Miyerkules, Enero 9, 2019

Communion Sermons Tagalog

Sermon 1:

Gamot sa mga Nakakalimot
Lucas 22:19-20 

19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, "Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin." 

20 Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, "Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.

Madalas na akong makalimot ngayon. Nahalata ko na kapag may kukunin akos a pastor's office, pagdating ko doon, lagi kong tinatanong ang aking sarili, "Ano na kasi ang kukunin ko?" Madalas bumabalik ako sa parsonage, hindi ko dala ang aking nais kunin sa office. Tumatanda na si pastor. 

Pero hindi lamang tumatanda ang madaling makalimot. 
Lalo sa paglimot natin sa Diyos. 

Marami ang nakalilimot sa pananalangin at pagbabasa ng Biblia. Marami ang nakalilimot na magsimba. Marami ang nagsasabing, ang Diyos ay mahal nila, ngunit nakakalimutan Siya. 

Ang isipan natin ay ang isa sa pinakamagamiting instrumento sa ating pagkatao. At madalas tayong umaasa sa ating memorya. Ngunit maniwala man tayo o hindi, marami sa atin ang may sakit na amnesia - amnesiang espiritual, ang madalas makalimot sa Diyos. 

Spiritual Amnesia

Subukan mong tanungin ang iyong sarili, "Ilang beses sa isang araw ko nakakalimutan ang Diyos?" Alam nating lahat na sa sandaling mabaling kahit saglit lamang ang ating atensyon sa ibang bagay, nakakalimot na tayo sa Panginoon. Maraming bagay ang maaring umagaw sa ating pansin, upang makalimot tayo sa Diyos. 

Kung kaya, ang Panginoon ay gumawa ng paraan upang madalas natin siyang gunitain. Ang pag-alala sa Panginoon ay dapat sinasadya. ito ang dahilan kung bakit ang panalangin, pagbabasa ng Biblia, pagtanggap ng Komunyon at pagsamba ay mga "disiplinang espiritual" para kay John Wesley. Dahil sa oras na nagwalang bahala tayo sa mga bagay na ito, madali tayong makakalimot sa Diyos. Ito ay lubhang mahalaga. Subukan mong kalimutan ang Panginoon, at madali kang madadaig ng tukso. 

Gamot Sa Spiritual Amnesia

Payo ng mga matatanda, "Huwag kang lubusang magtitiwala sa memorya mo! Isulat mo sa papel!" Ang pagsulat sa papel o paggamit ng bagay na makatutulong na magpapa-alala sa ating pakay ay may malaking silbi. Naisip ko na ginamit ng Panginoon ang Banal na Komunyon, ang tinapay at Katas ng Ubas upang maging paalala sa atin ang mga ito sa Kanya. Sinasabi ni John Wesley na habang maari, noong nasa Oxford siya, tumatanggap siya ng Banal na Komunyon araw-araw. Ang simula ng kanyang araw ay pananalangin at pag-babasa ng Biblia. Nakatutuwa nga lang isipin na nakalimutan ni John Wesley ang kanyang asawa, ngunit hindi siya nakalimot sa Diyos. Totoo pong nangyari iyon kay John Wesley. 

Gamot sa Paglimot

1. Gamot upang hindi tayo makalimot sa pagpapasalamat. 
Ang salitang "eucharist" mula sa ginamit na salitang Griego ng Panginoong Jesus sa v. 19 ay "eucharisteesas" na ating ginagamit sa pagtukoy sa Komunyon ay nangangahulugang "siya'y nagpasalamat". Eucharist means "thanksgiving".

At madalas nga nating makalimutan ang magpasalamat sa Diyos di po ba? Ang Banal na Komunyon ay katibayan ng umaapaw na kabutihan ng Diyos. 

Lahat ng ating kailangan. 
Lahat ng ating kahilingan, 
Panalangin upang gumaling,
Panalangin upang patawarin, 
Panalangin upang maligtas---

Lahat ng ito ay tinutugon ng Diyos, at ang tanging maisusukli natin sa Kanya ay pasasalamat. Pero nakakalimot pa rin tayo na gawin ito, hindi lang magka minsan - kundi madalas.

2. Gamot ito upang hindi tayo makalimot kay Jesus. 
Ang salitang ginamit dito sa Griego ay "anamneesin" o "pag-alala sa akin." Ang salitang ito ay may mahalagang kahulugan. 

