Sabado, Oktubre 15, 2016

Pamumuhay Ayon sa Salita ng Diyos (Sunday School 2 Timothy 3:14-4:5)

Pamumuhay Ayon sa Salita ng Diyos
2 Timothy 3:14-4:5

Ang Salita ng Diyos ay mahalagang regalong mula sa Panginoon.  Ang Biblia ay gabay sa buhay upang hindi tayo maligaw.  Hindi na tayo kailangang magbaka-sakali - dahil sa Biblia, alam na natin agad ang mga dapat gawin upang magtagumpay at maging masaya.  Alam na natin ang sekreto ng buhay na may kahulugan.  Ang kailangan lamang ay ang magbasa at sumunod sa Salita ng Diyos.

Ang Natutunan Na Natin (What We Have Learned So Far...)

Marami sa atin ay tulad ni Timothy.  Natuto tayo mula pa sa Sunday School  noong bata pa.  Naging  kabataan at tinanggap natin ang Panginoong Jesus bilang ating Tagapagligtas.  Ngayon, tumatanda na ang marami sa atin at patuloy pa rin tayong nagbabasa at nag-aaral ng Salita ng Diyos.  Ngunit madalas may isang kulang sa ating ginagawa - nagkukulang tayo sa application.    Kailangan nating ipinamumuhay ang ating mga nababasa.

True learning = reading + understanding + application

Kapag walang application, ito ay walang silbing pag-aaral.  Tulad ito ng babala ni Apostol Santiago sa 1:22, “Do not merely listen to the word, and so deceive yourselves. Do what it says.”

Ang Biblia
Ano nga ba ang Biblia para sa atin? Bakit kailangan itong matutunan mula pagkabata hanggang pagtanda?

1. Ito ang Salita ng Diyos - ito ay Banal na Kasulatan na dapat igalang at sundin.  Malinaw   ito ayon sa 1 Tess. 2:13 (basahin po natin).

2. Tinuturuan tayo ng Biblia kung paano maligtas, v. 15 - hindi ang Biblia ang ating sinasampalatayanan, kundi ang Panginoong Jesus.  At ito ang turo ng Biblia upang magkamit tayo ng buhay na walang hanggan.

3.  Naglalaman ito ng katotohanan, v. 16 - maaasahan ang mga nilalaman ng Biblia.  Sabi mismo ng Panginoong Jesus sa Juan 17:17, “Ang Salita mo O Panginoon ay katotohanan.”

4.  Ito ay may malaking pakinabang, v. 16b. Naglalaman ito ng tamang doktrina, mga pagtutuwid at mga turo tungo sa matuwid na pamumuhay.

5. Inihahanda tayo ng Biblia sa ating paglilingkod bilang alagad ng Panginoon, v. 17.   Ang Biblia ay pinag-aaralan upang sundin at ibahagi sa iba.   Nais ng Diyos na “maligtas ang lahat ng tao at maka-alam ng katotohanan” (1 Tim. 2:4).   At mangyayari lamang ito kung magbabahagi tayo ng salita ng Diyos namakikita sa ating halimbawa’t gawa at maririnig sa ating salita.

Dalawang Mahalagang Tungkulin Natin

1. Palaging maging handa upang ibahagi ang Salita ng Diyos, (4:2).   Sabi rin ni Apostol Pablo sa Efeso 6:15, “Isuot ninyo palagi ang panyapak ng Balita ng Kapayapaan”.  Ito ay kahandaan ng bawat Kristiano sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa iba.

Tungkulin ito ng bawat Kristiano.  Hindi tayo tagapakinig lamang ng Salita, dapat natin itong unawain, sundin at ibahagi.

2. Mamuhay bilang isang Ebanghelista, (4:5) -  ang ministry ay hindi gawain ng mga professional pastors at deaconesses.  Sa Biblia, ang gawain ng pangangaral at ebanghelismo ay gawain ng lahat ng Kristiano.  

Paano Ito Gagawin?

1. Siguraduhin mo ang iyong kaligtasang espiritual - siguraduhing tinanggap mo na ang Panginoong Jesus bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon.  Matutulungan mo ang iba para maligtas kung alam mong ligtas ka na.

2. Ibahagi mo ang iyong kaligtasang espiritual. Magsaulo ng ilang talata mula sa Biblia tungkol sa kasiguruhan ng kaligtasan.
Halimbawa:
a. John 3:16
b. Roma 3:23; 6:23; 10:9
c. Efeso 2:8-9
d. 1 Juan 5:13

3. Tulungang manalangin ang binabahaginan ng pagtanggap sa Panginoong Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.

4. Gabayan ang binahaginan upang maging miembro ng iglesia sa pamamagitan ng Bautismo ng Pananampalataya.

5.  Patuloy na gabayan mo ang bagong kapatid sa pagdalo sa mga gawain ng ating iglesia.

Mga Tanong sa Talakayan:
1. Ano ang epekto ng pag-aaral sa Biblia na walang pagsunod sa gawa? Bakit kailangang iwaksi ang ganitong pag-aaral na walang application?

2. Bakit kailangang matuto ang lahat upang manghikayat sa pananampalataya?  Ano pa ang dapat nating gawin upang gumawa ng “promotion” sa ating iglesia?

3. Ano sa palagay mo ang mga bagay na dapat nating palakasin upang maging kaakit-akit ang iglesia sa ibang tao sa ating komunidad?  Paano nakakatulong ang sama-samang patotoo ng pagkakaisa, kabutihan at sipag sa pagdalo sa mga gawain?

4. Ano pa ang iyong maipapayo upang umunlad ang ating iglesia sa bilang at kalidad?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...