pagpapatawad.
c. Huwag natin silang ilulugmok sa kanilang pangit na nakalipas.
d, Huwag natin silang hahatulan, dahil pinatawad na sila ng Diyos.

Dahil totoo ang pagliligtas ng Diyos, tungkulin natin ang tulungan silang magsisi, magbago at makaranas ng ganap na pagliligtas ng Diyos mula sa kasalanan.


3. Ang Kwento ni Ruth

Si Ruth na nanay ni Jesse, na ama ni Haring David ay naging asawa ni Boaz, dahil isang gabi, ayon sa payo ni Naomi, natulog si Ruth sa tulugan ni Boaz, upang magustuhan siya ng lalaki.  Palay na lumapit sa manok. At tinuka naman ng manok ang palay.

Masasabi ko na nakakatawa ang istoryang ito.

It is a very good love story.

Our church is full of people who fell in love.  Kahit na yung mga ninuno natin sa iglesia.

Mga dating UMYF na nagkita sa Christmas Institute, pag-uwi ng December 30, NAGTANAN!!
Yung lalaki ngayo ay pastor, at yung babae ay deaconesa. O say mo? Ah ahahah!

Yung mga kalalakihan dito na noong UMYAF days, lagi sa prayer meeting.  Yun pala, yung crush niya nandoon, kaya ayaw niyang mag-absent sa choir, sa fellowship, sa worship.  Hindi pala nakikinig kay pastor, sa crush pala nakikipag kwento! Ayun, lima na ang mga anak at pito na ang apo.

It is a simple story of falling in love, under God's direction, Ruth and Boaz became the ancestors of David, of the great Kings and even the King of Kings.

4. Ang Kwento ni Bathsheba.

At siyempre, nabanggit din ang ina ni Solomon, si Bathsheba na (dating asawa ni Urias). Si David ay naakit kay Bathsheba habang ang babae ay naliligo. Pinatawag siya ng hari at sinipingan. Nagka-anak sila sa pagkakasala. Pinapatay ni David si Urias na asawa ng babae upang lubusan niyang maangkin si Bathsheba.

Maaring sasabihin ninyo, "Sana binura na lang ang istoryang ito sa Bible."
Teka sandali mga kapatid...

God's grace is bigger than our sins. This story is a story of how good God is to people who failed to be good. Maraming tao ang mapang-usga, pero ang Diyos, siya ay maawain sa mga nagkasala. 

Conclusion:

Pero bakit sila ang pinili ng Panginoon upang maging lola niya sa pagkakatawang tao?

Si Jesus ay ipinanganak sa isang angkan ng mga tao. At dahil sa pagdating ng Panginoon sa sambahayan ng mga makasalanan, napatunayan na siya nga ang Tagapagligtas ng mga makasalanan.

Ang tanging makapagliligtas sa kasalanan ng tao ay si Jesus. Wika niya, "Dumating ako para sa mga makasalanan at hindi para sa mga matuwid." Maraming kasalanan ang nagaganap ngayon lalo sa loob ng pamilya.  Dapat sana, ang pamilya ay maging lugar ng kapayapaan. Subalit sa loob pa ng pamilya nangyayari ang maraming kalupitan gawa ng kasalanan.

Ngayong pasko, maraming pamilya ang may reunions.  Maraming pamilya ang nangangailangan ng pagpapatawad ng Diyos. Maraming pamilya ang  nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos.

At kahit na sa loob ng iglesia, nagliligtas pa rin at nagpapatawad ang Diyos.

Alalahanin natin ang mga ninuno ng ating pananampalataya.  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga lolo at lola na nagpamana ng kanilang karanasan at pananampalataya sa Diyos.

_________________________________  

Sermon 8: Parangal sa mga Matatandang Kalalakihan
Lucas 2: 25-33

Mayroong isang matanda sa Iglesia sa Sunrise UMC, na kamakailan lang pumanaw. Siya si Apung Mading Manasala.  Tuwing pupunta kami doon, maaga pa ay naghihintay na siya sa daungan ng bangka.

Siya yung sumasalubong sa amin sa sakayan ng bangka.   Matanda na siya.  Sa offering, siya yung pinaka huli, dahil mahina na siyang lumakad. Pero hindi magiging kumpleto ang paghahandog, kung hindi pa siya tapos. Hihintayin at hihintayin namin siyang makapag kaloob.

Noong nakaraang Linggo, inilibing si Apung Mading.
Nasa Panginoon sa siya noon pa mang buhay siya. Lubusan na siyang bumalik sa Diyos ngayon.

May mga matatandang lalaki sa loob ng church,ma dapat nating pangalagaan.  Sila ay inilagay ng Diyos sa iglesia, mula noong kabataan sila hanggang ngayon, upang pamarisan natin sila.