Ipinapaalala sa atin na ang salitang ito ay hindi tumutukoy sa pag-alala sa isang yumao. Hindi sinasabi ng Panginoon na, "Alalahanin ninyo ako kapag ako ay patay na." Ang banal na Komunyon ay hindi Memorial Service para sa isang patay. Manapa'y ang Banal na Komunyon ay CELEBRATION sa pag-alala sa ATING BUHAY NA PANGINOON! 

Ang salitang ito ay ginagamit sa pag-alala sa isang "buhay pa". Malinaw kung gayon na ang salitang ito ay "prophetic declaration" ni Jesus. Na bagamat siya ay mamatay sa krus, gayun man hindi siya aalalahanin bilang isang patay, kundi isang buhay magpakailanman. 

3. Gamot ito upang hindi tayo makalimot na si Jesus ay nasa piling natin. 
Hindi po tayo niniwala na ang tinapay at alak ay "literal" na katawan at dugo ni Cristo. Sila ay mga elemento, mga simbulo ng kanyang katawan at dugo. Ngunit sa paraang espiritual totoong tinatanggap natin ang pagkakatawang tao ng Diyos, na may katawan at dugo na nagkaloob ng kanyang buhay para sa ating katubusan.

Ang Banal na Komunyon ay paalala upang hindi tayo makalimot sa Diyos na hindi nakakalimot sa atin. 
Ang Diyos -- hindi lamang niya tayo inaalala, kundi lagi pa niya tayong sinasamahan. Lagi niya tayong ginagabayan, niyayakap, at pinagmamasdan. Lagi Siya sa ating tabi. 

Hindi nga lang natin napapansin. Dahil madali tayong makalimot.


Sermon 2


Tuntunin sa Pagtanggap ng Banal na Komunyon
1 Corinto 11:27-34

Ang sama-samang pagdulog sa hapag ng Panginoon ay kasanayan ng mga sinaunang Kristiano.  Ito ay tinatawag na “agape meal”.  Sa Komunyon, kinikilala ang banal na presensya ng Panginoong Jesus.   Pagkakataon din ito upang maramdaman ng bawat Kristiano ang pagkaka-isa.  Ang mga mayayaman ay nakikisalo sa mga mahihirap.  Ang lahat ay pantay-pantay sa Banal na Hapunan.

Ngunit sa iglesia ng Corinto, nakaranas ng kaunting problema si Apostol Pablo.  Tulad ng alinmang iglesia, nakakita siya ng ilang suliranin na dapat  iwasto.  Bilang mga anak ng Diyos, nakapahalaga na unawain natin ang Salita ng Panginoon at maging bukas tayo sa mga maaring pagwawasto na nais gawin ng Diyos sa ating buhay bilang isang katawan.

Isang naging suliranin na nakita ni Pablo ay ang mga pangkat-pangkat ng mga kaanib sa oras ng hapag ng Panginoon.  Ang mga mayayaman, mga magkakasamang grupo ay humihiwalay sa iba.  Isa pa ay ang pagiging makasarili ng iba.   Kumakain at umiinom sila ng labis at nawawalan ng paggalang sa Banal na Hapunan.

Paghahanda sa Pagtanggap sa Banal na Komunyon

Dalawa lamang ang ating kinikilalang Sakramento ng iglesia, ang Bautismo at Banal na Komunyon.  Ang Banal na Komunyon ay iniutos ng Panginoon upang siya ay ating alalahanin.  Upang magawa natin ito, kailangan natin ang isang nakahandang puso at bukas na kaisipan.  Dahil, ito ay paggalang mismo sa katawan at dugo ng ating Panginoon. Ang pagtanggap sa katawan at dugo ng Panginoon sa paraang hindi karapat-dapat ay isang pagkakasala.

Kabilang sa mga paraang karapat-dapat ay;

a. ang pagsusuri sa sarili bago tumanggap ng Banal na Komunyon.
Ang tamang pagsusuri sa sarili ay ginagawa ng mga nagnanais lumago sa pananampalataya at sa kaalaman.  Ito ay sa paraan ng kapakumbabaan at pagbubukas ng sarili sa liwanag ng Diyos.  Ang taong nagsusuri ng sarili ay handa sa mga pagtutuwid ng Diyos, kumikilala  siya sa mga sariling kahinaan at pagkukulang.

