Biyernes, Pebrero 5, 2016

Lectionary Bible Study 2 Cor. 3;12-4:2

Ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Ating Mga Kristiano
Batayan:  2Cor. 3:12- 4:2

Memory Verse: 2 Cor. 3:18

Ang pagiging tunay na Kristiano ay pag-alis sa dilim  ng kasalanan tungo sa liwanag ng Diyos. Ang pagbabagong buhay na ito ay mahalaga upang maabot natin ang kalooban ng Diyos na maging kawangis tayo ni Cristo sa kanyang kabanalan.  Ang pag-unlad na ito sa buhay maka-diyos ay pag-unlad sa kaluwalhatiang nasa atin mula sa Diyos.

Ang kaluwalhatiang ito ay nakukuha sa ating patuloy na pakikipag-tagpo sa Diyos.  Sa ating patuloy na pamumuhay sa presensya ng Diyos, ang liwanag ng Panginoon ay nagliliwanag sa ating buhay.

Ganyan din ang karanasan ni Moises, kung kaya nagtatalukbong siya ng belo sa harapan ng mga tao, dahil nagliliwanag ang kanyang mukha matapos makitagpo sa Diyos.  At ganyan din ang karanasan natin, tuwing nakikitagpo tayo sa Panginoon, pinaliliwanag ng Diyos ang ating buhay maging sa harapan ng ibang tao.

Ang Sinisimbulo ng Talukbong
Ang talukbong ay nagtatago ng mukha ng isang tao.  Tinatakpan nito ang isang tao upang hindi siya makilala at hindi makita ang nangyayari sa kanyang buhay.

Bilang isang Kristiano na binago na ni Cristo, ang ating bagong buhay ay dapat maging lantad na patotoo sa iba.  Dapat makita ang liwanang ng Diyos sa atin.

1. ang talukbong ay maaring magsimbulo sa takot na magpatotoo.  May mga Kristianong takot magpatotoo para sa Panginoon at nananahimik.

2.  ang talukbong ay maaring magsimbulo sa mga patuloy na kasalanan na ayaw nating alisin sa ating buhay. Mga alitan  marahil o mga kasalanan ng bisyo  na sumisira sa ating patotoo.

3.  ang talukbong ay maaring magsimbulo sa mga batas o patakaran ng relihiyon na humahadlang sa ating paglagong espiritual.  Umu-unlad ang ating buhay espiritual sa biyaya ng Diyos at sa ating pagsunod sa Diyos.  Ang mga batas na gawa lamang ng tao para sa relihiyon ay wala ng saysay. Halimbawa sa mga batas naito ay: “Hindi ka maaring mangaral kung hindi ka pa pastor.” “Hindi maaring maging pastor ang babae. Kasalanan ang kumain ng karne tuwing Holy Week.”

Ang Ating Kalayaan
Ayon sa verse17 ng ating aralin, “Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan.”

Ang bawat Kristiano ay malaya na sa kanyang nakalipas, sa mga kasalanang nagawa niya, o sa mga kahinaan na hindi niya dating napagtatagumpayan.

1.  Ang tunay na Kristiano ay wala ng itinatago.

Bukas ang ating buhay dahil nakikita sa atin ang mga pagkilos ng Diyos. Hindi tayo takot dahil tanging ang Diyos ang nakikita sa atin. Ayons a Galacia 2:20,
“Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.”

2. Ang tunay na Kristiano ay malayang gumagawa ng mabuti. Ayon sa 1 Pedro 3:14,
 “At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila.”

Dahil hindi natin ikinahihiya ang ginagawa ng Diyos sa ating buhay, nawawala ngayon ang ating takot sa  maaring sabihin ng mga tao sa atin. Hindi na tayo inuusig ng ating sariling budhi o ng diabloman.  Pinalaya na tayo ng Diyos.

Ang Ating Paglagong Kristiano
Ang isang tunay na Kristiano ay nagtataglay ng lauwalhatian (glory) ng Diyos. Ang antas ng kabanalang ito ay lumalago.  Patuloy tayong binabago ng Espiritu ng Diyos na nasa atin hanggang lubusan na tayong maging katulad ni Cristo.

“At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.”

Tanong sa Talakayan:

1. Bakit may mga Kristianong takot magpatotoo sa iba tungkol sa ginagawa ng Diyos sa kanilang buhay?
2. Sa paanong paraan tayo naging malaya sa ating mga kasalanan sa nakaraan dahil kay Cristo Jesus?
3. Ano ang mga talukbong na maaring tumatakip sa patotoo ng ating iglesia? Paano aalisin ito?







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...