Today, let us bless this men of God.

May ilang katangian si Matandang Simeon; ayon sa verse 25,

v25Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito’y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.

Isa-isahin natin ang mga ito;

1. Siya ay matuwid.

Namumuhay siya na may kabanalan. Kailangan natin ang ganitong matatanda sa iglesia at sa lipunan.  Kung mayroong mapalad na pamilya, sila yung may lolo na matuwid ang pamumuhay.

Minsan ko nang narinig ang kwento tungkol sa tinig ng isang lolo sa kanyang 90th birthday, “Mga anak ko, mga apo, ni minsan hindi ako nagdala sa loob ng ating tahanan ng bagay na ninakaw.  Ingatan ninyo ang maganda nating apelido. Tayo ay pamilyang Metodista, tayo ay Kristiano.”

Namuhay na isang modelo ng pananalataya ang matandang ito para sa sumunod na henerasyon ng kanyang pamilya.

2. Siya ay masipag sa kabanalan. 

Maraming kalalakihan ang ayaw magsimba ayon sa pag-aaral.  Mas gusto nila ang manood ng boxing.  Mas gusto nilang maglibang.  Kaunti ang mga nagsisimbang kalalakihan. Kay ng aang tawag sa UMM ay "Natodas MEN".  Marami na ang umalis sa pananampalataya sa mga kalalakihan.

Pero hindi si Simeon.

Hanggang sa kanyang pagtanda, nanatili siya na naglilingkod at sumasamba sa Panginoon.

3. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 

Ito yung pinaka sa mga katangian ni Matandang Simeon.

Ayon sa Roma 8:16, "Ang mga pinananahanan ng Espitu Santo ay mga anak ng Diyos."

Ang Espiritu Santo ang tatak ng ating kaligtasan (Efeso 4:30).

Ano nga ba ang halaga ng mataas na pinag-aralan sa ministeryo man o sa secular school, kung ang isang tao ay hindi pinananahanan ng Banal na Espiritu?  Pastor na magaling ngunit wala sa kanya ang Espiritu ng Diyos?

Si Lolo Simeon ay napaka-ordinaryo, pero extra ordinaryo - dahil nasa kanya ang Diyos.

Eto yung dapat nating asamin.  Mawala na ang lahat, huwag lang sana tayong iiwan ng Espiritu ng Diyos.

5. At panghuli, siya ay nanatiling naghihintay sa pagliligtas ng Diyos. 

Kaya sa pagdating ng Panginoong Jesus, nalubos ang kagalakan ni Simeon. Siya ay handa sa pagdating ng Messias.

May mga matatanda sa iglesia na malapit na...malapit na silang mag celebrate ng 80th birthday.
Hindi ko sinabing malapit na silang mamatay ah!   Sabi ko malapit na silang maging senior citizen, kayo naman.

Pero si Simeon, tinanggap na niya yung kaligtasan na dala ni Cristo.

Sabi ni Pablo, " Sa mamatay man o mabuhay, kay Cristo ako."

Ganito si Simeon mga kapatid.

Sa Paskong ito, parangalan natin sila.


__________________________  

Sermon 9: 

(Simbang Gabi: Dec. 24) Anna: Pagpapala sa Mga Matatandang Kababaihan ng Iglesia

Lucas 2:36-38

v36Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala'y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, v37nang siya'y mabalo. At ngayon, walumpu't apat na taon na siya.a Lagi siya sa templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. v38Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Jesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem. 

Paano kaya ang iglesiang ito kung wala si Manang___________, si nanay ________________. Mga kababaihan na naglilinis ng iglesia, naglalaba ng damit ni pastor, nagluluto tuwing may fellowship?

Kababaihan na tumutugtog sa organo. etc...

Hindi magiging kumpleto ang iglesia, kung wala sila.

Ang kwento ng pasko ay hindi magiging kumpleto kung hindi babanggitin si Ana. Ang matandang propetang babae sa templo.

1. Siya'y napaka tanda na. 

Kung siya ay nakapag-asawa ng 14 years old, at nakasama ng kanyang yumaong asawa ng 7 years, at balo siya ng 84 na taon - siya ay edad na 105 ng makita niya ang Panginoong Jesus sa templo. 

Maraming iglesia ang pinagpala dahil sa mga magulang na nananatili sa iglesia.  Hanggat kaya nilang makalakad, kakayanin nilang magsimba. 

Ito po ay katapatan sa Diyos na dapat nating tularan.

Maraming Kristiano ay mainit na ngsisimula sa pananampalataya ngunit hindi sila nanatili.  Aklat na "Finishing Well"  "maraming tao ang marunong magsimula, ngunit bigo sa pagtatapos".

Sa karanasan ni Anna, kung kailan siya tumanda, sa kanyan gtapat na pananatili sa templo, nakatagpo niya ang Panginoong Jesus.   

