Miyerkules, Disyembre 4, 2019

Simbang Gabi 2019 (9 Nights Sermons)

Theme: "Pasko: Biyaya ng Diyos Para sa Lahat"

1. Ang Biyaya ng Diyos sa Mga Mahihirap
       Luke 2:8-17 - Ang Mga Pastol

Mahirap ang maging mahirap.

Minsan galing ako sa jail ministry. Pagkatapos kong ipanalangin ang isang nakulong matapos paratangan ng pagnanakaw ng isang  pares ng tsinelas.  Siya ay nakulong ng higit sa dalawang taon.  Hindi umuusad ang kanyang kaso. Wala siyang pambayad ng abogado.  Wala akong nagawa kundi ipanalangin siya. Malungkot akong umuwi pabalik ng simbahan na nagtatanong sa Diyos  kung bakit.

May mga mahirap na hindi kayang ipaglaban ang sarili kahit agawan sila ng karapatan, lupa o  kung maparatangan, kahit  walang ginawang kasalanan. Kung mayroong higit na nangangailangan sa biyaya ng Diyos, sila ang mga mahihirap sa lipunan.

Ang mga pastol sa parang na nagbabantay magdamagan ay maitutulad sa mga security guard na nagbabantay sa gabi.  BInabantayan nila ang ibang gusali o banko, o bahay ng may bahay.  Ngunit wala sila sa sariling tahanan upang mabantayan ang sariling pamilya.  Habang tulog ang marami, sila ay gising na naghahanapbuhay.  Subukan mong silipin sa gabi ang mga nangunguha ng basura upang ibenta ito para gawing pera.

Habang hinahanap natin kung ano ang nasa puso ng Diyos para sa mga mahihirap,  gusto ko kayong anyayahan na magbulay ngayong Pasko sa kalagayan ng mga pastol.  Tara, dalhin natin ang ang Mabuting Balita ng Biyaya ng Diyos sa kanila tulad ng ginawa ng mga angel.

Ang mga Pastol sa Parang

Ang mga pastol dahil mahirap, kadalasan silang  napagbibintangang magnanakaw noong panahon na iyon.  Sa panahong ipanganak si Jesus may dalawang uri lamang ng tao.  Mahirap at mayaman.   Walang middle class noon.   75% ay mahirap, at 25% ay mayaman.    Ang mayayaman ay mga Romanong may mataas na tungkulin.  Mga politiko at makapangyarihan sa militar.  Sila rin ang kadalasang may-ari ng lupa.
Habang ang mga karaniwang tao ay kadalasang nagtatabraho sa bukid ng mga mayayaman.  May mga sumusweldong tulad ng mga karpintero, mga bayarang katulong (payed servants) at magagaling sa mga paggawa ng mga gusali (artisans).  Kabilang sa mga mahirap ang mga bayarang pastol. Kung wala silang makitang trabaho sa isang araw, at wala silang sahod. Pinakamahirap ang mga namamalimos, dahil sa kapansanan, mga prostitutes (may mga balo na nagbebenta ng sarili upang may ipakain sa pamilya, at mga magnanakaw).

Ang Mabuting Balita Para sa Mahirap

Ano nga ba ang mabuting balita sa mahirap? Para sa pulubi, kung may magbibigay ng limos, ito ay mabuting balita.  Ang libreng relief goods, pakain, o medical mission ay mabuting balita sa nagdarahop.

Sa biglang tingin, ang kapanganakan ng Panginoon ay parang “hindi” mabuting balita.   Dahil wala itong libreng pakain, o libreng gamot o limos!  Ngunit mayroong higit pang pakinabang ang Mabuting Balitang ito tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas.

1. Una, mabuting balita sa mga pastol ang balita tungkol kay Jesus dahil ito ay nagpapa-alala ng pag-angat sa buhay ng pastol na si David (v.11).  Ang Cristong Panginoon ay isinilang sa bayan ni David.  Si Haring David ay hari na nagmula sa angkan ng mga pastol. Ang panawagan sa mga pastol ay pagkilala sa magagawa ng Diyos sa kanilang buhay, tulad ng ginawa ng Diyos sa buhay ng ninuno nilang si David.

Ang iglesia ay tinatawagan ng Diyos upang magbigay ng ganitong pag-asa sa mahihirap.  Ibalita sa kanila ang maaring gawin ng Diyos upang buksan ang pagkakataon ng pag-angat sa buhay.  At ito ay totoong Mabuting Balita.

2. Pangalawa, mabuting balita sa mga pastol na si Jesus ay ipinanganak sa kanilang kalagayan. Ang Cristong Panginoon ay makikita sa isang tanda, siya ay nakahiga sa sabsaban.  Ang sabsaban ay gamit ng pastol upang pakainin ang mga hayop.  Nakita nila ang Tagapagligtas sa kanilang piling.  Naroon ang Diyos sa kanilang abang kalagayan!  Nakapiling nila ang Diyos sa kanilang pagiging pastol. Ito ay mabuting balita!   Ngunit paano dadalhin ng iglesia ang Mabuting Balita sa mga mahihirap? Ang sagot ay makikita natin kung paano nagsagawa ng misyon ang mga unang Kristiano.
Misyong Kristiano: Mahirap Para sa Mahihirap

Karamihan sa mga sinaunang Kristiano ay mahihirap.  Ngunit sa kanilang offerings, sila ay tumulong sa mga balo, (1 Timoteo 5:3) , upang hindi na mamalimos, o magnakaw o ibenta ang  sarili para lang makakain.

Ang pagtulong ng iglesia ay naging laganap sa gitna ng kahirapan ng maraming mamamayan.   Halimbawa dito ang pahayag ni Pablo, sa 2 Corinto 8:2,  “Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay.”

Makikita na ang naging susi sa tagumpay ng Kristianismo ay ang pagtutulungan ng mga Kristiano sa gitna ng kahirapan.  Sa ganitong paraan nila naramdaman ang pag-ibig at presensya ng Diyos sa iglesia.

Ang Tagumpay ng Kanilang Misyon

Ayon sa   Gawa 4:32-33, “ Nagkaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus.[d] At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat.”

Ayon sa patotoo ni Pablo, sa 2 Corinto 8:9, 
“Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.”

May Pag-asang Dala ang  Pasko kung  totoong mabuting balita ang dala ng mga Kristianong tulad mo.

Kaya nagwakas ang ating talata sa ganito, “ Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.” (Lk. 2:20).  Halina, magdala tayo ng totoong mabuting balita sa mahihirap.

_____________________ 

2.  Ang Biyaya ng Diyos sa mga Maykapangyarihan at Mayayaman - Mateo 2:7-8

 “Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.”
_____________________

Dumarating ang Mabuting Balita sa kahit sa mayayaman at maykapangyarihan.  Ang kwento ni Cornelio sa Gawa 10 ay isang halimbawa.  Dumating si Jesus para kay Zaqueo, na isa ring mayaman. Ang pagliligtas ng Diyos ay para sa lahat.  Ang mga mayayaman ay nanganganib na mapamahal sa kanilang salapi.  Sabi sa 1 Timoteo 6:10,

“Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.”

