Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Lectionary Sunday School - Pamumuhay sa Liwanag ng Diyos (Romans 13:11-14) Nov. 27, 2016



11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. 14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.

Gising Na!

Mayroon akong isang birong kwento.

Mayroong isang nanay na makulit na ginigising ang kanyang anak para magsimba. Ngunit nagtutulog-tulugan ang anak at ayaw tumayo. Lalong nangulit ang nanay, "Anak! Gising na! Umaga na at Linggo ngayon, magsimba ka!"

Sagot ng anak, "Ayokong magsimba 'nay!"

Lalong nagputak ang nanay, "Anak! Gumising ka. Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa iyo kung bakit kailangan kang magsimba?
Una, matanda ka na! FORTY YEARS OLD KA NA!
Pangalawa, IKAW ANG PASTOR NG KAPILYA!
GUMISING KA! PASTOR!"

Ang paggising na kinakailangan ngayon ay hindi lamang sa mga pastor, ito ay para sa lahat. Kailangan nating aminin na matagal na pagtulog ang ating ginawa bilang iglesia at bilang isang bansa. Ang pagtulog na tinutukoy ng Apostol Pablo ay tungkol sa kawalan ng pag-ibig sa kapwa (v. 8-10). At ang nagiging bunga ng kawalan ng pag-ibig ay pagsuway sa mga utos ng Diyos.

At kapag tayong mga Kristiano mismo ang sumusuway sa mga utos ng Diyos, ang ating liwanag ay natatakpan. Tuwing nangingibabaw ang kasalanan sa buhay ng mga mananampalataya, ang patotoo ng iglesia ay napupulaan. Dahil dito, nasisira ang impluensya ng iglesia upang mabago ang lipunan.

Gising! Tulog na Iglesia.

Maraming iglesia ang tulog dahil maimbing silang nakakulong sa loob ng apat na sulok ng simbahan. At dahil wala ng magawa ang mga nasa loob nito, ang mga miembro ay nag-aaaway away, habang ang pastor ay napipilitang magkamot na lang ng likod ng mga miembro, para hindi naman sila magtampo, at hindi rin siya paalisin sa destino. Walang gawain ng misyon, walang naitatatag na bagong iglesia, walang bagong miembro - at ang lahat ay nagsisisihan sa loob ng simbahan.

Maraming ginaganap na meetings - pero walang ministeryo ng ebanghelismo at paghayo sa labas ng simbahan.
Maraming pera ang hanap sa simbahan, ngunit ang kaligtasang espiritual ng mga tao ay nakakaligtaan.

Ito ay ang larawan ng isang simbahang tulog. Wala ng misyon, wala naring ambisyon na palaganapin ang kaharian ng Diyos sa mundo.

Kailangan na ang paggising dahil "panahon na" wika ng apostol sa ating aralin. At aralin natin kung bakit.

1. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon (v.11).

Sinasabi ng apsotol na kailangan nating unawain ang takbo ng panahon, dahil ang araw ng pagliligtas ay malapit na.

Pagkatapos nating tanggapin ang personal na kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus, hindi makakabuti kung mananatili tayo sa dating antas ng ating pagka-kristiano at walang paglago sa ating buhay espiritual. Sa Hebreo 6:1, sinasbi rin ang ganito,

"Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na."
Sa mga pagsulong ng mga panahon, kailangan natin ang pag-unlad sa pananampalataya dahil palapit na ang araw ng Panginoon.

2. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. (v. 12).

Ang bukang liwayway ay tanda ng pagdating ng paghahari ng Diyos. Isang masamang panaginip kung mapag-iiwanan ang iglesia sa pagkilos ng Diyos. Nakakatakot isipin, na habang nagliligtas ang Panginoon, ay may mga Kristiano pa rin na nakakapit sa kasalanan sa halip na gumagawa ng kabutihan. Ang tunay na pakikilahok sa iglesia ng Diyos ay may dalawang mahalagang sangkap;

a. Intentional at aktibong paglayo sa lahat ng masasamang gawain.

Kahit ang Biblia ay nagsasabing dapat sawayin (resist) ang Diablo. Ang bawat Kristiano ay dapat maging aktibo sa pakikibaka sa kasalanan. Ang kasalanan ay hindi aalisin kung iiwasan lamang, ito ay kailangang labanan.

b. Italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.

Ang talatang ito ay malinaw na tuntunin tulad ng payo ni John Wesley para sa mga Metodistang Kristiano. Hind papasa ang mga Krstianong walang aktibong pakikilahok sa gawain ng Diyos.
3. Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan (v. 13).

Ang sanlibutang ay nagsasabi na ang tagumpay ay nakakamit kapag malaya mo ng nagagawa ang lahat ng gusto mo. Ngunit ang Kristianong tagumpay ay kapag nagagawa na natin ang kalooban ng Diyos. Ang batayan ng ating tagumpay para sa Diyos ay nakasalalay sa ating paggamit ng ating buhay at lakas. Kung ginugugol natin ang ating oras sa mga "magulong pagsasaya, paglalasing, kalaswaan at kahalayan, alitan at inggitan" nangangahulugan lamang na hindi tayo aktibong namumuhay sa liwanag, kundi aktibong namumuhay sa kadiliman.

4. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman (v.14).

Ang pamumuhay sa liwanang ng Diyos ay nagpapatunay kung sino ang naghahari sa ating buhay. May dalawang maaring pagpilian kung sino ang ating susundin;

a. Susundin ba natin ang hilig ng ating laman?

Ito ay ang maluwang na daan ng buhay. Madali ang mamuhay sa tukso - ngunit ang kasunod nito ay pagdurusa. Masarap din ang mamuhay sa kasalanan - ngunit ang dulo nito ay parusang walang katapusan. Ayon sa Roma 8:7-8,

"Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos."

b. Magpapasakop ba tayo sa paghahari ng ating Panginoong Jesus?

Ito ang tamang pasya para sa mga nagnanais gumising sa katotohanan. Kailangan natin piliin ang Diyos at magsakop sa kanyang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus. Maging si Apostol Santiago ay malinaw na nagsabi (4:7-10)

" Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo."

Sabado, Nobyembre 19, 2016

Pagkilala sa Panginoong Jesus (Colossians 1:11-20) Sunday School - Nov. 20, 2016

Pagkilala sa Panginoong Jesus
Colossians 1:11-20

May kwento tungkol sa isang food distribution center sa mga nasalanta ng bagyo, habang nakapila ang marami upang humingi ng pagkain.

     Isang mama ang nasa huli ng pila. Malapit ng maubos ang relief goods. Alam ng lalaking ito na kailangan pa rin niyang pumila, dahil tatlong araw ng hindi kumakain ang kanyang pamilya. Nanatili pa rin siya sa pila, kahit nakikita niyang paubos na ang pinamimigay na relief goods.

    Hanggang nakarating sa isang binatang nasa harapan niya ang huling bag ng groceries. Ibig sabihin, wala siyang makukuhang pagkain para sa kanyang pamilya. Nanlumo ang lalaki sa sobrang lungkot. Nasa isa pang bayan kasi ang susunod na relief distribution center. Kailangan pa siyang maglakad ng limang kilometro para makarating sa pilahan doon.

     Ngunit, bigla - ibinigay ng binatang nauna ang kanyang stab sa lalaki. Nakipalit siya ng lugar sa mama sa kanyang likuran. Halos hindi makapaniwala ang lalaki sa ginawa ng binata. Inuna ng binata ang kanyang kapwa. Mas mahalaga para sa kanya ang kaligtasan ng iba, bago ang sarili.
Ganyan din ang ginawa ng Panginoong Jesus. Nakipalit siya ng lugar sa atin, upang tayo ay maligtas.

Ang Suliranin sa Colosas

Karaniwan sa mga sulat ni Pablo, tumutugon siya upang sagutin ang mga maling turo sa mga iglesia. Sa Colosas, may nagtuturo na ang Panginoong Jesus daw ay isa lamang sa mga pagpapakilala ng Diyos. Para sa kanila, marami ang kapahayagan (emanations) ng Diyos, at iba-iba ang pagpapakilala ng Diyos. Para sa kanila, marami o iba-iba ang daan patungo sa Diyos. Para kay Pablo, iisa lamang ang pagpapakilala ng Diyos - walang iba kundi ang Panginoong Jesus.

Sino Nga Ba si Jesus?

1. Siya ang ating Tagapagligtas at inilipat niya tayo (v. 13). Ang larawan dito ay isang mandirigma na nagligtas ng kanyang nasasakupan mula sa mga sumakop at inilipat ang mga bihag mula sa pagka-alipin pabalik sa kanilang bansa.

2. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. (v.15)
Isang katotohanan na malinaw sa Biblia ay ang pagka-diyos ni Cristo. Sinasabi ng iba na si Jesus daw ay "larawan lamang ng Diyos" at hindi siya ng Diyos mismo, ngunit pagdating sa verse 19, sinasabi po ang ganito, "Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak."
Sa Hebreo 1:8, tinawag na "Diyos" ng Ama ang Panginoong Jesus. Ayon sa Filipos 2:6, siya ay likas at tunay na Diyos. Ang Panginoong Jesus at ang Ama ay iisa (Juan 10:30).

3. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha.
Ang pagiging "panganay" ay tumutukoy sa kanyang kapangyarihan at importansya. Ito ay tungkol sa kanyang "supremacy". At dahil nauna siya sa lahat ng nilikha, hindi siya kabilang sa mga nilikha ng Diyos, ibig sabihin, siya mismo ang Diyos. Sa simula pa, naroon na si Jesus bilang Salita (Jn. 1:1).

4. Siya ang Lumikha. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya.

5. Siya ang Lumikha at nagpapanatili sa kaayusan ng lahat. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya.

6. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan.

Pinili ng Diyos na magsimula ulit ang pananampalataya sa kanya sa pamamagitan ng pagdating ng Panginoong Jesus dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay nagkatawang tao upang ang sinumang mananalig sa kanya ay maliligtas.

Ang lupon ng mga mananalig ay nagkakatipon bilang iglesia. Ngunit ang pinuno ng iglesia ay hindi tao, kundi si Cristo mismo. Ito ang dahilan kung bakit wala tayong "pope" bilang evangelical Christians, ang tungkuling ito ay sa Panginoong Jesus mismo at hidni ito dapat ibinibigay sa tao, bilang ulo ng iglesia.

Isa pa, tayong lahat na sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay bahagi gn iglesia. Walang denominasyon o sekta na dapat mag-angkin na sila lamang ang maliligtas. Tayong lahat ay bahagi lamang ng katawan ni Cristo Jesus na siyang ulo.

7. Siya ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat.
Sa plano ng Diyos na buhaying muli ang mga patay, ang katibayan ang muling pagkabuhay ng Panginoon mismo. Ipinapakita na ang Diyos ay hindi maaring hawakan ng kamatayan. Ang Diyos ang ma hawak sa kamatayan. At ang sinumang sasampalataya sa Panginoon ay magwawagi sa kamatayan.

8. Siya lamang ang daan upang makipagkasundo tayo sa Ama.
At sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus.(v. 20).

Para kay Pablo, wala ng iba pang kapahayagan ang Diyos kundi sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Malinaw din ito sa pahayag ng Panginoong Jesus, "Sumagot si Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko." - Juan 14:6

Linggo, Nobyembre 13, 2016

Bawal ang Tamad! (2 Thessalonians 3:6-13)

Bawal ang Tamad na Kristiano!
2 Thessalonians 3:6-13

"Bawal ang Tamad!" Ang katamaran ay parang sakit na kapag hindi nasugpo, ay nagiging malala. Ito ay parang mikrobyo sa katawan na maaring magdala ng sakit hanggang maging malubha. Kung masusugpo ito ng maaga, magiging mabuti ang bunga nito sa buong iglesia, ang katawan ng Panginoon.

