Martes, Nobyembre 13, 2018

Covenant Service (Tagalog)

*Pambungad na Panalangin (Lahat)

   O Diyos na naka-aalam sa nilalaman ng aming mga puso,  Tinipon mo kami upang maging iyong iglesia,   Sa aming paglapit, kinikilala namin ang Iyong kadakilaan at awa.  At kami ngayon ay makikipagtipan sa Iyo, bukas ang aming mga puso,   Saliksikin mo Panginoon ang aming buong pagkatao.

  Manguna ka Banal na Espiritu tungo sa katotohanan at tanggapin mo po kami at kaawaan, alang-alang kay Jesu-Cristo ang naghaharing Panginoon, kaisa ng Espiritu Santo,  iisang Diyos magpakailan pa man. Amen.

SAGUTANG PAGBASA - PASASALAMAT SA DIYOS

L:  Pasalamatan natin ang Diyos sa lahat ng kanyang kabutihan.

K: Aming Diyos, nakikipagtipan kami sa Iyo,
     ikaw ang aming Panginoon at Kaibigan.
     Naging mabuti po kayo sa amin sa mga nakalipas na taon.
     Pinasasalamatan ka namin sa iyong pag-ibig at pagkalinga.
     Pinupuri namin ang Iyong Banal na  pangalan, O aming Panginoon at Diyos.

L:  Ikaw ang nagbigay sa amin ng buhay
      at pag-asa inilagay mo po kami sa isang mundo
      na puno ng inyong kaluwalhatian.

K:  Binigyan mo po kami ng pamilya
      at mga kaibigan at pinagpala mo kami
      ng maraming kapatid at kasama.

L:  Pinupuno mo ang aming mga puso tuwing kami'y uhaw sa Iyo,
      at ikaw ang nagbibigay sa amin ng tunay na kapayapaan.

K:  Kayo ang aming Tagapagligtas, at tinawag mo kami sa isang banal
      at marangal na tungkulin upang maglingkod kay Jesu- Cristo,
      at maging bahagi ng kanyang katawan, ang iglesia.

L:  Ikaw ang liwanag namin sa kadiliman
     ang aming lakas sa kahinaan at mga pagsubok
     ang makasama ka ay ang aming tanging kaligayahan
     sa paggawa, ikaw ang aming kalakasan.

K:  Inaalala mo kami tuwing kami ay nakalilimot
     Hinahanap mo kami tuwing kami ay lumalayo sa 'Yo
     Sinasalubong mo kami na may pagpapatawad
     tuwing kami ay nagbabalik loob sa iyo.

Lahat: Sa lahat ng iyong kabutihan, pinupuri ka namin
at pinasasalamatan!

ANG AKING TIPAN SA DIYOS

Pastor

Mga kapatid sa Panginoon, ang buhay Kristiano ay pagkakaroon ng buhay na ligtas sa kasalanan at nakatalaga sa Diyos.  Sa pamamagitan ng bautismo,  pumasok na tayo sa isang bagong  uri ng pamumuhay.  Naging kabilang tayo sa katawan ni Jesu-Cristo. Tinatakan tayo ng kanyang dugo upang tayo ay manatili sa kanya,  kailan pa man.

Sa isang banda, nangako ang Diyos sa atin ng isang bagong buhay kay Cristo, ang pinagmulan at kaganapan ng ating pananampalataya. Sa kabilang banda, kinakailangan tayong mangako, at makipagtipan sa Diyos, na hindi na tayo mabubuhay para sa sarili natin kundi para sa Panginoon na lamang.  Dahil tanging ang Diyos ang  umibig at nag-alay ng buhay para sa atin.

    Ngayon, nagtitipon tayo upang makipagtipan sa Diyos.

Italaga ninyo ang inyong mga sarili  bilang alipin ni Cristo.