Maaring ang mga mayayaman ay malungkot sa kalooban.  Dahil walang taong nagiging kuntento sa kayamanan.  Ang tunay na kaligayahan ay wala sa kayamanan.  Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa Diyos na nagbibigay ng tunay na kapayapaan. Ang pinakamahalagang kayamanan sa buhay, tulad ng kapayapaan, masarap na pagtulog, kaligayahan sa pamilya ay hindi natutumbasan ng salapi.

Kailangan ng Mayayaman at Makapangyarihan ang Biyaya ng Diyos

Maaring ang isang mayaman ay hungkag ang buhay.  Ang dami ng salapi ay maaring magdulot ng takot, at pangamba.  Maraming makapangyarihang politiko ang takot na ipapatay ng kaaway sa politika. Maraming mayaman ang nangangailangan ng kapayapaan mula sa Diyos.

Dumating ang Mabuting Balita Kay Herodes

Hindi aksidente ang pangyayaring ito.  Lahat ng kwento sa Biblia ay kwento ng pakikitagpo ng Diyos sa ibat-ibang uri ng tao. Nais katagpuin ng Diyos si Herodes.  Ang pagkakataon ng kaligtasang espiritual ay pinagkakaloob  ng Diyos sa lahat ng tao, masama man o mabuti.  Ayon sa 1 Timothy 2:4,
“Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.”

1. Kailangan ng mga mayayaman ang kapayapaan mula sa Panginoon.  Ito ang naranasan ni Zaqueo.  Ito ang anyaya ng Panginoon sa mayamang kabataan sa Lucas 18:18-30.  Utos ng Panginoon na ibenta ng mayaman ang kanyang kayamanan, ipamigay ito sa mahihirapa t sumunod siya kay Jesus.

2. Kailangan ng mga mayayaman ang mas makahulugang buhay.  Nagiging makahulugan ang buhay kung ang tao ay may misyon.  Ang pagyaman ay  hindi misyon. Ang misyon ay ang paggamit sa kayamanan sa pagtulong sa iba. Ang  mga Kristianong mayayaman ay may malaking maitutulong sa ministeryo ng Panginoon.  Sabi ni Pablo tungkol sa mayayaman sa 1Timoteo 6:18,

“Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa.”

3. At ang pinakamahalaga, kailangan din nila ang pagliligtas ng Diyos.  Hindi maililigtas ng kayamanan ang kaluluwa ng tao.

Mahalagang maipakilala ng iglesia ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas ng lahat.  Kailangang makita ng mga mayayaman at makapangyarihan  ang pangangailangan nila sa Diyos.

Ang Tugon ni Herodes

Nagkaroon ng malaking interes si Herodes sa Panginoong Jesus.  Sa isang banda mabuti ito.  Kailangan nating gawing  “interesting” sa mayayaman ang ministeryo ng iglesia.  Kailangang makita ng mga mayayaman ang mabuting ibubunga ng kanilang paglahok sa mninisteryo ng Panginoon sa iglesia.

Kaya pinatawag niya ang mga Pantas upang alamin kung saan makikita si Jesus.

Tanungin po natin ang ating sarili:

May gawain ba tayo ng pagpapakilala sa Panginoong Jesus sa mga mayayaman?
Minsan, madali sa atin ang makipag-kaibigan sa mayayaman, nakikita rin ba natin ang ating misyon upang tulungan silang maligtas sa kasalanan?

Ang Ginawa ng Mga Pantas

1. Hindi ikinaila ng mga Pantas ang kanilang paghahanap sa Tagapagligtas.  Sinabi nila na ay naghahanap sa Panginoong ipinanganak upang sambahin ang Messias.  Maraming Kristiano, ikinahihiya nila ang pagbabahagi ng Mabuting Balita kaya hindi dumadaloy ang biyaya ng Diyos sa buhay ng iba.

2.  Hindi natakot ang mga Pantas.  Si Herodes ay kilalang masamang tao.  May panganib sa pagbabahagi ng Mabuting Balita.  Maari kang pagtawanan o pahirapan.  Sa iglesia sa Iran, Middle East, maraming kwento ng mga babaeng pastor ang pinagsasamantalahan upang itigil na nila ang pangangaral ng Salita ng Diyos.  Sa isang interview ng isang pastora na pinagsamantalahan, wika niya,

“Kung ito ang paraan upang maihandog ko ang aking katawan sa Diyos,isa itong karangalan.”

Conclusion:

Alam natin na hindi tunay na sumampalataya si Herodes sa Panginoong Jesus. Huwad ang kanyang pagsasabi na sasambahin niya ang Tagapagligtas. Ngunit huwag nawang tumigil ang iglesia sa pagdadala ng Mabuting Balita ng kaligtasan.  Dahil kailangan ng mga taong mayayaman ang biyaya ng Diyos upang sila ay maligtas. Marami pang Herodes, o Pilato at Zaqueo ang nais katagpuin ng Panginoon.

___________________________ 

3. 3. Biyaya ng Diyos Kay Simeon
Lucas 2:25-35  -  (Biyaya Para sa mga Senior Citizens)

Maganda at kapuri-puri ang ministeryo ng ibang iglesia sa mga Senior Citizens.  Salamat din sa gobyerno na  nagbibigay tulong sa mga Seniors ng bayan.  Mabuti kung ang iglesia lokal ay magkakaroon ng konkretong ministeryo para sa mga Senior Citizens.

May ilang pangamba ang mga Senior o mga tumatanda;

1. Pangamba na mawalan ng silbi.  Habang tumatanda ang isang tao, mas marami na ang hindi niya nagagawa.  Kaya nagbibigay ito ng damdamin ng insecurities.

2. Pangamba ng pag-iisa.  May pamilya na ang mga anak, kaya madalas mag-isa ang mga matatanda. Maraming matatanda ang nakakaranas ng depression.

3. Pangamba na nagiging pabigat  na sila sa mga anak at apo nila. Feeling of uselessness.

4. Takot sa kamatayan.  Alam nila na palapit na ang kamatayan.  Dumadami ang sakit nila, at ramdam nila ang pagkatok ng kamatayan sa kanilang buhay.

May ministeryo po tayo sa mga matatanda.  At ito ang ating tatalakayin sa ating mensahe sa Simbang Gabing ito.  Huwag nating kalilimutan ang ating mga magulang na tumatanda na.  Inalagaan nila tayo noong bata pa tayo, alagaan natin sila ngayon matanda na sila.

May kwento tungkol sa isang matanda na nagpunta sa gumagawa ng cell phone.  Reklamo niya, “May sira ang aking cellphone.  Paki-ayos mo anak.”

Tinignan ng cellphone repairman ang Nokia ng matanda.  “Wala pong sira lolo.  Maayos po ang cellphone niyo.”
Sagot ng matanda, “E  bakit hindi tumatawag ang mga anak ko sa akin? “Sagot ng repairman, “Lolo, ang mga anak ninyo ang may sira.”
Mababasa sa Lucas 2:28, “kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos”.
Sa ibang salin, Niyakap ni Simeon ang sanggol, at siya ay nagpuri sa Diyos.”