Ang Ugat ng Problema

May mga alagad sa Tessalonica na pagkatapos nakapakinig ng mensahe ni Pablo tungkol sa muling pagdating ng Panginoong Jesus. Dahil dito, iniwan nila ang kanilang trabaho, tinigil nila ang mga gawain ng misyon, nanatili na lamang sila na walang ginagawa, at umasa na lamang na pakakainin sila ng iglesia.

Ang katamarang ito ay naging daan pa para sa paninira at maling turo na nauwi sa pagkabahala. Hindi lamang sila naging tamad kundi, naging masuwayin ang mga ito sa apostol. Ang mga taong ito ang nagkakalat ng maling turo na binabanggit sa 2 Tess. 2:2.

Maling Pagkaunawa (Misinterpretations) at Maling Gawa (Misapplication)

Ginawang dahilan ng mga taong ito ang sinabi ng mga apostol na darating ng muli ang Panginoong Jesus. Tulad ng ibana pilit hinuhulaan ang petsa ng muling pagdating ng Panginoon, ang mga taong ito na naging problema ni Pablo sa Tessalonica. Dahil mali ang kanilang pagkaunawa, iginigiit nila na hindi na kailangan ang trabaho.

Dahil mali ang kanilang pagkaunawa, nagbunga ito ng maling gawa. Sila ay naging batugan, at masuwayin. Wala silang inatupag kundi siraan ang iba, habang naniniwala na sila ay maliligtas pagdating ng paghuhukom.

Ang Ugat  ng Katamaran

Tulad ng isang bagay na hindi nagagamit, ang isip at katawan ng tao ay maaring kalawangin. Hanggang hirap na itong gamitin. May ilang dahilan kung bakit may mga taong nagiging tamad;

1. kawalan ng layunin sa buhay (lack of goal in life). Dahil wala silang inaasam na layunin, wala rin silang gustong gawin. Ang "goal" ng mga Kristiano ay gawing alagad ng Panginoong Jesus ang ibang tao, at hindi tama na naghihintay lang tayo sa muling pagdating ng Panginoon. Kabaligtaran naman nito ang masyadong marami ang gustong maabot sa buhay. May iba na walang "focus" sa dami ng gusto pero wala ring natatapos na trabaho.

“Sow a thought, reap an action; sow an action, reap a habit; sow a habit, reap a character; sow a character, reap a destiny.” (Stephen R. Covey, The 7 Habits of Highly Effective People)

2. kawalan ng disiplina at talino sa paggawa (lack of discipline and wisdom).

Maraming masisipag ang nabibigo dahil hindi nagbubunga ang kanilang pagsisikap. Ngunit minsan, ang dahilan ay ang kawalan nila ng disiplina. Ang kanilang paggawa ay sinisimulan at hindi natatapos.

May iba naman, hindi nila pinagbubuti ang kanilang ginagawa. Kuntento sila sa mababang kalidad ng trabaho kaya hindi sila umaasenso. Sabi sa Kawikaan 22:29, “Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.”

Mayroon din namang masipag ngunit kulang sa talino. Dahil dito, hindi nagiging mabunga ang paggawa dahil kulang sa paraan at kaalaman. Sabi nga sa Mangangaral 10:15, "Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya."

3. Kawalan ng pag-asa (lack of hope)
May mga tao rin na napapako sa maling paniniwala na "wala ring mangyayari sa kanilang buhay" kahit magsikap pa sila. Ang ganitong kawalang ng pag-asa ay nagiging sanhi ng katamaran.

May mga tao rin na tamad dahil nakaugalian na nila ang ganitong uri ng buhay at sanay na sila dito. Sabi nga ni Lao Tzu, "Watch your habit, it may become your character." Ang mga nakaugalian (habit) ay maaring maging pagkatao (character).

Pagtutuwid ni Pablo

1. Upang hindi maging tamad, huwag makisama sa mga taong tamad.
Sabi sa verse 6, "Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga itinuro namin sa inyo."

2. Tumulad sa mga taong matagumpay at masisipag. May halimbawa sa sarili si Pablo, para siya tularan ng iba:

a. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad.
b. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan.

3. Tuwiran niyang iniutos na, "Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho."

4. Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti.

Ugaling Kristiano ang Pagiging Masipag

Nais ng Diyos na tayo ay maging matagumpay. Ang tagumpay ay nakakamit sa tamang sangkap ng pangarap, disiplina, talino at sipag.

1. Pangarap - gawin mong malinaw ang iyong pangarap (goal in life). Hindi pa huli para mangarap. Si Sanders na nagsimula sa KFC Fried Chicken ay edad 60 ng simulan niya ang kanyang business.

2. Disiplina - Kung maari, lahat ng iyong ginagawa ay ituon mo sa katuparan ng iyong goal. Isang halimbawa dito ang tenor singer na si Pavarotti. Siya ay teacher at singer noong una, ngunit ang payo ng kanyang ama, ituon niya ang sarili sa pag-awit kung talagang nais niyang magtagumpay. At ganun nga ang kanyang ginawa, siya ay nagtagumpay.

3. Talino - ang pag-aaral ay walang katapusan. Kailangan tayong matuto hanggat kaya natin. Alamin ang mga paraan para maabot mo ang iyong goal. Mag-aral sa karanasan ng iba, makinig at makisalamuha sa mga matagumpay na tao.

4. Sipag - magbasa, mag-excercise, mag-aral ng mga bagong bagay at huwag pababayaang maging kalawangin ang isip at katawan. Manatiling produktibo at hangarin ang mataas na kalidad sa paggawa.

Maging Mabungang Kristiano

Nakikila tayo dahil sa ating bunga.  ito ang mga resulta ng ating paggawa dito sa mundo.  Si John Wesley ay may turo tungkol sa ating paggamit ng ating lakas at talino.

1. Work all you can, save all you can and give all you can.

2. Take care of your family needs and mind your own business.

3. Support the missions of your church. Be productive as an evangelist. Keep winning souls for Christ.

Martes, Oktubre 25, 2016

Patotoo ng Iglesia (2 Tess. 1:1-4, 11-12) Sunday School Oct. 30, 2016

Mabuting Patotoo ng Iglesia
2 Thess. 1:1-4, 11-12

Si Steve Sjogren, may akda ng "Changing the World Through Kindness, pp. 103-104 (Regal, 2005)" ay isang pastor na may kwento tungkol sa dalawa niyang kapit-bahay. Isang Kristiano at isang hindi. Nagreklamo ang hindi Kristiano, at naging malaki ang sama ng loob nito sa mga Kristiano. Ang dahilan, "Idenemanda ako ng ating kapit-bahay dahil sa isang puno sa pagitan ng aming mga bakuran. At hindi man ako kinausap bago siya pumunta ng abogado." At tanong niya, "Bakit hindi yata kami mahal ng mga Kristiano?"

Isang puna ni Mahatma Gandhi tungkol sa mga Kristiano sa kanyang panahon, "Kung naging mabuti lamang ang mga Kristiano sa aming mga taga-India, lahat ng Indiano ay Kristiano na ngayon." Dagdag pa niya, "I love Jesus but I hate you Christians!"

Marahil nasasaktan tayo sa mga ganitong puna sa mga Kristiano, ngunit may bagay na dapat nating aralin kung paano tayo nakikilala bilang tunay na alagad ng Panginoong Jesus.

Paalala sa Iglesia
Hindi naman nagkulang ang Panginoon sa pagbibigay paalala sa iglesia. Sabi ng Panginoon sa Mateo 5:13, "Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?"

Paalala rin ni Apostol Pablo ang ganito, sa Efeso 5:15-17,
"Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. 17 Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon."

Ang kabuoang patotoo ng iglesia ay mahalaga. Patuloy pa ni Apostol Pablo,  "Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot." - (Efeso 5:3)

Tesalonica: Modelong Iglesia
Ang iglesia sa Tesalonica ay mabuting halimbawa na dapat tularan ng mga simbahan sa ating panahon. Aralin natin ang mabuti nilang halimbawa.

1. Sapagkat patuloy na tumatatag ang inyong pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging Kristiano sa panahon na iyon ay hindi madali. Marami ang banta sa paglago sa pananampalataya. Ngunit napagtagumpayan nila ang mga ito;

a. Ang banta ng karahasan sa mga Kristiano. Ang bawat kaanib ng iglesia nang unang panahon ay handang magbuwis ng buhay para sa iglesia. Ngunit patuloy na tumatatag ang mga Kristiano sa Tesalonica sa gitna ng panganib ng kamatayan.

b. Naroon din ang banta ng mga maraming katuruan mula sa mga bulaang mangangaral. Ang maling doktrina ay madalas nagpapahina sa pananampalataya ng marami. Ngunit kapag ang mga Kristiano ay masipag sa pag-aral ng Salita ng Diyos - lalonng tumatatag ang kanilang pananampalataya.

2. Sapagkat lalong nagiging maalab ang kanilang pagmamahalan sa isa't isa. Sila ay iglesiang nagkakaisa. Ang ganitong patotoo ay nararanasan ng mga iglesiang marunong magpatawad at marunong tumalikod sa sarili upang unahin ang mga kasama sa iglesia.
3. Dahil sa kanilang pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas. Ikinukulong, ipinapako sa krus, pinapakain sa mga leon o kaya ay pinupugutan ng ulo. Ang ganitong karanasan ay karaniwang nangyayari sa mga unang Kristiano. Ang pagiging Kristiano noon ay itinuturing na mababang uri ng pagkatao, na parang kriminal.

Ayon mismo kay Tacitus, isang historian na nakasaksi sa paghihirap ng mga unang Kristiano ang nagsabi ng ganito, " Sila (ang mga Kristiano) ay pinapatay at dinuduro, binabalatan ng buhay at pinapakain sa mga mababangis na hayop, ipinapakos a mga krus at sinisilaban tuwing gabi, upang maging ilaw sa dilim sa mga daan."

Ang mga katangiang ito ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng salita lamang. Ito ay nagagawa bunga ng sakripisyo ng mga Kristiano alang-alang sa pagkakaisa para sa Panginoon.

Ang Iglesia sa Ating Panahon

May ilang kahinaan ang iglesia sa ating panahon na sumisira sa kanyang patotoo.

1. Sobrang tradisyunal, maraming iglesia ang nagiging makaluma at hindi na ito maunawaan ng mga bagong henerasyon. Ang iglesia ay kailangang maging "relevant" sa ating panahon. Ibig sabihin, kailangan itong makatugon sa mga hamon ng ating panahon bilang katawan ni Cristo.

2. Watak-watak ang iglesia Kristiana. Sa sobrang dami ng mga grupong Kristiano, na iba-iba ang turo, nalilito na ang marami kung alin ang totoo. Kailangang gumawa ng paraan ang mga simbahang Kristiano para magkaisa.

3. Sirang patotoo ng mga Kristiano sa karaniwang pamumuhay. Walang perfectong simbahan, ngunit kailangan parin tayong magsikap upang maging mabuting halimbawa tayo sa mga hindi mananampalataya.

4. Hindi nakikita ang tamang lugar at tungkulin ng simbahan sa pamayanan. Maraming Kristianong simbahan ang walang ministeryo sa kanilang pamayanan. Dahil dito, sarili na lamang ng simbahan ang kanyang inaalagaan sa halip na maglingkod sa pamayanan, lalo sa mga mahihirap.