Ipagkaloob ninyo ang sarili sa kanya, upang lubusan niya kayong pagharian. Maraming gawain si Cristo-Jesus, ang iba'y magaan at ang iba'y marangal, at mayroon ding mabigat at puno ng pagtitiis.
Mayroong gawain ang Diyos na nagbibigay kaligayahan sa atin, at mayroon ding gawain na hihiling ng ating sakripisyo. May mga gawain para sa Diyos na magagawa lamang sa pamamagitan ng pagtalikod sa sarili.  Mahalaga kung gayon na maunawaan natin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging alipin ng Diyos. Lumapit kayo sa Diyos at manalangin.

Lahat:

   Panginoong Jesus, gawin mo akong alipin.  Susunod ako sa iyong mga utos at hindi na ako mabubuhay para sa aking sarili.  Tatalikuran ko ang aking sariling kagustuhan alang-alang sa Iyo Panginoon.

Pastor:

     Maging kuntento kayo at maging mapagpasalamat sa mga kaloob ng Diyos sa inyong buhay.

Lahat:

     Panginoon, gawin mo po ang nais mo para aking buhay. Inilalagay ko ang aking buong buhay sa iyong mga kamay. Sa paggawa man o sa kahirapan, sa karangalan o sa kahihiyan, sa kayamanan o kawalan.  Mapasa-akin man ang lahat ng bagay o mawala ang lahat sa akin.  Ang buong buhay ko ay sa iyo.

Pastor:

 Tagapagligtas lamang si Jesus ng mga naglilingkod sa kanya.

Ang kaloob niyang kaligtasan ay para lamang sa mga masunurin sa kanyang mga utos.
Panginoon lamang siya ng mga nagpapa-alipin sa kanya.
Ang tanging tinatanggap niya ay ang mga nagpapakumbaba sa kanyang harapan.

Makipagtipan kayo sa Diyos.  Isabuhay ninyo ang tipan na ito sa Panginoon.  Pakinggan ninyo ito-

Una, ipangako ninyo na magkakaroon kayo ng oras ng pakikipag-usap sa Diyos sa umaga at gabi.  Hilingin ninyo palagi ang pagtnubay ng Diyos, at hilinging kayo ay kanyang tanggapin.  At ayon sa tipan na ito, laging saliksikin ang iyong puso kung totoo ngang isinuko mo na ang iyong buhay sa Diyos.
Paka-isipin mo ang iyong mga nagawang kasalanan.
Pagbulayan mo ang mga banal na utos ng Diyos, na gaano man sila  kabigat, sinusunod mo ba ang mga ito ng buong kaligayahan sa tulong ng Espiritu?   Siguraduhin na hindi ka nagsisinungaling ngayon sa harapan ng Diyos.

Pangalawa, laging maging seryoso at tapat sa pakikiharap sa Diyos, sa diwa ng kanyang kabanalan at malalim na paggalang.

Pangatlo, tanggapin mo ang tipan ng Diyos sa iyo. Magtiwala ka lamang sa mga pangako at kaawaan ng Diyos upang magkaroon ka ng kalakasang tuparin ang mga ito.  Huwag kang magtitiwala sa sarili mong kabutihan at lakas.

Pang-apat, mangako na magiging tapat ka sa Diyos. Ipinagkaloob mo na sa Diyos ang iyong puso, bumigkas na tayo ng pangako sa kanya.  Nakatalaga na tayo sa Panginoon.  Ang patnubay ng Diyos ay sumasainyo, huwag na kayong babalik sa pagkakasala!

Maging handa kayo sa pagbigkas ng pangako sa Diyos ngayon. Buksan ninyo para sa Diyos ang inyong mga puso at manalangin.

PANALANGIN NG TIPAN

Lahat:

O banal na Diyos, alang-alang kay Jesu-Cristo na Iyong Anak, nagpapakumbaba po ako sa iyo.  Patawarin mo po ako sa aking mga pagkakasala.  Yamang ikaw ay nangako na magiging maawain ka kung magbabalik loob ako sa iyo ng buong puso.

Pastor  

Inuutusan kayo ng Diyos na alisin sa inyong buhay ang mga diyus-diyusan (anumang bagay na pinapahalagaan ninyo ng higit sa Diyos) .