Maraming Matatanda ang Nagnanais Yumakap sa Panginoon

1. Maraming magulang naghahanap ng puwang sa iglesia upang patuloy na maglingkod. May mga retired teachers na matapos magtrabaho, at saka sila nagpastor. May dahilan ang iba,  sabi ng isa, “Nais kong ipaglingkod sa Diyos ang nalalabi kong buhay.”   Ang ganitong magandang halimbawa ay dapat bigyang puwang sa iglesia.

2. Marami ring magulang ang naglingkod noon, at retired na ngayon sa ministeryo.  Maraming sundalo ang Panginoon na nagbuwis ng kanilang lakas sa pagmimisyon noong kalakasan nila.  At ngayong matanda na sila, mahalagang pagpalain natin sila.

3. Marami rin ang matatanda sa labas ng iglesia na nangangailangan ng attention ng simbahan. Hindi po kilala nina Jose at Maria si Simeon. Ngunit biglang kinuha at kinalong ng matanda ang sanggol. (Mabuti at hindi pa uso noon ang ngunguha ng bata. Kundi napagkamalan si SImeon.)

Ngunit isang malaking kamalian kapag ang iglesia ay naglilingkod lamang sa kanyang miembrong nasasakupan.  Sa bawat baranggay ay may maraming matatanda na dapat abutin ng iglesia.   Mga hindi kaanib ng iglesia na naghahangad na yumakap sa Tagapagligtas!

Naranasan ko po ang magbahagi ng Salita ng Diyos sa isang matanda na naka-wheel chair.   PInanalangin ko siya at palaging dinadalaw, kahit hindi siya miembro ng aking destino.   Kinatatakutan pala ang matanda ito dahil dati siyang “killer” o “hitman for hire”.  Ngunit bago siya pumanaw, tumanggap siya sa Panginoon at humingi ng tawad sa Diyos sa lahat ng kanyang kasalanang nagawa.
May mga matatanda na naghihintay sa pagliligtas ng Diyos.
May mga matatanda na nakagawa ng mga kasalanan noong malakas pa sila.
Ang Panalangin ng Matandang Simeon

Masasalamin ang inaasam ng mga katulad ni matandang Simeon sa panalanging ito;

1. Panalangin ng payapang paglisan sa mundong ito.  Mababasa  sa  v. 29
     “Ngayon, Panginoon ko, ayon sa inyong ipinangako, mapayapa mo       nang kunin ang iyong alipin.” 

2.  Panalangin ng kasiguruhan ng kaligtasan para sa mga Simeon sa ating paligid.  Sabi  v. 30, “Sapagkat namalas na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,”.

Ang pagliligtas ng Diyos ay kailangan ng lahat, bata man o matanda.  Ngunit nagmamadali ang pangangailangang maligtas ng mga matatanda.  Dahil kaunti na lamang ang kanilang nalalabing panahon.

Malaking pagkukulang kapag ang iglesia ay hindi marunong mag-ebanghelismo sa mga tao.  Maraming tao ang namamatay na hindi tumatanggap sa Panginoong bilang Tagapagligtas.  Kailangan nilang makilala ang Panginoong Jesus upang patawarin sila at bigyan ng buhay na walanghanggan.

3. Panalangin upang ibahagi ang  Kaligtasan sa iba.  Nais ding maranasan ng mga seniors ang magbahagi ng Salita ng Diyos.  Sabi sa  verse 32,  ang sanggol ay “Isang ilaw ng pagpapahayag sa mga Hentil”.

Ang isang naligtas ay may pagnanais na magbahagi sa kanyang tinanggap.
Isang matanda ang nakakilala sa Panginoon. Ayon sa kanya, “Pastor, ang aking misyon ay ang maipakilala sa aking buong pamilya ang Panginoon. Bago man ako pumanaw, dalangin ko na mailapit ko sa Diyos ang aking pamilya sa ating iglesia.”

4. Nais ng mga Senior na maging pagpapala din sa iba, v. 34.

Umabot po tayo sa mga matatanda ng ating lugar.  Misyunan po natin sila at bigyang bahagi sa misyon ng iglesia.

 ______________________________________

4. 4. Ang Biyaya ng Diyos sa Buhay ni Ana
     Lucas 2:36-38

36 Naroon din si Ana, isang propetang babae na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Napakatanda na niya. Pitong taon niyang nakapiling ang kanyang asawa matapos maikasal. 37 Ngayon ay isa na siyang balo sa edad na walumpu't apat. Hindi niya nililisan ang templo kundi araw at gabi siyang nag-aayuno at nananalangin doon. 38 Pagdating niya nang mga oras na iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagsimulang magsalita tungkol sa sanggol sa lahat ng mga naghihintay ng katubusan ng Israel.

Sa kwento ng Metodismo, hindi maikakaila kung paano ginamit ng Diyos ang mga babaeng Kristiano sa paglago ng pananampalataya. Si Susana Wesley na ina ni John Wesley ay isang halimbawa.  Si Ptra. Paz Macaspac, ang pinaka-unang babaeng ordinadong pastor sa Pilipinas ay hindi nag-asawa.  Hanggang sa kanyang kamatayan, siya ay nanatiling naglingkod sa mga Aeta ng kabundukan ng Zambales, Bataan, Pampanga at Tarlac, at nanguna sa pagkatatag ng Immanuel Bible School para sa mga katutubo.

Hindi matatawaran ang nagawa ng mga kababaihan para sa iglesia ng Panginoon.

Ang gabing ito ay maituturing na pagpupugay sa mga kababaihang Kristiano bilang mga pinagpala ng Diyos.  At hindi lamang sila pinagpala, dahil sila ay malaking pagpapala sa buhay ng iglesia.  Hindi magiging kumpleto ang iglesia kung wala sila.

Ang Biyaya ng Diyos sa Buhay ni Anna

1. Si Anna ay isang propetisa - siya ang tanging babaeng tuwirang tinawag na propetisa sa buong Bagong TIpan.

2. Siya ay purong Israelita.  Ang mga Israelita ay kinikilala sa kanilang lineage o patunay ng kanilang salinlahi.  ALam nila kung kaninong tribu sila kabilang.    Isang taong kilala ang kanyang ama (Phenuel - mukha ng Diyos) at ang kanyang tribu ay Asher (pinagpala).
Pagkilala sa Biyaya ng Pamilya at Buhay

Maraming tao sa ngayon ang despressed.  Mas napapansin nila ang negatibong  bahagi ng kanilang buhay.  Hindi maiaalis ang mga pangit na karanasan sa buhay.  Ngunit maari nating tignan ang mga positibo, sa halip na mag sentro sa mga hindi maganda.

Ang ating pananampalataya ay nag-aanyaya upang bilangin natin ang mga pagpapala ng Diyos sa kanilang buhay at pamilya.  Si Anna ay maaring nag-asawa tulad ng karaniwang babae noon.  Sa edad  halimbawa na 14, nag-aasawa ang  mga kabataan sa panahon na iyon.  Pagkatapos ng  7 taon,  siya ay nabalo.  Kung siya ay balo sa loob ng  84 na taon, siya ay  nasa edad  na  (84 + 7 + 14) 105! Sa panahon na iyon, kawawa ang  mga balo.  Sa halip na mag-asawa ulit, pinili ni Anna ang maglingkod sa Diyos.

