Biyernes, Hunyo 9, 2017

Trinity Sunday 2017

LINGGO NG SANTA TRINIDAD
June 11, 2017 •  2 Corinthians 13:11-13  •  Mateo 28:19

Layunin: Upang maunawaan kung ano ang mga persona o pagpapahayag ng iisang Diyos bilang Ama, Anak at Espiritu Santo ayon sa Biblia at pagtunghay sa kasaysayan at tradisyong Kristiano.

Aralin:  Ang Tatlong Persona ng Diyos

Ang Trinity ay madalas pinagtatalunan, mula noon hangga ngayon.  May mga Kristiano na nagtuturo na iisa lamang ang persona ng Diyos, sila ay tinatawag na Unitarians.  May mga hindi kumikilala sa pagka-diyos ni Jesu-Cristo.

Pag-araalan natin ang sinasabi ng Biblia.

Ang Diyos ay iisa.

Mababasa sa maraming talata sa Biblia na iisa lamang ang Diyos. Halimbawa, sa Isaias 44:6,
“Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin.
Ang Diyos ay walang katulad.  Siya ay nag-iisa ayon sa Deut. 6:4,
“Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.”
Tulad din ng nasasaad sa Juan 17:3, “ Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo.”
Ang doktrina ng paniniwala sa iisang Diyos ay tinatawag na monotheismo (mono - sa  Latin, ibig sabihin ay isa).  May tatlong relihiyon na nagpapahayag nito, ang Kristianismo, mga Judio at ang Islam.  Ngunit Kristianismo lamang ang nagsasabing may Tatlong Persona ang iisang Diyos.

Ang Trinity - o Tatlong Persona ng Diyos

Ang Diyos ay may isang sangkap ng pagka-diyos (English essence, Greek ousia)) subalit may tatlong pagpapakilala o persona (hypostasis sa Griego).  Bilang Ama, Anak at Espiritu Santo. Ang pahayag ng Biblia na angAma ay Diyos, si Jesus ay Diyos at ang Espiritu ay Diyos, siyang ang pangunahing batayan ng Trinity. Dahil ang Ama, Espiritu at Anak ay isang Diyos ngunit magka-iba ng persona.
Maingat itong inaral at binalangkas ng iglesia sa Nicaea.  Ang Nicene Creed ay sinulat noong taong 325, sa pagpupulong ng mga Obispo ng iglesia sa pangunguna ni Alexander, upang salungatin ang turo ni Arius, na nagsabing ang Ama at Anak ay hindi pantay sa pagka-Diyos. 

May mga talata na bumabanggit sa Trinity, halimbawa;

a. Mateo 28:19, binabanggit ang tatlong persona ng isang Diyos.
b. 2 Cor. 1:21-22
c. Efeso 4:4-6

Patuloy nating aralin natin ito ayon sa Biblia;

1.  Ang Diyos ay tinawag ni Jesus na Ama.

a.  Juan 14:16,

“Dadalangin ako sa Ama, upang kayo’y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman.”

b. Mateo 6:9, 

Ganito kayo mananalangin,”Ama naming nasa langit,sambahin nawa ang iyong pangalan.”

Ang Diyos ay Ama, dahil siya ang Lumikha, at ang lahat ng buhay ay sa kanya  nanggaling.  Ito ay malinaw sa Biblia at sa balangkas ng Pananampalatayang Nicea (Nicene Creed),
“Sumasampalataya ako sa iisang Diyos, ang Amang makapangyarihan, Lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita.” (I believe in one God, the Father Almighty, Maker of heaven and earth, and of all things visible and invisible.)

2. Ang Anak ay Diyos.

Dito madalas sumalungat ang mga bulaang relihiyon na nagsasabing hindi raw Diyos si Cristo Jesus, dahil ayon daw sa Juan 17:3, ang Diyos ay iisa, at si Jesus ay ang sinugo ng Diyos. Ang sinugo at Diyos ay mag-kaiba. Ngunit ano pa nga ba ang sinasabi ng Biblia?

a. Colosas 1:15, “Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita.” at sa Col. 1:19, “Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak.”

b. Juan 8:24 at 28.
24kaya sinabi ko sa inyong mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y Ako Nga’, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.”

v28Kaya’t sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako’y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi,

Ang pangalang :Ako ay Ako Nga” ay pangalan ng Diyos ayon sa Exodo 3:v14Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga.b Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’.”