Sukatan ng Matagumpay na Iglesia

Wala sa laki ng offering, o laki ng budget, hindi rin sa laki ng sweldo ng pastor, o sa dami ng mga meetings na nagagawa, o activities o ganda ng gusaling simbahan ang sukatan ng matagumpay na iglesia.

Ang sukatan ay nasa dami ng mga naliligtas at nagiging disipulo ni Cristo. Ang utos ng Panginoon ay "gawing alagad ang lahat ng tao", may budget man tayo o wala. May church building man o wala. Upang makagawa tayo ng maraming alagad;

1. maging mabuti tayong alagad ni Cristo - maging aktibo sa mga Nurture Ministries ng iglesia tulad ng Sunday School at Worship

2. pag-aralan nating magbahagi ng Salita ng Diyos o matuto ng personal evangelism - makibahagi sa Witness Programs ng iglesia, at mag-anyaya ng ibang kakilala sa iglesia

3. sumali sa mga ministeryo ng iglesia sa Outreach - tulad ng feeding, hospital ministry, pagbibigay ng mga damit at iba pa.

4. Maging mabuting patotoo sa personal na buhay. Ang mabuting patotoo ng iglesia ay sama-sama at personal ding tungkulin.

Sabado, Oktubre 15, 2016

Pamumuhay Ayon sa Salita ng Diyos (Sunday School 2 Timothy 3:14-4:5)

Pamumuhay Ayon sa Salita ng Diyos
2 Timothy 3:14-4:5

Ang Salita ng Diyos ay mahalagang regalong mula sa Panginoon.  Ang Biblia ay gabay sa buhay upang hindi tayo maligaw.  Hindi na tayo kailangang magbaka-sakali - dahil sa Biblia, alam na natin agad ang mga dapat gawin upang magtagumpay at maging masaya.  Alam na natin ang sekreto ng buhay na may kahulugan.  Ang kailangan lamang ay ang magbasa at sumunod sa Salita ng Diyos.

Ang Natutunan Na Natin (What We Have Learned So Far...)

Marami sa atin ay tulad ni Timothy.  Natuto tayo mula pa sa Sunday School  noong bata pa.  Naging  kabataan at tinanggap natin ang Panginoong Jesus bilang ating Tagapagligtas.  Ngayon, tumatanda na ang marami sa atin at patuloy pa rin tayong nagbabasa at nag-aaral ng Salita ng Diyos.  Ngunit madalas may isang kulang sa ating ginagawa - nagkukulang tayo sa application.    Kailangan nating ipinamumuhay ang ating mga nababasa.

True learning = reading + understanding + application

Kapag walang application, ito ay walang silbing pag-aaral.  Tulad ito ng babala ni Apostol Santiago sa 1:22, “Do not merely listen to the word, and so deceive yourselves. Do what it says.”

Ang Biblia
Ano nga ba ang Biblia para sa atin? Bakit kailangan itong matutunan mula pagkabata hanggang pagtanda?

1. Ito ang Salita ng Diyos - ito ay Banal na Kasulatan na dapat igalang at sundin.  Malinaw   ito ayon sa 1 Tess. 2:13 (basahin po natin).

2. Tinuturuan tayo ng Biblia kung paano maligtas, v. 15 - hindi ang Biblia ang ating sinasampalatayanan, kundi ang Panginoong Jesus.  At ito ang turo ng Biblia upang magkamit tayo ng buhay na walang hanggan.

3.  Naglalaman ito ng katotohanan, v. 16 - maaasahan ang mga nilalaman ng Biblia.  Sabi mismo ng Panginoong Jesus sa Juan 17:17, “Ang Salita mo O Panginoon ay katotohanan.”

4.  Ito ay may malaking pakinabang, v. 16b. Naglalaman ito ng tamang doktrina, mga pagtutuwid at mga turo tungo sa matuwid na pamumuhay.

5. Inihahanda tayo ng Biblia sa ating paglilingkod bilang alagad ng Panginoon, v. 17.   Ang Biblia ay pinag-aaralan upang sundin at ibahagi sa iba.   Nais ng Diyos na “maligtas ang lahat ng tao at maka-alam ng katotohanan” (1 Tim. 2:4).   At mangyayari lamang ito kung magbabahagi tayo ng salita ng Diyos namakikita sa ating halimbawa’t gawa at maririnig sa ating salita.

Dalawang Mahalagang Tungkulin Natin

1. Palaging maging handa upang ibahagi ang Salita ng Diyos, (4:2).   Sabi rin ni Apostol Pablo sa Efeso 6:15, “Isuot ninyo palagi ang panyapak ng Balita ng Kapayapaan”.  Ito ay kahandaan ng bawat Kristiano sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa iba.

Tungkulin ito ng bawat Kristiano.  Hindi tayo tagapakinig lamang ng Salita, dapat natin itong unawain, sundin at ibahagi.

2. Mamuhay bilang isang Ebanghelista, (4:5) -  ang ministry ay hindi gawain ng mga professional pastors at deaconesses.  Sa Biblia, ang gawain ng pangangaral at ebanghelismo ay gawain ng lahat ng Kristiano.  

Paano Ito Gagawin?

1. Siguraduhin mo ang iyong kaligtasang espiritual - siguraduhing tinanggap mo na ang Panginoong Jesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon.  Matutulungan mo ang iba para maligtas kung alam mong ligtas ka na.

2. Ibahagi mo ang iyong kaligtasang espiritual. Magsaulo ng ilang talata mula sa Biblia tungkol sa kasiguruhan ng kaligtasan.
Halimbawa:
a. John 3:16
b. Roma 3:23; 6:23; 10:9
c. Efeso 2:8-9
d. 1 Juan 5:13

3. Tulungang manalangin ang binabahaginan ng pagtanggap sa Panginoong Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.

4. Gabayan ang binahaginan upang maging miembro ng iglesia sa pamamagitan ng Bautismo ng Pananampalataya.

5.  Patuloy na gabayan mo ang bagong kapatid sa pagdalo sa mga gawain ng ating iglesia.

Mga Tanong sa Talakayan:
1. Ano ang epekto ng pag-aaral sa Biblia na walang pagsunod sa gawa? Bakit kailangang iwaksi ang ganitong pag-aaral na walang application?

2. Bakit kailangang matuto ang lahat upang manghikayat sa pananampalataya?  Ano pa ang dapat nating gawin upang gumawa ng “promotion” sa ating iglesia?

3. Ano sa palagay mo ang mga bagay na dapat nating palakasin upang maging kaakit-akit ang iglesia sa ibang tao sa ating komunidad?  Paano nakakatulong ang sama-samang patotoo ng pagkakaisa, kabutihan at sipag sa pagdalo sa mga gawain?

4. Ano pa ang iyong maipapayo upang umunlad ang ating iglesia sa bilang at kalidad?

Sabado, Oktubre 8, 2016

Ang Mapagpasalamat na Samaritano (Lucas 17:11-19)


Marami ang mga awiting sumikat sa mga iglesia tungkol sa pasasalamt. Nariyan ang "Give Thanks" na pinasikat ninDon Moen. Sa Kapampangan, matagal ng sikat ang awitin "Ding Apulung Masakit" na maaring nilikha pa ng mga sinaunang Metodista. (Ang Sampung Maysakit) ay awiting hango mula sa ating teksto. 

Gusto kong ipauna sa inyo na napakarami ng mga bagay na dapat nating ipagpasalamat sa Diyos. 

Kahapon, pinatawag ako ng  isang kapatid ang may kanser. Hirap na siyang huminga at alam ng marami na siya ay maaring pumanaw anumang oras. Sa kalagayan niya (hirap na siyang magsalita) - wala siyang sinabi kundi ang magpasalamat.  Maaring sasabihin natin - dapat nagreklamo siya dahil sa dami ng panalangin para sa kanya - hindi siya gumaling.  

Walang duda na siya ay tumanggap ng kagalingan.  Kagalingang espiritual.  Kailangan tayong maging mapagpasalamat. We have a lot of things to thank for.,.

1. Naligtas na tayo - Roma 8:24
2. Tagapagmana tayo ng kalangitan
3. Pinatawad na tayo mula sa ating mga kasalanan
4. Binago na tayo - at binihisan ng bagong pagkatao. 

now if you are still living in sin, at hindi mo pa tinanggap ang kaligtasan mo, e talagang, hindi ka nga mabubuhay sa pasasalamat. 

Bakit Nag-iisang nagpasalamat ang Samaritano? 

1. His thanksgiving is a product of his healing. 

Ang mga gumagaling ay pinagaling upang magpasalamat. 

Naaalala ninyo yung biyenan ni Apostol Pedro. Pinagaling siya ni Jesus. Pagbangon, pinaglingkuran niya ang Panginoon at mga alagad.  Maraming pinagagaling ngayon ang Panginoon. Paggaling- takbo agad sa SM!  Doon nagse-celebrate ng kanilang kagalingan. Doon gumagastos ng libo-libong piso. 

Pero nagbigay ng thanksgiving offering - bente pesos! 

But this guy, after receiving the blessing of being healed. He went to the Lord to give thanks. He understands, that the one responsible for his healing is none other than JESUS!

2. Let me go now to our second point. He returned to Jesus because he was a Samaritan and not a Jew.

Sa una, inisip ng Panginoon na lahat ng maysakit na ito ay mga Judio. Kaya ng gumaling, sabi ng Panginoon, "Pumunta kayo sa pari, para bigyan kayo ng katibayan na wala na kayong sakit." 

Ang sabi kasi ng Kasulatan, "Kapag magaling kana, balik kana sa iyong ,ganreligious duties."  Kapag magaling kana, maging relihiyoso ka. But friends, let this be a warning. It is ok to be religious. It is fine - kahit maging "dagang kapilya" tayo. Yung lagi ka na lang sa church. Dito ka na naglalagi, dito ka na kumakain. Sa church ka na naliligo. 

Noon ganyan ako, lagi ako sa church. Sabi ng nanay ko, "DOON KA NA LANG KAYA TUMIRA SA CHURCH!"  Ayun, nagpastor tuloy ako. 

Mabuti ang lagi tayo sa church. Be religious. Do your religious duty. 

But his guy did more than becoming religious. He went not to the temple but to JESUS.
He did, not - only his religious duty but his spiritual duty.  DO NOT JUST GO TO CHURCH - GO TO CHRIST! 

While Paul was still called Saul, is an excellent example.

Read from Acts 9. Saul - had his religion, but he did not have God! He was religious but he does not know the God of his religion. Having religion without God is nothing. Para kang lata na wala ng gatas. 

Alam ninyo yung Darigold na condensed milk. Pinalaki ako sa Darigold.  Sabi ng nanay ko, ang aking dede noong bata ako ay bote ng Coke, nilagyan ng tsupon, tinali ng rubber band.  Ang gatas ko, ay Darigold na sinangkapan ng tubig poso. 

Nang 10 years old na ako, gusto ko pa rin ng Darigold.  Kaya ang ginagawa ko, yung gatas na nasa lata, sinisipsip ko. Patago iyon, kasi yung gatas, ginagamit yun na pangkape noong maliliit pa kami. 

Isang araw, patago akong pumunta sa lalagyan ng gatas para sipsipin ang marasap na Darigold. Paghawak ko - walang laman! Pagsipsip ko- walang laman!  At pinamamasdan pala ako ng kuya ko, sabi niya, "Naubos ko na!" 

Wala ng laman. Ang relihiyon na wala ang Panginoon ay parang latang walang laman. 