Ang edad na ito ay ikinukumpara sa katapatan ni Judith sa Diyos, ang babaeng bayani ng Israel sa Lumang Tipan (sa Apocrypha).

Sa ganitong edad niya nakatagpo ang Panginoong Jesus.  Tunghayan natin ang  mga pagpapala sa buhay ni Anna.

1. Una ang pagpapala ng  pamilya - ito ay  mahalaga kay Anna.  Pinakilala siya ayon pangalan ng kanyang ama at kinibibilangang tribu sa Israel.   Sa mga Judio, tinututuring nilang pagpapala ang kanilang kinabibilangang pamilya at lahi.

2. Pangalawa,  ang kadalisayan ng kaniyang pananampalataya  (purity of  faith) ay kanyang iningatan. Sa lumang kaugalian ng mga Judio, ang isang balo na hindi nag-asawa ay tanda ng kanyang pagtitiwala sa Diyos, na hindi siya pababayaan ng Panginoon.

Ang dalawang mabuting halimbawang ito ay ipinapakilala sa buhay ni Anna.  At bilang tugon niya sa biyaya sa kanya ng Diyos, si Anna ay naglingkod  sa Panginoon hanggang sa kanyang pagtanda bilang isang propeta.  Siya ay naging tagapag-salita ng Diyos sa kanyang bayan.  Siya ay nagbigay ng pag-asa sa mg anaghihintay sa Tagapagligtas.
Ang Inihandog na Buhay sa Diyos

Ang halimbawa ni Anna ay buhay na inihandog sa Diyos.  Sa gipit niyang kalagayan bilang isang balo, mas pinili niya ang magtiwala at maglingkod sa Panginoon.    Ayon sa Roma 12:1-2,

“Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.”

1. Si Anna ay nabuhay na nagtitiwala sa biyaya ng Panginoon.   Ang mga balo ay walang asawang lalaki na magbibigay proteksyon para sa kanila.  Karaniwan din na ang lalaki ang maghahanapbuhay, habang ang asawang babai ay magtatrabaho sa bahay at nagpapalaki ng mga anak.  Bilang balo, maaring si Anna ay namuhay na mag-isa.  Hindi natin alam kung may anak siya.  May anak man siya o wala, itinaguyod niya ang sarili (o pamilya) na mag-isa sa biyaya ng Diyos.

2. Si Anna ay nabuhay na naglilingkod sa Diyos, hanggang pagtanda. Ang pagiging propeta ay hindi madali. Maaring magalit ang mga tao sa propeta lalo kung may dapat ituwid na kamalian sa gobyerno, sa templo o sa malng gawain ng mga tao.

Si Anna ay dapat pamarisan.

a. sa tamang pagkilala niya sa mga pagpapala ng Diyos - pamilya, at lahi.
b. sa pagpapanatili ng kadalisayan ng pagkatao bilang lingkod ng Diyos.
c. sa pagtitiwala sa katapatan ng Diyos sa isang tulad niyang balo.
d. sa buhay na naglilingkod habang nabubuhay.

Purihin ang Diyos sa kanyang biyaya sa mga taong nagtitiwala sa Kanya!

__________________________

5. Ang Biyaya ng Diyos sa mga Mago
Matthew 2:1-12

Kahit ang  mga matatalinong tao ay nangangailangan ng biyaya ng Diyos.   May mga  taong magagaling, mataas ang pinag-aralan, ngunit kailangan pa rin nila ang Diyos. Sino mang magsasabing walang Diyos ay mangmang, gaano man siya katalino sa kanyang tingin.

“Wala namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili. Mababasa ito sa Awit 14:1.

May mga matatalino, ngunit ginagamit nila ang talino sa domination o pag control sa iba.  May mga matatalino na ang hangarin lamang sa buhay ay magpayaman.  May mga matatalino na gumagamit ng kanilang kaalaman sa maling paraan. Sila ay nagsasamantala, umaabuso, at nananakit ng kapwa.

May matatalino  naman na yumayaman dahil sa kanilang galing, at tumutulong sa kapwa.  Sila ay gumagawa ng paraan upang mapabuti ang kalagayan ng buhay sa daigdig.

Ang Mga Mago

Ang mga mago ay matatalinong tao.  Maaring sila ay mga scientists, mathematicians, magicians, priests, o mga principe.  Mga leader sa mga probinsya o bayan. Sila ay mga elite ng lipunan.  Mayaman at matatalino. Sila ay maaring nagmula sa  Iran o Iraq. 

Ang kanilang paghahanap sa Messias ay tanda ng pangangailangan ng sinumang tao sa Diyos.  Kahit ang mga pagano (hindi Judio) na tulad nila, ay umaasam sa pagliligtas ng Diyos.  Ramdam nila na mayroong pang higit sa talino ng tao na kailangan upang mailigtas ang sanlibutan.   Ngayong alam na nila na hindi kakayanin ng tao na mabuhay sa sariling kakayahan, hinahanap nila ang Diyos na magbibigay sa kanila ng mas lalong malalaim na kahulugan sa buhay.

Ang Biyaya ng Tala

Sa interpretasyon ng mga Mago o matatalinong tao,  ang Diyos ay nangungusap sa kalikasan at sa kalawakan. Ang tala na simbolo ng hari ng Israel, ayon sa kanilang nauunawaan, ito ay panawagan ng Diyos upang kanilang hanapin ang Tagapagligtas ng sanlibutan.

Naranasan mo ba na mangusap ang Diyos sa iyo sa mga nangyayari sa iyong paligid? SaBiblia, nangusap ang Diyos kay Gideon sa kalikasan sa mga basang tela.

Sa iglesia, mayroong isang kabataang nagmamasid  sa Sunday School. Walang gurong magtuturo ng Biblia sa mga bata.  Bigla niyang nanaramdaman na siya ay tinatawag ng Diyos upang maglingkod. Nagsimulang magng seryoso ang kabataan sa pag-aaral ng Biblia hanggang siya ay naging pastor.

Maraming pagkakataon, ang Diyos tumatawag sa mga tao ayon sa nakikita at naririnig nila sa paligid. Laging nagbibigay ng senyales ang Diyos sa kanyang panawagan upang ilapit niya ang mga tao sa kanya.

Kung may matalinong tao sa inyong igesia, na hindi pa nakikilahok sa ministeryo ng Panginoon.  Maari pong idalangain sila at anyayahan din na maglingkod sa Panginoon.  Maaring ang mga taong ito ay hindi tumanggap sa pagliligtas ng Diyos.  Maging tala ka sana para sa kanila kapatid.  Ilapit natin sila sa Diyos at maging biyaya sa kanila.

Ang Biyaya ng Talino

Ang mga mago ay biniyayaan ng talino upang ipaliwanag ang mga bagay-bagay at mga pangyayari.  Ang Diyos ay nagbibigay ng mga kaloob (gifts)  ng galing at husay sa ibat-ibang bagay.  Ang iba ay binigyan niya ng kakayahang mangaral, magturo, gumawa, at magpagaling.  Ang gamit ng talino sa Biblia ay hindi upang magpayaman o magpasikat ang isang tao. Ito ay para sa paglilingkod sa Diyos at sa kanyang iglesia.  Ang nais ng Diyos ay magamit ang kakayahan ng mga tao para sa ikalalago ng iglesia.
Ang Kanilang Tugon

Maaring nagsimulang sundan ng mga mago ang tala, out of curiousity.  Katagalan, maaring natutunan nila na ito ay tala ng hari ng Israel.  Hanggang malaman nila na ito ay umaakay sa kanila patungo sa Tagapagligtas.