Sa mismong tinapay at katas ng ubas, ang Panginoon ay nangungusap sa bawat tatanggap ng Komunyon.  Ito ay simbulo ng pagpapatawad na pinagkakaloob ng Diyos.  At ang pagpapatawad ay pinagkakaloob lamang sa mga tunay na nagsisisi.  At ang mga tunay nagsisisi ay nagsasaliksik ng kanilang sarili, upang ilantad ang karumihan at mga kasalanan sa liwanag ng Diyos - at sa gayun nakakamit nila ang malinis, dalisay, ang banal na buhay na kaloob ng Panginoon para sa mga lumalapit sa kanya.  Darating sila sa iglesia na may bitbit na kasalanan, ngunit uuwi sila  na wala ng bahid ng kasalanan - dahil sila ay pinatawad na.
b. ang pangalawa ay ang banal na Komunyon ay pagkilala sa katawan at dugo ng Panginoon.
Kinikilala po natin ang tinapay at katas ng ubas bilang mga “simbulo” at hindi literal na katawan at dugo ng Panginoon.
Ngunit kailangan pa rin nating igalang ang mga ito bilang mga banal na bagay.   Higit pa rito, kailangan  nating kilalanin ang Banal na Komunyon bilang isang banal na gawain ng ating Diyos.

Inuutusan tayo ng Pangjnoon na sa tuwing ginagawa natin ito, inaalala natin siya.  Ang pag-alalang ito ay hindi lamang sa isip, kundi sa kanyang presenya.   Ito ay pagsariwa natin sa pakiki-isa ng Panginoon sa ating kalagayan bilang tao.  Siya ay kasama natin sa Banal na Hapunan. Ibig sabihin, ang paggalang natin sa mga elemento ng Komunyon ay tumutukoy sa ating paggalang sa mismong presensya ng Panginoon sa ating kalagitnaan sa oras ding ito! At ang kawalan ng paggalang sa mga ito ay nangangahulugan ng kawalan ng paggalang sa Diyos.

Ito ang dahilan  kung bakit sinasabi ni Pablo na  naging kaparusahan pa sa iba ang dulot ng Komunyon.  Sila ay nagkasakit at ang iba ay nangamatay.  Sa halip na maging biyaya - ang Komunyon ay naging kahatulan sa kawalan nila ng paggalang sa presensya ng Diyos.

c. Ang Komunyon ay Pagdiriwang sa  ating pagkakaisa bilang isang iglesia o iisang katawan ni Cristo.  Ang iglesia ay binayaran ng Panginoon sa kanyang sariling dugo at ito ay ginawa niyang kanayang katawan na maglilingkod sa mga tao sa sanlibutan.

Sa hapag ng Panginoong Jesus, tayo ay nagdiriwang sa isang banal na salu-salo kasama ang Panginoon.  Sa ganitong diwa, tayo ay pinaging -isang katawan bagamat tayo ay marami.

Ang banal na Komunyon ay katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak para sa ating katubusan.  Ang pag-ibig ding ito ay inaasahang madarama ng bawat kaanib ng iglesia.  At ang pag-iig na ito ay inasahan ding ibabahagi ng bawat isa sa kanyang kapatid sa loob ng simbahan.

Wika ng Panginoon, “Ibigin ninyo ang isa’t-isa.  Sa ganitong paraan makikilala ng iba na kayo nga ay alagad ko.”

Ang Komunyon kung gayon ay tanda ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.  At ito ay katibayan din ng ating pag-ibig sa isa’t-isa.

Muli mga kapatid, bukas ang hapag ng Panginoong para sa lahat.  May kasalanan ka ba at humihingi ka ba ng pagpapatawad mula sa Panginoon?  Lumapit ka at patatawarin ka niya. Mahal ka ng Diyos at kailan man hindi ka niya itataboy kung lalapit ka lamang sa Kanya ng buong puso.

Halina at tikman ninyo ang handa ng Panginoon. Amen. 


Sermon 3: 


Paglalakbay Pauwi sa Emaus
Lucas 24:1-32

Ang katagang "There's no place like home." ay lalong pinatanyag ng kwentong Wizard of Oz. Ang character na si Dorothy, ay isang bata na dinala ng ipo-ipo sa lugar ng Oz. Doon siya ay nakakilala ng ibat-ibang pambihirang nilalang, mga kaibigan at mga kaaway. Ngunit malayo siya sa kanyang mga magulang at sa kanyang tahanan.