Noon naunawaan ni Saulo, na kailangan niya si Jesu-Cristo. Kulang ang relihiyon mo, kung hindi mo pa tinanggap si Cristo. 

3. Lastly he went back to Christ to receive the verification of his total healing. 

Verify your total salvation. We give thanks, overflowing thanks - because we are receipients of overflowing blessings from God. 

Basahin natin ang verse 17. There is a huge revelation on this verse. 

17 Jesus asked, "Were not all ten cleansed? Where are the other nine? 18 Was no one found to return and give praise to God except this foreigner?"  19 Then he said to him, "Rise and go; your faith has made you well." (NIV)

a. He succeeded in giving praise to God, because he went back to Jesus after his healing. 
b. He was made totally well, that is - physical and spiritual healing because he had faith.





Ano ang Ebanghelyo Ayon sa Iyo? (Lectionary Sunday School - October 9, 2016)

Ano ang Ebanghelyo Ayon sa Iyo?
2 Timoteo 2:8-15

Memory Verse: "Remember Jesus Christ, raised from the dead, a descendant of David--that is my gospel." (2:8)

Isang lumang kwento, ngunit gusto kong ulitin sa ating aralin ang tungkol sa pag-uusap ng magkakaibigang pastor. Ang sabi ng isa, "Ang lagi kong ginagamit na Gospel ay yung ayon kay San Mateo. Madali itong unawain at gusto ko ang paraan niya ng pagkukwento sa buhay ng Panginoon."

At sabi naman ng isa pa, "I prefer the Gospel According to Saint Mark. Mas nauna kasi ito sa lahat."
At isa pa ay nagsabi, "I prefer the Gospel According to Luke..."  Ngunit ang panghuli ay may kakaibang sinabi, sabi niya, "Alam ninyo mga kasama, I prefer the GOSPEL ACCORDING TO MY MOTHER. Nakita ko kasi sa buhay ng aking ina ang ebanghelyo. Nakilala ko ang Panginoong Jesus dahil sa kanyang buhay at halimbawa."

Ano ang ating Ebanghelyo?
Ang ating pananampalataya na nakikita sa ating buhay na halimbawa ay ang ating ebanghelyo. Tayo ang mga Biblia na nababasa ng mga tao. Minsang sinabi ni Mahatma Gandhi, "Kung nagpakatotoo lang sa pagka-Kristiano ang mga English (na sumakop sa kanila noon), naging Kristiano na sana ang buong India."

Ang Ebanghelyo ng ating buhay ay malinaw na maipapahayag natin kung nakikita sa atin ang apat na binabanggit ni Pablo: 1) right doctrine, 2) clear conviction, 3) zealous proclamation, and 4) actual life demonstration.

1. Right doctrine, sa pamamagitan ng paniniwala sa tamang  doktrina - sinabi ng apostol, sa talatang 8, “Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang Magandang Balitang ipinapangaral ko.” Sa talatang ito, may dalawang mahalagang doktrinang binabanggit:

a. si Cristo ay muling nabuhay - sa 1 Cor 15:14, sinabi ni    Pablo na ang muling pagkabuhay ng Panginoong    Jesus ay ang saligan ng kanyang pangangaral.  
b. si Cristo ay nagmula sa angkan ni David - ito naman   ay tumutukoy sa pagiging Messias o Tagapagligtas   ng ating Panginoong Jesus.

Mahalaga na tama ang ating pinaniniwalaang doktrina at kung hindi ay mamamali rin ang ating ebanghelyo. Wrong doctrine will definitely result to wrong gospel. Halimbawa dito ay ang pangangaral ng isang pastor na siya raw ang “tagapagligtas at anak ng Diyos”, tinuturo niya sa television na dapat siyang sampalatayanan upang maligtas ang ibang tao.

Sa v. 17, binabanggit din ang mga bulaang tagapagturo sa mga iglesia noon, na nagliligaw sa mga tao. Ito ay halimbawa ng maling doktrina na nagbunga ng maling ebanghelyo.

2. Clear Convictions - sa pamamagitan ng malinaw na pinaninindigan  (v.9) - ang patotoo ni Pablo ay nakita sa kanyang paghihirap habang nakabilanggo.  Ngunit kahit nabilanggo, patuloy siya sa pagsulat sa mga Kristiano upang ipahayag ang Salita ng Diyos.  Sa ganitong paraan, “hindi nabilanggo ang Salita ng Diyos”.

Minsang sinabi ni Martin Luther, “The blood of the martyrs is the seed of the church.”  Ang ebanghelyo ay lalong naging mabunga dahil  handa ang mga tunay na Kristiano sa pagbubuwis ng  buhay, maibahagi lamang ang Salita ng Diyos.

3.  Zealous Proclamation of the Gospel - sa pamamagitan ng literal at marubdob na pagbabahagi ng Ebanghelyo   para maligtas ang ibang tao (v. 10) -  Sabi ni Pablo sa 1 Cor. 9:16, “Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita!”

Alam ni Pablo na mahalaga ang Ebanghelyo para sa kaligtasan ng marami.  Ngunit kung hindi maipapahayag ang ebanghelyo, marami ang mapapahamak na kaluluwa sa impierno.

4. Actual Life Demonstration. -  Sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa (v. 15) - Payo ni Pablo kay Timoteo, “Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan.”

Ang mabuting halimbawa sa buhay ay higit na mabisa kaysa sampung sermon.  Ang pananampalatayang hindi nakikita sa gawa ay walang kabuluhan!

Ang apat na ito ay lubhang mahalaga upang maipahayag natin ang ebanghelyo ng ating buhay.

Para sa iyo kapatid, ano ang ebanghelyo ng iyong buhay?












Martes, Agosto 23, 2016

UMC-DOC ADC5 (Methodist Doctrines Tagalog)

Lesson 1: Prevenient Grace
Roma  5:6-11 

“Therefore in as much as God works in you, you are now able to work out your salvation. It is possible for you to love God, because he has first loved us and to walk in love, after the pattern of the Great Master. (John Wesley, On Working out Your Salvation)

Ang taong makasalanan ay patay sa harapan ng Diyos. Wala siyang kakayanang maabot ang Diyos. Maging ang kanyang pangangailangang maligtas ay hindi niya namamalayan. Saan nagsisimula kung gayon ang pagliligtas? Paano nagkakaroon ng kamalayan ang isang tao upang magsisi, at muling tumawag sa Diyos upang siya ay iligtas? 

ANG UNANG PAGKILOS NG DIYOS

Noong panahon ni Wesley, may dalawang magkalabang kaisipan kung paano naliligtas ang taong makasalanan. Ang isa ay ang kaisipan na ang tao ay may sapat na lakas upang iligtas ang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Ang ikalawang kaisipan ay nagsasabi na lubusang walang kakayahan ang tao upang iligtas ang sarili, kung kaya’t nasa sa Diyos ang lahat desisyon kung sino ang maliligtas at kung sino ang mahuhulog sa impierno. Ito ay tinatawag na “predestination”. Ayon sa turong ito, kahit magsisi pa ang isang tao, at magbagong buhay, subali’t kung itinalaga na siya ng Diyos sa impierno, siya ay mapaparusahang pang walanghanggan.

Para kay Wesley, ang unang kaisipan ay hindi itinuturo ng Biblia, samantalang sa pangalawa, lumilitaw na ang Diyos ay hindi makatarungan. Bukod pa rito, lumilitaw din na ang tao ay walang kakayahang mamili para sa kanyang kaligtasan (freewill), at nagiging walang kabuluhan ang pagsunod (obedience) at mabuting gawa, dahil tanging ang Diyos lamang ang gumagawa sa pagliligtas. 

Sa pananaw ni Wesley, ang dalawang turong ito ay hindi totoong magkasalungat, kundi parehong mahalaga. Ang paghihiwalay ng mga ito ay nagreresulta sa maling turo at hindi balanseng kaisipan tungkol sa pagliligtas. 

PREVENIENT GRACE

Sa ating pagiging makasalanan, totoo na tayo ay walang lakas upang iligtas ang sarili, kaya dapat tayong umasa ng lubusan sa Diyos. Subali’t tayo ay may kakayaang tumugon sa tawag ng Diyos. Ito ay ang biyayang kaloob ng Diyos sa bawat tao na tinawag na prevenient grace ni Wesley. Na bagama’t patay dahil sa kasalanan, ang bawat tao ay pinagkalooban pa rin ng Diyos ng kakayaang tumugon sa Kanyang pagtawag. Hindi tayo ang unang kumilos, at hindi tayo ang nagpasya, sa halip ang Diyos ang unang gumawa ng paraan upang tayo ay maligtas. Kapag ang isang tao ay tumawag na sa Diyos at nakaroon siya ng pagnanais na maligtas, ang biyaya ng Diyos ay kumikilos na sa taong ito.

Ang prevenient grace ay hango sa salitang prevent na sa kasalukuyan, ang kahulugan ay pigilan, Ngunit noong panahon ni Wesley, ang kahulugan ng salitang ito ay to anticipate, o to go before, kung kaya’t ito ay nangangahulugan ng “paunang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa tao tungo sa kaligtasan”. Ang binalangkas ni Wesley ay isang balanseng turo, na ang Diyos ang gumawa ng lahat ng paraan upang tayo ay maligtas. Subalit ang tao ay may sariling pagpapasya. Ang kakayahang ito upang magpasya para sa kanyang ikaliligtas ay tugon na tanging sa tao lamang manggagaling, hindi dinidiktahan ng Diyos ang tao na mahalin Siya, kundi binigyan tayo ng Diyos ng kakayahan upang mahalin at sundin Siya, sa pamamagitan ng pagmamahal Niya sa atin. Ang kakayahang ito ay biyaya ng Diyos.

ANG KALAGAYAN NG TAONG MAKASALANAN 
(Roma 5.6-11)

Ganito ang kalagayan ng taong makasalanan sa harap ng banal na Diyos. Wala siyang kakayaan para iligtas ang kanyang sarili, maliban na lamang kung may magliligtas sa kanya, dahil: 

1. Kaaway ng Diyos dahil sa kasalanan (Roma 5:10)
2. Patay siya dahil sa kasalanan (Efeso 2:1)
3. Mahina siya bunga ng kasalanan. (Roma 5:6)

Tanging si Jesus ang makapagliligtas. Nais ng Diyos ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao mula sa pagkakasala. Nagsimula sa Diyos ang pagpapasya para sa kaligtasan, at ang taong patay sa kasalanan ay mabiyayang binigyan ng Diyos ng kakayaan upang tumugon sa tawag ng Diyos. Ito ang tinatawag na 'prevenient grace', isang biyayang kaloob ng Diyos. Inihanda ng Diyos ang bawat tao para sa kanyang pagtawag. At dahil may sariling pagpapasya ang tao, nasa kanya ngayon kung tutugon siya o hindi sa tawag ng Diyos. 

ANG KALIGTASAN AY KALOOB NG DIYOS 

Ang kaligtasan ay hindi bunga ng gawang kabutihan ng tao, dahil, patay ang taong makasalanan, at hindi maaring umasa sa sarili. Ang kaligtasan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng biyaya ayon sa pananampalataya (Efeso 2.8-9). 

Subali’t hindi rin tinanggap ni Wesley ang doktrinang predestination na nagsasabing, pili lamang ang maliligtas at walang halaga ang pagtugon ng tao sa tawag ng Diyos. Sa halip, panig siya sa paniniwala na ang kaligtasan ay para sa lahat (Jn. 3.16). At mayroong halaga ang pagtugon ng tao para piliin niya kung nais niya o hindi na tanggapin ang alok ng Diyos para sa kanya. May kakayahan at kalayaan ang tao para tanggapin o tanggian ang alok ng Diyos (freewill). 