May mga naging miembro sa iglesia na sa una ay curious lamang, nis lamang nilang makita ang simbahan o isang kaibigan sa church.  Ngunit sa kakapakinig ng salita ng Diyos ay tmanggap sa Panginoon at naging miembrong ating simbahan.  Yung iba nga, nakikain lang sa feeding program.  Dahil may libreng pagkain, laging bumabalik. Sa kakapakinig ng Salita ng Diyos, ay tumanggap sa Panginoon! Naging Pastor pa ngayon. At malakas pa rin siyang kumain hanggang ngayong pastor na siya!  Pero tapat namang naglilingkod sa Diyos mga kapatid. Malakas nga lang kumain si Pastor.

Ang paglalakbay ng  tatlong Pantas, lalo nilang nakilala ang  Messias.  Sa bawat hakbang nila sa paglalakbay, lalo silang napapalapit sa Tagapagligtas.   At eto ang kanilang naging tugon ng matagpuan nila si Jesus:

1. Nagkaloob sila ng  makahulugang handog.   Ginto, tanda ng paghahari ni Cristo. Kamanyang  (insenso) - tanda ng pagiging punong saserdote ni Cristo, at mira- (pabango), tanda na ihahandog ni Cristo ang kanyang buhay para sa kaligtasan ng sanlibutan.

Kapag naghahandog po kayo, huwag yung tira-tirang barya.  Huwag po kayong maghahandog sa Diyos ng walang kabuluhang handog. Gawin po ninyong makahulugan ang inyong kaloob. 

a. Magkaloob bilang  isang nagpapasakop  sa paghahari ng Diyos -
      (offering under the Lordship of Jesus Christ) sinisimbolo ng ginto.
b. Magkaloob na may malalim na pagkatalaga o committment -  na          sinisimbolo ng pagpapailalaim natin sa pagka-saserdote ng     Panginoong Jesus (offering under the priesthood of Christ)
c. Magkaloob sa Panginoon na nagkaloob ng kanyang sarili  sa iyo.
2. Sumunod sa Halituntunin ng Diyos

Ang pangalawang tugon nila sa biyaya ng Diyos ay ang maingat na pagsunod nila sa mga halituntunin ng Diyos. Kinausap sila ng Panginoon at sila ay sumusunod. Maraming tao ang kinakausap ng Diyos pero sarili nila  ang kanilang sinusunod.

Wika ng Panginoon, “If you love me keep my commandments.” 
Ang tunay na karunungan ay nasa pagsunod.

Sa training ng mga navy sa malaking barko. Ang unang halituntutunin ay “Obey first before you complain.”  Habang nakatayo ang maraming navy sa barko, biglang sumigaw ang platoon leader, “DAPA!”  Lahat ay dumapa.

“WISSSH!” Isang mahabang kable ang naputols a barko.  At sinumang hindi dumapa ay siguradong pugot ang ulo sa lakas ng hampas ng kableng bakal.

Matatalino ang mga Mago dahil marnong silang
magkaloob ng makahulugang handog
at marunong silang sumunod sa Diyos.

Gawin natin silang halimbawa;

1. Unawain natin ang nais ipabatid ng Diyos sa atin, makinig, magmasid,
2. Gamitin ang mga kaloob sa atin ng Diyos sa paglilingkod sa iglesia
3. Abuting ang mga matatalino upang sila man ay makakilala sa pagliligtas ng Diyos.
4. Maghandog ng makahulugang handog.
5. Maging masunurin sa kalooban ng Panginoon.

 ______________________________ 

6.     Ang Biyaya ng Diyos Kay Zechariah at Elizabeth
       Lucas 1:5-24

Ang Pasko ay kadalasang pagtitipon ng pamilya  upang magpasalamat sa Diyos.   Sa tahanang  Pilipino, sa ating kultura, lagi nating inuuna ang pamilya bago ang sarili.  Kaya lagi nating tinutulungan ang bawat isa.  Ang umaasenso at umangat ay laging  sumasaklolo sa kapatid na nangangailangan.   Ang pamilya ay ang pinaka-mahalagang biyaya ng Diyos sa atin.

Ang Pamilya ni Zacarias

Ang mag-asawang Zacarias at Elizabeth ay walang anak.  Ang pagkakaroon ng anak ay pagpapala.  Kayong mga kabataan, ibinigay kayo ng Diyos sa inyong mga magulang upang maging pagpapala. Huwag kayong maging sakit ng ulo, o sama ng kalooban para sa inyong mga magulang.

Sina Zacarias at Elizabeth ay malungkot dahil matanda na sila. Sino ang mag-aalaga sa kanila?  Sino ang magpapatuloy ng kanilang paglilingkod sa Diyos?

Sinasabi na sila ay angkan ni Abijah, isang dakilang pari sa templo, at si Elizabeth ay lahi ni Aaron, ang unang pinakapunong pari ng Israel.  Pinagpatuloy nila ng pagka-pari ng kanilang ninuno.  Sino ang magpapatuloy sa kanilang paglilingkod?

Pagpapala ng Anak at Paglilingkod

1. Dumalangin si Zacarias sa Diyos ng anak, at ibinigay sa kanya ang katuparan ng kanyang kahilingan (v.13).  Ang Diyos ay nagpapala sa pamamagitan ng panalangin.  Ang mga anak ay pagpapala ng Diyos.

“Humingi kayo at kayo ay bibigyan.”  ito ang wika ng Panginoon.

Mahalagang makita ng mga kabataan na sila kaloob ng Diyos sa kanilang mga magulang.  At dapat ding mahalin ng bawat magulang ang kanilang mga anak.
2. Ang pagpapala ng paglilingkod.  Sina Zacarias at Elizabeth ay mga naglilingkod sa templo. Wala silang ibang hanapbuhay, kundi ang tumanggap ng kaloob ng mga taong nagsisimba sa templo.

At ito ay pagpapala.
Hindi lahat ay tinawag sa ganitong gawain.

Ang mga lahi ni Aaron at Abijah, hanggang sa kanilang mga anak at apo ay  maglilingkod sa templo. Ito ang kanilang magiging buhay.

a. Una, ang paglilingkod sa simbahan, para sa mga tinawag ng Diyos ay isang pribilehiyo.  Sa biglang tingin, ito ay mabigat na responsibilidad.  Ngunit napatunayan ng lahat ng naglingkod sa simbahan na ito ay malaking pagpapala sa kanila, maging sa kanilang mga kapatid at pamilya.

b. Pangalawa, ito ang nagbibigay ng kahulugan sa buhay ng mga tinawag.  Kung hindi nila ito gagawin, ito ay mabigat na dalahin sa kanilang buhay.