Lahat:

Panginoong Jesus, buong puso kong iwinawaksi ang mga ito, at nakikipagtipan ako na hindi ko papayagang maghari sa aking buhay ang kasalanan. Noon Panginoon, tinalikuran kita at gumawa ako ng mga bagay na labag sa Iyo.  Ngayong ikaw ay nasa buhay ko, hindi na ako papayag na malayo pang muli sa iyo. Wala po akong maipagmamalaking kabutihan, wala po akong mukhang ihaharap sa inyo dahil sa aking mga kasalanan.

Pastor

Sa pamamagitan ni Cristo, ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang
sarili para sa Iyo.

Lahat:

Saksi ko ang langit at lupa, Ikaw ang aking Panginoon at Diyos. Tinatanggap kita Ama, Anak at Espiritu Santo at nangangako ako na iyo ang aking buhay, puso at lakas bilang iyong alipin, maglilingkod ako sa kabanalan at katuwiran habang ako ay nabubuhay.

Pastor 

Ipinagkaloob ng Diyos si Jesus upang maging tanging Daan tungo sa Diyos.

Lahat: 

Panginoong Diyos, tinatanggap ko si Jesus bilang tanging Daan at nakikipagtipan ako sa Kanya. Panginoong Jesus, lumalapit po ako sa inyo, hamak na isang makasalanan.  Hindi nga po ako karapat-dapat na makasalo sa iyong mga lingkod.  Tinatanggap kita at tinatalikuran ko na ang aking karumihan.

Tinatalikuran ko ang aking sariling karunungan, ikaw ang aking magiging gabay. Tinatalikuran ko ang aking sariling kagustuhan, ikaw ang masusunod sa aking buhay.

Pastor: 

Tinatawagan tayo ng Diyos na sumunod kay Jesus.

Lahat: 

Susunod ako sa iyo, Jesus, ito ang aking tipan. Ayon sa iyong kaawaan, ako ay nangangako na sa buhay man o kamatayan, hindi ako hihiwalay sa Iyo at sa Iyong iglesia.
Pastor:
Ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang mga Banal na Utos bilang tuntunin ng inyong buhay.

Lahat: 

Karangalan ang sumunod sa iyo, O Panginoon.  Ang iyong mga utos ay banal, matuwid at mabuti.  Tinatanggap ko ang mga ito bilang tuntunin ng aking buhay at hindi ako lilimot sa aking mga tungkulin. Panginoong Diyos, alam mo na  ginagawa ko ang Tipan na ito ng walang pagkukunwari.

Kung mayroon man, O Diyos tulungan mo akong ituwid ang aking sarili.

At ngayon,

Purihin ka O Amang Diyos!
Mula ngayon ikaw ang aking magiging Ama at Panginoon!

Purihin ka Diyos Anak!
minahal mo ako ng lubos at hinugasan sa aking mga kasalanan
at ngayon, Ikaw ang aking Panginoon at Tagapagligtas!

Purihin ka Diyos Espiritu Santo!
Na dahil sa iyong kapangyarihan, tinawag mo ako
mula sa kasalanan tungo sa Diyos.
Dakilang Diyos, Makapangyarihan sa lahat,

Ama, Anak, at Banal na Espiritu,
Ikaw ang aking Banal na Kaibigan,
Nakikipagtipan ako sa iyo bilang iyong lingkod,
Mangyari nawa ang tipan na ito sa lupa
at kikilalanin sa kalangitan. Amen!

_______________________________
Pangalan at Lagda



(Gawin ang kasunduang ito hindi lamang sa iyong puso, kundi sa salita.  Hindi lamang sa salita kundi sa paglagda. Ng buong paggalang, gawin itong tipan sa Diyos.  Lagdaan at sinupin. Gamitin ito bilang katibayan ng iyong pakikipagkasundo sa Diyos, at bilang inspirasyon upang magkaroon ng kalakasan sa mga pagsubok.)  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...