Sa ganitong dahilan naiiba ang Metodismo sa mga Kristianong nagtuturo na 'hindi maaring tanggian ang kaloob na kaligtasan ng Diyos' (irresistable grace).

ANG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS 

1. Ang Diyos ang unang nagpahayag sa atin ng kanyang pagliligtas, hindi tayo ang humingi ng saklolo (Hebreo 2.3).

2. Ang Diyos ang unang umibig sa atin, noong tayo’y makasalanan pa  (1 Jn. 4.10).

3. Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay kusang pagkilos ng Diyos. Hindi ito bunga ng ating gawa, dahil patay tayo sa kasalanan. 

BUNGA NG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS 

1. Nagkaroon tayo ng kamalayan, sa ating kawawang kalagayan 
sa harap ng banal na Diyos (Isaias 6.5; Efeso 2.4-5).
2. Nakita natin na malayo nga tayo sa Panginoon, na imposible para sa atin ang magbigay lugod sa Kanya dahil sa ating pagiging makasalanan. 

Ang ating pag-asa ay si Cristo Jesus, ang Tagapagligtas. 
Sinasabi sa Pahayag 3.20, “ Ako ay kumakatok sa inyong pinto at kung ako ay inyong pagbubuksan, ako ay papasok at makikisalo sa inyong.” Ang pagpapasya ay nasa sa atin, dahil iginagalang ng Diyos ng desisyon ng tao. Subalit, batay sa karanasan ng maraming Kristiano, mainam na tayo ay magpasya ng maaga upang tanggapin si Jesus at papasukin siya sa ating buhay. 

Ipinakita ni Wesley ang turo sa Biblia hindi maaring magsimula sa tao ang kaligtasan kundi sa Diyos. Na habang ang tao ay patuloy na lumalayo sa Diyos, patuloy pa rin ang Diyos na tumatawag. Na kahit hindi natin mahal ang Diyos, Siya ay patuloy na nagaalok ng Kanyang pag-ibig. Ano ang iyong tugon sa alok na ito?

Mga Tanong:

1. Bakit itinulad sa patay, mahina at kaaway ng Diyos ang isang makasalanan? 
2. Paano tumatawag ang Diyos sa mga makasalanan sa ating panahon?
3. Paano ka tinawag ng Diyos mula sa kasalanan? 
4. Bakit ganito na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanan?

Conclusion:

Ang buhay ng tao ay hiningang pinahiram ng Diyos, ayon sa Aklat ng Genesis. Ang ating buhay ay Buhay ng Diyos. Baon natin ang kanyang hininga. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga natin sa kanya, bahagi tayo ng kanyang Buhay. Subali’t ang buhay na ito ay hindi natin pinahalagaan, ito ay sinira natin sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Ng mamatay si Jesus sa krus, ang Diyos ay nagkaloob ng buhay. Hindi na ito pagpapahiram kundi pagkakaloob ng sariling buhay. Hindi pagpapahiram ng kapirasong hininga tulad noong una, kundi pagkakaloob ng buong buhay niya, kaya siya namatay. Ito ay kusa niyang ginawa upang bigyan ka ng bagong buhay, buhay na hindi maaring wasakin ng kamatayan. Ito ay kusa niyang ginawa, “kahit noong tayo ay makasalanan pa.” Hindi natin ito hininge at hindi natin ito kayang bayaran, ito ay tunay na biyaya, isang regalo. Ito ay libreng iniaalok para sa iyo. 

Ginigising tayo ng Diyos sa katotohanang tayo’y mahal niya sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan. Maaring hindi natin ito pansin noon pa. Sa hindi natin namamalayan, maaring maraming beses na tayong tinawagan ng Diyos. At ngayon muli siyang nagpapahiwatig. Kailan ka tutugon?

Lesson 2:  Pagsisisi (Repentance)
 2 Cor. 7.8-12, Gawa 2.38

Having now the desire to flee from the wrath to come, he purposely come to
hear how it may be done. (John Wesley, Sermon, Means of Grace)

Ang tugon sa alok na biyayang nagliligtas ng Diyos ay maaring magbunsod ng damdamin ng pagsisisi, depende sa tugon ng tao. Ang pagsisisi ay ang pagtugon natin bilang makasalanang tao sa ipinapahayag na pag-ibig ng Diyos, matapos na tayo ay magkamalay at makita ang ating tunay na kalagayan. 

TUNAY NA PAGSISISI

Ang pagsisisi ay hindi lamang pagpapakita ng kalungkutan dahil sa nagawang kasalanan. Maaring ito’y bahagi ng pagsisisi, subalit hindi maaring maging kabuohan nito. Dahil ang tunay na pagsisisi ay ang lubusang pagtalikod sa kasalanang nagawa. Hindi ito maaring maging mababaw na paghingi ng tawad at pagkatapos ay magbabalik sa dating gawi. Kundi isang lubusang pagbabago ng direksyon sa buhay, mula sa pagiging kalaban ng Diyos dahil sa pagiging makasalanan tungo sa pagiging anak ng Diyos na nagsusumikap sa pagsunod. 

Ang tunay na pagsisisi ay may kalakip na kasiguruhan ng kapatawaran (I Juan 1.9). Ang pagpapatawad ng Diyos ay may nakapaunang pangako, na pinatawad na ang magsisisi. Nauna ang pagpapatawad sa pagsisisi. Ito ang katibayan ng pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanang tulad natin. 

PAANO ITO ISASAKATUPARAN? 

1. Mapagpakumbaba nating aminin ang ating mga kasalanan
2. Hilingin ang pagpapatawad ng Diyos (2Cor. 7.10)
3. Lubusang tumalikod sa kasalanan (Ezekiel 18.30-32),
4. Magbalik loob sa Diyos (Gawa 3.19; Lukas 3.

Ang tunay na pag-sisisi ay hindi natatapos sa pahingi ng kapatawaran. Ito ay nangangailangan ng lubusang pagtalikod sa kasalanan na pagpapatuloy sa pagbabagong buhay hanggang sa maging ganap na Kristiano ang isang tao. 

Malaki ang pagkamuhi ng Diyos sa kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit itinaboy sina Adan at Eba sa Hardin, at ang naging dahilan sa pagkalipol ng mga tao noong panahon ni Noe. Subalit nanaig parin ang pag-ibig ng Diyos sa tao, at ibigay niya ang bugtong niyang anak, upang mamatay para sa ating kaligtasan. 

BUNGA NG PAGSISISI

1. pagpawi sa galit ng Diyos (Lukas 13.3; Lukas 3.7)

2. kapatawaran sa kasalanan. Dahil tapat ang ating Diyos upang tayo’y patawarin sa ating pagkakasala. (I Jn. 1.9; Mk. 1.4; Lk. 24.47). Noong unang panahon, sinasabi na ang pinakamasayang tao sa Jerusalem ay ang taong nanggaling sa templo, matapos mag-alay ng handog ng pagsisisi sa Panginoon. Dahil dama niya ang pagpapatawad ng Diyos.

3. Kagalingan mula sa espiritual na pagkabulag. Ang espiritual na sakit na ito ay ang pag-aakala na tama ang ating ginagawang kasalanan. Ang taong nangangatuwiran sa kanyang mga kasalanan ay bulag, at nanatiling matigas ang puso. Samantalang ang nagsisisi ay nakakakita (Mt. 23.28; Jn.12.37-46). Ang nag-sisisi ay tumitingin sa sariling kalooban, Binibilad niya ang sarili sa liwanag ng Diyos upang makita ang sariling karumihan (Salmo. 139.23-24) at humihingi ng paglilinis mula sa Diyos. 

3. Kaligtasan. (2Cor.7.10) Nakakatuwa na sa kabila ng ating pagsuway, nais parin tayong iligtas ng Diyos. 

Mga Tanong:

1. Ano ang kasalanan? Paano nagiging kasalanan ang isang gawa?
2. Sa iyong palagay, paano maaring makipagtulungan ang tao sa Diyos para sa kanyang kaligtasan?
3. Kailan dumarating ang pag-sisisi sa buhay ng tao? 
4. Magbigay ng mga halimbawa ng kasalanan na sa pag-aakala ng iba ay mga libangan lamang. 
5. Kung mayroong tao na napakabuti ng kanyang tingin sa sarili, at sinasabi niya na wala siyang dapat pagsisihan. Paano natin siya matutulungan? 
6. Bakit hindi nagiging tunay ang pagsisisi na walang kalakip na pagbabago?

Conclusion:

Ang alok na pagpapatawad ng Diyos ay tunay. Maaring isipin ng isang makasalanan na hindi madali ang patawarin siya, maaring dahil sa dami ng kanyang kasalanan. Halos imposible na marahil para sa isang kriminal ang magkamit ng kapatawaran. 

Ito ang magandang balita para sa lahat ng may pasang kasalanan sa kalooban, nagpapatawad ang Diyos! Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Biblia, “ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos”. Dahil mahirap ibigin ang isang makasalanang tulad natin, subalit ginawa ito ng Diyos, minahal niya tayo sa kabila ng kung sino tayo.


LESSON 3: Pagpapatawad ng Diyos (God's Forgiveness)
Roma 5:1-11

The plain scriptural notion of justification is pardon, the forgiveness of sins. It is that act of the Father, whereby for the sake of the propiation made by the blood of His Son, He showeth forth His righteousness (or mercy) by the remission of the sins that are past. (John Wesley, Sermon, Justification By Faith)

Ang prevenient grace ay ang pagtawag ng Diyos sa taong makasalanan, upang makita ng tao ang tunay niyang kalagayan bilang “minamahal na kaaway ng Diyos”. Na sa kabila ng ating mga kasalanan, patuloy tayong inaabot ng Diyos upang muling ilapit sa Kanya. Na Diyos ang unang tumawag sa atin upang magbalik loob sa Kanya.

Bilang tugon, ang tao ay kailangang magsisisi. Ito ang kinakailangan upang tanggapin niya ang nakahandang pagpapatawad ng Diyos. 

PAGPAPAWALANG SALA

Ang doktrinang ito ay muling nabigyan ng pansin, sa pangangaral ni Martin Luther, bilang pagtutuwid sa turo tungkol sa indulgencia (ang pagbabayad sa misa para sa kaligtasan ng isang yumaong kamag-anak) at sa katuruan na ang kaligtasan ay makakamit bilang bunga ng mabuting gawa. 

Sang-ayon si Wesley sa turo ni Luther, bagamat ang justification para sa kanya ay hindi ang kabuohan ng kaligtasan. Para kay Martin Luther, ang pagpapatawad ng Diyos ay minsanang pangyayari sa buhay ng Kristiano siya ring kaganapan ng kaligtasan. Para kay Wesley, ang pagpapatawad ng Diyos ay isang mahalagang pagpasok sa kaligtasan. Wika nga ng isang paglalarawan, “Ang pagpapatawad ay hindi ang bahay kundi pinto papasok sa bahay o pagkaligtas.”

Ang dahilan kung bakit ganito ang paliwanag ni Wesley ay upang makaiwas sa turong Antimonianismo, ang kaisipan na matapos magkamit ng kapatawaran, ang pagsunod sa Diyos at paggawa ng mabuti ay wala na ring kabuluhan. Seryosong nilabanan ito ng Metodismo, dahil ang mabubuting gawa ay karampatang bunga na dapat makita sa isang pinatawad. Ang pagpapawalang sala ay totoong makakamit lamang sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang mabubuting ay hindi kabayaran. Totoo na tanging Diyos ang nagpapawalang sala at ginawa na ni Kristo ang lahat para tayo iligtas, subalit mali kung sasabihin natin na walang halaga ang mabubuting gawa. 