Sabi ni Pablo,
“Kawawa ako kung hindi ko ipapangaral ang Ebanghelyo -1 Cor. 9:16.

Ito ang panalangin ni Zacarias, ang magkaroon siya ng anak, upang hindi mapatid ang paglilingkod ng kanyang pamilya sa Diyos.

Ang Ministeryo ni Juan Bautista

Mga kabataan, makinig po kayo.  Eto ang gawin ninyong ministry ng buhay ninyo, para maging pagpapala kayo:

1. Maging kaligayahan  kayo  ng inyong  mga  magulang at pagpapala sa      maraming tao (v. 14).
2. Magiging kagalakan kayo sa Diyos (v.15)
3. Gagabayan ninyo pabalik sa Diyos  ang mga tao (v.16)
4. Pagkakasunduin niya ang mga ama at anak (v.17a) - katuparan ito ng    Malakias 4:5-6.  Ang tinutukoy na pagkakasundo  ay  pakiki-isa ninyo sa inyong mga magulang sa pagsunod sa nais ng Diyos .  Maging modelo kayo sa pakikiisa sa mga magulang ninyo sapaglilingkod.
Maging Pamilya ng Pagpapala

Ang pamilya ni Zacarias ay hindi lamang pinagpala.  Sila mismo ay naging pagpapala sa iba. Katulad sila ng pamilya ni Abraham.  Wika ng Panginoon kay Abraham, “Pagpapalain kita ... at gagawin kitang pagpapala .” (Gen. 12:2).

"I will make you into a great nation and I will bless you;
I will make your name great, and you will be a blessing.”

Ngayong Pasko, upang dumaloy ang pagpapala sa loob ng ating pamilya,

1. Mga magulang, magdalanginan kayong mag-asawa.  Baka may problema ang asawa ninyo, at wala kayong kalam-alam sa bigat ng problema niya.

2. Idalangin din ninyo mga magulang ang inyong mga anak. Bigyan ninyo sila ng  emotional at spiritual support.  Huwag lang puro pera at material  na bagay.

3. Mga anak, makinig po kayo, be a blessing to your parents. Mag-aral kayong mabuti at alagaan sina mama at papa sa kanilang pagtanda.

4. Mag-kaisa kayo sa pamilya sa paglilingkod sa Diyos. Magka-sundo kayong mag-ama sa paglilingkod sa Panginoon.  Kahit magkaiba kayo ng music - yung tatay at nanay - lumang himno at ang mga anak ay Christian ROck, basta magtulungan kayo at magka-isa sa paglilingkod sa iisang Diyos. 

5. Maging pagpapala sa iba.

Tapusin po natin ang sermon na ito  sa isang panalangin para sa pamilya.

___________________________

7. 7.  Ang Biyayang Dala ng mga Angel
      Luke 2:1-20

Ang awiting “Hark the Herald Angels Sing” ay sinulat ni Charles Wesley, isa sa mga ama ng Metodismo.  Siya ay nakababatang kapatid ni John Wesley.  Ang nilalaman ng awit ay paggunita sa ating pagbasa sa Biblia.

Habang nagbabantay ang mga pastol sa parang, dumating ang mga angel at sila umawit.  Milyong mga angel ng kalangitan - umaawit!

Maraming korista sa mga simbahan ang nagpapa-alala sa mga katangian ng mga angel.  Mga korista, praise and worship team na may pusong umaawit ng papuri sa Diyos.  Sila ay mga Levita ng ating panahon.

Ang Ministeryo ng Pag-awit sa Diyos

Ang unang mga temple stewards, korista at musicians sa Bible ay mga Levita sa Lumang Tipan.  Sila ay pinili dahil sa kanilang pusong maka-diyos. Dapat, ganyan ang mga choir members, mga Praise and Worship Teams, hindi lang maganda ang boses - dapat maka-diyos.

Mababasa sa Exodo 32:26, “ So he (Moses) stood at the entrance to the camp and said, "Whoever is for the Lord, come to me." And all the Levites rallied to him.

Eto yung pangyayari na takot lumapit sa Diyos ang marami dahil sa pagsamba sa gintong guya.  Subalit, ang mga Levita, pinatunayan nila na sila ay sa panig ng Diyos. May mensahe ang buhay nila.

Isa pa, laging sinasabi ng Diyos na “ang  mga Levita ay akin” (Bilang 3:12;45).  Sila ay nilinis at itinalaga sa banal na gawain (Bilang 8:6).  Sila ay umaawit upang dalhin ang presensya ng Diyos sa gitna ng mga taong nagsisimba. Sila rin ang may tungkuling  mag-ingat at maglinis ng mga banal na kagamitan ng templo. Kaya kayong members ng choir, mga PAW, sinasabi ng Panginoon, tinuturo kayo, “Akin yan!”  Huwag kayong lilipat sa partido ni Satanas.  Sa Diyos kayo mga anak.
Mensahe at Awit ng Mga Angel

Ang mga Levita, mga choir and praise team, ay katulad ng mga angel, may mensaheng dala ang buhay nila, at mayroon silang awitin para sa Panginoon.

Eto ang mensahe ng angel;

1. Pinanganak ang Messias.  Ito ay katuparan ng sinabi ni Isaias (9:6).  Ipanganganak ang sanggol na lalaki, at siya ang  Prinsipe ng kapayapaan, ang Makapangyarihang Ama..

Narinig nila ang pinakamabuting Balita na maaring marinig ng isang tao.  Dumating na ang inyong Tagapagligtas!

2. Pangalawang mensahe niya ay, “Makikita ninyo siya.”

Oo nga naman, kung ipinanganak si Jesus, pero kung hindi mo naman siya makikita - eh wala rin. Kaya sabi ng angel, “You find the baby...” Maraming nag-cecelebrate ng Christmas but, they do not find the baby. Sayang di po bah?

Panalangin ko, ngayong pasko, makatagpo mo si Jesus kapatid.

3. Pangatlo, there will be a sign.  Makikita ninyo siya na nakabalot ng lampin sa sabsaban.  Makikita ninyo ang Diyos ng kaitaasan, sa nakalulunos na kalagayan, sa sabsaban. Ang Diyos ng kalangitan, nasa kalagayan ng pinakadukhang - katulad ninyo.

Dumating siya para sa inyo.
At kayo ang unang binalitaan sa kanyang pagdating.

Kung mauunawaan lamang natin ang laki ng biyaya ng Diyos para sa atin- wala ng magpapakamatay na tao.  Tulad ng panalangin ni Pablo sa mga Taga Efeso, “Nawa’y maunawaan ninyo ang lalim at lawak ng pag-ibig ng Diyos para sa inyo...”
Ang Awit ng mga Angel

Sabi sa verse 13-14,  “Suddenly a great company of the heavenly host appeared with the angel, praising God and saying,   "Glory to God in the highest, and on earth peace to men on whom his favor rests."

Ganito ang  nilalaman ng kanilang awit,

a. Una, awit ito tungkol sa gloria  o karangalan ng Diyos sa kaitaasan.  Ito ay patotoo ng awiting papuri sa Diyos. Ang Diyos ay dakila! Ang Diyos ay banal! Ang Diyos ay papurihan sa kaitaasan!