Sa adventures na iyon ni Dorothy, wala siyang naging hangad kundi ang makauwi. Dahil, there is no place like home.

Ang ating kwento mula Biblia ay salaysay ng dalawang alagad na pauwi sa kanilang tahanan. Pagkatapos nilang makita si Jesus na namatay at inilibing, ang tanging hangarin nila ngayon ay bumalik na lamang sa kanilang tahanan sa Emaus.

Noong sumunod sila sa panawagan ng Panginoon upang maging alagad, iniwan nila ang kanilang tahanan at pamilya. Ngayong wala na ang Panginoon, marahil nga, ang pinaka magandang magagawa nila ay ang umuwi.

Sa Daan Pauwi

Masarap umuwi lalo kapag may sasalubong sa iyo tulad ng halik ng asawa at yakap ng mga anak. Masaya rin sila kung may pasalubong na dala ang isang uuwi ng tahanan. Sa tahanan maririnig ang mga halakhak, tawanan at mga pagbabawal ng magulang sa kakulitan ng mga bata. Walang lugar na katulad ng tahanan.

Ngunit ang pag-uwi na iyon nina Cleopas at ng kasama nila ay isang malungkot na pag-uwi. Naaalala ko po ang mga kwento ng mga biktima ng mga illegal recruiter noong bata pa kami sa aming baryo.

Isang pamilya ang nagbenta ng kanilang nag-iisang kalabaw at maliit na lupang sinasaka upang makapunta sa Saudi Arabia ang ama ng tahanan. Sa pamamagitan ng pangingibang bansa, inasahan ng pamilya na sila ay uunlad na sa kabuhayan. Ngunit lingid sa kaalaman ng ama, siya ay biktima pala ng illegal recruitment. Inihatid pa naman siya sa airport ng buong pamilya. Pagdating sa airport ng Maynila, wala siyang passport, wala siyang ticket at wala rin ang recruiter. Umuwi ang buong pamilya na malungkot at bigo.

Malungkot at bigo, ito rin ang damdamin nina Cleopas. Umasa sila na si Jesus ay ang Messias. Umasa sila na magbabago na ang takbo ng buhay ng bawat Judio na lalahok sa kilusan ng Panginoong Jesus. Ngunit ngayong patay na si Jesus, patay na rin ang kanilang pag-asa.

Pauwi sila sa Emaus dala ang malungkot na balita, patay na ang inaasahang nilang Tagapagligtas. Ang dala nila ay kwento ng kabiguan. Marahil nahihiya nga silang uuwi sa kanilang bayan ng Emaus.

Sinamahan Sila Ni Jesus sa Pag-uwi

Sa kanilang paglalakbay pauwi, nakisabay si Jesus. Kasama nila ang Panginoong Jesus pero hindi nila alam. Buhay na muli ang Panginoong Jesus ngunit hindi ito namalayan.

May kwento ang dakilang mangangaral na si Charles Spurgeon tungkol sa isang katulong na naglingkod sa isang lalaking mayaman. Namatay ang mayaman at ang tanging iniwan niya sa katulong ay isang sulat. Dahil hindi marunong magbasa ang katulong, umuwi siya at itinabi ang nasabing sulat sa isang sulok ng kanyang barung-barong. Nasadlak sa lungkot ang katulong dahil napamahal siya sa kanyang amo na parang ama niya ito. Bumalik siya sa kanyang dating bahay, sa lalong mahirap na buhay dahil wala na siyang alam na kabuhayan kundi ang maging katulong.

Isang araw, binisita siya ng kanyang pastor. Pinabasa niya ang nilalaman ng sulat ng kanyang dating amo. At laking gulat ng pastor at siya ng basahin ng pastor ang sulat. Ito pala ay isang testamento na nagsasaad na ang lahat ng ari-arian ng kanyang pumanaw na amo ay pinamamana sa kanya!

Kasama niya ang sulat pero hindi niya alam...na siya pala ay tagapagmana.

Ang mga alagad, kasama na nila si Jesus pero hindi pa nila alam!

Alam ninyo mga kapatid, kahit ngayon baka mayroon kayong pag-papala sa buhay na hindi ninyo nalalaman. Life is full of unrecognized blessings. For so many times, God is just beside us, ready to bless us, ready to journey with us, but we may just not recognize Him.

Bakit kaya?

Bakit hindi nila nakilala si Jesus? Una, nakapako na sila sa maling kaisipan na patay na si Jesus.