Gumagawa tayo ng mabuti hindi para patawarin tayo ng Diyos kundi dahil pinatawad na tayo ng Diyos (Efeso 2.10).

MGA BUNGA NG PAGPAPAWALANG SALA NG DIYOS 
(Roma 5.1-11)

Ang pagpapawalang sala ay kusang ipinagkaloob ng Diyos, hindi natin ito karapatan. Ayon kay John Wesley, kapag nararasan natin ang pag-papawalang sala ng Diyos, “mararamdaman natin na may nagbabago sa ating puso”. 

1. magkakaroon tayo ng kapanatagan sa harapan ng Diyos. 
2. mayroon tayong pag-asa na makakasama tayo sa Kanyang kalwalhatian
3. mayroon tayong kasiguruhan ng kaligtasan
4. ituturing tayong mga kaibigan at anak ng Diyos. 
Ang pagpapawalang sala ay batay sa sariling pag-papasya ng Diyos para sa taong nag-sisisi. Nagpapatawad Siya ayon sa kanyang kagandahang-loob (Efeso 2.8-9). Ang Diyos ay hindi nasusuhulan ng mga mabubuting gawa, kung kaya hindi natin masasabing “Panginoon, pagbabayaran ko ang mga kasalanan ko, bawat masamang ginawa ko, tatapatan ko ng aking kabutihan”.

PANANALIG LAMANG KAY KRISTO

1. Alam ng tao na dapat pagbayaran ang kasalanan (Roma 3.23) kung kaya’t nagpupumilit ang iba na bayaran ang Diyos sa pamamagitan ng mabuting gawa. Subali’t walang kakayahan ang tao upang magbayad sa Diyos (Salmo 49.7-9). Tanging si Jesus lamang ang maaring magbayad para sa ating kasalanan dahil Siya lamang ang itinakda ng Diyos bilang kordero, para sa kasalanan ng tao. (Hebreo 9.15).

2. Pinatutunayan ng Biblia na ang ginawa ni Jesus ay sapat upang mapawalang sala tayo. Wala na tayong dapat idagdag pa dito. (Hebreo 10.14)

Mga Tanong:

1. Paano malalaman ng isang tao na pinatawad na nga siya ng Diyos? 
2. Ano ang nadarama ng isang pinatawad?
3. Sa pagpapatawad ng Diyos, ano ang ating napatunayan bilang katangian Niya?
4. May mga tao na nagaakalang hindi sila mapapatawad ng Diyos dahil sa laki ng kasalanang nagawa. Paano natin sila matutulungan?
5. Matapos patawarin ng Diyos, bakit mahalaga na patawarin na rin natin ang ating sarili?

Conclusion: 

Sabi sa Isaias 53.6b,”Ngunit inibig pa ni Yahweh na sa kanya ipataw ang parusa na tayo ang dapat magbata.” Tayo ay nagkaroon ng pagkakautang dahil sa ating mga ginawang kasalanan. Ang mga ito ay dapat nating pagbayaran, at ang bayad ay kamatayan (Roma 3.23). Subalit mahal tayo ng Diyos, at nais niya na tayo ay maligtas. Kaya namatay si Jesus upang bayaran niya ang mga kasalanang ating ginawa. 

Ang pagpapatawad ng Diyos sa atin ay hindi sa pamamagitan ng paglimot sa ating mga ginawa kundi pagbayad sa ating mga ginawa. Nangyari ito, hindi dahil tinalikuran ng Diyos ang ating nakalipas, kundi dahil hinarap niya ang mga ito, at tayo ay kanyang tinubos. 

ANG PAGPAPATAWAD NG DIYOS AY TUNAY

Maaring maranasan ang kapatawarang ito kung lalapit ka sa Diyos at humingi ng kapatawaran. Wala kang dapat gawin kung hindi ang magsisisi ng taos. Gaano man kalaki ang nagawa mong kasalanan, kaya kang patawarin ni Jesus. Patawarin mo rin pala ang iyong sarili, matapos mong manalangin sa Diyos. Paniwalaan mo hinugasan na ni Jesus ang mga mantsa mo sa buhay. 

“Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, maasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid.” – 1 Juan 1.9

LESSON 4: Isinilang na Muli (Born Again Experience)
Juan 3:3

If any doctrine within the whole compass of Christianity may be properly termed “fundamental”, they are doubtless these two, - the doctrine of justification and that of a new birth; the former, relating to that great work of God for us, in forgiving our sins; the latter to the great work which God does in us, in renewing our fallen nature. (Sermons, The New Birth)

Ang pagpapatawad ay ginawa ng Diyos para sa ating kapakanan, dahil ayaw niya na tayo ay mapahamak. Ang susunod na hakbang ng Diyos ay ang pagsisimula ng pagkilos ng Diyos sa atin, pagkakalooban niya tayo ng bagong buhay! 

Minsan nagwika si Pablo, “mag-hahari ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang sala. Ano ngayon ang sasabihin natin, patuloy ba tayong magkakasala? Hindi!“ (Roma 6.1) Matapos tayong patawarin, hindi nararapat na bumalik pa tayo sa kasalanan (Hebreo 10.26). Ang buhay Kristiano ay hindi nananatili sa pabalik-balik na pag-gawa ng kasalanan at pagsisisi. Matapos patawarin, ang tao na tunay na nagsisisi ay nahahangad ng pagbabago, at hindi na siya magnanais na magkasalang muli.

ANG KAPANGANAKANG MULI

Ang kapangakang muli ay itinuturing ni Wesley na paggawa ng Diyos sa atin. Ito ang simula ng pagkilos ng Diyos sa ating kalooban. Dito tayo nagsisimulang magbago, matapos na tayo ay patawarin. Sa pagpapawalang sala, tayo ay nilinis, subalit sa kapangakang muli, tayo bibihisan ng panibago. Masasabi natin na ang pagiging “born again” ay: 

1. pagsisimula ng bagong buhay kay Kristo (2Cor. 5.17). Pinto ito palabas sa buhay ng pabalik-balik sa pagkakasala. 

2. Pagpapasakop sa Diyos (Roma 6.13). Dahil sa ating pagtanggap kay Kristo bilang Panginoon, ang Diyos na ngayon ang maghahari sa ating buhay. 

3. Bagong pagkilala ng Diyos sa atin: 
a. Ituturing tayo bilang mga anak ng Diyos (Jn.1.12)
b. Ibibilang tayong kaibigan ng Diyos (Roma 5.10)

Ang muling isinilang ay hindi na nakakulong sa dilim ng kasalanan, siya ay ipinanganak nang muli, malaya na sa paggawa ng mabuti at hindi na alipin ng kasalanan. Maliwanag na sa kanya kung ano ang pagkakaiba ng dating pamumuhay at ang bagong buhay kay Kristo. Nais na niyang mamuhay sa pagsunod sa Diyos (Hebreo 10.26). 

PAANO MAIPAPANGANAK NA MULI?

Malaki ang bahagi ng tao sa kanyang ikaliligtas. Bagamat ang kaligtasan ay mula sa Diyos, ang tugon ng tao ay lubhang mahalaga dahil ang tao ang magpapasya kung tatanggapin niya ang alok ng Diyos. Ang Diyos ayon sa Pahayag 3.20 ay kumakatok, ngunit tao ang magpapasya kung pagbubuksan niya ang Panginoon at kung papapasukin Siya sa kanyang puso. 

Matapos madama na mahal ka ng Diyos sa kabila ng iyong mga kasalanan, ikaw ay maaring maipanganak ng muli, kung magpapasya ka na:

1. pag-sisihan ang iyong mga kasalanan
2. papasukin si Jesus sa puso mo
3. tanggapin si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas
4. iwanan ang dating pagkatao at magbagong buhay
5. magsimulang maglingkod sa Diyos. 

Ang kapanganakang muli ay desisyon ng tao na papaghariin si Jesus sa kanyang buhay. Ang tunay na naipanganak na muli ay dapat na kakitaan ng pagbabago at hindi siya dapat tumigil sa paglago bilang bagong mananampalataya.

Mga Tanong: 

1. Bakit hindi sapat ang magsisi lamang kung walang pagbabago? 
2. Kailan natin masasabi na ang isang tao ay tunay na nagsisi? Bakit hindi sapat ang pagsisi lamang upang maligtas? Bakit kailangan pa ang maipanganak na muli?
3. Ano ang kinabukasan ng taong hindi nagpapasakop sa Diyos?


Ang taong nagsisi at nagkamit ng kapatawaran subalit hindi naipanganak na muli (dahil nanatili sa dating pagkatao) ay maitutulad sa isang pinagkalooban ng isang mahalagang handog, ng pagkakataon para magbagong buhay ngunit hindi niya ito ginamit at pinahalagaan. Para siyang isang sanggol sa sinapupunan ng ina ngunit hindi nakaranas ng pagsilang. 

Sa isang banda, ang taong naipanganak na muli ay kuntento sa kanyang tinanggap na regalo. Binuksan niya ito at isinuot. Alam niya na kumilos na ang Diyos para sa kanya noon sa Kalbaryo. Subalit hindi pa ito ang kaganapan. Hindi pa tapos ang Panginoon sa kanyang buhay, kundi nagsisimula pa lamang. Nais niyang manatili si Jesus sa kanyang puso. Hindi lamang kapatawaran ang kanyang hanap mula sa Ama na kanyang nilapastangan, kundi ang ganap na maibalik ang wangis ng Diyos sa kanya, ang ganap na pagpapanumbalik ng dating kaugnayan niya sa Diyos bilang anak.

LESSON V. Pag-unlad sa Kabanalan (Sanctification)
 Juan 14.26 

Sanctification: it is by slow degrees that he grows to the full measure of the stature of Christ.- John Wesley

Ang pagunlad ng mga mananampalataya ay kasunod ng kanilang kapanganakang muli. Sa ganitong paraan makikita na ang mga Kristiano ay patuloy na binabago ng Diyos. 

Patuloy sila sa paglago hanggang sa maging kalarawan nila si Kristo (Efeso 4.13). Hindi natatapos sa kapanganakang muli ang kaligtasan, para kay Wesley, sapagkat sa puntong ito, ang mga Kristiano ay nagsisimula pa lamang, sila ay bagong panganak at hindi pa nila lubos na nauunawaan ang lahat na binabalak ng Diyos para sa kanya (Hebreo 5.12-13).

Nilinaw ni Wesley na ang “justification” ay iba sa “sanctification”. Minsan, ginagamit ang dalawang salitang ito na para bang iisa ang kanilang kahulugan. Para kay Wesley, ang dalawang ito ay mag-kaiba subalit hindi maaring paghiwalayin bilang kahulugan ng tunay na kaligtasan. Ang justification o pagpapawalang sala ay pagsisimula, bilang gawain ni Kristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ang sanctification ay ang pagpapatuloy sa kaligtasan, ito ay ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa mga naligtas. Hindi tayo maaring magsimula na hindi nagpapatuloy. Ito ang dahilan kung bakit hindi tinaggap ni Wesley ang doktrinang “Once saved always saved”, dahil ang ganitong doktrina ay maaring gamitin upang ipagtanggol ng mga tumatalikod sa pananampalataya, na: sila ay ligtas parin kahit na ano pa ang susunod na gagawing pagkakasala, matapos na tanggapin nila ang Panginoong Jesus sa buhay.