Napaka-dakila po ng Diyos! Ito  po ba ang lumabas sa bibig ninyo kapag kayo ay nagpupuri?  Ito po ba ang ibig ng inyong pagpalakpak sa Panginoon?   Glory to God!

Pinakita ng pag-awit mga angel kung paano ang tamang pagpupuri sa Diyos.  At ang awitin nila ay umalingawngaw sa buong universe.  Sabi ni John Wesley, “Kapag umaawit kayo, huwag kayong parang umaawit sa libing.”   Kasi po, buhay ang Diyos na inaawitan natin, hindi patay.

b. Pangalawa, naglalaman ang awitin ng ganitong lyrics, “Peace on earth and goodwill to men.”  Ang awitin nila ay nagdadala ng pag-asa ng kapayapaan sa mundong ito.  CHOIR. Huwag po kayong aawit ng sintunado sa simbahan. Mag practice po kayong mabuti.  Baka po sa kakapakinig sa inyo ng mga nagsisimba, mawalan sila ng pag-asa.

Ganito yung awit na may mensahe.  Nagdadala ito ng pag-asa, ng kapayapaan, ang kagalakan sa mga tao.

c. Pangatlo, pinagdugtong ng awitin ng mga angel ang langit at lupa.

Dahil ito ang Pasko - nagtagpo ang Diyos at tao.
Nagkita ang kadakilaan ng Diyos at ang dukhang kalagayan ng tao.
Nagsanib ang kalangitan at sangdaigdigan.
At naranasan ng mga pastol na kasama nila ang Diyos.
Ang Tugon  ng Mga Pastol sa Mensahe at Awit

Wika ng mga pastol, “Tara pumunta tayo sa Bethlehem.”

Ang Bethlehem ay halos walong kilometro mula sa kinaroroonan ng mga pastol.  Gumawa sila ng desisyon, upang hanapin ang bagong silang na Tagapagligtas.

Mahalaga ang paghahanap.

May mga naghahanap ng mga bagay na walang kabuluhan.
May naghahanap - yung mga KSP, kulang sa pansin, naghahanp sila ng pagpansin.
Ok lang na hanapin natin yung kulang sa ating buhay.

Pero ang mensahe ng angel, “Ipinanganak si Jesus para sa iyo - hanapin mo rin siya.”

  ________________________ 

8. 8. Biyaya Para kay Jose
     Mateo 1:18-25

Mabilis sumikat sa youtube ang awiting “Blessing” ni Laura Story.

'Cause what if your blessings come through raindrops
What if Your healing comes through tears
What if a thousand sleepless nights
are what it takes to know You're near
What if trials of this life are Your mercies in disguise

Tama ang awiting ito. May pagpapala ang Diyos na dumarating sa maskara (disguise) ng pagsubok, pero sila ay pagpapala.

Mercies in Disguise
Ang pagdating ng biyaya sa buhay ni Joseph ay halimbawa ng “mercies in disguise”.  Bago dumating ang kanilang kasal ni Mary, buntis si Mary, at hindi ito anak ni Joseph!

Sabi nga ng isang pastor, “Palabiro din ang Diyos.”  Halimbawa, noong ibalita ng mga angel na magkaka-anak si Sarah at Abraham, masyadong matanda na sila.  Kaya natawa si Sarah sa balita - “Ano ito? JOKE? Paano ako magkaka-anak sa tanda kong ito?”  At ang biyaya ng Diyos ay naranasan ng matandang Sarah, at siya ay nagka-anak.

TInatawag nating Mabuting Balita ang kapanganakan ng Panginoong Jesus, pero kay Joseph, ito ay dumating na masamang balita.  Hindi ito katanggap-tanggap na balita.

Sabi nga ng isang lalaking pinagtaksilan ng asawa, “Anak ng tokwa, ba’t ako pa!” Dahil inakala ni Joseph na taksil si Maria.

But God turned this bad news into good news for Joseph.

Alam ko na nakakaranas po tayo ng maraming badnews sa buhay. Pero, wait lang, manalangin po tayo. Naniniwala po ako na may magagandang bagay na ginagawa ng Diyos sa buhay natin.
Ang Biyaya ng Diyos Kay Joseph

Ang pagdating ng Diyos sa buhay ng sinumang tao ay blessing. Kahit ito pa ay sa anyo malaking responsibilidad.  Kahit ito ay sa anyo ng krus, ng pagsubok.  Kung ito ay panawagan ng Diyos upang tanggapin mo siya at paglingkuran.  Kung ito ang maglalapit sa iyo sa Diyos - kapatid, tanggapin mo ito!

Ang Documentary Film sa youtube, na “Sheep Among Wolves” ay kwento ng mga Kristiano sa bansang Iran.  SIla ay pinangungunahan ng mga babaeng pastor. Karamihan sa mga pastor ay pinagsasamantalahan upang masira ang kanilang loob at tumigil na sa pangangaral ng Slita ng Diyos sa mga Muslim.  Sa isang interview, tinanong ang isang pastora,

“Noong ikaw ay pagsamantalahan, ano ang sinabi mo sa Diyos?”

Sagot niya, “Panginoon, kung ito ang paraan upang maihandog ko ang aking sarili sa iyo, karangalan para sa akin ang maihandog ko ang sarili sa iyo.”

Lumalago ang iglesia sa Iran, at China at Russia, dahil sa pananatiling tapat ng mga Kristiano sa gitna ng mga pasakit.  Nakikita ng mga hindi Kristiano, na ang mga Kristiano sa kanilang bansa ay tunay na nagmamahal sa Panginoong Jesus. Pahirapan man sila o patayin, sila ay tapat sa Diyos. Ang pasya ni Joseph na tanggapin si Jesus ay kahihiyan sa mata ng iba, ngunit ito ay karangalan sa Diyos.

May mga naglilingkod sa Diyos na minamaliit at pinagtatawanan ng iba, ngunit ang mga ito ay krus na nagbibigay karangalan sa Panginoon.  Ang anumang sakrispisyo para sa Panginoon ay magbubunga ng tagumpay sa ministeryo ng Panginoon.

At ang Diyos ay makatuwiran.  Puputungan niya ng korona ang tagumpay ang mga dumanas ng kapighatian.  SIla ay pararangalan sa kaharian ng Diyos. Sabi ng Panginoon sa Revelatio 2:10, “Be faithful, even to the point of death, and I will give you the crown of life. “

Dahil sa pagtanggap ni Joseph sa Panginoong Jesus, tumanggap siya ng pagpapala na hindi naranasan ng iba;

1. Pinagpala si  Jose, dahil binigyan siya ng karangalang magbigay pangalan sa Diyos na nagkatawang tao. Siya ang binigyang karapatan ng Diyos  upang magbigay pangalan sa Panginoong Jesus.  Dahil dito, kinilala ang Panginoong Jesus, bilang anak ni David, ayon sa salinlahi ni Joseph (Mateo 1). Sabi sa Kawikaan 21:21, “He  who pursues righteousness and love finds life, prosperity and honor.“

2. Pinagpala si Jose, dahil naging instrumento siya sa pagpapalaki sa batang si Jesus.  Sa ganitong paraan, naging  instrumento siya  sa pagliligtas ng Diyos.  Naging kabahagi siya sa mga plano ng Diyos.

