Sabado, Pebrero 13, 2016

Lectionary Sunday School: Feb 14, 2016 (Roma 10:8-13)

Simpleng Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Roma 10:8-13

May isang pastor na nagsasalita ng biglang nagtaas ng kamay ang isang miembro at nagtanong sa pastor, “Paano po ako mananalangin?” At sabi ng pastor, “Kausapin mo lang ang Diyos at sabihin mo sa kanya ng kailangan mo.”

Sa matagal ng panahon, naniniwala ang marami na komplikado ang maging Kristiano, naniniwala sila na mahirap unawain ang Biblia at akala nila mahirap  ang manalangin. Kaya marami rin ang nag-iisip na mahirap para sa isang tao ang maligtas.  Subalit hindi nila alam na napaka-simple ng kaligtasan.

Ang Pandaraya ng Diablo

Ang lahat ng ito ay gawa ng kaaway.  Pinaniwala niya ang marami na mahirap magpaka-Kristiano, samantalang napakadali nito. Nagiging madali ang magpaka-Kristiano hindi dahil sa kakayanan ng tao, kundi sa tulong ng Diyos. Ayon sa Juan 14: 26, ang mga Kristiano  ay gagabayan ng Espiritu ng Diyos,

“Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Ang Pinakasimpleng Paglalahad ng Kaligtasan

Ang pagbabahagi ng Mabuting Balita ay isa pang simpleng bagay na magagawa ng lahat ng Kristiano. Gayunman, napaniwala rin ang marami na ito ay mahirap. Kung kaya, maraming Kristnao ang hindi nagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa iba.

Ang ating aralin ngayon ay tungkol sa simpleng pagbabahagi ng Mabuting Balita sa iba.

1. Magkaroon ng Pagnanais na Maligtas

Gusto mo nga bang maligtas?  Handa ka bang gawin ang lahat, upang tanggapin ang alok ng Diyos? Ang kailangan mong gawin ay taos-pusong paglapit sa Panginoon.  Magtiwala ka na hindi ka niya itataboy sa kanyang harapan.

Ayon sa v. 12 ng ating aralin,  “Kaya't  walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa  ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.”

Ang Diyos ay walang pinipili.  Ang totoo, nais maligtas ng Diyos ang lahat ng tao ayon sa 1 Timoteo 2:4,

“Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.”

Maging si John Wesley noong una ay nag-akala na mahirap ang maligtas. Wika niya, “Tinulungan kong maligtas ang iba, ngunit paano ako maliligtas?”  Inakala niya, na para siya maligtas, kailangan muna siyang maging perfecto.  Ngunit noong May 24, 1738, siya ay nanalig sa Panginoong Jesus at naligtas.  Mula noon, ipinahayag niya ang Ebanghelyo, at ang sabi niya, “I want to share a plain truth to plain people.”

Malinaw kung gayon na ang kaligtasan ay para sa lahat. Bukas ang puso ng Diyos upang tanggapin niya ang sinumang nagnanais maligtas.  Ang kailangan lamang ay lumapit sa Kanya at hilingin ang ganap na pagpapatawad ng Diyos.

2.  Sumampalataya Kay Jesus ng Buong Puso

Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay higit sa paniniwala na may Diyos.  Si Satanas ay naniniwala na may Diyos ngunit hindi siya sumasampalataya. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya naligtas.

Paano ang Pagsampalataya?

Ito ay buong pusong pananalig na si Jesu-Kristo ay namatay at muling binuhay para sa kaligtasan ng mga makasalanan. Ibig sabihin, ang kaligtasan ay wala sa gawa ng tao kundi sa pananampalataya sa ginawa ni Kristo sa krus. Ang kaligtasan ay ginawa ng Diyos para sa atin, at ang kailangan lamang nating gawin ay tanggapin ito, at paniwalaan na bayad na ang ating mga kasalanan.

May kwento tungkol sa isang tao na may maraming utang. Hindi na niya mabayaran ang kanyang inutang ng biglang dumating ang kanyang kaibigan at binayaran nito ang buong halaga.  Halos hindi makapaniwala ang umutang ng pera, at nais pa niyang bayaran ang kanyang kaibigan kapag siya ay nagkapera.  Subalit sabi ng kaibigang nagbayad, “Maniwala ka lamang na bayad na ang utang mo, at manatili kang kaibigan ko.”

Manalig ka lamang sa ginawa na ng Diyos, dahil bayad na  ang kasalanan natin.

3. Ipahayag Mo sa Iba ang Iyong Pagsampalataya

Ang isa pang simpleng hakbang para maligtas ay ang pangungumpisal sa pamamagitan ng salita.  Ang pagtanggap sa Panginoong Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ay dapat ipahayag sa maraming tao at hindi ito dapat ikahiya.  Dahil wika ng Panginoon, sa Mateo 10:32-33,  “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang sinumang ikahiya ako sa harap ng mga tao ay ipapahiya ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit."

Sabi rin ng 1 Tim. 6:12,

“Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo.“  

Tatlong simpleng hakbang para maligtas, parang ABC lang sabi nga ng iba, A-ask, B- believe, C-Confess.

Ask and Accept o Hilingin sa Diyos ang kanyang pagpapatawad at pagliligtas, at angkinin ito na may pananampalataya

Believe - manamaplataya ka ng buong puso

Confess - ipahayag mo sa buong iglesia na sumamapalataya ka na at nakahanda ng tanggapin ang isang bagong buhay na mula sa Diyos.










Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...