Ang pagliligtas ay gawain ng Diyos na may Tatlong Persona. Ang Ama na umiibig, ang Anak na nagliligtas, at ang Banal na Espiritu na pumapatnubay. Ang paglago sa kabanalan ay gawain ng Banal na Espiritu. 

Ang pagtigil sa paglagong espiritual, ay nangyayari dahil sa pag-aakalang matapos magkamit ng kapatawaran, ay wala ng tungkuling dapat gampanan ang isang Kristiano. Katulad ng isang bagong panganak na sanggol, tama ba na matapos ipanganak, ay pababayaan na lamang ito at hindi na aarugain upang lumaki? Alam natin na dapat siyang lumaki, lumakas at pagdating ng wastong panahon, siya ay magtatrabaho at maglilingkod sa kanyang mga minamahal. 

ANG PAGKILOS NG ESPIRITU SA BUHAY NG MGA KRISTIANO 

Ang pagliligtas ay gawain ng Santa Trinidad, at hindi limitado sa ginawa ni Kristo sa krus. Pagkatapos ng kapatawaran at bagong kapanganakan, patuloy pa rin ang Diyos sa pagkilos sa buhay ng mga Kristiano sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ayon sa Biblia, ang paggabay, at pagtuturo ay mga ministeryo ng Banal na Espiritu. Sa paglago ng isang mananampalataya, ang pagkilos ng Banal na Espiritu ay lubhang kailangan upang umunlad sila sa relasyon sa Diyos at kapwa. 

Tingnan at unawain ang mga bunga ng Espiritu na dapat makita sa mga lumagong mananampalataya sa Gal. 5.22. Ang kapanganakan (Juan 3.5) at paghubog sa katauhan ng mga Kristiano ay pagkilos ng Espiritu, kung kaya’t dapat silang ipanganak sa Espiritu. 

ANG PAG-UNLAD NG MANANAMPALATAYA

1. Pag-unlad sa kabanalan (1Ped. 1.15)
2. Pag-unlad sa kabutihan at pagkilala sa Diyos (2Ped. 3.18)
3. paglago sa pag-ibig sa kapwa (1Jn. 3.16)
4. paglago sa paglilingkod sa loob ng iglesia (Efeso 4.12)

MGA BALAKID SA PAGLAGONG ESPIRITUAL

1. pagbalik sa pagkakasala (1Jn. 3.8; Hebreo 4.2)
2. pagwawalang-bahala sa mga Salita ng Diyos (2 Thes. 1.
3. pananatili sa mga saligang aral (basic teachings) at walang pag-unlad sa kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos (Heb.6.1). 

Upang patuloy tayong lumago, tayo ay dapat na magpatuloy sa: 

1. pananalangin
2. pag-aaral sa mga Kasulatan
3. pakikinig sa mga ipinapahayag na salita ng Diyos, 
4. Pakikisalamuha sa kapwa Kristiano
5. Paghahangad sa mga kaloob na espiritual (1Cor. 14.1)
6. Pag-gamit sa mga kaloob ng Espiritu (1Pedro 4.10-11)
7. Pagiging masigasig sa paglilingkod sa iglesia (2Tim. 1.6)
8. Sikaping mamuhay sa kabanalan, katuwiran, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuhan-upang maging saksi sa pananampalataya (1Tim. 6.11). 

MGA LAYUNIN NG PAGLAGONG ESPIRITUAL

1. Upang lumago ang bawat Kristiano sa kabanalan, 2Cor.3.18 
2. Upang maging saksi sa pananampalataya, 1Tim. 6.12
3. Upang maging lingkod ng Diyos.
4. Upang lumago ang iglesia at lumawak ang kaharian ng Diyos sa lupa

Mga Tanong:

1. Posible ba na ipanganak na muli ang isang tao subalit hindi lumalago sa buhay espiritual? 
2. Ligtas pa rin ba ang mga tumanggap ng minsan sa Panginoon subalit nagbalik sa makasalanang pamumuhay?
3. Ano ang kaugnayan ng pag-unlad ng mga mananampalataya sa pag-unlad ng iglesia? 
4. Paano mo pinatutunayan ang iyong kapanganakang muli? 
5. Sa anong paraan tayo maaring gamitin ng Diyos sa ating iglesia pagkatapos nating maligtas? 
6. Gaano kahalaga ang pagkakaisang Kristiano sa paglago ng bawat isa sa pananampalataya?

Conclusion:

Ano ang tatak ng isang umuunlad sa pananampalataya (growing Christian)? 

Ang sagot ay ito: pananatiling tapat, nagkakaisa at pagiging responsableng mga lingkod ng Diyos sa ating pagtupad sa ministeryong ipinagkakaloob sa atin. Sa ano mang larangan, ang matured person ay may kakayahang tumupad sa tungkulin. Ang mga matured Christians ay maligayang naglilingkod sa Diyos dahil alam nila na ito ang pinakamabuti. Maitutulad sila sa isang ama na masayang nagtatrabaho para sa pamilya o isang anak na masayang tumutupad sa kanyang mga tungkulin sa bahay at paaralan. 

Upang magawa natin ito, kailangan natin ang sapat na katalinuhan (wisdom), upang malaman kung alin ang tama at mali. Kailangan ang Banal na Espiritu, na nagtuturo sa atin ng kalooban ng Diyos para tayo maglingkod. Ang susi sa pag-unlad sa buhay espiritual ay ang pananatili ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga mananampalataya, at pakiki-isa natin sa gawain iglesia bilang paggawa ng misyon ni Cristo.

LESSON VII - Christian Perfection (Pagiging Ganap) 
1Pedro 1:16; 1 Tesalonica 4.7

Now, when this is done, when we are delivered from all evil, there can be no sin remaining. (Wesley Minutes, June 17, 1747)

Ang pagiging ganap ang hangarin ng isang mananampalataya. Ito ang doktrina ng mga Methodista na madalas mapagkamalan! Posible nga ba na makarating tayo sa ganitong antas ng kabanalan? 

Madalas na mapagkamalan ang doktrinang ito sapagkat ang akala ng iba, ang pakahulugan ni Wesley sa salitang “ganap” ay ang: hindi na nagkakasala ang Kristiano kapag ito ay ipinanganak na muli. Subalit hindi ito ang tinutukoy niya, dahil; 

1. Ang Kristiano, gaano man kabuti ay hindi ganap sa karunungan, kung kaya’t maari pa rin siyang magkasala. 

2. Hindi rin maaring maging ganap ang tao, dahil siya ay may katutubong kahinaan o “infirmities” wika ni Wesley, sa kanyang lupang katawan. Wika nga ng kasabihan: Both ignorance and error belong to humanity. 

Ang pagiging ganap na Kristiano ay hindi paglabas sa kalikasan natin bilang tao. Ito ay antas na makakamit ng isang Kristiano sa patuloy niyang pakikibaka sa kasalanan. Tatlong bagay ang sinasabi ni Wesley bilang mga pagbabago sa isang tunay na ipinanganak na muli: 

1. Hindi na niya naisin ang magkasala (He sinneth not willfully.)
2. Hindi na niya gawi ang magkasala(He sinneth not habitually.) 
3. May pagtatagumpay siya sa masamang kaisipan at nakaugalian (He triumps over evil thoughts and temper.) 

Malaki na ang pagbabago ng isang Kristiano mula ng tanggapin niya si Kristo, dahil hindi na siya makasalanan, bagamat siya ay maari pang magkasala. Ibig sabihin, hindi na siya nasisiyahan sa kasalanan. (2Cor.7.10). Dati, maaring kaligayahan niya ang magsugal, maglasing, ang gumawa ng ibat-ibang kasalanan. Ngayon, wala na siyang kaligayahang madarama sa mga ito. Namumuhi siya ngayon sa kasalanan at nakadarama siya ng matinding kalungkutan kapag nagagawa niya ito. Dahil sa mga pagbabagong ginawa ng Diyos sa kanya, ang kaligayahan niya ngayon, ay ang ihandog ang pinakamabuti para sa Diyos. 

Ang kaganapang Kristiano ay nagsisimula sa “ganap na pag-ibig” ng tao sa Diyos. At kung tayo ay may ganap na pag-ibig sa Diyos, hindi natin pinababayaang masira ang ating relasyon sa Diyos. Ito ay ang tinatawag ni Wesley na: kabanalan sa puso. Isang kabanalan na bunga ng walang humpay na pag-ibig ng Diyos sa atin at ang lumalagong pag-ibig natin sa Diyos maging sa kabila ng ating kahinaan. 

At kung may kabanalan sa puso bunga ng ating lumalagong pag-ibig sa Diyos, natural lamang na susunod na rin ang kabanalan sa ating buhay. 

Ang pagsisikap sa kabanalan ay nararapat lamang sa isang Kristiano, dahil ito ang paraan upang makita natin ang Diyos (Heb. 12.14). Tandaan, mula ng tanggapin natin si Jesus, hindi na tayo makasalanang naghahangad ng kabanalan, kundi, tayo ay mga anak ng Diyos na nagkakasala magkaminsan (We are not sinners aiming to become saints but saints who ocassionally sins.). Paano ito matatamo? 

1. linisin ang sarili sa lahat ng makapag-paparumi sa katawan at espiritu (2Cor. 7.1)
2. mamuhay na may takot sa Diyos (Deut. 6.13)
3. maging matatag sa pananampalataya (Jn. 1.4)
4. manatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok (Santiago 1.12; Filipos 2.12)
5. Ituon ang paningin sa kay Hesus ang nagpasimula at magpapasakdal sa ating pananampalataya (Heb 12.2). 

Ang pagiging ganap ng isang Kristiano ay maaring biglaan o unti-unti. Ang paglisan sa kasalanan ay madali para sa iba, at mabagal naman para sa iba. Ganoon pa man, kung tayo ay nanatili sa ating kaugnayan sa Diyos (sa kabila ng ating kahinaan bilang tao) naniniwala tayo na magiging ganap tayo pagdating ng wastong panahon (Pahayag 22.11). 

Marami ang bumatikos sa turong ito ng Metodismo. Imposible raw at walang makakaabot sa ganitong antas ng kabanalan. Subalit pag-isipan natin, bakit iniutos pa ng Panginoon na tayo’y magpakabanal? 

Ang nakahikayat kay Wesley upang pag-isipan niya ng masinsinan ang kaligtasan at kabanalan ay ang sinabi ni Peter Bohler (isang pastor na nag-akay sa kanya sa wastong pagkilala sa Panginoon) na: ang Kristiano ay may dalawang katangian: 

1. kapayapaan na bunga ng pagpapatawad ng Diyos sa lahat ng kasalanan
2. pagtatagumpay ng Kristiano laban sa kasalanan.

PAGTATAGUMPAY SA KASALANAN 

May kwento tungkol sa isang tao na nagpunta sa Cornwall, England, isang daang taon pagkatapos ni John Wesley. Isa siyang lasenggo kaya pagdating niya sa bayang nabanggit agad siyang naghanap ng alak. Subalit sa kanyang pagkamangha, wala siyang nakitang nagbebenta ng alak sa buong bayan. Sa kanyang pagtataka na may kasamang pagkainis, siya ay nagtanong kung bakit wala siyang mabiling alak. Maraan siyang sinagot ng isang namamayan sa Cornwal, “Ginoo, ang dahilan po kung bakit walang alak dito ay dahil, isang daang taon na ang nakararaan, dumaan sa aming bayan si Ginoong John Wesley at nangaral siya dito tungkol sa pagliligtas ng Diyos.”

BAKIT TAYO KAILANGANG MAGPAKABANAL?