Sa bahay namin dati, ay may manequin. Ito ay nasa sala at iniwan namin itong nakatayo sa loob ng bahay. Ilang buwan din itong walang nakalagay doon na walang t-shirt (may shorts naman). Minsan, una akong umuwi sa bahay at naisipan kong tumayo sa lugar ng manequin. Tinakpan ko siya ng kumot at doon ako tumayo sa lugar niya. Inalis ko ang t-shirt ko at nag-pose ako na parang ako yung manequin. Dumating si misis at ang aking anak, at hindi nila napansin na nandoon ako sa bahay. Padaan-daan sila sa aking harapan ko ng mahabang sandali at hindi nila alam na nandoon ako!

Kaya ng ako ay kumilos, nabigla po sila. Nandoon lang ako, pero hindi nila alam.

Their minds was conditioned to believe that it was the manequin and not me, who is standing there on that sala.

Nandoon lang si Jesus, pero hindi nila alam.

Hindi kaya ganyan din tayo mga kapatid? Nandiyan lang ang Panginoon pero hindi natin alam? Na ang turing natin sa Diyos ay isang estranghero?

Gayun pa man, matiyaga parin silang tinuruan ng Panginoon. Pina-alala ng Pagninoong sa kanlila ang mga hula sa Lumang Tipan. Sa kanilang mahabang lakaran, marami rin ang naibahagi ng Panginoon sa kanila, ngunit isa lang ang alam nilang kwento, nakapako pa rin sila sa maling kaisapang "Patay na si Jesus.".

Nang Makauwi na Sila

Pagdating sa Emaus, pinatuloy nila ang Panginoon sa kanilang tahanan. At ito ang pinaka magandang bahagi ng kwento. Hindi man nila naunawaan ang mga sinasabi ng Panginoon, hindi man nila nakilala si Jesus, pinatuloy nila ang "estranghero ito" sa kanilang tahanan.

May kwento tungkol sa isang pamilyang hindi mananampalataya. Isang araw nakipanuluyan ang isang pastor sa kanilang bahay at tinanggap naman nila ang pastor. Sa una nilang pagharap sa hapag kainan, hiniling ng pastor na manalangin sila, at ito ay nakabigla sa pamilya dahil hindi naman sila sanay manalangin. Ngunit sa unang pagtanggap nila sa pastor na iyon, sa unang panalangin nila, nakadama ang pamilya ng kakaibang diwa. Nakaramdam sila ng presensya ng Diyos. Karanasan na hind nila maunawaan, pero totoo. Mula noon, hinahanap-hanap nila ang panalangin ng pastor, hanggang sila ay naging mananampalataya.

Nang nasa hapag na sila, kumuha ng tinapay ang Panginoong Jesus at hinati tio, matapos magpasalamat, ibinigay niya ito sa mga alagad.

Bigla nabuksan ang kanilang mga mata! Kasama pala nila si Jesus!

Holy Communion, an Eye Opener

1. Binubuksan ng Banal na Komunyon ang mata natin upang malaman natin na kasama pala natin si Jesus sa ating paglalakbay sa buhay. At kahit sa gitna ng mga "frustrations", sa gitna ng mga kabiguan at lungkot, God is journeying with us. Hindi po tayo tinalikuran ng Diyos.

2. Pangalawa, binubuksan ng Pangiinoon ang ating mga mata sa pamamagitan ng Banal na Komunyon sa katotohanang handa siyang pumasok sa ating buhay, handa siyang makipanuluyan sa ating mga tahanan upang makasalo natin siya.

3. Pangatlo, ang banal na Komunyon ay katibayan na ipinagkaloob na sa atin ang pinaka-mahalagang pagpapala ng buhay at kaligtasan. Ibinigay ng Ama ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sasampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Ilang beses na po akong nakarinig ng mga kwento ng mga nagpapatiwakal na tao. At kadalasan, ang iniiwan nilang sulat ay magkakahawig. Sabi nila, "Walang nagmamahal sa akin.."

Sayang ano po.
Hindi nila alam mahal sila ng Diyos.
Kayo, alam na po ba ninyo na mahal kayo ng Diyos?
Na dahil sa pagmamahal niya sa atin Siya ay kusang namatay para sa ating kaligtasan?

Hinati niya ang tinapay at ibinigay sa kanila...at nabuksan ang kanilang mga mata.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...