Huwebes, Oktubre 29, 2015

Tapat na Pagkakaloob

Ang Mabuting Halimbawa ng mga Balo
Ruth 3:1-5; 4:13-17 / 1 Kings 17:8-16
Mark 12:38-44

Ang mga balo o widows ay espesyal sa mata ng Diyos. Mahal sila ng Panginoon. May magandang plano ang Diyos para sa isang pamilyang nabalo ng ama. Ang mga salitang ito ay lagi kong naririnig noon pa mula sa aking ina. Maagang pumanaw ang aking ama, ako po ay pitong taong gulang pa lamang noon ng yumao ang aking ama. Ito ang pinaghawakang katotohanan ng aking ina habang kami ay lumalaki. At kailan man, hindi namin siya nakitang pinanghinaan ng loob sa pagtataguyod sa kanyang pamilya.

Sabi sa Ex 22:22-24, "Do not take advantage of a widow or an orphan. If you do and they cry out to me, I will certainly hear their cry. My anger will be aroused, and I will kill you with the sword; your wives will become widows and your children fatherless.” (NIV)

Ang ating mga teksto sa Linggong ito ay kwento ng mga balo, si Ruth at Naomi, ang balo ng Zarepath, at isang balo sa Marcos 12:38-44.

Tunay nga na sinasabi sa Biblia, na may malalim na malasakit ang Diyos sa mga balo at ulila (Deut. 10:18). Pero bakit kaya?

1. Kung wala ng ama ang isang pamilya, wala silang tagapagtanggol,    lalo sa kalagayan na may digmaan.
2. Kaunti ang kanilang kabuhayan.
3. Walang magpapatuloy sa paglinang ng lupa para magamit ng    pamilya, lalo kapag ang mga batang naulila ay mga bata pa.
4. Ang inang nabalo ay tatayong ina at ama ng pamilya. Ang pasanin    ng pamilya ay mag-isa niyang tutugunin.

Tatlo lamang ito sa mga dahilan kung bakit espesyal sa puso ng Diyos ang kalagayan ng mga ulila at balo. Dahil dito, ang Diyos ay may nakahandang tugon para sila pamangalagaan.

1. Ang Diyos mismo ang tagapagtanggol ng mga naulilang pamilya o ng asawang balo (Deut. 10:18).
2. Sa kultura ng Israel, iniutos ng Diyos na dapat pangalagaan ng isang kamag-anak ang ari-arian ng mga ulila, at kung may kapatid ang namatay, kukunin siya ng kanyang bayaw at ituturing na asawa, upang may mangalaga sa mga ulila at sa balo (Ruth 4:10; Mark 12:19).
3. Sa Deut 26:12, kabilang mga ulila at balo sa mga tutulungan mula sa kaloob sa pananalapi ng templo (mga ikapu) upang hindi maghikaos ang mga ay ulila.

Kahit sa Bagong Tipan, ang mga ulila at balo ay kasama sa ministeryo ng iglesia; sa James 1:27, ganito ang sinasabi,
“Religion that God our Father accepts as pure and fault less is this: to look after orphans and widows in their distress and to keep oneself from being polluted by the world.”

Ang Mabuting Halimbawa ng Mga Balo
Mahirap man ang kalagayan ng mga balo, maraming halimbawa ang Biblia sa mga balo, na dapat pamarisan. Katulad ng teksto sa Marcos 12:38.

1. Katapatan sa pagkakaloob. Ang katapatan ng isang mahirap sa pagkakaloob ay higit na kagalakan sa puso ng Diyos, kaysa kaloob ng isang mayaman na nagbibigay ng sobra lamang sa kanyang kayamanan. May kasabihan na “pay till it hurts”. Ang ginawang pagkakaloob ng balo ay pagbibigay ng lahat ng salapi niya.

2. Katapatan sa Pananampalataya. Sa 1 Tim 5:5-6, sinasabi,
“ The widow who is really in need and left all alone puts her hope in God and continues night and day to pray and to ask God for help.” Ang mga balo sa ating aralin ay may pagtitiwala sa Diyos.