2. Si Anna ay namuhay na may kabanalan. 

Ayon sa Luke 2:37, “She never left the temple but worshiped night and day, fasting and praying.”

Matanda na siya, ngunit nanatili siyang tapat sa Panginoon habang nabubuhay.  May nagsasabi na ang mga matatanda ay mga taong lipas na.

May isang matanda na ayaw bumitaw sa kanyang bisyo.   Binabawalan siya ng kanyang pamilya.  Ngunit sagt niya, “Itong bisyong ito ang tangi kong kasiyahan.”

Ngunit kakaiba ang mga katulad ni Anna, matanda na sila ngunit hindi pa tapos ang Diyos sa kanilang buhay. Patuloy silang ginagamit ng Diyos sa kanilang katandaan. Hindi sila bumibitaw sa Panginoon.  Sabi sa 2 Tim. 2:12, "If a man cleanses himself he will be a vessel of honor, made holy, useful to the master and prepared for every good work." 

3.  Si Anna ay namuhay na mapagpasalamat sa Diyos. 

Ayon sa v.38, “Coming up to them at that very moment, she gave thanks to God and spoke about the child to all who were looking forward to the redemption of Jerusalem.”

Nakatagpo niya ang Tagapagligtas. Nakita niya ang pagliligtas ng Diyos.  At ito ay kanyang ibinahagi sa iba.

Ang buhay ni Anna ay buhay ng isang taong may fulfillment.  Hindi nabigo ang Diyos sa kanyang buhay. 

Conclusion:

Si Anna ay isang halimbawa ng buhay Kristiano, na bagamat matanda na, ay namuhay ng matagumpay sa kanyang pananampalataya.

Mayroong mga matatanda ngayon sa iglesia na dapat nating parangalan at ipanalangin.  Mga matatandang babae sa pamilya, na dapat bisitahin ngayong pasko.

Tawagin natin sila at idalangin.


____________________________  

Sermon 10: 

(Christmas Sermon 2016) The Difference Made By The Baby Jesus

Lucas 2:8-20

How Christ makes difference?

1. His birth glorified God in the highest - that is "God is glorified in the highest possible manner".  Ito ang unang epekto kapanganakan ni Cristo. Naitaas ang Diyos sa kaitaasan.  Ang kadakilaan ng Diyos ay naramdaman ng lahat ng Kanyang nilikha.

Mapapansin na ang mga angel ay nagsi-awitan.  Ang buong langit ay nagdiriwang! Naramdaman ang kapangyarihan ng Diyos sa buong kalangitan.

Ang pinakamalakas na earthquake sa dekadang ito ay naganap noong March 11, 2011 sa Japan.   Ito ay lumikha ng tsunami na gumiba ng napakaraming bahay at mga lungsod. Naramdaman ito sa buong bansa.

2.  His birth changed the lives of the shepherds.

a. Ang mga pastol ay tinuturing na mababa dahil sa kanilang kahirapan sa buhay.   Karaniwang tinitignan ng mababa ang mga mahihirap.

May isang kabataan sa church ang nag-aaral ngayon sa isang mamahaling paaralan. Kwento niya, hindi siya masaya sa paaralang iyon.  Maarte wika niya ang mga nag-aaral,  Hindi niya nararanasan ang tunay na pakikipagkaibigan sa mga kaklase niya, dahil mayayaman ang mga ito.

b. Ang  mga pastol ay mga taong hindi masyadong pansin sa Israel noon, dahil sila yung hindi gaanong nakakatupad sa mga batas pangrelihiyon ng mga Judio.  Sila ay tinuturing na "religious outcast", dahil hindi sila nakapagbibigay ng ikapu, o hindi sila nakakasamba ng regular, at ibapa (ayon kay Barclay).

Sa tagpong ito ng Pasko, ang mensahe ng kapanganakan ng Panginoon ay unang narinig ng mga pastol.

Ang mensahe ay nagsasaad ng ganito - "Peace on earth and good will to all people."   "Kapayapaan sa lupa at kasaganaan sa lahat ng tao."

 Ang pakay ng Diyos sa Pasko ay para sa ikabubuti ng buhay ng lahat ng tao, lalo ang mga mahihirap.  Kung mangyayari ito, magaganap ang layunin ng Diyos.  Kung kaya sabi ng awitin ng mga angel, "Ang kapanganakan ni Jesus ya magbubunga ng kagalakan sa LAHAT ng tao!

3. His birth changed the life of a family.

Joseph and Mary were never been the same when Jesus was born.

Any family where Jesus is will change.

Problematic families, if Jesus will be welcomed in your home, your family will surely change. Try to let Jesus in, and you will see.

Lives will be changed.
The world will be changed.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...