Ito ang dahilan kung bakit nasabi ng mga Judio na nagpapanggap na Diyos si Jesus,

“33Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama’t tao ka lamang.”

c. Malinaw na sinasabi ng biblia na dapat sambahin si Jesus.

Samantalang walang dapat sambahin kundi ang Diyos lamang. ayon sa Exodo 20:3.

Pangalawa, hindi binabahagi ng Diyos sa iba ang kanyang karangalan. Mababasa ito sa Isaias 42:8,

“Ako si Yahweh; ‘yan ang aking pangalan; walang makakaangkin ng aking karangalan; ang papuri’y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.”

Samantala, malinaw na sinasabi sa Filipos 2:10, v10Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.”

d. Paano naging Diyos si Cristo, samantalang siya ay tao?

Patuloy pa ng Filipos 2:10, “Kahit siya’y likas at tunay na Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. vSa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin.”

Ayon pa sa Juan 1:14, “Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.”

Malinaw na si Jesus ay ang persona ng Diyos, na nagkatawang tao. Sinasabi pa ng Panginoong Jesus tungkol sa kanyang sarili,

 • Juan 10:30, “Ako at ang Ama ay iisa.” 

 • Juan 1:18, “Kailanma’y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama”.

•  Juan 14:9, “Sumagot si Jesus, “Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo’y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’?

3. Ang Espiritu Santo ay Diyos

Ang pangatlong persona o ay ang Espiritu Santo.  Bago umakyat ang Panginoong Jesus sa langit pabalik sa Ama, nangako siya na susuguin niya ang Espiritu Santo.  Sino siya?

a.  Siya ang Espiritu ng Panginoong Jesus.  Ayon sa 2 Corinto 8:6, “Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan.”

b. Siya ang Espiritu ng Ama, at ng Anak ayon sa Roma 8:9,  ‘   ‘
“Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon.”

c. Siya ay walanghanggan (Heb. 9:14), nasa lahat ng dako (Awit 139:7-10), at sinasamba (Juan 4:24).

Iisang Diyos sa Tatlong Persona.  Siya ang tunay na Diyos na sinasamba at hinahandugan ng pagsamba at buhay.

Pangwakawas, mula sa 2Cor.14:13, “Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo.”

Ang Trinity ay katotohanan tungkol sa pagliligtas ng Diyos.

a. Upang maligtas tayo mula sa kasalanan, nakihalubilo ang Diyos sa kalagayan ng tao.  Siya ay naging "kasama natin".  Hindi nanatiling hiwalay ang Diyos sa tao.

b. Pangalawa, ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng sarili.  Sa simula, pinagkaloob ng Diyos ang kanyang hininga, upang ang tao ay magkaroon ng buhay.  Pangalawa, pinagkaloob ng Diyos ang kanyang buhay bilang Anak, para sa ating katubusan.  Pangatlo, ibinigay niya ang kanyang Espiritu, upang maging tatak ng ating kaligtasan. Purihin ang Diyos!


Biyernes, Hunyo 2, 2017

Pentecost Sunday 2017


Gospel Reading: John 14:8-17 (25-27)

May isang pastor na nadestino sa isang iglesia at salamat at may isang kotse ang iglesia na pinapagamit sa mga nakadestinong pastor dito. Ngunit ang kotse ay lubhang luma na at ayaw ng mag 'start'. Hirap ang pastor dahil tuwing pa-aandarin niya ang nasabing kotse, kailangan niya ang magtutulak dito.

Ngunit dahil matalino ang pastor, gumawa siya ng paraan. Tuwing mag-park siya o kaya'y titigil, naghahanap siya ng parking area na pababa, o kaya'y iniiwan niyang umaandar ang kotse. Ito ay ginawa niya sa loob ng dalawang taon sa destino, at hindi na niya naging problema ang pagpapaandar sa kotse.

Dumating ang Annual Conference at nalipat ang nakadestinong pastor. Para hindi mahirapan ang kanyang kapalit, sinabi niya sa dumating na pastor ang problema ng kotse at ang 'madaling solusyon' niya para hindi na maging problema ang pagpapaandar.