Alam natin na ang karanasan ng kahirapan ay maaaring mag-udyok sa isang tao para gumawa ng kasalanan sa pamamagitan ng pagkapit sa patalim. Ngunit ang mga balo sa ating kwento ay nagpakita ng pagkapit sa Diyos at hindi sa kasalanan. Gaano man kahirap ang kalagayan natin sa buhay, huwag sana tayong mag-iisip na yumakap sa kasamaan. Huwag sana nating gawing katuwiran na dahil mahirap tayo, maari tayong magnakaw o mandaya.

3. Katapatan sa Pagsunod sa Diyos. Minsang sinabi ni John Wesley sa Liturhiya ng Covenant Service, “ang pagsunod sa Diyos ay minsan magaan, at kung minsan ay mabigat, may ipinagagawa ang Diyos sa mga naglilingkod sa kanya ng mga bagay na madaling gawin, at may mga bagay na mangangailangan ng sakrispisyo”. Sa sakripisyo napapatunayan ang katapatan. Ang katapatan ng babaeng balo ay sakripisyo para sa Diyos, dahil siya nagkaloob ng lahat niya para sa Panginoon. Ang hamon ng propeta sa balo ng Zarepath ay hindi simpleng hamon. Ngunit tumugon siya sa utos ng propeta ng Diyos. Gaano man kaliit ang ating kinikita, kung tapat tayo sa ating pagsunod at pagmamahal sa Panginoon, dapat tayong makibahagi sa pasanin ng simbahan. Huwag po sana tayong manghihinayang sa ibinibigay natin sa Diyos, dahil hindi po sila kawalan.

4. Pagtitiwala sa mga Paraan ng Diyos.   Ang mga balo sa ating kwento ay nagpakita ng pagtitiwala sa paraan ng Diyos. Si Naomi at Ruth ay naging tapat sa panuntunan ng Diyos Si Ruth ay sumunod sa paraan ng Kautusan bagamt siya ay isang Moabita at maaring hindi sanay sa kaugaliang Judio. Ngunit siya ay nagtiwala sa paraan ng Diyos . Sa ganitong paraan nagka-anak siya, at naging apo siya si Haring David, at ang Panginoong Jesus. May mga pagkakataon nahindi natin maunawaan ang paraan na nais ng Diyos. Gayun man, dapat tayong sumunod sa paraan ng Diyos.

Ang ginawang paghingi ni propeta Elias sa balo ay maaring ituring kalabisan o pang-aabuso. Ngunit basahing mabuti ang 1Hari 17:14. ginawa ito ng propeta hindi para kumain siya kundi dahil ito ang utos ng Diyos. Ito ang paraan ng Diyos para pagpalain niya ang mahirap na balo. May paraan ang Diyos para pagpalain niya ang mga mahihirap, pero iniuutos ba natin ito sa mga miembro natin? Sinasabi ba natin sa kanila ang ipinagagawa ng Panginoon?

May pastor na minsang nagsabi, “Ayaw kong mangaral tungkol sa ikapu, dahil mahihirap ang aking mga miembro.” At sabi ng isa pang pastor, “Ayaw kong ma-offend ang mga miembro ko, hindi ako nangangaral tungkol sa pagkakaloob.”

Ang ginawa ni Propeta Elias ay pagsunod sa Diyos para pagpalain ang balo. Kung hindi natin ituturo ang mga pamamaraan ng Diyos sa mga tao, inaalisan natin sila ng pagpapala mula sa Diyos. Sabi sa Awit 127:1, “Maliban na ang Diyos ang nagtayo ng bahay, ang ginawa ng nagtayo ay walang kabuluhan.” Dapat tayong magtiwala sa paraan ng Diyos at hindi sa ating sariling paraan.  Ang pag-iikapu ay paraan na turo ng Biblia, ito ay malinaw na paraan ng Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...