Katibayan ng ating pagkaligtas ang madama natin sa ating puso ang lubusan na nga tayong binago ng Diyos bunga ng paglilinis ng banal ng dugo ni Kristo. Ang paglilinis na ito ay gawain ng Banal na Diyos sa ating buhay. Ito ay alam ng isang naligtas. Hindi na ito kailangang sabihin sa kanya o ipaalam pa sa kanya. Alam niya na may ginagawa ang Diyos sa kanyang buhay. At ang kumikilos na Diyos nasa kanyang puso ay Banal. Bilang anak, hindi ba tayo kailangang sumunod sa yapak ng ating Ama? Ang sumunod sa kanya, ang makitulad sa kanyang wangis? Ang dahilan kung bakit kailangan tayong magpakabanal ay dahil, “Ako’y banal” wika ng Panginoon (1 Peter 1:15-16). 

Mga Tanong: 

1. Anong uri ng perfection ang tinutukoy ng Biblia na dapat nating maabot? Paano ito makakamit ng isang mananam-palataya?

2. Bakit hindi dapat tumigil ang isang Kristiano sa paglago? 

3. Sa palagay mo, hindi kaya masyadong mabigat ang kahilingan ng Diyos para sa mga Kristiano: na magpakabanal?
4. Ibahagi kung paano ka nanatiling matatag upang makaiwas ka sa kasalanan.

5. Ano ang dapat nating gawin kung nagkakasala tayo bagamat tayo ay Kristiano na?

6. Tinututulan ng ating iglesia ang paninigarilyo at paglalasing, dahil wala itong maibibigay na kabutihan sa katawan kundi karamdaman (Social Principles, Aklat ng Disiplina). Paano natin ito masusugpo sa loob ng ating iglesia? Paanong nakakasira ang mga bisyong ito sa magandang imahen ng mga Metodista?

Conclusion:

Ang ating pagkilala sa Diyos ang ating gabay sa ating pagka-Kristiano. Sa napakaraming katangian ng Diyos, may dalawang binigyan ng pansin si Wesley: ang una, ang Diyos ay pag-ibig at ang pangalawa, ang Diyos ay banal. Ang Metodismo ay kinilala na isang holiness movement sa kasaysayan ng Kristianismo. Layunin nito ang palaganapin ang kabanalan, personal man o panlipunan (social holiness). Ang tunay na Kristianismo ay makapagpapabago ng isang tao at gayun din sa isang lipunan. Ito ay nakikita hindi lamang sa mga ritual ng pagsamba kundi pa naman sa paraan ng pamumuhay (practical religion). Ito ay nararanasan sa kalooban at nakikita sa panlabas na katauhan. Sa ganoon, ito ay parang sakit na nakakahawa, kumakalat at hindi mapigilan. Dahil habang kumakalat ang tunay na Kristianismo, patuloy na kumikilos ang kapangyarihan nagliligtas ng Diyos sa mga tao.

Ang kabanalan ay isang displinadong paraan ng pamumuhay na may matinding pag-ibig sa Diyos. Ang disiplinang Kristiano ay hindi pagpapailalim sa mga batas. Ito ay ang kaligayahan ng pagsunod sa Panginoon. Hindi ito pabigat kundi biyaya, sapagkat nahuhubog tayo sa larawan ng Diyos na Banal.


LESSON VIII - Assurance of Salvation
 1 Pedro 1.9; Roma 8.24

… by the testimony of the Spirit, I mean, an inward impression of the soul, whereby the Spirit of God immediately and directly witnesses to my spirit, that I am a child of God; that Jesus hath loved me and given himself for me, that all my sins are blotted out and I, even I am reconciled to God. (John Wesley, Witness of the Spirit)

Maari bang malaman ng isang tao kung mayroon siyang kaligtasan habang nabubuhay pa sa mundo?

Ito ay ang tanong na nagbigay ng kakaibang katangian sa mga ebanghelikong Kristiano. Ayon kay Wesley, 
“Wala akong ninais kundi ang malaman ang daan patungong kalangitan.” 

Ang tanong kung paano nagkakaroon ng kasiguruhan sa kaligtasan ang isang tao ay lubhang bumagabag kay Wesley kaya nasabi niya sa kanyang pagkabahala, 

“Hinihikayat ko ang mga Indians sa America, ngunit sino ang manghihikayat sa akin? Sino? Ano, ang makapagliligtas sa akin sa masamang pusong ito ng pagdududa?” (Journal, Jan.24, 1738). 

At noong May 24, 1738, natagpuan din ni Wesley ang sagot sa kanyang paghahanap. Sabi niya, 

"Naramdaman ko ang kakaibang init sa aking puso, naramdaman kong nagtiwala ako kay Kristo, tanging kay Kristo para sa aking kaligtasan; at ang kasiguruhan ay ipinagkaloob sa akin na inalis(pinatawad) na ang aking mga kasalanan at iniligtas ako sa batas ng kasalanan at kamatayan."

Naniniwala tayo na ang Kristiano ay maaring magkaroon ng kasiguruhan ng kaligtasan habang nabubuhay pa sa mundo. 

Tatlong bagay ang ibinahagi ni Wesley bilang dahilan: 

1. kasiguruhan mula sa Salita ng Diyos (Jn. 3.16) 
2. Kasiguruhan dahil sa ginawa ni Cristo sa krus ng Kalbaryo (Hebreo 9.28)
3. Ang patotoo ng Espiritu Santo sa atin bilang mga anak ng Diyos (Roma 8.16)

May maling paniniwala ang ilan na hindi maaring malaman ng isang tao kung siya ay maliligtas sa kabilang buhay. Malinaw sa Salita ng Diyos na may katiyakan ang isang tunay na mananampalataya para sa kanyang pagkaligtas. Sinasabi halimbawa sa Juan 6.47, na “ang sinumang mananalig ay may buhay na walang hanggan.” Ang pagiging Kristiano ay hindi pagbabakasakali, kundi kasiguruhan na batay sa mga pangako ng Diyos. 

Ang kaligtasan para kay Wesley ay isang pangyayari na patuloy na nagaganap sa buhay ng isang Kristiano. Isa itong proseso at hindi maaring maging minsanang pangyayari. Hindi lamang ito bunga ng pagpapasya na tanggapin si Jesus kundi, kasama dito ang walang tigil na pamumuhay bilang anak ng Diyos. Hindi mumurain (cheap) ang ipinagkaloob na kaligtasan ng Diyos sa atin. Hindi ito ipinagkakaloob sa isang manananampalataya na walang kaakibat na kasiguruhan. 

Ang kaligtasan ay bunga ng pagpapatawad ng Diyos sa nakalipas na kasalanan, at nagbibigay ito ng kasiguruan sa kasalukuyan, at kakayahan upang magbagong buhay sa hinaharap. Ang kaligtasan ayon kay Wesley, ay ang araw-araw na kamalayan ng tao na siya ay anak ng Diyos at dahil dito siya ay mayroong lakas na lumaban sa makasalanang buhay at pag-asa na siya ay maliligtas pagdating ng pahuhukom (Roma 8.24-25). Ang taong naligtas na ay maari paring mahulog sa pagkakasala, at dahil dito maaring mawala sa kanya ang kasiguruhan. Ganun pa man, maari parin siyang magsisi at manumbalik sa Diyos, upang muling maranasan ang kasiguruhan ng kaligtasan. 

Ang kaligtasan, na siyang pinakamahalagang handog na Diyos sa tao ay dapat na bantayan at pangalagaan. Hindi kailanman nais ni Wesley na magkaroon ng mga tamad at maligamgam na Metodista. Ayaw niya nilalabanan niyang parati ang kaisipan na ang kaligtasan ay nagsisimula at natatapos sa isang pagtanggap lamang sa Panginoon. Mapapansin natin ito sa “General Rules for the People Called Methodists”. Kung ikaw ay nagnanais na maligtas, kinakailangan ipakita mo ang iyong pagnanais na maligtas sa iyong pamumuhay. Ang pananampalatayang nakapagliligtas ay nagbubunga ng pagbabagong buhay, pag-iwas sa kasalanan at pasusumikap sa kabanalan. 

MGA TANDA NG TUNAY NA PAGKALIGTAS

a. Totohanang na pagsisisi
b. Kailangang kakitaan ng tunay na pagbabago.
c. Ang Kristiano mismo, sa kanyang kalooban ay dapat kumbinsido na may nagbabago sa kanyang buhay. (John 5.24)
d. Nakikita at nadarama niya ang mga bunga ng Espiritu sa kanyang buhay, at ito’y nakikita rin ng iba. (Galacia 5.22)
e. Lubusang pagbabago sa panlabas na buhay. Paglisan sa mga makamundong gawain tulad ng pag-susugal, paglalasing, kalaswaan at iba pa (Gal. 5:19-22). 

Ayon sa General Rules, ang isang tunay na Metodista ay kailangang magpakita ng katibayan ng kanyang pagkaligtas sa pamamagitan ng:

a. Pag-iwas sa anumang uri ng kasalanan
b. Paggawa ng mabuti sa lahat ng pagkakataon
c. Tapat na pagdalo sa mga hayagan at pansariling gawain para sa Panginoon tulad ng pagsamba, o pananalangin. 

Ang kasiguruhan ng kaligtasan ay may ganap na epekto sa pamumuhay ng isang mananampalataya. Dahil ang Espiritu ng Diyos ay nagpapatotoo sa kanya, siya naman nanatiling patotoo para sa iba. 

Mga Tanong: 

1. Bakit kailangang magkaroon ng kasiguruan ng kaligtasan ang isang Kristiano? Ano ang kaibahan kapag ang isang Kristiano ay may kasiguruhan sa kanyang kaligtasan?
2. Bakit hindi sapat ang magkaroon ng relihiyon lamang upang manatili tayong nakaugnay sa Diyos? Maari bang magkaroon ng relihiyon na walang relasyon sa Diyos? 
3. Kung lubusang magbabago ang mga kaanib ng iglesia at nagsusumikap sa kabanalan, at sigurado na sila ay ligtas, ano ang ibubunga nito sa pagmimisyon? Ano ang magiging tingin ng ibang tao sa kanila?
4. Sabi ni Pablo, “Work out your salvation with fear and trembling.” Ano ang ibig sabihin nito? Paano natin ito isasakatuparan? 

Conclusion: Inner Witness

May palagiang sinasabi si Wesley tungkol sa patotoo ng Espiritu. Ito ay tinatawag niyang witness of the Spirit o patotoo ng Espiritu sa ating espiritu na tayo ay anak ng Diyos. Ayon sa kanya, ang kasiguruhan ay pagpapatotoo ng Diyos sa naligtas. Hindi ito patotoo ng tao sa kapwa tao kundi katibayan na mula sa Diyos. Ito ay katibayan na ang kaligtasan ay hindi bunga ng gawa ng tao. Ito ay gawain ng Diyos sa kalooban ng tao. Subalit habang nagaganap ito sa kalooban, mayroong nakikitang bunga sa buhay ng naliligtas na tunay na kakaiba. Ang lumalawig na pag-ibig sa Diyos, ang pagkamuhi sa kasalanan, ang kaligayahan sa paglilingkod, ang pagkauhaw sa kabanalan, ang kagalakan sa pakikisalamuha sa kapwa Kristiano, ang lahat ng ito ay hindi mga batas para sa isang ligtas kundi paraan ng pagiging disipulo. Ito ay hindi kabigatan kundi dagdag na biyaya na nagpapaligaya at nagpapalakas sa kanya bilang anak ng Diyos. 

Alam mo na ba kung ikaw ay ligtas?

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...