Agad-agad, ang bagong pastor ay nagpunta sa harapan ng kotse at binuksan niya ang 'hood'. At may ikinabit siyang isang natanggal na kordon sa kuryente ng kotse. Pagkatapos ng ilang sandali, sumakay sa kotse ang bagong pastor at pinaandar niya ang kotse at--umaandar ito ng maayos. Mula noon, hindi na kailangang itulak ang kotse.

Sa loob ng dalawang taon, naroon lang pala ang lakas ng kotse upang umandar ito ng maayos. Tulad ng iglesia, ang 'power' source nito ay maayos. Hindi pala ito kailangang itulak dahil mayroon itong sapat na lakas upang umandar! Maari itong umandar ng maayos, dahil ang lakas at kapangyarihan ng iglesia ay nasa Banal na Espiritu na laging nandiyan lamang.

Ang Pentecostes

Ang Araw na ito ay pagdiriwang natin ng pagdating ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya. Hindi lamang sa mga naunang mananampalatya kundi pati sa mga mananampalataya sa kasalukuyan at sa mga papalit sa atin.

Ano ang Pentecoste?

Ang Pentecoste ay dating pinagdiriwang ng Judio bilang isang 'harvest' festival (Exodus 23:16 o kaya ay Day of the First Fruits   (Hebrew, Yom ha-Bikkurim, mababasa sa Numbers 28:26). Ngunit noong ipinagkaloob ng Diyos ang mga Kautusan kay Moises at sa Israel, ang pagdiriwang ay naging tungkol na sa bagong pakikipagtipan ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga Kautusan sa Bundok Sinai. Ito rin ay tinatawag na festival of Weeks.

At ayon sa mga Judio, maging sa ating panahon (modern Jewish Encyclopedia), naniniwala ang mga Judio na noong ibigay ng Diyos kay Moises ang mga Kautusan, ito ay kasabay ng pagkakaloob ng Espiritu ng Diyos at ipinagkaloob ito hindi lamang sa isang wika (language) kundi sa pamamagitan ng pitumpung wika (70 languages)!

1. Ang Pentecostes ay Katuparan ng Pangako ng Diyos

Ibig sabihin mga kapatid, ang pagdating ng Banal na Espiritu sa mga tagasunod ng Panginoong Jesus ay katuparan ng Lumang Tipan mula pa sa panahon ni Moises. At kung paanong binigyan ng kapangyarihan ang mga Judio noong una upang sakupin ang Lupang Pangako, binibigyan din ng Panginoon ng kapangyarihan ang mga Kristiano upang ipahayag ang Mabuting Balita sa iba't ibang wika!

Mga kapatid, ang dating Diyos ng mga Judio, ang tunay na Diyos na mula pa noong una na nagkakaloob ng tunay na kapangyarihan sa mga mananampalataya ay siya pa ring Diyos na magpapalakas sa atin. Amen po ba?!

Ayon sa ating binasa, sa Juan 14:8-17, 25-27, ang pangakong ito ng Panginoong Jesus ay nagpapatunay ng dating pangako ng Diyos, at ito ay magkakaroon ng katuparan sa ating mga Kristiano sa ating panahon.

2. Ang Pentecostes ay Pagkakaloob ng Kapangyarihang Mula sa Diyos

Ang mga unang alagad ay dumaan sa mga nakakasindak na karanasan. Ang bagsik ng pagpaparusa sa krus na nagbubunga ng tiyak na kamatayan ay ang pangunahin sa mga kinatakutan ng mga unang Kristiano. Sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus, binigyan ang mga alagad ng kapayapaan. Sa kanilang kalungkutan, pinagkalooban sila ng Panginoon ng kalagakan.
Ngunit bago umakyat ng langit ang Panginoon, inutusan sila na "gawing alagad ng Panginoong Jesus ang lahat ng tao'. Kabilang sa kanilang mimisyunan ang mga pumapatay ng mga Kristiano. At hindi natin masisisi ang mga alagad kung babalik ulit yung takot na dati nilang naranasan sa pagpaparusa ng kanilang kapwa Judio at ng mga Romano.