Maraming misyonero, pastor, deaconesa at laiko ang dumaranas ng mga pagsubok at kahirapan sa paglilingkod.  Ngunit dahil alam nilang sila ay ginagamit na instrumento ng Diyos sa kanyang pagliligtas, sila ay patuloy lamang sa pagsunod.  Ito ay isang pagpapala sa kanila.

3.  Pinagpala rin si Joseph dahil tinanggap niya si Maria bilang asawa. Pagpapala ang magkaroon ng asawang  masunurin sa Panginoon at may takot sa Diyos. Kaya kayong mga kabataan, manligaw kayo sa mga kapwa Metodista natin.  Maganda nga, hindi naman mananampalataya - sakit ng ulo yan.  Ikaw din, baka yang maganda na yan pa ang maglayo sa iyo sa Panginoon.  Humanap ka na lang Kristiano.

Pero sa totoo lang , malaking blessing kapag ang kasama mo sa buhay ay kasama mo rin sa paglilingkod sa Diyos.

Alam po ninyo, si John Wesey ay hindi naging masaya sa kanyang buhay  may-asawa.  Maliban sa  hindi sila nagka-anak ng asawa niya, ang asawa niya ay balakid sa kanyang  misyon.  Problema niya ang kanyang asawa sa paglilingkod sa Diyos.

Sa ating buhay, huwag sana nating palampasin ang mga pagpapalang ito.  Kung tayo ay tinatawagan ng Diyos na maglingkod sa kanya, kahit mahirap, sumunod po tayo. Siguradong pagpapala iyan kapatid.
Pagpapala Para sa Atin

Tlularn natin si Joseph upang tayo rin ay pagpalain ng Panginoon.  Gawin natin ang mga sumusnod:

1. Maging Faithful Katulad ni Joseph.

Mahirap man, kung ito ay malinaw na kalooban ng Diyos, maging tapat po tayo sa Panginoon.  Hindi po madali ang sumunod sa kalooban g Diyos.   Ang Panginoong Jesus mismo ang nagsabi,

“And anyone who does not carry his cross and follow me cannot be my disciple.” -  Luke 14:27

Tandaan, ang mga tawag ng Diyos ay dumarating sa anyo ng krus.

2. Second, maging Obedient katulad ni Joseph.

Kung faith without works is dead, obedience is the ebidence of faithfulness to God.  Sabi ng Panginoon Jesus, “If you love me, obey my commandments.”

3. Tanggapin natin si Jesus sa ating buhay.

Para matuloy ang Pasko sa buhay mo kapatid, siguraduhin mong tinanggap mo si Jesus.  Christmas without Christ is not Christmas.  Sabi ng ating talata,

24 When Joseph woke up, he did what the angel of the Lord had commanded him and took Mary home as his wife. 25 But he had no union with her until she gave birth to a son. And he gave him the name Jesus.
(Matt 1:24-25)


__________________________________


9. Biyaya Para kay Maria
     Lucas 1:26-38

Sa lahat ng tao sa lupa, tanging si Maria ang lubos na pinagpala.  Walang ibang taong pinarangalan ng Diyos ng higit kay Maria.  Ngunit, hindi ibig sabihin na dapat manalangin kay Maria o sa kanino pa mang santo.  Pinaparangalan natin si Maria bilang ina ng ating Panginoong Jesus, ngunit huwag tayong maging devoto sa kanya.  Huwag tayong yuyuko sa kanya.  Hindi siya kapantay ng Diyos.  Kahit ang mga angel ay tatanggi kung yuyukuran. Hindi sila papayag.   Sa Pahayag 22:8-9

“I, John, am the one who heard and saw these things. And when I had heard and seen them, I fell down to worship at the feet of the angel who had been showing them to me. 9 But he said to me, "Do not do it! I am a fellow servant with you and with your brothers the prophets and of all who keep the words of this book. Worship God!"

Kahit sa mga Sampung Utos, malinaw ang sabi, “Huwag kayong gagawa ng anumang larawang dinukit.  Huwag ninyo silang paglilingkuran o yuyukuran...”

Gayunman, ang halimbawa ni Maria ay ang pinakamabuting halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Ang pagtango niya sa angel Gabriel upang ipagbuntis ang Messias, ay kahandaan upang harapin ang kamatayan alang-alang sa kalooban ng Panginoon.  Sa kanyang pagbubuntis, maari siyang patayin ng sarili niyang pamilya. Ganito ang batas  nila ayon sa  nasusulat sa  Deut.17:7.

1. Pinagpala si Maria Dahil ang Diyos ay nasa kanya.

Hail Mary, full  of grace, the Lord is with you.

Dumadaloy ang biyaya ng Diyos sa mga taong  “sumasakanila ang Diyos”.   Si Elizabeth ay napuno sa Espiritu ng Diyos.  Ang mga alagad ay napuno ng Espiritu Santo (Gawa 2:4) gayun din si Pablo (Gawa 13:9), at iba pa.
Maging ang  mga alagad ay sinabihan ng Panginoonna maghintay upang mapuspos sila ng Banal na Espiritu (Gawa 1:8).  Dahil, “ang pinapatnubayan ng Banal na Espiritu ay mga anak ng Diyos” (Roma 8:14).

2. Pinagpala si Maria Dahil Instrumento Siya ng Diyos

Ang kanyang pagka-babae ay naging pagpapala ng maging ina siya ng Panginoong Jesus. Ang ating “usefulness” sa Diyos ay mahalaga pagdating sa paglilingkod sa ministeryo. Kapag nagagamit po tayo ng Diyos, nagiging pagpapala tayo habang tayo rin ay pinagpapala. Kahit biro lang po, kapag nasa misyon, ayaw kong kasama yung ayaw magpagamit sa Diyos. Nakakarami lang  sila at nakakasikip ng sasakyan. Tapos, malakas pang kumain sa meryenda.   Kung gusto mong maglingkod kapatid, magpagamit ka sa Diyos.

3. Pinagpala si Maria Naging Ina Siya ng Panginoong Jesus
   There is blessing in motherhood.

Hindi natin sinasabi na si Maria ay ina ng Diyos. Dahil hindi naman naging Diyos ang Panginoong Jesus dahil kay Maria. SIya ay naging tao  dahil sa pagbubuntis ni Maria.  Kaya si Maria ay ina ni Jesus sa pagkatao, at hindi sa pagka-diyos.

Ang pagiging ina ni Maria ay pagpapala sa kanya.  Kaya siya ay lubos na pinagpala sa lahat ng mga babae. Si Maria ay modelo ng Kristianong pananampalataya.  Siya ay ulirang babae, at ulirang ina.  SIya ang pinakamabuting halimbawa na mababasa Biblia kung paano maging masunurin sa Diyos, sapamamagitan ng paghahandog ng sarili sa Panginoon.

Tularan natin si Maria

1. Hilinging mapuspos tayo ng kadiyosan.  Hilingin ang Banal na Espiritu ang pupuspos sa atin (Luke 11:13)
2. Ihandog natin ang sarili, upang magamit ng Diyos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...