Maging sa panahon natin, maraming Kristiano ang walang 'confidence to share', walang 'confidence to preach'. Marami ang mayroong kakayanan at talento, pero wala silang lakas loob na gawin ang kaya nilang gawin, kaya wala silang nagagawa.

Upang magawa nila ang misyon na ito, kailangan nila ang kapangyarihan na mula sa itaas. Pakinggan po ninyo ang paliwanang ni Apostol Pablo tungkol sa kapangyarihang ito sa Efeso 1:18-20,

"Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon 20 ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan."

Ang kapangyarihan ding ito na nagpalakas sa unang iglesia ang ating kalakasan sa ating panahon. Mapagtatagumpayan po natin ang anumang balakid. Mapagtatagumpayan po natin anumang pagsubok. Dahil kasama natin ang Espiritu ng ating Panginoon.

3. Ang Pentecostes ay Panahon ng Pag-aani at Panahon ng Pagsakop

Walang nagbago mula pa sa Lumang Tipan. Ang Pentecoste ay hudyat ng Diyos sa ating mga Kristiano na handa na ang pag-aani. Kaya nga sabi ng Panginoon, marami ang aaniin ngunit kaunti ang mag-aani. Ito ay hudyat upang magdiwang dahil marami ang bunga, ngunit hudyat din ito upang kumilos tayo para hindi masira ang mga naghihintay na bunga! Mga kaluluwang naghihintay sa pagliligtas ng Diyos!

Hudyat ito ng pagsakop ng Panginoong Jesus sa puso ng mga tao. Sabi ng Panginoon, "All the power is given upon me!" Gawin nating alagad ni Cristo ang lahat ng tao. Pero sinasabi natin, "Hindi natin makakaya!" Totoo po iyon, hindi natin makakaya sa ganang ating kakayanan. Hindi natin ito magagawa gamit ang ating sariling talino. Ngunit kasama natin ang Diyos!

Sa pangunguna ng Banal na Espiritu, may lakas po tayo upang mabago natin ang sanlibutan. We can transform the world, if the Holy Spirit is truly with us.

Si Colin Chapman ay may kwento sa kanyang aklat na "The Case for Christianity", tungkol kay Obispo Festo Kivengere, ng Uganda. Nangyari ito noong 1973, ng parusahan ng kamatayan ang tatlong miembro ng kanyang nasasakupang distrito.

Ang petsa ay February 10, 1973, sa Kabale, Uganda. May tatlong libong mamamayan na nakasaksi sa pangyayari. Takot ang bumabalot sa damdamin ng mga tao. Ibinaba sa sasakyan ang tatlong miembro ng simbahan, sila ay hinatulan ng kamatayan. Nakiusap ang obispo na kung maari niyang makausap ang tatlong Kristiano na itinuring na salarin.

Sa harapan ng mga biktima, hindi halos malaman ng obispo ang sasabihin. Awang-awa siya sa kanyang mga miembro. Ngunit ng alisin ang takip nila sa ulo, naladtad ang mga ngiti ng tatlong lalaking haharap sa kamatayan. At nagsalita ang isa sa kanila,

"Obispo, salamat po sa pagdating ninyo, ibinigay ko na po sa Panginoon ang aking buhay. Pkisabi sa aking pamilya na makikita ko na si Jesus. Pakisabi sa kanila na tanggapin din nila si Jesus sa kanilang buhay."

Ang gayun din ang patotoo ng dalawa pa.

Pinatay pagkatapos ang tatlo sa pamamagitan ng pagbaril.

Susunod na Linggo sa pananambahan, isinalaysay ng pari ang patotoo ng tatlong pinaslang. Umagos ang luha sa mga mata ng mga nagsisimba. Lahat ay nagbukas ng puso para sa Panginoon. Nakaramdam ng tagumpay ang Obispo. Hindi takot, hindi pagluluksa---tagumpay dahil kasama nila ang Diyos sa oras na iyon. Purihin ang Diyos! Amen! 

Sermon: Panawagan Upang Sumunod Kay Jesus

(Ang Halimbawa ni Martha at Maria) July 21, 2019 - Luke 10:38-42 41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at a...